Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumaganap ang Malaking Apostasya

Lumaganap ang Malaking Apostasya

Kabanata 4

Lumaganap ang Malaking Apostasya

“ISANG Panginoon, isang pananampalataya.” (Efe. 4:5) Nang isulat ni apostol Pablo sa ilalim ng pagkasi ang mga salitang iyon (mga 60-61 C.E.), mayroon lamang iisang Kristiyanong pananampalataya. Datapuwat, ngayon ay nakikita natin ang paglaganap ng mga denominasyon, mga sekta, at mga kulto na nag-aangking Kristiyano, bagaman sila’y nagtuturo ng nagkakasalungatang mga doktrina at nanghahawakan sa iba’t ibang pamantayan ng paggawi. Kaylaking pagkakaiba sa iisang nagkakaisang kongregasyong Kristiyano na nagsimula noong Pentecostes 33 C.E.! Papaano nagkaroon ng ganitong pagkakabaha-bahagi? Para sa kasagutan, kailangang balikan natin ang unang siglo ng ating Karaniwang Panahon.

Mula sa pasimula, ang Kaaway, si Satanas, ay nagsikap na patahimikin ang pagpapatotoo ng Kristiyanong mga saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pag-uusig sa kanila ng mga nasa labas ng kongregasyon. (1 Ped. 5:8) Sa pasimula ay nagbuhat iyon sa mga Judio at pagkaraan ay sa Gentil na Imperyong Romano. Napagtagumpayan ng sinaunang mga Kristiyano ang anumang pagsalungat. (Ihambing ang Apocalipsis 1:9; 2:3, 19.) Ngunit hindi sumuko ang Kaaway. Kung hindi niya sila mapatatahimik sa pamamagitan ng panggigipit mula sa mga nasa labas, bakit hindi sila pasamain mula sa mga nasa loob? Samantalang ang Kristiyanong kongregasyon ay bata pa, ang mismong pag-iral nito ay pinagbantaan ng isang panloob na kaaway​—ang apostasya. a

Gayunman, ang apostasya ay hindi basta sumalingit sa kongregasyon nang walang pasabi. Bilang Ulo ng kongregasyon, tiniyak ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay napaalalahanan nang patiuna.​—Col. 1:18.

“Magkakaroon . . . ng mga Bulaang Guro sa Gitna Ninyo”

“Mag-ingat kayo,” ang babala ni Jesus, “sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa.” (Mat. 7:15) Alam ni Jesus na sisikapin ni Satanas na pagbaha-bahaginin at pasamain ang Kaniyang mga tagasunod. Kaya sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, pinaalalahanan na niya sila laban sa mga bulaang guro.

Saan magmumula ang mga bulaang gurong ito? “Magmumula sa gitna ninyo,” ang sabi ni apostol Pablo noong mga 56 C.E., nang nakikipag-usap sa mga tagapangasiwa sa Efeso. Oo, mula sa loob ng kongregasyon, ang mga tao ay “lilitaw at magsasalita ng mga likong bagay upang makaakit ng mga alagad.” (Gawa 20:29, 30) Ang gayong masakim na mga apostata ay hindi masisiyahan na gumawa ng kanilang sariling mga alagad; sisikapin nilang ‘akitin ang mga alagad,’ alalaong bagá, ang mga alagad ni Kristo.

Si apostol Pedro (noong mga 64 C.E.) ay humula rin tungkol sa pagpapasamâ sa loob mismo ng kongregasyon at inilarawan pa man din kung papaano kikilos ang mga apostata: “Magkakaroon . . . ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito na rin ang lihim na magpapasok ng magpapahamak na mga sekta . . . Sa pamamagitan ng pakunwaring salita ay buong kasakiman na pagsasamantalahan nila kayo.” (2 Ped. 2:1, 3) Gaya ng mga espiya o mga taksil sa kampo ng kalaban, ang mga bulaang guro, bagaman nagmumula sa loob mismo ng kongregasyon, ay magsasalingit ng kanilang masasamang turo sa isang lihim o may pagbabalatkayong paraan.

Hindi nawalan ng kabuluhan ang mga babalang ito ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. Ang panloob na oposisyon ay maliit lamang sa pasimula, subalit maaga itong lumitaw sa kongregasyong Kristiyano.

“Gumagawa Na”

Wala pang 20 taon pagkamatay ni Jesus, ipinakita ni apostol Pablo na ang pagsisikap ni Satanas na gumawa ng pagkakabaha-bahagi at italikod ang mga tao mula sa tunay na pananampalataya ay ‘ginagawa na.’ (2 Tes. 2:7) Sing-aga ng mga 49 C.E., sa isang liham na ipinadala sa mga kongregasyon, ang lupong tagapamahala ay nagsabi: “Nabalitaan namin na ang ilang nagmula sa amin ay nambabagabag sa inyo ng mga salita, na nagsisikap na iligaw ang inyong mga kaluluwa, bagaman hindi kami nagbigay sa kanila ng anumang mga tagubilin.” (Gawa 15:24) Kaya ang ilan sa loob ng kongregasyon ay matabil sa kanilang salungat na pangmalas​—naging maliwanag sa kasong ito ang usapin tungkol sa kung kailangang tuliin ang mga Kristiyanong Gentil at kung dapat sundin ang Batas Mosaiko.​—Gawa 15:1, 5.

Sa pagpapatuloy ng unang siglo, ang nagkakasalungatang kaisipan ay kumalat na parang gangrena. (Ihambing ang 2 Timoteo 2:17.) Noong mga 51 C.E., ang ilan sa Tesalonica ay maling humuhula na “ang pagkanaririto” ng Panginoong Jesus ay napipinto na. (2 Tes. 2:1, 2) Noong mga 55 C.E., itinakwil ng ilan sa Corinto ang maliwanag na Kristiyanong turo tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (1 Cor. 15:12) Noong mga 65 C.E., ang iba ay nagsasabi na ang pagkabuhay-muli ay naganap na, yamang ito’y isang makasimbolikong bagay na nararanasan ng nabubuhay na mga Kristiyano.​—2 Tim. 2:16-18.

Walang kinasihang ulat sa kung ano ang nangyari pa sa loob ng Kristiyanong kongregasyon noong sumunod na 30 taon. Subalit nang gawin ni apostol Juan ang kaniyang mga liham (mga 98 C.E.), may “maraming anti-Kristo”​—mga taong tumatanggi na “si Jesus ang Kristo” at na si Jesus ay Anak ng Diyos na naparito “sa laman.”​—1 Juan 2:18, 22; 4:2, 3.

Sa mahigit na 60 taon, ang mga apostol ay siyang “bagay na nakapipigil,” na nagsisikap hadlangan ang kilos ng apostasya. (2 Tes. 2:7; ihambing ang 2 Juan 9, 10.) Ngunit nang pumapasok na sa ikalawang siglo ang Kristiyanong kongregasyon, ang huling natitirang apostol, si Juan, ay namatay, noong mga 100 C.E. Ang apostasya na unti-unting sumalingit sa loob ng kongregasyon ay maaari na ngayong lumaganap nang walang makapipigil, taglay ang mapangwasak na epekto sa organisasyon at doktrina.

Klero at Lego

“Lahat kayo ay magkakapatid,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. “Iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” (Mat. 23:8, 10) Kaya walang uring klero sa loob ng mga kongregasyong Kristiyano ng unang siglo. Bilang pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo, lahat ng sinaunang Kristiyano ay may pag-asa na maging makalangit na mga saserdote kasama ni Kristo. (1 Ped. 1:3, 4; 2:5, 9) Kung tungkol sa organisasyon, ang bawat kongregasyon ay pinangangasiwaan ng isang lupon ng mga tagapangasiwa, o espirituwal na matatanda. b Ang lahat ng matatanda ay may pantay-pantay na awtoridad, at walang isa man sa kanila ang may karapatan na ‘mamanginoon’ sa kawan na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. (Gawa 20:17; Fil. 1:1; 1 Ped. 5:2, 3) Gayunman, nang mabunyag ang apostasya, nagsimulang magbago ang mga bagay-bagay​—nang napakabilis.

Ang isa sa mga naunang pagbabago ay ang paghihiwalay ng mga katawagang “tagapangasiwa” (Gr., e·piʹsko·pos) at “nakatatandang lalaki,” o “matanda” (Gr., pre·sbyʹte·ros), upang hindi na gamitin ang mga ito sa pagtukoy sa magkatulad na posisyon ng pananagutan. Pagkaraan ng humigit-kumulang sampung taon pagkamatay ni apostol Juan, si Ignatius, “obispo” ng Antioquia, sa kaniyang liham sa mga taga-Smirna, ay sumulat: “Tiyakin na tumatalima kayong lahat sa obispo [tagapangasiwa], gaya ng pagtalima ni Jesu-Kristo sa Ama, at sa presbitero [lupon ng nakatatandang lalaki] na para bang sila ang mga Apostol.” Kaya iminungkahi ni Ignatius na ang bawat kongregasyon ay pangasiwaan ng isang obispo, c o tagapangasiwa, na kikilalaning natatangi, at mayroong mas malaking awtoridad, kaysa mga presbitero, o nakatatandang mga lalaki.

Subalit, papaano nagkaroon ng paghihiwalay na ito? Si Augustus Neander, sa kaniyang aklat na The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries, ay nagpapaliwanag ng nangyari: “Noong ikalawang siglo . . . , ang permanenteng tungkulin ng pangulo ng mga presbitero ay malamang na nabuo, na sa kaniya, yamang siya ang may pantanging pangangasiwa sa lahat ng bagay, ibinigay ang pangalang [e·piʹsko·pos], at sa gayo’y natatangi siya sa ibang mga presbitero.”

Ang saligan sa gayon ay inilagay upang ang uring klero ay unti-unting lumitaw. Pagkaraan ng mga isandaang taon, si Cyprian, “obispo” ng Carthage, Hilagang Aprika, ay naging isang masigasig na tagapagtanggol ng awtoridad ng mga obispo​—bilang isang grupo na hiwalay sa mga presbitero (tinawag pagkaraan na mga pari d), mga diakono, at mga lego. Ngunit hindi siya sumang-ayon sa kahigitan ng isang obispo sa mga iba. e

Habang tumataas ang ranggo ng mga obispo at presbitero, naiiwan naman nila ang iba pang mga mananampalataya sa kongregasyon. Ito’y nagbunga ng paghihiwalay ng klero (yaong nangunguna) at lego (ang mga mananampalatayang tagasunod lamang). Nagpaliwanag ang McClintock and Strong’s Cyclopedia: “Mula noong panahon ni Cyprian [na namatay noong mga 258 C.E.], ang ama ng sistema ng herarkiya, ang pagkakaiba ng klero at lego ay naging prominente, at di-nagtagal ay tinanggap ng lahat. Sa katunayan, mula noong ikatlong siglo patuloy, ang katawagang clerus . . . ay halos ginamit lamang sa ministeryo upang ito’y mapaiba sa lego. Nang mabuo ang Romanong herarkiya, ang mga klero ay hindi lamang naging natatanging orden . . . kundi kinilala rin bilang ang tanging pagkapari.”

Kaya nga, sa loob ng humigit-kumulang 150 taon ng pagkamatay ng huling apostol, pumasok sa kongregasyon ang dalawang mahalagang pagbabago sa organisasyon: una, ang paghihiwalay ng obispo at presbitero, na ang obispo ang nasa pinakamataas na baitang sa hagdan ng herarkiya; ikalawa, ang paghihiwalay ng klero at lego. Sa halip na ang lahat ng inianak-sa-espiritung mananampalataya ay bumuo ng “isang makaharing pagkasaserdote,” ang mga klero lamang ngayon ang “kinilala bilang ang tanging pagkapari.” f​—1 Ped. 2:9.

Ang mga pagbabagong ito ay isang pagtalikod sa maka-Kasulatang paraan ng pangangasiwa sa mga kongregasyon noong panahon ng mga apostol. Gayunman, ang mga pagbabago sa organisasyon ay hindi lamang siyang naging bunga ng apostasya.

Pumasok ang Paganong mga Turo

Ang dalisay na mga turo ni Kristo ay maliwanag na nakaulat​—ang mga ito’y naingatan sa Banal na Kasulatan. Halimbawa, maliwanag na itinuro ni Jesus na si Jehova “ang tanging tunay na Diyos” at na ang kaluluwa ng tao ay namamatay. (Juan 17:3; Mat. 10:28) Ngunit, nang mamatay ang mga apostol at humina ang kaayusan ng organisasyon, ang gayong maliwanag na turo ay nadumhan nang pumasok ang paganong mga doktrina sa Kristiyanismo. Papaano nangyari ang bagay na ito?

Ang isang pangunahing dahilan ay ang mapandayang impluwensiya ng Griegong pilosopya. Ipinaliwanag ng The New Encyclopædia Britannica: “Mula noong kalagitnaan ng ika-2 siglo AD ang mga Kristiyanong sinanay sa Griegong pilosopya ay nagsimulang mag-isip na kailangang ipahayag ang kanilang pananampalataya ayon sa mga termino nito, kapuwa para sa kanilang sariling kasiyahan sa paggamit ng angking talino at upang makumberte ang nag-aral na mga pagano.” Nang ang mahilig sa pilosopyang mga tao ay maging mga Kristiyano, hindi nagluwat at ang Griegong pilosopya at ang “Kristiyanismo” ay naging laging magkaugnay.

Bilang resulta ng ganitong pagsasama, ang mga doktrinang pagano gaya ng Trinidad at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay tumagos sa nabahirang Kristiyanismo. Gayunman, ang mga turong ito ay umiiral na noon bago pa ang mga pilosopong Griego. Ang totoo ay nakuha ito ng mga Griego sa mas matandang mga kultura, yamang may katibayan ng gayong mga turo sa sinaunang mga relihiyon ng Ehipto at Babilonya.

Habang patuloy na pumapasok ang paganong mga turo sa Kristiyanismo, ang iba pang mga maka-Kasulatang turo ay pinilipit o tinalikdan.

Lumalabo ang Pag-asa sa Kaharian

Alam ng mga alagad ni Jesus na sila’y dapat na laging mapagbantay sa ipinangakong “pagkanaririto” ni Jesus at sa pagdating ng kaniyang Kaharian. Nang dakong huli, naunawaan nila na ang Kahariang ito ay maghahari sa lupa sa loob ng isang libong taon at gagawin iyon na isang paraiso. (Mat. 24:3; 2 Tim. 4:18; Apoc. 20:4, 6) Pinayuhan ng Kristiyanong mga manunulat ng Bibliya ang unang-siglong mga saksi na manatiling gising sa espirituwal at manatiling hiwalay sa sanlibutan. (Sant. 1:27; 4:4; 5:7, 8; 1 Ped. 4:7) Ngunit nang mamatay ang mga apostol, ang paghihintay ng mga Kristiyano sa pagkanaririto ni Jesus at sa pagdating ng kaniyang Kaharian ay lumabo. Bakit?

Ang isang dahilan ay ang espirituwal na pagkahawa sanhi ng Griegong doktrina na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa. Nang tanggapin ito ng mga Kristiyano, ang pag-asa sa milenyo ay unti-unting tinalikdan. Bakit? Nagpaliwanag ang The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay pumasok bilang kapalit ng turo ng eschatolohiya [ang turo ukol sa “Huling mga Bagay”] ng BT [Bagong Tipan] taglay ang pag-asa nito sa pagkabuhay-muli ng mga patay at ang bagong paglalang (Apoc. 21 t.), sa gayon ang kaluluwa ay hinahatulan pagkamatay at magtatamo ng paraiso na ngayo’y inaakalang nasa kabilang-buhay.” Sa ibang pananalita, inakala ng apostatang mga Kristiyano na ang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan at na ang mga pagpapala ng Milenyong Paghahari ni Kristo samakatuwid ay dapat na kaugnay ng makaespiritung kaharian. Inilipat nila kung gayon ang Paraiso mula sa lupa tungo sa langit, na pinaniniwalaan nilang tatamuhin ng nakaligtas na kaluluwa pagkamatay. Kung gayon, hindi na kailangang maghintay sa pagkanaririto ni Kristo at sa pagdating ng kaniyang Kaharian, yamang umaasa silang lahat na pagkamatay ay makakasama nila si Kristo sa langit. g

Ngunit may isa pang dahilan kung bakit waring walang kabuluhan na maghintay sa pagdating ng Kaharian ni Kristo. Nagpapaliwanag ang The New Encyclopædia Britannica: “Ang [waring] pagkaantala ng Parousia ay nagpahina sa napipintong pag-asa sa loob ng sinaunang iglesya. Sa paraang ito ng ‘de-eschatologizing’ [paghina ng turo sa “Huling mga Bagay”], ang institusyonal na iglesya ay patuloy na pumapalit sa inaasahang Kaharian ng Diyos. Ang pagtatatag ng Iglesya Katolika bilang isang institusyong pangherarkiya ay tuwirang may kinalaman sa unti-unting pagkawala ng napipintong pag-asa.” (Amin ang italiko.) Kaya hindi lamang napalipat ang milenyong pagpapala mula sa lupa tungo sa langit kundi gayundin naman ang Kaharian ay inilipat mula sa langit tungo sa lupa. Ang “paglilipat” na ito ay kinumpleto ni Augustine ng Hippo (354-430 C.E.). Sa kaniyang kilalang akda na The City of God, sinabi niya: “Ang Iglesya kahit sa ngayon ay siyang kaharian ni Kristo, at kaharian ng langit.”

Samantala, noong mga 313 C.E., sa panahon ng paghahari ng Romanong Emperador na si Constantine, binigyan ng legal na pagkakilala ang Kristiyanismo, na sa kabuua’y naging apostata noon. Ang mga relihiyosong lider ay sumasang-ayon na maglingkod sa Estado, at nang pasimula ang Estado ang namamahala sa mga gawaing panrelihiyon. (Di-magtatagal, ang relihiyon ang mamamahala sa mga gawain ng Estado.) Kaya nagsimula ang Sangkakristiyanuhan, h na ang isang bahagi nito (ang relihiyong Katoliko) pagkaraan ay naging ang opisyal na relihiyong pang-Estado ng Roma. Ngayon, ang “kaharian” ay hindi lamang nasa sanlibutan kundi bahagi ng sanlibutan. Malayung-malayo sa Kaharian na ipinangaral ni Kristo!​—Juan 18:36.

Ang Repormasyon​—Pagbabalik ba sa Tunay na Pagsamba?

Gaya ng mga damong lumalago sa gitna ng nasusugpong trigo, ang Iglesya ng Roma, sa ilalim ng pamamahala ng papa nito, ang nangingibabaw sa makasanlibutang mga gawain sa loob ng daan-daang taon. (Mat. 13:24-30, 37-43) Habang ito’y higit at higit na nagiging bahagi ng sanlibutan, ang iglesya ay lumayo nang lumayo sa unang-siglong Kristiyanismo. Sa nagdaang mga siglo ang mga “heretikong” sekta ay humiling ng mga pagbabago sa loob ng iglesya, subalit ang iglesya ay patuloy na nagmalabis sa kapangyarihan at nag-impok ng kayamanan. Pagkatapos, noong ika-16 na siglo, ang Repormasyong Protestante, isang relihiyosong paghihimagsik, ay buong tinding sumiklab.

Ang mga repormador tulad nina Martin Luther (1483-1546), Ulrich Zwingli (1484-1531), at John Calvin (1509-64) ay bumatikos sa simbahan sa iba’t ibang isyu: si Luther sa pagbibili ng indulhensiya, si Zwingli sa di-pag-aasawa ng mga pari at Mariolatriya (pagsamba kay Maria), at si Calvin sa pangangailangan ng simbahan na bumalik sa orihinal na mga prinsipyo ng Kristiyanismo. Ano ang nagawa ng mga pagsisikap na ito?

Tiyak, ang Repormasyon ay nakagawa ng ilang mabubuting bagay, lalung-lalo na ang pagkasalin ng Bibliya sa mga wika ng karaniwang mga tao. Ang malayang saloobin ng Repormasyon ay umakay sa mas bukás-kaisipang pananaliksik sa Bibliya at higit na kaunawaan sa mga wika ng Bibliya. Gayunman, ang Repormasyon ay hindi nagpanumbalik sa tunay na pagsamba at doktrina. i Bakit hindi?

Ang mga epekto ng apostasya ay tumagos nang malalim, hanggang sa pinakapundasyon ng Sangkakristiyanuhan. Kaya nga, bagaman maraming grupong Protestante ang nakalaya na mula sa papadong awtoridad ng Roma, dala pa rin nila ang ilan sa mga saligang kamalian ng Simbahang Romano Katoliko, na nagbunga ng pag-alis sa tunay na Kristiyanismo. Halimbawa, bagaman iba’t iba ang paraan ng pamamahala ng mga simbahang Protestante, nanatili pa rin ang paghahati ng simbahan sa nangingibabaw na uring klero at sa sunud-sunurang lego. Nanatili rin ang di-makakasulatang doktrina gaya ng Trinidad, pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpaparusa pagkamatay. At gaya ng Iglesiya Romana, ang mga simbahang Protestante ay nagpatuloy na maging bahagi ng sanlibutan, na lubusang kasangkot sa mga sistemang pulitikal at sa mga nasa matataas na katungkulan.

Samantala, kumusta naman ang inaasahan ng Kristiyano​—na nagbabantay sa pagkanaririto ni Jesus at sa pagdating ng kaniyang Kaharian? Daan-daang taon pagkaraan ng Repormasyon, ang mga simbahan​—kapuwa Katoliko at Protestante​—ay labis-labis na nagtiwala sa sekular na kapangyarihan at isinaisantabi ang pag-asa sa pagdating ng Kaharian ni Kristo.

Napukaw ang Pagkamapagbantay

Gayunman, noong ika-19 na siglo, ang kalagayan ng relihiyon ay pumukaw sa mga Kristiyano na maging mapagbantay. Bilang resulta ng pagsasaliksik sa Bibliya sa bahagi ng ilang klero at mga iskolar ng Bibliya, ang mga turo gaya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, walang-hanggang pagpaparusa pagkamatay, tadhana, at Trinidad ay pinag-aralang-muli. Karagdagan pa, ang ilang estudyante ng Bibliya ay maingat na nagsusuri ng mga hula sa Bibliya may kinalaman sa huling mga araw. Dahil dito, ang iba’t ibang grupo ng mga tao ay nagsimulang mag-isip nang taimtim tungkol sa ipinangakong pagbabalik ng Panginoon.​—Mat. 24:3.

Sa Estados Unidos, inihula ni William Miller ang nakikitang pagbabalik ni Kristo noong 1843 o 1844. Ang teologong Aleman na si J. A. Bengel ay nagtakda sa petsang 1836; ang mga tagasunod ni Irving sa Inglatera ay nagsabi sa pasimula na 1835, pagkaraan ay naging 1838, 1864, at 1866. May grupo ng Mennonita sa Rusya na nagsabi muna noon na 1889, pagkaraan ay naging 1891.

Ang gayong pagsisikap na manatiling nagbabantay ay nagsilbing dahilan upang pukawin ang marami na asamin ang pagbabalik ng Panginoon. Subalit, ang mga pagsisikap na ito ng Kristiyanong pagbabantay ay nagtapos sa pagkabigo. Bakit? Sa kalakhang bahagi, ito’y sa dahilang umasa sila nang labis sa mga tao at hindi gaano sa Kasulatan. Pagkaraan ng ilang dekada, karamihan sa mga grupong iyon ay unti-unting nawala.

Samantala, sa panahong ito ang ibang mga pangyayari ay nagkaepekto sa paghihintay at pag-asa ng mga tao.

Isang Panahon ng “Kaliwanagan” at Industriyalisasyon

Noong 1848, inilathala nina Karl Marx at Friedrich Engels ang The Communist Manifesto. Sa halip na itaguyod ang relihiyon, na tinawag ni Marx na “opyo ng bayan,” itinaguyod nila ang ateismo. Bagaman sinasabi nilang laban sila sa lahat ng relihiyon, ang totoo’y pinauunlad nila ang relihiyon, o pagsamba, sa Estado at mga lider nito.

Pagkaraan ng mga sampung taon, noong 1859, nalathala ang Origin of Species ni Charles Darwin; matinding naimpluwensiyahan nito ang makasiyentipiko at relihiyosong kaisipan noon. Ang mga teoriya ng ebolusyon ay umakay sa paghamon sa katotohanan ng ulat sa Bibliya tungkol sa paglalang at sa pagpasok ng kasalanan sa pamamagitan ng pagsuway ng unang mag-asawa. (Gen., kab. 1-3) Bilang resulta, ang pananampalataya ng marami sa Bibliya ay humina.

Samantala, nagsisimula na ang rebolusyong industriyal at ito’y patuloy na lumalakas. Mula sa agrikultura binigyan ng importansiya ang industriya at pagbuo ng mga makinarya. Ang pag-unlad ng steam locomotive (kaagahan ng ika-19 na siglo) ay naging sanhi ng paglawak ng perokaril sa buong bansa. Ang sumunod na kalahatian ng ika-19 na siglo ay nakasaksi sa pag-imbento ng telepono (1876), ng ponograpo (1877), ng ilaw de-koryente (1878-79), gayundin ng paggamit ng Linotype sa paggawa ng mga linya ng tipo para sa pag-iimprenta (1884).

Ang sangkatauhan ay pumapasok sa isang panahon ng pinakamalaking pagsulong sa mabilis na transportasyon at komunikasyon sa kasaysayan. Bagaman ang mga kapakinabangang ito ay magagamit upang pasulungin ang pangkomersiyo at pulitikal na mga mithiin, ang mga ito’y magagamit din sa larangan ng relihiyon. Angkop na kung gayon ang panahon para sa panimulang pagkilos ng isang maliit na grupo ng mga estudyante ng Bibliya na magkakabisa sa buong daigdig.

[Mga talababa]

a Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang “apostasya” (Gr., a·po·sta·siʹa) ay may diwang “pag-iwan, pagtalikod o paghihimagsik.” (Gawa 21:21, tba.) Doon ay may pangunahing pagtukoy sa relihiyosong pag-alis; isang paglabas o pag-iiwan ng tunay na pagsamba.

b Sa Kasulatan ang mga katawagang “tagapangasiwa” at “nakatatandang lalaki,” o “matanda,” ay tumutukoy sa magkatulad na posisyon. (Gawa 20:17, 28; Tito 1:5, 7) Ang “nakatatandang lalaki” ay nagpapahiwatig ng may-gulang na mga katangian ng nahirang, at ang “tagapangasiwa” ay ang responsibilidad na kaakibat ng pagkahirang​—na binabantayan ang kapakanan ng mga taong ipinagkatiwala sa pangangalaga ng isa.

c Ang salitang Ingles na “bishop” (“obispo” sa Tagalog) ay galing sa Griegong salita na e·piʹsko·pos (“tagapangasiwa”) gaya ng sumusunod: galing sa Middle English na bisshop, sa Old English na bisceop, sa Vulgar Latin na biscopus, ibang tawag ng Late Latin na episcopus, sa Griego na e·piʹsko·pos.

d Ang salitang Ingles na “priest” (“pari” sa Tagalog) ay galing sa pre·sbyʹte·ros (“nakatatandang lalaki,” o “matanda”) gaya ng sumusunod: galing sa Middle English na pre(e)st, sa Old English na prēost, sa Vulgar Latin na prester, sa Late Latin na presbyter, sa Griego na pre·sbyʹte·ros.

e Nang dakong huli ang obispo ng Roma, nag-aangkin na kapalit ni Pedro, ay inakala na siyang pinakamataas na obispo at papa.​—Tingnan Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 270-2.

f Kapuna-puna, si Dr. Neander ay pumansin: “Nagkaroon ng maling konklusyon, na yamang sa Matandang Tipan ay may nakikitang pagkapari na kaugnay sa isang partikular na uri ng mga lalaki, kailangang mayroon din sa Bagong [Tipan] . . . Ang maling paghahambing ng Kristiyano at Judiong pagkapari ang higit pang nagpataas sa episcopado kaysa sa tungkulin ng mga presbitero.”​—The History of the Christian Religion and Church, isinalin ni Henry John Rose, Ikalawang Edisyon, New York, 1848, p. 111.

g Ang pangmalas na ito ay may maling pagpapalagay na sa kamatayan, lahat ng mga Kristiyano ay pupunta sa langit. Gayunman ang Bibliya ay nagtuturo na 144,000 tao lamang ang tinawag upang maghari sa langit kasama ni Kristo. (Apoc. 7:4-8; 20:4-6) Ang di-mabilang na iba pa ay may pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang lupang paraiso sa ilalim ng Kaharian ni Kristo.​—Mat. 6:10; Apoc. 7:9, 15.

h Gaya ng paggamit sa lathalaing ito, ang katawagang “Sangkakristiyanuhan” ay tumutukoy sa nagpapanggap na Kristiyanismo, bilang kabaligtaran ng tunay na Kristiyanismo ng Bibliya.

i Para sa higit pang pagtalakay sa Repormasyon at kung ano ang nagawa nito, tingnan ang kabanata 13, “Ang Repormasyon​—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon,” sa aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos.

[Blurb sa pahina 33]

Samantalang nasa kabataan pa, ang Kristiyanong kongregasyon ay pinagbantaan ng apostasya

[Blurb sa pahina 34]

Ang panloob na oposisyon ay maliit lamang sa pasimula

[Blurb sa pahina 37]

Hindi lamang inilipat ng mga apostata ang milenyong mga pagpapala mula sa lupa tungo sa langit kundi inilipat din nila ang Kaharian mula sa langit tungo sa lupa

[Kahon/Larawan sa pahina 36]

Si Plato at ang “Kristiyanismo”

Hindi nalaman ng pilosopong Griego na si Plato (ipinanganak noong mga 428 B.C.E.) na darating ang panahon na ang kaniyang mga turo ay mauuwi sa apostatang Kristiyanismo. Ang pangunahing kaloob ni Plato sa “Kristiyanismo” ay may kinalaman sa mga turo ng Trinidad at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa.

Ang mga palagay ni Plato tungkol sa Diyos at sa kalikasan ang nakaimpluwensiya sa doktrina ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Ang “Nouveau Dictionnaire Universel” ay nagpapaliwanag: “Ang Platonikong trinidad, na sa ganang sarili ay isa lamang panibagong ayos ng nakatatandang mga trinidad noon pang sinaunang mga tao, ay waring naging isang makatuwirang pilosopikong tatluhang katangian na nagluwal sa tatlong sustansiya o banal na mga persona na itinuro ng mga simbahang Kristiyano. . . . Ang kuru-kurong ito ng pilosopong Griego tungkol sa banal na trinidad . . . ay matatagpuan sa lahat ng sinaunang [paganong] mga relihiyon.”​—Tomo 2, pahina 1467.

Tungkol sa doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ang “New Catholic Encyclopedia” ay nagsasabi: “Ang Kristiyanong palagay sa isang espirituwal na kaluluwa na nilikha ng Diyos at inilakip sa katawan sa panahon ng paglilihi upang ang tao’y maging isang nabubuhay na kabuuan ay bunga ng isang matagal na pagbabalangkas ng pilosopyang Kristiyano. Noon lamang panahon ni Origen [namatay noong mga 254 C.E.] sa Silangan at ni San Augustine [namatay noong 430 C.E.] sa Kanluran napatibay ang paniniwala na ang kaluluwa ay isang espirituwal na sangkap at nabuo ang isang pilosopikong pangangatuwiran tungkol sa uri nito. . . . ang kalakhan ng doktrina [ni Augustine] . . . ay hinango (kasali na ang ilang kamalian) sa Neoplatonismo.”​—Tomo XIII, pahina 452, 454.

[Larawan sa pahina 35]

Si Cyprian, “obispo” ng Carthage, ang nakamalas sa mga obispo bilang isang grupong hiwalay sa mga presbitero, mga diakono, at lego

[Larawan sa pahina 38]

“Ang Iglesya kahit sa ngayon ay siyang kaharian ni Kristo, at kaharian ng langit” (Augustine ng Hippo)

[Mga larawan sa pahina 39]

Ang mga repormista na umatake sa simbahan hinggil sa iba’t ibang isyu

Martin Luther

Ulrich Zwingli

John Calvin

[Mga larawan sa pahina 40]

Ang “Communist Manifesto” ni Karl Marx sa totoo ay nagpaunlad sa pagsamba sa Estado. Ang “Origin of Species” ni Charles Darwin ay matinding nakaimpluwensiya sa makasiyentipiko at relihiyosong kaisipan noon

[Larawan sa pahina 41]

Ang steam locomotive

[Larawan sa pahina 41]

Ang ilaw de-koryente

[Larawan sa pahina 41]

Ang unang telepono

[Larawan sa pahina 41]

Ang sinaunang Linotype

[Larawan sa pahina 41]

Ang ponograpo