Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagsasayá at Pagpupuri sa Diyos sa mga Asamblea

Pagsasayá at Pagpupuri sa Diyos sa mga Asamblea

Pagsasayá at Pagpupuri sa Diyos sa mga Asamblea

Mula sa maagang mga taon ng 1880’s natalos ng mga Bible Students na, bukod sa lokal na mga pulong, makabubuti rin na makilala nila ang kanilang mga kapananampalataya buhat sa mga ibang lugar. Kaya’t sila’y nagsaayos ng taun-taóng mga kombensiyon ng mga Bible Students sa buong Estados Unidos, at nang magtagal pati na rin sa Canada. Ito’y mga panahon ng espirituwal na kaginhawahan; sa loob ng mga ilang araw ay may puspusang pagtuturo ng Bibliya, at lahat ay nakikibahagi sa nakalulugod na pagpapalitan ng pampatibay-loob. Ang pagbabawtismo sa mga bagong mananampalataya ay naging isang regular na bahagi ng mga kombensiyon. Ginagamit din ang mga kombensiyon para magbigay ng lalong malawak na patotoo sa publiko.​—Roma 1:11, 12.

Sa ngayon ang mga Saksi ni Jehova ay may regular na mga asamblea. Karaniwan na 18 hanggang 25 mga kongregasyon ang sama-sama sa tinatawag na mga sirkito, na dinadalaw, o pinaglilingkuran, ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Makalawa isang taon, nagsasaayos ng mga asamblea na kung saan ang mga kongregasyon sa isang sirkito, o bahagi ng sirkitong iyon, ay nagtitipon kung Sabado at/o Linggo.

Minsan isang taon, mas malalaking tatlo- o apat-na-araw na mga kombensiyon, tinatawag na mga kombensiyong pandistrito, ang isinasaayos sa bawa’t bansa, na kung saan libu-libo ang nagtitipon sa isang lugar. Ang mga kombensiyong ito ay mga espirituwal na pampatibay para sa mga Saksi ni Jehova at iba pang mga taong interesado sa kanilang gawain, at nagsisilbing pangmadlang patotoo.

Ang programa para sa mga asamblea at mga kombensiyong ito ay inihahanda ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at salig sa mga pangangailangan ng mga Saksi sa buong daigdig. Ang mga bahagi nito ay mga pahayag, pagtalakay ng mga paksa, at tunay-na-karanasang mga presentasyon na tinatawag na mga demonstrasyon, na ang may bahagi’y mga naglalakbay na tagapangasiwa at kuwalipikadong mga Saksi buhat sa mga kongregasyon. Mayroon ding mga naglalahad ng karanasan tungkol sa kung paano nila napagtatagumpayan ang hamon ng pamumuhay bilang mga Kristiyano sa isang daigdig na walang Diyos o tungkol sa mga resulta sa kanilang ministeryo. Sa mga kombensiyong pandistrito ay mayroong karagdagang bahagi​—mga drama sa Bibliya o yaong mga iniaangkop sa modernong mga kalagayan, nagtatanghal kung paanong hinaharap ng mga Kristiyano ang mga problema na nakaharap sa kanila ngayon.

Mayroon din dito na mga pagkain at mga pampalamig na makukuha. Kaya naman sila’y masayang nakikihalubilo sa isa’t isa pagka walang mga sesyon. Lahat ng trabahong kailangan sa mga pagtitipong ito ay boluntaryong mga Saksi ni Jehova ang gumagawa. Ang gastos sa paggamit ng mga pasilidad at ang iba pang mga gastusin ay tinutustusan ng kusang-loob na mga abuloy. Libre ang pagdalo, at wala roong kolekta.

Maaari ninyong alamin buhat sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova kung kailan at kung saan nakatakdang ganapin ang mga pagtitipong ito sa inyong lugar. Magbibigay din ng impormasyon tungkol sa anumang kaayusan sa paglalakbay, at kung paano makapagsasaayos ng mga maaaring tuluyan.

Ang mga asamblea at mga kombensiyong ito ay tumutulong sa mga Saksi ni Jehova at lahat ng umuugnay sa kanila na makita ang higit pa bukod sa kanilang lokal na kongregasyon at maunawaan na sila’y bahagi ng buong samahan ng kanilang mga kapatid sa daigdig.​—1 Pedro 2:17.

● Anong mga pakinabang ang nakamit sa kanilang mga kombensiyon ng mga unang Bible Students?

● Ilahad ang tungkol sa kaayusan at programa para sa mga asambleang pansirkito at mga kombensiyong pandistrito.

[Mga larawan sa pahina 18]

Drama sa Bibliya sa kombensiyong pandistrito, Estados Unidos

Internasyonal na kombensiyon, Poland

Internasyonal na kombensiyon, Argentina

Asambleang pansirkito, Hapon

Mga delegado na kumukuha ng literatura, Switzerland

Bawtismo sa kombensiyong pandaigdig, Timog Aprika

Paglalabas ng bagong publikasyon sa Bibliya, Canada

Mga delegado sa kombensiyon na umaawit, Espanya