Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino Sila?

Sino Sila?

Sino Sila?

HANGAD ng mga Saksi ni Jehova na higit mo silang makilala. Marahil ay nakilala mo na sila bilang mga kapitbahay at kasamahan sa trabaho o sa iba pang pang-araw-araw na mga gawain sa buhay. Marahil ay nakita mo na sila sa lansangan habang nag-aalok ng kanilang mga magasin sa mga nagdaraan. O marahil ay saglit mo na silang nakausap sa pintuan ng inyong bahay.

Ang totoo, interesado ang mga Saksi ni Jehova sa iyo at sa iyong kapakanan. Nais nilang maging kaibigan mo at higit pang masabi sa iyo ang tungkol sa kanilang sarili, sa kanilang mga paniniwala, sa kanilang organisasyon, at kung ano ang nadarama nila hinggil sa mga tao at sa daigdig na kinaroroonan nating lahat. Upang maisagawa ito, inihanda nila ang brosyur na ito para sa iyo.

Sa napakaraming bagay, ang mga Saksi ni Jehova ay katulad din ng iba. Sila’y may karaniwang mga problema​—sa kabuhayan, pisikal, emosyonal. Sila’y nagkakamali paminsan-minsan, sapagkat hindi naman sila sakdal, kinasihan, o di-maaaring magkamali. Subalit nagsisikap silang matuto mula sa kanilang mga karanasan at matiyagang nag-aaral ng Bibliya upang magawa ang kinakailangang mga pagtutuwid. Gumawa na sila ng pag-aalay sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban, at nagsisikap silang maisakatuparan ang pag-aalay na ito. Sa lahat ng kanilang ginagawa, hinahanap nila ang patnubay ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu.

Napakahalaga para sa kanila na ibatay sa Bibliya ang kanilang mga paniniwala at hindi sa mga haka-haka lamang ng tao o sa mga turo ng relihiyon. Nadarama nila ang kagaya ng nadama ni apostol Pablo nang siya ay magpahayag samantalang nasa ilalim ng pagkasi: “Masumpungan nawang tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling.” (Roma 3:​4, Bagong Sanlibutang Salin a) Kung tungkol sa mga turong iniaalok bilang katotohanan sa Bibliya, lubos na sinasang-ayunan ng mga Saksi ang landasing sinunod ng mga taga-Berea nang marinig nila si apostol Pablo na nangangaral: “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na lahat ng mga turo ng relihiyon ay dapat sumailalim sa pagsubok na ito ng pagiging kasuwato ng kinasihang Kasulatan, maging ang turo ay mula sa kanila o mula sa iba. Kanilang inaanyayahan ka​—hinihimok ka​—na gawin ito sa iyong pakikipagtalakayan sa kanila.

Mula rito, maliwanag na ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. Kinikilala nila na ang 66 na aklat nito ay kinasihan at wasto ayon sa kasaysayan. Ang karaniwang tinatawag na Bagong Tipan ay tinutukoy nila bilang ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, at ang Matandang Tipan naman ay tinatawag nilang Hebreong Kasulatan. Nananalig sila kapuwa sa dalawang ito, ang Griego at Hebreong Kasulatan, at inuunawa nila ito sa literal na paraan malibang maliwanag na ipinahihiwatig ng mga pananalita o tagpo na ang mga ito’y makasagisag o simboliko. Nauunawaan nila na marami sa mga hula ng Bibliya ang natupad na, ang iba ay kasalukuyang natutupad, at ang iba naman ay naghihintay pa ng katuparan.

ANG KANILANG PANGALAN

Mga Saksi ni Jehova? Oo, ganiyan nila tinutukoy ang kanilang sarili. Ito ay isang makalarawang pangalan na nagpapahiwatig na sila’y sumasaksi hinggil kay Jehova, sa kaniyang pagka-Diyos, at sa kaniyang mga layunin. Ang “Diyos,” “Panginoon,” at “Maylalang”​—gaya ng “Presidente,” “Hari,” at “Heneral”​—ay mga titulo at maikakapit sa maraming iba’t ibang tanyag na tao. Subalit ang “Jehova” ay isang personal na pangalan at tumutukoy sa kataas-taasang Diyos at Maylalang ng uniberso. Ipinakikita ito sa Awit 83:​18, ayon sa bersiyong King James ng Bibliya: “Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay kataas-taasan sa buong lupa.”

Ang pangalang Jehova (o Yahweh, gaya ng mas gusto ng Romano Katolikong Jerusalem Bible at ilang iskolar) ay lumilitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na Hebreong Kasulatan. Hindi ito ang makikita sa karamihan sa mga Bibliya kundi ito’y hinalinhan ng “Diyos” o “Panginoon.” Magkagayunman, kahit sa mga Bibliyang ito, karaniwan nang masasabi ng isang tao kung saan ginagamit ng orihinal na Hebreong teksto ang Jehova sapagkat sa mga tekstong ito ang inihaliling mga salita ay nakasulat sa malalaki at maliliit na malaking titik, samakatuwid nga: DIYOS, PANGINOON. Ang ilang modernong salin ay talagang gumagamit ng alinman sa pangalang Jehova o pangalang Yahweh. Kaya naman, ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan sa Isaias 42:​8, “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.”

Ang maka-Kasulatang ulat na pinagkunan ng mga Saksi ni Jehova ng kanilang pangalan ay nasa ika-43 kabanata ng Isaias. Doon ang tanawin sa sanlibutan ay minalas bilang isang pangyayari sa hukuman: Inaanyayahan ang mga diyos ng mga bansa na iharap ang kanilang mga saksi upang patunayan ang kanilang inaangking mga kaso ng katuwiran o upang pakinggan ang mga saksi sa panig ni Jehova at kilalanin ang katotohanan. Doon ay ipinahayag ni Jehova sa kaniyang bayan: “Kayo’y aking mga saksi, sabi ni Jehova, at aking lingkod na aking pinili; upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga: walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko. Ako, sa makatuwid baga’y ako, si Jehova; at liban sa akin ay walang tagapagligtas.”​—Isaias 43:​10, 11, American Standard Version.

Ang Diyos na Jehova ay may mga saksi na noon sa lupa libu-libong taon bago pa isilang si Jesus. Matapos isa-isahin sa kabanata 11 ng Hebreo ang ilan sa mga lalaking iyon ng pananampalataya, sinabi ng Hebreo 12:1: “Kung gayon nga, yamang napalilibutan tayo ng ganito kalaking ulap ng mga saksi, alisin din natin ang bawat pabigat at ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin, at takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.” Sinabi ni Jesus sa harap ni Poncio Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” Siya’y tinatawag na “ang saksing tapat at totoo.” (Juan 18:37; Apocalipsis 3:14) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”​—Gawa 1:8.

Kaya naman, mga 6,000,000 katao sa ngayon na nagsasabi ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus sa mahigit na 230 lupain ang nakadarama na angkop lamang na tukuyin nila ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova.

[Talababa]

a Ang mga pagsipi sa Bibliya sa brosyur na ito ay mula sa saling ito, malibang iba ang banggitin.

[Blurb sa pahina 4]

Nakaalay sila sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban

[Blurb sa pahina 4]

Naniniwala sila na ang Bibliya ay Salita ng Diyos

[Blurb sa pahina 5]

Ang pangalan na iniugnay sa isang pangyayari sa hukuman

[Blurb sa pahina 5]

Mga 6,000,000 Saksi sa mahigit na 230 lupain

[Larawan sa pahina 3]

Interesado sila sa iyo

[Larawan sa pahina 4]

Ang personal na pangalan ng Diyos sa sinaunang Hebreo