Mga Tanong na Madalas Ibangon ng mga Interesadong Tao
Mga Tanong na Madalas Ibangon ng mga Interesadong Tao
Kung ang Diyos ay pag-ibig, bakit niya pinahihintulutan ang kabalakyutan?
PINAHIHINTULUTAN nga ng Diyos ang kabalakyutan, at milyun-milyon sa lupa ang sadyang gumagawa nito. Halimbawa, sila’y nagdedeklara ng mga pakikidigma, nagbabagsak ng mga bomba sa mga bata, nagwawasak ng lupa, at lumilikha ng mga taggutom. Milyun-milyon ang naninigarilyo at nagkakaroon ng kanser sa bagà, nangangalunya at nagkakaroon ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, nagpapakalabis sa alak at nagkakaroon ng cirrhosis sa atay, at iba pa. Talagang ayaw ng mga taong ito na matapos ang lahat ng kabalakyutan. Ang kabayaran lamang nito ang nais nilang maalis. Kapag inaani na nila ang kanilang itinanim, sila’y dumaraing, “Bakit ako?” At sinisisi nila ang Diyos, gaya ng sabi sa Kawikaan 19:3: “Ang sariling kahibangan ng tao ang sumisira sa kaniyang buhay, at pagkatapos ay naghihinanakit siya sa PANGINOON.” (The New English Bible) At kapag pinatigil naman ng Diyos ang kanilang masamang gawain, nagrereklamo sila sa pagkawala ng kanilang kalayaang gawin iyon!
Ang pangunahing dahilan ni Jehova sa pagpapahintulot sa kasamaan ay upang masagot ang hamon ni Satanas. Sinabi ni Satanas na Diyablo na hindi makapaglalagay ang Diyos ng mga tao sa lupa na magtatapat sa Kaniya sa ilalim ng pagsubok. (Job 1:6-12; 2:1-10) Pinahihintulutan ni Jehova na manatili si Satanas upang bigyan ng pagkakataong patunayan ang kaniyang hamon. (Exodo 9:16) Nagpapatuloy ngayon si Satanas na magdulot ng kaabahan, italikod ang mga tao laban sa Diyos, habang pinatutunayan niya ang kaniyang hamon. (Apocalipsis 12:12) Subalit nanatiling tapat si Job. Gayundin si Jesus. Ganiyan din ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon.—Job 27:5; 31:6; Mateo 4:1-11; 1 Pedro 1:6, 7.
Nais ko sanang maniwala sa isang paraiso sa lupa na titirahan ng mga tao magpakailanman, pero hindi kaya napakaganda niyan para magkatotoo?
Hindi ayon sa Bibliya. Wari ngang napakaganda para magkatotoo dahil pawang kasamaan lamang ang nalalaman ng sangkatauhan sa loob ng maraming siglo. Nilalang ni Jehova ang lupa at sinabi sa sangkatauhan na punuin ito ng matuwid na mga lalaki at babae na mangangalaga sa buhay halaman at hayop nito at magpapanatili sa kagandahan nito sa halip na sirain ito. (Tingnan ang pahina 12 at 17.) Sa halip na sabihing napakaganda para magkatotoo ang pangakong iyan ng Paraiso, ang kasalukuyang masaklap na kalagayan ay napakasama na para magpatuloy pa. Papalitan ito ng Paraiso.
Paano ko sasagutin ang mga taong nanunuya at nagsasabi na ang Bibliya raw ay isang alamat at di-makasiyensiya?
Ang pananampalataya sa mga pangakong ito ay hindi basta pagiging mapaniwalain. “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang karunungan nito ay nakikita at ang pananampalataya ay lumalago.—Tinitiyak ng Biblikal na arkeolohiya ang pagiging wasto ng karamihan ng kasaysayan sa Bibliya. Ang tunay na siyensiya ay kasuwato ng Bibliya. Ang sumusunod na mga katotohanan ay malaon nang nasa Bibliya bago pa man matuklasan ang mga ito ng sekular na mga iskolar: ang sunud-sunod na mga yugto na pinagdaanan ng lupa bago ito mabuo, na ang lupa ay bilog, na ito’y nakabitin sa kalawakan sa wala, at na ang mga ibon ay nandarayuhan.—Genesis, kabanata 1; Isaias 40:22; Job 26:7; Jeremias 8:7.
Ang pagiging kinasihan ng Bibliya ay nakikita sa pamamagitan ng natupad na mga hula. Patiunang inihula ni Daniel ang pagbangon at pagbagsak ng mga pandaigdig na kapangyarihan, gayundin ang panahon ng pagdating at pagkamatay ng Mesiyas. (Daniel, kabanata 2, 8; 9:24-27) Sa ngayon ay may iba pang mga hulang natutupad, anupat ipinakikilala ang mga ito bilang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5; Mateo, kabanata 24) Ang gayong patiunang-kaalaman ay hindi abot ng kakayahan ng tao. (Isaias 41:23) Para sa higit pang pagpapatunay, tingnan ang mga aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at Is There a Creator Who Cares About You?, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society.
Paano ko matututuhang sagutin ang mga tanong sa Bibliya?
Dapat mong pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito, kasabay ng paghiling ng espiritu ng Diyos upang patnubayan ka. (Kawikaan 15:28; Lucas 11:9-13) “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan,” sinasabi ng Bibliya, “patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Gayundin, may mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na mahalaga ring konsultahin. Karaniwan nang kakailanganin ang tulong ng iba, gaya noong nakipag-aral si Felipe sa Etiope. (Gawa 8:26-35) Ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya sa mga interesadong tao sa kani-kanilang tahanan. Huwag mag-atubiling humiling ng serbisyong ito.
Bakit marami ang sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova at nagsasabi sa akin na huwag makipag-aral sa kanila?
Nagkaroon ng pagsalansang sa pangangaral ni Jesus, at sinabi niyang sasalansangin din ang kaniyang mga tagasunod. Nang humanga ang ilan sa pagtuturo ni Jesus, dagling sumagot ang mga relihiyosong mananalansang: “Hindi rin naman kayo nailigaw, hindi ba? Walang isa man sa mga tagapamahala o sa mga Pariseo ang nanampalataya sa kaniya, hindi ba?” (Juan 7:46-48; 15:20) Marami sa mga nagpapayo sa iyong huwag makipag-aral sa mga Saksi ay walang kabatiran o kaya’y may kinikilingan. Makipag-aral ka sa mga Saksi at tingnan mo mismo kung ang iyong kaunawaan sa Bibliya ay lalago o hindi.—Mateo 7:17-20.
Bakit dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao na may sarili nang relihiyon?
Sa paggawa nito ay sinusunod nila ang halimbawa ni Jesus. Pumunta siya sa mga Judio. Ang mga Judio ay may sariling relihiyon, subalit sa maraming paraan ay tumalikod ito mula sa Salita ng Diyos. (Mateo 15:1-9) Lahat ng bansa ay may kani-kaniyang relihiyon, alinman sa tinatawag na Kristiyano o di-Kristiyano. Napakahalaga para sa mga tao na manghawakan sa mga paniniwalang kasuwato ng mismong Salita ng Diyos, at ang mga pagsisikap ng mga Saksi na tulungan sila sa paggawa nito ay pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa.
Naniniwala ba ang mga Saksi na ang kanilang relihiyon lamang ang tunay?
Sinumang seryoso sa kaniyang relihiyon ay dapat mag-isip na iyon na nga ang tunay na relihiyon. Kung hindi, bakit siya sasama rito? Pinapayuhan ang mga Kristiyano: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.” (1 Tesalonica 5:21) Dapat tiyakin ng isang tao na ang kaniyang paniniwala ay sinusuportahan ng Kasulatan, sapagkat mayroon lamang iisang tunay na pananampalataya. Tinitiyak ito ng Efeso 4:5, na nagsasabing “isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.” Hindi sumang-ayon si Jesus sa makabago at kampanteng pangmalas na marami ang daan, marami ang relihiyon, na lahat ay pawang patungo sa kaligtasan. Sa halip, sinabi niya: “Makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.” Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na nasumpungan na nila ito. Kung hindi, naghanap na sana sila ng ibang relihiyon.—Mateo 7:14.
Naniniwala ba sila na sila lamang ang tanging maliligtas?
Hindi. Milyun-milyong nabuhay noong nakalipas na mga siglo na hindi mga Saksi ni Jehova ang bubuhaying muli at magkakaroon ng pagkakataon para sa buhay. Marami sa nabubuhay ngayon ang maninindigan pa sa katotohanan at katuwiran bago ang “malaking kapighatian,” at sila’y magtatamo ng kaligtasan. Bukod diyan, sinabi ni Jesus na hindi natin dapat hatulan ang isa’t isa. Tumitingin tayo sa panlabas na kaanyuan; tumitingin ang Diyos sa puso. Nakikita niya kung ano ang totoo at humahatol siya nang may kaawaan. Inilagay na niya ang paghatol sa mga kamay ni Jesus, hindi sa atin.—Mateo 7:1-5; 24:21; 25:31.
Anong pinansiyal na abuloy ang inaasahan sa mga dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
2 Corinto 9:7) Sa mga Kingdom Hall at mga awditoryum ng kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, hindi kailanman nangingilak ng salapi. Naglagay ng mga kahon upang madali para sa sinumang nagnanais mag-abuloy na gawin ito. Walang nakaaalam kung ano ang ibinigay ng iba o kung nagbigay ang iba. Maaaring ang ilan ay nakapagbibigay ng higit kaysa sa iba; ang ilan naman ay maaaring hindi nakapagbibigay ng anuman. Ipinakita ni Jesus ang tamang pangmalas nang magkomento siya tungkol sa kahong-yaman na nasa templo sa Jerusalem at sa mga nag-aabuloy: Ang kakayahan ng isa na magbigay at ang espiritu ng pagbibigay ang mahalaga, hindi ang halaga ng salapi.—Lucas 21:1-4.
Hinggil sa mga abuloy na salapi, sinabi ni apostol Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (Kapag ako’y naging Saksi ni Jehova, inaasahan bang ako’y mangangaral din tulad nila?
Kapag ang isa’y napuno ng kaalaman hinggil sa ipinangakong Paraiso sa lupa sa ilalim ng Kaharian ni Kristo, ninanais ng isa na ibahagi ito sa iba. Gayundin ang nanaisin mo. Mabuting balita ito!—Gawa 5:41, 42.
Ang paggawa nito ay isang mahalagang paraan ng pagpapakitang ikaw ay isang alagad ni Jesu-Kristo. Sa Bibliya, si Jesus ay tinawag na “ang saksing tapat at totoo.” Nangaral siya noong siya’y nasa lupa, na nagsasabi: “Ang kaharian ng langit ay malapit na,” at isinugo niya ang kaniyang mga alagad upang gumawa rin ng gayon. (Apocalipsis 3:14; Mateo 4:17; 10:7) Nang maglaon, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: ‘Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na tinuturuan sila.’ Inihula rin niya na bago ang wakas, “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Maraming paraan ng paghahayag ng mabuting balitang ito. Ang pakikipag-usap sa mga kaibigan at mga kakilala ay madalas na nagbubukas ng daan upang maisagawa ito. Ang ilan ay gumagawa nito sa pamamagitan ng pagliham o paggamit ng telepono. Ang iba naman ay nagpapadala sa koreo ng mga literaturang naglalaman ng materyal na inaakala nilang magugustuhan ng isang kakilala. Sa pagnanais na wala silang makaligtaang sinuman, ang mga Saksi ay nagbabahay-bahay taglay ang mensahe.
Taglay ng Bibliya ang malugod na paanyayang ito: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Ang pagsasabi sa iba ng tungkol sa Paraiso sa lupa at sa mga pagpapala nito ay dapat gawin nang may pagkukusa, mula sa isang pusong lipos ng pagnanais na ibahagi ang mabuting balitang ito.
Natitiyak naming may iba ka pang mga tanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang mga paniniwala. Maaaring ang ilang isyu ay may pagkakontrobersiyal. Nais naming sagutin ang mga tanong mo. Limitado lamang ang espasyo sa brosyur na ito, kaya inaanyayahan ka naming magtanong sa mga Saksi sa inyong lugar. Magagawa mo ito sa mga pagpupulong nila sa Kingdom Hall o kapag dumadalaw sila sa iyo sa inyong tahanan. O maaari mong ipadala ang iyong mga tanong sa Watch Tower, na ginagamit ang angkop na direksiyon na nakatala sa ibaba.