Ang Kanilang Makabagong Pagsulong at Paglago
Ang Kanilang Makabagong Pagsulong at Paglago
ANG makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay nagsimula mahigit na sandaang taon na ang nakalilipas. Noong kaagahan ng mga taóng 1870, isang medyo di-kapansin-pansing grupo sa pag-aaral ng Bibliya ang nagsimula sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A., na bahagi ngayon ng Pittsburgh. Si Charles Taze Russell ang namuno sa grupong iyon. Noong Hulyo 1879, lumabas ang unang isyu ng magasing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Pagsapit ng 1880, maraming kongregasyon mula sa isang maliit na pag-aaral na iyon ng Bibliya ang lumaganap sa karatig na mga estado. Noong 1881 ay itinatag ang Zion’s Watch Tower Tract Society, at noong 1884 ay ipinatala ito bilang isang korporasyon, na si Russell ang presidente. Nang maglaon, ang pangalan ng Samahan ay pinalitan ng Watch Tower Bible and Tract Society. Marami ang nagpapatotoo sa bahay-bahay kasabay ng pag-aalok ng mga literatura sa Bibliya. Limampu katao ang gumagawa nito nang buong panahon noong 1888—sa ngayon ang katamtamang bilang nila sa buong daigdig ay humigit-kumulang 700,000.
Pagsapit ng 1909, naging internasyonal na ang gawain, at ang punong-tanggapan ng Samahan ay inilipat sa kinaroroonan nito ngayon sa Brooklyn, New York. Ang nakalimbag na mga sermon ay inilathala sa mga pahayagan, at noong 1913 ang mga ito’y nasa apat na wika na sa libu-libong pahayagan sa Estados Unidos, Canada, at Europa. Daan-daang milyong mga aklat, buklet, at mga tract ang naipamahagi.
Noong 1912, pinasimulan ang paggawa ng “Photo-Drama of Creation.” Sa pamamagitan ng mga slide at pelikulang may tunog, sinaklaw nito ang mula sa paglalang ng lupa hanggang sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Nagpasimula ang pagpapalabas noong 1914, na may 35,000 ang nanonood araw-araw. Ito ang kauna-unahang pelikulang may tunog.
ANG TAÓNG 1914
Nalalapit na ang isang napakahalagang panahon. Noong 1876, isinulat ng estudyante sa Bibliya na si Charles Taze Russell ang artikulong “Panahon ng mga Gentil: Kailan Ito Magwawakas?” sa Bible Examiner, na inilathala sa Brooklyn, New York, na nagsabi sa pahina 27 ng isyu nito ng Oktubre, “Ang pitong panahon ay magwawakas sa A.D. 1914.” Ang Panahon ng mga Gentil ay ang panahong Lucas 21:24) Hindi lahat ng inaasahang mangyayari noong 1914 ay nangyari nga, subalit naging tanda naman ito ng wakas ng Panahon ng mga Gentil at naging isang taon na may pantanging kahulugan. Sumasang-ayon ang maraming istoryador at mga komentarista na ang 1914 ay isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng tao. Inilalarawan ito ng sumusunod na mga pagsipi:
tinutukoy sa ibang salin ng Bibliya bilang “ang mga takdang panahon ng mga bansa.” (“Ang kahuli-hulihang ganap na ‘normal’ na taon sa kasaysayan ay ang 1913, ang taon bago magsimula ang Digmaang Pandaigdig I.”—Editoryal sa Times-Herald, Washington, D.C., Marso 13, 1949.
“Ang 75-taóng yugto mula 1914 hanggang 1989, na sumasaklaw sa dalawang digmaang pandaigdig at sa cold war ay higit at higit na nakikita ng mga istoryador bilang nag-iisa, naiibang panahon, isang pambihirang yugto ng panahon na ang kalakhang bahagi ng daigdig ay nagdidigmaan, bumabangon mula sa digmaan o naghahanda para sa pakikidigma.”—The New York Times, Mayo 7, 1995.
“Ang buong daigdig ay talagang sumabog may kinalaman sa Digmaang Pandaigdig l at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natin alam kung bakit. Bago noon, inakala ng mga tao na ang sukdulang kaligayahan ay natatanaw na. Naroroon ang kapayapaan at kasaganaan. Pagkatapos ay sumabog ang lahat. Tayo’y nasa isang halos patay na kalagayan mula noon. . . Mas maraming tao ang napatay sa siglong ito kaysa sa lahat ng nagdaang kasaysayan.”— Dr. Walker Percy, American Medical News, Nobyembre 21, 1977.
Mahigit na 50 taon makalipas ang 1914, sumulat ang Alemang estadista na si Konrad Adenauer: “Ang katiwasayan at katahimikan ay naglaho na sa buhay ng mga tao simula noong 1914.”—The West Parker, Cleveland, Ohio, Enero 20, 1966.
Ang unang presidente ng Samahan, si C. T. Russell, ay namatay noong 1916 at hinalinhan ni Joseph F. Rutherford noong sumunod na taon. Nagkaroon ng maraming pagbabago. Ipinakilala ang magasing katambal ng Ang Bantayan na tinawag na The Golden Age. (Ngayo’y tinatawag na Gumising!, na may sirkulasyon na mahigit sa 20,000,000 sa mahigit na 80 wika.) Binigyan ng higit na kahalagahan ang pagpapatotoo sa bahay-bahay. Upang mapaiba sila sa mga denominasyon ng Sangkakristiyanuhan, tinanggap ng mga Kristiyanong ito ang pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931. Ang pangalang ito ay salig sa Isaias 43:10-12.
Malawakang ginamit ang radyo noong mga dekada ng 1920 at 1930. Pagsapit ng 1933, ang Samahan ay gumagamit na ng 403 istasyon ng radyo upang isahimpapawid ang mga lektiyur sa Bibliya. Nang maglaon, ang paggamit ng radyo ay halos napalitan na ng pinag-ibayong pagdalaw ng mga Saksi sa bahay-bahay dala ang mga bitbiting ponograpo at isinaplakang mga pahayag sa Bibliya.
Pinasimulan ang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa sinumang nagpapakita ng interes sa katotohanan ng Bibliya.MGA TAGUMPAY SA HUKUMAN
Noong mga dekada ng 1930 at 1940, maraming Saksi ang inaresto dahil sa gawaing ito, at ipinaglaban ang mga kaso sa hukuman upang maingatan ang kalayaan sa pagsasalita, pamamahayag, pagtitipon, at pagsamba. Sa Estados Unidos, ang mga pag-apela mula sa mabababang hukuman ay nagbunga ng pagkapanalo ng mga Saksi sa 43 kaso sa Korte Suprema ng Estados Unidos. Sa katulad na paraan, natamo ang kasiya-siyang mga hatol mula sa matataas na hukuman sa ibang lupain. May kinalaman sa mga tagumpay na ito sa hukuman, ganito ang sinabi ni Propesor C. S. Braden tungkol sa mga Saksi, sa kaniyang aklat na These Also Believe: “Sila’y nagsagawa ng isang pantanging paglilingkod para sa demokrasya sa pamamagitan ng kanilang pakikipaglaban upang maingatan ang kanilang mga karapatang sibil, sapagkat sa kanilang pagpupunyagi, malaki ang nagawa nila upang makamit ang mga karapatang iyon para sa bawat grupong minorya sa Amerika.”
MGA PROGRAMA NG PANTANGING PAGSASANAY
Namatay si J. F. Rutherford noong 1942 at si N. H. Knorr ang pumalit sa kaniya sa pagkapresidente. Nagsimula ang nagkakaisang
programa ng pagsasanay. Noong 1943, itinatag ang isang pantanging paaralan sa pagsasanay para sa mga misyonero, na tinawag na Watchtower Bible School of Gilead. Mula noon patuloy, ang mga nagtatapos sa paaralang ito ay ipinadadala sa mga lupain sa buong lupa. Lumitaw ang mga bagong kongregasyon sa mga bansang dati’y wala nito, at ang mga sangay na naitatag na sa buong daigdig ay mahigit sa 100 na ngayon. Sa pana-panahon, may mga pantanging kurso na itinatatag para sa pagsasanay sa matatanda sa kongregasyon, mga boluntaryong manggagawa sa mga sangay, at yaong mga nakikibahagi nang buong-panahon (bilang mga payunir) sa gawaing pagpapatotoo. Maraming pantanging uri ng pag-aaral para sa mga ministro ang inilalaan sa sentro ng edukasyon na isinasagawa sa Patterson, New York.Namatay si N. H. Knorr noong 1977. Isa sa huling pagbabagong ginawa sa organisasyon na doo’y nakabahagi siya bago mamatay ay ang pagpapalaki sa bilang ng Lupong Tagapamahala, na nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn. Noong 1976, hinati-hati ang mga pananagutang administratibo at iniatas sa iba’t ibang komite na binubuo ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, na pawang may maraming dekada nang karanasan bilang mga ministro.
LUMAWAK ANG MGA IMPRENTAHAN
Ang makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay punung-puno ng mahahalagang pangyayari. Mula sa isang maliit na pag-aaral ng Bibliya sa Pennsylvania noong 1870, ang mga Saksi ay dumami hanggang mga 90,000 kongregasyon sa buong daigdig pagsapit ng taóng 2000. Sa pasimula, lahat ng literatura ay iniimprenta ng komersiyal na mga kompanya; pagkatapos, noong 1920, ang mga Saksi ay gumawa ng ilang literatura sa inuupahang mga gusali ng pagawaan. Subalit mula noong 1927 patuloy, higit pang literatura ang ginawa sa walong-palapag na gusaling pagawaan sa Brooklyn, New York, na pag-aari ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Ito’y lalo pang lumawak ngayon sa pagkakaroon ng iba pang mga gusali ng pagawaan at mga opisina. May karagdagan pang mga gusaling malapit sa Brooklyn upang tirahan ng mga ministro na nagboboluntaryong magpatakbo ng mga pasilidad sa paglalathala. Karagdagan pa rito, isang pinagsamang taniman at palimbagan ang pinangangasiwaan malapit sa Wallkill, sa gawing hilaga ng New York. Dito iniimprenta ang mga magasing Bantayan at Gumising! at nanggagaling ang ilang pagkain para sa mga ministrong naglilingkod sa iba’t ibang lugar. Bawat boluntaryong manggagawa ay tumatanggap ng kaunting reimbursement buwan-buwan upang mapagtakpan ang karaniwang mga gastusin.
INTERNASYONAL NA MGA KOMBENSIYON
Noong 1893, ginanap ang kauna-unahang malaking kombensiyon sa Chicago, Illinois, E.U.A. Dinaluhan ito ng 360, at 70 baguhan ang nabautismuhan. Ang pinakahuli at nag-iisang malaking internasyonal na kombensiyon ay ginanap sa New York City noong 1958. Ginamit nito kapuwa ang Yankee Stadium at ang Polo Grounds na dating naroroon. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 253,922; ang mga baguhang nabautismuhan ay may bilang na 7,136. Mula noon ang internasyonal na mga kombensiyon ay ginaganap bilang isang serye sa maraming bansa. Lahat-lahat, ang gayong mga serye ay maaaring umabot sa sanlibong kombensiyon sa mga lupain sa buong globo.
[Blurb sa pahina 8]
Isang pantanging paglilingkod para sa mga kalayaang sibil
[Larawan sa pahina 6]
“Ang Bantayan,” mula sa 6,000 sa iisang wika tungo sa mahigit na 22,000,000 sa mahigit na 132 wika
[Larawan sa pahina 7]
Isang malaking pagbabago sa kasaysayan ng tao
[Buong-pahinang larawan sa pahina 10]