Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hanapin Muna ang Kaharian”

“Hanapin Muna ang Kaharian”

Kabanata 18

“Hanapin Muna ang Kaharian”

ANG pangunahing tema ng Bibliya ay ang pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian. Itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na hanapin muna ang Kaharian, na unahin ito sa iba pang mga pinagkakaabalahan sa buhay. Bakit?

Malimit na ipinaliliwanag ng Ang Bantayan na yamang siya ang Maylikha, si Jehova ang Pansansinukob na Soberano. Siya’y karapat-dapat na pag-ukulan ng kaniyang mga nilalang ng pinakamataas na pagpapahalaga. (Apoc. 4:11) Gayunman, maaga sa kasaysayan ng sangkatauhan, isang espiritung anak ng Diyos na gumawa sa kaniyang sarili na Satanas na Diyablo ang buong-paghihimagsik na humamon sa pagkasoberano ni Jehova. (Gen. 3:1-5) Karagdagan pa, ang lahat ng naglilingkod kay Jehova ay pinagbintangan ni Satanas na di-umano’y ginagawa ito dahil sa mapag-imbot na motibo. (Job 1:9-11; 2:4, 5; Apoc. 12:10) Dahil dito nasira ang kapayapaan sa sansinukob.

Sa loob ng marami nang dekada ngayon, ipinaliwanag ng mga publikasyon ng Watch Tower na si Jehova ay gumawa ng paglalaan upang lutasin ang mga isyung ito sa isang paraang magpaparangal hindi lamang sa kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan kundi sa kadakilaan din ng kaniyang karunungan, ng kaniyang katarungan, at ng kaniyang pag-ibig. Ang isang pangunahing bahagi ng paglalaang iyon ay ang Mesianikong Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kahariang iyan, ang sangkatauhan ay binibigyan ng sapat na pagkakataon upang matutuhan ang mga daan ng katuwiran. Sa pamamagitan niyaon, ang mga balakyot ay lilipulin, ang pagkasoberano ni Jehova ay ipagbabangong-puri, at ang kaniyang layunin ay isasakatuparan upang ang lupa ay gawing paraisong tatahanan ng mga taong may tunay na pag-ibig sa Diyos at sa isa’t isa at siyang bibigyan ng pagpapala ng buhay sa kasakdalan.

Dahil sa kahalagahan nito, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian.” (Mat. 6:10, 33) Buong-linaw na pinatutunayan ng mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon na pinagsisikapan nilang sundin ang payong iyan.

Iniwan ang Lahat Alang-alang sa Kaharian

Maaga pa sa kasaysayan nila, isinaalang-alang ng mga Estudyante ng Bibliya kung ano ang kahulugan ng paghanap muna sa Kaharian. Tinalakay nila ang talinghaga ni Jesus na doon ay inihambing niya ang Kaharian sa isang mamahaling perlas kung kaya ang isang tao ay yumaon at “ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik at binili niya iyon.” (Mat. 13:45, 46) Pinag-isipan nilang mabuti ang kahulugan ng payo ni Jesus sa isang mayamang binatang pinunò na ipagbili ang lahat, ipamahagi ito sa mga dukha, at sumunod sa kaniya. (Mar. 10:17-30) a Napagtanto nila na upang maging karapat-dapat na magkaroon ng bahagi sa Kaharian ng Diyos, dapat maging pangunahin sa kanilang buhay ang Kaharian, at buong-lugod na gamitin ang kanilang buhay, ang kanilang mga kakayahan, ang kanilang mga tinatangkilik, sa paglilingkod dito. Lahat ng iba pang mga bagay sa buhay ay magiging pangalawahin lamang.

Personal na ikinapit ni Charles Taze Russell ang payong iyon. Ipinagbili niya ang kaniyang maunlad na negosyo ng mga kasuutang panlalaki, unti-unting binawasan ang kaniyang pagkakasangkot sa ibang mga negosyo, saka ginamit niya ang lahat ng kaniyang makalupang mga ari-arian upang tulungan ang mga tao sa espirituwal na paraan. (Ihambing ang Mateo 6:19-21.) Ito’y hindi isang bagay na ginawa niya sa loob lamang ng ilang taon. Magpahanggang sa kaniyang kamatayan, ginamit niya ang lahat ng kaniyang tinatangkilik​—ang kakayahan niyang mag-isip, ang kaniyang kalusugan, ang kaniyang materyal na tinatangkilik​—upang turuan ang iba hinggil sa dakilang mensahe ng Mesianikong Kaharian. Sa libing ni Russell ang isa sa kaniyang mga kasama, si Joseph F. Rutherford, ay nagsabi: “Si Charles Taze Russell ay tapat sa Diyos, tapat kay Kristo Jesus, tapat sa kapakanan ng Mesianikong Kaharian.”

Noong Abril 1881 (nang iilang daan pa lamang ang dumadalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya), ang Watch Tower ay naglathala ng artikulong pinamagatang “Kailangan ang 1,000 Mangangaral.” Kalakip nito ang isang panawagan sa mga lalaki at babaing walang pampamilyang mga pananagutan na magpatala upang maglingkod bilang mga ebanghelisador na colporteur. Bilang pagtulad sa mga salita sa talinghaga ni Jesus sa Mateo 20:1-16, itinanong ng Watch Tower: “Sino ang may nagniningas na hangarin na humayo at magtrabaho sa Ubasan, at idinadalangin na buksan nawa ng Panginoon ang pagkakataon?” Yaong mga makapag-uukol ng di-kukulangin sa kalahati ng kanilang panahon nang buong-pusong paglilingkod sa gawain ng Panginoon ay pinasiglang magpatala. Upang tulungan sila sa mga gastusin sa paglalakbay, pagkain, pananamit, at tirahan, ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay naglaan sa mga naunang colporteur ng literatura sa Bibliya upang ipamahagi, bumanggit ng mababang abuloy na maaaring hilingin para sa literatura, at nagpahintulot sa mga colporteur na personal na gamitin ang bahagi ng mga abuloy na tinanggap. Sino ang tumugon sa mga kaayusang ito at nagpatala ukol sa paglilingkod bilang colporteur?

Noong 1885 ay mayroon nang mga 300 colporteur na kaugnay sa Samahan. Noong 1914 ang bilang sa wakas ay lumampas sa 1,000. Hindi ito isang madaling gawain. Matapos dalawin ang mga tahanan sa apat na maliliit na bayan at tatatlo o aapat na tao lamang ang nasumpungan niya na may interes sa anumang paraan, isa sa mga colporteur ay sumulat: “Inaamin ko na nakalulungkot ang maglakbay nang malayo, makilala ang maraming tao, at masumpungang walang gaanong interes sa plano at Iglesya ng Diyos. Tulungan ninyo ako ng inyong mga panalangin, upang may kawastuan at walang-takot na maiharap ko ang katotohanan, at hindi manghimagod sa paggawa ng mabuti.”

Kusa Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili

Ang mga colporteur na ito ay tunay na mga tagapaghanda ng daan. Nakarating sila sa pinakaliblib na mga sulok ng lupain sa isang panahong masyadong sinauna ang mga sasakyan at ang mga daan, sa kalakhang bahagi, ay mga landas lamang ng mga bakas ng gulong ng karuwahe. Si Sister Early, sa New Zealand, ay isa sa gumawa nito. Nagsisimula na bago pa man ang Digmaang Pandaigdig I, siya’y gumugol ng 34 na taon sa buong-panahong paglilingkurang iyan bago siya namatay noong 1943. Nalaganapan niya ang halos buong lupain na sakay ng isang bisikleta. Maging nang siya’y malumpo dahil sa arthritis at hindi na siya makasakay, ginamit pa rin niya ang bisikleta bilang alalay at upang ihatid ang kaniyang mga aklat sa palibot ng teritoryong binubuo ng mga bahay-kalakal sa Christchurch. Nakapapanhik siya sa hagdan, ngunit kailangan niyang bumaba nang paatras dahil sa kaniyang kapansanan. Gayunman, habang may natitirang lakas, ginamit niya ito sa paglilingkod kay Jehova.

Ang mga taong ito ay hindi pumili ng gawaing ito dahil sa may tiwala sila sa kanilang sarili. Ang iba ay likas na mahiyain, ngunit mahal nila si Jehova. Bago siya nagpatotoo sa teritoryo ng mga negosyo, ang isa sa mga sister na ito ay humiling sa bawat Estudyante ng Bibliya sa kaniyang lugar na idalangin siya. Sa pagdaan ng panahon, habang siya’y nasasanay, naging totoong masigasig siya sa gawaing ito.

Nang kausapin ni Malinda Keefer si Brother Russell noong 1907 tungkol sa pagnanais niyang pumasok sa buong-panahong paglilingkod, sinabi niya na sa palagay niya’y kailangan munang kumuha pa siya ng higit na kaalaman. Sa katunayan, iisang taon pa lamang ang lumipas mula nang una niyang basahin ang literatura ng mga Estudyante ng Bibliya. Ang sagot ni Brother Russell ay: “Kung gusto mong maghintay hanggang sa malaman mo ang lahat kailanma’y hindi ka makapagsisimula, ngunit matututo ka habang patuloy kang naglilingkod.” Walang pag-aatubili, nagsimula siya kaagad sa Ohio, sa Estados Unidos. Madalas niyang nagugunita ang Awit 110:3, na nagsasabi: “Ang bayan mo’y kusang maghahandog ng kanilang sarili.” Sa sumunod na 76 na taon, iyan ang patuloy niyang ginawa. b Wala siyang asawa nang siya’y magsimula. Sa loob ng 15 taon ay nagtamasa siya ng paglilingkod bilang isang may-asawa. Ngunit pagkatapos mamatay ang kaniyang asawa, siya ay nagpatuloy pa, sa tulong ni Jehova. Habang ginugunita ang nagdaang mga taon, sinabi niya: “Kaylaki ng aking pasasalamat na kusa kong inihandog ang aking sarili bilang isang payunir noong dalaga pa at lagi kong inuuna ang kapakanan ng Kaharian!”

Nang idinaos noon ang panlahatang mga kombensiyon, madalas na may kaayusang ginagawa para sa pantanging mga pulong ng mga colporteur. Ang mga katanungan ay sinasagot, ang pagsasanay ay inilalaan para sa mga baguhan, at ang pampatibay-loob ay ibinibigay.

Mula 1919 patuloy, marami pa sa mga lingkod ni Jehova ang may mataas na pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos anupat sila man ay nag-ukol ng kanilang buong buhay roon. Nakuhang iwanan ng ilan sa kanila ang sekular na mga karera at lubusang iniukol ang sarili sa ministeryo.

Pagtustos sa Materyal na mga Pangangailangan

Papaano nila tinustusan ang kanilang materyal na mga pangangailangan? Si Anna Petersen (nang maglao’y Rømer), isang buong-panahong ebangelisador sa Denmark, ay nakaalaala: “Natulungan kami ng naipamamahaging literatura para sa pang-araw-araw na mga gastusin, at hindi naman malaki ang pangangailangan namin. Kung may malaki-laking gastusin, ito’y laging sinasapatan kahit papaano. Binibigyan kami noon ng mga sister ng ilang damit, mga bestida o jacket, at ang mga ito’y karaka-raka naming isinusuot, kaya disente ang aming pananamit. Sa ilang taglamig ay nagtatrabaho ako sa opisina nang dalawang buwan. . . . Sa pamamagitan ng pagbili kapag may baratilyo, nabibili ko ang lahat ng kailangan kong damit sa buong isang taon. Naging maayos ang mga bagay-bagay. Kailanma’y hindi kami naghikahos.” Ang materyal na mga bagay ay hindi pangunahin sa kanila. Ang pag-ibig nila kay Jehova at sa kaniyang mga daan ay katulad ng isang nagniningas na apoy sa kanilang kalooban, at hindi maaaring hindi nila ihayag iyon.

Bilang tuluyan ay kadalasang umaarkila sila ng isang maliit na kuwarto samantalang dumadalaw sila sa mga tao sa dakong iyon. Ang ilan sa kanila’y gumamit ng isang trailer​—hindi magara, basta may lugar upang matulog at kumain. Ang iba’y natulog sa mga tolda samantalang palipat-lipat sa iba’t ibang lugar. Sa ilang dako isinaayos ng mga kapatid ang mga “pioneer camp.” Ang mga Saksi sa dakong iyon ay maaaring maglaan ng isang bahay, at mag-aatas ng isa upang pangasiwaan iyon. Ang mga payunir sa dakong iyon ay maaaring gumamit nito bilang tuluyan, at tutulong sila sa mga kinakailangang gastusin.

Hindi itinulot ng buong-panahong mga manggagawang ito na ang kakulangan ng salapi ay makahadlang sa tulad-tupang mga tao sa pagkuha ng literatura hinggil sa Bibliya. Madalas na ito’y ipinagpapalit ng mga payunir sa mga produkto tulad ng patatas, mantikilya, itlog, sariwa at de-latang prutas, manok, sabon, at halos kahit ano. Hindi sila yumayaman dito; sa halip, ito’y paraan lamang upang tulungan ang taimtim na mga tao na tumanggap ng pabalita ng Kaharian, samantalang kumukuha ng materyal na pangangailangan sa buhay upang makapagpatuloy ang mga payunir sa kanilang ministeryo. Nagtiwala sila sa pangako ni Jesus na kung kanilang ‘patuloy na . . . hahanapin muna ang kaharian at [sa Diyos na] katuwiran,’ saka ilalaan ang kinakailangang pagkain at pananamit.​—Mat. 6:33.

Handang Maglingkod Saanman May Pangangailangan

Ang kanilang masidhing pagnanais na isakatuparan ang gawaing iniatas ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay nagtulak sa buong-panahong mga manggagawa na humayo sa bagong mga teritoryo, maging sa bagong mga lupain. Nang anyayahan si Frank Rice na lisanin ang Australia upang buksan ang pangangaral ng mabuting balita sa Java (ngayo’y sakop ng Indonesia) noong 1931, may sampung taon na siyang karanasan sa buong-panahong ministeryo. Subalit ngayon ay may bagong mga kaugalian, bukod pa sa bagong mga wikang dapat matutuhan. Maaari siyang gumamit ng Ingles upang magpatotoo sa ilan sa mga tindahan at mga opisina, ngunit gusto niyang patotohanan din ang iba. Nag-aral siyang mabuti, at pagkaraan ng tatlong buwan ay may sapat na siyang alam na Olandes upang magpasimulang magbahay-bahay. Pagkatapos ay nag-aral siya ng Malay.

Si Frank ay 26 na taon lamang nang siya’y tumungo sa Java, at sa kabuuan ng anim na taóng naroroon siya at sa Sumatra, siya’y naglingkod nang nag-iisa. (Sa pagtatapos ng 1931, sina Clem Deschamp at Bill Hunter ay dumating mula sa Australia upang tumulong sa gawain. Silang dalawa ay magkasamang naglakbay papaloob upang mangaral, samantalang si Frank ay gumawa sa mismong kabisera at sa palibot ng Java. Nang maglaon, sina Clem at Bill ay tumanggap din ng mga atas na tumungo sa magkahiwalay na teritoryo.) Walang mga pulong ng kongregasyon na maaaring daluhan ni Frank. May panahon na totoong nakalulungkot, at hindi lamang miminsan na kailangang paglabanan niya ang pagnanais niyang huminto na lamang at umuwi sa Australia. Ngunit nagpatuloy pa rin siya. Papaano? Ang espirituwal na pagkain na nasa The Watch Tower ay nagpalakas sa kaniya. Noong 1937 siya’y lumipat sa ibang atas sa Indochina, na doon ay kamuntik na siyang mamatay noong panahon ng mararahas na himagsikan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Ang espiritung iyon ng pagkukusa sa paglilingkod ay buháy pa rin noong dekada ng 1970 nang siya’y sumulat upang ipahayag ang kaniyang kagalakan sapagkat ang kaniyang buong pamilya ay naglilingkod kay Jehova at upang sabihin na silang mag-asawa ay muling naghahandang lumipat sa isang dako sa Australia kung saan may malaking pangangailangan.

‘Tumiwala kay Jehova Nang Kanilang Buong Puso’

Nagpasiya si Claude Goodman na ‘tumiwala kay Jehova nang buong puso niya at huwag manalig sa kaniyang sariling kaunawaan,’ kaya pinili niya ang gawaing colporteur bilang Kristiyanong ebanghelisador sa halip na isang karera sa sekular na negosyo. (Kaw. 3:5, 6) Kasama ni Ronald Tippin, na nakatulong sa kaniyang makaalam ng katotohanan, siya’y naglingkod bilang colporteur sa Inglatera nang mahigit na isang taon. Pagkatapos, noong 1929, nagboluntaryo ang dalawa na tumungo sa India. c Kaylaking hamon nito!

Nang sumunod na mga taon, sila’y naglakbay hindi lamang sa pamamagitan ng paglalakad at pagsakay sa pampasaherong tren at bus kundi sa pamamagitan din ng pangkargamentong tren, karetong hinihila ng baka, kamelyo, bangka, ricksha, at maging eroplano at pribadong tren. Kung minsan ay inilalatag nila ang kanilang nakarolyong kumot sa mga dakong hintayan sa istasyon ng tren, sa silungan ng baka, sa damuhan sa kagubatan, o sa suwelong yari sa pinatigas na dumi ng baka na ginawang suwelo sa isang dampa, subalit may mga panahon din na sila’y natulog sa magagarang otel at sa palasyo ng isang raja. Katulad ni apostol Pablo, natutuhan nila ang lihim ng kasiyahan maging sa kasalatan o sa kasaganaan. (Fil. 4:12, 13) Karaniwan nang kakaunti lamang ang taglay nilang materyal na kayamanan, ngunit kailanma’y hindi sila naghikahos sa talagang kailangan nila. Personal nilang naranasan ang katuparan ng pangako ni Jesus na kung hahanapin muna nila ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, paglalaanan sila ng materyal na mga pangangailangan sa buhay.

Dinapuan sila ng malubhang mga sakit na dengue fever, malarya, at tipus, ngunit maibiging inalagaan sila ng kanilang kapuwa mga Saksi. Kailangang gawin ang paglilingkod sa gitna ng maruruming kalagayan ng mga siyudad na tulad ng Calcutta, at kailangang gawin ang pagpapatotoo sa malalaking taniman ng tsa sa kabundukan ng Ceylon (ngayo’y tinatawag na Sri Lanka). Upang sapatan ang espirituwal na pangangailangan ng mga tao, ang literatura ay inialok, ang mga plaka ay pinatugtog sa lokal na mga wika, at ang mga pahayag ay isinaayos. Nang sumulong ang gawain, natutuhan ni Claude kung papaano magpatakbo ng makinang pang-imprenta at pangasiwaan ang gawain sa mga tanggapang pansangay ng Samahan.

Sa kaniyang ika-87 taon, maaari niyang lingunin ang isang buhay na punung-punô ng mga karanasan sa paglilingkod kay Jehova sa Inglatera, India, Pakistan, Ceylon, Burma (ngayo’y Myanmar), Malaya, Thailand, at Australia. Kapuwa bilang binata at bilang ama at asawang lalaki, inuna niya ang Kaharian sa kaniyang buhay. Pumasok siya sa buong-panahong paglilingkuran wala pang dalawang taon pagkaraan ng kaniyang bautismo, at minalas niya ito bilang kaniyang panghabambuhay na karera.

Kapangyarihan ng Diyos Naging Sakdal sa Kahinaan

Si Ben Brickell ay isa pa sa masisigasig na Saksing ito​—katulad din ng ibang mga tao, na may mga pangangailangan at kapansanan. Siya’y namumukud-tangi sa pananampalataya. Noong 1930 siya’y pumasok sa gawain bilang colporteur sa New Zealand, na doon ay nagpatotoo siya sa mga teritoryong hindi na muling nagawa nang kung ilang dekada. Dalawang taon pagkaraan, sa Australia, siya’y naglakbay ng limang buwan upang mangaral sa tulad-disyertong mga lugar na hindi pa napangangaralan. Mabigat ang karga sa bisikleta niya na mga kumot, damit, pagkain, at mga aklat na ipamamahagi. Bagaman may mga lalaking namatay sa pagsisikap na tawirin ang dakong ito, siya’y nagtiis, na tumitiwala kay Jehova. Sumunod, siya’y naglingkod sa Malaysia, na doon ay nagkaroon siya ng malubhang sakit sa puso. Hindi siya huminto. Matapos magpahinga nang ilang panahon, siya’y nagpatuloy muli sa buong-panahong gawaing pangangaral sa Australia. Mga isang dekada pagkatapos nito, siya’y naospital dahil sa malubhang sakit, at nang lumabas sa ospital siya’y sinabihan ng doktor na “85 porsiyento ang nabawas sa kaniyang kakayahang magtrabaho.” Hindi man lamang siya makalalakad sa kalsada upang mamili kung hindi muna siya hihinto nang ilang beses upang magpahinga.

Ngunit determinado si Ben Brickell na patuloy na maglingkod, at ito nga ang kaniyang ginawa, na humihinto upang magpahinga kapag kailangan. Di-nagtagal at muli siyang nagpatotoo sa mahihirap at liblib na dako ng Australia. Ginawa niya ang makakaya upang alagaan ang kaniyang kalusugan, subalit ang paglilingkod niya kay Jehova ang pangunahing bagay sa kaniyang buhay hanggang sa kamatayan niya pagkaraan ng 30 taon nang siya’y mga 65 taóng gulang. d Nakilala niya na anumang kakulangang dulot ng kaniyang kahinaan ay masasapatan ng kapangyarihan ni Jehova. Sa isang kombensiyon sa Melbourne noong 1969, siya’y naglingkod sa mesa para sa mga payunir na may malaking lapel card, na may nakasulat: “Kung may gusto kayong malaman hinggil sa pagpapayunir, tanungin ninyo ako.”​—Ihambing ang 2 Corinto 12:7-10.

Narating ang mga Nayon sa Kagubatan at mga Kampong Minahan sa Bundok

Ang sigasig para sa paglilingkod kay Jehova ay nagpakilos hindi lamang sa mga lalaki kundi sa mga babae rin na gumawa sa mga dakong hindi pa napangangaralan. Si Freida Johnson ay isa sa mga pinahiran, medyo maliit at lampas na sa edad na 50 nang nag-iisa siyang gumawa sa ilang bahagi ng Sentral Amerika, na naglalakbay na sakay ng kabayo sa mga dakong tulad ng hilagang baybayin ng Honduras. Kailangan ang pananampalataya na gumawang nag-iisa sa dakong ito, na dumadalaw sa magkakalayong mga taniman ng saging, sa mga bayan ng La Ceiba, Tela, at Trujillo, at maging hanggang sa liblib na mga nayon ng Carib sa ibayo nito. Nagpatotoo siya roon noong 1930 at 1931, muli noong 1934, at noong 1940 at 1941, na namamahagi ng libu-libong mga babasahin na naglalaman ng katotohanan ng Bibliya.

Noong mga taóng iyon isa pang masigasig na manggagawa ang nagsimula ng kaniyang karera sa buong-panahong ministeryo. Ito’y si Kathe Palm, na isinilang sa Alemanya. Ang nagpakilos sa kaniya ay ang pagdalo niya sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931, na doon tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Noon ay nagpasiya siyang hanapin muna ang Kaharian, at noong 1992, sa edad na 89, patuloy pa niyang ginagawa ito.

Ang paglilingkod niya bilang payunir ay nagsimula sa New York City. Nang dakong huli, sa South Dakota, nagkaroon siya ng isang kasama sa loob ng ilang buwan ngunit pagkatapos ay nagpatuloy na nag-iisa, na naglalakbay na sakay ng kabayo. Nang anyayahang maglingkod sa Colombia, Timog Amerika, agad niyang tinanggap ito, at nakarating doon noong huling bahagi ng 1934. Muli na naman siyang nagkaroon ng kasama pansamantala ngunit pagkaraan ay nag-isa siyang muli. Hindi niya naisip na kailangan siyang huminto dahil dito.

Siya’y inanyayahan ng isang mag-asawa na sumama sa kanila sa Chile. Narito ang isa na namang malawak na teritoryo, isa na may habang 4,265 kilometro sa kanlurang baybayin ng kontinente ng Timog Amerika. Matapos mangaral sa mga bahay-kalakal sa kabisera, siya’y naglakbay patungo sa dulong hilaga ng bansa. Sa bawat kampong minahan, bawat bayan na pag-aari ng kompanya, malaki man o maliit, siya’y nagpatotoo sa bahay-bahay. Ang mga manggagawang naroon sa kaitasaan ng mga bundok na Andes ay nagtaka nang sila’y dalawin ng isang babaing nag-iisa, ngunit siya’y determinadong walang makakaligtaan sa teritoryong iniatas sa kaniya. Nang maglaon, siya’y lumipat sa bandang timog, na doon ang ilang estancias (mga rantso ng tupa) ay may lawak na 100,000 ektarya ang bawat isa. Ang mga tao roon ay palakaibigan at mapagpatuloy at inanyayahan nila siyang makisalo sa kanila sa panahon ng pagkain. Sa ganito at sa iba pang paraan, siya’y inalagaan ni Jehova, anupat taglay niya ang lahat ng materyal na pangangailangan niya sa buhay.

Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang siyang pumuspos sa kaniyang buhay. e Nang lumingon siya sa nagdaang mga taon ng paglilingkuran, sinabi niya: “Nadarama kong nagkaroon ako ng isang napakayamang buhay. Bawat taon kung dumadalo ako sa isang asamblea ng bayan ni Jehova, nagkakaroon ako ng isang mainit, may kasiyahang damdamin samantalang nakikita ko ang napakaraming tao na pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya na ngayo’y naghahayag ng mabuting balita, tumutulong sa iba na dumulog sa tubig ng buhay.” Natamasa niya ang pribilehiyong makita ang pagdami ng mga tagapuri kay Jehova sa Chile mula sa mga 50 lamang hanggang sa mahigit na 44,000.

“Narito Ako! Suguin Mo Ako”

Matapos marinig ang isang pahayag tungkol sa panawagan ni Jehova ukol sa paglilingkod na nakatala sa Isaias 6:8 at sa positibong tugon ng propeta na, “Narito ako! Suguin mo ako,” si Martin Poetzinger, sa Alemanya, ay nabautismuhan. Pagkaraan ng dalawang taon, noong 1930, siya’y pumasok sa buong-panahong ministeryo sa Bavaria. f Di-nagtagal, ipinagbawal ng mga opisyal doon ang pangangaral ng mga Saksi, ipinasara ang mga dakong pinagtitipunan, at kinumpiska ang literatura. Pinagbantaan sila ng mga Gestapo. Subalit ang mga pangyayaring ito noong 1933 ay hindi tumapos sa ministeryo ni Brother Poetzinger.

Inanyayahan siyang maglingkod sa Bulgaria. Ang mga testimony card sa wikang Bulgarian ay ginamit upang ialok ang literatura sa Bibliya. Ngunit marami sa mga tao ay hindi marunong bumasa. Dahil dito, si Brother Poetzinger ay nag-aral upang matutuhan ang kanilang wika, na nakasulat sa abakadang Cyrillic. Kapag naiwan ang literatura sa isang pamilya, madalas na kailangang ito’y basahing malakas ng maliliit na anak sa kanilang mga magulang.

Sa kabuuan ng unang taon, nag-iisa si Brother Poetzinger, at siya’y sumulat: “Noong Memoryal, ako ang nagpahayag, ako ang nanalangin, at ako ang nagtapos sa pulong, wala nang iba pa.” Noong 1934, ang mga dayuhan ay pinaalis sa bansa, kaya nagtungo siya sa Hungary. Dito ay panibago na namang wika ang dapat matutuhan upang maibahagi niya ang mabuting balita. Mula sa Hungary ay nagtungo siya sa mga bansa na noo’y kilala bilang Czechoslovakia at Yugoslavia.

Maraming maliligayang karanasan ang natamasa niya​—nakasumpong ng mga umiibig sa katotohanan habang naglalakad siya sa kabukiran at sa mga nayon, na nakapasan sa likod niya ang literatura; nagtamasa ng pagkalinga ni Jehova nang alukan siya ng pagkain at maging ng matutulugan sa gabi ng mapagpatuloy na mga tao; nakipag-usap sa mga pumupunta sa kaniyang tinutuluyan hanggang sa kalaliman ng gabi upang makarinig ng higit pa sa nakaaaliw na mensahe ng Kaharian.

Nagkaroon din ng mabibigat na pagsubok sa pananampalataya. Nang naglilingkod sa labas ng kaniyang katutubong bayan, at wala naman siyang laang-salapi, dinapuan siya ng isang malubhang karamdaman. Walang doktor na gustong tumingin sa kaniya. Ngunit naglaan si Jehova. Papaano? Sa wakas, ang senior consultant ng lokal na ospital ay nakausap. Inalagaan ng lalaking ito, isang taimtim na sumasampalataya sa Bibliya, si Brother Poetzinger na tulad sa sarili niyang anak, nang walang bayad. Hinangaan ng doktor ang mapagsakripisyong espiritu ng kabataang lalaking ito, na nakita sa kaniyang ginagawa, at tumanggap siya ng isang set ng mga aklat ng Samahan bilang regalo.

Isa pang mabigat na pagsubok ang dumating apat na buwan pagkaraan ng kaniyang kasal. Inaresto si Brother Poetzinger noong Disyembre 1936 at ibinilanggo una sa isang kampong piitan at pagkatapos ay sa iba naman, samantalang ang asawa niya ay nasa iba namang kampo. Hindi sila nagkita sa loob ng siyam na taon. Hindi hinadlangan ni Jehova ang ganitong malupit na pag-uusig, gayunma’y pinalakas niya si Martin, ang kaniyang asawang si Gertrud, at libu-libo pang iba upang ito’y matiis nila.

Matapos palayain ang mag-asawa, si Brother Poetzinger ay nagtamasa ng maraming taon ng paglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Alemanya. Naroon siya sa makabagbag-damdaming mga kombensiyong idinaos pagkatapos ng digmaan sa dating pinagdarausan ng parada ni Hitler sa Nuremberg. Ngunit noon ang lugar na iyon ay punô ng isang malaking pulutong ng tapat na mga tagapagtaguyod ng Kaharian ng Diyos. Dumalo siya sa di-malilimot na mga kombensiyon sa Yankee Stadium sa New York. Nasiyahan siyang lubos sa pagsasanay na tinanggap niya sa Watchtower Bible School of Gilead. At noong 1977 siya’y naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang saloobin, magpahanggang sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay noong 1988, ay pinakamabuting maipahahayag sa mga pananalitang: ‘Tanging ito lamang ang aking ginagawa​—hanapin muna ang Kaharian.’

Natutuhan Kung Ano Talaga ang Ibig Sabihin Nito

Ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay hindi bago sa mga Saksi ni Jehova. Nang ilathala ang kauna-unahang tomo ng Millennial Dawn noong 1886, ang paksa hinggil sa pagtatalaga (o, gaya ng sinasabi natin ngayon, pag-aalay) ay lubusang tinalakay. Ipinaliwanag batay sa Kasulatan na “itinatalaga” ng tunay na mga Kristiyano ang lahat sa Diyos; kalakip nito ang kanilang kakayahan, ang kanilang materyal na ari-arian, ang kanilang buhay mismo. Sa gayon ang mga Kristiyano ay nagiging mga katiwala ng mga bagay na “itinalaga” sa Diyos, at bilang mga katiwala, sila’y dapat magbigay-sulit​—hindi sa mga tao kundi sa Diyos.

Isang lumalaking bilang ng mga Estudyante ng Bibliya ang tunay na nag-ukol ng kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos. Lubusan nilang ginamit ang kanilang kakayahan, ang kanilang mga ari-arian, ang kanilang lakas, sa paggawa ng kaniyang kalooban. Sa kabilang dako, may ilan na nag-akala na ang pinakamahalaga ay ang paglinang ng tinatawag nilang Kristiyanong personalidad upang maging karapat-dapat silang makasama ni Kristo sa Kaharian.

Bagaman ang pananagutan ng bawat tunay na Kristiyano na magpatotoo sa iba hinggil sa Kaharian ng Diyos ay madalas banggitin ni Brother Russell, ito’y lalong idiniin pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Ang artikulong “Pagkatao o Tipan​—Alin?” sa The Watch Tower ng Mayo 1, 1926, ay isang matingkad na halimbawa nito. Prangkahang tinalakay nito ang nakapipinsalang mga epekto ng di-umano’y paglinang ng mabuting pagkatao at pagkatapos ay idiniin ang kahalagahan ng pagganap ng mga pananagutan ng isa sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa.

Una pa rito, ang The Watch Tower ng Hulyo 1, 1920, ay nagsuri sa dakilang hula ni Jesus tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sanlibutan.’ (Mat. 24:3, KJ) Itinutok nito ang pansin sa gawaing pangangaral na dapat isagawa bilang katuparan ng Mateo 24:14 at sinabi kung ano ang mensaheng dapat ihayag, sa pagsasabing: “Ang mabuting balita rito ay tungkol sa katapusan ng matandang kaayusan ng mga bagay at sa pagkatatag ng kaharian ng Mesiyas.” Ipinaliwanag ng The Watch Tower na batay sa pagkakasunud-sunod ng pagbanggit dito ni Jesus kung ihahambing sa ibang bahagi ng tanda, ang gawaing ito ay dapat isagawa “sa pagitan ng panahon ng dakilang digmaang pandaigdig [Digmaang Pandaigdig I] at ng panahon ng ‘malaking kapighatian’ na binanggit ng Panginoon sa Mateo 24:21, 22.” Apurahan ang gawaing iyon. Sino ang gagawa niyaon?

Maliwanag na ang pananagutang ito ay nakaatang sa mga miyembro ng “iglesya,” ang tunay na Kristiyanong kongregasyon. Gayunman, noong 1932, sa pamamagitan ng isyu ng Agosto 1 ng Ang Bantayan (sa Ingles) ang mga ito ay pinayuhan na pasiglahin ang “uring Jehonadab” na makisama sa kanila sa gawaing ito, kaayon ng espiritu ng Apocalipsis 22:17. Ang uring Jehonadab​—na ang pag-asa ay walang-hanggang buhay sa Paraisong lupa​—ay tumugon, at marami sa kanila ang buong-sigasig na gumawa nito.

Ang lubhang kahalagahan ng gawaing ito ay matinding idiniin: “Ang pakikibahagi sa paglilingkuran sa Panginoon ay kasing-halaga ng pagdalo sa pagpupulong,” ang sabi ng The Watch Tower noong 1921. “Ang bawat isa ay dapat maging tagapangaral ng ebanghelyo,” ang paliwanag nito noong 1922. “Ginawa ni Jehova na ang pangangaral ang pinakamahalagang gawaing magagawa ng sinuman sa atin sa sanlibutang ito,” ang sabi nito noong 1949. Madalas na sinipi ang ipinahayag ni apostol Pablo sa 1 Corinto 9:16 na: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Ang totoo, sa aba ko kung hindi ko ipangaral ang mabuting balita!” Ang kasulatang ito ay ikinapit sa bawat isa sa mga Saksi ni Jehova.

Ilan ba ang Nangangaral? Hanggang Saan? Bakit?

Mayroon bang sinuman na pinilit na makibahagi sa gawaing ito na labag sa kanilang kagustuhan? “Wala,” ang sagot ng The Watch Tower, sa labas nito ng Agosto 1, 1919, “walang sinuman ang pinipilit na gumawa ng anumang bagay. Lahat ay pawang boluntaryong paglilingkod, na ginagawa dahil sa pag-ibig sa Panginoon at sa kapakanan ng kaniyang katuwiran. Kailanma’y hindi sapilitang nangalap si Jehova ng sinuman.” May kaugnayan sa motibong nasa likuran ng gayong paglilingkod, ang The Watch Tower ng Setyembre 1, 1922, ay nagsabi pa: “Ang isang tunay na tumatanaw ng utang na loob sa kaniyang puso at nagpapahalaga sa ginagawa ng Diyos para sa kaniya ay magaganyak na gantihan ito; at habang lumalaki ang kaniyang pagpapahalaga sa kabaitan ng Diyos sa kaniya, lalo namang lumalaki ang kaniyang pag-ibig; at habang lumalaki ang kaniyang pag-ibig, lalo namang sumisidhi ang pagnanais niya na maglingkod sa kaniya.” Ang pag-ibig sa Diyos, ayon sa paliwanag, ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang mga utos, at isa sa mga utos na iyon ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Isa. 61:1, 2; 1 Juan 5:3.

Ang mga nagsasabalikat ng gawaing ito ay hindi naakit dahil sa anumang makasanlibutang ambisyon. Tahasang sinabi sa kanila na kapag sila’y nagbabahay-bahay o nag-aalok ng literatura sa lansangan, sila’y mamalasin bilang “mga mangmang, mahihina, mabababa,” na sila’y “hahamakin, pag-uusigin,” at na sila’y tataguriang “walang kabuluhan sa paningin ng sanlibutan.” Ngunit alam nila na gayon din ang pakikitungo kay Jesus at sa una niyang mga alagad.​—Juan 15:18-20; 1 Cor. 1:18-31.

Iniisip ba ng mga Saksi ni Jehova na sa papaano man ay nagiging karapat-dapat sila sa kaligtasan dahil sa kanilang gawaing pangangaral? Kailanma’y hindi gayon! Ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos, na ginagamit mula noong 1983 upang tulungan ang mga estudyante na sumulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang, ay tumatalakay sa bagay na ito. Sinasabi nito: “Binuksan din ng hain ni Jesus ang pagkakataon ukol sa buhay na walang hanggan . . . Hindi ito gantimpala na karapatan nating makamit. Gaano man kalaki ang nagagawa natin sa paglilingkod kay Jehova, kailanma’y hindi tayo magiging karapat-dapat sa buhay na waring ito’y utang na dapat bayaran sa atin ng Diyos. Ang walang-hanggang buhay ay ‘kaloob na bigay ng Diyos . . . sa pamamagitan ni Kristo Jesus na Panginoon natin.’ (Roma 6:23; Efe. 2:8-10) Sa kabila nito, kung may pananampalataya tayo sa kaloob na ito at pagpapahalaga sa paraan ng pagkakaloob nito, ito ay mamamalas sa atin. Sa pagkaunawa sa kamangha-manghang paraan ng paggamit ni Jehova kay Jesus upang ganapin ang Kaniyang kalooban at kung bakit mahalaga na lahat tayo ay sumunod nang mahigpit sa mga hakbang ni Jesus, ituturing natin ang ministeryong Kristiyano bilang isa sa pinakamahalagang bagay sa ating buhay.”

Masasabi bang ang lahat ng mga Saksi ni Jehova ay tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos? Oo! Iyan ang ibig sabihin ng pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova. Mahigit na kalahating siglo ang nakalipas, may ilan na nag-iisip na hindi kailangang magkaroon sila ng bahagi sa paglilingkod sa larangan, na lumalabas sa madla at sa bahay-bahay. Subalit ngayon wala sa mga Saksi ni Jehova ang nagsasabing may eksempsiyon sila sa paglilingkod na ito dahil sa kanilang posisyon sa lokal na kongregasyon o sa pambuong-daigdig na organisasyon. Ang mga lalaki at babae gayundin ang mga bata’t matanda ay pawang nakikibahagi. Minamalas nila ito bilang mayamang pribilehiyo, isang banal na paglilingkuran. Marami ang gumagawa nito sa kabila ng malulubhang karamdaman. At kung tungkol sa mga hindi makalalabas sa bahay-bahay dahil sa kapansanan, nakasusumpong sila ng iba pang mga paraan upang marating ang mga tao at bigyan sila ng personal na pagpapatotoo.

Noong nakaraan, nakagawian na kung minsan na ang mga baguhan ay pinapayagang makibahagi agad sa paglilingkod sa larangan kahit hindi pa handa. Ngunit sa katatapos na ilang dekada, binigyan ng higit na pagdiriin ang pagiging kuwalipikado nila bago sila anyayahan. Ano ang ibig sabihin nito? Hindi ito nangangahulugan na kailangang ang lahat ng mga bagay sa Bibliya ay kaya nilang ipaliwanag. Ngunit, katulad ng paliwanag ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, dapat na malaman at sampalatayanan nila ang saligang mga turo ng Bibliya. Dapat ding namumuhay sila nang malinis, kaayon ng mga pamantayan ng Bibliya. Dapat na may tunay na pagnanais ang bawat isa na maging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Hindi inaasahang pare-pareho ang gagawing pangangaral ng lahat ng mga Saksi ni Jehova. Iba’t iba ang kalalagayan ng mga indibiduwal. Ang edad, kalusugan, pampamilyang pananagutan, at ang lalim ng pagpapahalaga ay pawang mga salik. Ito’y dati nang kinikilala. Idiniin iyon ng Ang Bantayan sa labas nito ng Abril 15, 1951 (Disyembre 1, 1950, sa Ingles), nang pinag-usapan “ang mabuting lupa” sa talinghaga ni Jesus tungkol sa manghahasik, sa Lucas 8:4-15. Ang Kingdom Ministry School Course, na inihanda para sa matatanda noong 1972, ay sumuri sa kahilingan na ‘ibigin si Jehova nang buong kaluluwa’ at nagpaliwanag na “ang mahalaga ay hindi ang dami ng nagagawa ng isa kung ihahambing sa nagagawa naman ng iba, kundi ang paggawa ng magagawa ng isa.” (Mar. 14:6-8) Gayunpaman, upang pasiglahin ang dibdibang pagsusuri sa sarili, ipinakita rin nito na ang gayong uri ng pag-ibig ay nangangahulugan “na nasasangkot sa buong pag-ibig na paglilingkod sa Diyos ang bawat himaymay ng buhay ng isa; walang napupuwerang gawain, kapasidad o naisin sa buhay.” Lahat ng ating mga kakayahan, ang ating buong kaluluwa, ay dapat pakilusin upang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang aklat-araling iyan ay buong-diing nagsabi na “ang hinihiling ng Diyos ay, hindi lamang ang pakikibahagi, kundi ang buong-kaluluwang paglilingkod.”​—Mar. 12:30.

Nakalulungkot, ang hilig ng di-sakdal na tao ay ang maging mapagmalabis, na binibigyan ng labis na pagdiriin ang isang bagay samantalang pinababayaan naman ang iba. Kaya, noon pang 1906, nakita ni Brother Russell na kailangang paalalahanan ang mga kapatid na ang pagsasakripisyo-sa-sarili ay hindi nangangahulugang isasakripisyo natin ang iba. Hindi ito nangangahulugang hindi natin paglalaanan ng sapat ang ating asawa, ang menor-de-edad na mga anak, o matatanda nang mga magulang upang tayo’y maging malaya na makapangaral sa iba. Sa pana-panahon mula noon, ang kahawig na mga paalaala ay lumabas sa mga publikasyon ng Watch Tower.

Unti-unti, sa tulong ng Salita ng Diyos, ang buong organisasyon ay nagsikap na magkaroon ng Kristiyanong pagkatimbang​—nagpapamalas ng sigasig para sa paglilingkod sa Diyos, samantalang binibigyan ng kaukulang pansin ang lahat ng mga pitak na nasasangkot sa pagiging tunay na Kristiyano. Bagaman ang “paglinang ng mabuting pagkatao” ay isinalig sa maling pagkaunawa, ipinakita ng Ang Bantayan na hindi dapat waling-bahala ang mga bunga ng espiritu at ang Kristiyanong paggawi. Noong 1942, tuwirang sinabi ng Ang Bantayan, (sa Ingles): “Ang ilan ay may kamaliang nag-aakala na yamang sila’y nakikibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay ay may kalayaan na silang makapagtaguyod ng anumang landasing magbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pita. Dapat nating tandaan na may higit na hinihiling sa atin kaysa sa pakikibahagi lamang sa gawaing pagpapatotoo.”​—1 Cor. 9:27.

Gawing Pangunahin ang Pinakamahalagang mga Bagay

Natatalos ng mga Saksi ni Jehova na upang ‘hanapin muna ang Kaharian at katuwiran ng Diyos’ ay kailangang gawing pangunahin sa buhay ang pinakamahahalagang bagay. Kalakip nito ang paglalaan ng panahon sa buhay ng isa para sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at huwag tulutang unahan ang mga ito ng ibang mga pinagkakaabalahan sa buhay. Nasasangkot dito ang paggawa ng mga desisyon na nagpapaaninaw ng isang taimtim na pagnanais na makiayon sa mga kahilingan ng Kaharian ng Diyos, gaya ng inilalahad sa Bibliya. Kalakip nito ang paggamit ng mga simulain ng Bibliya bilang saligan ng mga desisyon may kaugnayan sa buhay pampamilya, paglilibang, sekular na edukasyon, trabaho, pagnenegosyo, at pakikisalamuha sa kapuwa-tao.

Ang paghanap muna sa Kaharian ay nagsasangkot ng higit pa kaysa pagkakaroon ng kaunting bahagi bawat buwan sa pakikipag-usap sa iba hinggil sa layunin ng Diyos. Ito’y nangangahulugang inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian sa buong buhay ng isa, samantalang binibigyan ng kaukulang atensiyon ang iba namang maka-Kasulatang mga obligasyon.

Marami ang mga pamamaraan upang itaguyod ng masisigasig na Saksi ni Jehova ang mga kapakanan ng Kaharian.

Ang Pribilehiyo ng Paglilingkuran sa Bethel

Ang ilan ay naglilingkuran bilang mga miyembro ng pambuong-daigdig na pamilyang Bethel. Ito’y grupo ng mga buong-panahong ministro na nagboluntaryong gumawa ng anumang maiaatas sa kanila sa paghahanda at paglilimbag ng literatura sa Bibliya, sa pag-aasikaso ng kinakailangang gawain sa opisina, at sa paglalaan ng mga serbisyo upang suportahan ang lahat ng ito. Hindi ito gawain na magdudulot sa kanila ng personal na katanyagan o materyal na ari-arian. Ang kanilang hangarin ay ang pumuri kay Jehova, at sila’y nasisiyahan sa mga paglalaang ginagawa para sa kanilang pagkain, tirahan, at kaunting reimbursement ng personal na mga gastusin. Halimbawa, dahil sa paraan ng pamumuhay ng pamilyang Bethel, minamalas sila ng sekular na mga awtoridad sa Estados Unidos bilang mga miyembro ng isang relihiyosong orden na gumawa ng panata ng karukhaan. Yaong mga nasa Bethel ay nagagalak na lubusang gamitin ang kanilang buhay sa paglilingkod kay Jehova at sa paggawa ng mga bagay na nagdudulot ng kapakinabangan sa marami sa kanilang mga kapatid na Kristiyano at sa mga baguhang interesado, kung minsan maging sa ibang mga bansa. Katulad ng ibang mga Saksi ni Jehova, sila’y palagiang nakikibahagi sa ministeryo sa larangan.

Ang unang pamilyang Bethel (o, pamilya ng Bible House, gaya ng tawag sa kanila noon) ay nasa Allegheny, Pennsylvania. Noong 1896, ang nagtatrabaho roon ay may bilang na 12. Noong 1992, may mahigit na 12,900 miyembro ng pamilyang Bethel, na naglilingkod sa 99 na lupain. Bilang karagdagan, nang wala nang matuluyan sa mga gusali ng Samahan, daan-daang iba pang mga boluntaryo ang nagbibiyahe araw-araw patungo sa mga tahanang Bethel at mga pagawaan upang makibahagi sa gawain doon. Itinuturing nilang pribilehiyo na makibahagi sa gawain. Kapag may pangangailangan, libu-libo pang mga Saksi ang handang mag-iwan ng sekular na trabaho at ibang mga gawain sa iba’t ibang yugto ng panahon upang tumulong sa pagtatayo ng mga gusaling ginagamit ng Samahan may kaugnayan sa pangglobong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Marami sa mga miyembro ng pambuong-daigdig na pamilyang Bethel ang gumugol ng buong buhay nila sa gawaing ito. g Si Frederick W. Franz na noong 1977 ay naging ikaapat na presidente ng Samahang Watch Tower, ay nakagugol na noon ng 57 taon bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa New York, at siya’y nagpatuloy sa paglilingkod sa Bethel nang 15 taon pa, hanggang siya’y mamatay noong 1992. Si Heinrich Dwenger ay nagsimula ng kaniyang paglilingkuran sa Bethel sa Alemanya noong 1911, na may-kapakumbabaang naglingkod saanman siya atasan; at noong 1983, ang taon ng kaniyang kamatayan, siya’y naglingkod pa rin bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Thun, Switzerland. Si George Phillips, na taga-Scotland, ay tumanggap ng atas sa tanggapang pansangay sa Timog Aprika noong 1924 (nang ito’y nangangasiwa sa gawaing pangangaral mula sa Cape Town hanggang sa Kenya) at patuloy na naglingkod sa Timog Aprika hanggang sa kamatayan niya noong 1982 (na noon ay may pitong tanggapang pansangay ng Samahan at mga 160,000 Saksi ang aktibo sa dakong yaon). Ang Kristiyanong mga kapatid na babae, tulad nina Kathryn Bogard, Grace DeCecca, Irma Friend, Alice Berner at Mary Hannan, ay gumugol ng kalakasan ng kanilang buhay sa paglilingkuran sa Bethel, na ginawa ito hanggang sa kamatayan nila. Maraming iba pang miyembro ng pamilyang Bethel ang nakapaglilingkod na rin ng 10, 30, 50, 70, at higit pang mga taon.

Mapagsakripisyo-sa-Sariling Naglalakbay na mga Tagapangasiwa

Sa buong daigdig, mga 3,900 tagapangasiwa ng sirkito at distrito, kasama ng kani-kanilang asawa, ang naglilingkod sa mga atas saanman sila kailanganin, karaniwan na’y sa kanilang sariling lupain. Iniwan ng marami sa mga ito ang kanilang mga tahanan at ngayon ay lumilipat linggu-linggo o tuwing ilang linggo upang paglingkuran ang mga kongregasyong iniatas sa kanila. Wala silang tinatanggap na suweldo subalit pinasasalamatan nila ang pagkain at tuluyang inilalaan sa mga dakong pinaglilingkuran nila, gayundin ang kaunting tulong para sa personal nilang mga gastusin. Sa Estados Unidos, na doon may 499 tagapangasiwa ng sirkito at distrito na naglilingkod noong 1992, ang naglalakbay na matatandang ito ay may aberids na edad na 54 na taóng gulang, at ang ilan sa kanila’y nakapaglingkod na sa tungkuling ito nang 30, 40, o higit pang mga taon. Sa ilang lupain, ang mga tagapangasiwang ito ay naglalakbay sa pamamagitan ng kotse. Dahil sa uri ng teritoryo sa may Pasipiko ang madalas gamitin ay mga pampasaherong eroplano at barko. Sa maraming dako nararating ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang liblib na mga kongregasyon sa pamamagitan ng pagsakay sa kabayo o paglalakad.

Tumutugon ang mga Payunir sa Malaking Pangangailangan

Upang pasimulan ang pangangaral ng mabuting balita sa mga lugar na wala pang mga Saksi, o upang maglaan ng tulong sa isang dakong may malaking pangangailangan, isinasaayos ng Lupong Tagapamahala na isugo ang mga special pioneer. Sila’y mga buong-panahong ebanghelisador na gumugugol ng hindi kukulangin sa 140 oras bawat buwan sa ministeryo sa larangan. Handa silang maglingkod saanman sila kailanganin sa kanilang sariling lupain o, kung minsan, sa karatig na mga bansa. Yamang ang hinihiling sa kanila sa paglilingkod ay nangangahulugang kaunti lamang kung mayroon mang panahon para sa sekular na trabaho ukol sa materyal na pangangailangan, sila’y binibigyan ng kaunting reimbursement para sa gastos sa tuluyan at iba pang mga pangangailangan. Noong 1992, may mahigit na 14,500 special pioneer sa iba’t ibang bahagi ng lupa.

Nang isugo ang unang mga special pioneer noong 1937, nanguna sila sa gawaing pagpapatugtog ng isinaplakang mga pahayag sa Bibliya para sa mga maybahay sa mismong mga pintuan nila at sa paggamit ng mga recording bilang saligan ng mga pag-uusap kapag dumadalaw-muli. Ginawa ito sa malalaking lunsod kung saan mayroon nang mga kongregasyon. Pagkalipas ng ilang taon, pinasimulang atasan ang mga special pioneer lalo na sa mga lugar na wala pang kongregasyon o na may kongregasyong nangangailangan ng malaking tulong. Bilang resulta ng kanilang epektibong gawain, daan-daang bagong mga kongregasyon ang naitatag.

Sa halip na saklawin ang isang teritoryo at pagkatapos ay umalis, sila’y paulit-ulit na gumagawa sa isang takdang lugar, na sumusubaybay sa interes at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang mga pulong ay isinaayos para sa mga interesado. Kaya sa Lesotho, sa bandang timog ng Aprika, sa unang linggo niya sa isang bagong teritoryo, inanyayahan ng isang special pioneer ang lahat ng kaniyang nakatagpo na dumalo at tingnan kung papaano idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Siya at ang buong pamilya niya ang gumanap ng buong programa. Pagkatapos ay inanyayahan niya ang lahat sa Pag-aaral ng Bantayan. Pagkalipas ng unang pag-uusyoso nila, may 30 na nagpatuloy sa pagdalo sa Pag-aaral ng Bantayan, at ang aberids na dumalo sa paaralan ay 20. Sa mga lupain kung saan ang mga misyonerong sinanay sa Gilead ang nagpasimuno sa pangangaral ng mabuting balita, lalong bumibilis ang paglago kung minsan kapag ang mga Saksing taál na tagaroon ay nagiging kuwalipikadong maglingkod bilang special pioneer, sapagkat ang gawain nila kadalasa’y higit na epektibo lalo na sa mga tagaroon.

Bilang karagdagan sa masisigasig na manggagawang ito, libu-libo pa sa mga Saksi ni Jehova ang buong-kasipagang nagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian. Kabilang sa mga ito ang bata at matanda, lalaki at babae, may asawa at walang asawa. Ang mga regular pioneer ay gumugugol ng di-kukulangin sa 90 oras bawat buwan sa ministeryo sa larangan; ang mga auxiliary pioneer, di-kukulangin sa 60 oras. Sila ang nagpapasiya kung saan nila gustong mangaral. Karamihan sa kanila’y gumagawang kasama ng nakatatag nang mga kongregasyon; ang ilan ay tumutungo sa nabubukod na mga lugar. Inaalagaan nila ang sarili nilang pisikal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng sekular na trabaho, o kaya’y tumutulong ang kanilang mga kasambahay upang sila’y tustusan. Noong 1992, mahigit sa 914,500 ang nakibahagi sa gayong paglilingkod bilang mga regular o auxiliary pioneer kahit man lamang sa isang bahagi ng taon.

Mga Paaralan na May Pantanging Layunin

Upang masangkapan ang mga boluntaryo sa partikular na uri ng paglilingkod, ang pantanging pag-aaral ay inilalaan. Mula noong 1943, halimbawa, ang Paaralang Gilead ay nagsanay sa libu-libong may-karanasang ministro para sa gawaing misyonero, at ang nagtapos doon ay isinugo sa lahat ng bahagi ng lupa. Noong 1987 ang Ministerial Training School ay nagsimula upang sapatan ang pantanging mga pangangailangan, kasali na ang pangangalaga sa mga kongregasyon gayundin sa ibang mga responsibilidad. Dahil sa kaayusan na ang paaralang ito ay magtipon sa iba’t ibang dako, mababawasan ang malayong paglalakbay ng mga estudyante sa isang sentral na lugar gayundin ang pangangailangang matuto ng bagong wika upang makinabang mula sa paaralan. Lahat ng mga inaanyayahan sa paaralang ito ay ang matatanda at ministeryal na mga lingkod na nagpapatunay na talagang hinahanap muna nila ang Kaharian. Inihanda ng marami ang kanilang mga sarili upang maglingkod sa ibang lupain. Ang kanilang espiritu ay katulad niyaong sa propetang si Isaias, na nagsabi: “Narito ako! Suguin mo ako.”​—Isa. 6:8.

Upang pasulungin ang kakayahan ng mga naglilingkod na bilang mga regular at special pioneer, sinimulan ang Pioneer Service School noong 1977. Saanman maaari, ang paaralan ay isinaayos sa bawat sirkito sa palibot ng daigdig. Ang lahat ng mga payunir ay inanyayahang makinabang mula sa dalawang-linggong kursong ito. Simula noon, ang mga payunir na nagtapos sa una nilang taon sa paglilingkod ay nabigyan ng gayunding pagsasanay. Magpahanggang 1992, mahigit sa 100,000 payunir ang sinanay na sa paaralang ito sa Estados Unidos lamang; mahigit sa 10,000 ang sinasanay taun-taon. May karagdagang 55,000 ang sinanay sa Hapón, 38,000 sa Mexico, at 25,000 sa Brazil, at 25,000 sa Italya. Bilang karagdagan sa kursong ito, regular na tinatamasa ng mga payunir ang isang pantanging pulong kasama ng tagapangasiwa ng sirkito sa kaniyang dalaw sa bawat kongregasyon dalawang beses sa isang taon at ang isang pantanging sesyon ng pagsasanay kasama ng kapuwa tagapangasiwa ng sirkito at distrito sa panahon ng taunang pansirkitong asamblea. Kaya, yaong mga bumubuo ng malaking hukbo ng mga tagapaghayag ng Kaharian bilang mga payunir ay hindi lamang kusang-loob na mga manggagawa kundi sinanay-na-mabuting mga ministro.

Naglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Libu-libo sa mga Saksi ni Jehova​—ang ilan ay payunir, at ang iba’y hindi​—ang naghandog ng kanilang sarili upang maglingkod hindi lamang sa sarili nilang lugar kundi sa ibang dako rin naman kung saan may malaking pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng mabuting balita. Bawat taon libu-libo ang gumugugol ng ilang linggo o mga buwan, depende sa personal na maisasaayos nila, sa mga lugar na malayo sa kanilang mga tahanan upang magpatotoo sa mga taong hindi regular na nadadalaw ng mga Saksi ni Jehova. Libu-libo pang iba ang lubusang lumisan sa sariling lugar at lumipat upang maglaan ng gayong tulong sa mas mahabang panahon. Marami sa mga ito ay mga mag-asawa o mga pamilyang may mga anak. Kadalasa’y hindi gaanong malayo ang kanilang nililipatan, ngunit ang iba’y lumipat nang ilang beses sa paglipas ng mga taon. Marami sa masisigasig na Saksing ito ang nakapaglingkod pa man din sa ibang mga bansa​—ang ilan ay para sa ilang taon lamang, ang iba naman ay doon na namalagi. Ginagawa nila ang anumang sekular na trabaho na makasasapat sa kanilang mga pangangailangan, at sila ang gumagastos sa sariling pamasahe kapag lumilipat. Ang tanging hangarin nila ay ang makibahaging lubos sa abot ng kanilang kalagayan sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian.

Kung ang ulo ng pamilya ay hindi Saksi, maaaring ilipat niya ang kaniyang pamilya dahil sa hanapbuhay. Ngunit maaaring malasin ito ng mga Saksing miyembro ng pamilya na pagkakataon upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian. Totoo ito sa dalawang Saksi mula sa Estados Unidos na napalipat sa isang kampo ng konstruksiyon sa kagubatan ng Suriname noong dakong huli ng dekada ng 1970. Dalawang beses sa isang linggo sila’y bumabangon ng alas 4:00 n.u., sumasakay sa bus ng kompanya para sa isang-oras na matagtag na biyahe patungo sa isang nayon, at gumugugol ng maghapon sa pangangaral. Di-nagtagal at nagdaraos na sila ng 30 pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo sa mga taong nagugutom sa katotohanan. Sa ngayon, mayroon nang kongregasyon sa dati’y di-nararating na bahagi ng kagubatang iyon.

Sinasamantala ang Bawat Angkop na Pagkakataon Upang Magpatotoo

Sabihin pa, hindi naman lumilipat ang lahat ng mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa, o kahit sa ibang bayan, upang ganapin ang kanilang ministeryo. Maaaring hindi sila makapagpayunir dahil sa kanilang mga kalagayan. Gayunman, batid nila ang payo ng Bibliya na gumawa nang “buong sikap” na laging “sumasagana sa gawa ng Panginoon.” (2 Ped. 1:5-8; 1 Cor. 15:58) Ipinakikita nilang hinahanap muna ang Kaharian kapag ang kapakanan nito ang inuuna sa sekular na trabaho at sa paglilibang. Yaong mga taus-pusong nagpapahalaga sa Kaharian ay regular na nakikibahagi sa ministeryo sa larangan ayon sa ipinahihintulot ng kanilang mga kalagayan, at marami sa kanila ang gumagawa ng pagbabago sa kanilang kalagayan upang higit na makabahagi. Sila’y palagi ring alisto na samantalahin ang angkop na mga pagkakataon upang magpatotoo sa iba tungkol sa Kaharian.

Bilang halimbawa, si John Furgala, may-ari ng isang negosyo ng hardware sa Guayaquil, Ecuador, ay naglagay sa kaniyang tindahan ng nakaaakit na display ng literatura ng Bibliya. Habang inihahanda ng kaniyang katulong ang pinamili, nagpatotoo naman si John sa parokyano.

Sa Nigeria isang masigasig na Saksi na sumusuporta sa kaniyang pamilya sa pagtatrabaho bilang kontratista sa elektrikal ang determinado rin na lubusang samantalahin ang mga pagkakataon niya sa trabaho upang magpatotoo. Yamang siya ang may-ari ng negosyo, nagtakda siya ng sarili niyang iskedyul ng gawain. Tuwing umaga, bago magsimula ang gawain sa maghapon, tinitipon niya ang kaniyang asawa, mga anak, mga empleyado, at mga katulong upang pag-usapan ang pang-araw-araw na teksto mula sa Bibliya, gayundin ang mga karanasan mula sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Sa pasimula ng bawat taon, binibigyan niya ang kaniyang mga parokyano ng isang sipi ng kalendaryo ng Samahang Watch Tower, kasama rin ng dalawang magasin. Bunga nito, ang ilan sa kaniyang mga empleyado at ilan sa kaniyang mga parokyano ay nakikisama na sa kaniya sa pagsamba kay Jehova.

Kayrami ng mga Saksi ni Jehova na nagtataglay ng gayunding espiritu. Anuman ang kanilang ginagawa, lagi silang naghahanap ng mga pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita sa iba.

Isang Malaking Hukbo ng Maliligayang Buong-Panahong Ebanghelisador

Sa paglipas ng mga taon, hindi kumukupas ang sigasig ng mga Saksi ni Jehova para sa pangangaral ng mabuting balita. Bagaman maraming maybahay ang may katigasang nagsasabi sa kanila na hindi sila interesado, marami naman ang nagpapasalamat na sila’y tinutulungan ng mga Saksi na maunawaan ang Bibliya. Determinado ang mga Saksi ni Jehova na ipagpatuloy ang pangangaral hanggang sa malinaw na ipinahihiwatig ni Jehova mismo na ang gawain ay tapos na.

Sa halip na mawalan ng sigasig, pinag-iibayo pa nga ng pambuong-daigdig na samahan ng mga Saksi ni Jehova ang gawaing pangangaral. Noong 1982 ang taunang pambuong-daigdig na ulat ay nagpakita na 384,856,662 oras ang ginugol sa ministeryo sa larangan. Pagkalipas ng sampung taon (noong 1992) 1,024,910,434 na oras ang ginugol sa gawaing ito. Ano ang dahilan at gayon na lamang kalaki ang pagsulong sa gawain?

Totoo na lumaki ang bilang ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit hindi sa gayong kalaking porsiyento. Sa loob ng panahong iyon, samantalang ang bilang ng mga Saksi ay sumulong nang 80 porsiyento, ang bilang ng mga payunir ay nag-ibayo nang 250 porsiyento. Bilang aberids bawat buwan, 1 sa bawat 7 Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nasa isa sa mga pitak ng buong-panahong pangangaral.

Sino ang mga nakikibahagi sa paglilingkurang iyon bilang payunir? Bilang halimbawa, sa Republika ng Korea, marami sa mga Saksi ay mga maybahay. Hindi sila regular na makapagpayunir dahil sa kanilang pampamilyang pananagutan, ngunit marami sa kanila ang nagsasamantala sa mahabang bakasyon sa paaralan kung taglamig bilang pagkakataon upang maglingkod bilang auxiliary pioneer. Bunga nito, 53 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Saksi sa Republika ng Korea ay nasa isa sa mga pitak ng buong-panahong pangangaral noong Enero ng 1990.

Noong unang mga taon, isang masigasig na espiritu ng pagpapayunir ang nagpakilos sa mga Saksing Pilipino upang marating ng mensahe ng Kaharian ang daan-daang tinatahanang mga pulo sa Pilipinas. Ang sigasig na ito ay lalong sumidhi sa paglipas ng panahon. Noong 1992, bilang aberids bawat buwan, 22,205 mamamahayag ang naglilingkod sa ministeryo sa larangan bilang mga payunir sa Pilipinas. Kabilang dito ang maraming kabataan na nagpasiyang ‘alalahanin ang kanilang Maylalang’ at gamitin ang lakas ng kanilang kabataan sa paglilingkuran sa kaniya. (Ecles. 12:1) Pagkaraan ng sampung taóng paglilingkuran bilang payunir, isa sa mga kabataang ito ang nagsabi: “Natuto akong maging matiisin, mamuhay nang simple, manalig kay Jehova, at maging mapagpakumbaba. Totoo na nakaranas din ako ng mga kahirapan at pagkasira-ng-loob, ngunit bale wala ang lahat ng ito kung ihahambing sa mga pagpapalang dulot ng pagpapayunir.”

Noong Abril at Mayo ng 1989, itinampok ng Ang Bantayan ang isang paghahantad sa Babilonyang Dakila, na siyang huwad na relihiyon sa iba’t ibang anyo nito sa buong daigdig. Ang mga artikulo ay inilathala nang sabay-sabay sa 39 na wika at malawak na ipinamahagi. Sa Hapón, na doon ang bilang ng mga Saksi na nagpapayunir ay madalas lumalampas pa sa 40 porsiyento, isang bagong peak na 41,055 auxiliary pioneer ang nagpatala upang tumulong sa gawain sa buwan ng Abril na iyon. Sa Kongregasyon ng Otsuka, Takatsuki City, Prefectura ng Osaka, 73 sa 77 bautismadong mga mamamahayag ang nasa isa sa mga pitak ng paglilingkod bilang payunir noong buwang iyon. Noong Abril 8, nang ang lahat ng mga mamamahayag sa Hapón ay pinasiglang magkaroon ng bahagi sa pagpapalaganap ng mahalagang mensaheng ito, daan-daang mga kongregasyon, tulad ng Kongregasyon ng Ushioda, sa Yokohama City, ang nagsaayos ng maghapong paglilingkuran sa lansangan at sa bahay-bahay, mula alas 7:00 n.u. hanggang alas 8:00 n.g, upang abutín ang lahat hangga’t maaari sa lugar na iyon.

Katulad din sa lahat ng ibang lugar, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay nagtatrabaho upang tustusan ang kanilang materyal na pangangailangan. Sa kabila nito, bawat buwan noong 1992, bilang aberids ay 50,095 Saksi ni Jehova roon ang nagsaayos ng kanilang pamumuhay upang maglingkod bilang payunir upang tulungan ang mga taong nagugutom sa katotohanan na matuto hinggil sa Kaharian ng Diyos. Sa ilang pamilya ang lahat sa sambahayan ay nakipagtulungan upang ang buong grupo, o maging ilan man sa kanila, ay makapagpayunir. Sila’y nagtatamasa ng isang mabungang ministeryo. Noong 1992, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay regular na nagdaraos ng 502,017 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga indibiduwal at mga grupo ng pamilya.

Ang matatanda na naglilingkod sa pangangailangan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay may mabibigat na pananagutan. Ang karamihan ng matatanda sa Nigeria ay mga lalaking may pamilya, at ganito rin ang matatanda sa ibang lugar. Ngunit, bilang karagdagan sa kanilang paghahanda upang mangasiwa o makibahagi sa mga pulong ng kongregasyon, gayundin upang magpastol sa kawan ng Diyos, ang ilan sa mga lalaking ito ay nagpapayunir pa rin. Papaano ito nagagawa? Madalas ang maingat na pag-iiskedyul ng panahon at mahusay na pakikipagtulungan ng pamilya ang siyang pangunahing paraan.

Maliwanag na, sa buong daigdig, isinasapuso ng mga Saksi ni Jehova ang payo ni Jesus na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian.’ (Mat. 6:33) Ang ginagawa nila ay isang taus-pusong kapahayagan ng kanilang pag-ibig kay Jehova at pagpapahalaga sa kaniyang pagkasoberano. Gaya ng salmistang si David, sinasabi nila: “Ibubunyi kita, Oh aking Diyos at Hari, at aking pupurihin ang pangalan mo hanggang sa panahong walang takda, oo magpakailanman.”​—Awit 145:1.

[Mga talababa]

a Watch Tower, Agosto 15, 1906, p. 267-71.

b Tingnan ang Ang Bantayan, Pebrero 1, 1967, (sa Ingles) mga pahina 92-5.

c Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1973 (sa Ingles), mga pahina 760-5.

d Tingnan ang Ang Bantayan, Setyembre 1, 1972 (sa Ingles), mga pahina 533-6.

e Ang Bantayan, Hulyo 15, 1964, p. 443-6 (Disyembre 15, 1963, sa Ingles).

f Tingnan Ang Bantayan, Hunyo 1, 1970, mga pahina 347-51 (Disyembre 1, 1969, sa Ingles); Setyembre 15, 1988, pahina 31.

g Tingnan Ang Bantayan, Mayo 1, 1987, mga pahina 22-30; Abril 1, 1964, mga pahina 212-15 (sa Ingles); Disyembre 1, 1956, mga pahina 712-19 (sa Ingles); Agosto 15, 1970, mga pahina 507-10 (sa Ingles); Oktubre 1, 1960, mga pahina 601-5 (sa Ingles); Hunyo 15, 1968, mga pahina 378-81 (sa Ingles); Oktubre 15, 1968, mga pahina 633-8 (Abril 1, 1968, sa Ingles); Abril 1, 1959, mga pahina 220-3 (sa Ingles).

[Blurb sa pahina 292]

Higit na binigyang-pansin ang pananagutan na magpatotoo

[Blurb sa pahina 293]

Minamalas nila ang pagpapatotoo sa bahay-bahay bilang mahalagang pribilehiyo

[Blurb sa pahina 294]

Inuunawa kung ano ang kahulugan ng buong-kaluluwang paglilingkod

[Blurb sa pahina 295]

Kung ano talaga ang ibig sabihin ng “hanapin muna ang kaharian”

[Blurb sa pahina 301]

Inuuna ng masisigasig na Saksi ang mga kapakanan ng Kaharian sa sekular na trabaho at paglilibang

[Kahon/Larawan sa pahina 288]

“Saan Naroroon ang Siyam?”

Sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, noong 1928, ang isang tract na ibinigay sa lahat ng nagsidalo ay pinamagatang “Saan Naroroon ang Siyam?” Ang pagtalakay nito sa Lucas 17:11-19 ay umantig sa puso ni Claude Goodman at nag-udyok sa kaniya na pumasok sa gawain bilang colporteur, o payunir, at magtiyaga sa paglilingkurang iyon.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 296, 297]

Paglilingkod sa Bethel

Noong 1992, may 12,974 na nakikibahagi sa paglilingkod sa Bethel sa 99 na lupain

[Mga larawan]

Mahalaga ang personal na pag-aaral sa mga miyembro ng pamilyang Bethel

Espanya

Sa bawat Tahanang Bethel, nagsisimula ang araw sa pagtalakay ng isang teksto sa Bibliya

Finland

Katulad ng mga Saksi ni Jehova saanman, ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay nakikibahagi sa paglilingkod sa larangan

Switzerland

Tuwing Lunes ng gabi ang pamilyang Bethel ay sama-samang nag-aaral ng “Ang Bantayan”

Italya

Sari-sari ang gawain, ngunit lahat ng ito ay ginagawa bilang pagsuporta sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos

Pransya

Papua New Guinea

Estados Unidos

Alemanya

Pilipinas

Mexico

Britanya

Nigeria

Netherlands

Brazil

Hapón

Timog Aprika

[Kahon/Mga larawan sa pahina 298]

Ilang May Mahahabang Rekord ng Paglilingkod sa Bethel

Si F. W. Franz​—Estados Unidos (1920-92)

Si Heinrich Dwenger​—Alemanya (mga 15 taon noong 1911-33), Hungarya (1933-35), Czechoslovakia (1936-39), saka Switzerland (1939-83)

Si George Phillips​—Timog Aprika (1924-66, 1976-82)

Magkapatid sa laman (sina Kathryn Bogard at Grace DeCecca) na gumugol ng pinagsamang bilang na 136 taon sa paglilingkod sa Bethel​—Estados Unidos

[Graph sa pahina 303]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pasulong ang mga Payunir!

Mga Payunir

Mamamahayag

Porsiyentong Pagsulong Mula 1982

250%

200%

150%

100%

50%

1982 1984 1986 1988 1990 1992

[Larawan sa pahina 284]

Si Sister Early ay naglakbay sa kalakhang bahagi ng New Zealand na sakay ng bisikleta upang ibahagi ang mensahe ng Kaharian

[Larawan sa pahina 285]

Sa loob ng 76 na taon​—bilang dalaga, bilang may asawa, at bilang balo​—si Malinda Keefer ay nag-ukol ng kaniyang sarili sa buong-panahong ministeryo

[Mga larawan sa pahina 286]

Simpleng mga trailer ang tinuluyan ng ilan sa naunang mga payunir samantalang palipat-lipat sila sa iba’t ibang dako

Canada

India

[Larawan sa pahina 287]

Sina Frank Rice (nakatayo sa kanan), Clem Deschamp (nakaupo sa unahan ni Frank, katabi nila ang asawa ni Clem, na si Jean), at isang grupo sa Java kasama ang kapuwa Saksi at baguhang mga interesado

[Mga larawan sa pahina 288]

Ang buhay ni Claude Goodman sa buong-panahong ministeryo ay nagpangyari sa kaniya na maglingkod sa India at sa pitong iba pang lupain

[Larawan sa pahina 289]

Nang mabuti pa ang kalusugan ni Ben Brickell, malugod niyang ginamit ito sa paglilingkod kay Jehova; ang malulubhang karamdamdam sa dakong huli ay hindi nagpatigil sa kaniya

[Larawan sa pahina 290]

Si Kathe Palm ay nagpatotoo sa lahat ng uri ng teritoryo, mula sa mga bahay kalakal sa malaking lunsod hanggang sa liblib na mga kampong minahan at rantso ng tupa sa Chile

[Larawan sa pahina 291]

Ang determinasyon nina Martin at Gertrud Poetzinger ay mamamalas sa mga salitang: ‘Tanging ito lamang ang aking ginagawa​—ang hanapin muna ang Kaharian’

[Larawan sa pahina 300]

Ang Pioneer Service School (gaya ng ipinakita rito sa Hapón) ay naglalaan ng pantanging pagsasanay para sa sampu-sampung libong masisigasig na manggagawa