Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinag-uusig Dahil sa Katuwiran

Pinag-uusig Dahil sa Katuwiran

Pinag-uusig Dahil sa Katuwiran

Marahil nababalitaan ninyo sa mga kaibigan at mga kamag-anak na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaroon ng suliranin sa pakikitungo sa batas, na sila’y ibinabawal ng mga ilang gobyerno, o sila’y masasamang tao. Bakit nga mayroong ganitong salungat na usap-usapan tungkol sa kanila?

Ito’y hindi dahil sa ang mga Saksi ay walang-galang sa batas kundi dahil sa sumusunod sila sa yapak ni Jesus. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sila’y sisiraan ng mga tao, pag-uusigin sila, at magsasalita ng kasinungalingan at ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa kanila. Ito’y dahilan sa ang pangunahing mananalansang sa Diyos, si Satanas, ang diyos ng sanlibutang ito, at ibig niyang italikod ang lahat ng tao sa paglilingkod sa Diyos.—Mateo 5:10-12; 10:16-22, 34-39; 24:9, 10; Juan 15:17–16:3; 2 Timoteo 3:12; 1 Pedro 5:8; Apocalipsis 12:17.

Nang ang mga apostol ay arestuhin at dalhin sa hukuman, ito’y hindi dahil sa sila’y mga kriminal, mga taong mararahas, o mga sedisyonista. Sila’y dinakip sapagka’t sila’y nangangaral ng mabuting balita. Nang ang kaniyang kaso ay ipaghabol ni apostol Pablo sa matataas na hukuman, iyon ay upang ipagtanggol at itatag sa legal na paraan ang karapatan ng mga Kristiyano na mangaral ng mabuting balita.​—Gawa 4:18-20; 5:28-32; Filipos 1:7.

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay masunurin-sa-batas na mga Kristiyano na nagbabayad ng kanilang buwis at gumagalang sa mga nasa tungkulin. Kanilang ibinibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos. Kung sakaling may suliranin sila sa pakikitungo sa kaninumang pinuno ng pamahalaan, ito’y dahil sa ang kanilang pangangaral ay hindi kinikilala ng pamahalaan o dahilan sa kanilang pagkaneutral sa mga pamamalakad ng mga bansa. Subali’t dito ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang tumulad sa mga apostol, na nagsabi: “Susundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.”​—Gawa 5:29; Marcos 12:17; Juan 18:36; Tito 3:1, 2.

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kusang humahanap ng pag-uusig kundi mas ibig nila ang tahimik at mapayapang buhay. Gayunman, kung dahil sa kanilang pagsunod sa kautusan ng Diyos at sa halimbawa ni Jesu-Kristo sila’y pinag-uusig, sila’y natutuwang magtiis niyaon.​—Mateo 5:10-12; Gawa 5:40, 41; 1 Corinto 4:12; 1 Timoteo 2:2; 1 Pedro 3:14, 15; 4:12-16.

● Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay sinisiraan at pinag-uusig?

● Bakit kung minsan ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaroon ng suliranin sa pakikitungo sa mga pinuno ng pamahalaan, gaya ng naranasan ng mga apostol ni Kristo?

● Ano ang pagkamalas ng mga lingkod ni Jehova sa pag-uusig?

[Mga larawan sa pahina 29]

Si Jesus ay iniharap kay Pilato at si apostol Pablo ay ibinilanggo dahilan sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos