Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kristiyanong mga Saksi ni Jehova Noong Unang Siglo

Kristiyanong mga Saksi ni Jehova Noong Unang Siglo

Kabanata 3

Kristiyanong mga Saksi ni Jehova Noong Unang Siglo

“KAYO’Y magiging mga saksi ko . . . sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa mga salitang iyon ng pamamaalam, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging mga saksi. Subalit kaninong mga saksi? “Aking mga saksi,” sabi ni Jesus. Ang mga salita bang ito ay nangangahulugan na hindi sila magiging mga saksi ni Jehova? Tiyak na hindi!

Ang totoo, ang mga alagad ni Jesus ay binigyan ng walang-katulad na pribilehiyo​—ang pagiging mga saksi kapuwa ni Jehova at ni Jesus. Bilang tapat na mga Judio, ang naunang mga alagad ni Jesus ay mga saksi na ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Ngunit ngayon sila’y dapat na sumaksi rin tungkol sa mahalagang bahagi ni Jesus sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang Mesianikong Kaharian. Kung gayon ang kanilang pagpapatotoo kay Jesus ay upang luwalhatiin si Jehova. (Roma 16:25-27; Fil. 2:9-11) Sila’y sumaksi na si Jehova ay hindi kailanman nagsinungaling, na pagkaraan ng mahigit na 4,000 taon sa wakas ay kaniyang ibinangon ang malaon nang ipinangakong Mesiyas, o Kristo!

Ang Kristiyanong mga saksi ni Jehova noong unang siglo ay binigyan din ng pambihirang pribilehiyo​—yaong ipinagkatiwala sa tapat na mga Kristiyano hanggang sa ngayon.

“Humayo . . . Gumawa ng mga Alagad”

Pagkatapos buhaying-muli si Jesus mula sa mga patay, siya’y nagpakita sa kaniyang mga alagad na nagkakatipon sa isang bundok sa Galilea. Doon, binalangkas ni Jesus ang kanilang mga pananagutan: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniuutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:19, 20) Isipin kung ano ang nasasangkot sa mabigat na utos na ito.

“Humayo,” sabi ni Jesus. Subalit kanino? Sa “mga tao ng lahat ng bansa.” Ito’y isang bagong utos, sadyang hamon para sa mga Judiong mananampalataya. (Ihambing ang Gawa 10:9-16, 28.) Bago ang kaarawan ni Jesus, ang mga Gentil ay tinatanggap lamang kapag sila’y pumupunta sa Israel dahil sa interes sa tunay na pagsamba. (1 Hari 8:41-43) Noong una sa kaniyang ministeryo, sinabihan ni Jesus ang mga apostol na “humayo, mangaral,” ngunit doon lamang sa “tupang nawawaglit sa bahay ni Israel.” (Mat. 10:1, 6, 7) Ngunit ngayon, sila’y inutusan na tumungo sa mga tao ng lahat ng bansa. Sa anong layunin?

“Gumawa ng mga alagad,” ang utos ni Jesus. Oo, inutusan ang kaniyang mga alagad na gawing alagad ang iba. Ano ang sangkot dito? Ang isang alagad ay isang nag-aaral, isang naturuan​—gayunman, hindi lamang isang mág-aarál, kundi isang tagasunod. Tinatanggap ng isang alagad ang awtoridad ni Jesus hindi lamang sa panloob sa pamamagitan ng paniniwala sa kaniya kundi sa panlabas sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. Sang-ayon sa Theological Dictionary of the New Testament, ang Griegong salita na isinaling “alagad” (ma·the·tesʹ) “ay nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng isang malapit na personal na ugnayan na humuhubog sa buong pagkatao ng isa na inilalarawan bilang [isang alagad].”

“Turuan sila,” dagdag pa ni Jesus, “na ganapin ang lahat ng bagay na iniuutos ko sa inyo.” Upang magkaroon ng malapit na personal na ugnayan kay Jesus, ang isang tao ay dapat na maturuang “ganapin ang lahat ng bagay” na iniutos ni Kristo, kasali na ang utos niya na ipangaral ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mat. 24:14) Sa ganito lamang siya magiging isang alagad sa tunay na kahulugan nito. At yaong tumatanggap lamang ng turo at nagiging tunay na mga alagad ang binabautismuhan.

“Ako’y sumasainyo,” paniniyak ni Jesus sa kanila, “lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang turo ni Jesus ay laging napapanahon, hindi kailanman kumukupas. Sa dahilang iyan, ang mga Kristiyano hanggang sa panahong ito ay nasa ilalim pa rin ng tungkuling gawing alagad ang iba.

Isang may-pananagutang atas kung gayon ang ipinagkaloob sa mga tagasunod ni Kristo, samakatuwid nga’y, ang paggawa ng mga alagad sa lahat ng bansa. Gayunman, upang makagawa ng mga alagad ni Kristo, kailangang sumaksi sila sa pangalan at Kaharian ni Jehova, yamang iyan ang ginawa ng kanilang Uliran, si Jesus. (Luc. 4:43; Juan 17:26) Yaong mga nagsitanggap sa turo ni Kristo at naging mga alagad sa gayon ay naging Kristiyanong mga saksi ni Jehova. Ang pagiging saksi ni Jehova ay hindi na ngayon batay sa pagkapanganak​—sa bansang Judio​—kundi batay sa sariling kagustuhan. Sila’y naging mga saksi sapagkat iniibig nila si Jehova at taimtim na nagnanais magpasakop sa kaniyang soberanong paghahari.​—1 Juan 5:3.

Subalit tinupad ba ng Kristiyanong mga saksi ni Jehova noong unang siglo ang kanilang atas na maglingkod bilang mga saksi ng Diyos at ni Kristo at ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa’?

“Hanggang sa Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa”

Karaka-raka pagkaraang ibigay sa kaniyang mga alagad ang kanilang atas, si Jesus ay nagbalik sa makalangit na tahanan ng kaniyang Ama. (Gawa 1:9-11) Pagkaraan ng sampung araw, noong araw ng Pentecostes 33 C.E., nagsimula ang malawakang paggawa ng mga alagad. Ibinuhos ni Jesus ang ipinangakong banal na espiritu sa kaniyang naghihintay na mga alagad. (Gawa 2:1-4; ihambing ang Lucas 24:49 at Gawa 1:4, 5.) Ito’y pumuspos sa kanila ng sigasig na ipangaral ang tungkol sa binuhay-muling si Kristo at ang kaniyang pagbabalik sa hinaharap taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.

Tapat sa mga tagubilin ni Jesus, ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon ay nagsimula ng kanilang pagpapatotoo tungkol sa Diyos at kay Kristo doon mismo sa Jerusalem. (Gawa 1:8) Sa kaniyang pangunguna, noong Pagdiriwang ng Pentecostes, si apostol Pedro “ay lubos na nagpatotoo” sa nagdiriwang na libu-libong Judio mula sa maraming bansa. (Gawa 2:5-11, 40) Di-nagtagal ang bilang lamang ng mga sumasampalatayang lalaki ay humigit-kumulang 5,000. (Gawa 4:4; 6:7) Sa dakong huli, ipinahayag ni Felipe sa mga Samaritano “ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos at ang pangalan ni Jesu-Kristo.”​—Gawa 8:12.

Ngunit higit pa ang kailangang gawin. Sa pasimula ng 36 C.E., nang makumberte si Cornelio, isang di-tuling Gentil, ang mabuting balita ay nagsimulang kumalat sa mga di-Judio sa lahat ng bansa. (Gawa, kab. 10) Sa katunayan, gayon kabilis ito lumaganap kung kaya noong mga 60 C.E., si apostol Pablo ay nakapagsabi na ang mabuting balita ay “naipangaral na sa lahat ng nilalang sa silong ng langit.” (Col. 1:23) Kaya, sa katapusan ng unang siglo, ang tapat na mga tagasunod ni Jesus ay nakagawa na ng mga alagad sa buong Imperyo ng Romano​—sa Asia, Europa, at Aprika!

Yamang ang Kristiyanong mga saksi ni Jehova ay nakagawa nang gayon na lamang sa loob ng maikling panahon, bumangon ang mga tanong: Sila ba’y organisado? Kung gayon nga, papaano?

Ang Organisasyon ng Kristiyanong Kongregasyon

Mula noong panahon ni Moises patuloy, ang bansang Judio ay nasa isang natatanging kalagayan​—ito’y nagsilbing kongregasyon ng Diyos. Ang kongregasyong iyan ay lubhang inorganisa ng Diyos sa ilalim ng nakatatandang mga lalaki, mga pangulo, mga hukom, at mga pinuno. (Jos. 23:1, 2) Datapuwat naiwala ng bansang Judio ang pantanging katayuan nito sa dahilang tinanggihan nila ang Anak ni Jehova. (Mat. 21:42, 43; 23:37, 38; Gawa 4:24-28) Noong Pentecostes 33 C.E., hinalinhan ng Kristiyanong kongregasyon ng Diyos ang kongregasyon ng Israel. a Papaano inorganisa ang Kristiyanong kongregasyong ito?

Nang araw na ng Pentecostes, ang mga alagad ay “nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol,” na nagpapakilalang sila’y nagsimulang may pagkakaisa sa kanilang turo. Mula nang unang araw na iyon, sila’y nagtipon “sa pagkakaisa.” (Gawa 2:42, 46) Habang lumalaganap ang paggawa ng mga alagad, nagsimulang mabuo ang mga kongregasyon ng mga mananampalataya, sa simula ay sa Jerusalem at pagkatapos ay sa labas ng Jerusalem. (Gawa 8:1; 9:31; 11:19-21; 14:21-23) Kaugalian nila na magtipong sama-sama sa mga liwasan gayon din sa mga pribadong tahanan.​—Gawa 19:8, 9; Roma 16:3, 5; Col. 4:15.

Papaanong ang lumalagong Kristiyanong kongregasyon ay nakaiwas na maging watak-watak na samahan ng mapagsariling lokal na mga kongregasyon? Sila’y pinagkaisa sa ilalim ng isang Lider. Mula sa pasimula, si Jesu-Kristo ang inatasang Panginoon at Pangulo ng kongregasyon, at siya’y kinilala na gayon nga ng lahat ng kongregasyon. (Gawa 2:34-36; Efe. 1:22) Mula sa langit, buong-sigasig na pinamahalaan ni Jesus ang gawain ng kaniyang kongregasyon sa lupa. Papaano? Sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng mga anghel, na ipinagkaloob ni Jehova upang gamitin niya.​—Gawa 2:33; ihambing ang Gawa 5:19, 20; 8:26; 1 Ped. 3:22.

May isa pang magagamit si Kristo upang mapanatili ang pagkakaisa ng Kristiyanong kongregasyon​—isang nakikitang lupong tagapamahala. Sa pasimula, ang lupong tagapamahala ay binubuo lamang ng tapat na mga apostol ni Jesus. Nang maglaon, ibinilang dito ang ibang nakatatandang mga lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem gayundin si apostol Pablo, kahit na hindi siya naninirahan sa Jerusalem. Ang bawat kongregasyon ay kumikilala sa awtoridad ng pangunahing lupong ito ng nakatatandang mga lalaki at umaasa sa kanilang patnubay kapag may lumitaw na mga usapin tungkol sa organisasyon o sa mga doktrina. (Gawa 2:42; 6:1-6; 8:14-17; 11:22; 15:1-31) Ano ang naging resulta? “Kaya nga ang mga kongregasyon ay patuloy na tumibay sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.”​—Gawa 16:4, 5.

Ang lupong tagapamahala, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, ay nangasiwa sa paghirang ng mga tagapangasiwa at mga katulong, mga ministeryal na lingkod, upang mangalaga sa bawat kongregasyon. Ito ang mga lalaking nakaabot sa espirituwal na mga kuwalipikasyon na nauukol sa lahat ng kongregasyon, at hindi basta mga pamantayan na itinakda ng isa lamang. (1 Tim. 3:1-13; Tito 1:5-9; 1 Ped. 5:1-3) Hinimok ang mga tagapangasiwa na sundin ang Kasulatan at sumailalim ng patnubay ng banal na espiritu. (Gawa 20:28; Tito 1:9) Ang lahat sa kongregasyon ay pinasisigla na “maging masunurin sa mga nangunguna.” (Heb. 13:17) Sa ganitong paraan ang pagkakaisa ay nananatili hindi lamang sa loob ng bawat kongregasyon kundi sa loob ng Kristiyanong kongregasyon sa pangkalahatan.

Bagaman ang ilang lalaki ay may hawak na pananagutan, walang klero-lego na pagkakaiba sa gitna ng unang-siglong Kristiyanong mga saksi ni Jehova. Sila’y magkakapatid na lahat; mayroon lamang iisang Lider, ang Kristo.​—Mat. 23:8, 10.

Nakilala sa Pamamagitan ng Banal na Ugali at Pag-ibig

Ang patotoo ng unang-siglong mga saksi ni Jehova ay hindi limitado sa “bunga ng mga labi.” (Heb. 13:15) Ang pagkaalagad ay humuhubog sa buong buhay ng isang Kristiyanong saksi. Kaya nga, ang mga Kristiyanong iyon ay hindi lamang nagpapahayag ng kanilang paniniwala kundi ang kanilang mga paniniwala ay nagpapabago rin ng kanilang buhay. Kanilang hinuhubad ang lumang pagkatao na may makasalanang mga gawa at nagsikap na bihisan ang kanilang sarili ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos. (Col. 3:5-10) Sila’y tapat at tunay, gayundin masipag at maaasahan. (Efe. 4:25, 28) Sila’y malinis sa moral​—ang seksuwal na imoralidad ay mahigpit na ipinagbabawal. Gayundin ang paglalasing at idolatriya. (Gal. 5:19-21) Kung gayon, may mabuting dahilan na makilala ang Kristiyanismo bilang “Ang Daan,” isang pamumuhay o paraan ng buhay na nakasentro sa pananampalataya kay Jesus, na maingat na sumusubaybay sa kaniyang mga hakbang.​—Gawa 9:1, 2; 1 Ped. 2:21, 22.

Gayunman, may isang katangian na namumukod higit sa iba​—ang pag-ibig. Ang sinaunang mga Kristiyano ay nagpakita ng maibiging pagmamalasakit sa mga pangangailangan ng kapuwa mananampalataya. (Roma 15:26; Gal. 2:10) Inibig nila ang isa’t isa hindi gaya ng sarili kundi higit sa sarili. (Ihambing ang Filipos 2:25-30.) Sila’y handang mamatay alang-alang sa isa’t isa. Ngunit hindi ito kataka-taka. Hindi ba si Jesus ay handang mamatay alang-alang sa kanila? (Juan 15:13; ihambing ang Lucas 6:40.) Nasabi niya sa kaniyang mga alagad: “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; na kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan naman kayo sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Iniutos ni Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay magpakita ng gayong mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig; at ang utos na ito ay iningatang mabuti ng unang-siglong mga alagad niya.​—Mat. 28:20.

“Hindi Bahagi ng Sanlibutan”

Upang matupad ang kanilang tungkulin na paggawa ng mga alagad at maging mga saksi ng Diyos at ni Kristo, ang unang-siglong mga Kristiyano ay hindi kailanman nagpahintulot na maabala ng makasanlibutang mga gawain; pinag-ukulan nila ng pangunahing pansin ang kanilang atas. Tiyak na gayundin ang ginawa ni Jesus. Kay Pilato ay sinabi niya: “Ang aking kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) At sa kaniyang mga alagad ay malinaw na sinabi niya: “Kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Kung gayon, gaya ni Jesus, ang mga sinaunang Kristiyano ay nanatiling hiwalay sa sanlibutan; sila’y hindi nakibahagi sa pulitika o sa mga digmaan. (Ihambing ang Juan 6:15.) Ni nabitag man sila ng mga gawa ng sanlibutan​—ang sabik na pagsusumakit nito sa materyal na mga bagay at sa pagmamalabis sa kalayawan.​—Luc. 12:29-31; Roma 12:2; 1 Ped. 4:3, 4.

Sapagkat sila’y nanatiling hiwalay sa sanlibutan, ang unang-siglong Kristiyanong mga saksi ay kilalang-kilalang mga tao. Pinansin ng mananalaysay na si E. G. Hardy sa kaniyang aklat na Christianity and the Roman Government: “Ang mga Kristiyano ay mga dayo at manlalakbay sa daigdig na nakapaligid sa kanila; ang kanilang pagkamamamayan ay sa langit; ang kaharian na kanilang kinikilala ay hindi sa sanlibutang ito. Kaya ang kawalan ng interes sa mga gawaing pambayan ay sa pasimula pa’y napapansin na sa Kristiyanismo.”

Pinag-usig Dahil sa Katuwiran

“Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon,” ang babala ni Jesus. “Kung ako’y kanilang pinag-uusig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Bago ang kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, si Jesus ay dumanas ng matinding pag-uusig. (Mat. 26:67; 27:26-31, 38-44) At bilang patunay ng kaniyang babala, di-nagtagal at ang kaniyang mga alagad ay dumanas din ng katulad na pakikitungo. (Mat. 10:22, 23) Ngunit bakit?

Hindi nagtagal at napansin ng iba ang sinaunang mga Kristiyano. Sila’y mga taong may mataas na pamantayan ng moralidad at integridad. Tinupad nila ang gawain na paggawa ng mga alagad nang may katapangan at kasigasigan; bilang resulta, literal na libu-libong tao ang umalis sa mga sistema ng huwad na relihiyon at naging mga Kristiyano. Ang mga ito’y tumangging makisangkot sa mga gawain ng sanlibutan. Hindi sila sumali sa pagsamba sa emperador. Hindi kataka-taka, kung gayon, na sila’y mabilis na naging tudlaan ng balakyot na pag-uusig sulsol ng mga lider ng huwad na relihiyon at mga naligaw na pinunò ng pulitika. (Gawa 12:1-5; 13:45, 50; 14:1-7; 16:19-24) Gayunman, ang mga ito ay mga taong ahente lamang ng tunay na mang-uusig​—“ang matandang ahas,” si Satanas. (Apoc. 12:9; ihambing ang Apocalipsis 12:12, 17.) Ang kaniyang layunin? Ang pagsugpo sa Kristiyanismo at sa walang-takot na pagpapatotoo nito.

Ngunit anumang pag-uusig ay hindi makapagpapapinid sa mga labi ng unang-siglong Kristiyanong mga saksi ni Jehova! Tinanggap na nila ang kanilang atas na mangaral mula sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo, at sila’y handang sumunod sa Diyos kaysa sa tao. (Gawa 4:19, 20, 29; 5:27-32) Sila’y umaasa sa lakas ni Jehova, nagtitiwala na gagantimpalaan niya ang kaniyang tapat na mga saksi sa kanilang pagtitiis.​—Mat. 5:10; Roma 8:35-39; 15:5.

Ang kasaysayan ay nagpapatunay na ang pag-uusig mula sa mga pinunò ng Imperyong Romano ay nabigong sugpuin ang sinaunang Kristiyanong mga saksi ni Jehova. Ang sabi ni Josephus, isang Judiong mananalaysay noong unang siglo C.E.: “At ang angkan ng mga Kristiyano, tinawag sa pangalan [ni Jesus], hanggang sa araw na ito [mga 93 C.E.] ay hindi naglaho.”​—Jewish Antiquities, XVIII, 64 (iii, 3).

Ang ulat ng pagpapatotoo ng Kristiyanong mga saksi ni Jehova noong unang siglo ay nagsisiwalat ng ilang maliwanag na nakikilalang katangian: Sila’y buong-tapang at masigasig na tumupad sa kanilang atas na magpatotoo tungkol sa Diyos at kay Kristo at gumawa ng mga alagad; sila’y may kaayusang pang-organisasyon na lahat ay magkakapatid, walang klero-legong pagkakaiba; sila’y sumunod sa mataas na pamantayan ng moralidad at may pag-ibig sa isa’t isa; nanatili silang hiwalay sa makasanlibutang paraan at gawain; at sila’y pinag-usig dahil sa katuwiran.

Gayunman, sa pagtatapos ng unang siglo, ang nagkakaisang Kristiyanong kongregasyon ay nalagay sa maselang at tusong panganib.

[Talababa]

a Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang “kongregasyon” ay ginagamit kung minsan sa diwang panlahatan, na tumutukoy sa Kristiyanong kongregasyon sa kabuuan (1 Cor. 12:28); maaari ring tumukoy ito sa isang lokal na grupo sa isang siyudad o sa tahanan ng isang tao.​—Gawa 8:1; Roma 16:5

[Blurb sa pahina 26]

Ang baguhang mga alagad ay hindi dapat na maging mananampalataya lamang, kundi masunuring tagasunod din naman

[Blurb sa pahina 27]

Ang pagiging saksi ni Jehova ay hindi na ngayon batay sa pagkapanganak kundi batay sa sariling kagustuhan

[Blurb sa pahina 28]

Sa katapusan ng unang siglo, ang Kristiyanong mga saksi ni Jehova ay nakagawa na ng mga alagad sa Asia, Europa, at Aprika!

[Blurb sa pahina 29]

Walang klero-legong pagkakaiba sa gitna ng unang-siglong mga Kristiyano

[Kahon sa pahina 27]

Lumaganap ang Kristiyanismo Dahil sa Masigasig na Pangangaral

Pinagliyab ng sigasig na hindi maapula, ang sinaunang Kristiyanong mga saksi ni Jehova ay gumamit ng pinakamatinding puwersa sa paghahayag ng mabuting balita sa pinakamalawak na mararating. Si Edward Gibbon, sa “The Decline and Fall of the Roman Empire,” ay pumuna na ang “sigasig ng mga Kristiyano . . . ay nagpangalat sa kanila sa bawat lalawigan at sa lahat halos ng mga lunsod ng [Romanong] imperyo.” Sabi ni Propesor J. W. Thompson sa “History of the Middle Ages”: “Ang Kristiyanismo ay kumalat nang may di-pangkaraniwang bilis sa buong daigdig ng mga Romano. Sa taóng 100 marahil ang bawat lalawigan na hangganan ng Mediteraneo ay mayroon nang komunidad ng mga Kristiyano.”

[Kahon sa pahina 30]

‘Ang mga Tagumpay ng Kristiyanismo’

Ang iba pang pinagmumulan ng impormasyon bukod sa Bibliya ay tumitiyak sa mabuting ugali at pag-ibig na pinagkakakilanlan ng sinaunang mga Kristiyano. Ang mananalaysay na si John Lord ay nagsabi: “Ang tunay na mga tagumpay ng Kristiyanismo ay nakita sa pagpapaging mabuti ng mga taong naghahayag ng mga doktrina nito. . . . Kami’y may mga patunay sa kanilang walang-bahid na pamumuhay, sa kanilang walang-kasiraang moralidad, sa kanilang mabuting pagkamamamayan, at sa kanilang maka-Kristiyanong gawi.”​—“The Old Roman World.”

[Larawan sa pahina 31]

Ang isang pangunahing lupong tagapamahala ay tumulong upang magbigay ng patnubay sa mga kongregasyon, subalit silang lahat ay tumitingin kay Kristo bilang kanilang nag-iisang Lider

[Larawan sa pahina 32]

Ang sinaunang mga Kristiyano ay tudlaan ng balakyot na pag-uusig