Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapastol sa Kawan ng Diyos sa Pagkakaisa

Pagpapastol sa Kawan ng Diyos sa Pagkakaisa

Pagpapastol sa Kawan ng Diyos sa Pagkakaisa

May mga ilang nagtatanong: ‘Paano ba pinamamahalaan ang pandaigdig na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova?’ Ang sagot namin: Ang tagapamahalang kaayusan ay sumusunod sa kaayusan ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.

Noong 1870’s si Charles T. Russell at ang kaniyang mga kasama ay nagkusa ng pagpapalaganap ng resulta ng kanilang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng mga pahayag at mga nilimbag na babasahín. Sa buong bansa, yaong mga nakikisama sa gawaing ito ay kay Russell at sa kaniyang matalik na mga kasama tumingin bilang lupon ng mga lalaki na may pinakamalalawak na karanasan sa pagsasagawa ng gawain ng Panginoon at mula sa mga ito makakahingi sila ng payo tungkol sa kanilang mga aktibidades.

Noong 1884 ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay binuo na isang korporasyon sa ilalim ng mga batas ng Commonwealth ng Pennsylvania. Si Russell at ang kaniyang responsableng mga kasama ang pangunahing may bahagi sa pamamanihala sa Samahan na ito at pati na rin sa mga aktibidades ng mga Bible Students. Noong 1909 ang kanilang punong-tanggapan ay inilipat nila sa Brooklyn, New York. Sa lumakad na mga taon ang mga direktor ng Watch Tower Society at ang iba pang mga kasamang kuwalipikado sa espirituwal, na pinahirang mga lalaki ay naglilingkod bilang isang lupong tagapamahala para sa mga Saksi ni Jehova.

Ang Lupong Tagapamahala ay binubuo ng isang grupo ng pinahirang mga lalaking Kristiyano (13 noong 1986), kasali na ang 7 na naglilingkod sa lupon ng mga direktor ng Watch Tower Society. Ang mga ito ang nangungulo sa pandaigdig na aktibidades ng mga Saksi ni Jehova. Sila’y hindi kinasihan ng Diyos at sa gayo’y hindi naman sakdal, subali’t sila’y umaasa sa di-nagkakamaling Salita ng Diyos bilang ang kataastaasang awtoridad sa lupa, at panghabangbuhay ang pagpapasakop nila sa kalooban ng Diyos. Bawa’t isa ay may rekord na mahigit na 40 taon sa buong-panahong ministeryo kaisa ng mga Saksi ni Jehova.

Ang Lupong Tagapamahala ang namamanihala sa inilalathala ng Society. Ang nakasulat ay nakasalig sa obserbasyon sa espirituwal na pangangailangan ng kawan at resulta ng may lakip-panalangin at puspusan na pag-aaral at pagsasaliksik sa Salita ng Diyos. Habang ang mga lalaking ito ay patuloy na nag-aaral ng Bibliya at nauobserbahan nila ang pasulong na katuparan ng mga layunin ng Diyos, ang katuparan ng hula sa mga pangyayari sa daigdig, at ang kalagayan ng bayan ng Diyos sa daigdig, paminsan-minsan ay nakikita nila na kailangang gumawa ng pagbabago sa unawa sa mga ilang turo. Kaya, ang kaalaman sa katotohanan ay nagiging lalong malawak.​—Awit 97:11; Kawikaan 4:18; Daniel 12:4.

Ang Lupong Tagapamahala ay humirang ng isang Komiteng Pansangay ng tatlo o higit pang kuwalipikado sa espirituwal na mga lalaki sa bawa’t isa sa mahigit na 90 mga sangay sa buong lupa upang mamanihala sa mga aktibidades sa mahigit na 200 mga bansa at kapuluan. Ang mga sangay ay nakikipagtalastasan sa mga kongregasyon na nasa ilalim ng kanilang pamamanihala. Mayroong regular na komunikasyon ang Lupong Tagapamahala at ang mga Komiteng Pansangay, at ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay personal na dumadalaw sa maraming sangay taun-taon upang makita nila ang mga kalagayan doon.

Ang mga lalaking ito ay hindi mga panginoon ng mga sumasampalataya kundi mga ministro na nagpapagal upang marami pang iba ang matuto ng tungkol sa Salita ng Diyos. Sila’y hindi naglilingkod para kumita ng salapi, nguni’t ang kanilang materyal na pangangailangan ay pinaglalaanan gaya ng lahat ng iba pang mga miyembro ng pamilyang Bethel. Ang patotoo na sila’y naglilingkod nang tapat ay makikita sa sigasig, pagkakaisa, mataas na mga pamantayang-asal, at katapatan sa mga turo ng Bibliya na ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.—1 Corinto 3:5-9; 4:1, 2; 2 Corinto 1:24; 3:1-3; 1 Pedro 5:2, 3.

● Ano ang umiral na kaayusan sa pamamahala?

● Sino ang naglilingkod bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ngayon, at ano ang kanilang mga responsabilidad?

● Paano pinamamahalaan ang gawain sa mga ibang bansa?

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga lugar na kung saan ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kalooban ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 26]

Mga dating presidente ng Watch Tower Society

Si C. T. Russell, 1884-1916

Si J. F. Rutherford, 1916-1942

Si N. H. Knorr, 1942-1977

Si F. W. Franz, 1977-1992

[Mga larawan sa pahina 27]

Ang ilan sa mahigit na 90 mga tanggapang sangay na sa pamamagitan nito ang pandaigdig na mga aktibidades ng mga Saksi ni Jehova ay pinamamanihalaan

Canada

Zambia

Alemanya

Hapon

Australia

Brazil