Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Papaano Pinili at Inakay ng Diyos

Kung Papaano Pinili at Inakay ng Diyos

Kabanata 31

Kung Papaano Pinili at Inakay ng Diyos

“MAKATUWIRAN lamang na magkaroon ng iisang tunay na relihiyon. Kasuwato ito ng katotohanan na ang tunay na Diyos ay isang Diyos, ‘hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.’ (1 Corinto 14:33) Sinasabi ng Bibliya na talagang mayroon lamang ‘iisang pananampalataya.’ (Efeso 4:5) Sino, kung gayon, ang mga bumubuo ng kalipunan ng tunay na mga mananamba sa ngayon? Hindi kami mag-aatubiling magsabi na sila ay ang mga Saksi ni Jehova,” ang ipinahayag ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. a

‘Papaano ninyo matitiyak na talagang taglay ninyo ang tunay na relihiyon?’ maaaring itanong ng ilan. ‘Wala kayong di-pangkaraniwang ebidensiya​—tulad ng kahima-himalang mga kaloob. At sa paglipas ng mga taon hindi ba napilitan kayong gumawa ng mga pagbabago sa inyong mga pangmalas at mga pagtuturo? Kung gayon, papaano ninyo talagang masasabi na kayo’y inaakay ng Diyos?’

Upang sagutin ang mga tanong na iyon, makatutulong kung isasaalang-aalang muna kung papaano pinili at inakay ng Diyos ang kaniyang bayan noong unang mga panahon.

Ang Pagpili ng Diyos Noong Panahon ng Bibliya

Noong ika-16 na siglo B.C.E., tinipon ni Jehova ang mga Israelita sa Bundok Sinai at inanyayahan sila na maging kaniyang piniling bayan. Subalit, una muna, ipinagbigay-alam ni Jehova sa kanila na may tiyak na mga kahilingan na kailangan nilang matugunan. Sinabi niya sa kanila: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig . . . , kung gayon kayo’y magiging tanging pag-aari sa akin.” (Ex. 19:5) Sa pamamagitan ni Moises, malinaw na inilahad ni Jehova ang mga kahilingan, at pagkatapos nito ay tumugon ang bayan: “Lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” Nang magkagayo’y gumawa si Jehova ng isang tipan sa Israel at nagbigay ng kaniyang Batas sa kanila.​—Ex. 24:3-8, 12.

Pinili ng Diyos​—anong kagila-gilalas na pribilehiyo! Subalit ang pribilehiyong iyon ay nag-atang sa Israel ng pananagutan na mahigpit na sundin ang Batas ng Diyos. Ang kabiguang gawin ito ay hahantong sa pagtatakwil sa kanila bilang isang bansa. Upang maikintal sa kanila ang wastong uri ng pagkatakot upang siya’y kanilang talimahin, nagpangyari si Jehova ng kagila-gilalas na mga tandang di-pangkaraniwan​—“mga kulog at kidlat ang nagsimulang maganap,” at “ang buong bundok ay umuugang mainam.” (Ex. 19:9, 16-18; 20:18, 20) Sa loob ng sumunod na 1,500 taon, nagkaroon ng bukod-tanging katayuan ang mga Israelita​—sila ang piniling bayan ng Diyos.

Subalit, noong unang siglo C.E., isang malaking pagbabago ang naganap. Naiwala ng Israel ang pantanging katayuan nito, at itinakwil sila ni Jehova sapagkat tinanggihan nila ang kaniyang Anak. (Mat. 21:43; 23:37, 38; Gawa 4:24-28) Nang magkagayon ay iniluwal ni Jehova ang unang Kristiyanong kongregasyon, na itinatag kay Kristo. Noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga tagasunod ni Jesus sa Jerusalem, at sila’y ginawa niyang “isang piniling lahi, . . . isang bansang banal, isang bayan para sa pantanging pag-aari.” (1 Ped. 2:9; Gawa 2:1-4; Efe. 2:19, 20) Sila’y naging “mga pinili ng Diyos.”​—Col. 3:12.

Ang pagiging miyembro ng piniling bayan na iyon ay may mga kondisyon. Nagbigay si Jehova ng mahigpit na moral at espirituwal na mga kahilingan na dapat matugunan. (Gal. 5:19-24) Yaong mga sumunod sa mga kahilingan ang nasa hanay upang sila’y piliin ng Diyos. Gayunman, minsang pinili ng Diyos, mahalaga na sila’y patuloy na tumalima sa kaniyang mga kautusan. Tanging ang “mga nagsisitalima sa kaniya bilang pinunò” ang patuloy na tatanggap ng kaniyang banal na espiritu. (Gawa 5:32) Yaong mga nabigong tumalima sa kaniya ay nanganganib na baka palabasin sa kongregasyon at tuluyang mawalan ng kanilang mana sa Kaharian ng Diyos.​—1 Cor. 5:11-13; 6:9, 10.

Subalit papaano matitiyak ng iba na pinili ng Diyos ang unang kongregasyong Kristiyano upang humalili sa Israel bilang “ang kongregasyon ng Diyos”? (Gawa 20:28) Maliwanag ang pagpili ng Diyos. Pagkaraan ng kamatayan ni Jesus, Siya’y nagbigay ng kahima-himalang mga kaloob sa mga miyembro ng unang kongregasyong Kristiyano upang ipakita na sila ngayo’y mga pinili ng Diyos.​—Heb. 2:3, 4.

Lagi bang kailangan ang di-pangkaraniwang mga tanda, o mga himala, upang makilala kung sino ang mga pinili at inakay ng Diyos noong kapanahunan ng Bibliya? Hindi, hindi naman. Ang kahima-himalang mga gawa ay hindi laging ginagawa sa kasaysayan ng Bibliya. Ang karamihan ng mga tao na nabuhay noong kapanahunan ng Bibliya ay hindi man lamang nakakita ng isang himala. Ang karamihan ng mga himalang nakaulat sa Bibliya ay naganap noong mga kaarawan nina Moises at Josue (ika-16 at ika-15 siglo B.C.E.), nina Elias at Eliseo (ika-10 at ika-9 na siglo B.C.E.), at ni Jesus at ng kaniyang mga apostol (unang siglo C.E.). Iba pang tapat na mga taong pinili ng Diyos para sa espesipikong mga layunin, tulad nina Abraham at David, ang nakakita o nakaranas ng mga pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos, subalit walang ebidensiya na sila mismo ay gumawa ng mga himala. (Gen. 18:14; 19:27-29; 21:1-3; ihambing ang 2 Samuel 6:21; Nehemias 9:7.) Kung tungkol sa kahima-himalang mga kaloob noong unang siglo, inihula ng Bibliya na ang mga ito’y “mawawala.” (1 Cor. 13:8) At ito’y nangyari nang mamatay ang kahuli-hulihan sa 12 apostol at yaong mga tumanggap ng kahima-himalang mga kaloob sa pamamagitan nila.​—Ihambing ang Gawa 8:14-20.

Kumusta ang Pagpili ng Diyos sa Ngayon?

Pagkatapos ng unang siglo, ang inihulang apostasya ay lumaganap nang walang hadlang. (Gawa 20:29, 30; 2 Tes. 2:7-12) Nang sumunod na mga siglo ang ilaw ng tunay na Kristiyanismo ay umandap-andap na at malapit nang mamatay. (Ihambing ang Mateo 5:14-16.) Gayunman, sa isang talinghaga ipinakita ni Jesus na sa ‘katapusan ng sistema ng mga bagay,’ makikitang malinaw ang kaibahan sa pagitan ng “trigo” (tunay na mga Kristiyano) at ng “panirang damo” (huwad na mga Kristiyano). Ang trigo, o “mga pinili,” ay titipunin sa iisang tunay na kongregasyong Kristiyano, katulad noong unang siglo. (Mat. 13:24-30, 36-43; 24:31) Inilarawan din ni Jesus ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong iyon bilang “ang tapat at maingat na alipin” at ipinakita niya na sa panahon ng kawakasan, sila’y maglalaan ng espirituwal na pagkain. (Mat. 24:3, 45-47) Ang tapat na aliping iyon ay sasamahan ng “isang malaking pulutong” ng tunay na mananamba mula sa lahat ng mga bansa.​—Apoc. 7:9, 10; ihambing ang Mikas 4:1-4.

Papaano makikilala ang tunay na mananamba na nabubuhay sa panahon ng kawakasan? Sila ba’y magiging laging tama, na kailanma’y hindi maaaring magkamali sa kanilang mga pasiya? Ang mga apostol ni Jesus ay nangailangan pa rin ng pagtutuwid. (Luc. 22:24-27; Gal. 2:11-14) Katulad ng mga apostol, ang tunay na mga tagasunod ni Kristo sa ating kaarawan ay dapat maging mapagpakumbaba, handang tumanggap ng disiplina at, kung kinakailangan, gumawa ng mga pagbabago, upang ang kanilang mga kaisipan ay higit at higit na maging kasuwato ng kaisipan ng Diyos.​—1 Ped. 5:5, 6.

Nang pumasok ang sanlibutan sa mga huling araw noong 1914, aling grupo ang napatunayang tunay na organisasyong Kristiyano? Napakaraming mga iglesya sa Sangkakristiyanuhan ang nag-aangking kumakatawan kay Kristo. Ngunit ang tanong ay: Alin sa mga ito, kung mayroon man, ang tumutugon sa mga kahilingan ng Kasulatan?

Ang iisang tunay na kongregasyong Kristiyano ay dapat maging isang organisasyon na nanghahawakan sa Bibliya bilang pangunahing awtoridad, hindi isa na sumisipi ng ilang magkakahiwalay na mga talata ngunit tumatanggi sa ibang bahagi kapag ito’y hindi kasuwato ng kasalukuyang teolohiya nito. (Juan 17:17; 2 Tim. 3:16, 17) Ito’y dapat maging isang organisasyon na ang mga miyembro​—hindi lamang iilan kundi ang lahat​—ay tunay na hindi bahagi ng sanlibutan, bilang pagtulad kay Kristo. Kaya papaano sila maaaring makilahok sa pulitika, gaya ng paulit-ulit na nagawa na ng mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan? (Juan 15:19; 17:16) Ang tunay na organisasyong Kristiyano ay dapat na magpatotoo sa banal na pangalan, na Jehova, at gumawa ng gawaing iniutos ni Jesus​—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Katulad sa unang-siglong kongregasyon, hindi lamang iilan kundi lahat ng mga miyembrong ito ay dapat maging buong-kaluluwang mga ebanghelisador. (Isa. 43:10-12; Mat. 24:14; 28:19, 20; Col. 3:23) Ang tunay na mga mananamba ay makikilala rin dahil sa kanilang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa, isang pag-ibig na hindi mapipigilan ng mga hadlang na likha ng lahi at bansa at magbubuklod sa kanila bilang isang pambuong-daigdig na kapatiran. Ang gayong pag-ibig ay dapat ipakita hindi lamang sa manaka-nakang mga pagkakataon kundi sa isang paraan na talagang magtatangi sa kanila bilang isang organisasyon.​—Juan 13:34, 35.

Maliwanag, nang magsimula ang panahon ng kawakasan noong 1914, wala sa mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan ang umaabot sa mga pamantayang ito ng Bibliya para sa iisang tunay na Kristiyanong kongregasyon. Subalit, kumusta naman ang mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova?

Isang Mabungang Paghahanap Para sa Katotohanan

Samantalang nasa kaniyang kabataan pa, napagtanto na ni C. T. Russell na ang wastong mensahe ng Bibliya ay lubhang pinalabo ng Sangkakristiyanuhan. Naniwala rin siya na ito na ang panahon upang maunawaan ang Salita ng Diyos at na yaong mga taimtim na nag-aaral ng Bibliya at nagkakapit nito sa kanilang buhay ang siyang magtatamo ng kaunawaan.

Gaya ng ipinaliwanag ng isang talambuhay tungkol kay Russell, na inilathala di-nagtagal pagkamatay niya: “Siya’y hindi tagapagtatag ng isang bagong relihiyon, at kailanma’y hindi niya inangkin ito. Pinapanauli niya ang dakilang mga katotohanan na itinuro ni Jesus at ng mga Apostol, at pinasikat niya sa mga ito ang liwanag ng ikadalawampung siglo. Hindi niya inangkin ang isang natatanging kapahayagan mula sa Diyos, kundi naniwala na ito na ang takdang panahon ng Diyos upang maunawaan ang Bibliya; at na, yamang siya’y lubos na nakatalaga sa Panginoon at sa Kaniyang paglilingkod, siya’y pinagkaloobang makaunawa rito. Sapagkat iniukol niya ang kaniyang sarili sa pagpapaunlad ng mga bunga at biyaya ng Banal na Espiritu, natupad sa kaniya ang pangako ng Panginoon: ‘Sapagkat kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo gagawin nito na mga tamad o walang bunga sa kaalaman ng ating Panginoong Jesu-Kristo.’​—2 Pedro 1:5-8.”​—The Watch Tower, Disyembre 1, 1916, p. 356.

Ang paghahanap ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasamahan para sa pagkaunawa ng Kasulatan ay naging mabunga. Bilang mga umiibig sa katotohanan, naniwala sila na ang Bibliya ay ang kinasihang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:16, 17) Itinakwil nila ang mga idea ni Darwin hinggil sa ebolusyon at ang sumisira-ng-pananampalatayang mga palagay ng mga kritiko ng Bibliya. Yamang tinatanggap nila ang Kasulatan bilang kataas-taasang awtoridad, itinakwil din nila bilang di-maka-kasulatan ang mga turo ng Trinidad, pagka-walang-kamatayan ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap​—mga turo na may paganong mga pinagmulan. Kabilang sa “dakilang mga katotohanan” na kanilang tinanggap ay na si Jehova ang Maylikha ng lahat ng mga bagay, na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang pantubos para sa iba, at na sa kaniyang pagbabalik si Jesus ay di-makikita bilang isang espiritung nilalang. (Mat. 20:28; Juan 3:16; 14:19; Apoc. 4:11) Naunawaan din nilang malinaw na ang tao ay isang kaluluwang maaaring mamatay.​—Gen. 2:7; Ezek. 18:20.

Hindi ibig sabihin na ang mga Estudyante ng Bibliya na kasama ni Russell ang siyang nakatuklas sa lahat ng mga katotohanang ito; marami sa mga ito ang dati nang nauunawaan ng taimtim na mga tao na nag-aangking Kristiyano, at ang ilan sa mga ito ay nanindigan din sa kanilang mga paniniwala noong panahong hindi popular ang mga ito. Subalit ang mga tao bang ito ay umaayon sa lahat ng kahilingan ng mga Kasulatan para sa tunay na pagsamba? Halimbawa, sila ba’y tunay na hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ng sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

Karagdagan pa sa kanilang pangmalas sa Bibliya, sa ano pang paraan naiiba ang unang mga Estudyante ng Bibliya na kasamahan ni Russell? Tiyak na sa kasigasigan na kanilang ipinamalas sa pagsasabi sa iba ng kanilang paniniwala, taglay ang pantanging pagpapahalaga sa paghahayag ng pangalan at Kaharian ng Diyos. Bagaman kakaunti lamang sila kung ihahambing, mabilis silang nakaabot sa maraming lupain taglay ang mabuting balita. Sila ba’y talagang hindi rin bahagi ng sanlibutan, bilang tagasunod ni Kristo? Sa ilang paraan, oo. Subalit ang kabatiran nila sa nasasangkot na responsibilidad ay lumawak mula noong Digmaang Pandaigdig I, hanggang sa ngayon ito’y naging namumukod na katangian ng mga Saksi ni Jehova. Hindi dapat kaligtaan na noong ang ibang grupo ay nagbubunyi sa Liga ng mga Bansa at, nang maglaon, sa Nagkakaisang mga Bansa, ang mga Saksi ni Jehova naman ay naghayag ng Kaharian ng Diyos​—hindi ng anumang gawang-taong organisasyon​—bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan.

Subalit hindi ba nagbago ang ilan sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova sa paglipas ng mga taon? Kung talagang sila’y pinili at inakay ng Diyos at kung ang kanilang mga turo ay nakasalig sa awtoridad ng Kasulatan noong pasimula pa lamang, bakit kinakailangan pa ang gayong mga pagbabago?

Kung Papaano Inaakay ni Jehova ang Kaniyang Bayan

Ang mga bumubuo ng iisang tunay na organisasyong Kristiyano sa ngayon ay walang taglay na kapahayagan ng mga anghel o banal na pagkasi. Subalit taglay nila ang kinasihang Banal na Kasulatan, na naglalaman ng mga kapahayagan ng kaisipan at kalooban ng Diyos. Bilang isang organisasyon at bilang indibiduwal, dapat nilang tanggapin ang Bibliya bilang banal na katotohanan, maingat nila itong pag-aralan, at hayaang ito’y magkabisa sa kanila. (1 Tes. 2:13) Subalit papaano nila nakukuha ang wastong kaunawaan sa Salita ng Diyos?

Ang Bibliya mismo ay nagsasabi: “Hindi ba nasa Diyos ang mga pagpapakahulugan?” (Gen. 40:8) Kung sa kanilang pag-aaral ng Kasulatan ang isang talata ay mahirap unawain, kailangang magsaliksik sila upang hanapin ang ibang kinasihang mga talata na nagbibigay-liwanag sa paksang iyon. Sa gayon ay hinahayaan nilang ang Bibliya ang siyang magbigay ng kahulugan, at mula rito ay sinisikap nilang unawain ang “ulirang mga salita” ng katotohanan na inilalahad sa Salita ng Diyos. (2 Tim. 1:13) Sila’y inaakay o pinapatnubayan ni Jehova tungo sa gayong pagkaunawa sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Subalit upang makamit ang patnubay ng espiritung iyon, kailangan nilang linangin ang bunga nito, huwag pighatiin o salungatin ito, at laging tumugon sa mga pag-akay nito. (Gal. 5:22, 23, 25; Efe. 4:30) Bukod dito, sa pamamagitan ng masigasig na pagkakapit ng kanilang natututuhan, patuloy nilang pinatitibay ang kanilang pananampalataya, na nagsisilbing saligan sa pagkakamit ng palinaw at palinaw na pagkaunawa kung papaano nila dapat gawin ang kalooban ng Diyos sa sanlibutan na doon sila’y hindi bahagi.​—Luc. 17:5; Fil. 1:9, 10.

Laging inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan sa higit na malinaw na pagkaunawa ng kaniyang kalooban. (Awit 43:3) Kung papaano niya sila inaakay ay maaaring ilarawan nang ganito: Kung ang isang tao ay naroroon sa isang madilim na silid nang mahabang panahon, hindi ba mas mabuti kung unti-unting mailalantad siya sa liwanag? Inilantad ni Jehova ang kaniyang bayan sa liwanag ng katotohanan sa nakakatulad na paraan; binigyan sila ng kaliwanagan sa pasulong na paraan. (Ihambing ang Juan 16:12, 13.) Katulad ito ng sinasabi ng kawikaan: “Ang landas ng matuwid ay katulad ng maningning na liwanag na sumisilang nang higit at higit hanggang sa lubos na dumating ang araw.”​—Kaw. 4:18.

Ang mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang piniling mga lingkod noong kapanahunan ng Bibliya ay nagpapatunay na ang malinaw na pagkaunawa ng kaniyang kalooban at mga layunin ay kadalasang unti-unting dumarating. Kaya, hindi lubusang naunawaan ni Abraham kung papaano matutupad ang layunin ni Jehova may kaugnayan sa “binhi.” (Gen. 12:1-3, 7; 15:2-4; ihambing ang Hebreo 11:8.) Hindi nasakyan ni Daniel ang pangwakas na kalalabasan ng mga hulang iniulat niya. (Dan. 12:8, 9) Si Jesus, nang nasa lupa, ay umamin na hindi niya alam ang araw at oras ng katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mat. 24:36) Noong pasimula ay hindi naunawaan ng mga apostol na ang Kaharian ni Jesus ay magiging makalangit, na hindi ito itatatag sa unang siglo, at na ito’y maaari pa ring manahin kahit na ng mga Gentil.​—Luc. 19:11; Gawa 1:6, 7; 10:9-16, 34, 35; 2 Tim. 4:18; Apoc. 5:9, 10.

Hindi natin dapat pagtakhan na sa modernong panahon din naman madalas na inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang pasulong na organisasyon, na unti-unti silang binibigyan ng liwanag may kaugnayan sa mga katotohanan ng Bibliya. Hindi ang mismong mga katotohanan ang siyang nagbabago. Ang katotohanan ay laging nananatiling katotohanan. Ang kalooban at layunin ni Jehova, gaya ng binabalangkas sa Bibliya, ay di-nagbabago. (Isa. 46:10) Subalit ang kanilang pagkaunawa sa mga katotohanang ito ay nagiging higit at higit na maliwanag “sa wastong kapanahunan,” sa takdang panahon ni Jehova. (Mat. 24:45; ihambing ang Daniel 12:4, 9.) Kung minsan, dahil sa pagkakamali ng tao o di-wastong sigasig, baka kailangang baguhin ang kanilang pangmalas.

Halimbawa, sa iba’t ibang panahon sa makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang sigasig at sigla para sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova ay umakay sa wala-sa-panahong mga pag-asa tungkol sa kung kailan darating ang katapusan ng balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. (Ezek. 38:21-23) Subalit hindi isiniwalat ni Jehova nang una pa ang eksaktong panahon. (Gawa 1:7) Kaya, kinailangang baguhin ng bayan ni Jehova ang kanilang mga pangmalas sa bagay na ito.

Ang gayong mga pagbabago ng pangmalas ay hindi nangangahulugan na nagbago ang layunin ng Diyos. Ni ipinahihiwatig ng mga ito na ang katapusan ng sistemang ito ay nasa malayong hinaharap pa. Sa kabaligtaran nito, ang katuparan ng mga hula ng Bibliya tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nagpapatunay na malapit na ang katapusan. (Mat. 24:3) Buweno, ang pagkakaroon ba ng mga Saksi ni Jehova ng ilang wala-sa-panahong mga pag-asa ay nangangahulugan na hindi sila inaakay ng Diyos? Hindi, kung papaanong ang pagtatanong ng mga alagad hinggil sa kalapitan ng Kaharian noong kanilang kaarawan ay hindi nangangahulugan na hindi sila pinili at inakay ng Diyos!​—Gawa 1:6; ihambing ang Gawa 2:47; 6:7.

Bakit natitiyak ng mga Saksi ni Jehova na taglay nila ang tunay na relihiyon? Sapagkat kanilang pinaniniwalaan at tinatanggap ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pagkakakilanlan ng tunay na mga mananamba. Ang kanilang makabagong-panahong kasaysayan, gaya ng tinalakay sa naunang mga kabanata ng publikasyong ito, ay nagpapakita na, hindi lamang bilang mga indibiduwal kundi bilang isang organisasyon, sila’y tumutugon sa mga kahilingan: Kanilang buong-katapatang itinataguyod ang Bibliya bilang banal na Salita ng katotohanan ng Diyos (Juan 17:17); sila’y nananatiling lubusang hiwalay mula sa mga bagay sa sanlibutan (Sant. 1:27; 4:4); sila’y nagpapatotoo sa banal na pangalan, Jehova, at naghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan (Mat. 6:9; 24:14; Juan 17:26); at sila’y may tunay na pag-ibig sa isa’t isa.​—Juan 13:34, 35.

Bakit ang pag-ibig ay isang namumukud-tanging pagkakakilanlan ng mga mananamba ng tunay na Diyos? Anong uri ng pag-ibig ang nagpapakilala sa tunay na mga Kristiyano?

[Talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 705]

Minsang pinili ng Diyos, mahalaga na sila’y patuloy na tumalima sa kaniyang mga kautusan

[Blurb sa pahina 706]

Papaano makikilala ang tunay na mananamba na nabubuhay sa panahon ng kawakasan?

[Blurb sa pahina 707]

“Hindi niya inangkin ang isang natatanging kapahayagan mula sa Diyos”

[Blurb sa pahina 708]

Hinahayaan nilang ang Bibliya ang siyang magbigay ng kahulugan

[Blurb sa pahina 709]

Inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang pasulong na organisasyon, unti-unti silang binibigyan ng liwanag may kaugnayan sa mga katotohanan ng Bibliya