Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapansin-pansing mga Pangyayari sa Makabagong-panahong Kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova

Kapansin-pansing mga Pangyayari sa Makabagong-panahong Kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova

Kapansin-pansing mga Pangyayari sa Makabagong-panahong Kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova

1870 Si Charles Taze Russell at ang isang grupo mula sa Pittsburgh at Allegheny, Pennsylvania, E.U.A., ay nagsimula ng sistematikong pag-aaral ng Bibliya

1870-75 Natutuhan ni Russell at ng kaniyang mga kasamahan sa pag-aaral na kapag muling bumalik si Kristo siya’y hindi makikita ng mga mata ng tao at na ang isa sa mga layunin ng kaniyang pagbabalik ay upang pagpalain ang lahat ng mga sambahayan sa lupa.

1872 Sinimulang pahalagahan ni Russell at ng kaniyang grupo sa pag-aaral ang halagang pantubos na inilaan ni Kristo para sa sangkatauhan

1876 Si C. T. Russell ay tumanggap ng sipi ng Herald of the Morning, noong Enero; nakipagkita kay N. H. Barbour, ang patnugot, noong tag-araw na iyon sa Philadelphia, Pennsylvania.

Isang artikulo ni C. T. Russell, na inilathala sa isyu ng Oktubre ng Bible Examiner, sa Brooklyn, New York, ang tumukoy sa 1914 bilang katapusan ng Panahon ng mga Gentil

1877 Ang aklat na Three Worlds ay inilathala, bunga ng pinagsamang pagsisikap nina N. H. Barbour at C. T. Russell

Si C. T. Russell ay naglathala ng buklet na The Object and Manner of Our Lord’s Return, sa tanggapan ng Herald of the Morning, sa Rochester, New York

1879 Inalis ni Russell ang lahat ng suporta mula sa Herald of the Morning, noong Mayo, dahil sa saloobin ni Barbour may kaugnayan sa pantubos

Ang unang isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, na may petsang Hulyo 1879

1881 Ang unang mga tract na inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya; bago ang 1914, ang taunang pamamahagi ng mga tract ay umabot sa sampu-sampung milyong sipi sa 30 wika

Inorganisa ang Zion’s Watch Tower Tract Society; lumabas ang panawagang “Kailangan ang 1,000 Mangangaral,” ang iba upang maging regular na mga colporteur, ang iba upang magbigay ng anumang panahong makakaya nila sa pagpapalaganap ng mga katotohanan ng Bibliya

Pamamahagi ng 300,000 sipi ng Food for Thinking Christians sa mga nagsisimba sa pangunahing mga lunsod sa Britanya

1883 Nakarating ang Watch Tower sa Tsina; isang dating misyonerang Presbiteryano roon ang nagsimulang magpatotoo agad sa iba

1884 Nakarating sa Liberia, Aprika ang Food for Thinking Christians; at isang nagpapahalagang mambabasa ang sumulat upang humingi ng mga kopya para ipamahagi

Ang Zion’s Watch Tower Tract Society ay ginawang legal na korporasyon sa Pennsylvania; opisyal na naparehistro noong Disyembre 15

1885 Ang mga publikasyon ng Watch Tower ay binabasa na ng ilang taong nagugutom sa katotohanan sa Hilaga at Timog Amerika, Europa, Aprika, at Asia

1886 Ang The Divine Plan of the Ages ay inilathala, ang unang tomo ng seryeng tinawag na Millennial Dawn (na nang maglaon ay nakilala bilang Studies in the Scriptures)

1889 Ang Bible House ay itinayo sa Arch Street, sa Allegheny, Pennsylvania, bilang punong-tanggapan ng Samahan

1891 Ang unang pagtitipon ng mga Estudyante ng Bibliya na tinawag nilang isang kombensiyon, sa Allegheny, Pennsylvania (Abril 19-25)

1894 Isinugo ang naglalakbay na mga tagapangasiwa na nang maglaon ay tinawag na mga pilgrim (ngayon, mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito) may kaugnayan sa programa ng Samahan upang dalawin ang mga kongregasyon

1900 Binuksan ang unang tanggapang-pansangay ng Samahang Watch Tower, sa London, Inglatera

Ang pagpapatotoo ng mga Estudyante ng Bibliya ay ginagawa na sa 28 bansa, at ang mensahe na kanilang ipinangangaral ay nakarating na sa di-kukulangin sa 13 ibang lupain

1903 Masinsinang pamamahagi sa bahay-bahay ng walang-bayad na mga tract kung Linggo; una pa rito, karamihan ng pamamahagi ng mga tract ay ginawa sa mga lansangan malapit sa mga simbahan

1904 Ang mga sermon ni C. T. Russell ay nagsimulang regular na lumabas sa mga pahayagan; bago lumipas ang isang dekada ang mga ito’y nililimbag na sa mga 2,000 pahayagan

1909 Inilipat ang punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, noong Abril

1914 Ang unang pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” sa New York, noong Enero; bago natapos ang taon, ito’y napanood na ng mahigit na 9,000,000 sa Hilagang Amerika, Europa, at Australia

Noong Oktubre 2, sa silid-kainan ng Bethel sa Brooklyn, inihayag ni C. T. Russell, “Nagtapos na ang Panahon ng Gentil”

Ang mga Estudyante ng Bibliya ay aktibo sa pangangaral sa 43 lupain; 5,155 ang nakibahagi sa pagpapatotoo sa iba; ang iniulat na dumalo sa Memoryal ay 18,243

1916 Kamatayan ni C. T. Russell sa edad na 64, noong Oktubre 31, samantalang sakay ng tren na naglalakbay patawid ng Texas

1917 Si J. F. Rutherford ang naging presidente ng Samahan noong Enero 6, matapos pangasiwaan ng isang tatluhang komiteng tagapagpaganap ang gawain ng Samahan sa loob ng mga dalawang buwan

Ang aklat na The Finished Mystery ay inilabas sa pamilyang Bethel sa Brooklyn noong Hulyo 17; ang apat na naglilingkod sa lupon ng mga direktor ng Samahan ay galít na sumalansang dito; pagkatapos nito ay nabahagi ang maraming kongregasyon

1918 Unang ibinigay ang pahayag na “Nagwakas Na ang Sanlibutan​—Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Maaaring Hindi na Mamatay Kailanman,” noong Pebrero 24, sa Los Angeles, California. Noong Marso 31, sa Boston, Massachusetts, ang pahayag ay pinamagatang “Nagwakas Na ang Sanlibutan​—Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay ay Hindi Na Mamamatay Kailanman”

Si J. F. Rutherford at ang malapit niyang mga kasamahan ay tumanggap ng mga mandamyento de arestong pederal na inilabas noong Mayo 7; nagsimula ang paglilitis noong Hunyo 5; sila’y sinentensiyahan noong Hunyo 21 (ang isa noong Hulyo 10) sa mahabang-panahong pagkabilanggo sa piitang pederal

Isinara ang punong-tanggapan sa Brooklyn noong Agosto, at ang gawain nito ay muling inilipat sa Pittsburgh sa loob ng mahigit na isang taon

1919 Ang mga opisyal ng Samahan at ang mga kasamahan nila ay pinalaya batay sa piyansa, noong Marso 26; noong Mayo 14 binaligtad ng hukuman sa pag-aapela ang desisyon ng mababang hukuman, at iniutos ang isang panibagong paglilitis; nang sumunod na taon, noong Mayo 5, iniurong ng gobyerno ang kaso, at inihinto na ang paglilitis

Bilang pagsubok upang tiyakin kung maaaring muling buhayin ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, nagsaayos si J. F. Rutherford na maibigay ang pahayag pangmadlang “Ang Pag-asa Para sa Namimighating Sangkatauhan,” sa Clune’s Auditorium, sa Los Angeles, California, noong Mayo 4; dahil sa dami ng tao ay hindi nagkasiya ang lahat sa loob, at kinailangang makalawang ulit na ibigay ang pahayag

Ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagdaos ng kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, Setyembre 1-8; ipinatalastas ang malapit na paglalathala ng magasing The Golden Age (ngayo’y tinatawag na Gumising!)

Inilathala ang Bulletin (ngayo’y tinatawag na Ating Ministeryo sa Kaharian) bilang pampasigla sa paglilingkod sa larangan

Ipinakita ng taunang ulat na may 5,793 Estudyante ng Bibliya na aktibong nangangaral sa 43 lupain; ang iniulat na bilang ng dumalo sa Memoryal, 21,411

1920 Nagsimulang gumawa ng sariling paglilimbag ang Samahang Watch Tower, sa Brooklyn

1922 Ang radyo ay unang ginamit ni J. F. Rutherford, noong Pebrero 26, sa California, upang isahimpapawid ang isang pahayag sa Bibliya

Kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, Setyembre 5-13; ginawa ang panawagang “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian”

Ang mga pulis ay sinulsulan ng mga klero sa Alemanya na arestuhin ang mga Estudyante ng Bibliya kapag namamahagi sila ng literatura sa Bibliya sa madla

1924 Ang WBBR (ang unang istasyon ng radyo na pag-aari ng Samahang Watch Tower) ay nagsimulang magsahimpapawid noong Pebrero 24

1925 Ipinakita ng Watch Tower ng Marso 1, sa pagtalakay tungkol sa pagsilang ng Kaharian ng Diyos noong 1914, na may dalawang magkabukod at magkasalungat na organisasyon​—ang kay Jehova at ang kay Satanas

1926 Ang pangangaral sa bahay-bahay na nag-aalok ng mga aklat kung araw ng Linggo ay inirekomenda

1928 Inaresto ang mga Estudyante ng Bibliya sa New Jersey (E.U.A.) dahil sa pamamahagi ng literatura bilang bahagi ng kanilang pangangaral sa bahay-bahay; sa loob ng isang dekada, nagkaroon ng mahigit na 500 ng gayong mga pag-aresto bawat taon sa Estados Unidos

1931 Ang pangalang Mga Saksi ni Jehova ay pinagtibay sa isang resolusyon sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong Hulyo 26, at pagkatapos nito ay sa mga kombensiyon sa palibot ng lupa

1932 Ipinaliwanag ng Vindication, Aklat 2, kung bakit ang mga hula ng Bibliya hinggil sa pagsasauli ay hindi kumakapit sa likas na mga Judio kundi sa espirituwal na Israel

Itinigil na ang kaayusan para sa “inihahalal na matatanda,” kasuwato ng paliwanag sa mga isyu ng Bantayan ng Agosto 15 at Setyembre 1 (sa Ingles)

1933 Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Sa panahon ng matinding pag-uusig hanggang sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II, 6,262 ang inaresto, at ang kanilang pinagsama-samang panahon ng pagkabilanggo ay umabot sa 14,332 taon; 2,074 ang ipinadala sa mga kampong piitan, kung saan ang kanilang pagkapiit ay umabot sa 8,332 taon

Mga transcription machine (ang iba’y ikinabit sa mga kotse) ang ginamit ng mga Saksi upang ibrodkast sa madla ang mga pahayag sa Bibliya

1934 Binibitbit na mga ponograpo ang ginamit ng mga Saksi upang iparinig ang maiikling isinaplakang pahayag sa Bibliya para sa mga taong interesado

1935 Sa pahayag sa kombensiyon sa Washington, D.C., noong Mayo 31, ang “malaking pulutong” ay ipinakilala bilang isang uring makalupa; 840 katao ang nabautismuhan sa kombensiyong ito; higit na pagdiriin ang pasulong na ibinigay sa pag-asa na walang-hanggang buhay sa paraisong lupa para sa tapat na mga lingkod ng Diyos na nabubuhay ngayon

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang dakong pinagpupulungan ay tinawag na Kingdom Hall, sa Honolulu, Hawaii

1936 Unang isinuot ng mga mamamahayag ng Kaharian ang mga plakard upang ianunsiyo sa madla ang mga pahayag sa Bibliya

Ibinigay ang pampasigla upang magpasimula ng mga pag-aaral sa mga taong interesado, na ginagamit ang aklat ng Samahan na Kayamanan kasama ang Bibliya; kadalasan ang mga ito’y panggrupong mga pag-aaral

1937 Ginamit ng mga Saksi ang binibitbit na mga ponograpo upang iparinig ang isinaplakang mga pahayag sa Bibliya doon mismo sa may pintuan ng mga bahay

1938 Ang kaayusang teokratiko para sa pagpili ng mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon ay humalili sa demokratikong mga paraan, kasuwato ng mga isyu ng Bantayan ng Hunyo 1 at 15 (sa Ingles)

Mga asambleang pansona (ngayo’y tinatawag na mga pansirkitong asamblea) ang isinaayos para sa mga grupo ng mga kongregasyon

1939-45 Sa buong Imperyo ng Britanya at sa British Commonwealth, 23 bansa ang nagbawal sa mga Saksi ni Jehova o sa kanilang literatura sa Bibliya

1940 Ang pamamahagi ng Bantayan at Consolation sa mga lansangan ay naging regular na bahagi ng gawain ng mga Saksi ni Jehova

Ang desisyon ng Korte Suprema ng E.U., noong Hunyo 3, na sumang-ayon sa sapilitang pagsaludo sa bandila sa kabila ng relihiyosong paniniwala ay nagbunsod ng mararahas na pang-uumog sa buong bansa laban sa mga Saksi ni Jehova

1941 Lumampas na sa 100,000 ang bilang ng aktibong mga Saksi, na umabot sa pinakamataas na bilang na 109,371 sa 107 lupain, sa kabila ng pananakmal ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa na nagsimula ring lumaganap sa Aprika at Asia

1942 Namatay si J. F. Rutherford noong Enero 8, sa San Diego, California.

Si N. H. Knorr ang naging ikatlong presidente ng Samahan noong Enero 13

Ang kabuuang bilang ng inimprentang Bantayan sa buong taon sa lahat ng wika ay 11,325,143

Isang Pasulong na Kurso sa Teokratikong Pagmiministro ang pinasimulan para sa tauhan ng punong-tanggapan ng Samahan, noong Pebrero 16

Nilimbag ng Samahang Watch Tower ang buong Bibliya, ang King James Version, sa sariling pang-imprenta nito (isang web rotary press)

1943 Ang unang klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimulang mag-aral noong Pebrero 1

Ang Kurso sa Teokratikong Pagmiministro (ngayo’y tinatawag na Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro) para sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay ipinakilala sa mga asamblea noong Abril

Ang Korte Suprema ng E.U. ay nagpanaog ng 20 desisyon na pabor sa mga Saksi ni Jehova mula sa 24 na kaso nito; inalis ng Mataas na Hukuman sa Australia ang pagbabawal sa mga Saksi roon, noong Hunyo 14

1945 Simula noong Oktubre 1, ang lupon ng mga direktor ng Samahan ay hindi na pinili ng mga botante na naging kuwalipikado dahil sa kanilang pag-aabuloy ng salapi

Ang aberids ng walang-bayad na pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos buwan-buwan ay umabot na sa 104,814

1946 Sa loob ng pitong taon na nauna rito, mahigit na 4,000 mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at 1,593 sa Britanya ang inaresto at sinentensiyahan ng isang buwan hanggang sa limang taóng pagkabilanggo dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad

Nang unang taóng ito pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, 6,504 ang nakikibahagi sa buong-panahong paglilingkuran bilang payunir

Sinimulang ilathala ang magasing Gumising! (kahalili ng The Golden Age at Consolation); may kabuuang inilimbag sa buong taon na 13,934,429 na sipi

Mahigit na 470 Saksi ang inihabla sa mga hukuman sa Gresya dahil sa ibinabahagi nila sa iba ang mga turo ng Bibliya

1947 Sa Quebec, Canada, 1,700 kasong may kaugnayan sa pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova ang nabibinbin sa mga korte

Ang bilang ng mga kongregasyon ay lumampas na ngayon sa 10,000, at umabot na sa kabuuang 10,782 sa buong daigdig

1950 Inilabas ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures sa Ingles, noong Agosto 2, sa kombensiyon sa New York

1953 Inilunsad ang isang masinsinang programa ng pagsasanay para sa mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa bahay-bahay, noong Setyembre 1

1957 Sa 169 lupain, 100,135,016 na oras ang ginugol ng mga Saksi ni Jehova sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga baguhang interesado

1958 Ang Banal na Kalooban na Internasyonal na Asamblea, sa New York, ay dinaluhan ng 253,922 mula sa 123 lupain; 7,136 ang nabautismuhan

1959 Unang mga sesyon ng Kingdom Ministry School, pasimula noong Marso 9, sa South Lansing, New York, na dinisenyo para sa mga tagapangasiwa ng kongregasyon at naglalakbay na mga tagapangasiwa

1961 Dumalo ang unang grupo ng mga tagapangasiwa ng sangay ng Samahan sa pantanging sampung-buwang kurso ng pagsasanay sa Brooklyn, New York, na may layuning higit na pagkaisahin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig

Ang New World Translation of the Holy Scriptures, ang buong Bibliya sa iisang tomo, ay inilabas sa Ingles

1963 Ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures ay inilabas sa anim pang mga wika (Olandes, Pranses, Aleman, Italyano, Portuges, at Kastila), at naragdagan pa nang sumunod na mga taon

Mahigit na isang milyong Saksi ni Jehova ang aktibo na ngayon sa 198 lupain; ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag nang taóng iyon ay 1,040,836; 62,798 pa ang nabautismuhan

1965 Ang unang Assembly Hall, isang kinumpuning sinehan, ay sinimulang gamitin ng mga Saksi ni Jehova sa New York

1967 Sunud-sunod na mga daluyong ng pangmatagalan at mabagsik na pag-uusig laban sa mga Saksi ni Jehova ang dumaluhong sa Malawi at nagpatuloy nang ilang taon pagkatapos

1969 Ang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ay lumampas na sa isang milyon; ang ulat ay nagpapakita ng aberids na 1,097,237

1971 Pinalaki ang Lupong Tagapamahala; noong Oktubre 1, ang mga miyembro nito ay nagsimulang maghali-halili bilang tsirman bawat taon

1972 Ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay sinimulang pangasiwaan ng lokal na lupon ng matatanda, sa halip na iisang tao, noong Oktubre 1

1974 Ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag sa buong daigdig ay umabot na sa 2,021,432; ang mga payunir ay sumulong mula sa 94,604, noong 1973, tungo sa 127,135

1975 Ang Lupong Tagapamahala ay muling-inorganisa; noong Disyembre 4, ang pananagutan para sa karamihan ng gawain ay iniatas sa anim na komite, na nagsimula ng kanilang gawain noong Enero 1, 1976

1976 Ang mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay sinimulang pangasiwaan ng isang komite ng tatlo o higit pang mga lalaki na maygulang sa espirituwal, sa halip na iisang tagapangasiwa, noong Pebrero 1

1977 Ang Pioneer Service School ay nagsimulang maglaan ng pantanging pagsasanay para sa sampu-sampung libong payunir sa buong daigdig

1984 Ang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ay umabot na ngayon sa aberids na 2,047,113

1985 Ang kaayusan para sa internasyonal na mga boluntaryo ay pinasimulan, upang pagtugmain mula sa punong-tanggapan ang pambuong-daigdig na konstruksiyon ng Samahan

Ang ulat ay nagpapakita na may 3,024,131 na nakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian sa 222 na lupain; ang bilang ng mga payunir ay may aberids na 322,821; 189,800 ang nabautismuhan noong taóng ito

1986 Hinirang ang mga Regional Building Committee upang pagtugmain ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall

1987 Patuloy na sumulong ang paggawa ng mga alagad, na idinaraos ang mga pag-aaral sa Bibliya sa 3,005,048 indibiduwal at mga pami-pamilya, marami ay lingguhan; ang mga nabautismuhan sa taóng ito ay umabot sa 230,843

Ang Ministerial Training School ay nagsimula noong Oktubre 1, na ang unang klase ay idinaos sa Coraopolis, Pennsylvania

1989 Ang pagbabago ng mga kalagayan sa Silangang Europa ay nagpangyaring maidaos ang tatlong malalaking internasyonal na kombensiyon sa Polandya, at pagkatapos ay sa ibang lupain nang sumunod na mga taon

1990 Ang pag-aalis ng mga paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova sa mga lupain sa Aprika at Silangang Europa ay nagpadali sa pag-eebanghelyo sa karagdagang 100,000,000 katao

Ang mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa isang bagong peak na 4,017,213; ang bilang ng mga payunir ay naging 536,508; isang kabuuang 895,229,424 na oras ang ginugol sa apurahang gawain ng paghahayag ng Kaharian

1991 Inalis ang mga pagbabawal sa Silangang Europa at Aprika na nagpadali sa pagpapaabot ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa karagdagan pang 390,000,000 katao

1992 Ang aberids na bilang ng Bantayan na iniimprenta ay 15,570,000 sa 111 wika; ang Gumising!, na makukuha sa 67 wika, ay may aberids na iniimprenta na 13,110,000

Pinakamalaking patotoo ang naibigay kailanman, yamang 4,472,787 ang nakibahagi sa paghahayag ng Kaharian sa 229 na lupain; buwanang aberids na 605,610 payunir; 1,024,910,434 na oras na iniukol sa pagpapatotoo sa madla; 4,278,127 pag-aaral sa Bibliya ang idinaos; 301,002 bagong mga alagad ang nabautismuhan