Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumalago sa Tumpak na Kaalaman sa Katotohanan

Lumalago sa Tumpak na Kaalaman sa Katotohanan

Kabanata 10

Lumalago sa Tumpak na Kaalaman sa Katotohanan

HINDI layunin ng mga Saksi ni Jehova na magpasimuno ng bagong mga doktrina, ng bagong paraan ng pagsamba, ng bagong relihiyon. Sa halip, ang kanilang modernong-panahong kasaysayan ay kakikitaan ng tapat na pagsisikap na ituro kung ano ang matatagpuan sa Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos. Itinuturo nila ito bilang saligan ng lahat ng kanilang mga paniniwala at paraan ng kanilang pamumuhay. Sa halip na bumuo ng mga paniniwala na nagpapaaninag ng maluluwag na kalakaran ng modernong sanlibutan, sila’y nagsikap na makiayon nang higit sa mga turo ng Bibliya at sa mga iginawi ng Kristiyanismo noong unang siglo.

Noong kaagahan ng dekada ng 1870, si Charles Taze Russell at ang kaniyang mga kasama ay nagsagawa ng masugid na pag-aaral ng Bibliya. Naging maliwanag sa kanila na ang Sangkakristiyanuhan ay lumihis sa mga turo at paggawi ng sinaunang Kristiyanismo. Hindi inangkin ni Brother Russell na siya ang unang nakaunawa nito, at hayagan niyang kinilala ang kaniyang utang na loob sa iba dahil sa tulong na kanilang ibinigay sa unang mga taon ng kaniyang pag-aaral ng Kasulatan. Pinasasalamatan niya ang mabuting gawa ng iba’t ibang kilusan sa Repormasyon na ginawa taglay ang hangaring pasikatin pang higit ang liwanag ng katotohanan. Binanggit niya ang mga pangalan niyaong mga lalaking nakatatanda sa kaniya gaya nina Jonas Wendell, George Stetson, George Storrs, at Nelson Barbour, na personal na nakaragdag sa kaniyang pagkaunawa sa Salita ng Diyos sa iba’t ibang paraan. a

Binanggit din niya: “Ang ilang doktrina na ating pinaniniwalaan at na waring bagung-bago at pambihira at naiiba ay pinaniwalaan na noon sa ilang paraan: halimbawa​—Paghirang, Kaloob na Biyaya, Pagsasauli, Pag-aaring-ganap, Pagpapabanal, Pagluwalhati, Pagkabuhay-muli.” Gayunman, madalas na mangyari na ang isang grupong relihiyoso ay nakikilala dahil sa kanilang mas maliwanag na pagkaunawa sa isang katotohanan ng Bibliya; ang ibang grupo naman, dahil sa ibang katotohanan. Ang kanilang pagsulong pa sana ay madalas na nahadlangan sapagkat sila’y napigilan ng mga doktrina at kredo na naglalaman ng mga paniniwala na palasak sa sinaunang Babilonya at Ehipto o hiniram mula sa mga pilosopong Griego.

Subalit aling grupo, sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang unti-unting manghahawakang muli sa lahat ng “uliran ng magagaling na salita” na minahal ng mga Kristiyano noong unang siglo? (2 Tim. 1:13) Sino ang mapatutunayang ang kanilang landas ay “parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw”? (Kaw. 4:18) Sino ang tunay na gagawa ng gawain na iniutos ni Jesus nang sabihin niya: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa”? Sino ang hindi lamang gagawa ng mga alagad kundi ‘tuturuan sila na ganapin ang lahat ng bagay’ na iniutos ni Jesus? (Gawa 1:8; Mat. 28:19, 20) Totoo nga bang malapit na ang panahon na malinaw na ipakikita ng Panginoon ang pagkakaiba sa pagitan niyaong tunay na mga Kristiyano na inihalintulad niya sa trigo at sa mga di-tunay na tinukoy niya bilang mapanirang damo (alalaong baga’y, ang uri ng mapanirang damo na kahawig na kahawig ng trigo kung hindi pa hinog)? b (Mat. 13:24-30, 36-43) Sino ang mapatutunayang siyang “tapat at maingat na alipin” na sa kaniya ipagkakatiwala ng Panginoon, si Jesu-Kristo, sa kaniyang presensiya sa kapangyarihan ng Kaharian, ang higit pang pananagutan may kaugnayan sa gawain na inihula para sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay?​—Mat. 24:3, 45-47.

Pinasisikat ang Liwanag

Itinagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ibahagi sa iba ang liwanag ng banal na katotohanan na kanilang tinanggap mula sa kaniya. “Kayo ang ilaw ng sanlibutan,” ang sabi niya. “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” (Mat. 5:14-16; Gawa 13:47) Tinanggap ni Charles Taze Russell at ng kaniyang mga kasama na sila’y may pananagutan na gawin iyan.

Naniwala ba sila na taglay nila ang lahat ng kasagutan, ang buong liwanag ng katotohanan? Sa tanong na iyan sumagot si Brother Russell: “Talagang hindi; ni hindi namin tataglayin hanggang sa sumapit ang ‘sakdal na araw.’” (Kaw. 4:18, KJ) Madalas na tinukoy nila ang kanilang paniniwala sa Kasulatan bilang ang “kasalukuyang katotohanan”​—hindi sa ang katotohanan sa ganang sarili ay nagbabago kundi sa halip ang kanilang pagkaunawa rito ay sumusulong.

Ang masisigasig na estudyanteng ito ng Bibliya ay hindi umiwas sa idea na talagang may katotohanan sa relihiyon. Kinilala nila si Jehova bilang “ang Diyos ng katotohanan” at ang Bibliya bilang ang kaniyang Salita ng katotohanan. (Awit 31:5; Jos. 21:45; Juan 17:17) Napagtanto nila na marami pa silang hindi nalalaman, subalit hindi sila napigil sa pagsasabi ng kanilang natutuhan sa Bibliya taglay ang matibay na paniniwala. At kapag ang tradisyonal na mga doktrinang relihiyoso at mga kaugalian ay salungat sa kanilang maliwanag na nabasa sa kinasihang Salita ng Diyos, kung gayon, bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, kanilang ibinubunyag ang kamalian, kahit na ito’y magdulot sa kanila ng panunuya at pagkamuhi mula sa mga klero.​—Mat. 15:3-9.

Upang maabot at mapakain sa espirituwal ang iba, sinimulang ilathala ni C. T. Russell, noong Hulyo 1879, ang magasing Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence.

Ang Bibliya​—Tunay na Salita ng Diyos

Ang pagtitiwala ni Charles Taze Russell sa Bibliya ay hindi lamang bunga ng pagtanggap sa isang kinagisnang paniniwala na popular noon. Bagkus, ang bagay na popular sa marami noong panahong iyon ay ang pamimintas sa Kasulatan. Yaong nagtaguyod nito ay humamon sa pagkamaaasahan ng Bibliya.

Noong kaniyang kabataan, si Russell ay umugnay sa Congregational Church at naging aktibo sa gawain nito, subalit ang pagkawalang-katuwiran ng kinagisnang turo ang nagbunsod sa kaniya upang mag-alinlangan. Natuklasan niya na ang itinuro sa kaniya ay hindi maipagtatanggol mula sa Bibliya sa isang nakasisiyang paraan. Kaya iniwaksi niya ang mga turo ng kredo ng simbahan at, kasama ng mga ito, ang Bibliya. Sumunod, sinaliksik niya ang pangunahing mga relihiyon ng taga-Silangan, subalit ang mga ito man ay napatunayang hindi kasiya-siya. Pagkatapos ay nagsimula siyang mag-isip na marahil ang Bibliya ay maling ipinaliwanag ng mga kredo ng Sangkakristiyanuhan. Dahil sa napasigla ng kaniyang narinig isang gabi sa pulong ng Adventista, sinimulan niya ang isang sistematikong pag-aaral ng Kasulatan. Ang nakita niyang inilalahad sa kaniyang harapan ay tunay na ang kinasihang Salita ng Diyos.

Labis siyang humanga sa pagkakatugma ng Bibliya sa ganang sarili at sa personalidad ng Isa na nakilala bilang Banal na Awtor nito. Upang matulungan ang iba na makinabang mula rito, nang maglaon kaniyang isinulat ang aklat na The Divine Plan of the Ages, na inilathala niya noong 1886. Doon ay isinama niya ang isang pangunahing pagtalakay sa “Ang Bibliya Bilang Isang Banal na Kapahayagan na Minalas sa Liwanag ng Katuwiran.” Sa bandang huli ng kabanatang iyan, maliwanag na sinabi niya: “Ang lalim at kapangyarihan at karunungan at lawak ng patunay ng Bibliya ay nakakumbinsi sa amin na hindi tao, kundi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang awtor ng mga plano at kapahayagan nito.”

Ang pagtitiwala sa buong Bibliya bilang Salita ng Diyos ay nananatiling isang batong panulok ng mga paniniwala ng modernong-panahong mga Saksi ni Jehova. Sa buong daigdig, taglay nila ang mga pantulong sa pag-aaral upang personal nilang masuri ang katibayan na ito’y kinasihan. Ang mga pitak ng paksang ito ay madalas na tinatalakay sa kanilang mga magasin. Noong 1969 inilathala nila ang aklat na Tunay nga Bang Salita ng Diyos ang Bibliya? Pagkaraan ng dalawampung taon ang aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? ay muling nagbigay-pansin sa paksa ukol sa katotohanan ng Bibliya, tumawag ng atensiyon sa karagdagang patotoo, at humantong sa gayunding konklusyon: Ang Bibliya, sa katunayan, ay kinasihang Salita ng Diyos. Ang isa pa sa kanilang mga aklat, na unang inilathala (sa Ingles) noong 1963 at nirebisa noong 1990, ay ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.” Higit pang mga detalye ang matatagpuan sa kanilang ensayklopidiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures, na inilathala noong 1988.

Sa kanilang personal at kongregasyonal na pag-aaral ng ganitong materyales, sila’y nakumbinsi na bagaman mga 40 tao sa nakalipas na 16 na siglo ang ginamit upang iulat ang nasa 66 na aklat ng Bibliya, ang Diyos mismo ang aktibong nangasiwa sa pagsulat sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Isinulat ni apostol Pablo: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Tim. 3:16; 2 Ped. 1:20, 21) Ang pananalig na ito ay isang malakas na impluwensiya sa buhay ng mga Saksi ni Jehova. Tungkol dito, isang pahayagan sa Britanya ang bumanggit: “Ang bawat ginagawa ng isang Saksi ay may maka-Kasulatang kadahilanan. Tunay, ang kanilang iisang saligang turo ay ang pagkilala sa Bibliya bilang . . . katotohanan.”

Pagkilala sa Tunay na Diyos

Habang pinag-aaralan ni Brother Russell at ng kaniyang mga kasama ang Kasulatan, madali nilang nakita na ang Diyos na inilalarawan sa Bibliya ay hindi ang diyos ng Sangkakristiyanuhan. Mahalaga ito sapagkat, gaya ng sabi ni Jesu-Kristo, ang pag-asa ng mga tao sa buhay na walang-hanggan ay batay sa kanilang pagkakilala sa tanging tunay na Diyos at sa isa na kaniyang isinugo, ang kaniyang Punong Ahente ng kaligtasan. (Juan 17:3; Heb. 2:10) Si C. T. Russell at ang grupo na kasama niyang nag-aral ng Bibliya ay nakaunawa na ang katarungan ng Diyos ay ganap na kasintimbang ng maka-Diyos na karunungan, pag-ibig, at kapangyarihan, at na ang mga katangiang ito ay ipinamamalas sa lahat ng kaniyang mga gawa. Batay sa kaalaman na taglay nila noon tungkol sa layunin ng Diyos, inihanda nila ang isang pagtalakay kung bakit pinahihintulutan ang kasamaan at isinama ito sa isa sa kanilang pinakauna at pinakamalawak na naipamahaging publikasyon, ang 162-pahinang aklat na Food for Thinking Christians, unang inilabas bilang isang pantanging edisyon ng Zion’s Watch Tower noong Setyembre 1881.

Ang kanilang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay tumulong sa kanila upang mapag-alaman na ang Manlilikha ay may personal na pangalan at na ginawa niyang posible para sa mga tao na makilala siya at tamasahin ang isang malapít na pakikisama sa kaniya. (1 Cron. 28:9; Isa. 55:6; Sant. 4:8) Ang Watch Tower ng Oktubre-Nobyembre 1881 ay nagpaliwanag: “JEHOVA ang pangalan na ginamit sa walang iba kundi ang Kataas-taasang Maykapal​—ang ating Ama, at siya na tinawag ni Jesus na Ama at Diyos.”​—Awit 83:18; Juan 20:17.

Nang sumunod na taon, bilang sagot sa tanong na, “Sinasabi ba ninyo na ang Bibliya ay hindi nagtuturo na may tatlong persona sa iisang Diyos?” ibinigay ang sagot: “Oo: Bagkus pa nga, sinasabi nito sa atin na mayroon lamang iisang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo na sa kaniya nagmula ang lahat ng bagay (o lumalang ng lahat ng bagay). Naniniwala kami kung gayon sa Iisang Diyos at Ama, at gayundin sa iisang Panginoong Jesu-Kristo . . . Subalit sila ay dalawa at hindi iisang persona. Sila’y iisa lamang sa diwa ng pagkakasundo. Naniniwala rin kami sa isang espiritu ng Diyos . . . Ngunit ito’y hindi na isang persona gaya rin ng espiritu ng demonyo at ng espiritu ng Sanlibutan at ng espiritu ng Anti-Kristo.”​—Zion’s Watch Tower, Hunyo 1882; Juan 17:20-22.

Lumalaking Pagpapahalaga sa Pangalan ng Diyos

Unti-unting napansin ng mga Estudyante ng Bibliyang yaon ang pagtatanyag na ibinibigay ng kinasihang Kasulatan sa personal na pangalan ng Diyos. Ang pangalang iyan ay itinago sa Ingles ng Romanong Catholic Douay at ng Protestanteng King James na mga bersiyon ng Bibliya, at ito’y ginaya rin sa halos lahat ng salin sa maraming wika sa ika-20 siglo. Subalit ang maraming salin gayundin ang mga reperensiya sa Bibliya ay nagpatunay na ang pangalan ni Jehova ay lumilitaw sa orihinal-na-wikang teksto nang libu-libong ulit​—ang totoo, mas madalas pa kaysa alinmang ibang pangalan, at mas madalas pa kaysa sa pinagsamang paglitaw ng mga titulong gaya ng Diyos at Panginoon. Bilang “isang bayan sa kaniyang pangalan,” ang kanilang sariling pagpapahalaga sa banal na pangalan ay lumaki. (Gawa 15:14) Sa The Watch Tower ng Enero 1, 1926, iniharap nila ang itinuturing nilang isang isyu na dapat harapin ng bawat isa, alalaong baga’y “Sino ang Magpaparangal kay Jehova?”

Ang pagpapahalaga na kanilang ibinigay sa pangalan ng Diyos ay hindi basta relihiyosong kaalaman lamang. Gaya ng ipinaliwanag sa aklat na Prophecy (inilathala noong 1929), ang pinakamahalagang isyu na napapaharap sa lahat ng matalinong nilalang ay nagsasangkot sa pangalan at salita ng Diyos na Jehova. Idiniriin ng mga Saksi ni Jehova na ipinakikita ng Bibliya na ang bawat isa ay dapat na makaalam ng pangalan ng Diyos at pakitunguhan ito bilang isang bagay na banal. (Mat. 6:9; Ezek. 39:7) Iyo’y dapat linisin mula sa lahat ng upasala na ibinunton doon, hindi lamang niyaong mga tahasang lumalaban kay Jehova kundi niyaon din namang mga maling kumatawan sa kaniya sa pamamagitan ng kanilang mga doktrina at gawa. (Ezek. 38:23; Roma 2:24) Batay sa Kasulatan, nauunawaan ng mga Saksi na ang kapakanan ng uniberso at ng mga naninirahan dito ay depende sa pagpapabanal ng pangalan ni Jehova.

Alam nila na bago puksain ni Jehova ang masasama, tungkulin at pribilehiyo ng kaniyang mga saksi na sabihin sa iba ang katotohanan tungkol sa kaniya. Ginagawa na iyan ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Gayon na lamang ang kanilang kasigasigan sa pagsasagawa ng pananagutang iyan anupat, sa buong daigdig, ang sinumang malayang gumagamit ng pangalang Jehova ay madaling nakikilala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.

Pagbubunyag sa Trinidad

Bilang mga saksi ni Jehova, nadama ni C. T. Russell at ng kaniyang mga kasama na isang mabigat na pananagutan ang ibunyag ang mga turo na maling kumakatawan sa Diyos, upang tulungan ang mga mangingibig ng katotohanan na maunawaang ang mga ito’y hindi naaayon sa Bibliya. Hindi sila ang unang nakaalam na ang Trinidad ay hindi maka-Kasulatan, c subalit nauunawaan nila na kung sila’y magiging tapat na mga lingkod ng Diyos, may pananagutan sila na ipaalam ang katotohanan tungkol doon. Taglay ang kagitingan, para sa kapakinabangan ng lahat ng mangingibig ng katotohanan, inilantad nila ang paganong mga pinagmulan ng pangunahing doktrinang ito ng Sangkakristiyanuhan.

Ang Watch Tower ng Hunyo 1882 ay nagsabi: “Nang mapagtanto ng maraming paganong pilosopo na magiging praktikal ang makisama sa hanay ng lumalaking relihiyon [isang apostatang anyo ng Kristiyanismo na sinang-ayunan ng mga emperador Romano noong ikaapat na siglo C.E.], nagsimula silang maghanda ng isang madaling paraan upang makapasok doon sa pamamagitan ng pagsisikap na makatuklas ng pagkakaayon ng Kristiyanismo at Paganismo, at sa gayon ay pag-isahin ang dalawa. Nagtagumpay naman sila. . . . Habang ang matandang teolohiya ay may kung ilang pangunahing mga diyos, at may maraming mas nakabababang mga diyos kapuwa lalaki at babae, ang Pago-kristiyano (bilang pagkatha ng bagong salita) ay nagtangkang baguhin ang listahan para sa bagong teolohiya. Kung gayon, sa panahong ito, ang doktrina ng tatlong Diyos ay naimbento​—ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.”

Ang ilang klero ay nagsikap na magmukhang maka-Kasulatan ang kanilang turo sa pagsipi sa mga tekstong gaya ng 1 Juan 5:7, subalit nagharap ng mga katibayan si Brother Russell na nagpapakitang alam na alam ng mga iskolar na ang isang bahagi ng tekstong iyan ay dagdag lamang, isang huwad na pagsisingit na ginawa ng isang tagasulat upang suportahan ang isang turo na hindi makikita sa Kasulatan. Ang ibang apologista ng Trinidad ay tumukoy sa Juan 1:1, subalit sinuri ng Watch Tower ang kasulatang iyan batay sa nilalaman at konteksto upang ipakita na ito sa anumang paraan ay hindi nagtataguyod ng paniniwala sa Trinidad. Kaugnay rito, sa isyu nito ng Hulyo 1883, ang Watch Tower ay nagsabi: “Ang higit pang pag-aaral ng Bibliya kaysa pag-aaral ng mga aklat-himno ng simbahan ay mas nagpalinaw sana sa paksa para sa lahat. Ang doktrina ng trinidad ay lubusang salungat sa Kasulatan.”

Tahasang inilantad ni Brother Russell ang kahangalan ng pag-aangking naniniwala sa Bibliya samantalang kasabay nito’y nagtuturo ng isang doktrinang gaya ng Trinidad, na sumasalungat sa sinasabi ng Bibliya. Kaya nga sumulat siya: “Anong nakalilitong pagkakasalungatan at kaguluhan ang kinasangkutan nila na nagsasabing si Jesus at ang Ama ay iisang Diyos! Ito’y kinapapalooban ng idea na ang ating Panginoong Jesus ay naging mapagkunwari nang narito sa lupa at nagkunwa lamang na nakikipag-usap sa Diyos sa panalangin, yamang Siya rin mismo ang Diyos. . . . Muli, ang Ama ay nananatiling imortal, kung kaya hindi namamatay. Kung gayon, papaano nangyaring namatay si Jesus? Ang mga Apostol ay pawang mga sinungaling sa paghahayag ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus kung Siya’y hindi naman namatay. Gayunman, ang Kasulatan ay nagsabi na Siya ay talagang namatay.” d

Sa gayon, sa maagang bahagi ng kanilang modernong-panahong kasaysayan, matatag na tinanggihan ng mga Saksi ni Jehova ang turo ng Sangkakristiyanuhan na Trinidad dahilan sa makatuwiran, nakapagpapaligaya ng pusong turo ng Bibliya mismo. e Ang kanilang isinagawa upang ilathala ang mga katotohanang ito at upang bigyan ng pagkakataon ang mga tao saanman na marinig ang mga ito ay naganap sa lawak na hindi kailanman naabot ng sinumang ibang tao o grupo, noon at sa kasalukuyan.

Ano ang Kalagayan ng mga Patay?

Kung ano ang nakalaang kinabukasan para sa mga taong hindi pa tumatanggap sa paglalaan ng Diyos para sa kaligtasan ay matinding bumalisa kay C. T. Russell mula pa sa kaniyang kabataan. Noong bata pa lamang, naniwala siya sa sinabi ng klero tungkol sa nag-aapoy na impiyerno; akala niya’y ipinangangaral nila ang Salita ng Diyos. Siya’y lumalabas sa gabi upang isulat ang mga teksto sa Bibliya sa hayag na mga lugar para ang mga trabahador na daraan doon ay mababalaan at maligtas mula sa kakila-kilabot na walang-hanggang pagpaparusa.

Nang dakong huli, matapos na makita niya mismo kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya, ganito ang sabi niya ayon sa isa sa kaniyang mga kasama: “Kung talagang itinuturo ng Bibliya na ang walang-hanggang pagpaparusa ay siyang kapalaran ng lahat maliban sa mga santo, kailangang ipangaral iyon​—oo, isigaw mula sa bubong ng mga bahay linggu-linggo, araw-araw, oras-oras; kung hindi naman ito itinuturo, ang katotohanang iyan ay dapat ipaalam, at maalis ang maruming mantsa na nakasisirang puri sa banal na pangalan ng Diyos.”

Di pa man nagtatagal ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, maliwanag na nakita ni C. T. Russell na ang impiyerno ay hindi isang dakong pahirapan ng kaluluwa pagkamatay. Siya’y malamang na natulungan dito ni George Storrs, patnugot ng Bible Examiner, na binanggit ni Brother Russell taglay ang matinding paghanga sa kaniyang mga isinulat at siyang maraming isinulat mismo tungkol sa kaniyang naunawaan mula sa Bibliya may kinalaman sa kalagayan ng patay.

Subalit kumusta naman ang kaluluwa? Itinaguyod ba ng mga Estudyante ng Bibliya ang paniniwala na iyon ay isang espiritung bahagi ng tao, isa na nananatiling buháy pagkamatay ng katawan? Sa kabaligtaran, noong 1903 ang Watch Tower ay bumanggit: “Dapat nating pansining mabuti na hindi itinuturo na ang tao ay may kaluluwa, kundi na ang tao ay kaluluwa, o persona. Kunin natin ang isang ilustrasyon mula sa kalikasan​—ang hangin na ating nilalanghap: ito ay binubuo ng oksiheno at nitroheno, na isa man sa kanila ay hindi atmospera, o hangin; ngunit kapag ang dalawa ay pinagsama, gaya ng nangyayari sa tamang kemikal na pagkatimpla, ang nagiging resulta ay ang atmospera. Gayundin sa kaluluwa. Ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin ayon sa pangmalas na ito, na bawat isa ay kaluluwa. Hindi siya nakikipag-usap sa ating mga katawan ni sa ating hininga ng buhay, kundi siya’y nakikipag-usap sa atin bilang matatalinong persona, o mga kaluluwa. Nang igawad ang parusa sa paglabag sa kaniyang batas, hindi siya nakipag-usap sa katawan ni Adan mismo, kundi sa tao, sa kaluluwa, sa matalinong persona: ‘Ikaw!’ ‘Sa araw na ikaw ay kumain ikaw ay tiyak na mamamatay.’ ‘Ang kaluluwa na nagkakasala iyon ay mamamatay.’​—Gen 2:17; Ezek. 18:20.” Ito’y ayon sa binanggit ng Watch Tower noon pang Abril 1881. f

Kung gayon, papaano nabuo ang paniniwala sa likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao? Sino ang awtor nito? Pagkatapos na suriing mabuti ang Bibliya at ang relihiyosong kasaysayan, isinulat ni Brother Russell sa Watch Tower noong Abril 15, 1894 ang ganito: “Maliwanag na ito’y hindi nanggaling sa Bibliya . . . Ang Bibliya ay malinaw na nagpapahayag na ang tao ay namamatay, na ang kamatayan ay posible sa kaniya. . . . Nang suriing mabuti ang mga pahina ng kasaysayan, natuklasan namin na, bagaman ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay hindi itinuro ng kinasihang mga saksi ng Diyos, ito ang pinakabuod ng lahat ng paganong mga relihiyon. . . . Kung gayon, hindi totoo na sina Socrates at Plato ang unang nagturo ng doktrina: mayroon pang naunang nagturo nito kaysa alinman sa kanila, at isa na mas magaling. . . . Ang unang ulat ng maling turong ito ay matatagpuan sa pinakamatandang kasaysayan na batid ng tao​—ang Bibliya. Ang huwad na tagapagturo ay si Satanas.” g

“Binombahan” ng Tubig ang Impiyerno

Kaugnay ng matinding pagnanais ni Brother Russell na maalis ang maruming mantsa sa pangalan ng Diyos na resulta ng turo ng nag-aapoy na impiyerno ng walang-hanggang pagpaparusa, siya’y sumulat ng isang pulyeto na nagtatampok ng paksang, “Itinuturo ba ng Kasulatan na ang Kabayaran ng Kasalanan ay ang Walang-Hanggang Pagpaparusa?” (The Old Theology, 1889) Doon ay sinabi niya:

“Ang teorya ng walang-hanggang pagpaparusa ay may paganong pinagmulan, bagaman gaya ng pinaniniwalaan ng mga pagano ito ay hindi naman walang-awang doktrina na kagaya ngayon, mula nang ito’y unti-unting mapaugnay sa itinuturing na Kristiyanismo na nahaluan ng paganong mga pilosopya noong ikalawang siglo. Sa malaking apostasya ay idinagdag sa pilosopyang pagano ang nakapangingilabot na mga detalye na ngayo’y karaniwang pinaniniwalaan, iginuhit ang mga iyon sa mga pader ng simbahan, gaya ng ginawa sa Europa, isinulat ang mga iyon sa kanilang kredo at mga himno, at sa gayo’y pinilipit ang Salita ng Diyos upang magbigay ng wari’y banal na suporta sa nakasisirang-puring paglapastangang ito sa Diyos. Samakatuwid, ang kasalukuyang paniniwala ay isang mana, hindi mula sa Panginoon, o sa mga apostol, o sa mga propeta, kundi mula sa espiritu ng pakikipagkompromiso na isinakripisyo ang katotohanan at pangangatuwiran, at kahiya-hiyang pinilipit ang mga doktrina ng Kristiyanismo, dahil sa masamang ambisyon at pag-aagawan sa kapangyarihan at kayamanan at mga tagasunod. Ang walang-hanggang pagpaparusa bilang kabayaran sa kasalanan ay hindi kilala ng mga patriyarka noon; ito’y hindi alam ng mga propeta noong panahon ng mga Judio; at ito’y hindi kilala ng Panginoon at mga apostol; subalit ito’y naging pangunahing doktrina ng Naturingang Kristiyanismo magmula nang magkaroon ng malaking apostasya​—ang salot na sa pamamagitan nito ang mga mapaniwalain, walang malay, at mapamahiin ng sanlibutan ay hinagupit upang maging sunud-sunuran sa nang-aapi sa kanila. Ang walang-hanggang pagpaparusa ay ipinanakot sa mga nagtatangkang lumaban o tumanggi sa kapangyarihan ng Roma, at ang pagpapahirap nito ay nagsimula kahit sa kasalukuyang buhay kung saan may kapangyarihan ang simbahan.”

Batid ni Brother Russell na ang karamihan ng marurunong na tao ay hindi naman talagang naniniwala sa doktrina ng nag-aapoy na impiyerno. Subalit, gaya ng ipinaliwanag niya, noong 1896, sa buklet na What Say the Scriptures About Hell?, “yamang sila’y nag-aakala na itinuturo ito ng Bibliya, ang bawat hakbang ng pagsulong nila sa tunay na karunungan at pangkapatirang kabaitan . . . ay karaniwan nang isang hakbang papalayo sa Salita ng Diyos, na maling pinararatangan ng turong ito.”

Upang papanumbalikin sa Salita ng Diyos ang palaisip na mga taong ito, iniharap niya sa buklet na ito ang bawat teksto sa King James Version kung saan ang salitang impiyerno ay natagpuan, sa gayon makikita mismo ng mga mambabasa kung ano ang sinabi ng mga ito, at pagkatapos ay sinabi niya: “Salamat sa Diyos, wala tayong natagpuang gayong dako ng walang-hanggang pagpaparusa na gaya ng maling itinuturo ng mga kredo at aklat-awitan, at ng maraming pulpito. Gayunman ay nakatagpo tayo ng ‘impiyerno,’ sheol, hades, na iyon ang patutunguhan ng lahat ng ating lahi bilang hatol dahil sa kasalanan ni Adan, at mula roon ang lahat ay tinubos sa pamamagitan ng kamatayan ng ating Panginoon; at ang ‘impiyernong’ iyon ay ang libingan​—ang kondisyon ng kamatayan. At natagpuan din natin ang isa pang ‘impiyerno’ (gehenna​—ang ikalawang kamatayan​—lubusang pagkapuksa) na itinawag-pansin sa atin bilang katapusang parusa sa lahat na, pagkatapos tubusin at dalhin sa lubos na kaalaman sa katotohanan, at sa lubos na kakayahan na sundin iyon, ay pipili pa rin sa kamatayan sa pamamagitan ng pagpili sa daan ng pagsalansang sa Diyos at sa katuwiran. At ang ating mga puso ay nagsasabi ng, Amen. Tunay at matuwid ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Oh Panginoon, at luluwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang ganap na banal. At lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harap mo, dahil sa nahayag ang iyong matuwid na mga gawa.”​—Apoc. 15:3, 4.

Ang kaniyang itinuturo ay pinagmulan ng pagkayamot at pagkapahiya ng klero ng Sangkakristiyanuhan. Noong 1903 siya’y hinamon para sa isang debateng pampubliko. Ang kalagayan ng patay ay isa sa mga isyu sa serye ng mga debate sa pagitan ni C. T. Russell at ni Dr. E. L. Eaton, na nagsilbing tagapagsalita para sa di-opisyal na alyansa ng mga ministrong Protestante sa kanlurang bahagi ng Pennsylvania.

Sa mga debateng iyon, matatag na ipinagtanggol ni Brother Russell ang paksang pinagtatalunan na “ang kamatayan ay kamatayan, at na ang ating mga mahal sa buhay, kapag sila’y yumao, ay talagang patay na nga, na sila’y hindi nabubuhay kasama ng mga anghel ni ng mga demonyo sa isang dako ng kawalang-pag-asa.” Bilang pag-alalay rito, siya’y tumukoy sa mga kasulatang gaya ng Eclesiastes 9:5, 10; Roma 5:12; 6:23; at Genesis 2:17. Sinabi rin niya: “Ang mga kasulatan ay lubos na kaayon ng kung ano ang tatanggapin nating dalawa at ng bawat iba pang matino, makatuwirang tao sa daigdig bilang siyang makatarungan at angkop na katangian ng ating Diyos. Ano ang sinasabi tungkol sa ating makalangit na Ama? Na siya ay makatarungan, na siya ay marunong, na siya ay maibigin, na siya ay makapangyarihan. Lahat ng mga Kristiyano ay kumikilala sa mga katangiang ito ng Diyos. Kung ito ay totoo, matalino bang isipin na makatarungan ang Diyos gayong pinarurusahan nang walang-hanggan ang isang nilalang sa pamamagitan ng Kaniyang sariling kamay, anuman ang nagawang kasalanan? Hindi ako isang apologista ng kasalanan; hindi ako nabubuhay sa kasalanan, at hindi ko kailanman ipinangangaral ang kasalanan. . . . Subalit sinasabi ko sa inyo na lahat ng taong naririto na ayon sa ating kapatid [Dr. Eaton] ay walang-galang na lumalapastangan sa Diyos at sa banal na pangalan ni Jesu-Kristo ay mga taong tinuruan ng doktrinang ito ng walang-hanggang pagpaparusa. At lahat ng mga mamamatay-tao, magnanakaw at manggagawa ng masama sa mga bilangguan, ay tinuruan ng doktrinang ito. . . . Ang mga ito ay masasamang doktrina; matagal nang pinipinsala ng mga ito ang daigdig; ang mga ito ay hindi kailanman naging bahagi ng turo ng Panginoon, at hindi pa rin nakukuskos ng ating mahal na kapatid ang usok na ito ng kadiliman mula sa kaniyang mga mata.”

Iniulat na pagkatapos ng debate isang klerigo na naroroon ang lumapit kay Russell at nagsabi: “Natutuwa ako at binombahan mo ng tubig ang impiyerno at pinatay ang apoy.”

Upang mabigyan ng higit pang publisidad ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng patay, ipinaglingkod ni Brother Russell ang isang malawakang serye ng isang-araw na mga kombensiyon, mula 1905 hanggang 1907, na doo’y itinampok niya ang pahayag pangmadlang “Tumungo sa Impiyerno at Nagsibalik! Sino ang mga Naroroon? Ang Pag-asang Makabalik ang Marami.” Ang pamagat ay nakatatawag-pansin, at nakaakit ito sa marami. Napuno ng mga tagapakinig ang mga assembly hall sa mga lunsod kapuwa malalaki at maliliit sa Estados Unidos at Canada upang mapakinggan ang pahayag.

Ang isa sa napakilos ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng patay ay ang isang estudyante sa unibersidad sa Cincinnati, Ohio, na naghahanda upang maging Presbiteryanong ministro. Noong 1913 nakatanggap siya mula sa kaniyang kapatid sa laman ng buklet na Saan Naroroon ang mga Patay?, na isinulat ni John Edgar, isang Estudyante ng Bibliya na isa ring doktor sa medisina sa Scotland. Ang estudyante na tumanggap ng buklet na iyan ay si Frederick Franz. Pagkatapos na basahing mabuti iyon, matatag na ipinahayag niya: “Ito ang katotohanan.” Walang pag-aatubili, binago niya ang kaniyang mga tunguhin sa buhay at pumasok sa pambuong-panahong ministeryo bilang isang mangangaral na colporteur. Noong 1920 siya’y naging isa sa mga tauhan sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower. Pagkalipas ng maraming taon siya’y naging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at, nang dakong huli, ay naging presidente ng Samahang Watch Tower.

Ang Haing Pantubos ni Jesu-Kristo

Noong 1872, kaugnay ng kaniyang pagsusuri sa Kasulatan, si Brother Russell at ang kaniyang mga kasama ay muling nagbigay-pansin sa paksa ng pagsasauli, may kaugnayan sa pantubos na inilaan ni Jesu-Kristo. (Gawa 3:21, KJ) Siya’y natuwa nang kaniyang makita sa Hebreo 2:9 na ‘si Jesus sa di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos ay tumikim ng kamatayan para sa bawat tao.’ Iyan ay hindi umakay sa kaniya na maniwala sa panlahatang kaligtasan, sapagkat alam niya na ang Kasulatan ay nagsasabi rin na ang isa ay dapat sumampalataya kay Jesu-Kristo upang maligtas. (Gawa 4:12; 16:31) Kundi nagsimula siyang makaunawa​—bagaman hindi ang lahat karaka-raka​—kung anong kamangha-manghang pagkakataon ang binubuksan para sa sangkatauhan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. Nagbukas iyon ng daan para sa kanila na matamo ang naiwala ni Adan, ang pag-asang walang-hanggang buhay sa kasakdalan ng tao. Si Brother Russell ay hindi nagsawalang-kibo sa bagay na ito; naunawaan niya ang malalim na kahulugan ng pantubos at masiglang ipinagtanggol iyon, kahit na ang kaisipan ng matalik na mga kasamahan ay naimpluwensiyahan ng makapilosopyang palagay.

Noong kalagitnaan ng 1878, si Brother Russell ay naging katulong na patnugot ng magasing Herald of the Morning sa loob ng mga isang taon at kalahati, kung saan si N. H. Barbour ang pangunahing patnugot. Ngunit nang si Barbour, sa isyu ng Agosto 1878 ng kanilang magasin, ay humamak sa maka-Kasulatang turo ng pantubos, gumanti si Russell taglay ang mapuwersang pagtatanggol sa mahalagang katotohanang iyan ng Bibliya.

Sa ilalim ng pamagat na “Ang Katubusan,” inilarawan ni Barbour ang kaniyang palagay tungkol sa turo, na nagsasabi: “Sinabi ko sa aking anak, o sa isa sa mga alipin, kapag kinagat ni James ang kaniyang kapatid, humuli ka ng isang langaw, tuhugin mo ng aspile ang katawan nito at itusok ito sa dingding, at patatawarin ko si James. Ito’y naglalarawan ng doktrina ng paghahalili.” Bagaman nag-aangking naniniwala sa pantubos, tinukoy ni Barbour na “di-maka-Kasulatan, at kasuklam-suklam sa ating pagkaunawa sa katarungan” ang idea na si Kristo sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay nagbayad ng kasalanan para sa mga supling ni Adan. h

Sa kasunod na isyu ng Herald of the Morning (Setyembre 1878), nagpahayag si Brother Russell ng kaniyang matinding pagtutol sa isinulat ni Barbour. Sinuring mabuti ni Russell ang tunay na sinasabi ng Kasulatan at ang pagkakaayon ng mga ito sa “kasakdalan ng katarungan [ng Diyos], at sa katapusan ang kaniyang dakilang awa at pag-ibig” na ipinahayag sa pamamagitan ng inilaang pantubos. (1 Cor. 15:3; 2 Cor. 5:18, 19; 1 Ped. 2:24; 3:18; 1 Juan 2:2) Nang sumunod na tagsibol, pagkaraan ng paulit-ulit na pagsisikap na matulungan si Barbour na maunawaan ang mga bagay ayon sa Kasulatan, nagbitiw si Russell sa kaniyang pagsuporta sa Herald; at noong isyu ng Hunyo 1879, ang kaniyang pangalan ay hindi na lumitaw bilang katulong na patnugot ng publikasyong iyon. Ang kaniyang matapang, walang pakikipagkompromisong paninindigan may kaugnayan sa pangunahing turong ito ng Bibliya ay nagkaroon ng malawakang mga epekto.

Sa buong modernong-panahong kasaysayan nila, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagtanggol sa maka-Kasulatang turo ng pantubos. Ang kauna-unahang isyu ng Zion’s Watch Tower (Hulyo 1879) ay nagbigay-diin na “ang pagpapalugod ukol sa Diyos ay depende . . . sa sakdal na hain ni Kristo.” Noong 1919, sa isang kombensiyon na itinaguyod ng International Bible Students Association sa Cedar Point, Ohio, ang nakalimbag na programa ay nagtampok ng hayag na mga salitang “Tinatanggap Kayo! Lahat ng Mananampalataya sa Dakilang Haing Pantubos.” Ang panloob na pabalat ng Ang Bantayan ay patuloy na tumatawag ng pansin sa pantubos, na nagsasabi ukol sa layunin ng magasin: “Pinatitibay nito ang pananampalataya sa naghahari nang Hari ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ang itinigis na dugo’y nagbubukas ng daan upang tamuhin ng tao ang buhay na walang-hanggan.”

Sumusulong, Hindi Natatalian ng Kredo

Ang maliwanag na pagkaunawa sa Salita ng Diyos ay hindi agad natamong lahat. Malimit na maunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ang isang bahagi ng katotohanan subalit hindi pa makita ang kabuuang larawan. Gayunman, sila’y nagnais na matuto. Hindi sila natalian ng kredo; sila’y handang sumulong. Ibinahagi nila ang kanilang natutuhan. Hindi nila tinanggap ang kapurihan sa mga bagay na itinuro nila; sila’y naghangad na ‘maturuan ni Jehova.’ (Juan 6:45) At napagtanto nila na pinapangyayari ni Jehova ang pagkaunawa ng mga detalye ng kaniyang layunin sa kaniyang sariling panahon at sa kaniyang sariling paraan.​—Dan. 12:9; ihambing ang Juan 16:12, 13.

Ang pagkatuto ng bagong mga bagay ay nangangailangan ng mga pagbabago sa dating paniniwala. Upang matanggap ang pagkakamali at maisagawa ang kapaki-pakinabang na mga pagbabago, kailangan ang pagpapakumbaba. Ang katangiang ito at ang mga bunga nito ay kanais-nais kay Jehova, at ang gayong hakbangin ay lubhang nakaaakit sa mga mangingibig ng katotohanan. (Zef. 3:12) Subalit ito’y pinipintasan niyaong mga dumarakila sa mga kredo na hindi kailanman nabago sa loob ng maraming siglo, bagaman ang mga ito’y gawa lamang ng di-sakdal na mga tao.

Ang Paraan ng Pagbabalik ng Panginoon

Nasa kalagitnaan pa noon ng dekada ng 1870 nang si Brother Russell at yaong masisigasig na nagsusuri ng Kasulatan na kasama niya ay makaunawa na kapag bumalik ang Panginoon siya’y hindi makikita ng mga mata ng tao.​—Juan 14:3, 19.

Nang dakong huli ay sinabi ni Brother Russell: “Tayo’y totoong nalumbay sa pagkakamali ng Second Adventists, na umaasa kay Kristo sa laman, at nagtuturo na ang sanlibutan at lahat ng naroroon maliban sa Second Adventists ay susunugin daw noong 1873 o 1874, na ang pagtatakda nila ng mga petsa at mga kabiguan at walang-linaw na mga idea may kinalaman sa layunin at paraan ng kaniyang pagbabalik kahit papaano ay nagdala ng kasiraan sa atin at sa lahat ng nasabik at nagbalita ng kaniyang dumarating na Kaharian. Ang maling mga paniniwalang ito na itinaguyod ng marami tungkol sa layunin at paraan ng pagbabalik ng Panginoon ang nag-udyok sa akin upang isulat ang isang pulyeto​—‘The Object and Manner of Our Lord’s Return.’” Ang pulyetong ito ay inilathala noong 1877. Inilimbag at ipinamahagi ni Brother Russell ang mga 50,000 kopya ng mga ito.

Sa pulyetong iyon, ay isinulat niya: “Naniniwala kami na itinuturo ng kasulatan na, sa Kaniyang pagbabalik at sa isang yugto ng panahon matapos na Siya’y nakabalik na, Siya’y mananatiling di-nakikita; pagkatapos ay ihahayag niya o ipakikita ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga paghatol at iba pang mga paraan, anupat ‘bawat mata ay makakakita sa Kaniya.’” Upang patunayan ito, tinalakay niya ang mga tekstong gaya ng Gawa 1:11 (‘siya’y paririto sa gayon ding paraan tulad ng inyong nakitang pagparoon niya’​—alalaong baga’y, di-nakikita ng sanlibutan) at Juan 14:19 (“kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan”). Tinukoy rin ni Brother Russell ang bagay na ang The Emphatic Diaglott, na unang inilathala nang kumpleto noong 1864 na may isang interlinyar na salita-por-salitang salin sa Ingles, ay nagbigay ng patotoo na ang Griegong salita na pa·rou·siʹa ay nangangahulugang “presence” (“pagkanaririto”). Sa pagsusuri sa pagkagamit ng Bibliya sa salitang iyan, ipinaliwanag ni Russell sa pulyetong ito na: “Ang Griegong salita na malimit gamitin sa pagtukoy sa ikalawang pagdating​—Parousia, madalas na isaling pagparito​—ay laging tumutukoy sa personal na pagkanaririto, na pumarito na, dumating na at hindi kailanman nangangahulugang darating pa lamang, gaya ng paggamit natin ng salitang pagparito.”

Nang talakayin ang layunin ng pagkanaririto ni Kristo, niliwanag ni Russell na ito’y hindi isang bagay na isasagawa sa pamamagitan ng minsanang pagyanig sa sanlibutan. “Ang ikalawang pagkanaririto, gaya ng nauna,” isinulat niya, “ay sumasaklaw sa isang yugto ng panahon, at hindi sa isang minsanang pangyayari.” Sa panahong iyan, isinulat niya, ibibigay sa “munting kawan” ang kanilang gantimpala kasama ng Panginoon bilang magkasamang tagapagmana sa kaniyang Kaharian; ang iba, marahil bilyun-bilyon, ay bibigyan ng pagkakataon para sa isang sakdal na buhay sa lupa na isinauli sa Edenikong kagandahan.​—Luc. 12:32.

Sa loob lamang ng ilang taon, batay sa higit pang pag-aaral ng Kasulatan, naunawaan ni Russell na si Kristo ay hindi lamang babalik nang di-nakikita kundi mananatili ring di-nakikita, kahit kapag inihahayag ang kaniyang pagkanaririto sa pamamagitan ng paghatol sa masasama.

Noong 1876, nang unang mabasa ni Russell ang isang sipi ng Herald of the Morning, napag-alaman niya na may isa pang grupo na noo’y naniwala na ang pagbabalik ni Kristo ay di-nakikita at iniugnay ang pagbabalik na iyan sa mga pagpapalang ilalaan sa lahat ng pamilya sa lupa. Dahil kay Mr. Barbour, patnugot ng publikasyong iyan, napasang-ayon si Russell na ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo ay nagsimula na noong 1874. i Nang dakong huli ay itinuon ang pansin dito ng subtitulong “Herald of Christ’s Presence,” na lumabas sa pabalat ng Zion’s Watch Tower.

Ang pagkilala sa pagkanaririto ni Kristo bilang hindi nakikita ay naging mahalagang pundasyon na mula roon ang pagkaunawa sa maraming hula sa Bibliya ay itatayo. Yaong sinaunang mga Estudyante ng Bibliya ay nakaunawa na ang pagkanaririto ng Panginoon ay dapat na maging siyang pangunahing interes ng lahat ng tunay na mga Kristiyano. (Mar. 13:33-37) Sila’y totoong interesado sa pagbabalik ng Panginoon at alisto sa bagay na sila’y may pananagutang ibalita iyon, subalit hindi pa nila gaanong nauunawaan ang lahat ng mga detalye. Gayunman, ang kanilang naunawaan sa tulong ng espiritu ng Diyos sa napakaagang panahong ito ay tunay na kapansin-pansin. Ang isa sa mga katotohanang ito ay may kinalaman sa isang napakahalagang petsa na itinakda ng hula ng Bibliya.

Katapusan ng Panahon ng mga Gentil

Noon pa man ay interesadung-interesado na ang mga estudyante ng Bibliya sa kronolohiya ng Bibliya. Ang mga komentarista ay nagsimulang magbigay ng iba’t ibang palagay sa hula ni Jesus tungkol sa “panahon ng mga Gentil” at sa ulat ng propetang si Daniel sa panaginip ni Nabucodonosor hinggil sa tuod ng punungkahoy na tinalian sa loob ng “pitong panahon.”​—Luc. 21:24, KJ; Dan. 4:10-17.

Sing-aga ng 1823, si John A. Brown, na ang akda ay inilathala sa London, Inglatera, ay tumantiya na ang “pitong panahon” ng Daniel kabanata 4 ay 2,520 taon ang haba. Subalit hindi niya lubusang mapagwari ang petsa kung kailan nagsimula ang inihulang yugto ng panahon o kung kailan ito magwawakas. Gayunman ay iniugnay niya ang “pitong panahong” ito sa Panahon ng mga Gentil ng Lucas 21:24. Noong 1884, si E. B. Elliott, isang Britanong klero, ay nagtuon ng pansin sa 1914 bilang posibleng petsa ng katapusan ng “pitong panahon” ng Daniel, subalit nagbigay rin siya ng isa pang palagay na tumukoy naman sa panahon ng Rebolusyon sa Pransya. Gayundin ang ginawa ni Robert Seeley ng London noong 1849. Pagsapit ng 1870, isang publikasyon na pinatnugutan ni Joseph Seiss at ng mga kasama niya at inilimbag sa Philadelphia, Pennsylvania, ay nagbigay ng mga kalkulasyon na tumukoy sa 1914 bilang isang mahalagang petsa, bagaman ang pangangatuwiran na nilalaman niyaon ay batay sa kronolohiya na nang dakong huli ay tinanggihan ni C. T. Russell.

Pagkatapos, sa mga isyu ng Herald of the Morning ng Agosto, Setyembre, at Oktubre 1875, tumulong si N. H. Barbour na pagtugmain ang mga detalye na ipinaliwanag na ng iba. Sa paggamit ng kronolohiya na tinipon ni Christopher Bowen, isang klero sa Inglatera, at inilathala ni E. B. Elliott, sinabi ni Barbour na ang simula ng Panahon ng mga Gentil ay ang panahon nang alisin sa paghahari si Haring Zedekias gaya ng inihula sa Ezekiel 21:25, 26, at siya’y tumukoy sa 1914 bilang tanda ng katapusan ng Panahon ng mga Gentil.

Maaga noong 1876, tumanggap si C. T. Russell ng isang sipi ng Herald of the Morning. Agad siyang sumulat kay Barbour at pagkatapos ay gumugol ng panahon kasama niya sa Philadelphia noong tag-araw, na pinag-uusapan, bukod pa sa ibang mga bagay, ang inihulang mga panahon. Di-nagtagal pagkaraan, sa isang artikulong pinamagatang “Panahon ng mga Gentil: Kailan Magwawakas ang mga Ito?”, nangatuwiran din si Russell tungkol dito mula sa Kasulatan at sinabing ang katibayan ay nagpapakita na “ang pitong panahon ay matatapos sa A.D. 1914.” Ang artikulong ito ay inimprenta sa isyu ng Oktubre 1876 ng Bible Examiner. j Ang aklat na Three Worlds, and the Harvest of This World, na inilathala noong 1877 ni N. H. Barbour sa pakikipagtulungan ni C. T. Russell, ay tumukoy sa gayunding konklusyon. Mula noon, ang naunang mga isyu ng Watch Tower, gaya ng may petsang Disyembre 1879 at Hulyo 1880, ay nagtuon ng pansin sa 1914 C.E. bilang isang napakahalagang taon ayon sa pangmalas ng hula ng Bibliya. Noong 1889 ang buong ikaapat na kabanata ng Tomo II ng Millennial Dawn (nang maglaon ay tinawag na Studies in the Scriptures) ay iniukol sa pagtalakay ng “Ang Panahon ng mga Gentil.” Ngunit mangangahulugan ng ano ang katapusan ng Panahon ng mga Gentil?

Hindi tiyak ng mga Estudyante ng Bibliya kung ano ang mangyayari. Sila’y kumbinsido na hindi masusunog ang lupa at hindi wawasakin ang buhay ng tao. Sa halip, alam nila na iyo’y magtatakda ng isang mahalagang pangyayari kung tungkol sa maka-Diyos na pamamahala. Sa simula, inakala nilang sa petsang iyan magkakaroon ng lubusan, panlahatang pamamahala ang Kaharian ng Diyos. Bagaman hindi nangyari iyon, nanatili pa rin ang kanilang pagtitiwala sa mga hula ng Bibliya na nagtakda sa petsang iyan. Ipinagpalagay nila na, sa halip, ang petsa ay nagtanda lamang ng pagpapasimula ng pamamahala ng Kaharian.

Gayundin, inakala rin nila sa pasimula na ang mga kaguluhan sa daigdig na hahantong sa anarkiya (na ang pagkaunawa nila ay may kaugnayan sa digmaan ng “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”) ay mauuna sa petsang iyan. (Apoc. 16:14) Subalit, sampung taon bago ang 1914, ang Watch Tower ay nagpahiwatig na ang pambuong-daigdig na kaguluhan na magbubunga ng pagwasak sa mga institusyon ng tao ay magaganap kaagad pagkatapos ng kawakasan ng Panahon ng mga Gentil. Inasahan nila na ang taóng 1914 ay magbabadya ng isang malaking pagbabago para sa Jerusalem, yamang ang hula ay nagsabi na ‘yuyurakan ang Jerusalem’ hanggang sa matupad ang Panahon ng mga Gentil. Nang makita nilang malapit na ang 1914 at hindi pa sila namamatay bilang mga tao at hindi pa ‘inaagaw sa mga alapaap’ upang salubungin ang Panginoon​—katugma ng naunang mga inaasahan​—may kataimtiman silang umasa na ang kanilang pagbabago ay maaaring maganap sa katapusan ng Panahon ng mga Gentil.​—1 Tes. 4:17.

Lumilipas ang mga taon at habang sinusuri nila at sinusuri pang muli ang mga Kasulatan, ang kanilang pananampalataya sa mga hula ay nanatiling matibay, at sila’y hindi tumigil sa pagsasabi ng kanilang inaasahang magaganap. Bagaman hindi laging nagtatagumpay, sila’y nagsikap na iwasan ang pagiging dogmatiko kung tungkol sa mga detalye na hindi tuwirang tinutukoy sa Kasulatan.

Agad Bang Tumunog ang “Alarmang Orasan”?

Malaking kaguluhan nga ang biglang yumanig sa daigdig noong 1914 dahil sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I, na sa maraming taon ay tinawag lamang na ang Dakilang Digmaan, subalit hindi agad ito umakay sa pagbagsak ng lahat ng umiiral na pamamahala ng tao. Habang nagpapatuloy ang mga pangyayari may kaugnayan sa Palestina pagkaraan ng 1914, inakala ng mga Estudyante ng Bibliya na nakita nila ang katibayan ng malalaking pagbabago para sa Israel. Ngunit dumaan ang mga buwan at pagkatapos ay mga taon, at hindi pa rin tinatanggap ng mga Estudyante ng Bibliya ang kanilang makalangit na gantimpala tulad ng inaasahan nila. Papaano sila naapektuhan nito?

Ang The Watch Tower ng Pebrero 1, 1916, ay partikular na nagbigay-pansin sa Oktubre 1, 1914, at pagkatapos ay nagsabi: “Ito ang huling bahagi ng panahon na ipinaliwanag sa atin ng kronolohiya ng Bibliya may kaugnayan sa mga naging karanasan ng Iglesya. Sinabi ba ng Panginoon na tayo’y dadalhin [sa langit] doon? Hindi. Ano ang Kaniyang sinabi? Ang kaniyang Salita at ang mga katuparan ng hula ay waring walang pasubaling tumutukoy sa petsang ito bilang tanda ng katapusan ng Panahon ng mga Gentil. Hinihinuha natin mula rito na ang ‘pagbabago’ ng Iglesya ay magaganap noon o bago ang petsang iyan. Subalit hindi sinabi sa atin ng Diyos na gayon nga. Pinahintulutan niya tayo na manghinuha; at naniniwala tayo na ito’y nagsilbing isang kinakailangang pagsubok sa mahal na mga banal ng Diyos saanman.” Subalit ang mga pangyayari bang ito ay nagpatunay na nawalan na ng kabuluhan ang kanilang maluwalhating pag-asa? Hindi. Nangangahulugan lamang iyon na hindi lahat ay magaganap sa panahon na kanilang inaasahan.

Maraming taon bago ang 1914, isinulat ni Russell: “Ang kronolohiya (hula tungkol sa mga panahon sa panlahatan) ay maliwanag na hindi inilaan upang bigyan ang bayan ng Diyos ng wastong kronolohikal na impormasyon sa nalakarang mga siglo. Maliwanag na ito’y inilaan upang magsilbing alarmang orasan para gisingin at pasiglahin ang bayan ng Panginoon sa tamang panahon. . . . Subalit, ipagpalagay natin na lumipas ang Oktubre, 1914, at wala namang naganap na kapansin-pansing pagbagsak ng kapangyarihan ng Gentil. Ano ang patutunayan o pabubulaanan nito? Hindi nito pabubulaanan ang anumang bahagi ng Banal na Plano ng mga Panahon. Ang halagang pantubos na ibinayad sa Kalbaryo ay nananatili pa ring garantiya ng pangwakas na katuparan ng dakilang Banal na Programa para sa pagsasauli ng tao. Ang ‘makalangit na pagtawag’ sa Iglesya upang magdusang kasama ng Manunubos at upang luwalhatiing kasama niya bilang kaniyang mga miyembro o kaniyang Nobya ay gayon pa rin. . . . Ang tanging bagay na naapektuhan ng kronolohiya ay ang panahon para sa katuparan ng maluwalhating mga pag-asang ito para sa Iglesya at para sa sanlibutan. . . . At kung ang petsang iyan ay lumampas katunayan lamang iyon na ang ating kronolohiya, ang ating ‘alarmang orasan,’ ay bahagyang nauna sa pagtunog bago ang takdang oras. Ituturing ba nating isang malaking kasakunaan kung gisingin tayo ng ating alarmang orasan nang mas maaga nang kaunti sa kinabukasan upang magtamasa ng maaliwalas na araw na puspos ng kagalakan at kaluguran? Tiyak na hindi!”

Subalit ang “alarmang orasang” iyon ay hindi naman talagang tumunog nang masyadong maaga. Ang totoo, ang mga karanasan na doo’y ginising sila ng “orasan” ay hindi siyang talagang inaasahan nila.

Ilang taon pagkaraan, nang ang ilaw ay mas lumiwanag, inamin nila: “Marami sa mga mahal na banal ang nag-akala na ang lahat ng gawain ay natapos na. . . . Sila’y nagalak dahilan sa maliwanag na katibayan na ang sanlibutan ay nagwakas na, na ang kaharian ng langit ay malapit na, at na ang araw ng kanilang katubusan ay napipinto na. Subalit nakaligtaan nila ang isang bagay na kailangang isagawa. Ang mabuting balita na kanilang tinanggap ay dapat na sabihin sa iba; sapagkat iniutos ni Jesus: ‘Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa: at kung magkagayon ay darating ang wakas.’ (Mateo 24:14)”​—The Watch Tower, Mayo 1, 1925.

Nang magsimulang maganap ang mga pangyayari pagkalipas ng 1914 at ihambing ng mga Estudyante ng Bibliya ang mga ito sa inihula ng Panginoon, unti-unti nilang naunawaan na sila’y nabubuhay sa mga huling araw ng matandang sistema at na nagsimula ito noong 1914. Naunawaan din nila na noong taóng 1914 nagsimula ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo at na ito ay, hindi sa pamamagitan ng pagbabalik nang personal (bagaman di-nakikita) sa kapaligiran ng lupa, kundi sa pamamagitan ng pagtutuon niya ng pansin sa lupa bilang nagpupunong Hari. Nakita nila at tinanggap ang kanilang mahalagang pananagutan na ihayag “ang mabuting balitang ito ng kaharian” bilang patotoo sa lahat ng bansa sa maselan na panahong ito ng kasaysayan ng tao.​—Mat. 24:3-14.

Ano ang tiyak na mensahe tungkol sa Kaharian na dapat nilang ipangaral? Ito ba’y may pagkakaiba sa mensahe ng mga Kristiyano noong unang siglo?

Kaharian ng Diyos, ang Tanging Pag-asa ng Sangkatauhan

Bunga ng maingat na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang mga Estudyante ng Bibliya na kaugnay kay Brother Russell ay nakaunawa na ang Kaharian ng Diyos ay ang pamahalaan na ipinangako ni Jehova na itatatag sa pamamagitan ng kaniyang Anak upang pagpalain ang sangkatauhan. Sa langit, si Jesu-Kristo ay sasamahan ng isang “munting kawan” bilang mga tagapamahala na pinili ng Diyos mula sa sangkatauhan. Naunawaan nila na ang pamahalaang ito ay kakatawanin ng tapat na mga sinaunang tao na maglilingkod bilang mga prinsipe sa buong lupa. Sila’y tinukoy bilang “sinaunang mga karapat-dapat.”​—Luc. 12:32; Dan. 7:27; Apoc. 20:6; Awit 45:16.

Matagal nang itinuturo ng Sangkakristiyanuhan na ‘ang banal na karapatan ng mga hari,’ ang siyang paraan upang sakupin ang mga tao. Subalit naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya ito mula sa Kasulatan na ang kinabukasan ng mga pamahalaan ng tao ay hindi tinitiyak ng anumang maka-Diyos na garantiya. Kasuwato ng kanilang natututuhan, ang Watch Tower ng Disyembre 1881 ay nagsabi: “Ang pagtatatag ng kahariang ito, sabihin pa, ay mangangailangan ng pagbagsak ng lahat ng kaharian sa lupa, yamang silang lahat—kahit ang pinakamagaling sa kanila​—ay itinatag sa walang-katarungan at di-pantay na mga karapatan at sa paniniil ng marami at pagtatangi ng kakaunti​—gaya ng mababasa natin: ‘Pagpuputul-putulin at lilipulin nito ang lahat ng kahariang ito at yao’y lalagi magpakailanman.’”​—Dan. 2:44.

Kung papaano pagpuputul-putulin ang mapaniil na mga kahariang ito, marami pang dapat na matutuhan ang mga Estudyante ng Bibliya. Hindi pa nila nauunawaang mabuti kung papaano lalaganap sa buong sangkatauhan ang mga pakinabang ng Kaharian ng Diyos. Subalit nakilala na nila na ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang di-tiyak na damdaming nasa kanilang puso o isang pamamahala ng isang relihiyosong herarkiya na gumagamit sa sekular na Estado bilang ahensiya nito.

Noong 1914, ang tapat na mga lingkod ng Diyos bago ang Kristiyanismo ay hindi pa binubuhay-muli sa lupa bilang mga prinsipeng kinatawan ng Mesiyanikong Hari, gaya ng inakala, ni ang mga nalabi ng “munting kawan” ay sumama na kay Kristo sa makalangit na Kaharian noong taóng iyon. Gayunman, ang The Watch Tower ng Pebrero 15, 1915, ay may tiwalang nagsabi na ang 1914 ay ang takdang panahon “para sa ating Panginoon na hawakan ang Kaniyang dakilang kapangyarihan at mamahala,” sa gayo’y tinatapos ang libu-libong taóng patuloy na pangingibabaw ng mga Gentil. Sa isyu nito ng Hulyo 1, 1920, muling pinagtibay ng The Watch Tower ang posisyong iyan at iniugnay iyon sa mabuting balita na inihula ni Jesus na ipahahayag sa buong lupa bago ang kawakasan. (Mat. 24:14) Noong 1922, sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, ang pagkaunawang ito ay muling binanggit sa isang panlahatang resolusyon, at hinimok ni Brother Rutherford ang mga kombensiyonista: “Ilathala, ilathala, ilathala, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”

Gayunman, nang panahong iyon nadama ng mga Estudyante ng Bibliya na ang pagtatayo ng Kaharian, ang lubusang pagtatatag nito sa langit, ay hindi magaganap hanggang sa luwalhatiin ang pinakahuling miyembro ng nobya ni Kristo. Sa gayon, parang nabuksan ang isang bagong kabanata noong 1925, nang itampok ng The Watch Tower ng Marso 1 ang artikulong “Pagsilang ng Bansa.” Iniharap nito ang isang nakapagpapamulat na pag-aaral ng Apocalipsis kabanata 12. Ang artikulo ay nagharap ng katibayan na ang Mesiyanikong Kaharian ay ipinanganak na​—natatag na​—noong 1914, na nagsimula na noong maghari si Kristo sa kaniyang makalangit na trono, at na pagkatapos niyaon ay inihagis si Satanas sa kapaligiran ng lupa mula sa langit. Ito ang mabuting balita na dapat ipahayag, ang balita na nagpupunò na ang Kaharian ng Diyos. Gayon na lamang napasigla ng maliwanag na kaunawaang ito ang mga tagapaghayag ng Kahariang ito na mangaral sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa!

Sa bawat angkop na pamamaraan, nagpatotoo ang bayan ni Jehova na tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapagdadala ng namamalaging ginhawa at makalulutas ng mabibigat na problema na nagpapahirap sa sangkatauhan. Noong 1931 ang mensaheng ito ay itinampok ni J. F. Rutherford sa isang pagsasahimpapawid sa radyo sa pinakamalawak na pandaigdig na network na noon lamang naganap. Ang paksa ng pagsasahimpapawid na iyan ay inilathala rin sa maraming wika sa buklet na The Kingdom, the Hope of the World​—at milyun-milyong sipi ang naipamahagi sa loob lamang ng ilang buwan. Karagdagan pa sa malawak na pamamahagi sa madla, isang pantanging pagsisikap ang ginawa upang maipasakamay ang mga sipi sa mga pulitiko, prominenteng mga negosyante, at sa klero.

Bukod sa iba pang mga bagay, sinabi ng buklet na iyon: “Ang kasalukuyang di-matuwid na mga pamahalaan ng daigdig ay walang maiaalok na anumang pag-asa sa mga tao. Ang kahatulan ng Diyos laban sa kanila ay nagpapahayag na sila’y dapat malipol. Kung gayon, ang pag-asa ng sanlibutan at siyang tanging pag-asa, ay ang matuwid na kaharian o pamahalaan ng Diyos kasama ni Kristo Jesus bilang di-nakikitang Tagapamahala.” Naunawaan nila na ang Kahariang iyan ay magdadala ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan. Sa ilalim ng pamamahala niyaon ang lupa ay magiging isang tunay na paraiso, at ang sakit at kamatayan ay mawawala na.​—Apoc. 21:4, 5.

Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay patuloy na naging pangunahing paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Mula noong isyu ng Marso 1, 1939, ang kanilang pangunahing magasin, na ngayo’y inilalathala sa mahigit na 110 wika, ay nagtataglay na ng pamagat na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.

Subalit bago gawing paraiso ang lupa ng pamamahala ng Kaharian, magwawakas muna ang kasalukuyang masamang sistema. Papaano maisasagawa iyan?

Ang Digmaan ng Dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat

Ang pandaigdig na digmaan na nagsimula noong 1914 ay halos tumapos sa umiiral na sistema ng mga bagay. Sa pasimula waring ang mga pangyayari ay nagaganap ayon sa inaasahan ng mga Estudyante ng Bibliya.

Noong Agosto ng 1880, isinulat ni Brother Russell: “Maliwanag sa amin na bago ibalik sa dating kalagayan ang pamilya ng tao o kahit bago ito simulang pagpalain, ang kasalukuyang mga kaharian ng lupa na ngayo’y sumasakop at naniniil sa sangkatauhan ay ibabagsak na munang lahat at na ang kaharian ng Diyos ang papalit na mamamahala at na ang pagpapala at pagsasauli ay isasagawa sa pamamagitan ng bagong kaharian.” Papaano isasagawa ang ‘pagbabagsak sa mga kaharian’? Batay sa mga kalagayang nakikita niya noon na umiiral sa daigdig, naniwala si Russell na sa panahon ng digmaan ng Armagedon, gagamitin ng Diyos ang magkakalabang pangkat ng sangkatauhan upang ibagsak ang umiiral na mga institusyon. Sinabi niya: “Ang gawain na pag-aalis sa imperyo ng tao ay nagsisimula na. Ang kapangyarihan na magbabagsak sa kanila ay kumikilos na. Ang mga tao ay bumubuo na ng kanilang mga puwersa sa ilalim ng pangalan ng Komunista, Sosyalista, Nihilista, atbp.”

Ang aklat na The Day of Vengeance (nang maglao’y tinawag na The Battle of Armageddon), inilathala noong 1897, ay nagdagdag ng pagkakaunawa rito ng mga Estudyante ng Bibliya na nagsasabi: “Ang Panginoon, sa pamamagitan ng kaniyang dakilang kapangyarihan, ay mangangasiwa sa malaking hukbong ito ng mga di-nasisiyahan​—mga makabayan, mga repormista, mga sosyalista, mga moralista, mga anarkista, mga walang alam at mga walang pag-asa​—at gagamitin ang kanilang mga inaasahan, kinatatakutan, kahangalan, at kasakiman, ayon sa kaniyang banal na karunungan, upang matupad ang kaniyang sariling dakilang mga layunin sa pagbabagsak ng kasalukuyang mga institusyon, at sa paghahanda ng tao para sa Kaharian ng Katuwiran.” Kung gayon ay naniwala sila na ang digmaan ng Armagedon ay may kinalaman sa malupit na rebolusyong pansosyal.

Subalit ang Armagedon ba ay basta paghahamok lamang sa pagitan ng mga magkakalabang pangkat ng sangkatauhan, isang pansosyal na rebolusyon na ginamit ng Diyos upang ibagsak ang umiiral na mga institusyon? Habang higit pang atensiyon ang ibinibigay sa mga kasulatan na may kinalaman sa bagay na ito, ang The Watch Tower ng Hulyo 15, 1925, ay nagbigay-pansin sa Zacarias 14:1-3 at sinabi: “Mula rito ay mauunawaan natin na lahat ng mga bansa sa lupa, sa ilalim ng pag-akay ni Satanas, ay titipunin upang makipagdigma laban sa uring Jerusalem, alalaong baga’y, yaong pumapanig sa Panginoon . . . Apocalipsis 16:14, 16.”

Nang sumunod na taon, sa aklat na Deliverance, itinuon ang pansin sa tunay na layunin ng digmaang ito, na nagsasabi: “Ngayon si Jehova, ayon sa kaniyang Salita, ay buong linaw at walang pasubaling magpapamalas ng kaniyang kapangyarihan anupat makikilala ng mga tao ang kanilang di-maka-Diyos na hakbangin at mauunawaang si Jehova ang Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasapit ng Diyos ang malaking baha, giniba ang Tore ng Babel, niwasak ang hukbo ni Sennacherib ang haring Asiryano, at nilunod ang mga Ehipsiyo; at iyan din ang dahilan kung bakit ngayon ay muli siyang magpapasapit ng isa pang malaking kaligaligan sa sanlibutan. Ang nakaraang mga kasakunaan ay wala kundi anino lamang ng isang darating. Ang pagtitipon ay sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Iyon ang ‘dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon’ (Joel 2:31), kapag ang Diyos ay gumawa para sa kaniyang sarili ng isang pangalan. Sa dakila at katapusang labanang ito makikilala ng mga bayan ng bawat bansa, angkan at wika na si Jehova ang makapangyarihan sa lahat, marunong sa lahat at makatarungang Diyos.” Subalit ang mga lingkod ng Diyos sa lupa ay binabalaan: “Sa dakilang digmaang ito walang Kristiyano ang magbubuhat ng kanilang kamay. Ang dahilan kung bakit ay sapagkat sinabi ni Jehova: ‘Ang pakikipagbaka ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.’” Ang digmaang tinatalakay rito ay tiyak na hindi yaong pinaglalabanan sa gitna ng mga bansa, na nagsimula noong 1914. Iyon ay darating pa lamang sa hinaharap.

May iba pang mga katanungan na kailangang lutasin batay sa mga Kasulatan. Ang isa rito ay may kinalaman sa pagkakakilanlan ng Jerusalem na yuyurakan hanggang sa katapusan ng Panahon ng mga Gentil, gaya ng pagkasabi sa Lucas 21:24; at kaugnay rito ay ang pagkakakilanlan ng Israel na tinukoy sa maraming hula hinggil sa pagsasauli sa dating kalagayan.

Ibabalik Bang Muli ng Diyos ang mga Judio sa Palestina?

Alam na alam ng mga Estudyante ng Bibliya ang maraming hula ng pagsasauli na inihatid ng mga propeta ng Diyos sa sinaunang Israel. (Jer. 30:18; 31:8-10; Amos 9:14, 15; Roma 11:25, 26) Bago sumapit ang 1932, inisip nila na ito’y kumakapit lalo na sa likas na mga Judio. Kaya, naniwala sila na ang Diyos ay muling magpapakita ng pabor sa Israel, na unti-unting ibabalik ang mga Judio sa Palestina, habang nabubuksan ang kanilang mga mata sa katotohanan tungkol kay Jesus bilang Manunubos at Mesiyanikong Hari, at gagamitin sila bilang isang ahensiya sa pagpapaabot ng mga pagpapala sa lahat ng bansa. Taglay ang pagkaunawang ito, nagpahayag si Brother Russell sa maraming tagapakinig na Judio sa New York gayundin sa Europa sa paksang “Ang Sionismo Ayon sa Hula,” at isinulat ni Brother Rutherford, noong 1925, ang aklat na Comfort for the Jews.

Subalit unti-unting naging maliwanag na ang nagaganap sa Palestina may kinalaman sa mga Judio ay hindi ang katuparan ng dakilang mga hula ni Jehova hinggil sa pagsasauli. Nawasak ang unang-siglong Jerusalem sapagkat tinanggihan ng mga Judio ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang isa na isinugo sa pangalan ni Jehova. (Dan. 9:25-27; Mat. 23:38, 39) Lalong nagiging maliwanag na bilang isang bayan hindi nagbago ang kanilang saloobin. Walang pagsisisi sa nagawang kamalian ng kanilang mga ninuno. Ang pagbabalik ng ilan sa Palestina ay hindi udyok ng pag-ibig sa Diyos o pagnanais na dakilain ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng katuparan ng kaniyang Salita. Ito’y malinaw na ipinaliwanag sa ikalawang tomo ng Vindication, na inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society noong 1932. k Ang kawastuan ng paniniwalang ito ay napatunayan noong 1949, nang ang Estado ng Israel, na noon ay kabubuo lamang bilang isang bansa at bilang isang tahanan para sa mga Judio, ay maging miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa, sa gayo’y nagpapakita na ang pagtitiwala nito ay hindi nakaukol kay Jehova kundi sa makapulitikang mga bansa ng sanlibutan.

Ang nagaganap bilang katuparan ng mga hulang iyon ng pagsasauli ay nagpapahiwatig ng ibang konklusyon. Nagsimulang maunawaan ng mga lingkod ni Jehova na iyon ay espirituwal na Israel, “ang Israel ng Diyos,” na binubuo ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na siyang nagtatamasa ng kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang katuparan ng layunin ng Diyos. (Gal. 6:16) Ngayon ang kanilang mga mata ay nabuksan upang makita sa pakikitungo ng Diyos sa tunay na mga Kristiyanong ito ang kahanga-hangang espirituwal na katuparan ng mga pangakong iyon ng pagsasauli. Nang maglaon ay natalos din nila na ang Jerusalem na dinakila sa katapusan ng Panahon ng mga Gentil ay hindi lamang isang makalupang lunsod, o maging isang bayan sa lupa na kinakatawan ng lunsod na iyan, kundi, sa halip, ang “makalangit na Jerusalem,” na pinagluklukan ni Jehova sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, taglay ang awtoridad na mamahala noong 1914.​—Heb. 12:22.

Sa liwanag ng mga bagay na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nasa mas mabuting katayuan na tuparin ang atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian “sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” nang walang pagtatangi sa alinmang grupo.​—Mat. 24:14.

Sino ang dapat papurihan dahil sa mga paliwanag na ito ng Bibliya na lumabas sa mga publikasyon ng Watch Tower?

Ang Paraan ng Pagtuturo sa mga Lingkod ni Jehova

Inihula ni Jesu-Kristo na pagbalik niya sa langit, ibubuhos niya ang banal na espiritu sa kaniyang mga alagad. Ito’y magsisilbing isang katulong, na pumapatnubay sa kanila “sa buong katotohanan.” (Juan 14:26; 16:7, 13) Sinabi rin ni Jesus na bilang Panginoon o Punò ng tunay na mga Kristiyano, siya’y magkakaroon ng isang “tapat at maingat na alipin,” isang “tapat na katiwala,” na maglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa mga kasambahay, ang mga manggagawa sa sambahayan ng pananampalataya. (Mat. 24:45-47; Luc. 12:42) Sino ang tapat at maingat na aliping ito?

Ang kauna-unahang isyu ng Watch Tower ay tumukoy sa Mateo 24:45-47 nang banggitin nito na ang layunin ng mga tagapaglathala ng magasing iyan ay upang maging alisto sa mga pangyayari may kaugnayan sa pagkanaririto ng Kristo at upang magbigay ng espirituwal na “pagkain sa takdang panahon” sa sambahayan ng pananampalataya. Subalit ang patnugot ng magasin ay hindi nag-aangkin na siya ang tapat at maingat na alipin, o ang “tapat at matalinong lingkod” (sang-ayon sa pagkasalin ng King James Version).

Kaya nga, sa isyu ng Oktubre-Nobyembre 1881 ng magasin, binanggit ni C. T. Russell: “Kami’y naniniwala na bawat miyembro ng katawang ito ni Kristo ay nakikibahagi sa pinagpalang gawain, tuwiran man o di-tuwiran, ng pagpapakain sa takdang panahon sa sambahayan ng pananampalataya. ‘Sino kung gayon ang tapat at matalinong lingkod na iyan na ginawang tagapamahala ng Panginoon sa kaniyang sambahayan.’ upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? Hindi ba ito ang ‘munting kawan’ ng nakatalagang mga lingkod na may katapatang nagsasagawa ng kanilang panata sa pagtatalaga​—ang katawan ni Kristo—​at hindi ba ang buong katawan maging isahan o sa kabuuan, ay nagbibigay ng pagkain sa takdang [p]anahon sa sambahayan ng pananampalataya​—ang dakilang samahan ng mga mananampalataya? Pagpapalain ang aliping iyon (ang buong katawan ni Kristo) kung pagdating (Gr. elthon) ng kaniyang Panginoon ay maratnan siyang gayon ang ginagawa. ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kaniyang hihirangin siyang tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian.’”

Gayunman, pagkaraan ng mahigit na isang dekada, inihayag ng asawa ni Brother Russell sa publiko na si Russell mismo ang tapat at matalinong lingkod. l Ang palagay na ito na kaniyang inihayag tungkol sa pagkakakilanlan ng ‘tapat na lingkod’ ay pangkaraniwang pinaniwalaan ng mga Estudyante ng Bibliya sa loob ng mga 30 taon. Hindi tinanggihan ni Brother Russell ang kanilang palagay, subalit personal na iniwasan niya ang ganiyang pagkakapit sa teksto, na nagdiriin ng kaniyang pagsalungat sa idea na may inatasang isang uring klero upang magturo ng Salita ng Diyos bilang naiiba sa isang uring lego na hindi inatasan. Ang pagkaunawa na inihayag ni Brother Russell noong 1881 na ang tapat at matalinong lingkod ay sa katotohanan isang pangmaramihang lingkod, na binubuo ng lahat ng miyembro ng pinahiran-ng-espiritung katawan ni Kristo sa lupa, ay muling pinagtibay sa The Watch Tower ng Pebrero 15, 1927.​—Ihambing ang Isaias 43:10.

Papaano kinilala ni Brother Russell ang kaniyang sariling katayuan? Inangkin ba niya na siya’y may pantanging kapahayagan mula sa Diyos? Sa Watch Tower ng Hulyo 15, 1906 (pahina 229), may pagpapakumbabang sumagot si Russell: “Hindi, mahal kong mga kaibigan, wala akong inaangking anumang kahigitan, ni makahimalang kapangyarihan, dignidad o awtoridad; ni may hangad akong dakilain ang aking sarili sa paningin ng aking mga kapatid sa sambahayan ng pananampalataya, maliban sa diwa na ibinigay ng Panginoon, na nagsasabi: ‘Hayaang sinuman na ibig mauna ay maging alipin ninyo.’ (Mat. 20:27.) . . . Ang mga katotohanan na aking iniharap, bilang tagapagsalita ng Diyos, ay hindi ibinunyag sa mga pangitain o mga panaginip, ni sa pamamagitan ng tinig ng Diyos, ni hindi biglaan, kundi unti-unti . . . Ni ang maliwanag na pagsisiwalat na ito ng katotohanan ay dahilan sa anumang katalinuhan ng tao o katalasan ng pang-unawa, kundi sa simpleng bagay na dumating na ang takdang panahon ng Diyos; at kung hindi ako magsalita, at walang matagpuang iba pang kinatawan, ang mga bato mismo ang magsasalita.”

Ang mga mambabasa ng Watch Tower ay hinimok na tumingin kay Jehova bilang kanilang Dakilang Instruktor, gaya rin sa lahat ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. (Isa. 30:20) Ito’y mahigpit na idiniin sa Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1931 (sa Ingles), sa artikulong “Tinuruan ng Diyos,” na nagsasabi: “Kinikilala ng Ang Bantayan na ang katotohanan ay pag-aari ni Jehova, at hindi ng sino pa mang nilalang. Ang Bantayan ay hindi instrumento ng sinumang tao o grupo ng mga tao, ni ito’y napalathala ayon lamang sa mga kapritso ng mga tao. . . . Ang Diyos na Jehova ang pinakadakilang Guro ng kaniyang mga anak. Sabihin pa, ang paglalathala ng mga katotohanang ito ay gawa ng di-sakdal na mga tao, at dahil dito ang mga ito’y hindi lubusang walang maipipintas; ngunit ang mga ito’y inihaharap sa paraang nagpapaaninag ng katotohanan ng Diyos na kaniyang itinuturo sa kaniyang mga anak.”

Noong unang siglo, kapag bumangon ang mga katanungan tungkol sa doktrina o patakaran, ang mga ito’y isinasangguni sa sentral na lupong tagapamahala na binubuo ng maygulang sa espirituwal na mga lalaki. Ang mga kapasiyahan ay nabubuo pagkatapos na isaalang-alang ang sinabi ng kinasihang Kasulatan gayundin ang katibayan ng gawain na kaayon ng mga Kasulatang iyon at na sumusulong bilang resulta ng pagkilos ng banal na espiritu. Ang mga kapasiyahan ay isinusulat sa mga kongregasyon. (Gawa 15:1–​16:5) Ang gayunding pamamaraan ay ginagawa sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.

Ang espirituwal na mga instruksiyon ay inilalaan sa pamamagitan ng mga artikulo ng magasin, mga aklat, mga programa sa kombensiyon, at mga balangkas ng mga pahayag sa kongregasyon​—na pawang inihahanda sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala ng tapat at maingat na alipin. Ang mga nilalaman ng mga ito ay nagpapakita na ang inihula ni Jesus ay totoo sa ngayon​—na tunay na mayroon nga siyang isang tapat at maingat na uring alipin na buong katapatang nagtuturo ng ‘lahat ng mga bagay na kaniyang iniutos’; na ang kinatawang ito ay “nagbabantay,” alisto sa mga pangyayari bilang katuparan ng hula sa Bibliya at lalo na may kinalaman sa pagkanaririto ni Kristo; na ito’y tumutulong sa mga taong may takot sa Diyos na maunawaan kung ano ang nasasangkot sa ‘pagtupad’ sa mga bagay na iniutos ni Jesus at sa gayo’y nagpapatunay na sila nga’y kaniyang mga alagad.​—Mat. 24:42; 28:20; Juan 8:31, 32.

Unti-unti, sa paglipas ng mga taon, ang mga kaugalian na maaaring maging sanhi ng pag-uukol ng sobrang parangal sa mga indibiduwal may kaugnayan sa paghahanda ng espirituwal na pagkain ay inalis na. Hanggang noong kamatayan ni C. T. Russell, ang kaniyang pangalan bilang patnugot ay nakatala sa halos bawat isyu ng Watch Tower. Ang mga pangalan o mga inisyal ng ibang manunulat ay malimit na makikita sa katapusan ng mga artikulo na kanilang inihanda. Pagkatapos, simula sa isyu ng Disyembre 1, 1916, sa halip na ipakita ang pangalan ng isang tao bilang patnugot, itinala ng The Watch Tower ang mga pangalan ng komite ng patnugutan. Sa isyu ng Oktubre 15, 1931, maging ang listahang ito ay inalis, at ipinalit ang Isaias 54:13. Bilang pagsipi sa American Standard Version, ganito ang sinasabi: “At lahat mong anak ay tuturuan ni Jehova; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.” Mula noong 1942 ang naging patakaran ay na ang mga literaturang inilathala ng Watch Tower Society ay hindi tatawag ng pansin sa isang tao bilang siyang sumulat. a Sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala, ang nag-alay na mga Kristiyano sa Hilaga at Timog Amerika, Europa, Aprika, Asia, at mga kapuluan ng karagatan ay may bahagi sa paghahanda ng gayong mga materyal para gamitin ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Subalit lahat ng karangalan ay ibinibigay sa Diyos na Jehova.

Paliwanág Nang Paliwanág ang Ilaw

Gaya ng maaaninaw sa kanilang modernong-panahong kasaysayan, ang karanasan ng mga Saksi ni Jehova ay naging gaya ng inilalarawan sa Kawikaan 4:18: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanág nang paliwanág hanggang sa malubos ang araw.” Ang pagsikat ng liwanag ay sumusulong, kung papaano ang liwanag ng bukang-liwayway ay sinusundan ng sikat ng araw at ng kalubusan ng liwanag ng isang bagong araw. Kapag minamasdan ang mga bagay-bagay ayon sa limitadong taglay na liwanag, kung minsan sila’y nagkakaroon ng di-kumpleto o may kamaliang pang-unawa. Kahit na ano pang pagsisikap ang gawin nila, hindi pa rin nila maunawaan ang ilang hula maliban lamang kung ang mga ito ay nagsisimula nang matupad. Habang pinasisikat ni Jehova ang higit na liwanag sa kaniyang Salita sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ang kaniyang mga lingkod ay handang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago taglay ang kapakumbabaan.

Ang gayong pasulong na kaunawaan ay hindi lamang nangyari noong unang yugto ng kanilang modernong-panahong kasaysayan. Ito’y nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Halimbawa, noong 1962 ay nagkaroon ng pagbabago sa pang-unawa tungkol sa “matataas na kapangyarihan” ng Roma 13:1-7.

Sa loob ng maraming taon itinuro ng mga Estudyante ng Bibliya na ang “mas matataas na kapangyarihan” (KJ) ay ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Bakit? Sa The Watch Tower ng Hunyo 1 at Hunyo 15, 1929, iba’t ibang sekular na mga batas ang binanggit, at ipinakita na ang pinahihintulutan sa isang lupain ay ipinagbabawal naman sa iba. Itinawag din ang pansin sa sekular na mga batas na nag-uutos sa mga tao na gawin ang ipinagbabawal ng Diyos o na nagbabawal sa iniutos ng Diyos na gawin ng kaniyang mga lingkod. Dahilan sa kanilang matinding pagnanais na magpakita ng paggalang sa mataas na kapangyarihan ng Diyos, ipinagpalagay ng mga Estudyante ng Bibliya na ang “mas matataas na kapangyarihan” ay ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Sinusunod pa rin nila ang mga sekular na batas, subalit ang binigyang-diin ay ang pagsunod muna sa Diyos. Iyan ay isang mahalagang leksiyon, na siyang nagpatibay sa kanila nang sumunod na mga taon ng pandaigdig na kaligaligan. Subalit hindi nila lubusang naunawaan ang sinasabi ng Roma 13:1-7.

Paglipas ng ilang taon, isang maingat na pagusuring-muli ng kasulatan ang isinagawa, kasama ang konteksto nito at kahulugan nito sa liwanag ng iba pang bahagi ng Bibliya. Bilang resulta, noong 1962 ay kinilala na “ang matataas na kapangyarihan” ay ang sekular na mga pinunò, ngunit sa tulong ng New World Translation, ang prinsipyo ng may-pasubaling pagpapasakop ay maliwanag na naunawaan. b Hindi ito nangailangan ng isang malaking pagbabago sa saloobin ng mga Saksi ni Jehova sa mga pamahalaan ng sanlibutan, subalit itinuwid nito ang kanilang pagkaunawa sa isang mahalagang bahagi ng Kasulatan. Sa paggawa nito, nagkaroon ng pagkakataon na maingat na magsaalang-alang ang indibiduwal na mga Saksi kung sila’y tunay na namumuhay ayon sa kanilang mga pananagutan kapuwa sa Diyos at sa sekular na mga awtoridad. Ang malinaw na kaunawaang ito hinggil sa “matataas na awtoridad” ay nagsilbing proteksiyon sa mga Saksi ni Jehova, lalo na sa mga lupaing ang mga silakbo ng nasyonalismo at paghahangad ng higit na kalayaan ay nagbunga ng pagsiklab ng karahasan at pagbuo ng bagong mga pamahalaan.

Nang sumunod na taon, 1963, isang pinalawak na pagkaunawa sa “Babilonyang Dakila” ang iniharap. c (Apoc. 17:5) Ang pagrerepaso sa sekular at relihiyosong kasaysayan ay umakay sa konklusyon na ang impluwensiya ng sinaunang Babilonya ay tumagos hindi lamang sa Sangkakristiyanuhan kundi rin naman sa bawat bahagi ng lupa. Dahil dito natalos na ang Babilonyang Dakila ay ang pambuong-daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang pagkabatid nito ay nagpangyari sa mga Saksi ni Jehova na matulungan ang higit pang mga tao, mula sa iba’t ibang pinagmulan, na tumugon sa utos ng Bibliya: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko.”​—Apoc. 18:4.

Tunay na ang pagsisiwalat ng mga pangyayari na inihula sa buong aklat ng Apocalipsis ay naglaan ng saganang espirituwal na kaliwanagan. Noong 1917 isang pag-aaral sa Apocalipsis ang inilathala sa aklat na The Finished Mystery. Subalit “ang araw ng Panginoon,” na binanggit sa Apocalipsis 1:10, ay nagsisimula pa lamang noon; marami sa mga inihula ay hindi pa nagaganap at hindi pa gaanong nauunawaan. Gayunman, ang mga pangyayari sa pagdaan ng mga taon ay nagpasikat ng higit na liwanag sa kahulugan ng bahaging iyan ng Bibliya, at ang mga pangyayaring ito ay may malaking epekto sa napakaliwanag na pag-aaral ng Apocalipsis na inilathala noong 1930 sa dalawang tomo na pinamagatang Light. Sa dekada ng 1960 higit pang pagrerebisa ang lumabas sa mga aklat na “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules! at “Then Is Finished the Mystery of God.” Pagkaraan ng dalawang dekada isa pang masinsinang pag-aaral ang isinagawa sa bahaging iyan ng Bibliya. Ang makasagisag na pananalita ng Apocalipsis ay maingat na sinuri sa liwanag ng gayunding mga pangungusap sa ibang bahagi ng Bibliya. (1 Cor. 2:10-13) Ang mga pangyayari sa ikadalawampung siglo bilang katuparan ng mga hula ay nirepaso. Ang resulta ay inilathala noong 1988 sa nakapananabik na aklat na Apocalipsis​—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!

Noong unang mga taon ng kanilang modernong-panahong kasaysayan, nailatag na ang mga pundasyon. Maraming mahahalagang espirituwal na pagkain ang inilaan. Noong nakalipas na mga taon lalong maraming iba’t ibang uri ng materyal sa pag-aaral ng Bibliya ang inilaan upang matugunan ang pangangailangan kapuwa ng maygulang na mga Kristiyano at mga bagong estudyante mula sa maraming lugar. Ang patuloy na pag-aaral ng Kasulatan, kasabay ng katuparan ng banal na hula, sa maraming pagkakataon ay nagpangyari na maipahayag ang mga turo sa Bibliya nang mas maliwanag. Sapagkat ang kanilang pag-aaral ng Salita ng Diyos ay sumusulong, ang mga Saksi ni Jehova ay may saganang espirituwal na pagkain, kagaya ng inihula sa Kasulatan para sa mga lingkod ng Diyos. (Isa. 65:13, 14) Ang mga pagbabago ng paniniwala ay kailanman hindi ginagawa upang maging popular sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagsunod sa bumababang pamantayang moral nito. Sa kabaligtaran, ipinakikita ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova na ginagawa ang mga pagbabago sa layuning manghawakang lalong mahigpit sa Bibliya, tularang higit ang tapat na unang-siglong mga Kristiyano, at maging lalong kalugud-lugod sa Diyos.

Kaya nga, ang kanilang karanasan ay kasuwato ng panalangin ni apostol Pablo, na sumulat sa kapuwa niya mga Kristiyano: “Kami . . . ay hindi huminto ng pagdalangin alang-alang sa inyo at ng paghingi na kayo’y mapunô sana ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na kaunawaan, upang makalakad na karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya habang kayo’y patuloy na nagbubunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.”​—Col. 1:9, 10.

Ang paglagong iyan ng tumpak na kaalaman sa Diyos ay may kaugnayan din sa kanilang pangalan​—Mga Saksi ni Jehova.

[Mga talababa]

a Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, Hulyo 15, 1906, p. 229-31.

b Tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc., Tomo 2, pahina 1176.

c Halimbawa: (1) Nang sumapit ang ika-16 na siglo, ang mga kilusang laban sa Trinidad ay malakas noon sa Europa. Halimbawa, si Ferenc Dávid (1510-79), taga-Hungary, ay nakaalam at nagturo na ang aral ng Trinidad ay hindi maka-Kasulatan. Dahil sa kaniyang mga paniniwala, namatay siya sa piitan. (2) Ang Minor Reformed Church, na umunlad sa Polandya sa loob ng isandaang taon noong ika-16 at ika-17 mga siglo, ay tumanggi rin sa Trinidad, at ang mga tagapagtaguyod ng simbahang iyan ay nagpalaganap ng mga literatura sa buong Europa, hanggang sa magtagumpay ang mga Jesuita na mapalayas sila sa Polandya. (3) Si Sir Isaac Newton (1642-1727), sa Inglatera, ay tumanggi sa doktrina ng Trinidad at sumulat ng detalyadong makasaysayan at maka-Kasulatang mga dahilan kung bakit, subalit hindi niya nailathala ang mga ito noong kaniyang kapanahunan, maliwanag na dahilan sa takot sa maaaring mangyari. (4) Bukod sa iba pa sa Amerika, inilantad ni Henry Grew ang Trinidad bilang di-maka-Kasulatan. Noong 1824 masinsinan niyang tinalakay ang bagay na ito sa An Examination of the Divine Testimony Concerning the Character of the Son of God.

d Tingnan din ang Studies in the Scriptures, Serye V, pahina 41-82.

e Ang masusing mga pagtalakay ng makasaysayan at maka-Kasulatang patotoo may kinalaman sa paksang ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society sa iba’t ibang pagkakataon. Tingnan ang “The Word”​—Who Is He? According to John (1962), “Mga Bagay na Doo’y Hindi Maaaring Magsinungaling ang Diyos” (1965, sa Ingles), Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan (1985, sa Ingles), at Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad? (1989).

f Ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaluluwa ay alam ng Judiong mga iskolar gayundin ng mga nasa Sangkakristiyanuhan, subalit ito’y bihirang ituro sa kanilang mga dako ng pagsamba. Tingnan ang New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo XIII, pahina 449-50; The Eerdmans Bible Dictionary (1987), pahina 964-5; The Interpreter’s Dictionary of the Bible, pinatnugutan ni G. Buttrick (1962), Tomo 1, pahina 802; The Jewish Encyclopedia (1910), Tomo VI, pahina 564.

g Sa mas detalyadong pagtalakay sa paksa, noong 1955, ang buklet na Ano ang Sinasabi ng mga Kasulatan Hinggil sa “Buhay Pagkatapos ng Kamatayan”? (sa Ingles) ay nagpaliwanag na ang ulat ng Bibliya ay nagpapakitang aktuwal na hinimok ni Satanas si Eva na maniwalang siya’y hindi mamamatay sa laman bilang resulta ng pagwawalang-bahala sa pagbabawal ng Diyos na pagkain ng bunga mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Gen. 2:16, 17; 3:4) Dumating ang panahon, iyan ay maliwanag na napatunayang mali, ngunit mayroon pang mga lumitaw na nag-ugat sa unang pagsisinungaling na iyan. Tinanggap ng mga tao ang palagay na ang di-nakikitang bahagi ng tao ay patuloy na nabubuhay. Kasunod ng Baha ng kaarawan ni Noe, ito’y pinagtibay ng makademonyong mga kaugaliang espiritismo na nanggaling sa Babilonya.​—Isa. 47:1, 12; Deut. 18:10, 11.

h Inangkin ni Barbour na naniniwala siya sa pantubos, na si Kristo ay namatay para sa atin. Ang hindi niya matanggap ay ang idea ng “paghahalili”​—na si Kristo ay namatay bilang kahalili natin, na sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan binayaran ni Kristo ang kasalanan para sa mga supling ni Adan.

i Ito’y naimpluwensiyahan ng paniniwala na ang ikapitong milenyo ng kasaysayan ng tao ay nagsimula noong 1873 at na ang isang yugto ng panahon ng di-pagsang-ayon ng Diyos (na kasinghaba ng dating yugto ng panahon na itinuring na may pagsang-ayon) sa likas na Israel ay natapos noong 1878. Ang kronolohiya ay may depekto dahil sa pagtitiwala sa isang maling salin ng Gawa 13:20 sa King James Version, sa paniniwala na may pagkakamali sa pagkopya sa 1 Hari 6:1, at sa pagkabigong isaalang-alang ang pagkakapare-pareho ng Bibliya sa paglalagay ng petsa ng pamamahala ng mga hari ng Juda at ng Israel. Ang isang mas maliwanag na pagkaunawa sa kronolohiya ng Bibliya ay inilathala noong 1943, sa aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo,” (sa Ingles) at iyon ay pinagbuti pa noong sumunod na taon sa aklat na “The Kingdom Is at Hand,” gayundin sa sumunod pang mga publikasyon.

j Isang magasin na inilathala ni George Storrs, Brooklyn, New York.

k Noong 1978, nang hingan ng isang komento para sa pahayagan tungkol sa paniniwala ng mga Saksi ni Jehova may kinalaman sa Sionismo, ganito ang sabi ng Lupong Tagapamahala: “Naninindigan pa rin ang mga Saksi ni Jehova sa paniniwala ng Bibliya ng pagiging neutral sa lahat ng mga kilusan ng pulitika at mga gobyerno. Sila’y kumbinsido na walang kilusan ng tao ang makagagawa ng magagawa lamang ng makalangit na kaharian ng Diyos.”

l Nakalulungkot, hindi nagtagal pagkaraan nito ay iniwan niya siya dahilan sa kaniyang sariling pagnanasa sa personal na katanyagan.

a Gayunman, sa mga lupain na may batas na sapilitang humihiling nito, maaaring ipangalan sa isang lokal na kinatawan bilang siyang may pananagutan sa anumang inilathala.

b Ang Bantayan, Hulyo 1, Hulyo 15, at Agosto 1, 1963 (Nobyembre 1, Nobyembre 15, at Disyembre 1, 1962, sa Ingles).

c Ang Bantayan, Setyembre 15 at Oktubre 15, 1964 (Nobyembre 15 at Disyembre 1, 1963, sa Ingles).

[Blurb sa pahina 120]

Hayagang kinilala ni C. T. Russell ang tulong na nagmula sa iba sa panahon ng kaniyang unang mga taon ng pag-aaral sa Bibliya

[Blurb sa pahina 122]

Personal na sinuri nila ang katibayan na ang Bibliya ay tunay na Salita ng Diyos

[Blurb sa pahina 123]

Naunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya na ang katarungan ng Diyos ay katimbang ng kaniyang karunungan, pag-ibig, at kapangyarihan

[Blurb sa pahina 127]

Maliwanag na nakita ni Russell na ang impiyerno ay hindi isang dako ng pahirapan pagkamatay

[Blurb sa pahina 129]

Ang pinakamarurunong na tao ay hindi naniwala sa doktrina ng nag-aapoy na impiyerno

[Blurb sa pahina 132]

Ang matatag na paninindigan ni Russell sa pantubos ay nagkaroon ng malawakang mga epekto

[Blurb sa pahina 134]

Nauunawaan nila na ang 1914 ay maliwanag na itinakda sa hula ng Bibliya

[Blurb sa pahina 136]

Hindi lahat ay naganap sa panahon na kanilang inaasahan

[Blurb sa pahina 139]

Ang mabuting balita na dapat ipahayag: Ang Kaharian ng Diyos ay nagpupunò na!

[Blurb sa pahina 140]

Ang Armagedon ba ay isa lamang pansosyal na rebolusyon?

[Blurb sa pahina 141]

Sa wakas, noong 1932, ang tunay na “Israel ng Diyos” ay nakilala

[Blurb sa pahina 143]

“Ang tapat at maingat na alipin”​—isang tao o isang grupo?

[Blurb sa pahina 146]

Unti-unti, ang mga kaugalian na maaaring maging sanhi ng pag-uukol ng sobrang parangal sa mga indibiduwal ay inalis na

[Blurb sa pahina 148]

Ang ginagawang mga pagbabago ay may layuning manghawakang lalong mahigpit sa Salita ng Diyos

[Kahon sa pahina 124]

Pagpapakilala sa Pangalan ng Diyos

◆ Mula noong 1931, ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay ginamit upang tumukoy sa kanila na sumasamba at naglilingkod kay Jehova bilang ang tunay na Diyos.

◆ Mula noong Oktubre 15, 1931, ang pangalang Jehova ay lumitaw sa unahang pabalat ng bawat isyu ng magasing “Bantayan.”

◆ Sa panahon na ang personal na pangalan ng Diyos ay inalis mula sa halos lahat ng modernong mga salin ng Bibliya, sinimulang ilathala ng mga Saksi ni Jehova, noong 1950, ang “New World Translation,” na nagsauli sa banal na pangalan sa wastong dako nito.

◆ Karagdagan pa sa Bibliya mismo, marami pang ibang literatura ang inilathala ng Watch Tower Bible and Tract Society upang ituon ang pantanging pansin sa banal na pangalan​—halimbawa, ang mga aklat na “Jehovah” (1934), “Let Your Name Be Sanctified” (1961), at “‘The Nations Shall Know That I Am Jehovah’​—How?” (1971), gayundin ang brosyur na “Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman” (1984, sa Ingles).

[Kahon sa pahina 126]

‘Sasalungatin ba Natin si Jesus Mismo?’

Pagkatapos na ilantad ang pagiging di-maka-Kasulatan at di-makatuwiran ng doktrina ng Trinidad, nagpahayag ng makatarungang pagkagalit si C. T. Russell nang kaniyang sabihin: “Sasalungatin ba natin kung gayon ang mga Apostol at mga Propeta at si Jesus Mismo, at wawaling-bahala ang katuwiran at timbang na kaisipan, upang manghawakan sa isang turo na ipinamana sa atin mula sa madilim, mapamahiing nakaraan, ng isang nápasamáng Iglesya na apostata? Hindi! ‘Sa Kautusan at sa patotoo! Kung sila’y nagsasalita nang hindi ayon sa Salitang ito, tunay na walang liwanag sa kanila.’”​—“The Watch Tower,” Agosto 15, 1915.

[Kahon sa pahina 133]

Sumusulong na Katotohanan

Noong 1882, sumulat si C. T. Russell: “Ang Bibliya ang ating tanging pamantayan, at ang mga turo nito ang ating tanging kredo, at sa pagkilala ng sumusulong na katangian na pagsisiwalat ng mga katotohanan sa Kasulatan, tayo’y handa at preparado na magdagdag o magbago ng ating kredo (pananampalataya​—paniniwala) habang tumatanggap tayo ng higit na liwanag mula sa ating Pamantayan.”​—“Watch Tower,” Abril 1882, p. 7.

[Kahon sa pahina 144, 145]

Mga Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova

◆ Ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos. (2 Tim. 3:​16, 17)

Ang nilalaman nito ay hindi basta kasaysayan o kuru-kuro ng tao kundi ang salita ng Diyos, na iniulat upang pakinabangan natin. (2 Ped. 1:21; Roma 15:4; 1 Cor. 10:11)

◆ Si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Awit 83:​18; Deut. 4:​39)

Si Jehova ang Maylikha ng lahat ng mga bagay, at dahil dito, siya lamang ang dapat sambahin. (Apoc. 4:11; Luc. 4:8)

Si Jehova ang Pansansinukob na Soberano, ang isa na karapat-dapat sa lubusang pagtalima. (Gawa 4:24; Dan. 4:17; Gawa 5:29)

◆ Si Jesu-Kristo ang bugtong na Anak ng Diyos, ang tanging isa na tuwirang nilalang ng Diyos mismo. (1 Juan 4:​9; Col. 1:​13-16)

Si Jesus ang una sa mga nilalang ng Diyos; kaya, bago siya ipaglihi at ipanganak bilang tao, si Jesus ay nabuhay na sa langit. (Apoc. 3:14; Juan 8:23, 58)

Sinasamba ni Jesus ang kaniyang Ama bilang tanging tunay na Diyos; hindi kailanman inangkin ni Jesus na siya’y kapantay ng Diyos. (Juan 17:3; 20:17; 14:28)

Ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang pantubos sa sangkatauhan. Ang kaniyang hain ay naglalaan ng walang-hanggang buhay para sa lahat ng tunay na sasampalataya rito. (Mar. 10:45; Juan 3:16, 36)

Binuhay si Jesus mula sa kamatayan bilang isang walang-kamatayang espiritung persona. (1 Ped. 3:18; Roma 6:9)

Nagbalik na si Jesus (yamang itinuon niya ang kaniyang pansin sa lupa bilang Hari) at naririto na ngayon bilang isang maluwalhating espiritu. (Mat. 24:3, 23-27; 25:31-33; Juan 14:19)

◆ Si Satanas ang di-nakikitang “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:​31; 1 Juan 5:​19)

Sa pasimula ay isa siyang sakdal na anak ng Diyos, subalit hinayaan niyang sumibol sa kaniyang puso ang pagkamakasarili, hinangad ang pagsamba na para lamang kay Jehova, at inakit sina Adan at Eva na sumunod sa kaniya sa halip na makinig sa Diyos. Dahil dito ay ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas, na ang ibig sabihin ay “Kaaway.” (Juan 8:44; Gen. 3:1-5; ihambing ang Deuteronomio 32:4, 5; Santiago 1:14, 15; Lucas 4:5-7.)

Si Satanas “ay dumaraya sa buong tinatahanang lupa”; siya at ang kaniyang mga demonyo ang dahilan ng tumitinding pagdurusa sa lupa sa panahong ito ng kawakasan. (Apoc. 12:7-9, 12)

Sa itinakdang panahon ng Diyos, pupuksain magpakailanman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. (Apoc. 20:10; 21:8)

◆ Papalitan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang lahat ng mga pamahalaan ng tao at magiging isang pamahalaan sa buong sangkatauhan. (Dan. 7:​13, 14)

Ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay ay lubusang pupuksain. (Dan. 2:44; Apoc. 16:14, 16; Isa. 34:2)

Mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa katuwiran at magdadala ng tunay na kapayapaan sa mga nasasakupan nito. (Isa. 9:6, 7; 11:1-5; 32:17; Awit 85:10-12)

Lilipulin magpakailanman ang mga balakyot, at magtatamasa ng namamalaging katiwasayan ang mga mananamba ni Jehova. (Kaw. 2:21, 22; Awit 37:9-11; Mat. 25:41-46; 2 Tes. 1:6-9; Mik. 4:3-5)

◆ Nabubuhay tayo ngayon, mula 1914, d sa “panahon ng kawakasan” ng balakyot na sanlibutang ito. (Mat. 24:​3-14; 2 Tim. 3:​1-5; Dan. 12:​4)

Sa panahong ito, ang pagpapatotoo ay ibinibigay sa lahat ng bansa; pagkatapos nito ay darating ang kawakasan, hindi ng globo, kundi ng balakyot na sistema at ng di-maka-Diyos na mga tao. (Mat. 24:3, 14; 2 Ped. 3:7; Ecl. 1:4)

◆ May isa lamang daan tungo sa buhay; hindi lahat ng relihiyon o relihiyosong gawain ay sinasang-ayunan ng Diyos . (Mat. 7:​13, 14; Juan 4:​23, 24; Efe. 4:​4, 5)

Idiniriin ng tunay na pagsamba hindi ang ritwal at pakitang-tao kundi ang dalisay na pag-ibig sa Diyos, na ipinakikita sa pagsunod sa kaniyang mga utos at sa pag-ibig sa kapuwa. (Mat. 15:8, 9; 1 Juan 5:3; 3:10-18; 4:21; Juan 13:34, 35)

Ang mga tao mula sa lahat ng bansa, lahi, at iba’t ibang wika ay makapaglilingkod kay Jehova at makapagtatamo ng kaniyang pagsang-ayon. (Gawa 10:34, 35; Apoc. 7:9-17)

Ang panalangin ay dapat na iukol lamang kay Jehova sa pamamagitan ni Jesus; ang mga imahen ay di-dapat gamitin upang panalanginan o bilang mga pantulong sa pagsamba. (Mat. 6:9; Juan 14:6, 13, 14; 1 Juan 5:21; 2 Cor. 5:7; 6:16; Isa. 42:8)

Dapat na layuan ang mga gawang pangkukulam. (Gal. 5:19-21; Deut. 18:10-12; Apoc. 21:8)

Walang klero-legong pagtatangi sa gitna ng tunay na mga Kristiyano. (Mat. 20:25-27; 23:8-12)

Hindi kasali sa tunay na Kristiyanismo ang pagdiriwang ng lingguhang sabbath o pagsunod sa iba pang mga kahilingan ng Batas Mosaiko upang magtamo ng kaligtasan; ang paggawa nito ay mangangahulugan ng pagtanggi kay Kristo, na siyang tumupad ng Batas. (Gal. 5:4; Roma 10:4; Col. 2:13-17)

Ang nagsasagawa ng tunay na pagsamba ay hindi nakikibahagi sa “interfaith.” (2 Cor. 6:14-17; Apoc. 18:4)

Lahat ng tunay na mga alagad ni Jesus ay nagpapabautismo sa pamamagitan ng lubusang pagpapalubog sa tubig. (Mat. 28:19, 20; Mar. 1:9, 10; Gawa 8:36-38)

Lahat ng sumusunod sa halimbawa ni Jesus at gumaganap ng kaniyang utos ay nagpapatotoo sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Luc. 4:43; 8:1; Mat. 10:7; 24:14)

◆ Ang kamatayan ay bunga ng minanang kasalanan mula kay Adan. (Roma 5:​12; 6:​23)

Sa kamatayan, ang kaluluwa mismo ang namamatay. (Ezek. 18:4)

Walang anumang nalalaman ang patay. (Awit 146:4; Ecl. 9:5, 10)

Ang impiyerno (Sheol, Hades) ay ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Job 14:13, “Dy”; Apoc. 20:13, 14, “KJ,” mardyin)

Ang ‘dagat-dagatang apoy’ na pagdadalhan sa pusakal na mga balakyot ay nangangahulugang, gaya ng sabi ng Bibliya mismo, “ikalawang kamatayan,” kamatayan magpakailanman. (Apoc. 21:8)

Ang pagkabuhay-muli ay ang pag-asa ng mga patay at ng mga nawalan ng mga mahal sa buhay sa kamatayan. (1 Cor. 15:20-22; Juan 5:28, 29; ihambing ang Juan 11:25, 26, 38-44; Mar. 5:35-42.)

Mawawala na ang kamatayan bunga ng Adanikong kasalanan. (1 Cor. 15:26; Isa. 25:8; Apoc. 21:4)

◆ Isang “munting kawan,” na 144,000 lamang, ang aakyat sa langit. (Luc. 12:​32; Apoc. 14:​1, 3)

Ang mga ito ay yaong “ipinanganak-muli” bilang espirituwal na mga anak ng Diyos. (Juan 3:3; 1 Ped. 1:3, 4)

Ang mga ito ay pinipili ng Diyos mula sa lahat ng tao at bansa upang mamahala bilang mga hari kasama ni Kristo sa Kaharian. (Apoc. 5:9, 10; 20:6)

◆ Ang iba na may pagsang-ayon ng Diyos ay mabubuhay sa lupa magpakailanman. (Awit 37:​29; Mat. 5:​5; 2 Ped. 3:​13)

Hindi kailanman mawawasak ang lupa ni mawawalan ng maninirahan. (Awit 104:5; Isa. 45:18)

Kasuwato ng orihinal na layunin ng Diyos, ang buong lupa ay magiging paraiso. (Gen. 1:27, 28; 2:8, 9; Luc. 23:42, 43)

Magkakaroon ng sapat na mga tirahan at saganang pagkain para sa kasiyahan ng bawat isa. (Isa. 65:21-23; Awit 72:16)

Ang sakit, lahat ng uri ng kapansanan, at mismong kamatayan ay lilipas na. (Apoc. 21:3, 4; Isa. 35:5, 6)

◆ Ang sekular na mga awtoridad ay pakikitunguhan nang may nararapat na paggalang. (Roma 13:​1-7; Tito 3:​1, 2)

Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi nakikisali sa mga pag-aaklas laban sa awtoridad ng pamahalaan. (Kaw. 24:21, 22; Roma 13:1)

Sinusunod nila ang lahat ng mga batas na hindi salungat sa batas ng Diyos, ngunit ang pagsunod sa Diyos ang una sa lahat. (Gawa 5:29)

Tinutularan nila si Jesus sa pananatiling neutral may kinalaman sa makapulitikang mga gawain ng sanlibutan. (Mat. 22:15-21; Juan 6:15)

◆ Dapat na sumunod ang mga Kristiyano sa pamantayan ng Bibliya tungkol sa dugo gayundin sa seksuwal na moralidad. (Gawa 15:​28, 29)

Ang pagtanggap ng dugo sa katawan sa pamamagitan ng bibig o mga ugat ay lumalabag sa batas ng Diyos. (Gen. 9:3-6; Gawa 15:19, 20)

Ang mga Kristiyano ay dapat na maging malinis sa moral; ang pakikiapid, pangangalunya, at homoseksuwalidad ay dapat na hindi bahagi ng kanilang buhay, ni ang paglalasing o pag-abuso sa droga. (1 Cor. 6:9-11; 2 Cor. 7:1)

◆ Ang personal na katapatan at pagkamatapat sa pangangalaga sa mga pananagutang pangmag-asawa at pampamilya ay mahalaga sa mga Kristiyano. (1 Tim. 5:​8; Col. 3:​18-21; Heb. 13:​4)

Ang kawalang katapatan sa salita o sa negosyo, gayundin ang pagpapaimbabaw, ay hindi kaayon ng pagiging isang tunay na Kristiyano. (Kaw. 6:16-19; Efe. 4:25; Mat. 6:5; Awit 26:4)

◆ Ang pagsambang nagbibigay-lugod kay Jehova ay nangangahulugang iibigin siya nang higit sa lahat. (Luc. 10:​27; Deut. 5:​9)

Ang paggawa ng kalooban ni Jehova, anupat nagdadala ng karangalan sa kaniyang pangalan, ay ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng isang tunay na Kristiyano. (Juan 4:34; Col. 3:23; 1 Ped. 2:12)

Samantalang gumagawa ng mabuti sa lahat ng tao sa abot-kaya nila, kinikilala ng mga Kristiyano ang isang pantanging obligasyon para sa kapuwa mga lingkod ng Diyos; kaya ang kanilang tulong sa panahon ng pagkakasakit at kasakunaan ay nakatuon lalo na sa mga ito. (Gal. 6:10; 1 Juan 3:16-18)

Ang pag-ibig sa Diyos ay humihiling sa mga tunay na Kristiyano na hindi lamang nila susundin ang kaniyang utos na ibigin ang kanilang kapuwa kundi na huwag din nilang iibigin ang imoral at materyalistikong paraan ng pamumuhay ng sanlibutan. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi bahagi ng sanlibutan kung kaya hindi nakikisali sa mga gawain na magpapakilala sa kanila bilang nagtataglay ng espiritu nito. (Roma 13:8, 9; 1 Juan 2:15-17; Juan 15:19; Sant. 4:4)

[Talababa]

d Para sa detalye, tingnan ang aklat na “Let Your Kingdom Come.”

[Larawan sa pahina 121]

Nagsimulang ilathala ni C. T. Russell ang “Zion’s Watch Tower” noong 1879, nang siya ay 27 taóng gulang

[Mga larawan sa pahina 125]

Sina Sir Isaac Newton at Henry Grew ay kabilang sa mga tumanggi noon sa Trinidad bilang di-maka-Kasulatan

[Mga larawan sa pahina 128]

Sa debateng pampubliko, nangatuwiran si Russell na ang mga patay ay tunay na patay, hindi nabubuhay na kasama ng mga anghel ni kasama ng mga demonyo sa isang dako ng kawalang-pag-asa

Ang Carnegie Hall, Allegheny, Pennsylvania​—kung saan ginanap ang debate

[Larawan sa pahina 130]

Naglakbay si Russell sa mga lunsod kapuwa malalaki at maliliit upang sabihin ang katotohanan tungkol sa impiyerno

[Larawan sa pahina 131]

Nang si Frederick Franz, isang estudyante sa unibersidad, ay makaalam ng katotohanan tungkol sa kalagayan ng patay, lubusan niyang binago ang kaniyang mga tunguhin sa buhay

[Larawan sa pahina 135]

Ang 1914 bilang katapusan ng Panahon ng mga Gentil ay binigyan ng malawak na publisidad ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng nasa I.B.S.A. tract na ito na ipinamahagi noong 1914

[Mga larawan sa pahina 137]

Noong 1931, habang ginagamit ang pinakamalawak na network ng radyo na noon lamang naisaayos, ipinakita ni J. F. Rutherford na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdadala ng walang-​hanggang kaginhawahan sa sangkatauhan

Ang pahayag na “Ang Kaharian, ang Pag-asa ng Sanlibutan,” ay sabay-sabay na isinahimpapawid ng 163 istasyon at inulit ng 340 iba pang istasyon pagkaraan

[Mga larawan sa pahina 142]

Isinugo si A. H. Macmillan sakay ng barko patungong Palestina noong 1925 dahil sa pantanging interes sa papel ng mga Judio may kaugnayan sa hula ng Bibliya