Mga Naglalakbay na Tagapangasiwa—Kamanggagawa sa Katotohanan
Mga Naglalakbay na Tagapangasiwa—Kamanggagawa sa Katotohanan
Sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, mayroong naglalakbay na mga tagapangasiwa na dumadalaw sa mga kongregasyon upang magpatibay sa kanila. Kanilang itinalaga ang sarili, hindi naghangad ng personal na pakinabang, upang kanilang matulungan yaong mga nasa kongregasyon para patuloy na lumakad na karapatdapat sa Diyos.—Gawa 11:23, 24; 14:21, 22; 15:32; 20:2, 31-35; Filipos 2:20-22, 29; 1 Tesalonica 2:5-12.
Sa ngayon ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nakikinabang din sa naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ang mga lalaking ito ay may maraming taon na karanasan sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova at bilang mga tagapangasiwa. Sila’y huminto sa kanilang paghahanap-buhay at pansambahayang mga pananagutan upang kanilang maihandog ang sarili nila sa buong panahong ministeryo. Para sa mga may asawa, karaniwan nang ang mga asawang babae ay nakikibahagi rin nang buong panahon sa ministeryo kasama ng kani-kanilang asawa.
Ang isang pansirkitong tagapangasiwa ay inaatasan na mangalaga sa isang sirkito na may mga 18 hanggang 25 kongregasyon. Kaniyang dinadalaw ang bawa’t kongregasyon sa sirkito makalawa isang taon at pagkatapos ng dalawa o tatlong taon ay inaatasan siya na maglingkod sa ibang sirkito. Kaya naman ang mga kongregasyon ay nakikinabang sa sari-saring karanasan at kakayahan ng iba’t ibang tagapangasiwa ng sirkito.
Sinusuri ng tagapangasiwa ng sirkito ang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon at ng gawain nito. Siya’y nagbibigay ng ilang mga pahayag sa kongregasyon at kaniyang pinupulong ang matatanda at ministeryal na mga lingkod upang pag-usapan kung papaano nila mapasusulong pa ang kanilang paglilingkod sa kongregasyon.
Sa sanlinggong dalaw siya at ang kaniyang asawa, kung siya’y may asawa, ay sumasama sa lokal na mga Saksi, at tinutulungan sila na mapahusay pa ang kanilang ministeryo sa pagbabahay-bahay. Siya at ang kaniyang asawa ay dumadalaw din sa mga baguhang interesado upang patibayin sila sa pananampalataya. Maaari mong hilingin na ikaw ay dalawin din.
Ang pandistritong tagapangasiwa ay mayroon ding nahahawig na mga kuwalipikasyong espirituwal at mga karanasan. Siya’y naglalakbay at dumadalaw sa mga sirkito, naglilingkod bawa’t linggo sa mga asambleang pansirkito. Siya at ang kaniyang
asawa ay nakikibahagi rin sa ministeryo sa larangan kasama ng mga Saksi sa isa sa mga kongregasyon ng sirkito na kaniyang dinadalaw. Kaniyang pinamamanihalaan ang pangwakas na paghahanda ng programa sa pansirkitong asamblea at nagbibigay ng ilang mga pahayag sa panahon ng asamblea, kasali na ang pahayag pangmadla.Pagka natapos na ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang kanilang pagdalaw sa isang kongregasyon o isang sirkito, sila’y magpapatuloy ng pagdalaw sa iba, na sinusunod ang ganoon ding iskedyul, hanggang sa ang lahat ng kongregasyon o sirkito ay madalaw sa loob ng mga anim na buwan; pagkatapos ay nagsisimula na naman sila sa una.
Sa maraming bansa ang naglalakbay na tagapangasiwa ay gumagamit ng kotse o ng transportasyong pampubliko. Sa mga ibang bansa sila’y gumagamit ng bisikleta o naglalakad. Ang Society ang tumutustos sa gastos sa transportasyon ng naglalakbay na tagapangasiwa, at siya at ang kaniyang asawa ay binibigyan din ng munting reimbursement para sa kanilang personal na pangangailangan. Karaniwan nang ang naglalakbay na tagapangasiwa at ang kaniyang asawa ay pinaglalaanan ng matutuluyan at ng pagkain ng mga miyembro ng bawa’t kongregasyon.
Sa paglilingkod na ito ay kailangan ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang kani-kanilang asawa ay desidido na maglingkod sa mga kongregasyon nang hindi pinabibigatan sa gastos ang mga ito.—1 Tesalonica 2:9.
● Ano ba ang layunin ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
● Paanong ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ngayon ay naging kuwalipikado at naaaring gamitin para sa ministeryong ito?
● Isaysay ang paglilingkod ng mga tagapangasiwang pansirkito at pandistrito at kung paano sila namumuhay.
[Larawan sa pahina 20]
Nagpapahayag sa isang asambleang pansirkito ang isang tagapangasiwa ng distrito
[Mga larawan sa pahina 21]
Mga pansirkitong tagapangasiwa na nagbibigay ng instruksiyon sa pangangaral sa bahay-bahay, nakikipag-usap sa matatanda sa kongregasyon, dumadalaw sa pag-aaral ng Bibliya kasama ng baguhang mga interesado, nagpapahayag sa kongregasyon