Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Kapangyarihan Ba ng Tao? O ng Espiritu ng Diyos?

Sa Kapangyarihan Ba ng Tao? O ng Espiritu ng Diyos?

Kabanata 24

Sa Kapangyarihan Ba ng Tao? O ng Espiritu ng Diyos?

ANG atas na iniharap ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod ay totoong napakalawak anupat wari’y imposibleng gawin. Bagaman kakaunti sila, kailangang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 24:14; Gawa 1:8) Hindi lamang napakalaki ang gawain kundi ito’y kailangang gawin sa kabila ng wari’y gabundok na mga hadlang sapagkat, katulad ng tahasang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sila’y kapopootan at pag-uusigin sa lahat ng mga bansa.​—Mat. 24:9; Juan 15:19, 20.

Sa kabila ng pambuong-daigdig na pagsalansang, masigasig na iniuukol ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili upang ganapin ang gawaing inihula ni Jesus. Ang lawak ng pagpapatotoo hanggang sa ngayon ay malinaw na nakaulat sa kasaysayan, at ito’y tunay na kamangha-mangha. Subalit ano ang nagpangyari sa lahat ng ito? Ito ba’y kapangyarihan o katalinuhan ng tao? O ito ba’y pagkilos ng espiritu ng Diyos?

Ang ulat sa Bibliya tungkol sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa Jerusalem noong ikaanim na siglo B.C.E. ay nagpapagunita sa atin na hindi kailanman dapat kaligtaan ang sariling papel ng Diyos sa pagsasakatuparan ng kaniyang kalooban. Maaaring hanapin pa ng sekular na mga komentarista ang ibang paliwanag para sa mga bagay na nagaganap. Gayunman, bilang pagpapaliwanag sa kung papaano maisasakatuparan ang kaniyang layunin, pinangyari ng Diyos na magpahayag ang kaniyang propetang si Zacarias: “‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni ng kapangyarihan, kundi ng aking espiritu,’ sinabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zac. 4:6) Hindi nag-aatubiling sabihin ng mga Saksi ni Jehova na ito ang paraan ng pagsasagawa ng pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa ngayon​—hindi sa paggamit ng puwersang militar, ni dahil sa personal na kapangyarihan o impluwensiya ng anumang prominenteng grupo ng mga tao, kundi dahil sa pagkilos ng espiritu ni Jehova. Pinatutunayan ba ng mga katibayan ang kombiksiyong ito?

“Hindi Maraming Marurunong Ayon sa Laman”

Nang siya’y sumulat sa unang mga Kristiyano sa Gresya, inamin ni apostol Pablo: “Namamasdan ninyo ang pagkatawag sa inyo, mga kapatid, na hindi maraming marurunong ayon sa laman ang tinawag, hindi maraming may kapangyarihan, hindi maraming marangal na tao; kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa sa sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na walang kabuluhan, upang mawalang halaga niya ang mga bagay na mahahalaga, upang walang laman ang maaaring magmapuri sa paningin ng Diyos.”​—1 Cor. 1:26-29.

Ang mismong mga apostol ni Jesus ay mula sa ordinaryong mga manggagawa. Ang trabaho ng apat ay pangingisda. Ang isa’y naging maniningil ng buwis, isang propesyon na hinahamak ng mga Judio. Ang mga apostol na ito ay mga taong minamalas ng mga klerong Judio bilang “walang pinag-aralan at mangmang,” na nagpapakita na ang edukasyon nila ay hindi mula sa mataas na mga paaralan. (Gawa 4:13) Hindi naman ito nangangahulugan na walang mga may higit na sekular o relihiyosong edukasyon na naging mga Kristiyano. Si apostol Pablo ay nag-aral sa paanan ng marunong na si Gamaliel, isang miyembro ng Judiong Sanhedrin. (Gawa 22:3) Subalit, gaya ng sinasabi ng kasulatan, “hindi marami” ang ganitong uri ng mga tao.

Pinatutunayan ng kasaysayan na si Celsus, isang pilosopong Romano noong ikalawang siglo C. E., ay nangungutya sa bagay na ang “mga manggagawa, mga sapatero, mga magsasaka, ang pinakamangmang at pinakakakatwang mga tao raw, ay dapat na maging masigasig na mga tagapangaral ng Ebanghelyo.” (The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries, ni Augustus Neander) Sa harap ng pagkutya at marahas na pag-uusig na ibinunton sa kanila ng Imperyo Romano, ano ang nagpatibay sa tunay na mga Kristiyano upang magpatuloy bilang mga tagapaghayag ng mabuting balita? Sinabi ni Jesus na ito’y ang banal na espiritu ng Diyos.​—Gawa 1:8.

Sa kalilipas lamang na mga panahon, ang mga Saksi ni Jehova ay kinutya rin sapagkat ang karamihan sa kanila ay ordinaryong mga tao, hindi mga taong tinitingala ng sanlibutan dahil sa kanilang katayuan sa lipunan. Ang isa sa unang mga lingkod ni Jehova sa makabagong panahon na nagdala ng mensahe ng Kaharian sa mga tao sa Denmark ay isang sapatero. Sa Switzerland at Pransya, iyo’y isang hardinero. Sa maraming bahagi ng Aprika, ang mensahe ay inihatid ng naglalakbay na mga trabahador. Sa Brazil, nagkaroon ng bahagi ang mga marinero. Marami-rami sa mga Saksing Polako sa hilagang Pransya ay mga minero ng karbón.

Yamang naantig sila ng natutuhan nila mula sa Salita ng Diyos sa tulong ng mga publikasyon ng Watch Tower, gusto nilang ipakita ang kanilang pag-ibig para kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya, kaya ibinalikat nila ang gawain na sinasabi ng Salita ng Diyos na gagawin ng tunay na mga Kristiyano. Simula noon, milyung-milyon pa mula sa lahat ng uri ng pamumuhay ang nakibahagi sa gawaing ito. Lahat sa kanila’y mga ebanghelisador.

Ang mga Saksi ni Jehova ang siyang tanging relihiyosong organisasyon sa daigdig na ang bawat miyembro ay personal na nagpapatotoo sa mga di-sumasampalataya, nagsisikap na sagutin ang kanilang mga tanong mula sa Bibliya, at humihimok sa kanila na sumampalataya sa Salita ng Diyos. Inaamin ng ibang relihiyosong mga organisasyon na ito ang siyang dapat gawin ng lahat ng mga Kristiyano. Sinikap ng iba na pasiglahin ang mga miyembro ng kanilang simbahan na gawin ito. Subalit tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang patuluyang gumagawa nito. Kaninong patnubay, kaninong payo, kaninong mapananaligang maibiging pagtangkilik, at kaninong mga pangako ang nagpapakilos sa kanila na gampanan ang gawaing ito na tinatalikuran naman ng iba? Tanungin ninyo mismo sila. Saanmang bansang tinitirhan nila, sasagot sila: “Kay Jehova.” Kung gayon, kanino dapat iukol ang papuri?

Isang Inihulang Papel Para sa mga Anghel ng Diyos

Sa paglalarawan sa mga pangyayaring magaganap sa konklusyon ng sistemang ito ng mga bagay, ipinakita ni Jesus na hindi lamang ang kaniyang mga tagasunod sa lupa ang makikibahagi sa pagtitipon ng mga umiibig sa katuwiran. Sa Mateo kabanata 13, nang tinatalakay ang pagtitipon ng huling mga miyembro na makikibahaging kasama niya sa makalangit na kaharian, sinabi ni Jesus: “Ang mga mang-aani ay ang mga anghel.” At mula sa gaano kalaking bukid titipunin nila ang “mga anak [na ito] ng kaharian”? “Ang bukid ay ang sanlibutan,” paliwanag ni Jesus. Kaya, yaong mga titipunin ay manggagaling sa malalayong sulok ng globo. Talaga bang naganap ito?​—Mat. 13:24-30, 36-43.

Oo, talagang nangyari ito! Bagaman ang mga Estudyante ng Bibliya ay may bilang lamang na ilang libo nang pumasok ang sanlibutan sa kaniyang mga huling araw noong 1914, ang mensahe ng Kaharian na kanilang ipinangangaral ay mabilis na lumibot sa buong globo. Sa Silangan, sa mga lupain ng Europa, Aprika, at Amerika, at sa mga kapuluan, niyakap ng mga indibiduwal ang pagkakataong maglingkod sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos at natipon sa isang nagkakaisang organisasyon.

Sa Kanlurang Australia, halimbawa, ang mensahe ng Kaharian ay nakarating kay Bert Horton. Wala siyang interes sa mga relihiyong alam niya; napasangkot siya sa pulitika at sa gawain ng mga unyon. Subalit nang bigyan siya ng kaniyang ina ng publikasyon ng Watch Tower na The Divine Plan of the Ages at simulan niyang basahin ito kasama ng Bibliya, alam niya na nasumpungan niya ang katotohanan. Kaagad ay ibinahagi niya ito sa kaniyang mga kamanggagawa. Nang matagpuan niya ang mga Estudyante ng Bibliya, malugod siyang nakisama sa kanila, nagpabautismo noong 1922, pumasok sa buong-panahong ministeryo, at nagboluntaryong maglingkod saanman siya atasan ng organisasyon ni Jehova.

Sa kabilang panig ng lupa, si W. R. Brown, na dati nang nangangaral sa mga pulo ng Caribeano, ay umalis patungong Aprika noong 1923 upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian doon. Hindi siya isang independiyenteng tagapangaral sa isang personal na misyon. Siya rin ay gumagawang kasama ng organisadong bayan ni Jehova. Siya’y nagboluntaryong maglingkod saanman siya kailangan, at tinanggap niya ang atas sa Kanlurang Aprika bilang tugon sa direksiyon mula sa opisina ng punong-tanggapan. Yaong mga personal na nakinabang mula sa kaniyang ministeryo ay tinulungan ding maunawaan na mahalaga ang paggawang may malapit na kaugnayan sa organisasyon ni Jehova.

Ang paghahayag ng Kaharian ay umabot din hanggang sa Timog Amerika. Matagal nang nababatid ni Hermán Seegelken sa Mendoza, Argentina, ang pagpapaimbabaw kapuwa ng Katoliko at Protestanteng mga iglesya. Subalit noong 1929 narinig din niya ang mensahe ng Kaharian, buong pananabik na tinanggap ito, at sinimulang ibahagi ito sa iba, kaisa ng mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig. May nakakatulad na mga karanasan na nagaganap sa palibot ng globo. Ang mga tao “mula sa bawat angkan at wika at bayan at bansa,” bagaman nakakalat sa maraming lugar at nagtataguyod ng iba’t ibang paraan ng pamumuhay, ay hindi lamang nakinig kundi naghandog ng kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos. Sila’y tinipon sa isang nagkakaisang organisasyon upang ganapin ang gawaing inihula ni Jesus para sa panahong ito. (Apoc. 5:9, 10) Ano ang nagpangyari nito?

Sinasabi ng Bibliya na ang mga anghel ng Diyos ay magkakaroon ng mahalagang papel dito. Dahil dito, ang paghahayag ng Kaharian ay umaalingawngaw sa palibot ng globo gaya ng tunog ng isang pakakak mula sa kalangitan. Sa katunayan, noong 1935 ito’y nakarating na sa 149 lupain​—sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo.

Noong pasimula, isang “munting kawan” lamang ang nagpakita ng tunay na pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos at nagnais na maglingkod sa mga kapakanan nito. Iyan ang inihula ng Bibliya. Ngayon isang mabilis na lumalagong “malaking pulutong,” na may bilang na milyung-milyon mula sa lahat ng mga bansa, ang nakikisama sa kanila. Ito rin ay inihula sa Salita ng Diyos. (Luc. 12:32; Juan 10:16; Apoc. 7:9, 10) Ang mga ito’y hindi mga tao na basta nag-aangking magkakasama sa isang relihiyon subalit, sa katunayan, ay nahahati dahil sa lahat ng mga saloobin at pilosopiya na bumabahagi sa sanlibutan sa palibot nila. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagsasalita lamang tungkol sa Kaharian ng Diyos samantalang naglalagak pa rin ng kanilang tiwala sa pamamahala ng tao. Kahit isinasapanganib ang kanilang mga buhay, sila’y sumusunod sa Diyos bilang pinunò. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang pagtitipon sa ganitong uri ng mga tao na ‘natatakot sa Diyos at nagbibigay kaluwalhatian sa kaniya’ ay gagawin sa ilalim ng pamamatnubay ng mga anghel. (Apoc. 14:6, 7; Mat. 25:31-46) Kumbinsidong-kumbinsido ang mga Saksi na ito na nga ang aktuwal na nangyari.

Sa di-mabilang na mga okasyon, samantalang nakikibahagi sila sa kanilang ministeryo, nakita nila ang nakakukumbinsing ebidensiya ng makalangit na patnubay. Halimbawa, sa Rio de Janeiro, Brazil, isang grupo ng mga Saksi ang malapit nang magtapos sa kanilang pagbabahay-bahay isang araw ng Linggo nang sabihin ng isa sa grupo: “Gusto kong magpatuloy pa sumandali. Hindi ko alam kung bakit pero gusto kong puntahan ang bahay na iyan.” Ang nangangasiwa sa grupo ay nagmungkahi na ito’y ipaubaya na lamang sa ibang araw, ngunit nagpumilit ang mamamahayag. Sa pintuang iyon ay nadatnan ng Saksi ang isang babae na, samantalang ang mga luha ay tumutulo sa kaniyang mga pisngi, ay nagsabing katatapos lamang niyang manalangin upang humingi ng tulong. Dati na siyang nakausap ng mga Saksi ngunit hindi siya nagpakita ng interes sa mensahe ng Bibliya. Gayunman, dahil sa biglang pagkamatay ng kaniyang asawa napagtanto niya na kailangan niya ang espirituwal na tulong. Naghanap siya ng Kingdom Hall, ngunit nabigo. Buong-kataimtiman siyang nanalangin sa Diyos ukol sa tulong, at ngayon ang tulong ay narito na sa kaniyang pintuan. Di-natagalan pagkaraan nito siya’y nabautismuhan. Kumbinsido siya na dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin at gumawa ng pagkilos bilang tugon.​—Awit 65:2.

Ang isang Alemang Saksi ni Jehova na dating nakatira sa New York ay may ugaling laging nananalangin sa Diyos ukol sa patnubay habang nasa kaniyang ministeryo. May isang interesadong babae na lagi niyang hinahanap, linggu-linggo, sa lansangan sapagkat hindi niya alam kung saan nakatira ang babae. Pagkatapos, isang araw noong 1987, habang patungo na siya sa ministeryo, siya’y nanalangin: “Jehova, alam mo kung nasaan siya. Pakisuyong tulungan mo akong hanapin siya.” Mga ilang minuto pagkaraan, nakita niya ang babae na nakaupo sa isang restawran.

Ito ba’y nagkataon lamang? Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na mga Kristiyano ay “mga kamanggagawa ng Diyos” at na ang mga anghel ay isinugo “upang maglingkod sa kapakinabangan ng mga magmamana ng kaligtasan.” (1 Cor. 3:9; Heb. 1:14) Matapos sabihin ng Saksi sa babae kung papaano siya nasumpungan, ang babae ay tumanggap ng imbitasyon na umupo at siyasatin pa ang Bibliya noon mismong araw na iyon.

Nararating ang ‘Mahirap Abuting mga Teritoryo’ Taglay ang Mabuting Balita

Walang lubay ang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova upang marating ang lahat ng mga lupain taglay ang mensahe ng Kaharian. Subalit hindi lubusang maipaliliwanag nito ang lawak ng lahat ng naisagawa. Nakita nilang lumaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga lugar kung saan nahadlangan ang lahat ng kanilang maingat na patiunang pagpaplano.

Halimbawa, sa ilang okasyon noong mga dekada ng 1920 at 1930, may mga pormal na kahilingan na iniharap sa mga opisyal sa dating Unyong Sobyet upang kumuha ng pahintulot na ipadala ang literatura sa Bibliya sa lupaing iyon o kaya’y doon ito limbagin. Ang mga sagot noong panahong iyon ay negatibo. May ilang mga Saksi ni Jehova noon sa Unyong Sobyet, subalit malaki pang tulong ang kinailangan upang maisagawa ang gawaing pangangaral na ipinag-utos ng Salita ng Diyos. Mayroon kayang magagawa upang maglaan ng gayong tulong?

Kapansin-pansin, sa katapusan ng Digmaang Pandaigdig II, kasama ang maraming iba pang mga tao, mahigit na isang libong Saksi ni Jehova mula sa dating silangang Polandya ay naging bahagi ng Unyong Sobyet. Sa kampong piitan sa Ravensbrück, nakilala ng daan-daang dalagang Ruso ang kapuwa nilang bilanggo na mga Saksi ni Jehova. Ang ilan sa mga babaing ito ay nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova noong panahong iyon, at nang dakong huli sila’y ibinalik sa iba’t ibang bahagi ng Unyong Sobyet. Daan-daan pang iba ang naging mga maninirahan ng Unyong Sobyet dahil sa pagbabago ng mga hangganan ng mga bansa noong digmaan. Ang naging resulta ay hindi siyang inaasahan ng gobyernong Sobyet. Hindi ito isinaayos ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Subalit nagsilbi ito tungo sa ikatutupad ng inihula sa kinasihang Salita ng Diyos. Bilang pagkokomento sa mga pangyayaring ito, sinabi ng Ang Bantayan: “Kaya makikita kung papaano, ayon sa niloloob ng Panginoon, ay makapagbabangon siya ng mga saksi sa alinmang lupain, upang doon ibandila ang kapakanan ng katotohanan at ipahayag ang pangalan ni Jehova.”​—Isyu ng Pebrero 1, 1946 (sa Ingles).

Hindi lamang iisang bansa ang nagsabi sa mga Saksi ni Jehova: ‘Hindi kayo makapapasok dito!’ o, ‘Hindi kayo puwedeng mangaral dito.’ Ito’y paulit-ulit na nangyari sa palibot ng lupa, sa sampu-sampung lupain, kadalasa’y dahil sa panggigipit ng mga klero sa mga opisyal ng pamahalaan. Ang ilan sa mga lupaing ito nang maglaon ay nagkaloob ng legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Subalit kahit bago pa man nangyari iyon, ang pagsamba kay Jehova, ang Maylalang ng langit at lupa, ay niyakap ng libu-libong mga tao na sakop ng kanilang mga hangganan. Papaano ito nakuhang magawa?

Ang simpleng paliwanag ay nasusumpungan sa Bibliya, alalaong baga’y, na may mahalagang papel ang mga anghel ng Diyos sa paghahatid sa mga tao sa bawat bansa ng apurahang panawagan: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating ang oras ng kaniyang paghatol, kaya sambahin ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”​—Apoc. 14:6, 7.

Tagumpay sa Kabila ng Gabundok na mga Hadlang

Hindi lamang pagbabawal na ipinapataw sa kanilang pangmadlang ministeryo ang napaharap sa mga Saksi ni Jehova sa ilang lupain kundi ang mga pagsisikap upang sila’y lubusang lipulin.

Noong Digmaang Pandaigdig I, isang pinagsabay na pagsisikap ang ginawa ng mga klero sa Estados Unidos at Canada upang wasakin ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y bagay na hayag sa madla. Sa kabila ng legal na mga garantiya ng kalayaan ng pagsasalita at ng relihiyon, pinuwersa ng mga klero ang mga opisyal ng pamahalaan na ipagbawal ang literatura ng mga Estudyante ng Bibliya. Marami ang inaresto at ikinulong nang walang piyansa; ang iba’y marahas na binugbog. Ang mga opisyal ng Samahang Watch Tower at ang matalik na mga kasama ay pinatawan ng mahabang-panahong pagkabilanggo sa isang paglilitis na nang maglaon ay napatunayang walang bisa. Sinabi ni Ray Abrams sa kaniyang aklat na Preachers Present Arms: “Ang pagsusuri sa buong kaso ay humahantong sa konklusyon na ang mga simbahan at klero ang unang-unang nasa likod ng kilusan na lipulin ang mga Russellites,” gaya ng may-paghamak na itinawag ng mga klero sa mga Estudyante ng Bibliya. Ngunit pagkatapos ng digmaan, ang mga Estudyanteng iyon ng Bibliya ay bumangon muli na may higit na lakas kaysa dati upang ianunsiyo ang Hari ni Jehova, si Jesu-Kristo, at ang kaniyang Kaharian. Saan nagmula ang panibagong lakas na ito? Inihula ng Bibliya ang ganitong pangyayari at sinabi na ito’y dahil sa “espiritu ng buhay mula sa Diyos.”​—Apoc. 11:7-11.

Matapos bumangon sa kapangyarihan ang mga Nazi sa Alemanya, lalong tumindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa mga lupaing nasasakupan ng Nazi. Nagkaroon ng mga pag-aresto at malupit na pagtrato. Ipinataw ang mga pagbabawal. Sa wakas, noong Oktubre 1934, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Alemanya ay nagpadala ng rehistradong mga liham sa pamahalaan na malinaw na nagpapahayag na sila’y walang maka-pulitikang mga tunguhin subalit sila’y determinadong sumunod sa Diyos bilang pinunò. Kasabay nito, ang mga kongregasyon ng mga Saksi sa buong daigdig ay nagpadala ng mga telegrama bilang pagsuporta sa kanilang Kristiyanong mga kapatid sa Alemanya.

Nang araw ding iyon, Oktubre 7, 1934, sa tanggapan ni Dr. Wilhelm Frick, sa Berlin, si Adolf Hitler taglay ang saradong kamao ay nagpahayag tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Ang lahing ito ay malilipol sa Alemanya!” Hindi ito pananakot lamang. Naganap ang malaganap na mga pag-aresto. Ayon sa isang lihim na pahiwatig ng Prussian Secret State Police na may petsang Hunyo 24, 1936, isang “special Gestapo Command” ang binuo upang makipaglaban sa mga Saksi. Pagkatapos ng malawak na paghahanda inilunsad ng Gestapo ang kanilang kampanya upang hulihin ang lahat ng mga Saksi ni Jehova at lahat na pinaghihinalaang Saksi. Sa pagsalakay na iyon ang buong puwersa ng pulisya ang nasangkot, na pinababayaang di-nagagalaw ang mga kriminal.

Ipinakikita ng mga ulat na nang dakong huli ay may mga 6,262 Saksing Aleman ang inaresto. Si Karl Wittig, isang dating opisyal ng pamahalaang Aleman na nakulong din sa ilang kampong piitan, ay sumulat nang maglaon: “Walang ibang grupo ng mga bilanggo . . . ang napalantad sa sadismo ng mga kawal ng SS na katulad ng mga Estudyante ng Bibliya. Ito’y sadismo na binubuo ng sunud-sunod at walang-katapusang mga pagpapahirap sa pisikal at sa mental, na anupat walang salita sa daigdig ang maaaring gamitin upang mailarawan ito.”

Ano ang naging bunga? Sa isang aklat na inilathala noong 1982, si Christine King ay nagbigay ng konklusyon: “Tanging sa mga Saksi lamang [kung ihahambing sa ibang mga grupong relihiyoso] nabigo ang pamahalaan.” Sumumpa si Hitler na sila’y lilipulin, at daan-daan ang pinatay. Gayunpaman, pinansin ni Dr. King: “Ang gawain [ng pangangaral ng Kaharian ng Diyos] ay nagpatuloy at noong Mayo 1945 ang kilusan ng mga Saksi ni Jehova ay buháy pa rin, samantalang ang National Socialism ay patay na.” Ipinaliwanag din niya: “Walang pakikipagkompromisong naganap.” (The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity) Bakit si Hitler, taglay ang kaniyang nasasandatahang hukbo, ang mahusay ang pagkakasanay na pulis, at ang maraming kampong patayan, ay walang kakayahang maisagawa ang kaniyang banta na lipulin ang maliit at walang sandatang grupong ito ng itinuturing ng sanlibutan na ordinaryong mga tao? Bakit hindi kayang pahintuin ng ibang mga bansa ang kanilang gawain? Bakit hindi lamang ilang kalat-kalat na indibiduwal, kundi ang mga Saksi ni Jehova sa kabuuan ang nanatiling matatag sa harap ng malupit na pag-uusig?

Ang sagot ay nasusumpungan sa matalinong payo na ibinigay ni Gamaliel, isang guro ng Kautusan, sa kasama niyang mga miyembro ng Judiong Sanhedrin nang sila’y napaharap sa isang nakakatulad na kaso na ang nasangkot ay ang mga apostol ni Jesu-Kristo. Sinabi niya: “Huwag kayong makialam sa mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawang ito ay sa mga tao, mawawasak ito; subalit kung ito’y sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) kung hindi, baka pa kayo’y masumpungan na nakikihamok laban sa Diyos.”​—Gawa 5:38, 39.

Kaya ipinakikita ng kasaysayan na ang wari’y imposibleng gawain na iniatas ni Jesus na gawin ng kaniyang mga tagasunod sa kabila ng gabundok na mga hadlang ay isinasakatuparan hindi sa kapangyarihan ng tao kundi ng espiritu ng Diyos. Gaya ng sinabi mismo ni Jesus sa isang panalangin sa Diyos: “Ama, lahat ng mga bagay ay posible sa iyo.”​—Mar. 14:36.

[Blurb sa pahina 547]

“‘Sa pamamagitan ng aking espiritu,’ sinabi ni Jehova ng mga hukbo”

[Blurb sa pahina 548]

Ano ang nagpapalakas sa kanila na ipagpatuloy ang pangangaral sa kabila ng panlilibak at marahas na pag-uusig?

[Blurb sa pahina 549]

Katibayan ng patnubay ng mga anghel

[Blurb sa pahina 551]

‘Makapagbabangon ang Panginoon ng mga saksi sa alinmang lupain’

[Blurb sa pahina 553]

Isang nagkakaisang bayan na napatunayang matatag sa pananampalataya sa harap ng waring gabundok na hadlang