Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat na May mga Saksi si Jehova?

Bakit Dapat na May mga Saksi si Jehova?

Kabanata 1

Bakit Dapat na May mga Saksi si Jehova?

SA BUONG daigdig ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa kanilang pagtitiyaga na ipakipag-usap sa mga tao saanman ang tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Kaharian. Sila’y tanyag din bilang isang grupo na nanghahawakan sa kanilang paniniwala sa kabila ng lahat ng uri ng pag-uusig, maging sa kamatayan.

“Ang pangunahing mga biktima ng relihiyosong pag-uusig sa Estados Unidos sa ikadalawampung siglo ay ang mga Saksi ni Jehova,” sabi ng aklat na The Court and the Constitution, ni Archibald Cox (1987). “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay nililigalig at pinag-uusig ng mga pamahalaan sa buong daigdig,” sabi ni Tony Hodges. “Sa Alemanyang Nazi sila’y tinipon at ikinulong sa mga kampong piitan. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Samahan [Watch Tower] ay ipinagbawal sa Australia at Canada. . . . Sa ngayon [sa mga taon ng 1970] ang mga Saksi ni Jehova ay nililigalig sa Aprika.”​—Jehovah’s Witnesses in Africa, 1985 Edisyon.

Bakit nga ba inuusig? Ano ba ang layunin ng pangangaral? Talaga nga bang ang mga Saksi ni Jehova ay isinugo ng Diyos? Bakit ba may mga saksi pa si Jehova​—at di-sakdal pang mga saksi? Ang mga sagot ay may kinalaman sa mga usapin na dinirinig sa isang pansansinukob na kaso sa korte​—di-palák na siyang pinakamaselan na kasong pinagtalunan kailanman. Kailangang suriin natin ang mga usaping ito upang maunawaan kung bakit may mga saksi si Jehova at kung bakit ang mga saksing ito ay nakahandang magtiis kahit na sa pinakamatinding oposisyon.

Hinamon ang Pagkasoberano ni Jehova

Nasasangkot sa mahalagang usaping ito ang pagkamakatuwiran ng pagkasoberano, o sukdulang pamamahala, ni Jehovang Diyos. Siya ang Pansansinukob na Soberano dahilan sa kaniyang pagiging Manlalalang, pagiging Diyos, at pagiging Makapangyarihan-sa-lahat. (Gen. 17:1; Ex. 6:3; Apoc. 4:11) Sa gayon siya’y may katuwirang mamahala sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa. (1 Cron. 29:12, tba.) Ngunit lagi niyang may pag-ibig na iginagawad ang kaniyang pagkasoberano. (Ihambing ang Jeremias 9:24.) Ano, kung gayon, ang hinihiling niya sa kaniyang matatalinong nilalang bilang kapalit? Na ibigin nila siya at magpakita ng pagpapahalaga sa kaniyang soberanya. (Awit 84:10) Gayunman, libu-libong taon ang nakaraan isang hamon ang ibinangon laban sa matuwid na soberanya ni Jehova. Papaano? Nino? Ang Genesis, ang unang aklat ng Bibliya, ay nagbibigay ng liwanag sa bagay na ito.

Iniuulat nito na nilalang ng Diyos ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva, at binigyan sila ng isang magandang halamanang tahanan. Iniutos din niya sa kanila: “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.” (Gen. 2:16, 17) Ano ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” at ano ang inilalarawan ng pagkain ng bunga niyaon?

Iyon ay isang literal na punungkahoy, ngunit ginamit iyon ng Diyos para sa isang makasagisag na layunin. Sa dahilang tinawag niya iyon na “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” at sapagkat iniutos niya sa unang mag-asawa na huwag kumain mula roon, ang punungkahoy ay angkop na sumagisag sa karapatan ng Diyos na magpasiya sa mga tao kung ano ang “mabuti” (nakalulugod sa Diyos) at kung ano ang “masama” (di-nakalulugod sa Diyos). Ang pagkanaroroon ng punungkahoy na ito kung gayon ay sumubok sa paggalang ng tao sa pagkasoberano ng Diyos. Nakalulungkot, ang unang mag-asawa ay sumuway sa Diyos at kinain ang ipinagbabawal na bunga. Hindi sila nakapasá sa simple ngunit matinding pagsubok ng pagkamasunurin at pagpapahalaga.​—Gen. 3:1-6.

Ang waring munting paggawing ito ang nagtatag ng paghihimagsik laban sa pagkasoberano ni Jehova. Sa papaano? Ang pagkaunawa sa paraan ng pagkalalang sa ating mga tao ay isang susi upang maunawaan ang kahulugan ng ginawa nina Adan at Eva. Nang lalangin ni Jehova ang unang mag-asawa, binigyan niya sila ng isang pambihirang kaloob​—kalayaang magpasiya. Karagdagan sa kaloob na ito, binigyan sila ni Jehova ng kakayahang pangkaisipan kasali na ang kakayahang umunawa, mangatuwiran, at magpasiya. (Heb. 5:14) Sila’y di-gaya ng mga walang-isip na robot; ni gaya ng mga hayop, na kumikilos lamang ayon sa likas na ugali. Gayunman, ang kanilang kalayaan ay may pasubali, batay sa tuntunin ng mga batas ng Diyos. (Ihambing ang Jeremias 10:23, 24.) Pinili nina Adan at Eva na kanin ang ipinagbabawal na bunga. Sa gayon ay inabuso nila ang kanilang kalayaan. Ano ang umakay sa kanila na gawin ito?

Ang Bibliya ay nagpapaliwanag na isang espiritung nilalang ng Diyos ang sumalansang at lumaban sa Diyos. Ang isang ito, na nakilala pagkaraan bilang si Satanas, ang nagsalita sa Eden sa pamamagitan ng ahas at inilayo si Eva, at pati si Adan, dahil kay Eva, mula sa pagpapasakop sa soberanya ng Diyos. (Apoc. 12:9) Sa pagkain ng bunga, sinunod nina Adan at Eva ang kanilang pasiya higit sa Diyos, na nagpapakitang ibig nilang magpasiya sa kanilang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama.​—Gen. 3:22.

Ang usaping bumangon kung gayon ay, May karapatan ba si Jehova na pamahalaan ang sangkatauhan, at ginaganap ba niya ang kaniyang soberanya sa ikabubuti ng kaniyang nasasakupan? Ang usaping ito ay maliwanag na ipinahiwatig ng mga pangungusap ng Ahas kay Eva: “Talaga nga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng bunga ng bawat punò sa halamanan?” Ipinahihiwatig na may ipinagkakait na mabuting bagay ang Diyos sa babae at sa kaniyang asawa.​—Gen. 3:1.

Ang paghihimagsik sa Eden ay may ibinangong isa pang usapin: Maaari bang maging tapat sa Diyos ang mga tao sa ilalim ng pagsubok? Ang kaugnay na isyung ito ay niliwanag pagkaraan ng 24 na siglo sa tapat na si Job. Si Satanas, ang ‘tinig’ sa likod ng ahas, ay humamon kay Jehova nang mukhaan, na nagsasabi: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kabuluhan?” Nagparatang si Satanas: “Hindi ba kinulong mo siya ng bakod at pati kaniyang sambahayan at lahat ng kaniyang pag-aari? Iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain.” Ipinahiwatig kung gayon ni Satanas na ang pagiging tapat ni Job ay dahilan lamang sa sariling pakinabang. Patuloy pa niya: “Balat kung balat, at lahat ng tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay.” Yamang, gaya ng napansin ni Jehova, ‘walang tulad ni Job sa lupa,’ talagang inangkin ni Satanas na kaya niyang italikod ang sinumang lingkod ng Diyos sa Kaniya. (Job 1:8-11; 2:4) Lahat kung gayon ng mga lingkod ng Diyos ay di-tuwirang hinamon kung tungkol sa kanilang integridad at katapatan sa Kaniyang soberanya.

Ngayong ang usapin ay bumangon, kailangang ito’y lutasin. Ang paglipas ng panahon​—mga 6,000 taon na ngayon​—at ang nakalulungkot na pagkabigo ng mga pamahalaan ng tao ay maliwanag na nagpapakitang kailangan ng tao ang soberanya ng Diyos. Subalit ibig ba nila ito? May mga tao bang magpapamalas ng buong-pusong pagkilala sa matuwid na soberanya ni Jehova? Oo! May mga saksi si Jehova! Subalit bago natin isaalang-alang ang kanilang patotoo, atin munang suriin kung ano ang napapaloob sa pagiging isang saksi.

Kung Ano ang Kahulugan ng Pagiging Isang Saksi

Ang mga salita sa orihinal na wika na isinaling “saksi” ay naglalaan ng pagkaunawa sa kahulugan ng pagiging isang saksi kay Jehova. Sa Hebreong Kasulatan, ang pagkasalin sa pangngalang “saksi” (‛edh) ay galing sa pandiwang (‛udh) na ang ibig sabihin ay “ibalik” o “ulitin, gawin muli.” Kung tungkol sa pangngalan (‛edh), ang Theological Wordbook of the Old Testament ay nagsasabi: “Ang saksi ay isa, na sa pamamagitan ng pag-uulit, ay matatag na naninindigan sa kaniyang patotoo. Ang salita (‛edh) ay pamilyar sa wika ng korte.” Dagdag pa ng A Comprehensive Etymological Dictionary of the Hebrew Language for Readers of English: “Ang orihinal na kahulugan [ng pandiwang ‛udh] malamang ay na ‘sinabi niya nang paulit-ulit at may puwersa.’”

Sa Kristiyanong Kasulatan, ang mga salitang Griego na isinaling “saksi” (marʹtys) at “sumasaksi” (mar·ty·reʹo) may pangangahulugan ding legal, bagaman pagkaraan kinuha nila ang isang mas malawak na pangangahulugan. Sang-ayon sa Theological Dictionary of the New Testament, “ang idea ng saksi [ay ginamit] kapuwa sa diwang saksi sa tiyak na mga pangyayari at gayundin saksi sa katotohanan, samakatuwid, ang pagpapaalám at pagtatapat ng mga paniniwala.” Kaya ang isang saksi ay nagsasaysay ng mga pangyayari mula sa tuwirang personal na kaalaman, o naghahayag ng mga opinyon o katotohanan na kung saan siya’y kumbinsido. a

Nagkaroon pa ng higit na kahulugan ang “saksi” sa naging tapat na gawain ng unang-siglong mga Kristiyano. Marami sa sinaunang mga Kristiyanong iyon ang sumaksi sa ilalim ng pag-uusig at sa harap ng kamatayan. (Gawa 22:20; Apoc. 2:13) Bilang resulta, noong mga ikalawang siglo C. E., ang salitang Griego para sa saksi (marʹtys, mula rin dito nanggaling ang salitang “martir”) ay nagkaroon ng kahulugan na nauukol sa mga taong handang “tatakan ng kamatayan ang katunayan ng kanilang patotoo o pagtatapat.” Hindi sila tinawag na mga saksi sa dahilang sila’y namatay; sila’y namatay sapagkat sila’y mga tapat na saksi.

Kung gayon, sino ang sinaunang mga saksi ni Jehova? Sino ang mga nakahandang maghayag “nang paulit-ulit at may puwersa”​—sa mga pananalita at sa paraan ng kanilang pamumuhay​—na si Jehova ang matuwid, karapat-dapat na Soberano? Sino ang handang mapanatili ang katapatan sa Diyos, kahit na hanggang kamatayan?

Sinaunang mga Saksi ni Jehova

Sabi ni apostol Pablo: “Isang napakakapal na ulap [Gr., neʹphos, nangangahulugang isang makapal na ulap] ng mga saksi ang nakapalibot sa atin.” (Heb. 12:1) Ang ‘makapal na ulap’ na ito ng mga saksi ay nagsimulang mabuo di-nagtagal pagkaraan ng paghihimagsik sa Eden laban sa soberanya ng Diyos.

Sa Hebreo 11:4, ipinakilala ni Pablo si Abel bilang ang kauna-unahang saksi ni Jehova, sa pagsasabi: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng isang hain na mas mahalaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang iyon ay pinatotohanan siya na siya’y matuwid, at ang Diyos ang nagpatotoo tungkol sa kaniyang mga kaloob; anupa’t sa pamamagitan nito, bagaman patay na siya, ay nagsasalita pa.” Sa anong paraan nagsilbing saksi si Abel para kay Jehova? Ang kasagutan ay nakapalibot sa kung bakit ang hain ni Abel ay “mas mahalaga” kaysa yaong kay Cain.

Sa payak na pangungusap, ginawa ni Abel ang wastong hain na may wastong motibo at pinagtibay iyon ng wastong mga gawa. Bilang handog niya, siya’y nagbigay ng haing dugo na kumakatawan sa buhay ng mga panganay sa kaniyang kawan​—samantalang si Cain ay naghain ng walang-buhay na mga ani. (Gen. 4:3, 4) Ang hain ni Cain ay hindi udyok ng pananampalataya di-tulad ng kasiya-siyang hain ni Abel. Kinailangang baguhin ni Cain ang kaniyang pagsamba. Sa halip, ipinamalas niya ang kaniyang masamang saloobin sa pamamagitan ng pagtanggi sa payo at babala ng Diyos at sa pagpaslang sa tapat na si Abel.​—Gen. 4:6-8; 1 Juan 3:11, 12.

Nagpakita si Abel ng pananampalataya na wala sa kaniyang mga magulang. Sa pamamagitan ng kaniyang tapat na hakbangin, ipinakilala niya ang kaniyang paniniwala na ang soberanya ni Jehova ay matuwid at nararapat. Sa loob ng humigit-kumulang isandaang taon ng kaniyang buhay, ipinakita ni Abel na ang isang tao’y maaaring maging tapat sa Diyos hanggang sa sukdulang ikintal ng kamatayan ang kaniyang patotoo. At ang dugo ni Abel ay patuloy na ‘nagsasalita,’ sapagkat ang kinasihang ulat ng kaniyang kamatayan bilang martir ay iningatan sa Bibliya para sa darating na salinlahi!

Mga limang siglo pagkamatay ni Abel, si Enoc ay nagsimulang ‘lumakad kasama ng Diyos,’ na nagtataguyod ng landasing ayon sa mga pamantayan ng Diyos ng mabuti at masama. (Gen. 5:24) Noon, ang pagtanggi sa soberanya ng Diyos ay umakay sa pagdami ng di-makadiyos na mga gawain sa gitna ng sangkatauhan. Naniniwala si Enoc na kikilos ang Kataas-taasang Soberano laban sa di-makadiyos na mga tao, at ang espiritu ng Diyos ang nagpakilos sa kaniya upang ihayag ang nalalapit na pagkapuksa nila. (Jud. 14, 15) Nanatiling isang tapat na saksi si Enoc kahit sa kamatayan, sapagkat “kinuha” siya ni Jehova, marahil upang iligtas siya mula sa marahas na kamatayan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. (Heb. 11:5) Ang pangalan ni Enoc ay maaari kung gayon na isama sa lumalaking talaan ng ‘makapal na ulap ng mga saksi’ bago ang panahong Kristiyano.

Patuloy na lumaganap ang di-makadiyos na espiritu sa buhay ng mga tao. Sa panahon ni Noe, na ipinanganak mga 70 taon pagkamatay ni Enoc, ang mga anghelikong anak ng Diyos ay naparito sa lupa, maliwanag na nagkatawang tao, at sumiping sa magagandang babae. Ang inianak nila ay nakilala bilang Nefilim; sila’y mga higante sa gitna ng mga tao. (Gen. 6:1-4) Ano ang naging resulta ng ganitong di-natural na pagsasama ng espiritung mga nilalang sa mga tao at ng mestisong lahi na inianak? Ang kinasihang ulat ay sumasagot: “Nang magkagayo’y nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi. At nakita ng Diyos ang lupa at, narito! iyon ay sumamâ, sapagkat lahat ng laman ay nagpakasama sa kanilang daan sa lupa.” (Gen. 6:5, 12) Kaylungkot nga na ang lupa, na tuntungan ng Diyos, ay ‘napunô ng karahasan.’​—Gen. 6:13; Isa. 66:1.

Sa kabaligtaran, “si Noe ay isang taong matuwid,” isa na “napatunayang walang kapintasan sa gitna ng mga kapanahon niya.” (Gen. 6:9) Ipinakita niya ang kaniyang pagpapasakop sa soberanya ng Diyos sa paggawa ng ‘kung ano ang iniutos ng Diyos.’ (Gen. 6:22) Yamang pinakilos ng pananampalataya, siya’y “naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sambahayan.” (Heb. 11:7) Subalit si Noe ay higit pa kaysa tagapagtayo lamang; bilang “isang mángangarál [tagapaghayag] ng katuwiran,” siya’y nagbabala sa nalalapit na pagkapuksa. (2 Ped. 2:5) Gayunman, sa kabila ng buong-tapang na pagpapatotoo ni Noe, ang masamang salinlahing iyon ay “hindi pumansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.”​—Mat. 24:37-39.

Kasunod ng kaarawan ni Noe, may mga saksi si Jehova sa gitna ng mga patriyarka pagkatapos ng Baha. Binanggit sina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose bilang naunang bahagi ng ulap ng mga saksi bago ang Kristiyanismo. (Heb. 11:8-22; 12:1) Ipinamalas nila ang kanilang pagtangkilik sa soberanya ni Jehova, na ginagawa sa pamamagitan ng pananatiling tapat. (Gen. 18:18, 19) Nakikibahagi sila kung gayon sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova. Sa halip na humanap ng katiwasayan sa ilang makalupang pamahalaan, “hayagang ipinahayag [nila] na sila’y mga tagaibang bayan at mga pansamantalang mananahan sa lupain,” sa pananampalataya ay “inaasahan ang bayang may mga kinasasaligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Diyos.” (Heb. 11:10, 13) Tinanggap nila si Jehova bilang kanilang Pinunò, na inilalagak ang kanilang pag-asa sa ipinangakong makalangit na Kaharian bilang pagpapakilala ng kaniyang nararapat na soberanya.

Noong ika-16 na siglo B.C.E., ang mga inapo ni Abraham ay mga aliping nangangailangan ng pagliligtas mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nang panahong iyon si Moises at ang kaniyang kapatid na si Aaron ay naging pangunahing mga tauhan sa isang ‘digmaan ng mga diyos.’ Sila’y humarap kay Faraon at binigkas ang huling pasiya ni Jehova: “Payaunin mo ang aking bayan.” Ngunit pinatigas ng hambog na Faraon ang kaniyang puso; hindi niya ibig na mawala ang isang malaking bayan ng mga manggagawang alipin. “Sino si Jehova,” ang sagot niya, “na aking pakikinggan ang kaniyang tinig upang pahintulutan kong yumaon ang Israel? Hindi ko nakikilala si Jehova at isa pa, hindi ko pahihintulutang yumaon ang Israel.” (Ex. 5:1, 2) Sa pamamagitan ng mapagmataas na sagot na iyan, si Faraon, na pinaniniwalaang isang nabubuhay na diyos, ay tumangging kilalanin ang pagka-Diyos ni Jehova.

Yamang bumangon na ang usapin ng pagkadiyos, kumilos na si Jehova upang patunayang siya ang tunay na Diyos. Si Faraon, sa pamamagitan ng kaniyang mga saserdoteng salamangkero, ay tumawag sa pinagsanib na kapangyarihan ng mga diyos ng Ehipto laban sa kapangyarihan ni Jehova. Ngunit nagpadala si Jehova ng sampung salot, na ang bawat isa ay ipinatalastas nina Moises at Aaron, upang ipakita ang kaniyang kapangyarihan sa lahat ng mga elemento at nilalang sa lupa gayundin ang kaniyang pangingibabaw sa mga diyos ng Ehipto. (Ex. 9:13-16; 12:12) Kasunod ng ikasampung salot, inilabas ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto sa pamamagitan ng “malakas na kamay.”​—Ex. 13:9.

Nangailangan ng higit na katapangan at pananampalataya para kay Moises, ang ‘pinakamaamong-loob sa lahat ng lalaki,’ upang humarap kay Faraon, hindi miminsan, kundi maraming ulit. (Bil. 12:3) Gayunman, hindi kailanman pinagaang ni Moises ang mensahe na iniutos ni Jehova na sabihin niya kay Faraon. Ni ang banta ng kamatayan ay hindi nakapagpatahimik ng kaniyang pagpapatotoo! (Ex. 10:28, 29; Heb. 11:27) Si Moises ay isang saksi sa tunay na diwa nito; siya’y nagpatotoo “nang paulit-ulit at may puwersa” sa pagka-Diyos ni Jehova.

Kasunod ng pagliligtas na iyan mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E., isinulat ni Moises ang aklat ng Genesis. Sa gayon ay nagsimula ang isang bagong kapanahunan​—ang panahon ng pagsulat ng Bibliya. Yamang si Moises ang malamang na sumulat ng aklat ng Job, may kaunting kabatiran siya sa usapin sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Subalit habang nagpapatuloy ang pagsulat ng Bibliya, ang isyu may kinalaman sa soberanya ng Diyos at katapatan ng tao ay maliwanag na isusulat; sa gayon ang lahat ng kinauukulan ay magkaroon ng lubos na kaalaman sa dakilang usaping nasasangkot. Samantala, noong 1513 B.C.E., inilagay ni Jehova ang batayan sa pagtatatag ng isang bayan ng mga saksi.

Isang Bayan ng mga Saksi

Noong ikatlong buwan paglisan nila sa Ehipto, inilagay ni Jehova ang mga Israelita sa isang pantanging tipang nag-uugnay sa kaniya, na ginagawa silang kaniyang “tanging pag-aari.” (Ex. 19:5, 6) Sa pamamagitan ni Moises, siya’y nakitungo sa kanila bilang isang bayan, na binibigyan sila ng isang teokratikong pamahalaan na itinatag sa tipang Batas bilang kanilang pambansang saligang batas. (Isa. 33:22) Sila’y piniling bayan ni Jehova, itinatag upang kumatawan sa kaniya bilang kanilang Soberanong Panginoon.

Gayunman, nang sumunod na mga daang taon, hindi laging kinilala ng bayan ang pagkasoberano ni Jehova. Nang sila’y manirahan sa Lupang Pangako, sa pana-panahon ang mga Israelita ay nahulog sa pagsamba sa makademonyong mga diyos ng mga bansa. Dahilan sa pagkabigo nila na sumunod sa kaniya bilang nararapat na Soberano, ipinahintulot ni Jehova na sila’y sakupin, at sa gayon lumitaw na waring ang mga diyos ng mga bansa ay higit na malakas kaysa kay Jehova. (Isa. 42:18-25) Subalit noong ikawalong siglo B.C.E., tuwirang hinamon ni Jehova ang mga diyos ng mga bansa upang alisin ang maling impresyon at sagutin ang tanong na, Sino ang tunay na Diyos?

Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ipinalabas ni Jehova ang hamon: “Sino sa kanila [mga diyos ng mga bansa] ang makapagpapahayag nito [makapanghuhulang may kawastuan]? O maiparirinig kaya nila sa amin ang unang mga bagay [alalaong baga’y, mga bagay sa hinaharap]? Dalhin nila [bilang mga diyos] ang kanilang mga saksi, upang sila’y ariing matuwid, o dinggin nila [na mga tao ng mga bansa] at magsabi, ‘Iyan ang katotohanan!’” (Isa. 43:9) Oo, hayaang ang mga diyos ng mga bansa ay maglabas ng kanilang mga saksi na makapagpapatotoo ng tungkol sa mga hula ng kanilang mga diyos, “Iyan ang katotohanan!” Ngunit wala sa mga diyos na ito ang nakapagdala ng tunay na mga saksi sa kanilang pagkadiyos!

Nilinaw ni Jehova sa Israel ang kanilang responsibilidad sa paglutas sa katanungan, Sino ang tunay na Diyos? Sabi niya: “Kayo’y aking mga saksi, . . . samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na ako nga ang Isang iyon. Walang nauna sa akin na ibang Diyos, at hindi na rin magkakaroon ng iba bukod sa akin. Ako​—ako si Jehova, at bukod sa akin ay walang tagapagligtas. Ako mismo ang nagpahayag at nagligtas at nagpangyaring iyon ay marinig, nang walang ibang diyos sa gitna ninyo. Kaya’t kayo ang aking mga saksi, . . . at ako ang Diyos.”​—Isa. 43:10-12.

Kaya ang bansang Israel ni Jehova ay binubuo ng isang bayan ng mga saksi. Sila’y matatag na makapaninindigan sa matuwid, nararapat na soberanya ni Jehova. Batay sa kanilang nakaraan, sila’y makapagpapahayag nang may matibay na paniniwala na si Jehova ang Dakilang Tagapagligtas ng kaniyang bayan at Diyos ng tunay na hula.

Pagpapatotoo Tungkol sa Mesiyas

Sa kabila ng malawak na patotoo ng ‘makapal na ulap’ na iyan ng mga saksi bago ang Kristiyanismo, ang panig ng Diyos sa mga usapin ay hindi pa rin nalulutas. Bakit nga hindi? Sapagkat sa sariling takdang panahon ng Diyos, pagkatapos na maliwanag na mapatunayang kailangan nga ng mga tao ang pamamahala ni Jehova at na hindi sila makapamamahala sa kanilang ganang sarili, dapat na igawad ni Jehova ang hatol sa lahat ng tumatangging igalang ang kaniyang nararapat na awtoridad. Isa pa, ang mga isyu na ibinangon ay nakarating hindi lamang sa kalipunan ng mga tao. Yamang isang anghel ang naghimagsik sa Eden, ang pag-aalinlangan sa katapatan sa soberanya ng Diyos ay nakaabot at nagsangkot sa mga makalangit na nilalang ng Diyos. Kaya, nilayon ni Jehova na ang isang espiritung anak ang bumaba sa lupa, kung saan si Satanas ay magkakaroon ng lahat ng pagkakataon na ilagay siya sa pagsubok. Ang espiritung anak na iyan ay bibigyan ng pagkakataong lutasin, sa isang sakdal na paraan, ang tanong, Magtatapat ba sa Diyos ang sinuman maging sa ilalim ng anumang pagsubok? Palibhasa’y napatunayan na ang kaniyang katapatan, ang anak na ito ng Diyos ay bibigyan ng kapangyarihan bilang siyang dakilang tagapagbangong-puri ni Jehova, na pupuksa sa balakyot at lubusang gaganap sa orihinal na layunin ng Diyos ukol sa lupa.

Ngunit papaano makikilala ang isang ito? Sa Eden, ipinangako ni Jehova ang isang “binhi” na dudurog sa ulo ng tulad-ahas na Kaaway at ipagbabangong-puri ang soberanya ng Diyos. (Gen. 3:15) Sa pamamagitan ng mga propetang Hebreo, si Jehova ay naglaan ng maraming detalye tungkol sa Mesiyanikong “binhi”​—ang kaniyang pinagmulan at mga gawain, maging ang panahon ng kaniyang pagpapakita.​—Gen. 12:1-3; 22:15-18; 49:10; 2 Sam. 7:12-16; Isa. 7:14; Dan. 9:24-27; Mik. 5:2.

Noong kalagitnaan ng ikalimang siglo B.C.E., nang matapos ang mga Kasulatang Hebreo, ang mga hula ay nakaulat na, habang naghihintay ng pagdating ng Mesiyas upang tuparin ang mga iyon. Ang patotoo ng saksing ito​—sa katunayan, ang pinakadakilang saksi ng Diyos​—ay isasaalang-alang sa susunod na kabanata.

[Talababa]

a Halimbawa, ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay maaaring sumaksi sa mga kasaysayang naganap tungkol kay Jesus​—may kinalaman sa kaniyang buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli​—mula sa mismong nasaksihan nila. (Gawa 1:21, 22; 10:40, 41) Gayunman, ang mga taong sumampalataya kay Jesus nang dakong huli ay maaaring sumaksi sa pamamagitan ng paghahayag sa iba ng kahalagahan ng kaniyang buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli.​—Gawa 22:15.

[Blurb sa pahina 11]

Ang mga tao ay makapagpapasiyang makinabang mula sa pagkasoberano ni Jehova. Ngunit kailangan munang marinig nila ang tungkol dito

[Blurb sa pahina 13]

Si Abel ang unang saksi ni Jehova

[Blurb sa pahina 14]

Sumaksi si Enoc hinggil sa hatol ng Diyos laban sa masama

[Blurb sa pahina 17]

Nilinaw ni Jehova sa buong bayan ang kanilang responsibilidad bilang kaniyang mga saksi

[Blurb sa pahina 18]

“Kayo ang aking mga saksi, . . . at ako ang Diyos”

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga pangyayari sa Eden ay nagbangon ng mahahalagang usapin: Matuwid ba ang soberanya ni Jehova? Ang kaniya bang mga nilalang ay magiging tapat sa kaniya?

[Larawan sa pahina 15]

Si Noe ay tagapangaral ng katuwiran bago wasakin ng Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng baha

[Larawan sa pahina 16, 17]

Mabisang nagpatotoo sina Moises at Aaron kay Faraon tungkol sa pagka-Diyos ni Jehova