Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)

Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)

Kabanata 6

Isang Panahon ng Pagsubok (1914-1918)

“Alalahanin natin na tayo’y nasa panahon ng pagsubok. . . . Kung may anumang dahilan na aakay sa isa upang bumitaw sa Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan at huminto ng pagsasakripisyo para sa Layunin ng Panginoon, kung gayon hindi lamang ang pag-ibig sa Diyos na nasa puso ang nag-udyok upang maging interesado sa Panginoon, kundi mayroon pa; marahil ang pag-asang maikli na ang panahon; ang pagtatalaga niya ay sa isang limitadong panahon lamang. Kung gayon, ngayon na ang tamang panahon para bumitaw.”

ANG mga salitang iyan, na lumabas sa The Watch Tower ng Nobyembre 1, 1914, ay angkop na angkop. Ang mga taon mula 1914 hanggang 1918, ay napatunayan nga na siyang “panahon ng pagsubok” para sa mga Estudyante ng Bibliya. Ang ilang pagsubok ay galing sa loob; ang iba ay galing sa labas. Gayunman, ang lahat ng ito ay sumubok sa mga Estudyante ng Bibliya sa paraang magbubunyag kung talagang taglay nila ‘ang pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso.’ Manghahawakan ba sila sa “Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan” o bibitaw?

Malalaking Inaasahan

Noong Hunyo 28, 1914, si Archduke Francis Ferdinand ng Austria-Hungary ay pataksil na binaril ng isang mamamatay-tao. Ang pataksil na pagpatay na iyon ang nagpasimula ng pagsiklab ng Malaking Digmaan, na siyang dating tawag sa Digmaang Pandaigdig I. Nagsimula ang paglalabanan noong Agosto 1914 nang lusubin ng Alemanya ang Belgium at Pransiya. Pagsapit ng taglagas ng taon ding iyon, lumaganap na ang pagdanak ng dugo.

“Tapos na ang Panahon ng mga Gentil; naganap na ang araw ng kanilang mga hari”! Ganiyan ang bulalas ni Brother Russell sa pagpasok niya sa silid kainan sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn noong umaga ng Biyernes, Oktubre 2, 1914. Gayon na lamang ang kanilang pananabik. Karamihan sa naroroon ay kung ilang taon nang hinihintay ang 1914. Subalit ano ang idudulot ng katapusan ng Panahon ng mga Gentil?

Patuloy na nananalanta ang Digmaang Pandaigdig I, at nang panahong iyon ay may paniwalang ang digmaan ay humahantong sa isang panahon ng pandaigdig na kaguluhan na tatapos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Mayroon pa ring ibang inaasahan may kinalaman sa 1914. Si Alexander H. Macmillan, na nabautismuhan noong Setyembre 1900, ay nakaalaala: “Ang ilan sa amin ay taimtim na nag-akalang aakyat na kami sa langit noong unang linggo ng Oktubre na iyon.” a Sa katunayan, habang ginugunita ang umagang iyon nang ipatalastas ni Russell ang katapusan ng Panahon ng mga Gentil, inamin ni Macmillan: “Kami’y tuwang-tuwa noon at hindi ako magtataka kung nang mga sandaling iyon ay magsimula na kaming pumaitaas, anupat iyon na ang hudyat upang umakyat sa langit​—pero siyempre pa walang nangyaring gayon.”

Ang nabigong mga inaasahan tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus ay naging dahilan upang maglaho ang pananampalataya ng marami sa mga tagasunod ni William Miller at ng iba’t ibang grupo ng mga Adventista noong ika-19 na siglo. Subalit kumusta naman ang mga Estudyante ng Bibliya na kasama ni Russell? Ang ilan kaya ay naakit lamang dahil sa iniisip nila ang kanilang sariling maagang pagkaligtas sa halip na magtaglay ng pag-ibig sa Diyos at ng matinding pagnanais na gawin ang kaniyang kalooban?

‘Brother Russell, Hindi Ka ba Nabigo?’

Patuloy na pinasisigla ni Brother Russell ang mga Estudyante ng Bibliya na manatiling nagbabantay at magpasiyang ipagpatuloy ang gawain sa Panginoon kahit hindi dumating agad ang kanilang inaasahan.

At lumipas ang Oktubre 1914, at si C. T. Russell at ang kaniyang mga kasama ay nasa lupa pa rin. Nagdaan na rin ang Oktubre 1915. Nabigo ba si Russell? Sa The Watch Tower ng Pebrero 1, 1916, isinulat niya: “‘Pero, Brother Russell, ano ba talaga ang nasa isip mo tungkol sa panahon ng ating pagbabago? Hindi ka ba nabigo na ito’y hindi nangyari sa panahong inaasahan natin?’ maitatanong mo. Hindi, ang sagot namin, hindi kami nabigo. . . . Mga kapatid, tayong may tamang saloobin sa Diyos ay hindi nabibigo sa anumang kaayusan Niya. Hindi natin ninanais na ang ating kalooban ang mangyari; kaya kung nakita man natin na nagkamali tayo sa ating inaasahan noong Oktubre, 1914, nagagalak naman tayo at hindi binago ng Panginoon ang Kaniyang Plano para sa atin. Hindi natin nais na gawin Niya iyon. Nais lamang natin na maunawaan ang Kaniyang mga plano at mga layunin.”

Hindi, ang mga Estudyante ng Bibliya ay hindi ‘iniuwi’ sa langit noong Oktubre 1914. Gayunpaman, ang Panahon ng mga Gentil ay totoong natapos sa taóng iyan. Maliwanag na marami pang dapat matutuhan ang mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa kahalagahan ng 1914. Samantala, ano ang dapat nilang gawin? Gumawa! Gaya ng pagkasabi ng The Watch Tower ng Setyembre 1, 1916: “Inakala natin na ang gawaing Pag-aani upang tipunin ang Iglesya [ng mga pinahiran] ay matatapos bago magwakas ang Panahon ng mga Gentil; subalit wala namang sinasabing gayon sa Bibliya. . . . Nalulungkot ba tayo at ang gawaing Pag-aani ay patuloy? Hinding-hindi . . . Ang dapat na madama natin sa ngayon, mahal na mga kapatid, ay matinding pasasalamat sa Diyos, higit pang pagpapahalaga sa kaakit-akit na Katotohanan na ipinagkaloob Niyang maunawaan at taglayin natin bilang pribilehiyo na ipinagkaloob Niya sa atin, at higit na sigasig sa pagpapabatid ng Katotohanang iyon sa iba.”

Subalit mayroon pa bang higit na gawaing pag-aani? Maliwanag na iyon ang nasa isip ni Brother Russell. Ipinakita iyon sa kaniyang pakikipag-usap kay Brother Macmillan noong taglagas ng 1916. Nang ipatawag si Macmillan sa kaniyang opisina sa Brooklyn Bethel, sinabi sa kaniya ni Russell: “Mabilis na lumalaki ang gawain, at ito’y patuloy na lálakí pa, sapagkat may isang pandaigdig na gawain na isasagawa sa pangangaral ng ‘ebanghelyo ng kaharian’ sa buong daigdig.” Gumugol si Russell ng tatlong oras at kalahati sa pagbalangkas kay Macmillan ng kaniyang naunawaan mula sa Bibliya na magiging isang dakilang gawain sa hinaharap.

Dumanas ng isang mahirap na pagsubok ang mga Estudyante ng Bibliya. Subalit sa tulong ng The Watch Tower, sila’y pinalakas upang mapagtagumpayan ang kabiguan. Gayunman, ang panahon ng pagsubok ay hindi pa rin tapos.

“Ano Kaya ang Mangyayari Ngayon?”

Noong Oktubre 16, 1916, sina Brother Russell at ang kaniyang sekretaryong si Menta Sturgeon ay umalis para sa patiunang isinaayos na mga pahayag palibot sa kanluran at timog-kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Subalit, si Russell ay may malubhang karamdaman na noon. Sa kanilang paglalakbay ay una nilang pinuntahan ang Detroit, Michigan, na ang dinaanan ay ang Canada. Pagkatapos, pagkaraang dumaan sa Illinois, Kansas, at Texas, ang dalawang lalaki ay dumating sa California, kung saan binigkas ni Russell ang kaniyang huling pahayag noong Linggo, Oktubre 29, sa Los Angeles. Pagkalipas ng dalawang araw, maaga nang kinahapunan ng Martes, Oktubre 31, ang 64-na-taóng gulang na si Charles Taze Russell ay binawian ng buhay sakay ng isang tren sa Pampa, Texas. Ang paunawa tungkol sa kaniyang kamatayan ay lumabas sa The Watch Tower ng Nobyembre 15, 1916.

Ano kaya ang naging epekto sa pamilyang Bethel nang ipatalastas ang kamatayan ni Brother Russell? Si A. H. Macmillan, ang naglilingkod bilang kawaní ni Russell sa opisina kapag wala si Russell, ay nakagunita ng umagang iyon nang basahin niya ang telegrama sa pamilyang Bethel: “Humugong ang pagbubulung-bulungan sa buong silid kainan. Ang ilan ay tumangis nang malakas. Walang nakakain ng almusal nang umagang iyon. Ang lahat ay totoong balisa. Sa pagtatapos ng oras ng pagkain sila’y nagtipun-tipon sa maliliit na grupo upang mag-usap at magbulungan, ‘Ano kaya ang mangyayari ngayon?’ Walang gaanong nagawa nang araw na iyon. Hindi namin malaman kung ano ang gagawin. Biglang-bigla ang pangyayari, bagaman sinikap ni Russell na ihanda kami para roon. Ano ang talagang gagawin namin? Ang unang pagkabigla ng pagkawala ni C. T. Russell ang pinakamalalâ. Nang mga unang araw na iyon ang aming kinabukasan ay walang katiyakan. Sa panahon ng kaniyang buhay si Russell ay ‘ang Samahan.’ Ang gawain ay nakasentro sa kaniyang matinding pagnanais na magawa ang kalooban ng Diyos.”

Pagkatapos ng mga serbisyo sa paglilibing sa The Temple sa New York at sa Carnegie Hall sa Pittsburgh, inilibing si Brother Russell sa Allegheny, sa lupa ng pamilyang Bethel, ayon sa kaniyang kahilingan. Ang isang maikling talambuhay ni Russell kasama ng kaniyang testamento ay inilathala sa The Watch Tower ng Disyembre 1, 1916, at sa kasunod na mga edisyon ng unang tomo ng Studies in the Scriptures.

Ano kaya ang mangyayari ngayon? Naging mahirap para sa mga Estudyante ng Bibliya na isipin kung sino ang makakapalit ni Brother Russell. Magpapatuloy kaya ang pagsulong ng kanilang kaunawaan sa Kasulatan, o ito’y matatapos na rito? Sila ba’y magiging isang sekta na nakasentro sa kaniya? Niliwanag mismo ni Russell na inaasahan niyang magpapatuloy ang gawain. Kaya pagkamatay niya, ang ilang di-maiiwasang mga katanungan ay lumitaw agad: Sino na ngayon ang mangangasiwa ng nilalaman ng The Watch Tower at ng iba pang mga publikasyon? Sino ang papalit kay Russell bilang presidente?

Isang Pagbabago sa Pangasiwaan

Sa testamento ni Russell ay binalangkas ang isang kaayusan para sa isang limahang Komite sa Patnugutan upang pagpasiyahan ang mga nilalaman ng The Watch Tower. b Karagdagan pa, ang lupon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society ay gumawa ng mga kaayusan para sa isang tatluhang Komiteng Tagapagpaganap​—sina A. I. Ritchie, W. E. Van Amburgh, at J. F. Rutherford​—na magkakaroon ng panlahatang pangangasiwa sa lahat ng gawain ng Samahan, sa ilalim ng pamamahala ng lupon ng mga direktor. c Subalit, sino kaya ang magiging bagong presidente? Ang kapasiyahang iyan ay gaganapin sa susunod na taunang pagpupulong ng Samahan, mga dalawang buwan pa, sa Enero 6, 1917.

Sa pasimula, sinikap ng Komiteng Tagapagpaganap na patatagin ang mga kalagayan, anupat pinalalakas ang loob ng mga Estudyante ng Bibliya na magpatuloy sa pagiging masigasig at huwag masisiraan ng loob. Nagpatuloy ang paglalathala ng The Watch Tower, na naglalaman ng mga artikulong isinulat ni Russell bago siya mamatay. Subalit habang papalapit ang taunang pagpupulong, nagsimulang tumindi ang igting. Ang ilan ay nangangampanya pa man din upang mapili na maging presidente ang kanilang nagugustuhan. Ang iba naman, dahil sa kanilang matinding paggalang kay Brother Russell, ay waring mas nababahala sa pagnanais na matularan ang mga katangian niya at bumuo ng waring isang kulto na nakasentro sa kaniya. Gayunman, ang karamihan sa mga Estudyante ng Bibliya ay interesado lalo na sa pagpapatuloy ng gawain na pinagbuhusan ni Russell ng kaniyang sarili.

Habang papalapit ang panahon ng eleksiyon, ang tanong ay nananatili, Sino ang papalit kay Russell bilang presidente? Ang The Watch Tower ng Enero 15, 1917, ay nag-ulat ng kinalabasan ng taunang pagpupulong, na ganito ang paliwanag: “Si Brother Pierson, taglay ang angkop na pangungusap at pagpapahayag ng pagpapahalaga at pag-ibig kay Brother Russell, ay nagpatalastas na siya’y tumanggap ng kahilingan mula sa mga kapatid sa buong bansa na bilang kinatawan nila ay kaniyang iboto si Brother J. F. Rutherford sa pagka-Presidente, at nagpatuloy pa siya sa pagsasabing siya’y lubusang may pagsang-ayon dito.” Pagkatapos na ipasok ang pangalan ni Rutherford at pangalawahan, hindi na nagpasok ng iba pang pangalan, kaya “binilang ng Sekretaryo ang mga balota gaya ng itinagubilin, at si Brother Rutherford ang ipinahayag na pinagkaisahang napili ng Kombensiyon bilang Presidente.”

Nang matapos ang eleksiyon, papaano tinanggap ang bagong presidente? Ang The Watch Tower na binanggit sa itaas ay nag-ulat: “Ang mga kaibigan sa lahat ng dako ay nanalangin nang buong taimtim para sa patnubay at pag-akay ng Panginoon sa kapakanan ng eleksiyon; at nang ito’y matapos, ang bawat isa ay nasiyahan at naligayahan, anupat naniniwalang pinatnubayan ng Panginoon ang kanilang masusing pag-iisip at sinagot ang kanilang mga panalangin. Ganap na pagkakaisa ang namayani sa lahat ng naroroon.”

Gayunman, ang “ganap na pagkakaisa,” na iyon ay hindi gaanong nagtagal. Ang bagong presidente ay mainit na tinanggap ng marami ngunit hindi ng lahat.

Kumilos Na ang Bagong Presidente

Ang naisin ni Brother Rutherford ay, hindi upang baguhin ang takbo ng organisasyon, kundi upang ipagpatuloy ang pasulong na paraan na itinatag ni Russell. Ang naglalakbay na mga kinatawan ng Samahan (kilala bilang mga pilgrim) ay pinarami mula 69 tungo sa 93. Pinalawak ang pamamahagi ng libreng mga pulyeto ng Samahan sa harap ng mga simbahan kung Linggo at sa regular na gawaing pagbabahay-bahay.

Ang “gawaing pagpapastol,” na pinasimulan na bago mamatay si Russell, ay higit pang pinagbuti. Ito ay ang gawaing pagbabalik-muli, na katulad din ng gawaing pagdalaw-muli na isinasagawa ngayon ng mga Saksi ni Jehova. Upang higit pang mapasigla ang gawaing pangangaral, pinalawak ng bagong presidente ng Samahan ang gawain ng mga colporteur. Ang mga colporteur (mga unang katumbas ng mga payunir sa ngayon) ay dumami mula 372 tungo sa 461.

“Ang taóng 1917 ay nagsimula na may nakasisira-ng-loob na pananaw,” ang sabi ng The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917. Oo, nang mamatay si C. T. Russell, nagkaroon ng mga pag-aagam-agam, mga pag-aalinlangan, at mga pangamba. Gayunman, nakapagpapasigla ang ulat sa katapusan ng taon; lumawak ang gawain sa larangan. Maliwanag, ang gawain ay sumusulong. Ang mga Estudyante ba ng Bibliya ay nakalampas sa isa pang pagsubok​—ang kamatayan ni C. T. Russell​—nang matagumpay?

Mga Pagtatangkang Agawin ang Pamamahala

Hindi lahat ay sumuporta sa bagong presidente. Sina C. T. Russell at J. F. Rutherford ay magkaibang-magkaiba. Magkaiba ang kanilang personalidad at nagbuhat sa magkaibang kapaligiran. Ang pagkakaibang ito ay hindi naging madali para sa ilan na tanggapin. Para sa kanila, ‘wala nang makakatulad si Brother Russell.’

May ilan, lalo na sa punong-tanggapan, ang tahasang galít kay Brother Rutherford. Ang bagay na ang gawain ay sumusulong at na sinisikap niyang sundin ang mga kaayusan na itinatag ni Russell ay waring hindi nakasiya sa kanila. Dumami ang oposisyon. Apat na miyembro sa lupon ng mga direktor ng Samahan ang nagsikap pa man din na agawin ang pangangasiwa sa mga kamay ni Rutherford. Ito’y umabot sa sukdulan noong tag-araw ng 1917, sa paglalabas ng The Finished Mystery, ang ikapitong tomo ng Studies in the Scriptures.

Nabigo si Brother Russell na ilabas ang tomong ito bago siya namatay, bagaman umasa siyang magagawa niya ito. Pagkamatay niya, ang Komiteng Tagapagpaganap ng Samahan ay nagsaayos sa dalawang kasama, sina Clayton J. Woodworth at George H. Fisher, na ihanda ang aklat na ito, na isang komentaryo sa Apocalipsis, Awit ni Solomon, at Ezekiel. Sa ilang bahagi, iyon ay batay sa isinulat ni Russell tungkol sa mga aklat na ito ng Bibliya, at nagdagdag ng iba pang mga komento at paliwanag. Ang natapos na manuskrito ay sinang-ayunan ng mga opisyales ng Samahan upang malimbag at ipinamahagi sa pamilyang Bethel sa hapag-kainan noong Martes, Hulyo 17, 1917. Nang pagkakataon ding iyon, isang nakagigitlang patalastas ang ipinahayag​—ang apat na sumasalungat na direktor ay inalis, at nag-atas si Brother Rutherford ng iba pang apat upang punan ang bakante. Ano kaya ang naging reaksiyon?

Parang isang bomba ang sumabog! Sinamantala ng apat na naalis na direktor ang pagkakataong iyon at pinasimulan ang isang limang-oras na pagtatalo sa harap ng pamilyang Bethel tungkol sa pangangasiwa sa mga gawain ng Samahan. Ang ilan sa pamilyang Bethel ay sumang-ayon sa mga mananalansang. Ang pagtutol ay nagpatuloy nang ilang linggo, anupat ang mga manggugulo ay nagbabantang “ibagsak ang nangyayaring paniniil,” gaya ng sabi nila. Subalit may mainam na batayan si Brother Rutherford sa kaniyang ginawa. Papaano?

Lumabas na bagaman ang apat na salungat na mga direktor ay hinirang ni Brother Russell, ang mga paghirang na ito ay hindi kailanman napagtibay sa pamamagitan ng pagboto ng mga miyembro ng korporasyon sa taunang pagpupulong ng Samahan. Samakatuwid, silang apat ay hindi naman legal na mga miyembro ng lupon ng mga direktor! Alam na ito noon pa ni Rutherford subalit hindi niya ito binanggit sa pasimula. Bakit? Ayaw niya na isipin nilang siya’y sumasalungat sa mga kagustuhan ni Brother Russell. Gayunman, nang makitang sila’y hindi titigil sa panggugulo, kumilos si Rutherford ayon sa kaniyang karapatan at pananagutan bilang presidente na palitan sila ng iba na ang mga paghirang ay papagtitibayin sa susunod na taunang pagpupulong, na gaganapin sa Enero 1918.

Noong Agosto 8, umalis mula sa pamilyang Bethel ang di-nasisiyahang mga dating direktor at ang kanilang mga tagapagtaguyod; sila’y pinaalis dahil sa kanilang nililikhang kaguluhan. Sinimulan nilang ikalat ang kanilang pagsalungat sa pamamagitan ng malawakang pagtatalumpati at kampanya sa pamamagitan ng panulat sa buong Estados Unidos, Canada, at Europa. Bilang resulta, pagkaraan ng tag-araw ng 1917, ang ilang kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya ay nahati sa dalawang grupo​—yaong mga tapat sa Samahan at yaong mga madaling naging biktima ng matatamis na salita ng mga mananalansang.

Subalit sa pagtatangkang mahawakan ang organisasyon, hindi kayâ sisikapin ng mga napalayas na mga direktor na maimpluwensiyahan ang mga dadalo sa taunang pagpupulong? Sa paniniwalang ganito nga ang maaaring mangyari, inisip ni Rutherford na makabubuting gumawa ng pagsusuri sa lahat ng kongregasyon. Ang resulta? Sang-ayon sa ulat na nalathala sa The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917, yaong mga boboto ay nagpakita ng kanilang puspusang pagsuporta kay J. F. Rutherford at sa mga direktor na nakikipagtulungan sa kaniya! Ito’y napatunayan noong taunang pagpupulong. d Ang pagsisikap ng mga mananalansang na agawin ang pamamahala ay nabigo!

Ano ang nangyari sa mga mananalansang na iyon at sa kanilang tagapagtaguyod? Pagkatapos ng taunang pagpupulong noong Enero 1918, ang mga mananalansang ay nagkawatak-watak, anupat piniling ipagdiwang ang Memoryal, noong Marso 26, 1918, nang kani-kaniya. Anumang pagkakaisa na kanilang natamo ay panandalian lamang, at hindi nga nagtagal sila’y nagkahiwa-hiwalay sa iba’t ibang sekta. Kalimitan ang kanilang bilang ay umunti at ang kanilang gawain ay lumiit o lubusan nang napahinto.

Maliwanag, kasunod ng pagkamatay ni Brother Russell, ang mga Estudyante ng Bibliya ay napaharap sa isang tunay na pagsubok sa katapatan. Gaya ng pagkasabi ni Tarissa P. Gott, nabautismuhan noong 1915: “Marami sa mga inakalang malalakas, totoong tapat sa Panginoon, ay nagsimulang lumayo. . . . Lahat ng ito ay waring hindi tama, ngunit nagaganap at ito’y bumabalisa sa amin. Subalit sinabi ko sa aking sarili: ‘Hindi ba ang organisasyong ito ang ginamit ni Jehova upang tayo’y palayain mula sa gapos ng maling relihiyon? Hindi ba natikman na natin ang kaniyang kabaitan? Kung tayo’y aalis ngayon, saan tayo pupunta? Hindi kaya tayo mapasadlak sa pagsunod lamang sa kung sinong tao?’ Wala kaming makitang dahilan upang sumama sa mga apostata, kaya nanatili kami.”​—Juan 6:66-69; Heb. 6:4-6.

Ang iba na humiwalay mula sa organisasyon ay nagsisi pagkaraan at nakisamang muli sa mga Estudyante ng Bibliya sa pagsamba. Ang karamihan, kagaya ni Sister Gott, ay nagpatuloy na makipagtulungan sa Samahang Watch Tower at kay Brother Rutherford. Ang pag-ibig at pagkakaisa na nagbigkis sa kanila ay higit pang tumibay sa pagdaan ng maraming taon ng pagsasamahan sa mga pagpupulong at mga kombensiyon. Hindi nila pahihintulutan ang anuman na pumatíd sa bigkis ng pagkakaisang iyan.​—Col. 3:14.

Napagtagumpayan ng mga Estudyante ng Bibliya ang pagsubok mula sa mga nasa loob noong 1918. Ngunit, ano kung ang pag-uusig ay magmula sa mga nasa labas?

Tampulan ng Pag-uusig

Sa pagtatapos ng 1917 at sa pagpasok ng 1918, masigasig na ipinamahagi ng mga Estudyante ng Bibliya ang bagong aklat na The Finished Mystery. Sa katapusan ng 1917, ang mga tagalimbag ay abala sa 850,000 edisyon. Nag-ulat ang The Watch Tower ng Disyembre 15, 1917: “Ang benta ng Ikapitong Tomo ay hindi maitutulad sa benta ng ano pa mang kilalang aklat, sa parehong haba ng panahon, maliban sa Bibliya.”

Subalit hindi lahat ay natuwa sa tagumpay ng The Finished Mystery. Ang aklat ay may ilang pagbanggit sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan na totoong matatalim. Gayon na lamang ang galit ng mga klero anupat sinulsulan nila ang gobyerno na pigilin ang mga publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya. Bilang bunga ng pinasigla-ng-klerong pag-uusig na ito, maaga noong 1918, ipinagbawal ang The Finished Mystery sa Canada. Di-nagtagal at sumiklab din ang pag-uusig laban sa mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos.

Upang ihantad ang pinasigla-ng-klerong panggigipit na ito, noong Marso 15, 1918, inilabas ng Watch Tower Society ang pulyeto na Kingdom News Blg. 1. Ang mensahe nito? Ang may sukat na anim-na-pitak na pamagat ay kababasahan ng ganito: “Di-pagpaparaya sa Relihiyon​—Inusig ang mga Tagasunod ni Pastor Russell Sapagkat Sinasabi Nila sa mga Tao ang Katotohanan.” Sa ibaba ng pamagat na “Mababakas ang ‘mga Panahon ng Kadiliman’ sa Pakikitungo sa mga Estudyante ng Bibliya” ay inilahad ang mga pangyayari tungkol sa pag-uusig at pagbabawal na nagsimula sa Canada. Sino ang mga manunulsol? Buong pagsisiwalat na itinuro ng pulyeto ang mga klero, na inilarawan bilang “isang panatikong uri ng mga tao na sadyang pinagsisikapang hadlangan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya at pigilin ang lahat ng pagtuturo ng Bibliya maliban na lamang kung nagmumula sa kanila.” e Tunay na isang napakasakit na pabalita!

Papaano tumugon ang mga klero sa ganitong pagbubunyag? Dati na silang nanggugulo sa Samahang Watch Tower. Ngunit ngayon sila’y lalo pang naging malupit! Noong tagsibol ng 1918, isang daluyong ng malupit na pag-uusig ang inilunsad laban sa mga Estudyante ng Bibliya kapuwa sa Hilagang Amerika at Europa. Umabot sa sukdulan ang pinasigla-ng-klerong pag-uusig noong Mayo 7, 1918, nang magpalabas ng mandamyento ang pederal ng E. U. para sa pagdakip kay J. F. Rutherford at ilan sa kaniyang malapít na mga kasama. Noong kalagitnaan ng 1918, si Rutherford at ang pitong kasama ay ibinilanggo sa Atlanta, Georgia.

Ano ang nangyari sa pagpapatakbo ng punong-tanggapan ngayong si Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay nakabilanggo?

Patuloy na Pinagliliyab ang Apoy

Sa Brooklyn isang Komiteng Tagapagpaganap ang itinatag upang mangalaga sa gawain. Ang pangunahing tungkulin ng mga kapatid na hinirang ay ang ipagpatuloy ang paglalathala ng The Watch Tower. Tiyak na kailangan ng mga Estudyante ng Bibliya saanman ang lahat ng espirituwal na pagpapatibay na maibibigay sa kanila. Sa katunayan, sa buong “panahon ng pagsubok” na ito, walang isa mang isyu ng The Watch Tower ang hindi napalimbag! f

Ano ang kalagayan sa punong-tanggapan? Si Thomas (Bud) Sullivan, na nang maglaon ay naglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nakagunita: “Naging pribilehiyo ko na madalaw ang Brooklyn Bethel noong magtatapos ang tag-araw ng 1918 sa panahong nakabilanggo ang mga kapatid. Ang mga kapatid na nangangasiwa sa gawain sa Bethel ay hindi man lamang natatakot o nasisiraan ng loob. Sa katunayan, nabaligtad ang pangyayari. Sila’y umaasa at nagtitiwala na pananagumpayin ni Jehova ang kaniyang bayan sa katapusan. Nagkapribilehiyo ako na nasa hapag almusalan noong Lunes ng umaga nang ang mga kapatid na ipinadala sa dulong-sanlinggong atas ay magbigay ng kanilang mga ulat. Nakita ang isang mainam na paglalarawan ng kalagayan. Sa bawat pagkakataon ang mga kapatid ay nananalig, naghihintay kay Jehova na ituro pa ang nararapat na gawin.”

Gayunman, maraming suliranin ang napaharap. Naglalagablab pa rin ang Digmaang Pandaigdig I. Nagkaroon ng kakulangan sa mga suplay ng papel at gatong, na kailangang-kailangan para sa gawain sa punong-tanggapan. Dahil sa kasidhian ng pagkamakabayan, nagkaroon ng matinding pagkapoot sa Samahan; itinuring na taksil ang mga Estudyante ng Bibliya. Sa ilalim ng maselan na mga kalagayang ito, waring imposible na magpatuloy pa ang gawain sa Brooklyn. Kaya, pagkatapos na kumunsulta ang Komiteng Tagapagpaganap sa ibang mga kapatid, ipinagbili nila ang Brooklyn Tabernacle at isinara ang Tahanang Bethel. Noong Agosto 26, 1918, ang gawain ay inilipat muli sa Pittsburgh sa isang gusaling pang-opisina sa mga kalyeng Federal at Reliance.

Gayunman, nangibabaw ang mahusay na espiritu. Nagunita ni Martha Meredith: “Kami na nasa Pittsburgh ay nagsama-sama at nagpasiyang patuloy na ‘pagliyabin ang apoy’ hanggang sa makalaya ang mga kapatid mula sa bilangguan. Nang panahong iyan ang opisina sa Brooklyn ay inilipat sa Pittsburgh, kaya ang mga kapatid ay naging abala sa pagsulat at pagpapalimbag ng mga artikulo para sa The Watch Tower. Kapag handa nang ipadala ang The Watch Tower, binabalot naming mga sister ang mga iyon at ipinadadala sa mga tao.”

Mula nang matapos ang Panahon ng mga Gentil noong taglagas ng 1914, ang mga Estudyante ng Bibliya ay dumanas na ng mahihigpit na pagsubok. Patuloy kaya silang makapananagumpay? Taglay ba nila ‘ang pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso’ o hindi? Patuloy ba silang manghahawakang matibay sa “Panginoon at sa Kaniyang Katotohanan,” gaya ng ibinabala ni Russell, o sila kaya’y bibitaw?

[Mga talababa]

a Ang mga pagsipi kay A. H. Macmillan sa kabanatang ito ay mula sa kaniyang aklat na Faith on the March, inilathala noong 1957 ng Prentice-Hall, Inc.

b Ang limang miyembro ng Komite sa Patnugutan na ipinagbilin sa testamento ni Russell ay sina William E. Page, William E. Van Amburgh, Henry Clay Rockwell, E. W. Brenneisen, at F. H. Robison. Bukod diyan, upang mapunan ang anumang mga bakante, ang iba pa ay binanggit​—sina A. E. Burgess, Robert Hirsh, Isaac Hoskins, G. H. Fisher, J. F. Rutherford, at John Edgar. Gayunman, sina Page at Brenneisen ay nagbitiw agad​—si Page dahilan sa hindi siya makapaninirahan sa Brooklyn, at si Brenneisen (pagkaraan ay pinalitan ang ispeling ng Brenisen) sa dahilang kinailangan niyang magtrabaho upang suportahan ang kaniyang pamilya. Pinalitan sila nina Rutherford at Hirsh, na ang mga pangalan ay nakatala sa Watch Tower ng Disyembre 1, 1916, bilang mga miyembro ng Komite sa Patnugutan.

c Sang-ayon sa karta ng Samahang Watch Tower, ang lupon ng mga direktor ay bubuuin ng pitong miyembro. Ang karta ay nagbibigay-karapatan sa natitirang mga miyembro ng lupon ng mga direktor na punan ang anumang bakante. Kaya, dalawang araw pagkamatay ni Russell, nagtipon ang lupon ng mga direktor at hinirang si A. N. Pierson upang maging miyembro. Sa pagkakataong iyon ang pitong miyembro ng lupon ay sina A. I. Ritchie, W. E. Van Amburgh, H. C. Rockwell, J. D. Wright, I. F. Hoskins, A. N. Pierson, at J. F. Rutherford. Ang pituhang-lupon ay humirang ng tatluhang Komiteng Tagapagpaganap pagkaraan.

d Sa taunang pagpupulong noong Enero 5, 1918, ang pitong lalaki na tumanggap ng pinakamataas na boto ay sina J. F. Rutherford, C. H. Anderson, W. E. Van Amburgh, A. H. Macmillan, W. E. Spill, J. A. Bohnet, at G. H. Fisher. Mula sa pitong miyembro ng lupong ito, ang tatlong opisyal ay pinili​—J. F. Rutherford bilang presidente, C. H. Anderson bilang bise presidente, at W. E. Van Amburgh bilang kalihim at ingat-yaman.

e Dalawa pang matitinding pulyeto ang sumunod. Ang Kingdom News Blg. 2, may petsang Abril 15, 1918, ay naglaman ng mas matindi pang mensahe sa ilalim ng ulong balita na “Ang ‘The Finished Mystery’ at Kung Bakit Pinigil.” Pagkatapos, ang Kingdom News Blg. 3, ng Mayo 1918, ay nagtampok ng matinding ulong paksang “Naglalagablab ang Dalawang Malaking Labanan​—Tiyak Na ang Pagbagsak ng Awtokrasya.”

f Sa ilang pagkakataon noong una, may mga isyu ng The Watch Tower na pinagsama, ngunit hindi sa panahon ng 1914-18.

[Blurb sa pahina 68]

Pinaalis ni Rutherford sa Bethel ang mga sumasalungat

[Kahon sa pahina 62]

“Ang Ilan sa Amin ay Naging Totoong Padalus-dalos”

Habang papalapit ang Oktubre 1914, ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya ay umasang sa pagtatapos ng Panahon ng mga Gentil sila, bilang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, ay tatanggap ng kanilang makalangit na gantimpala. Isang halimbawa nito ay ang pangyayaring naganap sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Saratoga Springs, New York, Setyembre 27-30, 1914. Si A. H. Macmillan, na nabautismuhan 14 na taon na noon, ay nagbigay ng isang pahayag noong Miyerkules, Setyembre 30. Doon ay sinabi niya: “Ito na marahil ang huling pahayag pangmadla na aking bibigkasin sapagkat tayo’y malapit nang umuwi [sa langit].”

Gayunpaman, pagkalipas ng dalawang araw (noong Biyernes, Oktubre 2), naging tampulan ng panunukso si Macmillan sa Brooklyn, kung saan ang mga kombensiyonista ay kinailangang magtipon-muli. Mula sa kaniyang upuan sa hapag-kabisera, ipinatalastas ni C. T. Russell: “Magkakaroon tayo ng ilang pagbabago sa programa para sa Linggo [Oktubre 4]. Sa Linggo ng umaga alas 10:30 si Brother Macmillan ay magpapahayag para sa atin.” Ang tugon? Pagkaraan ay isinulat ni Macmillan: “Ang lahat ay tumawa nang malakas, habang naaalaala ang aking sinabi noong Miyerkules sa Saratoga Springs​—ang aking ‘huling pahayag pangmadla’!”

“Buweno,” pagpapatuloy ni Macmillan, “kung gayon dapat na maghanda ako ng aking sasabihin. Nakita ko ang Awit 74:9, ‘Hindi namin nakikita ang aming mga tanda: wala nang propeta pa: ni wala nang sinuman sa amin ang nakaaalam kung hanggang kailan.’ Naiiba pala ito. Sa pahayag na iyon ay sinikap kong maipakita sa mga kaibigan na marahil ang ilan sa amin ay naging totoong padalus-dalos sa pag-iisip na kami’y aakyat na sa langit karaka-raka, at ang dapat na gawin namin ay ang maging abala sa paglilingkod sa Panginoon hanggang sa itakda niya kung kailan niya dadalhin sa langit ang sinuman sa kaniyang sinang-ayunang mga lingkod.”

[Kahon sa pahina 67]

Ang Pinagmulan ni J. F. Rutherford

Si Joseph Franklin Rutherford na may Baptistang mga magulang ay ipinanganak sa isang bukirin sa Morgan County, Missouri, E. U. A., noong Nobyembre 8, 1869. Nang si Joseph ay 16, pinayagan siya ng kaniyang ama na pumasok sa kolehiyo, sa kondisyon na siya ang bahala sa mga gastusin at na uupahan niya ang isang bayaráng manggagawa na papalit sa kaniya sa bukid. Palibhasa’y isang determinadong kabataan, si Joseph ay umutang sa kaniyang kaibigan at naisakatuparan niyang makapasok sa kolehiyo habang pinag-aaralan pa rin ang batas.

Pagkatapos ng kaniyang edukasyon sa akademya, gumugol si Rutherford ng dalawang taon sa ilalim ng pagtuturo ni Judge E. L. Edwards. Pagsapit niya ng 20 taon, siya’y naging opisyal na tagaulat sa korte para sa mga korte ng Fourteenth Judicial Circuit sa Missouri. Noong Mayo 5, 1892, binigyan siya ng lisensiya bilang manananggol sa Missouri. Nang maglaon ay naglingkod si Rutherford bilang piskal sa Boonville, Missouri sa loob ng apat na taon. Nang maglaon, siya’y naglingkod paminsan-minsan bilang isang espesyal na hukom sa Eighth Judicial Circuit Court ng Missouri. Iyan ang dahilan kung bakit siya nakilala bilang “Judge” Rutherford.

Kapansin-pansin, upang may magastos sa pagpasok, nagbenta si Rutherford ng mga ensayklopidiya sa bahay-bahay. Hindi iyon isang madaling trabaho​—madalas na siya’y itinataboy. Sa isang pagkakataon siya’y muntik nang mamatay nang siya’y mahulog sa isang napakalamig na batis habang nag-aalok sa dakong bukirin. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na kapag abogado na siya, at may dumating sa kaniyang opisina na nag-aalok ng mga aklat, bibilhin niya ang mga iyon. Tapat sa kaniyang salita, tumanggap siya ng tatlong tomo ng “Millennial Dawn” mula sa dalawang colporteur na pumunta sa kaniyang opisina noong kaagahan ng 1894. Mga ilang linggo ang lumipas binasa niya ang mga aklat at dali-daling sumulat sa Samahang Watch Tower, na doo’y sinabi niya: “Buong pananabik na binasa ko at ng aking mahal na asawa ang mga aklat na ito, at itinuring namin ito na galing sa Diyos at isang dakilang pagpapala na aming natanggap ang mga ito.” Noong 1906, binautismuhan si Joseph F. Rutherford, at pagkaraan ng isang taon siya ang naging abogado ng Samahang Watch Tower.

[Kahon/Larawan sa pahina 69]

‘Walang Sinumang Tao sa Ibabaw ng Lupa ang Higit na Pinagpala’

Noong Hunyo 21, 1918, si J. F. Rutherford at ang ilan sa kaniyang matalik na mga kasama ay nasentensiyahan ng 20 taóng pagkabilanggo, dahil sa walang-katotohanang hatol na pagsasabwatan. Ang kanilang nararamdaman? Sa isang sulat-kamay na kalatas na may petsang Hunyo 22-23 (makikita sa ibaba), mula sa bilangguan sa Raymond Street sa Brooklyn, New York, sumulat si Brother Rutherford: “Marahil ay walang sinumang tao sa ibabaw ng lupa sa ngayon ang higit na pinagpala at higit na maligaya kaysa sa pitong kapatid na ngayon ay nasa bilangguan. Nalalaman nila na sila’y walang anumang sinadyang kasalanan, at nagagalak na magdusa kasama ni Kristo dahil sa tapat na paglilingkod sa Kaniya.”

[Kahon sa pahina 70]

Mga Biktima ng Pinukaw-ng-Klerong Pag-uusig

Noong kalagitnaan ng 1918, si J. F. Rutherford at ang pito sa kaniyang mga kasama ay nakabilanggo​—mga biktima ng pinukaw-ng-klerong pagsalansang. Subalit hindi lamang ang walong lalaking iyon ang tudlaan ng gayong pagkapoot. Noong una si C. T. Russell ang siyang naging tampulan ng pag-uusig ng mga klero at pahayagan. Ngayon ang mga Estudyante ng Bibliya mismo ang mga biktima. Ang “The Golden Age” (ngayo’y “Gumising!”) ng Setyembre 29, 1920, ay naglathala ng isang buháy, malawak na ulat ng malupit na pag-uusig na kanilang binatá sa Estados Unidos. Kung babasahin ay para bang mula sa panahon ng Inkisisyon. g Kasali ang sumusunod na mga pag-uulat:

“Noong Abril 22, 1918, sa Wynnewood, Oklahoma, si Claud Watson ay ibinilanggo muna at pagkatapos ay kusang ibinigay sa mga mang-uumog na kinabibilangan ng mga predikador, negosyante, at iba pa na nagpalugmok sa kaniya, nag-utos sa isang negro na hagupitin siya at, kapag nagsisikap bumangon, ay muling hagupitin. Pagkatapos ay binuhusan siya ng alkitran at nilagyan siya ng mga balahibo sa buong katawan, habang ikinukuskos ang alkitran sa kaniyang buhok at anit.”

“Noong Abril 29, 1918, sa Walnut Ridge, Arkansas, sina W. B. Duncan, 61 taóng gulang, Edward French, Charles Franke, isang G. Griffin at Gng. D. Van Hoesen ay ibinilanggo. Pinasok ng mga mang-uumog ang bilangguan na gumamit ng pinakanakaririmarim at pinakamahahalay na pananalita, hinagupit, nilagyan ng alkitran, binalahibuhan at pinalayas sila sa bayan. Si Duncan ay napilitang maglakad nang apatnapu’t dalawang kilometro patungo sa kanilang tahanan at babahagya nang nakaagwanta. Si Griffin ay halos nabulag at nasawi pagkaraan ng ilang buwan dahil sa pang-uumog.”

“Noong Abril 30, 1918, . . . sa Minerva, Ohio, si S. H. Griffin ay ibinilanggo muna at pagkatapos ay ibinigay sa mga mang-uumog, pagkatapos ay pinagwikaan ng ministro sa loob ng labinlimang minuto, pagkatapos ay paulit-ulit na hinampas, minura, sinipa, tinapak-tapakan, binantaang bibitayin at lulunurin, pinalayas sa bayan, niluraan, paulit-ulit na pinatid, paulit-ulit na tinusuk-tusok ng payong, pinagbawalang sumakay, sinundan nang limang milya hanggang sa Malvern, Ohio, muling inaresto, ibinilanggo sa Carrollton upang maligtas at sa wakas ay iniuwi ng matapang at tapat na mga opisyales na, pagkatapos na suriin ang kaniyang literatura, sa diwa ay nagsabi, ‘Wala kaming nakikitang kasalanan sa taong ito.’”

[Talababa]

g P. 712–​17.

[Mga larawan sa pahina 64]

Noong Oktubre 31, 1916, ang 64-na-taóng-gulang na si Charles Taze Russell ay binawian ng buhay sakay ng isang tren sa Pampa, Texas; maraming pahayagan ang nag-ulat hinggil sa libing

[Larawan sa pahina 66]

Si J. F. Rutherford ay may matikas na kaanyuan, may isandaan at walumpu’t walong sentimetro ang taas at tumitimbang ng mga 102 kilo

[Larawan sa pahina 69]

Ang bilangguan sa Raymond Street, sa Brooklyn, New York, kung saan si Brother Rutherford at ang ilan sa kaniyang malapít na mga kasama ay ipiniit sa loob ng pitong araw karaka-raka pagkaraan ng kanilang sentensiya

[Larawan sa pahina 71]

Dinalaw ni Thomas (Bud) Sullivan ang punong-tanggapan noong 1918 at nang maglaon ay naglingkod kabilang sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova