Kung Papaano Tayo Nakilala Bilang mga Saksi ni Jehova
Kabanata 11
Kung Papaano Tayo Nakilala Bilang mga Saksi ni Jehova
NOONG unang mga dekada ng kanilang modernong kasaysayan, sila’y madalas na tinatawag lamang na mga Estudyante ng Bibliya. Kapag tinatanong ng iba hinggil sa pangalan ng organisasyon, kalimitang sumasagot ang ating mga kapatid ng, “Mga Kristiyano kami.” Sinagot ni Brother Russell ang katanungang iyan sa pagsasabi ng ganito, sa Watch Tower: “Hindi natin ibinubukod ang ating sarili sa ibang mga Kristiyano sa pamamagitan ng paggamit ng anumang namumukod o natatanging pangalan. Nasisiyahan na tayo sa pangalang Kristiyano, na siyang pinagkakilanlan ng unang mga santo.”—Isyu ng Setyembre 1888.
Kung gayon, papaano nangyari na sa ngayon ay nakikilala tayo bilang mga Saksi ni Jehova?
Ang Pangalang Kristiyano
Ang tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo, maging noong unang siglo at sa modernong panahon, ay tumawag sa kanilang sarili at sa mga kapananampalataya bilang “ang mga kapatid,” “ang mga kaibigan,” at “ang kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 11:29; 3 Juan 14; 1 Cor. 1:2) Tinawag din nila si Kristo bilang “ang Panginoon” at ang kanilang mga sarili bilang “mga alipin ni Kristo Jesus” at “mga alipin ng Diyos.” (Col. 3:24; Fil. 1:1; 1 Ped. 2:16) Ang gayong mga katawagan ay karaniwang ginamit sa loob ng kongregasyon, at naunawaang mabuti ang mga ito.
Noong unang siglo, ang paraan ng pamumuhay na nakasentro sa pananampalataya kay Jesu-Kristo (at pati na sa kongregasyon mismo) ay tinukoy bilang “Ang Daan.” (Gawa 9:2; 19:9) Ipinakikita ng ilang salin ng Gawa 18:25 na ito’y tinawag ding “ang daan ni Jehova.” a Sa kabilang dako naman, mapanudyong tinawag ito ng ilan sa labas ng kongregasyon na “sekta ng mga Nasareno.”—Gawa 24:5.
Noong 44 C.E. o di-natagalan pagkaraan, ang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay sinimulang tawaging mga Kristiyano. Inaangkin ng iba na ang unang nagbigay sa kanila ng pangalang Kristiyano ay mga tagalabas, na ginagawa ito sa isang mapanirang paraan. Subalit, ang ilang lexicographer at komentarista ng Bibliya ay nagsasabi na ang pandiwang ginamit sa Gawa 11:26 ay nagpapahiwatig ng banal na patnubay o kapahayagan. Kaya, sa New World Translation, ang tekstong iyan ay kababasahan ng: “Una muna sa Antioquia na ang mga alagad sa pamamagitan ng banal na patnubay ay tinawag na mga Kristiyano.” (May kahawig na mga salin na masusumpungan sa Literal Translation of the Holy Bible ni Robert Young, Rebisadong Edisyon, ng 1898; The Simple English Bible, ng 1981; at sa New Testament ni Hugo McCord, ng 1988.) Pagsapit ng mga 58 C.E., ang pangalang Kristiyano ay kilalang-kilala kahit sa mga Romanong opisyal.—Gawa 26:28.
Habang buháy pa ang mga apostol ni Kristo, ang pangalang Kristiyano ay namumukod at tiyak. (1 Ped. 4:16) Lahat ng mga nagpapanggap na Kristiyano subalit may mga paniniwala o paggawi na salungat sa kanilang pag-aangkin ay itiniwalag mula sa Kristiyanong komunidad. Subalit, gaya ng inihula ni Jesus, pagkamatay ng mga apostol ay may inihasik si Satanas na mga binhi na nagluwal ng huwad na mga Kristiyano. Ang mga huwad na ito ay gumamit din ng pangalang Kristiyano. (Mat. 13:24, 25, 37-39) Nang ang apostatang Kristiyanismo ay gumamit ng pamimilit upang makumberte ang iba, ang ilan ay nag-angking mga Kristiyano upang makaiwas lamang sa pag-uusig. Nang maglaon, ang sinumang taga-Europa na hindi nagsasabing siya’y isang Judio, isang Muslim, o isang ateista ay kalimitang tinataguriang isang Kristiyano, anuman ang kaniyang mga paniniwala o paggawi.
Mapanudyong mga Palayaw
Mula noong ika-16 na siglo patuloy, ang situwasyong ito ay naging suliranin para sa mga Repormador. Yamang marami na ang gumagamit ng pangalang Kristiyano, papaano sila makikilalang kakaiba sa ibang nag-aangking Kristiyano?
Kalimitan ay pumayag na lamang sila sa paggamit ng isang mapanudyong palayaw na itinawag sa kanila ng kanilang mga kaaway. Kaya ang mga teologong kalaban ni Martin Luther, sa Alemanya, ang unang gumamit ng pangalan niya upang tukuyin ang kaniyang mga tagasunod, na tinatawag silang mga Lutherano. Yaong mga kasapi ni John Wesley, sa Inglatera, ay pinanganlang Methodista sapagkat sila’y gayon na lamang kaingat at kasistematiko sa pagsunod sa mga relihiyosong tungkulin. Ang mga Baptist noong pasimula ay umayaw sa palayaw na Anabaptist (na nangangahulugang “Tagabautismo Muli”) subalit noong bandang huli ay tumanggap ng pangalang Baptist bilang pinaka-kompromiso.
Kumusta naman ang mga Estudyante ng Bibliya? Sila’y tinawag ng mga klero na Russellites at Rutherfordites. Ngunit ang paggamit ng gayong uri ng pangalan ay magpapaunlad ng espiritu ng sektaryanismo. Magiging salungat ito sa saway na ibinigay ni apostol Pablo sa unang mga Kristiyano, na sumulat: “Kapag sinasabi ng isa: ‘Ako’y kay Pablo,’ ngunit sinasabi ng iba: ‘Ako’y kay Apolos,’ hindi ba kayo’y mga tao lamang [alalaong baga’y, may saloobing makalaman sa halip na espirituwal]?” (1 Cor. 3:4) Tinawag sila ng iba na “Millennial Dawnists”; subalit ang Milenyong Paghahari ni Kristo ay isa lamang sa kanilang mga turo. Tinawag sila ng iba na “Mga Taga-Watch Tower”; ngunit ito man ay hindi angkop, sapagkat ang Watch Tower ay isa lamang sa mga publikasyong ginagamit nila sa pamamahagi ng katotohanan ng Bibliya.
Kailangan ang Isang Namumukod na Pangalan
Nang maglaon, naging higit na maliwanag na bukod sa katawagang Kristiyano, talagang kailangan ng kongregasyon ng mga lingkod ni Jehova ng isang namumukod na pangalan. Ang kahulugan ng pangalang Kristiyano ay naging malabo sa isip ng madla sapagkat ang mga nag-aangking Kristiyano ay madalas na walang wastong kabatiran sa kung sino si Jesu-Kristo, kung ano ang itinuro niya, at kung ano ang dapat nilang gawin kung tunay ngang sila’y mga tagasunod niya. Bukod dito, samantalang sumusulong ang ating mga kapatid sa kanilang pagkaunawa sa Salita ng Diyos, malinaw nilang nakita ang pangangailangang lubusang maging hiwalay at kakaiba sa relihiyosong mga sistema na may-panlilinlang na nag-aangking Kristiyano.
Totoo, madalas tawagin ng ating mga kapatid ang kanilang sarili na mga Estudyante ng Bibliya, at simula noong 1910, ginamit nila ang katawagang International Bible Students’ Association may kaugnayan sa kanilang mga pagpupulong. Noong 1914, upang huwag malito dahil sa bagong tatag na legal na korporasyon na tinawag na International Bible Students Association, kinuha nila ang pangalang Associated Bible Students para sa kanilang lokal na mga grupo. Ngunit higit pa sa pag-aaral ng Bibliya ang nasasangkot sa kanilang pagsamba. Karagdagan pa, may iba pang nag-aral din ng Bibliya—ang ilan, may kataimtiman; ang iba, bilang mga kritiko; at ang marami, bilang mga taong ang turing dito ay mainam na literatura. Saka, pagkamatay ni Brother Russell, ang ilang dating kasamahan ay tumangging makipagtulungan sa Samahang Watch Tower at sa International Bible Students Association, na sinasalansang pa man din ang gawain ng mga samahang
ito. Ang mga nagkakabaha-bahaging grupong ito ay gumamit ng iba’t ibang pangalan, ang ilan ay nanghawakan pa rin sa katawagang Associated Bible Students. Ito’y lumikha ng higit na kalituhan.Subalit, noong dumating ang 1931, tinanggap natin ang namumukod-tanging pangalang Mga Saksi ni Jehova. Ang awtor na si Chandler W. Sterling ay tumutukoy rito bilang “isang talagang matalinong idea” sa bahagi ni J. F. Rutherford, na noo’y presidente ng Samahang Watch Tower. Ayon sa pangmalas ng manunulat na iyon, ito’y matalinong hakbangin na hindi lamang naglaan ng opisyal na pangalan para sa grupo kundi nagpahintulot din naman sa kanila na ikapit nang tuwiran sa mga Saksi ni Jehova ang lahat ng mga reperensiya sa Bibliya tungkol sa “saksi” at “pagpapatotoo.” Sa kabilang panig, si A. H. Macmillan, isang katulong sa administrasyon ng tatlong presidente ng Samahang Watch Tower, ay nagsabi ng ganito tungkol sa patalastas na iyon ni Brother Rutherford: “Wala akong pag-aalinlangan—maging noon o ngayon—na ang Panginoon ang pumatnubay sa kaniya sa bagay na iyan, at iyon ang pangalang gusto ni Jehova na taglayin natin, at tayo’y tunay na maligaya at galak na galak sa pagtataglay niyaon.” Aling pangmalas ang tama, batay sa mga pangyayari? Ang pangalan ba’y ‘isang talagang matalinong idea’ sa bahagi ni Brother Rutherford, o ito ba’y bunga ng banal na patnubay?
Mga Pangyayaring Tumutukoy sa Pangalan
Noong ikawalong siglo B.C.E., ipinasulat ni Jehova kay Isaias: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya sa akin, at inyong maunawaan na ako pa rin ang Isang yaon. Bago ako ay walang inanyuang Diyos, o magkakaroon man pagkatapos ko. . . . Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’” (Isa. 43:10, 12) Gaya ng ipinakikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, marami sa mga hulang iniulat ni Isaias ay natupad sa Kristiyanong kongregasyon. (Paghambingin ang Isaias 8:18 at Hebreo 2:10-13; Isaias 66:22 at Apocalipsis 21:1, 2.) Ngunit, ang Isaias 43:10, 12 ay hindi kailanman detalyadong binanggit o tinalakay sa Watch Tower sa unang 40 taon ng paglalathala nito.
Subalit, pagkatapos nito, inakay ang mga lingkod ni Jehova ng kanilang pag-aaral ng Kasulatan na magbigay-pansin sa makahulugang bagong mga pangyayari. Ang Kaharian ng Diyos na si Jesus ang Mesianikong Hari ay isinilang sa langit noong 1914. Noong 1925, ang taon kung kailan nilinaw ito sa The Watch Tower, ang makahulang utos, sa Isaias kabanata 43, na maging mga saksi ni Jehova ay binigyang-pansin sa 11 iba’t ibang isyu ng magasin.
Sa The Watch Tower ng Enero 1, 1926, itinampok ng pangunahing artikulo ang humahamong katanungan: “Sino ang Magpaparangal kay Jehova?” Nang sumunod na limang taon, tinalakay ng The Watch Tower ang ilang bahagi ng Isaias 43:10-12 sa 46 na iba’t ibang isyu at laging ikinakapit ito sa tunay na mga Kristiyano. b Noong 1929 ipinaliwanag na ang pangunahing isyu sa harap ng buong matalinong sangnilalang ay may kinalaman sa pagpaparangal sa pangalan ni Jehova. At kung ang tinatalakay ay ang pananagutan ng mga lingkod ni Jehova sa isyung ito, paulit-ulit na isinasaalang-alang ang Isaias 43:10-12.
Kaya ipinakikita ng mga pangyayaring ito na bilang resulta ng pag-aaral ng Bibliya, paulit-ulit na itinatawag-pansin ang kanilang obligasyong
maging mga saksi ni Jehova. Ang pinag-uusapan ay hindi ang pangalan ng isang grupo kundi ang gawain na dapat nilang isagawa.Subalit sa anong pangalan dapat na makilala ang mga saksing iyon? Ano ang magiging angkop kung isasaalang-alang ang gawain nila? Ano ang itinuturo ng sariling Salita ng Diyos? Ang bagay na ito ay tinalakay sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., noong Hulyo 24-30, 1931.
Isang Bagong Pangalan
Ang malalaking titik na JW ay lantad na nakasulat sa harap na pabalat ng kanilang programa sa kombensiyon. Ano ang ibig sabihin ng mga ito? Ang kahulugan nito ay ipinaliwanag noong Linggo lamang, Hulyo 26. Noong araw na iyon si Brother Rutherford ay nagbigay ng pahayag pangmadlang “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan.” Sa pahayag na yaon, kapag tumutukoy sa mga tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pantanging binabanggit ng tagapagsalita ang pangalang Mga Saksi ni Jehova.
Sa bandang hapon ng araw ring iyon ito’y sinundan ni Brother Rutherford ng isa pang pahayag, na doo’y tinalakay niya ang mga dahilan kung bakit kailangan ang isang namumukod na pangalan. c Anong pangalan ang mismong itinuturo ng Kasulatan? Sinipi ng tagapagsalita ang Gawa 15:14, na tumatawag-pansin sa layunin ng Diyos na kunin mula sa mga bansa ang “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” Sa kaniyang pahayag ay itinampok niya ang katunayan gaya ng sinabi sa Apocalipsis 3:14, na si Jesu-Kristo ay “ang saksing tapat at totoo.” Tinalakay rin niya ang Juan 18:37, na doo’y sinabi ni Jesus: “Dahil dito ako naparito sa sanlibutan, upang magbigay patotoo sa katotohanan.” Itinawag-pansin niya ang 1 Pedro 2:9, 10, na nagsasabing ang mga lingkod ng Diyos ay dapat ‘magpahayag ng mga karangalan niyaong tumawag sa kanila mula sa kadiliman hanggang sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.’ Nangatuwiran siya sa ilang teksto mula sa Isaias, na noong panahong iyon ay hindi pa gaanong nauunawaan, ngunit pagkatapos ay tinampukan niya ang kaniyang pahayag ng Isaias 43:8-12, na naglalakip ng banal na atas: “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’” Kung gayon, sa anong konklusyon sila inaakay ng sariling Salita ni Jehova? Anong pangalan ang magiging kasuwato ng paraan ng paggamit sa kanila ng Diyos?
Ang malinaw na kasagutan ay inilangkap sa isang resolusyon na buong siglang pinagtibay noong pagkakataong iyon. d Ganito ang sinabi ng isang bahagi ng resolusyong iyon:
“Upang maipakilala ang ating tunay na katayuan, at sa paniniwalang ito’y kaayon ng kalooban ng Diyos, gaya ng inilalahad sa kaniyang Salita, NAWA’Y PAGTIBAYIN ang sumusunod, alalaong baga:
“NA malaki ang pag-ibig natin kay Brother Charles T. Russell, dahil sa kaniyang gawain, at na malugod na kinikilala natin na siya’y ginamit ng Panginoon at pinagpala ang kaniyang gawain, gayunman hindi magiging kaayon ng Salita ng Diyos kung papayag tayong tawagin sa pangalang ‘Russellites’; na ang Watch Tower Bible and Tract Society at ang International Bible Students Association at ang Peoples Pulpit Association ay mga pangalan lamang ng mga korporasyon na inaari, pinangangasiwaan at ginagamit natin bilang kalipunan ng mga Kristiyano upang maisakatuparan ang ating gawain bilang pagsunod sa mga utos ng Diyos, gayunma’y wala sa mga pangalang ito ang wastong magagamit o maikakapit sa atin bilang isang kalipunan ng mga Kristiyano na sumusunod sa yapak ng ating Panginoon at Pinunò, si Kristo Jesus; na tayo ay mga estudyante ng Bibliya, subalit, bilang isang kalipunan ng mga Kristiyano na bumubuo ng isang samahan, tumatanggi tayong tanggapin o tawagin sa pangalang ‘Mga Estudyante ng Bibliya’ o mga kahawig nito bilang pagkakakilanlan ng ating wastong katayuan sa harap ng Panginoon; tumatanggi tayong taglayin o tawagin sa pangalan ng sinumang tao;
“NA, palibhasa’y binili ng mahalagang dugo ni Jesu-Kristo na Panginoon at Manunubos natin, inaring ganap at inianak ng Diyos na Jehova at tinawag sa kaniyang kaharian, tayo’y walang atubiling nagpapahayag ng ating buong-pusong katapatan at debosyon sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kaharian; na tayo ay mga lingkod ng Diyos na Jehova na inatasan upang gumanap ng isang gawain sa kaniyang pangalan, at, bilang pagtalima sa kaniyang utos, upang ihatid ang patotoo ni Jesu-Kristo, at upang ipakilala sa mga tao na si Jehova ang tunay na Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat; samakatuwid ating buong kagalakang niyayakap at tinatanggap ang pangalan na ipinangalan ng bibig ng Panginoong Diyos, at ibig nating makilala at tawagin sa pangalang ito, alalaong baga’y, Mga saksi ni Jehova.—Isa. 43:10-12.” e
Pagkatapos maiharap ang buong resolusyon, ang matunog at mahabang palakpakan ay nagpakita ng lubos na pagsang-ayon ng mga tagapakinig sa lahat ng ipinahayag.
Tinatanggap ang Pananagutan
Kaylaking karangalan ang magtaglay ng pangalan ng tanging tunay na Diyos, ang Soberano ng buong sansinukob! Subalit sa pangalang iyon ay may kaakibat na pananagutan. Ito’y
isang pananagutan na ayaw tanggapin ng ibang relihiyosong mga grupo. Gaya ng sinabi ni Brother Rutherford sa kaniyang diskurso: “Maligaya ang mga tumatanggap sa isang pangalang ayaw tanggapin ng sinuman sa ilalim ng araw maliban sa mga buong puso at walang pasubaling nagtatapat kay Jehova.” Ngunit, angkop na angkop nga na ang mga lingkod ni Jehova ang nagdadala ng personal na pangalan ng Diyos, na ito’y kanilang ipinakikilala, at na ito’y binibigyan ng pangunahing dako sa paghahayag ng kaniyang layunin!Alinmang grupo o indibiduwal na nagsasalita sa pangalan ni Jehova ay may obligasyong buong katapatang ituro ang kaniyang salita. (Jer. 23:26-28) Dapat nilang ipaalam hindi lamang ang mga paglalaan ni Jehova na pagpalain ang mga umiibig sa katuwiran kundi rin naman ang kaniyang mga kahatulan laban sa mga manggagawa ng kalikuan. Kung papaanong ipinag-utos ni Jehova sa kaniyang mga propeta noong una, gayon din sa ngayon, ang kaniyang mga saksi ay hindi dapat magbawas ng anumang bagay sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkabigong ipaalam ito. (Jer. 1:17; 26:2; Ezek. 3:1-11) Dapat nilang ipahayag kapuwa “ang taon ng kabutihang loob ni Jehova at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isa. 61:1, 2) Ang pananagutang ito ay kinilala niyaong mga nagpatibay sa resolusyon sa itaas, at sa huling bahagi ng resolusyon, sila’y nagpahayag:
“Bilang mga saksi ni Jehova ang aming iisa’t tanging layunin ay ang lubusang pagtalima sa kaniyang mga utos; upang ipaalam na siya lamang ang tunay at Pinakamakapangyarihang Diyos; na ang kaniyang Salita ay totoo at na ang kaniyang pangalan ay karapat-dapat sa lahat ng karangalan at kaluwalhatian; na si Kristo ang Hari ng Diyos, na iniluklok niya sa kaniyang makapangyarihang trono; na ang kaniyang kaharian ay narito na, at bilang pagtalima sa mga utos ng Panginoon ay kailangan nating ipahayag ngayon ang mabuting balitang ito bilang pagpapatotoo o pagsaksi sa mga bansa at ipabatid sa mga pinunò at mga tao ang tungkol sa malupit at mapang-aping organisasyon ni Satanas, at lalo na may kaugnayan sa ‘Sangkakristiyanuhan’, na siyang pinakamasamang bahagi ng nakikitang organisasyong iyon, at tungkol sa layunin ng Diyos na lipulin ang organisasyon ni Satanas sa malapit na hinaharap, na ang dakilang gawang ito’y susundan kaagad ng paglalaan ng Kristong Hari sa mga masunurin sa lupa ng kapayapaan at kasaganaan, kalayaan at kalusugan, kaligayahan at walang-hanggang buhay; na ang kaharian ng Diyos ang pag-asa ng sanlibutan, at wala nang iba, at na ang balitang ito ay kailangang ihatid niyaong mga kilala bilang mga saksi ni Jehova.
“Buong-pagpapakumbaba naming inaanyayahan ang lahat ng mga nagtatapat kay Jehova at sa kaniyang kaharian na makisali sa paghahayag ng mabuting balitang ito sa iba, upang maitanyag ang matuwid na pamantayan ng Panginoon, at nang malaman ng mga tao sa daigdig kung saan masusumpungan ang katotohanan at pag-asa ng kaginhawahan; at, higit sa lahat, upang maipagbangong-puri at maiparangal ang dakila at banal na pangalan ng Diyos na Jehova.”
Hindi lamang sa Columbus, Ohio, sa Amerika, kundi sinlayo ng Australia na ang mga tagapakinig ay biglang nagpalakpakan nang marinig nila ang patalastas ng bagong pangalang iyon. Sa Hapón, makaraan ang mahabang oras ng pagsisikap, isang maikling bahagi lamang ng programa ang narinig sa shortwave radio sa kalaliman ng gabi. Karaka-rakang isinalin ito. Kaya ang resolusyon at ang malakas na palakpakan ay narinig ng maliit na grupo roon. Si Matsue Ishii ay naroon kasama nila,
at gaya ng isinulat niya sa bandang huli, sila’y ‘sumigaw sa kagalakan kasama ng kanilang mga kapatid sa Amerika.’ Pagkatapos ng kombensiyon sa Columbus, ang mga asamblea at kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng bansa na kanilang pinaglilingkuran ay nagpahayag ng lubos na pagsang-ayon sa resolusyong iyon. Mula sa Norway, bilang halimbawa, dumating ang ulat: “Sa aming taunang kombensiyon . . . sa Oslo kaming lahat ay nagsitayo at buong siglang sumigaw ng ‘Ja’, nang tinatanggap ang aming bagong pangalang ‘Mga saksi ni Jehova’.”Hindi Basta Katawagan Lamang
Malalaman kaya ng sanlibutan sa pangkalahatan na tinanggap na ng ating mga kapatid ang bagong pangalang iyon? Oo! Ang pahayag na unang nagpatalastas ng pangalan ay isinahimpapawid sa pinakamaraming istasyon ng radyo hanggang noong panahong iyon. Bukod dito, ang resolusyon na naglalahad ng bagong pangalan ay inilakip sa buklet na The Kingdom, the Hope of the World. Pagkaraan ng kombensiyon, milyun-milyong sipi ng buklet na iyan ang ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova sa maraming wika sa Hilaga at Timog Amerika, Europa, Aprika, Asia, at ang mga kapuluan ng dagat. Bukod sa pamamahagi ng mga sipi sa bahay-bahay, gumawa sila ng pantanging pagsisikap na bigyan ng sipi ang bawat opisyal ng pamahalaan, kilalang negosyante, at klerigo. Natatandaang mabuti ng ilan na nabubuhay pa nang 1992 ang kanilang bahagi sa mahalagang kampanyang iyon.
Hindi lahat ay nalugod sa pagtanggap ng buklet. Natatandaan ni Eva Abbott na nang siya’y papaalis na sa bahay ng isang klerigo sa Estados Unidos, inihagis ang buklet at ito’y lumagpak sa lupa. Hindi niya gustong maiwan ito roon, kaya dadamputin niya sana; ngunit inungulan siya ng isang malaking aso, inagaw ang buklet sa kaniyang kamay, at dinala ito sa amo niya, ang klerigo. Sinabi niya: “Ang hindi ko kayang ihatid, inihatid naman ng aso!”
Si Martin Poetzinger, na sa dakong huli ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay gumunita: “Sa bawat pinto ay nabanaag ang pagkamangha sa mukha ng tao nang ipakilala namin ang aming sarili sa mga salitang: ‘Dinadalaw ko kayo ngayon bilang isa sa mga saksi ni Jehova.’ Iiling ang mga tao o magtatanong: ‘Subalit hindi ba mga estudyante pa rin kayo ng Bibliya? O baka umanib na kayo sa ibang sekta?’” Sa paglakad ng panahon ito’y nagbago. Mga ilang dekada matapos unang gamitin ang natatanging pangalan, sumulat si Brother Poetzinger: “Kaylaking pagbabago! Bago ako makapagsalita sasabihin na ng mga tao: ‘Siguradong isa ka sa mga saksi ni Jehova.’” Oo nga, alam na alam na nila ngayon ang pangalan.
Ang pangalang iyon ay hindi basta katawagan lamang. Bata man o matanda, lalaki o babae, lahat ng mga Saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa pagpapatotoo kay Jehova at sa dakilang layunin niya. Bunga nito, si C. S. Braden, isang propesor ng relihiyosong kasaysayan, ay sumulat: “Halos nalaganapan na ng mga Saksi ni Jehova ang buong lupa sa kanilang pagpapatotoo.”—These Also Believe.
Bagaman ang pagpapatotoo na ginawa ng ating mga kapatid bago nila tanggapin ang pangalang Mga Saksi ni Jehova ay pambuong-daigdig, lumilitaw ngayon na waring inihahanda sila noon ni Jehova para sa lalong malaking gawain—ang pagtitipon ng isang malaking pulutong na maliligtas sa Armagedon, taglay ang pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa.
[Mga talababa]
a New World Translation of the Holy Scriptures; A Literal Translation of the New Testament . . . From the Text of the Vatican Manuscript, ni Herman Heinfetter; at anim na mga salin sa Hebreo. Tingnan din ang talababa sa Gawa 19:23 sa New World Translation of the Holy Scriptures.
b Ang ilan sa pangunahing mga artikulo ng Watch Tower na inilathala nang panahong ito ay “Si Jehova at ang Kaniyang mga Gawa,” “Parangalan ang Kaniyang Pangalan,” “Isang Bayan sa Kaniyang Pangalan,” “Dinakila ang Kaniyang Pangalan,” “Saksing Tapat at Totoo,” “Purihin si Jehova!” “Magsaya kay Jehova,” “Kataas-taasang Jehova,” “Pagbabangong-puri sa Kaniyang Pangalan,” “Kaniyang Pangalan,” at “Awitan Ninyo si Jehova.”
c Tingnan ang artikulong “Isang Bagong Pangalan,” sa The Watch Tower ng Oktubre 1, 1931.
d The Watch Tower, Setyembre 15, 1931, pp. 278-9.
e Bagaman ang lahat ng katibayan ay nagpapahiwatig na si Jehova ang pumatnubay sa pagpili ng pangalang Mga Saksi ni Jehova, Ang Bantayan (Pebrero 1, 1944, p. 42-3; Oktubre 1, 1957, p. 607, sa Ingles) at ang aklat na “Bagong mga Langit at Isang Bagong Lupa” (p. 239-45) sa dakong huli ay nagpaliwanag na ang pangalang ito ay hindi ang “bagong pangalan” na binabanggit sa Isaias 62:2; 65:15; at Apocalipsis 2:17, bagaman ang pangalan ay kasuwato ng bagong pakikipag-ugnayan na tinutukoy sa dalawang teksto sa Isaias.
[Blurb sa pahina 149]
“Ang mga alagad sa pamamagitan ng banal na patnubay ay tinawag na mga Kristiyano”
[Blurb sa pahina 150]
Ang pangalang Kristiyano ay naging malabo sa isip ng madla
[Blurb sa pahina 151]
Sila’y higit pa kaysa mga Estudyante ng Bibliya lamang
[Blurb sa pahina 157]
“‘Kayo ay aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos’”
[Kahon sa pahina 151]
Ang Pangalang Mga Saksi ni Jehova sa Amerika
Arabe شهود يهوه
Armeniano Եհովայի Վկաներ
Intsik 耶和華見證人
Ingles Jehovah’s Witnesses
Pranses Témoins de Jéhovah
Griego Μάρτυρες του Ιεχωβά
Greenlandico Jehovap Nalunaajaasui
Italyano Testimoni di Geova
Hapones エホバの証人
Koreano 여호와의 증인
Papiamento Testigonan di Jehova
Polako Świadkowie Jehowy
Portuges Testemunhas de Jeová
Samoano Molimau a Ieova
Kastila Testigos de Jehová
Sranantongo Jehovah Kotoigi
Tagalog Mga Saksi ni Jehova
Vietnames Nhân-chứng Giê-hô-va
[Kahon sa pahina 152]
Nakita Iyon ng Iba
Hindi lamang ang “The Watch Tower” ang nagpaliwanag mula sa Bibliya na magkakaroon si Jehova ng mga saksi sa lupa. Bilang halimbawa, si H. A. Ironside, sa aklat na “Lectures on Daniel the Prophet” (unang inilathala noong 1911), ay tumukoy sa mga tatanggap ng katuparan ng mga pangako sa Isaias kabanata 43 at nagsabi: “Ang mga ito ay magiging mga saksi ni Jehova, na nagpapatotoo sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng iisang tunay na Diyos, sa panahong lubusang nadaya ang apostatang Sangkakristiyanuhan na maniwala sa kabulaanan ng Antikristo.”
[Kahon sa pahina 153]
Ang Pangalang Mga Saksi ni Jehova sa Silangan at sa mga Kapuluan ng Pasipiko
Bengali যিহোবার সাক্ষিরা
Bicol, Cebuano, Hiligaynon,
Samar-Leyte, Tagalog Mga Saksi ni Jehova
Bislama Ol Wetnes blong Jeova
Intsik 耶和華見證人
Ingles Jehovah’s Witnesses
Fihiyano Vakadinadina i Jiova
Gujarati યહોવાહના સાક્ષીઓ
Hindi यहोवा के साक्षी
Hiri Motu Iehova ena Witness Taudia
Iloko Dagiti Saksi ni Jehova
Indonesian Saksi-Saksi Yehuwa
Hapones エホバの証人
Kannada ಯೆಹೋವನ ಸಾಕ್ಷಿಗಳು
Koreano 여호와의 증인
Malayalam യഹോവയുടെ സാക്ഷികൾ
Marathi यहोवाचे साक्षीदार
Marshallese Dri Kennan ro an Jeova
Myanmar ယေဟောဝါသက်သေမျာ
Nepali यहोवाका साक्षीहरू
New Guinea Pidgin Ol Witnes Bilong Jehova
Niuean Tau Fakamoli a Iehova
Palauan reSioning er a Jehovah
Pangasinan Saray Tasi nen Jehova
Ponapean Sounkadehde kan en Siohwa
Rarotongan Au Kite o Iehova
Russian Свидетели Иеговы
Samoan, Tuvaluan Molimau a Ieova
Sinhalese යෙහෝවාගේ සාක්ෂිකරුවෝ
Solomon Islands Pidgin all’gether Jehovah’s Witness
Tahitiano Ite no Iehova
Tamil யெகோவாவின் சாட்சிகள்
Telugu యిహోవాసాక్షులు
Thai พยานพระยะโฮวา
Tongan Fakamo‘oni ‘a Sihova
Trukese Ekkewe Chon Pwarata Jiowa
Urdu ہاوگےکہاووہی
Vietnamese Nhân-chứng Giê-hô-va
Yapese Pi Mich Rok Jehovah
[Kahon sa pahina 154]
Ang Pangalang Mga Saksi ni Jehova sa Aprika
Aprikano Jehovah se Getuies
Amhariko የይሖዋ ምሥክሮች
Arabe شهود يهوه
Chicheŵa Mboni za Yehova
Cibemba Inte sha kwa Yehova
Efịk Mme Ntiense Jehovah
Ingles Jehovah’s Witnesses
Ewe Yehowa Ðasefowo
Pranses Témoins de Jéhovah
Ga Yehowa Odasefoi
Gun Kunnudetọ Jehovah tọn lẹ
Hausa Shaidun Jehovah
Igbo Ndịàmà Jehova
Kiluba Ba Tumoni twa Yehova
Kinyarwanda Abahamya ba Yehova
Kirundi Ivyabona vya Yehova
Kisi Seiyaa Jɛhowaa
Kwanyama Eendombwedi daJehova
Lingala Batemwe ya Jéhovah
Luganda Abajulirwa ba Yakuwa
Malagasy Vavolombelon’i Jehovah
Moore A Zeova Kaset rãmba
Ndonga Oonzapo dhaJehova
Portuges Testemunhas de Jeová
Sango A-Témoin ti Jéhovah
Sepedi Dihlatse tša Jehofa
Sesotho Lipaki tsa Jehova
Shona Zvapupu zvaJehovha
Silozi Lipaki za Jehova
Swahili Mashahidi wa Yehova
Tigrinya ናይ የሆዋ መሰኻኽር
Tshiluba Bantemu ba Yehowa
Tsonga Timbhoni ta Yehova
Tswana Basupi ba ga Jehofa
Twi Yehowa Adansefo
Venda Ṱhanzi dza Yehova
Xhosa amaNgqina kaYehova
Yoruba Ẹlẹ́rìí Jehofa
Zulu oFakazi BakaJehova
[Kahon sa pahina 154]
Ang Pangalang Mga Saksi ni Jehova sa Europa at sa Gitnang Silangan
Albaniano Dëshmitarët e Jehovait
Arabe شهود يهوه
Armeniano Եհովայի Վկաներ
Bulgariano Свидетелите на Йехова
Croatiano Jehovini svjedoci
Czech svĕdkové Jehovovi
Danes Jehovas Vidner
Olandes Jehovah’s Getuigen
Ingles Jehovah’s Witnesses
Estoniano Jehoova tunnistajad
Pinlandes Jehovan todistajat
Pranses Témoins de Jéhovah
Aleman Jehovas Zeugen
Griego Μάρτυρες του Ιεχωβά
Hebreo עדי־יהוה
Hungaryo Jehova Tanúi
Icelandico Vottar Jehóva
Italiano Testimoni di Geova
Macedoniano, Serbiano Јеховини сведоци
Maltese Xhieda ta’ Jehovah
Norwego Jehovas vitner
Polako Świadkowie Jehowy
Portuges Testemunhas de Jeová
Romaniano Martorii lui Iehova
Ruso Свидетели Иеговы
Slovako Jehovovi svedkovia
Sloveniano Jehovove priče
Kastila Testigos de Jehová
Sweko Jehovas vittnen
Turkiyano Yehova’nın Şahitleri
Ukrainyano Свідки Єгови
[Mga larawan sa pahina 155]
Ang mga titik na J W (na walang paliwanag) ay tanyag sa kombensiyon ng 1931. Ang kahulugan nito ay isiniwalat sa isang kapana-panabik na pahayag tungkol sa bagong pangalan
[Mga larawan sa pahina 156]
Ipinagmalaki nilang ipaalam sa iba na sila’y mga Saksi ni Jehova