Walang Lubay na Paghahayag ng Mabuting Balita (1942-1975)
Kabanata 8
Walang Lubay na Paghahayag ng Mabuting Balita (1942-1975)
“SA LAHAT NG MGA UMIIBIG SA TEOKRASYA:
Noong Enero 8, 1942, ang ating mahal na kapatid, si J. F. Rutherford, ay tapat na nakatapos ng kaniyang makalupang takbuhin . . . Isang kagalakan at kaaliwan para sa kaniya na makita at maalaman na ang lahat ng mga saksi ng Panginoon ay sumusunod, hindi sa kaninumang tao, kundi sa haring si Kristo Jesus bilang kanilang Lider, at na sila’y magpapatuloy sa gawain na may lubusang pagkakaisa sa pagkilos.” —Isang liham na nagpapatalastas ng kamatayan ni Brother Rutherford. a
ANG balita ng kamatayan ni Brother Rutherford ay nagdulot ng sandaling pagkabigla sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Marami ang nakaaalam na siya’y may sakit, subalit hindi nila inaasahan ang kaniyang maagang pagkamatay. Sila’y nalungkot sa pagkawala ng kanilang mahal na kapatid ngunit determinadong ‘magpatuloy sa gawain’—ang gawain na ihayag ang Kaharian ng Diyos. Hindi nila ipinagpalagay na si J. F. Rutherford ang kanilang lider. Si Charles E. Wagner, na nagtrabaho sa opisina ni Brother Rutherford ay nakapansin: “Ang mga kapatid saanman ay nagkaroon ng matibay na pananalig na ang gawain ni Jehova ay hindi sa tao umaasa.” Subalit, kailangan pa rin na may magsabalikat ng mga pananagutan na isinagawa ni Brother Rutherford bilang presidente ng Samahang Watch Tower.
“Determinadong Manatiling Malapít sa Panginoon”
Naging mithiin ni Brother Rutherford na walang lubay na ipahayag ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita. Kaya noong kalagitnaan ng Disyembre 1941, ilang linggo bago ang kaniyang kamatayan, tinawag niya ang apat na direktor ng dalawang pangunahing korporasyong legal na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova at iminungkahi na karaka-raka pagkamatay niya, lahat ng mga miyembro ng dalawang lupon ay pagsamahin sa isang sesyon at maghalal ng isang presidente at isang bise presidente.
Kinahapunan ng Enero 13, 1942, limang araw lamang pagkamatay ni Rutherford, lahat ng miyembro ng lupon mula sa dalawang korporasyon ay magkasamang nagmiting sa Brooklyn Bethel. Ilang araw bago iyon, iminungkahi na ng bise presidente ng Samahan, ang 36-anyos na si Nathan H. Knorr, na taimtim nilang hilingin b
ang banal na karunungan sa pamamagitan ng panalangin at pagbubulay-bulay. Alam ng mga miyembro ng lupon na samantalang pamamahalaan ng kapatid na mahahalal bilang presidente ang mga legal na kapakanan ng Samahang Watch Tower, siya’y maglilingkod din bilang pangunahing tagapangasiwa ng organisasyon. Sino kaya ang nagtataglay ng kinakailangang espirituwal na mga katangian para sa mabigat na pananagutang ito ng pangangalaga sa gawain ni Jehova? Binuksan sa pamamagitan ng panalangin ang pinagsamang miting, at pagkaraan ng masusing pagsasaalang-alang, nagkakaisang inihalal si Brother Knorr na presidente ng dalawang korporasyon at ang 30-anyos na si Hayden C. Covington, ang abogado ng Samahan, bilang bise presidente.Kinahapunan, ipinabatid ni W. E. Van Amburgh, ang kalihim at ingat-yaman ng Samahan, sa pamilyang Bethel ang kinalabasan ng eleksyon. Si R. E. Abrahamson, na naroroon nang pagkakataong iyon, ay nakagunita ng sinabi ni Van Amburgh: ‘Naaalaala ko pa nang mamatay si C. T. Russell at pinalitan ni J. F. Rutherford. Nagpatuloy ang Panginoon na gabayan at pasulungin ang Kaniyang gawain. Sa ngayon, lubusan kong inaasahan na ang gawain ay magpapatuloy kay Nathan H. Knorr bilang presidente, sapagkat ito’y gawain ng Panginoon, hindi ng tao.’
Ano ang nadama ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn sa kinalabasan ng eleksyon? Ang isang makabagbag-damdaming liham mula sa kanila na may petsang Enero 14, 1942, ang araw pagkatapos ng eleksyon, ay sumasagot: “Ang pagpapalit sa kaniya [Rutherford] ay hindi makapagpapabagal sa amin sa pagsasagawa ng gawain na iniatas ng Panginoon sa amin. Kami’y determinadong manatiling malapít sa Panginoon at sa isa’t isa, na nakikihamok nang walang lubay, nakikipaglaban nang
balikatan. . . . Ang aming matalik na pakikisama kay Brother Knorr sa loob ng humigit-kumulang na dalawampung taon . . . ay nagpangyari sa amin na pahalagahan ang pag-akay ng Panginoon sa pagpili kay Brother Knorr bilang presidente at sa gayon ay maibiging napangalagaan ng Panginoon ang Kaniyang bayan.” Bumaha agad sa punong-tanggapan ang mga liham at telegrama ng pagsuporta mula sa iba’t ibang dako ng daigdig.Hindi nagkaroon ng pag-aalinlangan sa kung ano ang gagawin. Isang pantanging artikulo ang inihanda para sa Bantayan ng Pebrero 1, 1942 (sa Ingles), ang isyu na siya ring nagpatalastas ng kamatayan ni J. F. Rutherford. “Ang katapusang pagtitipon ng Panginoon ay nagaganap na,” ang ipinahayag nito. “Ni sa isang sandali ay huwag pahintulutan ang anuman na makahadlang sa pagsulong ng kaniyang tipang-bayan sa paglilingkod sa Kaniya. . . . Sa ngayon ang panghahawakang matibay sa ating katapatan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang bagay na PINAKAMAHALAGA SA LAHAT.” Pinasigla ang mga Saksi ni Jehova na magpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita nang may kasigasigan.
Subalit ang ‘panghahawakang matibay sa kanilang katapatan’ ay tunay na isang hamon noong kaagahan ng dekada ng 1940. Ang daigdig ay nagdidigmaan pa. Ang mga paghihigpit dahil sa panahon ng digmaan ay nagpahirap sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa maraming panig ng daigdig. Ang pag-aresto at pang-uumog sa mga Saksi ay nagpatuloy pa rin. Pinangasiwaan ni Hayden Covington, bilang abogado ng Samahan, ang pakikipaglaban sa mga legal na usapin, kung minsan ay mula sa kaniyang opisina sa punong-tanggapan ng Brooklyn at kung minsan naman ay mula sa mga tren habang naglalakbay sa pag-aasikaso sa mga legal na kaso. Kasama ng lokal na mga abogado, gaya nina Victor Schmidt, Grover Powell, at Victor Blackwell, ginawa ni Brother Covington ang lahat ng kaniyang magagawa upang maitatag ang pansaligang-batas na karapatan ng mga Saksi ni Jehova na mangaral sa bahay-bahay at mamahagi ng mga literatura sa Bibliya nang hindi hinahadlangan ng lokal na mga opisyal. c
Panawagan na “Magpatuloy”
Sa kabila ng pagrarasyon ng pagkain at gasolina sa panahon ng digmaan, sa kaagahan ng Marso 1942, ipinatalastas ang mga plano para sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea, na gaganapin sa Setyembre 18-20. Upang mapadali ang paglalakbay, pumili ng 52 lunsod para sa kombensiyon sa buong Estados Unidos, marami sa mga ito ang konektado ng telepono sa Cleveland, Ohio, ang pangunahing lunsod. Halos kasabay nito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtipon sa 33 iba pang mga lunsod sa buong lupa. Ano ang layunin ng asambleang ito?
‘Tayo’y nariritong nagtitipon hindi upang gunitain ang nakaraan o kung ano na nga ba ang nagawa ng mga tao,’ ang sabi ng chairman, si Brother Covington, sa kaniyang pambungad na pananalita para sa panimulang sesyon. Pagkatapos, ipinakilala niya ang pangunahing pahayag na, “Ang Tanging Liwanag,” salig sa Isaias kabanatang 59 at 60, na binigkas ni Brother Franz. Tumutukoy sa makahulang utos ni Jehova na iniulat ni Isaias, ang tagapagsalita ay masiglang nagpahayag: “Narito, kung gayon, ang panawagan na ‘Magpatuloy’ mula sa Kataas-taasang Awtoridad na patuloy sa kaniyang [gawang] pagpapatotoo anuman ang mangyari bago mag-Armagedon.” (Isa. 6:1-12) Hindi ito panahon upang magmabagál at magpahingalay.
“May higit pang gawain; marami pa!” ang sabi ni Brother N. H. Knorr sa sumunod na pahayag ng programa. Upang matulungan ang kaniyang mga tagapakinig sa kanilang pagtugon sa panawagang “Magpatuloy”, ipinatalastas ni Brother Knorr ang paglalabas ng isang edisyon ng bersiyong King James ng Bibliya, na nilimbag sa sariling imprentahan ng Samahan at kumpleto sa konkordansya na dinisenyo para gamitin ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo sa larangan. Ang bagong labas na iyan ay nagpapakita ng matinding pagnanais ni Brother Knorr na mailimbag at maipamahagi ang Bibliya. Sa katunayan, nang siya’y maging presidente ng Samahan maaga ng taóng iyon, mabilis na kumilos agad si Brother Knorr upang kumuha ng legal na karapatan sa paglilimbag ng saling ito at upang ihanda ang konkordansya at iba pang mga bahagi. Sa loob ng ilang buwan ang pantanging edisyong ito ng King James Version ay handa nang ilabas sa kombensiyon.
Sa huling araw ng asamblea, binigkas ni Brother Knorr ang pahayag na “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Doon ay inilarawan niya ang matibay na patotoo mula sa Apocalipsis 17:8 na ang Digmaang Pandaigdig II, na kasalukuyang nananalanta noon, ay hindi magbibigay-daan sa Armagedon, gaya ng akala ng iba, kundi na ang digmaan ay magwawakas at isang yugto ng kapayapaan ang magsisimula. May gawain pa na isasagawa sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Sinabi sa mga kombensiyonista na upang mapangalagaan ang inaasahang paglaki ng organisasyon, simula sa susunod na linggo ang Samahan ay magpapadala ng “mga lingkod para sa mga kapatid” upang gumawang kasama ng mga kongregasyon. Ang bawat kongregasyon ay dadalawin tuwing anim na buwan.
“Buong-tibay na pinagkaisa ng Bagong Sanlibutang Teokratikong Asambleang iyan ang organisasyon ni Jehova para sa gawain sa hinaharap,” ang sabi ni Marie Gibbard, na dumalo sa Dallas, Texas, kasama ng kaniyang mga magulang. At marami pang dapat gawin. Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatanaw sa darating na panahon ng kapayapaan. Sila’y determinadong magpatuloy sa kabila ng pagsalansang at pag-uusig, na naghahayag ng mabuting balita nang walang lubay!
Isang Panahon ng Pagsulong sa Edukasyon
Ang ginagamit nila noon sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay ay testimony card at ponograpo, ngunit mapasusulong pa kaya ng bawat saksi ni Jehova ang kakayahan na ipaliwanag mula sa Kasulatan ang mga dahilan ng kaniyang pag-asa? Sa palagay ng ikatlong presidente ng Samahan, si Brother N. H. Knorr, ay maaari nga. Ganito ang pagkasabi ni C. James Woodworth, na ang ama ay kung ilang taóng patnugot ng The Golden Age at Consolation: “Samantalang
noong kapanahunan ni Brother Rutherford ang idiniin ay ‘Ang Relihiyon Ay Isang Silo at Pangungulimbat,’ ngayon ay sinisimulan na ang panahon ng pandaigdig na pagpapalawak, at ang edukasyon—pang-Kasulatan at pang-organisasyon—ay nagsimula sa isang antas na noon ay hindi batid ng bayan ni Jehova.”Ang panahon ng edukasyon ay agad nagsimula. Noong Pebrero 9, 1942, mga isang buwan pagkatapos na mahalal si N. H. Knorr bilang presidente ng Samahan, isang malawakang patalastas ang ipinahayag sa Brooklyn Bethel. Gumawa ng mga kaayusan sa Bethel para sa isang Advanced Course in Theocratic Ministry—isang paaralan na nagtatampok ng mga pagsasaliksik sa Bibliya at pagpapahayag sa publiko.
Nang sumunod na taon, ang pinakapundasyon ay inilatag para sa isang katulad na paaralan na isasagawa sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa “Panawagan sa Pagkilos” na Asamblea na ginanap sa buong Estados Unidos noong Abril 17 at 18, 1943, ang buklet na Course in Theocratic Ministry ay inilabas. Ang bawat kongregasyon ay hinimok na pasimulan ang bagong paaralan, at humirang ang Samahan ng mga instruktor upang mangasiwa at magbigay ng nakapagpapatibay na payo ukol sa mga pahayag ng estudyante na binigkas ng nakatalang mga lalaki. Karaka-raka, ang kurso ay isinalin at nagpasimulang ganapin sa ibang mga lupain.
Bilang resulta, ang mga kuwalipikadong tagapagsalita na sinanay sa paaralang ito sa pagmiministro ay nagsimulang makibahagi sa pandaigdig na kampanya ng pagpapahayag sa madla upang ibalita ang mensahe ng Kaharian. Nang maglaon ay nagamit ng marami sa mga ito ang kanilang natutuhan bilang tagapagpahayag sa mga kombensiyon at sa pagsasabalikat ng mabibigat na pananagutang pang-organisasyon.
Ang isa sa kanila ay si Angelo C. Manera, Jr., isang naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng mga 40 taon. Siya ay isa sa mga naunang nagpatala sa paaralan sa kanilang kongregasyon, at napansin niya: “Kami na dumadalo sa mga pagpupulong at naglilingkod sa larangan sa loob ng maraming taon na wala pa ang paglalaang ito ay kumikilala rito bilang isang malaking hakbang sa aming personal at pang-organisasyong pagsulong.”
Tungkol sa kaniyang pagsasanay sa paaralan na pinasinayaan sa Brooklyn Bethel noong 1942, si George Gangas, isang Griegong tagapagsalin noon, ay nang bandang huli’y nagsabi: “Naaalaala ko pa noong panahong nagbigay ako ng aking unang anim-na-minutong pahayag. Wala akong tiwala sa aking sarili kaya isinulat ko iyon. Ngunit nang ako’y tumayo na upang bigkasin iyon, sinaklot ako ng takot sa harap ng mga tagapakinig at ako’y naumid at nautal, at nawala sa isip ang sasabihin. Kaya sinubukan kong basahin na lamang ang manuskrito. Subalit gayon na lamang ang pangangatal ng aking mga kamay kung kaya ang mga letra ng aking binabasa ay paluksu-lukso!” Gayunman, hindi siya sumuko. Dumating ang panahon, na siya’y nagbibigay na ng mga pahayag sa mga tagapakinig sa malalaking kombensiyon at naglingkod pa man din bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Isang Paaralan na Itinatag sa Pananampalataya
Noong Setyembre 24, 1942, mas malaking hakbang ang ginawa sa panahon ng pagsulong sa edukasyon. Sa isang pinagsamang pagpupulong ng mga lupon ng mga direktor ng dalawang legal na korporasyon, iminungkahi ni Brother Knorr na magtatag
ang Samahan ng isa pang paaralan, at gamitin ang isang gusali na itinayo sa Kingdom Farm, sa South Lansing, New York, 410 kilometro sa hilagang-kanluran ng New York City. Ang layunin ng paaralang ito ay upang sanayin ang mga misyonero para sa paglilingkuran sa ibang bansa na may higit pang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang mungkahi ay may pagkakaisang sinang-ayunan.Si Albert D. Schroeder, noo’y 31 taon ang gulang, ay hinirang bilang tagapagrehistro at naglingkod bilang chairman ng komite upang itatag ang bagong paaralan. “Aba, halos lumundag ang aming mga puso sa kagalakan dahil sa kahanga-hangang bagong gawaing ito!” ang sabi niya. Kumilos agad ang mga instruktor; mayroon lamang silang apat na buwan upang ihanda ang kurso, gawin ang mga pahayag, at bumuo ng isang aklatan. “Ang kurso para sa pagpapasulong ng Kristiyanong edukasyon ay umaabot ng 20 linggo, na ang Bibliya ang pangunahing aklat-aralin,” ang paliwanag ni Brother Schroeder, na ngayo’y naglilingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala.
Noong Lunes, Pebrero 1, 1943, isang malamig na araw sa panahon ng taglamig sa hilagang bahagi ng New York, ang unang klase, na may 100 estudyante, ay pinasimulan. Narito ang isang paaralan na tunay na itinatag sa pananampalataya. Sa gitna ng Digmaang Pandaigdig II, mayroon lamang iilang lugar sa daigdig ang mapagdadalhan sa mga misyonero. Subalit, taglay ang pananalig na magkakaroon ng isang panahon ng kapayapaan na doo’y magagamit sila, nagsanay pa ng inaasahang magiging mga misyonero.
Muling Inorganisa Pagkatapos ng Digmaan
Noong Mayo 1945 natapos ang paglalabanan ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Pagkaraan ng apat na buwan, noong Setyembre, natapos ang labanan sa Pasipiko. Tapos na ang Digmaang Pandaigdig II. Noong Oktubre 24, 1945, kalilipas-lipas lamang ng tatlong taon pagkatapos bigkasin ng presidente ng Samahan ang pahayag na “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” ang Karta ng Nagkakaisang mga Bansa ay nagkabisa.
Ang mga ulat tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova ay unti-unting lumabas mula sa Europa. Sa lawak na ikinamangha ng mga kapatid sa buong daigdig, ang gawaing paghahayag ng Kaharian ay matatag na nagpatuloy sa mga bansa sa Europa sa kabila ng pagkakaroon ng digmaan. Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1945 (sa Ingles) ay nag-ulat: “Noong 1940 ang Pransya ay may 400 mamamahayag; ngayon ay mayroon nang 1,100 na ipinakikipag-usap ang tungkol sa Kaharian. . . . Noong 1940 ang Olandiya ay may 800 mamamahayag. Apat na raan sa kanila ay ibinilanggo sa mga kampong piitan sa Alemanya. Ang mga naiwan ay naghayag ng Kaharian. Ang resulta? Sa lupaing iyan ay mayroon nang 2,000 mamamahayag ng Kaharian.” Ang bukás na pintuan ng kapayapaan ay nagharap pa ng mga pagkakataon para sa higit pang paghahayag ng mabuting balita, hindi lamang sa Europa kundi
sa buong daigdig din naman. Gayunman, kinailangan muna ang muling pagtatayo at muling pag-oorganisa.Dahilan sa pananabik na masiyasat ang pangangailangan ng mga Saksi ni Jehova sa mga bansang napinsala ng digmaan, ang presidente ng Samahan, kasama ang kaniyang sekretaryo, si Milton G. Henschel, ay naglakbay palibot sa Britanya, Pransya, Switzerland, Belgium, Netherlands, at Scandinavia noong Nobyembre 1945 upang palakasin ang mga kapatid at upang suriin ang mga tanggapang pansangay ng Samahan. d Ang kanilang layunin ay ang muling pag-oorganisa ngayong tapos na ang digmaan. Gumawa ng mga kaayusan para sa pagtutustos ng mga literatura gayundin ng mga pagkain at pananamit na ipadadala sa mga kapatid na nangangailangan. Itinatag-muli ang mga tanggapang pansangay.
Lubusang naunawaan ni Brother Knorr na ang mahusay na organisasyong pansangay ay kailangan upang makapanatiling kaalinsabay ng pasulong na pagkilos ng gawaing pangangaral. Ang kaniyang likas na kakayahan sa pag-oorganisa ay lubusang nagamit sa pagpapalawak ng mga pasilidad ng sangay ng Samahan sa buong daigdig. Noong 1942, nang siya’y maging presidente, may 25 tanggapang pansangay. Nang sumapit ang 1946, sa kabila ng mga pagbabawal at mga hadlang dulot ng Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng mga sangay sa 57 lupain. Pagkaraan ng 30 taon, noong 1976, ang bilang ng mga sangay ay umabot ng 97.
Sinangkapan Bilang mga Guro
Mula sa kaniyang mga paglalakbay sa buong daigdig pagkaraan lamang ng digmaan, natiyak ng presidente ng Samahan na ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang masangkapang higit upang maging mga guro ng Salita ng Diyos. Higit pang pag-aaral sa Bibliya ang kailangan gayundin ang angkop na mga kasangkapan na magagamit sa ministeryo sa larangan. Ang mga pangangailangang iyon ay natamo di-nagtagal pagkaraan ng digmaan.
Sa Maliligayang Bansa na Teokratikong Asamblea, na ginanap sa Cleveland, Ohio, noong Agosto 4-11, 1946, binigkas ni Brother Knorr ang pahayag na “Nasangkapan sa Bawat Mabuting Gawa.” Napukaw ang interes ng lahat ng nakikinig nang ibangon niya ang mga tanong gaya ng: “Hindi ba isang malaking tulong na magkaroon ng impormasyon sa bawat isang aklat ng animnapu’t anim na mga aklat ng Bibliya? Hindi ba makatutulong na maunawaan ang Kasulatan kung malalaman natin kung sino ang sumulat ng bawat aklat ng Bibliya? kung kailan isinulat ang bawat aklat? kung saan ito isinulat?” Umiral ang pananabik habang ipinahahayag niya: “Mga kapatid, naririto sa bagong aklat na pinamagatang ‘Equipped for Every Good Work’ ang lahat ng impormasyong iyan at higit pa!” Ang patalastas na iyon ay sinundan ng isang malakas na palakpakan. Ang bagong publikasyon ay magsisilbing isang aklat-aralin para sa paaralang pagmiministro na ginaganap sa mga kongregasyon.
Hindi lamang sinangkapan ang mga Saksi ni Jehova ng publikasyon na makapagpapalalim ng kanilang kaalaman sa Kasulatan kundi sila’y binigyan din ng ilang mahuhusay na pantulong na magagamit sa larangan. Ang kombensiyon noong 1946 ay hindi malilimot dahil sa paglalabas ng unang isyu ng Gumising! (sa Ingles). Ang bagong magasing ito ang pumalit sa Consolation (dating kilala sa tawag na The Golden Age). Inilabas din ang aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos” (sa Ingles). e Si Henry A. Cantwell, na nang maglaon ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, ay nagpaliwanag: “Kung ilang panahon na kami’y tunay na nangailangan ng isang aklat na mabisang magagamit sa pangangasiwa ng pag-aaral sa Bibliya sa baguhang interesadong mga tao, isa na sasaklaw sa saligang mga doktrina at katotohanan ng Bibliya. Ngayon sa paglabas ng ‘Hayaang Maging Tapat ang Diyos,’ taglay na namin kung ano ang kailangan.”
Yamang nasasangkapan ng ganitong mahalagang mga tulong sa pagtuturo, ang mga Saksi ni Jehova ay umasa sa higit pang paglawak. Sa pahayag sa kombensiyon sa paksang “Ang mga Suliranin ng Muling Pagtatayo at Pagpapalawak,” ipinaliwanag ni Brother Knorr na sa panahon ng pandaigdig na digmaan, hindi napahinto ang pagsisikap na magpatotoo. Mula 1939 hanggang 1946, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay naragdagan ng mahigit na 110,000. Upang makatugon sa lumalaking pangangailangan sa buong daigdig para sa mga literatura sa Bibliya, nagplano ang Samahan na palakihin ang palimbagan at ang Tahanang Bethel sa Brooklyn.
Ang inaasahang panahon ng pandaigdig na kapayapaan ay nagsimula na. Ang panahon ng pangglobong pagpapalawak at edukasyon sa Bibliya ay mabilis na sumulong. Ang mga Saksi ni Jehova ay umuwi mula sa Maliligayang Bansa na Teokratikong Asamblea na nasasangkapang higit upang maging mga guro ng mabuting balita.
Sumulong sa Unahan ang Paghahayag ng Kaharian
Taglay sa isipan ang pandaigdig na pagpapalawak, noong Pebrero 6, 1947, ang presidente ng Samahan at ang kaniyang sekretaryo, si Milton G. Henschel, ay nagpasimula sa isang 76,916-kilometrong paglalakbay sa daigdig upang maglingkod. Ang biyahe ay nagdala sa kanila sa mga isla sa Pasipiko, New Zealand, Australia, Timog-silangang Asia, India, sa Gitnang Silangan, sa dako ng Mediteraneo, Central at Kanlurang Europa, Scandinavia, Inglatera, at Newfoundland. Ito ang kauna-unahang pangyayari mula noong 1933 na ang mga kinatawan ng punong-tanggapan ng Samahan ay makadalaw sa kanilang mga kapatid sa Alemanya. Nasubaybayan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang dalawang manlalakbay yamang ang mga ulat ng paglalakbay ay napalathala sa mga isyu ng Ang Bantayan hanggang sa matapos ang 1947. f
“Iyon ang unang pagkakataon para sa amin na makaniig ang mga kapatid sa Asia at sa ibang mga dako at makita kung ano ang mga pangangailangan,” ang paliwanag ni Brother Henschel, ngayon ay miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. “Nasa isip namin na magpadala ng mga misyonero, kaya dapat na alam namin kung ano ang kalagayan ng kanilang pupuntahan at kung ano ang kanilang kakailanganin.” Kasunod ng paglalakbay, isang tuluy-tuloy na agos ng mga sinanay sa Gilead na mga misyonero ang nakarating sa banyagang mga lupain upang pangunahan ang gawaing paghahayag ng Kaharian. At kahanga-hanga ang naging mga resulta. Nang sumunod na limang taon (1947-52), ang bilang ng mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig ay mahigit na nadoble, mula 207,552 tungo sa 456,265.
Paglago ng Teokrasya
Noong Hunyo 25, 1950, sinalakay ng lakas militar ng Pamayanang Demokratiko Isa. 60:22.
ng Republika ng Korea ang Republika ng Korea sa timog. Nang bandang huli, ang mga sundalo ay ipinadala roon mula sa 16 na lupain. Ngunit habang nagtutunggalian ang mga pangunahing bansa sa isa’t isa, ang mga Saksi ni Jehova naman ay naghahanda upang magtipon sa isang internasyonal na kombensiyon na magpapamalas hindi lamang ng kanilang pandaigdig na pagkakaisa kundi rin naman ng kanilang pagpapala mula kay Jehova sa pamamagitan ng kanilang paglago.—Ang Paglago ng Teokrasya na Asamblea ay nakaiskedyul noong Hulyo 30 hanggang Agosto 6, 1950. Ito ang di-palák na naging pinakamalaking kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong panahong iyon na ginanap sa iisang dako. Mga 10,000 dayuhang delegado mula sa Europa, Aprika, Asia, Latin Amerika, mga isla sa Pasipiko—lahat-lahat ay 67 iba’t ibang lupain—ang nagtipon sa Yankee Stadium sa New York City. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo na mahigit na 123,000 sa pahayag pangmadla—kung ihahambing sa pinakamataas na bilang na 80,000 na dumalo sa Maliligayang Bansa na Teokratikong Asamblea apat na taon lamang ang nakaraan—ay isang kahanga-hangang patunay ng paglago.
Ang mahalagang dahilan ng paglago na naranasan ng mga Saksi ni Jehova ay ang paglilimbag at pamamahagi ng Salita ng Diyos. Isang malaking hakbang may kinalaman dito ang nakuha noong Agosto 2, 1950, nang ipatalastas ni Brother Knorr ang paglalabas ng modernong-wikang New World Translation of the Christian Greek Scriptures sa Ingles. Ang mga kombensiyonista ay natuwa nang malamang ibinalik ng bagong saling ito ang pangalang Jehova nang 237 ulit sa pangunahing teksto mula Mateo hanggang Apocalipsis! Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, ang tagapagsalita ay nagbigay ng ganitong nakapupukaw-damdaming panawagan: “Kunin ang saling ito. Basahin ito buhat sa pasimula hanggang katapusan. Pag-aralan ito, sapagkat tutulong ito na higit ninyong maunawaan ang Salita ng Diyos. Ipamahagi ito sa iba.” May darating pang mga karugtong sa susunod na dekada, kung kaya sa bandang huli ang mga Saksi ni Jehova ay magkakaroon ng tumpak, madaling-basahing salin ng buong Bibliya na kanilang masiglang maiaalok sa iba.
Bago lisanin ang lunsod ng kombensiyon, ang mga delegado ay inanyayahang mamasyal sa bagong punong-tanggapan ng Bethel sa 124 Columbia Heights at sa palimbagan sa 117 Adams Street na pinalaki nang husto. Dahil sa pinansyal na tulong ng mga Saksi mula sa palibot ng daigdig, nalubos nito ang programa ng malawakang pagpapasulong na ipinatalastas at masiglang pinagtibay sa kombensiyon sa Cleveland noong 1946. Noon ay hindi natanto ng mga Saksi ni Jehova kung gaano pang pagpapalawak ang gagawin, hindi lamang sa Brooklyn, kundi sa buong daigdig man. Marami pang mas malalaking palimbagan ang kakailanganin upang mangalaga sa patuloy na dumaraming bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian.
Masinsinang Pagsasanay sa Ministeryo sa Bahay-Bahay
Sa Bagong Sanlibutang Lipunan na Asamblea, na ginanap sa New York City, noong Hulyo
19-26, 1953, may mga bagong publikasyon na inilaan para sa mga Saksi ni Jehova mismo at upang gamitin lalo na sa paghahayag ng Kaharian sa bahay-bahay. Halimbawa, ang paglalabas ng “Make Sure of All Things” ay umani ng masigabong palakpakan mula sa 125,040 naroroon noong Lunes, Hulyo 20. Madaling gamitin para sa paglilingkod sa larangan, ang may 416-pahinang pambulsang aklat ay may tinipong 4,500 kasulatan sa ilalim ng 70 pangunahing tema. Ngayon ay taglay na ng mga Saksi ni Jehova ang maka-Kasulatang mga sagot sa mga tanong na bumabangon sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay.Noong Miyerkules ng umaga sa pahayag na “Pangunahing Gawain ng Lahat ng mga Lingkod,” ipinatalastas ni Brother Knorr ang isa pang hakbang sa patuloy na edukasyon ng mga Saksi ni Jehova—isang malawakang programa ng pagsasanay sa pagbabahay-bahay na isasagawa sa lahat ng kongregasyon. Ang mga may higit na karanasang mamamahayag ay hinilingan na tulungan ang mga kulang pa sa karanasan upang maging regular, mabisang mamamahayag ng Kaharian sa bahay-bahay. Ang malawak na programang ito ay nagsimula noong Setyembre 1, 1953. Si Jesse L. Cantwell, isang naglalakbay na tagapangasiwa na nakibahagi sa gawaing pagsasanay, ay nakapansin: “Ang programang ito ay tunay na nakatulong sa mga mamamahayag na maging higit na mahusay.”
Nang sumunod na mga buwan pagkaraan ng Hulyo 1953, ang dagdag na mga kombensiyon ay ginanap sa lahat ng limang kontinente, na iniangkop ang programa ring iyon sa lokal na mga kalagayan. Ang masinsinang pagsasanay sa ministeryo sa bahay-bahay ay sinimulan sa gayon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Nang taon ding iyan ang bilang ng mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa 519,982.
Pagtugon sa mga Pangangailangan ng Pangglobong Pagpapalawak
Sa kalagitnaan ng dekada ng 1950, higit pang mga kaayusan ang isinagawa upang pangalagaan ang mabilis na paglaki ng organisasyon. Sa mahigit na isang dekada, si N. H. Knorr ay nakapaglakbay na sa buong daigdig upang suriin ang pamamalakad ng mga sangay. Malaki ang nagawa ng mga paglalakbay na ito upang makatiyak na wastong pinangangasiwaan ang gawain sa bawat bansa at upang patibayin
ang pandaigdig na pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Si Brother Knorr ay may taimtim na pagmamahal sa mga misyonero at sa mga naglilingkod sa mga sangay sa buong daigdig. Saanman siya pumunta, siya’y naglalaan ng panahon na makipag-usap sa kanila tungkol sa kanilang mga problema at pangangailangan at pinatitibay sila sa kanilang ministeryo. Subalit noong 1955, mayroon nang 77 tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower at 1,814 na sinanay sa Gilead na mga misyonerong naglilingkod sa 100 iba’t ibang lupain. Nang makitang hindi na niya kakayaning mag-isa, nagpasiya si Brother Knorr na isali ang iba sa mahalagang gawaing ito ng pagdalaw sa mga sangay at sa mga tahanan ng mga misyonero.Gumawa ng kaayusan na hatiin ang daigdig sa sampung sona, na bawat sona ay may saklaw na ilang mga sangay ng Samahan. Ang kuwalipikadong mga kapatid na lalaki mula sa tanggapan sa Brooklyn at may karanasang mga tagapangasiwa ng sangay ay inatasan na maging mga lingkod ng sona (ngayon ay tinatawag na mga tagapangasiwa ng sona) at sinanay ni Brother Knorr para sa gawaing ito. Noong Enero 1, 1956, pormal na pinasimulan ng una sa mga lingkod na ito ng sona ang bagong paglilingkurang ito ng pagdalaw sa mga sangay. Noong 1992, may mga 30 kapatid, kasali na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, na naglilingkod bilang mga tagapangasiwa ng sona.
Edukasyon sa Banal na Kalooban
Noong tag-araw ng 1958, ang banta ng digmaan ay nabanaag sa Gitnang Silangan. Sa kabila ng igting sa mga relasyong pang-internasyonal, ang mga Saksi ni Jehova ay naghanda upang magtipon sa isang internasyonal na kombensiyon na higit pang magtuturo sa kanila ng kalooban ng Diyos. Iyon ay mapatutunayan din na kanilang pinakamalaking kombensiyon sa iisang lunsod.
Isang pinakamataas na bilang na 253,922 delegado mula sa 123 lupain ang dumagsa sa Yankee Stadium at Polo Grounds sa New York City para sa Banal na Kalooban na Internasyonal na Asamblea, noong Hulyo 27 hanggang Agosto 3. “Dumagsa ang mga Saksi ni Jehova at Napunô ang mga Istadyum,” ang sabi ng Daily News ng New York noong Hulyo 26, 1958. “Walong espesyal na tren, 500 arkiladong bus at 18,000 pribadong mga kotse ang nagdala sa mga miyembro, bukod pa sa dalawang arkiladong barko at 65 arkiladong eroplano.”
Ipinagbigay-alam ng mga sinanay sa Gilead na mga misyonero sa punong-tanggapan ng Samahan ang hamon na nakaharap nila sa pagtuturo ng katotohanan ng Bibliya doon sa mga hindi nakababatid sa mga paniniwala at doktrina ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Kung mayroon lamang isang publikasyon na magpapaalám ng tunay na mga turo lamang sa Bibliya, na madali pang basahin at unawain! Sa kasiyahan ng 145,488 delegado na naroroon noong Martes ng hapon, Hulyo 31, ipinatalastas ni Brother Knorr ang paglalabas ng bagong aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso (sa Ingles).
Hinimok ni Brother Knorr ang lahat na gamitin ang bagong aklat sa kanilang ministeryo sa larangan. Iminungkahi rin niya sa mga magulang na ito’y makatutulong sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng katotohanan ng Bibliya. Maraming magulang ang sumunod sa mungkahi. Si Grace A. Estep, isang guro sa paaralan na lumaki sa isang maliit na bayan malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania, ay nagsabi: “Isang buong henerasyon ng mga bata ang lumaking laging binubuklat-buklat ang
aklat na Paraiso, na dala-dala nila sa mga pulong, ibinabahagi sa kanilang maliliit na mga kalaro, naikukuwento na nila, kahit hindi pa man sila marunong bumasa, ang isang kumpletong serye ng mga kuwento sa Bibliya kahit sa pamamagitan lamang ng mga larawan.”May inilaan din na tulad-karneng materyal para sa maygulang na mga estudyante ng Salita ng Diyos. Sa pagtatapos ng kaniyang nakapupukaw-damdaming pahayag na “Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” ginulat ni Brother Knorr ang mga tagapakinig nang kaniyang ipatalastas ang paglalabas ng isang bagong aklat na pinamagatang “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa” (sa Ingles). Ang bagong publikasyong ito, na naglalaman ng masinsinang pag-aaral ng aklat ni Daniel, ay nagturo sa mga mambabasa nito kung papaanong ang banal na kalooban ay ginawa noon at ginagawa pa sa ngayon. “Labis-labis kayong masisiyahan sa aklat na ito!” ang saad ng tagapagsalita. Sa pamamagitan ng isang masigabong palakpakan ang napakalaking bilang ng tagapakinig na 175,441 ay nagpahiwatig ng kanilang kasiyahan sa pagtanggap ng bagong kasangkapang ito upang higit pang pahalagahan ang banal na kalooban!
Sa kaniyang huling pahayag, ipinatalastas ni Brother Knorr ang higit pang mga pantanging programa sa edukasyon na pakikinabangan ng organisasyon sa buong daigdig. “Ang gawaing pagtuturo ay hindi paurong,” ang pahayag ni Knorr, “kundi sa halip ito’y pasulong.” Ibinalangkas niya ang mga plano ng paglalaan ng isang sampung-buwang kurso ng pagsasanay sa Brooklyn para sa mga tagapangasiwa mula sa mga sangay ng Samahan sa buong daigdig. Gayundin, sa maraming bansa sa palibot ng daigdig, magkakaroon ng mga isang buwang kurso ng pagsasanay para sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at yaong mga nangangasiwa sa mga kongregasyon. Bakit may ganitong edukasyon? “Ibig nating sumulong sa mas mataas na antas ng pang-unawa,” ang paliwanag niya, “upang sa gayon ay higit pa nating maarok ang mga pag-iisip ni Jehova tulad ng ipinahayag niya sa kaniyang Salita.”
Ang gawain ay nagsimula agad sa mga kurso na pag-aaralan sa mga programang ito ng pagsasanay. Pagkaraan ng pitong buwan, noong Marso 9, 1959, ang unang
klase ng isang bagong paaralan, ang Kingdom Ministry School, ay nagsimula sa South Lansing, New York, ang tahanan ng Paaralang Gilead. Di-nagtagal at ang pinasimulan doon ay lumaganap sa buong daigdig samantalang ang bagong paaralan ay ginamit upang sanayin yaong mga nangangasiwa sa mga kongregasyon.Pinatibay Upang “Tumayong Matatag sa Pananampalataya”
Noong dekada ng 1960, ang sangkatauhan ay nilamon ng isang malaking alon ng mga pagbabago sa relihiyon at lipunan. Ang mga klerigo ay nagsabi na ang ilang bahagi ng Bibliya ay alamat lamang o lipas na. Ang ideolohiyang “patay ang Diyos” ay naging popular. Ang lipunan ng tao ay palubog nang palubog sa kumunoy ng imoralidad sa sekso. Sa pamamagitan ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon gayundin ng mga programa sa kombensiyon, ang bayan ni Jehova ay pinatibay upang “tumayong matatag sa pananampalataya” sa panahon ng maligalig na dekadang iyon.—1 Cor. 16:13.
Sa isang serye ng mga kombensiyon na ginanap sa buong daigdig noong 1963, ang pahayag na “Ang Aklat ng ‘Walang-hanggang Mabuting Balita’ Ay Kapaki-pakinabang” ay nagtanggol sa Bibliya laban sa pagsalakay ng mga kritiko. “Hindi na kailangang sabihin pa sa atin ng mga kritiko ng Bibliya na mga tao lamang ang sumulat ng aklat na ito,” ang paliwanag ng tagapagsalita. “Ang Bibliya mismo ang buong katapatang nagsasabi sa atin ng katotohanang iyan. Subalit ang kaibahan ng aklat na ito sa ibang aklat na isinulat ng mga tao ay na ang Banal na Bibliya ay ‘kinasihan ng Diyos.’” (2 Tim. 3:16, 17) Ang masiglang pahayag na ito ay umakay sa paglalabas ng aklat na “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang” (sa Ingles). Kasali sa bagong publikasyon ang isang pagtalakay ng bawat aklat ng Bibliya, na ibinibigay ang mga pangyayari sa pagkasulat ng aklat, gaya ng kung sino ang sumulat nito, kailan at saan ito napasulat, at katibayan ng pagiging totoo nito. Pagkatapos ay ang sumaryo ng aklat ng Bibliya, na sinundan ng isang bahagi na tinawag na “Bakit Kapaki-pakinabang,” na nagpapakita kung papaano ang aklat na ito ng Bibliya ay napakahalaga sa mambabasa. Bilang isang kasangkapan sa patuloy na edukasyon sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova, ang publikasyong ito ay itinatampok pa rin bilang isang aklat-aralin sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro mga 30 taon pagkatapos na ito’y ilabas! g
Ang mga Saksi ni Jehova ay apektado rin ng naging kaluwagan sa sekso noong dekada ng 1960. Sa katunayan, may ilang libo—isang maliit na porsiyento ng kanilang kabuuang bilang—ang kinailangang itiwalag taun-taon, ang karamihan dahil sa seksuwal na imoralidad. Sa gayon, taglay ang mabuting dahilan, ang bayan ni Jehova ay binigyan ng tuwirang payo sa isang serye ng pandistritong kombensiyon na ginanap noong 1964. Si Lyle Reusch, isang naglalakbay na tagapangasiwa na taga-Saskatchewan, Canada, ay nakagunita sa pahayag na “Iniingatang Dalisay, Malinis ang Organisasyon ng mga Lingkod Pangmadla.” Ang sabi ni Reusch: “Ang tahasan, tapatang pangungusap tungkol sa moral ay simpleng nagpaliwanag ng mga bagay-bagay.”
Ang nilalaman ng pahayag ay inilathala sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1965 (Nobyembre 15, 1964, sa Ingles). Bukod sa iba pang mga bagay, ay bumanggit ito: “Mga babae, huwag ninyong gawin ang inyong mga sarili na isang maruming tuwalya Apocalipsis 22:15.
ukol sa paggamit ng balana, na maaaring gamitin ng maruruming kamay ng sinumang maibigin sa patutot, ng sinumang makasagisag na ‘aso.’”—Ihambing angAng gayong tahasang payo ay sinadya upang tulungan ang mga Saksi ni Jehova bilang isang bayan na makapanatili sa isang malinis na kalagayang moral, karapat-dapat na magpatuloy sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian.—Ihambing ang Roma 2:21-23.
“Kapatid, Ano ang Ibig Sabihin ng 1975 na Ito?”
Malaon nang pinaniniwalaan ng mga Saksi na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay magaganap pagkatapos ng 6,000 taon ng kasaysayan ng tao. Subalit kailan matatapos ang 6,000 taóng pag-iral ng tao? Ang aklat na Buhay na Walang Hanggan—sa Kalayaan ng mga Anak ng Diyos (sa Ingles), na inilabas sa isang serye ng pandistritong kombensiyon na ginanap noong 1966, ay tumukoy sa 1975. Sa dako ng kombensiyon mismo, habang sinusuri ng mga kapatid ang mga nilalaman, ang bagong aklat ang naging dahilan ng maraming diskusyon tungkol sa 1975.
Sa kombensiyon na ginanap sa Baltimore, Maryland, si F. W. Franz ay nagbigay ng huling pahayag. Nagsimula siya sa pagsasabi, “Bago ako umakyat sa plataporma, isang binata ang lumapit sa akin at nagsabi, ‘Kapatid, ano ang ibig sabihin ng 1975 na ito?’” Pagkatapos ay binanggit ni Brother Franz ang maraming katanungan na bumangon gaya ng kung ang materyal sa bagong aklat ay nangangahulugan na sa 1975 ang Armagedon ay matatapos na, at igagapos na si Satanas. Sinabi niya, sa pinakadiwa: ‘Maaari. Ngunit hindi natin sinasabi. Lahat ng bagay ay posible sa Diyos. Ngunit hindi natin sinasabi. At huwag tiyakin ng sinuman sa inyo at sabihin na may mangyayari mula ngayon hanggang 1975. Ngunit ang mahalaga sa lahat ay ito, mahal na mga kaibigan: Maikli na ang panahon. Paubos na nang paubos ang panahon, tiyak iyan.’
Nang mga taon pagkaraan ng 1966, marami sa mga Saksi ni Jehova ang kumilos ayon sa espiritu ng payong iyan. Gayunman, inilathala ang iba pang mga pangungusap tungkol sa paksang ito, at ang ilan ay malamang na nagbigay ng higit na katiyakan kaysa nararapat. Ito ay inamin sa Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1980 (pahina 18; Marso 15, 1980, sa Ingles). Ngunit ang mga Saksi ni Jehova ay pinagsabihan din na lubusang harapin ang paggawa ng kalooban ni Jehova at huwag labis na mabalisa sa mga petsa at mga pag-asa ng maagang pagkaligtas. h
Isang Kagamitan Upang Mapabilis ang Gawain
Nang dakong huli ng dekada ng 1960, ang mga Saksi ni Jehova ay naghayag ng mabuting balita taglay ang pag-asám at pagkadama ng pagkaapurahan. Noong 1968 ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot sa 1,221,504 sa 192 lupain. Gayunman, karaniwan na para sa mga tao na mag-aral ng Bibliya sa loob ng
maraming taon ngunit hindi kumikilos ayon sa kaalamang natamo nila. May paraan ba upang mapabilis ang paggawa ng mga alagad?Ang kasagutan ay dumating noong 1968 nang lumabas ang isang bagong pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan (sa Ingles). Ang 192-pahinang pambulsang aklat na ito ay inihanda taglay sa isipan ang bagong mga interesadong tao. Ito’y may 22 nakawiwiling mga kabanata na tumatalakay sa mga paksang gaya ng “Kung Bakit Matalino na Suriin ang Inyong Relihiyon,” “Kung Bakit Tayo ay Tumatanda at Namamatay,” “Saan Naroroon ang mga Patay?” “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Kabalakyutan Hanggang sa Ngayon?” “Kung Papaano Makikilala ang Tunay na Relihiyon,” at “Pagtatayo ng Isang Maligayang Buhay Pampamilya.” Ang aklat na Katotohanan ay dinisenyo upang himukin ang nakikipag-aral ng Bibliya na mangatuwiran tungkol sa pinag-uusapang materyal at ikapit iyon sa kaniyang sariling buhay.
Ang bagong publikasyong ito ay gagamitin kaugnay ng anim-na-buwang programa sa pag-aaral ng Bibliya. Ang isyu ng Enero 1969 ng Ministeryo ng Kaharian ay nagpapaliwanag kung papaano kikilos ang bagong programa: “Hangga’t maaari, tapusin ninyo ang buong kabanata ng aklat na ‘Katotohanan’ linggu-linggo, bagaman ito’y hindi posible sa lahat ng maybahay o sa lahat ng kabanata ng aklat. . . . Kung, sa pagtatapos ng anim na buwan ng masinsinang pag-aaral at dibdibang pagsisikap na isama sila sa mga pulong, ayaw pa rin nilang makisama sa kongregasyon, mabuti nang humanap na kayo ng ibang matuturuan na talagang nais matuto ng katotohanan at sumulong. Gawin ninyong tunguhin na iharap ang mabuting balita sa mga pag-aaral ng Bibliya upang kumilos ang mga interesado sa loob ng anim na buwan!”
At sila nga’y kumilos! Sa loob ng maigsing panahon, ang anim-na-buwang programa sa pag-aaral ng Bibliya ay kamangha-manghang nagtagumpay. Sa loob ng tatlong taon ng paglilingkod simula noong Setyembre 1, 1968, at nagtatapos sa Agosto 31, 1971, isang kabuuang bilang na 434,906 ang nabautismuhan—mahigit sa doble ng bilang na nabautismuhan noong sinundang tatlong taon ng paglilingkod! Palibhasa’y panahon iyon na ang mga Saksi ni Jehova ay may inaasam at nakadarama ng pagkaapurahan, ang aklat na Katotohanan at ang anim-na-buwang kampanya sa pag-aaral ng Bibliya ay nakatulong nang malaki sa pagpapabilis ng paggawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.
“Tiyak Itong Magtatagumpay; Ito’y Mula kay Jehova”
Sa loob ng maraming taon ang kaayusan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay na inaatasan ng Samahan ang isang lalaking kuwalipikado sa espirituwal upang maging lingkod ng kongregasyon, o “tagapangasiwa,” na tinutulungan ng iba pang inatasang “mga lingkod.” i (1 Tim. 3:1-10, 12, 13) Ang mga lalaking ito ay maglilingkod sa kawan, hindi mamamanginoon sa kanila. (1 Ped. 5:1-4) Subalit ang mga kongregasyon ba ay higit na maitutulad sa kaayusan ng mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
Noong 1971, sa isang serye ng kombensiyon na ginanap sa buong daigdig, ang pahayag na “Ang Teokratikong Organisasyon sa Gitna ng Demokrasya at Komunismo” ay iniharap. Noong Hulyo 2, binigkas ni F. W. Franz ang pahayag sa Yankee Stadium sa New York City. Doon ay tinukoy niya na kapag may sapat na kuwalipikadong mga lalaki, ang mga kongregasyon noong unang siglo ay may higit pa sa isang tagapangasiwa. (Fil. 1:1) “Ang kongregasyonal na grupo ng mga tagapangasiwa,” sabi niya, “ay bubuo ng isang ‘lupon ng nakatatandang mga lalaki’. . . Ang mga miyembro ng gayong ‘lupon [o kapulungan] ng nakatatandang mga lalaki’ ay pawang pantay-pantay, may iisang opisyal na katayuan, at wala sa kanila ang pinakamahalaga, pinakaprominente, pinakamakapangyarihang miyembro sa kongregasyon.” (1 Tim. 4:14) Ang pahayag na iyan ay tunay na pumukaw ng usap-usapan sa buong kombensiyon. Ano ang epektong idudulot ng impormasyong ito sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig?
Dumating ang kasagutan pagkaraan ng dalawang araw, sa huling pahayag, na ibinigay ni N. H. Knorr. Simula sa Oktubre 1, 1972, ang mga pagbabago sa pangangasiwa sa mga kongregasyon sa buong daigdig ay ipasusunod. Wala nang iisang lingkod ng kongregasyon, o tagapangasiwa. Kundi sa susunod na mga buwan hanggang sa Oktubre 1, 1972, ang mga responsable, maygulang na mga lalaki sa bawat kongregasyon ay magrerekomenda sa Samahan para sa paghirang ng mga pangalan niyaong maglilingkod bilang isang lupon ng matatanda (at ng mga pangalan niyaong maglilingkod bilang ministeryal na mga lingkod). Isang elder ang pipiliin bilang chairman, j subalit lahat ng mga elder ay may pantay-pantay na awtoridad at magtutulungan sa pananagutang magpasiya. “Ang mga pagbabagong ito sa organisasyon,” paliwanag ni Brother Knorr, “ay tutulong upang ang pagkilos ng mga kongregasyon ay lalong makaayon ng Salita ng Diyos, at tiyak na ang resulta’y lalong malaking pagpapala buhat kay Jehova.”
Papaano tinanggap ng nagkakatipong mga delegado ang impormasyong ito tungkol sa mga pagbabago sa organisasyon? Ang isang naglalakbay na tagapangasiwa ay napakilos upang magsabi: “Tiyak itong magtatagumpay; ito’y mula kay Jehova.” Isa pang Saksi na may mahabang karanasan ang nagsusog: “Mapasisigla nito ang lahat ng mga maygulang na lalaki na humawak ng pananagutan.” Tunay, maraming kuwalipikadong mga lalaki ang maaari nang ‘magsumikap’ at mahirang sa “tungkulin ng pagiging tagapangasiwa.” (1 Tim. 3:1) Mas maraming kapatid na lalaki ang magtatamo ng mahahalagang karanasan sa pagsasabalikat ng pananagutan sa kongregasyon. Bagaman hindi pa nila ito mapahahalagahan sa simula, ang lahat ng ito ay kakailanganin upang pangalagaan ang malaking paghugos ng mga baguhan sa darating na mga taon.
Ang materyal na iniharap sa kombensiyon ay nagbigay-daan din sa ilang mga pagliliwanag at pagbabago may kinalaman sa Lupong Tagapamahala. Noong Setyembre 6, 1971, napagkaisahan na ang pagiging chairman ng Lupong Tagapamahala
ay maghahali-halili sa mga miyembro, na ginagawa ayon sa abakada. Ilang taon pagkaraan, noong Oktubre 1, 1971, si F. W. Franz ang naging chairman ng Lupong Tagapamahala para sa isang taon.Nang sumunod na taon, noong Setyembre 1972, ang unang paglilipat ng pananagutan sa mga kongregasyon ay nagsimula, at noong Oktubre 1 ang paghahalili sa halos lahat ng kongregasyon ay nakumpleto. Nang sumunod na tatlong taon, naranasan ng mga Saksi ni Jehova ang kahanga-hangang pagdami—mahigit na tatlong-kapat ng isang milyon ang nagpabautismo. Subalit ngayon ay napapaharap sila sa taglagas ng 1975. Kung lahat ng inaasahan tungkol sa 1975 ay hindi magkakatotoo, papaano ito makaaapekto sa kanilang sigasig sa pangglobong pangangaral gayundin sa kanilang pandaigdig na pagkakaisa?
Gayundin, sa loob ng ilang dekada si Nathan H. Knorr, isang lalaking may masigasig na katangian at kilala bilang isang mahusay na organisador, ay gumanap ng isang natatanging papel sa pagpapasulong ng edukasyon sa loob ng organisasyon at pagpapasakamay ng Bibliya sa mga tao at pagtulong sa kanila upang maunawaan ito. Papaano maaapektuhan ang mga tunguhing ito ngayong ang Lupong Tagapamahala ang may mas malapitang pangangasiwa?
[Mga talababa]
a Ang Bantayan, Pebrero 1, 1942, p. 45 (sa Ingles); Consolation, Pebrero 4, 1942, p. 17.
b Noong Setyembre 1945, buong pagpipitagang tumanggi si Brother Covington na ipagpatuloy pa ang kaniyang paglilingkod bilang bise presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society (of Pennsylvania), na ipinaliliwanag na nais niyang sundin ang pagkaunawa noon na kalooban ni Jehova para sa lahat ng miyembro ng pangasiwaan at mga opisyal—na sila’y dapat maging pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, samantalang ibinibilang niya ang kaniyang sarili na isa sa mga “ibang tupa.” Noong Oktubre 1, si Lyman A. Swingle ay inihalal sa lupon ng mga direktor, at noong Oktubre 5, pinili si Frederick W. Franz bilang bise presidente. (Tingnan ang 1946 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, p. 221-4; Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1945, p. 335-6 sa Ingles.)
c Tingnan ang Kabanata 30, “Pagtatanggol at Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita.”
d Ang detalyadong mga ulat tungkol sa paglalakbay ay inilathala sa Ang Bantayan noong 1946.—Tingnan ang mga pahina 14-16, 28-31, 45-8, 60-4, 92-5, 110-12, 141-4 (sa Ingles).
e Sa loob ng ilang mga taon, ang pantulong na ito sa Bibliya ay nakilala sa buong daigdig. Nirebisa noong Abril 1, 1952, mahigit na 19,000,000 sipi ang inilimbag sa 54 na wika.
f Tingnan ang mga pahina 140-4, 171-6, 189-92, 205-8, 219-23, 236-40, 251-6, 267-72, 302-4, 315-20, 333-6, 363-8 (sa Ingles).
g Ang aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang” (sa Ingles) ay nirebisa noong 1990.
h Halimbawa, ang sumusunod na mga artikulo ay inilathala sa Ang Bantayan: “Ang Matalinong Paggamit ng Nalalabing Panahon” (Nobyembre 1, 1968; Mayo 1, 1968, sa Ingles); “Maglingkod na Nasa Walang-Hanggan ang Pangmalas” (Disyembre 15, 1974; Hunyo 15, 1974, sa Ingles); “Bakit Hindi Sinabi sa Atin ang ‘Araw at Oras na Iyon?’” at “Papaano Ka Apektado ng Hindi Pagkaalam sa ‘Araw at Oras?’” (Nobyembre 1, 1975; Mayo 1, 1975, sa Ingles). Mas maaga, noong 1963, ang aklat na “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang” ay nagsabi: “Walang saysay ang paggamit ng kronolohiya ng Bibliya upang tantiyahin ang mga petsa na nasa hinaharap na bahagi pa ng agos ng panahon.—Mat. 24:36.”
i Tingnan ang Kabanata 15, “Pagbuo ng Kaayusang Pang-Organisasyon.”
j Ipinaliwanag din ng tagapagsalita na simula sa Oktubre 1, 1972, magkakaroon ng taunang pagpapalit ng chairman sa bawat lupon ng matatanda sa mga kongregasyon. Ang kaayusang ito ay binago noong 1983, nang hilingan ang bawat lupon ng matatanda na magrekomenda ng isang punong tagapangasiwa na, pagkatapos na hirangin ng Samahan, ay patuluyang maglilingkod bilang chairman ng lupon ng matatanda.
[Blurb sa pahina 92]
Nangangaral sa kabila ng mga pag-aresto at pang-uumog
[Blurb sa pahina 94]
‘Pandaigdig na pagpapalawak at edukasyon sa antas na noon ay hindi pa batid’
[Blurb sa pahina 103]
Ipinagtatanggol ang Bibliya laban sa pananalakay ng mga kritiko
[Blurb sa pahina 104]
“Ang mahalaga sa lahat ay ito, mahal na mga kaibigan: Maikli na ang panahon”
[Blurb sa pahina 106]
“Mapasisigla nito ang lahat ng mga maygulang na lalaki na humawak ng pananagutan”
[Kahon sa pahina 91]
Kasaysayan ni N. H. Knorr
Si Nathan Homer Knorr ay ipinanganak sa Bethlehem, Pennsylvania, E. U. A., noong Abril 23, 1905. Nang siya’y 16 na taóng gulang, siya’y napaugnay sa Allentown Congregation ng mga Estudyante ng Bibliya. Noong 1922 dumalo siya sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, kung saan nagpasiya siyang magbitiw na sa Reformed Church. Nang sumunod na taon, noong Hulyo 4, 1923, pagkatapos na bigkasin ni Frederick W. Franz mula sa Brooklyn Bethel ang pahayag sa bautismo, ang 18-anyos na si Nathan ay isa sa mga nabautismuhan sa Little Lehigh River, sa Silangang Pennsylvania. Noong Setyembre 6, 1923, si Brother Knorr ay naging miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn.
Masikap na nagtiyaga si Brother Knorr sa Shipping Department, at di-nagtagal ang kaniyang likas na kakayahan bilang organisador ay nakilala. Nang ang tagapangasiwa sa palimbagan ng Samahan, si Robert J. Martin, ay mamatay noong Setyembre 23, 1932, hinirang si Brother Knorr upang pumalit sa kaniya. Noong Enero 11, 1934, nahalal si Brother Knorr na maging direktor ng Peoples Pulpit Association (ngayon ay Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.), at nang sumunod na taon siya’y ginawang bise presidente ng Asosasyon. Noong Hunyo 10, 1940, siya’y naging bise presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society (Pennsylvania corporation). Ang pagkahalal sa kaniya sa pagkapresidente ng dalawang samahan at ng korporasyon ng Britanya, ang International Bible Students Association, ay nangyari noong Enero 1942.
Nang sumunod na mga taon, ang naging isa sa pinakamatalik na mga kasama at pinagkakatiwalaang mga tagapayo ni Brother Knorr ay si Frederick W. Franz, isang lalaking mas matanda sa kaniya at isa na ang kaalaman sa mga wika at na ang karanasan bilang isang iskolar ng Bibliya ay napatunayan nang malaking tulong sa organisasyon.
[Kahon sa pahina 93]
Isang Nakapagpapasiglang Pagtanaw sa Hinaharap
Ang mga delegado sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea sa Cleveland, Ohio, noong Setyembre 1942, ay nagalak nang ang matanda nang kalihim at ingat-yaman ng Samahan, si W. E. Van Amburgh, ay magsalita sa kombensiyon. Nagunita ni Brother Van Amburgh na ang unang kombensiyon na kaniyang dinaluhan ay sa Chicago noong 1900, at iyon ay “malaki”—may mga 250 ang dumalo. Pagkatapos na isa-isahin ang iba pang “malalaking” kombensiyon sa nagdaang mga taon, siya’y nagtapos sa pamamagitan ng nakapagpapasiglang pagtanaw na ito sa hinaharap: “Ang kombensiyong ito k ay mukhang malaki para sa atin ngayon, subalit kung papaano ang kombensiyong ito ay malaki kung ihahambing sa mga nadaluhan ko na noon, inaasahan ko na ang kombensiyong ito ay magiging napakaliit kung ihahambing sa darating sa hinaharap kapag nagsimula na ang Panginoon sa pagtitipon ng kaniyang bayan mula sa lahat ng sulok ng daigdig.”
[Talababa]
k Isang pinakamataas na bilang na 26,000 ang dumalo sa Cleveland, na may kabuuang bilang ng dumalo na 129,699 sa 52 lunsod ng kombensiyon na nakakalat sa buong Estados Unidos.
[Kahon/Mga mapa sa pahina 96]
Paglilibot Ukol sa Paglilingkod ni N. H. Knorr, 1945-56
1945-46: Central Amerika, Timog Amerika, Hilagang Amerika, Europa, ang Caribbean
1947-48: Hilagang Amerika, mga isla sa Pasipiko, ang Oryente, ang Gitnang Silangan, Europa, Aprika
1949-50: Hilagang Amerika, Central Amerika, Timog Amerika, Caribbean
1951-52: Hilagang Amerika, mga isla sa Pasipiko, ang Oryente, Europa, ang Gitnang Silangan, Aprika
1953-54: Timog Amerika, ang Caribbean, Hilagang Amerika, Central Amerika
1955-56: Europa, mga isla sa Pasipiko, ang Oryente, Hilagang Amerika, ang Gitnang Silangan, Hilagang Aprika
[Mga Mapa]
(Tingnan ang publikasyon)
[Kahon sa pahina 105]
“Ngayon ay Nagsimula Akong Mag-isip na Muli”
Nang ilabas noong 1968, ang aklat na “Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan” ay malawakang ginamit ng mga Saksi ni Jehova sa pakikipag-aral ng Bibliya sa mga interesadong tao. Ang napapanahong paglalaang ito ay nakatulong sa daan-daang libong palaisip na mga tao na magtamo ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan. Isang liham ng pasasalamat na tinanggap noong 1973 mula sa isang mambabasa sa Estados Unidos ang nagsabi: “Isang butihing babae ang dumating ngayon at binigyan ako ng isang aklat na ‘Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.’ Katatapus-tapos ko lamang niyaon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na nakabasa ako ng isang bagay na may 190 pahina sa loob ng isang araw. Noong Hunyo 29, 1967, tumigil na ako sa paniniwala sa Diyos. Ngayon ay nagsimula akong mag-isip na muli.”
[Larawan sa pahina 95]
Paaralang Gilead sa South Lansing, New York
[Larawan sa pahina 97]
Si Brother Knorr, makikita rito habang dinadalaw ang Cuba, ay maraming ulit nang lumibot sa daigdig
[Mga larawan sa pahina 98]
Nadama ni Brother Knorr na ang bawat Saksi ay dapat na makapangaral sa bahay-bahay
Inglatera
Lebanon
[Larawan sa pahina 99]
Bilang presidente ng Samahan, matalik na nakasama ni Brother Knorr sa trabaho si Brother Franz sa loob nang mahigit na 35 taon
[Larawan sa pahina 100]
Ang Lupon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, noong kalagitnaan ng dekada ng 1950. (Mula sa kaliwa pakanan) Lyman A. Swingle, Thomas J. Sullivan, Grant Suiter, Hugo H. Riemer, Nathan H. Knorr, Frederick W. Franz, Milton G. Henschel
[Mga larawan sa pahina 102]
Noong 1958, ang mga delegado mula sa 123 lupain ay nagtipon sa Yankee Stadium para sa Banal na Kalooban na Internasyonal na Asamblea
[Larawan sa pahina 107]
Ilan sa mga publikasyon na ginagamit sa ministeryo sa larangan
[Larawan sa pahina 107]
Mga publikasyon para sa pagsasanay ng mga Saksi ni Jehova sa ministeryo
[Larawan sa pahina 107]
Mga publikasyon na naglaan ng mga pagkaing matitigas upang patibayin sa espirituwal ang bayan ni Jehova
[Larawan sa pahina 107]
Mga pantulong sa Pagsasaliksik at pag-aaral