Mga Paraang Ginagamit Nila Upang Ibahagi ang Mabuting Balita
Mga Paraang Ginagamit Nila Upang Ibahagi ang Mabuting Balita
ANG mga Kristiyano ay pinag-utusang “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” subalit hindi ito nangangahulugan na sila’y mamimilit o puwersahang mangungumberte ng iba. Ang atas ni Jesus ay ang “maghayag ng mabuting balita sa maaamo,” “bigkisan ang may pusong wasak,” “aliwin ang lahat ng nagdadalamhati.” (Mateo 28:19; Isaias 61:1, 2; Lucas 4:18, 19) Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na gawin ito sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita mula sa Bibliya. Gaya ni propeta Ezekiel noon, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon na hanapin ang mga “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa.”—Ezekiel 9:4.
Ang pinakamainam na paraang ginagamit nila upang masumpungan ang mga binabagabag ng kasalukuyang mga kalagayan ay ang pagbabahay-bahay. Sa gayon ay gumagawa sila ng positibong pagsisikap na maabot ang mga tao, gaya ng ginawa ni Jesus nang ‘maglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.’ Gayundin ang ginawa ng kaniyang sinaunang mga alagad. (Lucas 8:1; 9:1-6; 10:1-9) Sa ngayon, hangga’t maaari, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na makadalaw sa bawat tahanan nang maraming ulit sa isang taon, anupat pinagsisikapang makausap ang may-bahay sa loob ng ilang minuto tungkol sa isang lokal o pandaigdig na paksang gusto nila o ikinababahala nila. Maaaring magsaalang-alang ng isa o dalawang teksto, at kapag nagpakita ng interes ang may-bahay, maaaring isaayos ng Saksi na dumalaw muli sa isang kombinyenteng panahon para sa higit pang pakikipagtalakayan. May makukuhang mga Bibliya at literaturang nagpapaliwanag sa Bibliya, at kung nais ng may-bahay, isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idaraos nang walang bayad. Milyun-milyon sa nakatutulong na pag-aaral na ito sa Bibliya ang regular na idinaraos sa mga indibiduwal at mga pamilya sa buong daigdig.
Ang isa pang paraan ng pagsasabi sa iba ng “mabuting balita ng kaharian” ay sa pamamagitan ng mga pulong na ginaganap sa lokal na mga Kingdom Hall. Ang mga Saksi ay nagdaraos ng mga pulong doon linggu-linggo. Ang isang pulong ay ang pahayag pangmadla tungkol sa isang napapanahong paksa, na sinusundan ng pag-aaral tungkol sa isang tema o hula sa Bibliya, na ginagamit ang magasing Bantayan bilang mapagkukunang materyal. Ang isa pang pulong ay
ang paaralan para sa pagsasanay sa mga Saksi upang maging mas mahuhusay na tagapaghayag ng mabuting balita, na sinusundan ng isang bahaging nauukol sa pagtalakay sa gawaing pagpapatotoo sa lokal na teritoryo. Gayundin, ang mga Saksi ay nagtitipon sa maliliit na grupo, sa mga pribadong bahay minsan sa isang linggo, para sa mga pag-aaral sa Bibliya.Ang lahat ng mga pulong na ito ay bukás sa madla. Hindi kailanman nangingilak ng salapi. Kapaki-pakinabang para sa lahat ang gayong mga pulong. Sinasabi ng Bibliya: “Dapat nating makita kung paano natin pinakamabuting mapupukaw ang iba sa pag-ibig at aktibong kabaitan, na huwag lumayo sa ating mga pulong, gaya ng ginagawa ng iba, kundi sa halip ay pinasisigla ang isa’t isa, lalo na sapagkat nakikita ninyo na nalalapit na ang Araw.” Kailangan ang sarilinang pag-aaral at pagsasaliksik, subalit ang pakikipagtipon ay nakapagpapasigla: “Kung paanong napatatalas ng bakal ang bakal, gayundin napatatalas ng isang tao ang isip ng iba.”—Hebreo 10:24, 25; Kawikaan 27:17, The New English Bible.
Sinasamantala rin ng mga Saksi ang mga pagkakataon na masabi ang mabuting balita sa mga taong nakakasalamuha nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Maaaring ito’y isang maikling pakikipag-usap sa isang kapitbahay o sa isang kapuwa naglalakbay sa bus o eroplano, isang mas mahabang pakikipag-usap sa isang kaibigan o kamag-anak, o pakikipagtalakayan sa isang kamanggagawa sa oras ng tanghalian. Ang karamihan sa pagpapatotoong ginawa ni Jesus nang siya’y naririto sa lupa ay sa ganitong paraan—habang siya’y naglalakad sa tabing-dagat, nakaupo sa gilid ng burol, nakikikain sa isang tahanan, dumadalo sa kasalan, o naglalayag sa isang bangkang pangisda sa Dagat ng Galilea. Nagturo siya sa mga sinagoga at sa templo sa Jerusalem. Saanman siya naroroon, nakasusumpong siya ng mga pagkakataon na ipakipag-usap ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap ding sumunod sa kaniyang mga yapak sa bagay na ito.—1 Pedro 2:21.
PANGANGARAL SA PAMAMAGITAN NG HALIMBAWA
Hindi magiging makabuluhan para sa iyo ang alinman sa mga pamamaraang ito ng pagsasabi ng mabuting balita kung ang mismong nagsasabi nito ay hindi nagkakapit ng mga turo sa kaniyang sarili. Ang pagsasabi ng isang bagay at pagkilos nang taliwas dito ay pagpapaimbabaw, at ang pagpapaimbabaw ng mga relihiyon ang nagtaboy sa milyun-milyon upang lumayo sa Bibliya. Hindi dapat sisihin ang Bibliya. Taglay ng mga eskriba at mga Pariseo ang Hebreong Kasulatan, subalit tinuligsa sila ni Jesus bilang mga mapagpaimbabaw. Binanggit niya ang kanilang pagbabasa mula sa Kautusan ni Moises, pagkatapos ay idinagdag niya sa kaniyang mga alagad: “Lahat ng mga bagay na sinasabi nila sa inyo ay gawin ninyo at tuparin, ngunit huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa, sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.” (Mateo 23:3) Ang pagiging uliran ng isang Kristiyano sa matuwid na pamumuhay ay higit na nakakakumbinsi kaysa sa maraming oras ng pagsesermon. Binanggit ito sa mga Kristiyanong asawang babae na may di-sumasampalatayang asawa: “Mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi.”—1 Pedro 3:1, 2.
Kaya nga, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na irekomenda sa iba ang mabuting balita sa paraan ding ito: sa pamamagitan ng pagiging uliran sa Kristiyanong paggawi na inirerekomenda nila sa iba. Sinisikap nilang ‘gawin sa iba ang ibig nilang gawin ng iba sa kanila.’ (Mateo 7:12) Sinisikap nilang maging ganito sa lahat ng tao, hindi lamang sa kanilang kapuwa mga Saksi, kaibigan, kapitbahay, o kamag-anak. Dahil sa pagiging di-sakdal, hindi sila siyento-porsiyentong laging nagtatagumpay. Subalit hangarin ng kanilang puso na gumawa ng mabuti sa lahat ng tao hindi lamang sa pagsasabi sa kanila ng mabuting balita ng Kaharian kundi sa pamamagitan din ng pagtulong sa kanila hangga’t maaari.—Santiago 2:14-17.
[Larawan sa pahina 19]
Hawaii
[Larawan sa pahina 19]
Venezuela
[Larawan sa pahina 19]
Yugoslavia
[Mga larawan sa pahina 20]
Ang mga Kingdom Hall, na praktikal ang disenyo, ay mga dako para sa talakayan sa Bibliya
[Mga larawan sa pahina 21]
Sa kanilang buhay pampamilya at pakikisalamuha sa iba, taimtim na nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na isagawa ang mga bagay na ipinangangaral nila