Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?

Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?

Apendise

Dugo: Kaninong Pasiya at Kaninong Budhi?

ni J. Lowell Dixon, M.D.

Muling inilalathala sa pahintulot ng New York State Journal of Medicine, 1988; 88:​463-464, copyright ng Medical Society of the State of New York. (Isinalin mula sa orihinal.)

ANG mga doktor ay nakatalaga sa paggamit ng kanilang kaalaman, kasanayan, at karanasan sa pagsugpo sa sakit at kamatayan. Ngunit, papaano kung ang pasyente ay tumututol sa iminungkahing lunas? Malamang na mangyari ito kapag ang pasyente ay isang Saksi ni Jehova at ang lunas ay kompletong dugo, mga pulang selula ng dugo, plasma, o mga platelet.

Pagdating sa dugo, maaaring madama ng doktor na nakatali ang kamay ng taimtim na mga mediko sapagkat ipinasiya ng pasyente na umiwas sa dugo. Gayunman, dapat tandaan na ang mga pasyenteng hindi Saksi ni Jehova ay malimit na hindi rin sumusunod sa mungkahi ng doktor. Ayon kay Appelbaum at Roth,1 19% ng mga pasyente sa mga ospital na may paaralan ay tumanggi sa isang lunas o paraan, bagaman 15% ng mga pagtanggi “ay posibleng magsapanganib ng buhay.”

Karamihan ng pasyente ay kumikilala sa kasanayan at kaalaman ng kanilang doktor dahil sa karaniwang pangmalas na “alam ng doktor kung ano ang pinakamabuti.” Subalit lubhang mapanganib na magpatuloy ang doktor at gamutin ang pasyente na waring ang kasabihang ito ay isa nang maka-siyentipikong katotohanan. Totoo, ang ating medikal na pagsasanay, lisensiya, at karanasan ay nagkakaloob sa atin ng pambihirang mga pribilehiyo sa tanghalang medikal. Gayunman, ang ating mga pasyente ay mayroon namang mga karapatan. At, gaya ng alam natin, ang batas (maging ang Konstitusyon) ay higit na nagpapahalaga sa mga karapatan.

Sa dingding ng maraming ospital ay makikitang nakapaskel ang “Patient’s Bill of Rights.” Isa sa mga karapatang ito ay ang may-kabatirang pagsang-ayon, mas wastong matatawag na may-kabatirang pasiya. Matapos ipagbigay-alam sa pasyente ang ibubunga ng sarisaring lunas (o ng hindi pagbibigay-lunas), sariling pasiya ang susundin nito. Sa Albert Einstein Hospital sa Bronx, Nueba York, isang balangkas ng patakaran sa pagsasalin ng dugo at mga Saksi ni Jehova ay nagsasaad: “Karapatan ng sinomang pasyente na may-hustong gulang at may ganap na kakayahan na tumanggi sa isang lunas gaano man kalaki ang magiging pinsala sa kalusugan dahil sa pagtangging ito.”2

Bagaman nababahala ang mga doktor dahil sa moralidad at pananagutan, idiniin ng mga hukuman ang pananaig ng pasiya ng pasyente.3 Sinabi ng New York Court of Appeals na “mahalaga sa lahat [ay] ang karapatan ng pasyente na magpasiya sa paraan ng paggamot sa kaniya . . . [Ang] doktor ay hindi lalabag sa kaniyang legal o propesyonal na pananagutan kung igagalang niya ang karapatan ng isang may-kakayahan at may-hustong gulang na pasyente na tumanggi.”4 Sinabi din ng hukuman na “ang moral na integridad ng propesyong medikal, bagaman mahalaga, ay hindi maaaring manaig sa saligang indibiduwal na karapatan na ipinapahayag dito. Ang mahalaga sa lahat ay ang pangangailangan at hangarin ng indibiduwal, hindi ang mga kahilingan ng institusyon.”5

Kapag ang isang Saksi ay tumanggi sa dugo, maaaring madama ng mga doktor na sinusurot sila ng budhi sa di paggawa ng pinakamalaking magagawa nila. Gayunman, ang hinihiling ng Saksi sa taimtim na mga doktor ay ang paglalaan ng pinakamahusay na panghalili na posible sa situwasyong umiiral. Malimit ay kailangang baguhin ang ating paraan upang makabagay sa ilang sitwasyon, gaya ng alta-presyon, pagiging di-hiyang sa mga antibayotiko, o kakulangan ng ilang mamahaling kasangkapan. Sa kaso ng pasyenteng Saksi, ang mga doktor ay hinihilingang humarap sa suliraning medikal o surhikal kasuwato ng pasiya at budhi ng pasyente, ng kaniyang moral at relihiyosong pasiya na umiwas sa dugo.

Ipinakikita ng mabibigat na operasyon sa mga pasyenteng Saksi na ang kahilingan nila sa dugo ay taimtim at matagumpay na nasusunod ng maraming doktor. Halimbawa, noong 1981, nirepaso ni Cooley ang 1,026 operasyon sa puso at ugat, 22% nito ay mga menor-de-edad. Natuklasan niya “na ang panganib sa pag-oopera ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay hindi masasabing mas mataas kaysa sa iba.”6 Nag-ulat si Kambouris7 sa maseselang na operasyon sa mga Saksi, na ang ilan ay “pinagkaitan ng lubhang kinakailangang operasyon dahil sa pagtanggi nila sa dugo.” Aniya: “Bago gamutin, lahat ng pasyente ay binigyang-katiyakan na ang kanilang paniwalang relihiyoso ay igagalang, anoman ang situwasyon sa silid-operasyon. Ang patakarang ito ay hindi nagkaroon ng masamang mga epekto.”

Kapag ang pasyente ay isang Saksi ni Jehova, dapat isaalang-alang ang budhi, hindi lamang ang pasiya. Hindi puwedeng budhi lamang ng doktor ang isasaalang-alang. Kumusta ang sa pasyente? Para sa mga Saksi ni Jehova ang buhay na isinasagisag ng dugo ay kaloob ng Diyos. Naniniwala sila sa utos ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat “umiwas sa dugo.” (Gawa 15:​28, 29).8 Kaya, kung iisipin ng doktor na para siyang ama na maaaring sumalungat sa masidhi at matatag na paninindigan ng pasyente, mapanganib ang magiging resulta. Sinabi ni Papa Juan Pablo II na ang pagpilit sa tao na lumabag sa sariling budhi “ay ang pinakamasaklap na dagok sa dangal ng tao. Sa isang paraan, masahol pa ito sa aktuwal na pagpatay, o pagpaslang.”9

Bagaman tutol sa dugo ang mga Saksi ni Jehova salig sa relihiyosong dahilan, parami-nang-paraming di-Saksing pasyente ang umiiwas sa dugo dahil sa mga panganib na gaya ng AIDS, non-A non-B na hepatitis (pamamaga ng atay), at mga reaksiyong imunolohikal. Maihaharap natin sa kanila ang ating pangmalas hinggil sa kung baga ang mga panganib ay tila mas magaang kung ihahambing sa mga pakinabang. Subalit, gaya ng ipinakikita ng American Medical Association, ang pasyente ang “huling tagahusga kung siya ay dapat magsapalaran sa paggamot o operasyon na iminumungkahi ng doktor o harapin ang panganib na mabuhay nang wala nito. Ito’y likas na karapatan ng indibiduwal, na kinikilala naman ng batas.”10

Kaugnay nito, ibinangon ni Macklin11 ang suliranin ng panganib at pakinabang sa kaso ng isang Saksi “na nanganib maubusan ng dugo dahil sa di pagpapasalin.” Sinabi ng isang estudyante sa medisina: “Malinaw ang kaniyang isip. Ano ang gagawin kapag ang mga paniwalang relihiyoso ay tutol sa nalalabing lunas?” Nangatuwiran si Macklin: “Baka kumbinsido tayo na ang taong ito ay nagkakamali. Subalit naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang pagpapasalin . . . ay [maaaring] magbunga ng walang-hanggang paghatol. Sinasanay tayo na magsuri sa panganib at pakinabang ayon sa medisina ngunit kung titimbangin ninyo ang walang-hanggang paghatol at ang nalalabing buhay sa lupa, nag-iiba na ng anggulo ang pagsusuri.”11

Sa isyung ito ng Journal ay tinutukoy nina Vercillo at Duprey12 ang In re Osborne upang tiyakin ang kaligtasan ng mga anak, subalit papaano nalutas ang kasong yaon? Tungkol ito sa isang nasa-malubhang-kalagayang ama ng dalawang menor-de-edad na bata. Ipinasiya ng hukuman na kung mamamatay siya, mga kamag-anak niya ang mag-aasikaso sa materyal at espirituwal na pangangailangan ng kaniyang mga anak. Kaya, gaya ng ibang di-pa-natatagalang kaso,13 ang hukuman ay walang natuklasang mahigpit na kapakanang pang-estado upang ipagmatuwid ang pananaig sa paraan ng panggagamot na napili ng pasyente; hindi maipagpapaumanhin ang paggigiit ng hukuman ng isang paraan na lubusan niyang tinututulan.14 Sa tulong ng kahaliling paggamot ay gumaling ang pasyente at patuloy na nakapangalaga sa kaniyang pamilya.

Hindi ba totoo na ang kalakhan ng mga kasong napaharap sa mga doktor, o kakaharapin pa, ay maaaring asikasuhin nang walang dugo? Ang ating napag-aralan at inaakalang pinakamahusay ay may kinalaman sa mga suliraning medikal, ngunit ang mga pasyente ay may sariling pamantayan at tunguhin na hindi maipagwawalang-bahala. Sila ang mas nakababatid sa kanilang mga prayoridad, sariling moralidad at budhi, na siyang nagbibigay ng kahulugan sa kanilang buhay.

Ang paggalang sa relihiyosong budhi ng mga pasyenteng Saksi ay maaaring humamon sa ating kakayahan. Subalit habang hinaharap natin ang hamon na ito, binibigyang-diin natin ang mahahalagang kalayaan na mahal sa ating lahat. Angkop-na-angkop ang isinulat ni John Stuart Mill: “Walang lipunan ang maituturing na malaya kung ang mga kalayaang ito ay hindi iginagalang sa kabuoan, anoman ang uri ng pamahalaan nito . . . Bawat isa ay wastong tagapangalaga ng sariling kalusugan, maging sa katawan, isip at espirituwal. Mas nakikinabang ang sangkatauhan sa pagpaparaya sa isa’t-isa upang mamuhay ayon sa kung ano ang mabuti para sa kanila, kaysa pilitin ang bawat isa na mamuhay ayon sa kung ano ang mabuti sa iba.”15

[MGA REPERENSIYA]

1. Appelbaum PS, Roth LH: Patients who refuse treatment in medical hospitals. JAMA 1983; 250:1296-1301.

2. Macklin R: The inner workings of an ethics committee: Latest battle over Jehovah’s Witnesses. Hastings Cent Rep 1988; 18(1):​15-20.

3. Bouvia v Superior Court, 179 Cal App 3d 1127, 225 Cal Rptr 297 (1986); In re Brown, 478 So 2d 1033 (Miss 1985).

4. In re Storar, 438 NYS 2d 266, 273, 420 NE 2d 64, 71 (NY 1981).

5. Rivers v Katz, 504 NYS 2d 74, 80 n 6, 495 NE 2d 337, 343 n 6 (NY 1986).

6. Dixon JL, Smalley MG: Jehovah’s Witnesses. The surgical/ethical challenge. JAMA 1981; 246:2471-2472.

7. Kambouris AA: Major abdominal operations on Jehovah’s Witnesses. Am Surg 1987; 53:​350-356.

8. Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Brooklyn, NY, Watchtower Bible and Tract Society, 1977, pp 1-64.

9. Pope denounces Polish crackdown. NY Times, January 11, 1982, p A9.

10. Office of the General Counsel: Medicolegal Forms with Legal Analysis. Chicago, American Medical Association, 1973, p 24.

11. Kleiman D: Hospital philosopher confronts decisions of life. NY Times, January 23, 1984, pp B1, B3.

12. Vercillo AP, Duprey SV: Jehovah’s Witnesses and the transfusion of blood products. NY State J Med 1988; 88:​493-494.

13. Wons v Public Health Trust, 500 So 2d 679 (Fla Dist Ct App) (1987); Randolph v City of New York, 117 AD 2d 44, 501 NYS 2d 837 (1986); Taft v Taft, 383 Mass 331, 446 NE 2d 395 (1983).

14. In re Osborne, 294 A 2d 372 (DC Ct App 1972).

15. Mill JS: On liberty, in Adler MJ (ed): Great Books of the Western World. Chicago, Encyclopaedia Britannica, Inc, 1952, vol 43, p 273.