Mga Pulong Para sa Pag-uudyukan sa Pag-iibigan at Mabubuting Gawa
Mga Pulong Para sa Pag-uudyukan sa Pag-iibigan at Mabubuting Gawa
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagtitipon, kadalasan sa pribadong mga tahanan, upang tumanggap ng turo at magtamasa ng nagpapatibay na pagsasamahan. Sa ngayon, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagtitipon tatlong beses isang linggo. Ikaw ay inaanyayahan na dumalo sa alinman sa mga pulong na ito. Ang kanilang mga pulong ay hindi isang rituwal, kundi nakatuon iyon sa maka-Diyos na edukasyon. Ang mga pulong ng kongregasyon ay pinasisimulan at tinatapos sa awit at panalangin. Ang pagdalo ay libre, at doo’y walang kolekta.—Gawa 4:23-31; 14:22; 15:32, 35; Roma 16:5; Colosas 4:15.
Marahil ang unang pulong na madadaluhan mo ay ang 45-minutong pahayag pangmadla, tungkol sa mga turo ng Bibliya, sa hula, o payo tungkol sa pamumuhay Kristiyano. Pagkatapos ng pahayag na ito, mayroong pag-aaral ng Bibliya, at doo’y ginagamit ang isang artikulo sa Ang Bantayan na talagang dinisenyo para sa pag-aaral sa kongregasyon. Ganito ang pag-aaral: Binabasa ang parapo sa Ang Bantayan, pagkatapos ay babasahin ng konduktor ang mga tanong sa materyal upang yaong mga ibig magkomento ay magboluntaryong sumagot pagkatapos magtaas ng kanilang kamay. Karaniwan nang sa bawa’t parapo ay maraming nagkukomento. Ang pulong ay tumatagal ng isang oras.
Sa linggo ring iyon, dalawa pang 45-minutong pulong ang ginaganap. Ang isa ay ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Dito’y nagsasanay kung paano magtitipon ng materyal sa mga paksa sa Bibliya at ituturo iyon nang mabisa. Pagkatapos ng 21 minutong pantanging instruksiyon, ang mga estudyante na inatasan nang patiuna ay nagbibigay ng maiikling presentasyon. Pagkatapos ng bawa’t presentasyon, ang instruktor ng paaralan ay nagpapayo at ipinakikita kung paano maaaring sumulong pa ang estudyante. May mga aklat-aralan na inihanda para gamitin sa paaralang ito. Ang mga regular na dumadalo sa mga pulong ay maaaring magpatala, nguni’t kailangan lamang na sila ay namumuhay nang naaayon sa mga simulaing Kristiyano.
Ang kasunod na pulong ay tinatawag na Pulong sa Paglilingkod. Ito ay may tatlo o apat na bahagi na may kinalaman sa paghaharap ng mabuting balita sa bahay-bahay kasali na rin ang iba pang mga pitak ng ministeryo. Ang mga bahaging
ito ay inihaharap bilang mga pahayag, pagtalakay, o pagtatanghal, at may kasamang pakikibahagi ng mga tagapakinig. Ang kalakhan ng programa ay nakasalig sa materyal na nasa Ating Ministeryo sa Kaharian, isang apat-na-pahinang lathalain na inilalabas buwan-buwan ng Watch Tower Society.Ang iba pang pulong ay isang lingguhang pag-aaral na ginaganap sa mas maliliit na grupo, karaniwan nang sa mga pribadong tahanan sa buong teritoryo ng kongregasyon. Ang pag-aaral ay nakasalig sa Bibliya at sa isang kamakailang aklat na lathala ng Society. Yamang mas maliit ang grupo, lalong mainam ang pagkakataon para lahat ay makibahagi sa pag-aaral, at may mainam na pagkakataon din para lahat ng dumadalo ay lalong higit na magkakila-kilala.
Karamihan ng kongregasyon ay nagdaraos ng kanilang mga pulong sa isang Kingdom Hall na itinayo ng mga Saksi ni Jehova. Ang gastos ay tinutustusan ng kusang-loob na mga abuloy ng mga Saksi mismo, at ang gawain ay ginagawa ng boluntaryong mga manggagawa nang libre. Sa lahat ng pulong ay mayroong mga kahong-abuluyan para sa mga ibig mag-abuloy.
Ang mga pulong ng kongregasyon ay tumutulong sa mga Saksi ni Jehova na sundin ang payo sa Hebreo 10:24, 25: “Sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit ng palapit ang araw.”
● Anong mga katangian ng sinaunang mga pulong Kristiyano ang makikita sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
● Banggitin kung ano ang tinatalakay sa limang pulong na idinaraos nang regular ng mga Saksi.
● Paanong nagkaroon ng mga bulwagan para sa mga pulong?
[Mga larawan sa pahina 14]
Hinirang na matanda na nagkukondukta ng Pag-aaral sa Bantayan, Estados Unidos
Pag-aaral sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, Faeroe Islands
Panggrupong pag-aaral sa pribadong tahanan, Yap
Kingdom Hall, New Braunfels, Texas, E.U.A., na itinayo sa loob ng dalawang araw ng mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 15]
Mga Kingdom Hall sa iba’t ibang bansa
Hapon
Australia
Austria
Espanya