Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gumising!—Isang Magasin na Malawakang Umaakit sa Madla

Gumising!—Isang Magasin na Malawakang Umaakit sa Madla

Gumising!​—Isang Magasin na Malawakang Umaakit sa Madla

Ang magasing ito ay unang pinamagatang The Golden Age. Ang unang isyu ay may petsang Oktubre 1, 1919. Ito’y isang magasin na nag-uulat ng hinggil sa iba’t ibang larangan ng karanasan ng tao. Ginising nito ang mga tao sa mga nagaganap sa sanlibutan at ipinakita sa kanila na ang tunay na lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan ay ang Milenyong Paghahari ni Kristo, na tunay na magdadala ng isang “ginintuang panahon” para sa sangkatauhan. Ang disenyo ng pabalat ng magasin ay nagkaroon ng mga pagbabago, subalit hindi nagbago ang mensahe nito. Ang The Golden Age ay dinisenyo upang ipamahagi sa madla, at sa loob ng maraming taon ang sirkulasyon nito ay higit na malaki kaysa niyaong sa The Watch Tower.

Pasimula noong isyu ng Oktubre 6, 1937, ang pamagat ay binago at ginawang Consolation. Angkop na angkop ito dahil sa pang-aapi na dinaranas ng marami at ang kaligaligan na kinasangkutan ng sanlibutan noong Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, ang kaaliwang iniaalok ng magasin ay ang uri na makaaakit lamang sa mga may tunay na pag-ibig sa katotohanan.

Simula noong isyu ng Agosto 22, 1946, ang pamagat na Gumising! (Awake! sa Ingles) ay ginamit. Higit na idiniin ang paggising sa mga tao sa kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig. Ginamit ng magasin ang regular na mga pinagkukunan ng balita, subalit taglay nito ang sariling mga kabalitaan sa palibot ng globo. Ang timbang, praktikal at mahusay-ang-pagkakasaliksik na mga artikulo sa Gumising! na tumatalakay sa sari-saring mga paksa ay umaakay sa mga mambabasa na isaalang-alang ang pinakamahalagang mensahe ng magasing ito, alalaong baga’y, na ang mga pangyayari sa daigdig ay katuparan ng hula ng Bibliya, na nagpapakitang nasa mga huling araw na tayo at na sa malapit na hinaharap dadalhin ng Kaharian ng Diyos ang walang-hanggang mga kapikinabangan sa mga natututo at gumagawa ng kalooban ng Diyos. Ang magasing ito ay naging mabisang kasangkapan sa pangglobong paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at isang tulay patungo sa higit na malalim na materyales sa pag-aaral na inilalahad sa Ang Bantayan at sa mga aklat.

Noong kaagahan ng 1993, ang Gumising! ay inililimbag sa 67 wika, 13,240,000 sipi sa bawat isyu.