Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Praktikal na Kahalagahan ng Mabuting Balita sa Inyong Komunidad

Praktikal na Kahalagahan ng Mabuting Balita sa Inyong Komunidad

Praktikal na Kahalagahan ng Mabuting Balita sa Inyong Komunidad

MADALAS nating naririnig sa daigdig ngayon ang ganitong opinyon: “Ang mga simulain ng Kristiyanismo ay hindi praktikal. Hinding-hindi ito uubra sa komplikadong lipunan sa ngayon.” Gayunman, sa isang naiulat na pag-uusap ng lider na Hindu na si Mohandas K. Gandhi at ng dating Britanong Viceroy ng India na si Lord Irwin, isang lubhang naiibang kuru-kuro naman ang ipinahayag. Sinasabing tinanong ni Lord Irwin si Ghandi kung ano sa palagay niya ang makalulutas ng mga problema sa pagitan ng Gran Britanya at ng India. Dinampot ni Ghandi ang isang Bibliya at binuksan ito sa ikalimang kabanata ng Mateo at sinabi: “Kapag ang iyong bansa at ang sa akin ay nagkaisa sa mga turong inilahad ni Kristo sa Sermon na ito sa Bundok, malulutas natin ang mga problema hindi lamang ng ating mga bansa kundi maging ng buong daigdig.”

Binabanggit ng sermong iyan ang paghahangad sa espirituwalidad at ang pagiging mahinahong-loob, mapayapa, maawain, maibigin sa katuwiran. Hinahatulan nito hindi lamang ang pagpaslang kundi ang pagkapoot sa iba, hindi lamang ang pangangalunya kundi ang mahahalay na kaisipan din. Nagsasalita ito laban sa iresponsableng mga asunto ng pagdidiborsiyo na nagwawasak sa mga tahanan at bumibiktima sa mga anak. Sinasabi nito sa atin: ‘Ibigin mo maging yaong mga ayaw sa iyo, bigyan mo ang mga nangangailangan, tigilan mo ang walang-awang paghatol sa iba, pakitunguhan mo ang iba ayon sa gusto mong pakikitungo nila sa iyo.’ Lahat ng payong ito, kapag ikinapit, ay magbubunga ng napakaraming pakinabang. Habang mas maraming tao sa inyong komunidad ang nagsasagawa nito, lalong bubuti ang inyong komunidad!

Ang mga Saksi ni Jehova ay may impluwensiya sa bagay na ito. Itinuturo sa kanila ng Bibliya na igalang ang pag-aasawa. Ang kanilang mga anak ay sinasanay sa mga tamang simulain. Idiniriin ang kahalagahan ng pamilya. Ang nagkakaisang pamilya ay isang pagpapala sa inyong komunidad, maging sa inyong bansa. Punung-puno ang kasaysayan ng mga halimbawa ng pagguho ng mga kapangyarihang pandaigdig kapag humihina ang buklod ng pamilya at lumalago ang imoralidad. Habang dumarami ang mga indibiduwal at mga pamilyang naiimpluwensiyahan ng mga Saksi ni Jehova na mamuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano, lalong umuunti ang delingkuwensiya, imoralidad, at krimen na magaganap sa inyong komunidad.

Ang isa sa malalaking problemang sumasalot sa mga komunidad at mga bansa ay ang pagtatangi ng lahi. Sa kabaligtaran, sinabi ni apostol Pedro: “Napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” At sumulat si Pablo: “Walang Judio ni Griego man, walang alipin ni taong laya man, walang lalaki ni babae man; sapagkat kayong lahat ay iisang tao na kaisa ni Kristo Jesus.” (Gawa 10:​34, 35; Galacia 3:28) Tinatanggap ito ng mga Saksi ni Jehova. Lahat ng lahi at kulay ay namumuhay at gumagawang magkakasama sa kanilang pandaigdig na punong-tanggapan, sa mga sangay, at sa mga kongregasyon.

May ilang tribo sa Aprika na hindi maaaring magsama nang hindi nag-aaway. Subalit sa mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova roon, ang mga tao mula sa maraming iba’t ibang tribo ay sama-samang kumakain, natutulog, at sumasamba taglay ang lubos napagkakasuwato at mainit na pagsasamahan. Namamangha ang mga opisyal ng pamahalaan kapag nakikita nila ito. Isang halimbawa ng nagbubuklod na bisa ng tunay na Kristiyanismo ang kinomentuhan ng Amsterdam News ng Agosto 2, 1958 sa New York. Ang komento ay ibinigay dahil sa pagmamasid sa internasyonal na asamblea na binanggit kanina kung saan mahigit sa sangkapat ng isang milyong Saksi ang nagtipon sa New York City.

“Sa lahat ng dako ang mga Negro, puti at mga taga-Silangan, mula sa anumang kalagayan sa buhay at saanmang panig ng daigdig, ay maligaya at malayang magkakahalubilo. . . . Ang mananambang mga Saksi mula sa 120 lupain ay sama-samang namumuhay at sumasamba nang payapa, anupat ipinakikita sa mga Amerikano kung gaano ito kadaling gawin. . . . Ang asamblea ay isang maningning na halimbawa kung paanong ang mga tao ay maaaring gumawa at mamuhay nang magkakasama.”

Maaaring sabihin ng marami na ang mga simulain ng Kristiyanismo ay hindi praktikal sa makabagong daigdig na ito. Subalit, mayroon pa bang iba na naging mabisa o magiging mabisa? Ang mga simulaing Kristiyano ay maaaring tunay na mapahalagahan kung ikakapit ito sa inyong komunidad ngayon, at ang mga ito ang magiging saligan ng pagkakaisa ng lahat ng ‘mga bansa, mga tribo, at mga bayan’ sa buong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa sangkatauhan.​—Apocalipsis 7:​9, 10.

[Blurb sa pahina 23]

Lahat ng lahi at kulay ay gumagawang magkakasama

[Blurb sa pahina 24]

Praktikal ang Kristiyanismo. Mayroon pa bang iba na naging mabisa?