Mga Saksi ni Jehova—Hamon sa Siruhano at sa Etika
Apendise
Mga Saksi ni Jehova—Hamon sa Siruhano at sa Etika
Muling inilathala sa pahintulot ng American Medical Association mula sa The Journal of the American Medical Association (JAMA), Nobyembre 27, 1981, Tomo 246, Blg. 21, pahina 2471, 2472. Copyright 1981, American Medical Association. (Isinalin mula sa orihinal.)
Isang pantanging hamon ang nakaharap sa mga doktor na gumagamot sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga kaanib ng pananampalatayang ito ay may mga masidhing paniwalang relihiyoso laban sa pagpapasalin ng kumpletong dugo mula sa ibang tao o mula sa sarili, ng packed RBCs [mapupulang selula ng dugo], WBCs [mapuputing selula ng dugo], o platelets. Marami ang pumapayag na gamitan ng (walang-dugong panundô) na heart-lung, dialysis, o iba pang katulad na aparato, kung ang pagdaloy ng dugo sa labas ng katawan ay hindi nahahadlangan. Kukuha ang mga Saksi ng sapat na hakbanging legal upang hindi mangamba ang mga mediko na sila ang mananagot dahil sa may-kabatirang pagtanggi ng mga Saksi sa dugo. Tumatanggap naman sila ng mga panghalili sa dugo. Sa pamamagitan nito at ng iba pang maseselang na paraan, nagawa ng mga doktor ang lahat ng maseselang na operasyon sa mga pasyenteng saksi, menor-de-edad man o nasa hustong gulang. Kaya nabuo ng mga doktor ang isang pamantayang paraan para sa mga pasyenteng ito na kasuwato ng patakaran ng paggamot sa “buong tao.” (JAMA 1981;246:2471-2472)
NAKAHARAP ang mga doktor sa isang pantanging hamon na naging pangunahing isyu sa kalusugan. Mahigit na kalahating milyong Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ay hindi nagpapasalin ng dugo. Lumalaki ang bilang ng mga Saksi at niyaong nakikisama sa kanila. Bagaman noong una, ang di pagpapasalin ay itinuring ng maraming doktor at opisyal sa ospital bilang isang suliraning legal kung kaya sinikap nilang magkamit ng autorisasyon ng hukuman upang makapanggamot sila ayon sa inaakala nilang mabuti, isinisiwalat ng mga lathalain sa medisina kamakailan na malaki ang ipinagbago ng saloobin tungkol dito. Resulta marahil ito ng higit na karanasan sa mga pasyenteng napakabababa ang hemoglobin at maaaring mabanaag din dito ang lumalaking kabatiran sa legal na simulain ng may-kabatirang pasiya.
Sa ngayon, maraming operasyon at kaso ng trauma ang isinasagawa nang walang pagsasalin ng dugo sa mga Saksing menor-de-edad at nasa hustong gulang. Kamakailan, nag-usap ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova at mga siruhano at tagapangasiwa ng ilang pinakamalaking ospital sa bansa. Ang pag-uusap ay nagpalawak ng unawa at tumulong sa paglutas ng mga suliranin ng pagsagip sa dugo, paglilipat ng mga sangkap ng katawan, at pag-iwas sa mga alitang medikal at legal.
ANG PANININDIGAN NG MGA SAKSI SA PANGGAGAMOT
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapagamot at nagpapa-opera. Ang totoo, marami sa kanila ay doktor, at mayroon ding mga siruhano. Subalit ang mga Saksi ay lubhang relihiyoso at naniniwala sila na ang pagsasalin ng dugo ay ipinagbabawal ng mga talata sa Bibliya na gaya ng: “Ang laman na may kaluluwa—may dugo—ay huwag mong kakanin” (Genesis 9:3-4); “[Dapat mong] ibuhos at tabunan ng lupa ang dugo nito” (Levitico 17:13-14); at “Umiwas sa . . . pakikiapid at sa mga binigti at sa dugo” (Gawa 15:19-21).1
Bagaman ang mga talatang ito ay hindi isinasaad sa mga terminong medikal, para sa mga Saksi ni Jehova ito ay nagbabawal sa pagsasalin ng kumpletong dugo, mapupulang selula, plasma, at pati na ang mapuputing selula at platelet. Gayunman, ang relihiyosong pang-unawa ng mga Saksi ay hindi tahasang nagbabawal sa mga sangkap na gaya ng albumin, immune globulin, at ng mga hemophiliac preparation (para sa mabagal na pamumuo ng dugo); bawat Saksi ay dapat magpasiya kung tatanggapin niya ang mga ito.2
Naniniwala ang mga Saksi na ang dugong inalis sa katawan ay dapat itapon, kaya hindi sila nagpapasalin ng sariling dugo (autotransfusion) na dati nang inimbak. Tutol sila sa natipong dugo o ng pinalabnaw na dugo kung ito ay patiuna nang naimbak. Gayunman, maraming Saksi ang pumapayag sa paggamit ng mga aparatong dialysis at heart-lung (walang dugong panundô) at pati na ng pagsagip sa dugo sa panahon ng operasyon kung hindi nahahadlangan ang pagdaloy ng dugo sa labas ng katawan; dapat sumangguni ang doktor sa indibiduwal na pasyente hinggil sa ibinubulong ng budhi nito.2
Naniniwala ang mga Saksi na ang Bibliya ay walang tuwirang sinasabi hinggil sa paglilipat ng mga
sangkap ng katawan; kaya, ang indibiduwal na Saksi ang dapat magpasiya sa paglilipat ng cornea, bato, o iba pang sangkap ng katawan.POSIBLE ANG MASESELANG NA OPERASYON
Bagaman ang mga Saksi ay malimit tanggihan ng mga siruhano palibhasa nadarama nila na “nakatali ang kanilang kamay” dahil sa paninindigan ng mga Saksi sa dugo, naipasiya na ng maraming doktor na ituring ang situwasyon bilang isa pang karagdagang komplikasyon na humahamon sa kanilang kakayahan. Yamang ang mga Saksi ay hindi tutol sa mga panghaliling likido na colloid [maaaring mamuô] at crystalloid [maaaring magbutil-butil], ni sa electrocautery [pagkoryente sa mga himaymay], hypotensive [pagpababa ng presyon] anesthesia,3 o hypothermia [pagpapalamig ng katawan], ang mga ito ay matagumpay nang nagamit. Ang kasalukuyan at hinaharap na paggamit ng hetastarch,4 malalaking-dosis ng iniksiyon ng iron dextran sa ugat,5,6 at ang “sonic scalpel” 7 ay may pangakong kinabukasan at hindi labag sa kanilang relihiyon. At, kung ang kamakailan lamang napaunlad na panghalili sa dugo (Fluosol-DA) ay mapatunayang ligtas at mabisa,8 ang paggamit nito ay hindi magiging labag sa paniniwala ng mga Saksi.
Noong 1977, iniulat nina Ott at Cooley9 ang 542 operasyon sa puso at ugat na isinagawa sa mga Saksi nang walang pagsasalin ng dugo at ipinasiya nila na ang pamamaraang ito ay maaaring gawin “nang may bahagya lamang panganib.” Bilang tugon sa aming kahilingan, kamakailan ay gumawa si Cooley ng isang estadistikal na repaso sa 1,026 operasyon, 22% nito ang sa mga menor-de-edad, at ipinasiya niya “na ang panganib sa pag-opera sa mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay hindi masasabing mas mataas kaysa sa iba.” Kaayon nito, sinabi ni Michael E. DeBakey, MD, “na sa kalakhang bahagi ng mga situwasyon [na nagsasangkot sa mga Saksi] ang panganib ng operasyon na hindi ginamitan ng dugo ay hindi hihigit sa mga pasyenteng sinalinan ng dugo” (personal na pag-uulat, Marso 1981). Iniulat din ang tagumpay ng maseselang na operasyong urologic [daanan ng ihi]10 at orthopedic [sa buto].11 Sang-ayon sa isinulat nina G. Dean MacEwen, MD, at J. Richard Bowen, MD, ang posterior spinal fusion [paghuhugpong ng gulugod] “ay matagumpay na naisagawa sa 20 [Saksing] menor-de-edad” (di-nalathalang ulat, Agosto 1981). Isinusog pa nila: “Dapat patatagin ng siruhano ang pilosopiya ng paggalang sa karapatan ng pasyente na tumanggi sa pagsasalin ng dugo at sa kabila nito ay maipagpatuloy ang operasyon sa paraan na magiging ligtas sa pasyente.”
Si Herbsman12 ay nag-uulat ng matagumpay na mga kaso, kasama na ang sa mga kabataan, “na nawalan ng napakaraming dugo.” Inaamin niya na “agrabiyado ang mga Saksi pagdating sa dugo. Gayunman, maliwanag din na tayo’y may mga panghalili sa dugo.” Palibhasa maraming siruhano ang atubiling tumanggap ng mga pasyenteng Saksi dahil sa “pangamba sa legal na kalalabasan,” ipinakita niya na walang saligan upang mabahala rito.
LEGAL NA MGA SULIRANIN AT MGA MENOR-DE-EDAD
Handang lumagda ang mga Saksi sa porma ng American Medical Association na nagpapalaya sa mga doktor at ospital mula sa pananagutan,13 at karamihan ng Saksi ay nagdadala ng isang may-petsa at may-lagdang tarheta na Medical Alert na inihanda makaraang konsultahin ang mga doktor at abogado. Ang mga dokumentong ito ay may-bisa sa pasyente (o sa kaniyang kondisyon) at nag-aalok ng proteksiyon sa mga doktor sapagkat ipinasiya ni Hukom Warren Burger na ang isang demanda ng malpractice [pag-aabuso sa tungkulin] ay “magiging walang saligan” minsang lagdaan ang ganitong pagpapalaya. At, bilang komento kaugnay ng isang pagsusuri sa “sapilitang paggamot at kalayaan sa pagsamba,” ay sumulat si Paris14: “Nag-ulat ang isang komentarista na bumasa ng literatura, ‘Hindi ako nakasumpong ng anomang autoridad para sabihin na ang doktor ay magkakaroon ng . . . kriminal . . . na pananagutan dahil sa pagkabigong ipaggiitan ang pagsasalin sa isang tumatangging pasyente.’ Waring ang panganib ay mas masasabing isang legal na kathang-isip sa halip na isang tunay na posibilidad.”
Ang higit na nakakabahala ay ang mga menor-de-edad, at ito’y madalas humantong sa paghahabla sa mga magulang salig sa mga batas sa pagpapabaya sa mga anak. Subalit ang gayong paghahabla ay kinukuwestiyon ng maraming doktor at abogado na pamilyar sa kaso ng mga Saksi, na naniniwalang ang mga magulang na Saksi ay naghahangad ng mabisang lunas para sa kanilang anak. Sa pagtangging talikuran ang kanilang pananagutan bilang magulang o ipasa ito sa isang hukom o ibang tao, humihiling ang mga Saksi ng konsiderasyon sa relihiyosong paniwala ng pamilya. Si Dr. A. D. Kelly, dating Kalihim ng Canadian Medical Association, ay nagsabi na15 “ang pagpapaliwanag sa kalooban ng pasyente ay karapatan ng mga magulang ng mga menor-de-edad at pinakamalapit na kamag-anak ng
mga pasyenteng walang malay-tao. . . . Hindi ako humahanga sa isang kahinahinalang hukuman na tinipon nang alas-2 ng madaling araw para agawin ang isang bata sa kaniyang mga magulang.”Hindi dapat pagtalunan ang bagay na mga magulang ang may karapatan sa pangangalaga sa mga anak, gaya kung napapaharap sa potensiyal na panganib o pakinabang ng operasyon, radyasyon, o chemotherapy. Sa mga kadahilanang moral na mas matimbang kaysa panganib sa pagsasalin,16 hinihiling ng mga magulang na Saksi ang paggamit ng mga panlunas na hindi bawal sa kanilang relihiyon. Kasuwato ito ng patakarang medikal na paggamot sa “buong tao,” na hindi kinaliligtaan ang posibleng permanenteng psychosocial na pinsala na ibubunga ng isang mapanghimasok na pamamaraan na labag sa saligang paniniwala ng pamilya. Malimit, ang malalaking ospital sa bansa na nagkaroon na ng karanasan sa mga Saksi ay tumatanggap ng mga pasyenteng lumilipat mula sa mga institusyon na ayaw gumamot ng mga Saksi, kasali na rito ang mga batang pasyente.
ANG HAMON SA DOKTOR
Mauunawaan natin na ang pag-aasikaso sa mga Saksi ni Jehova ay baka waring magharap ng suliranin sa isang doktor na nakatalaga sa pagliligtas ng buhay at kalusugan kung gagamitin niya ang lahat ng pamamaraan na bukas sa kaniya. Sa isang editoryal sa pasimula ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa maseselang na operasyon sa mga Saksi, ganito ang inamin ni Harvey17, “Naiinis ako sa mga paniwala na nakakasagabal sa aking trabaho.” Ngunit, isinusog niya: “Marahil ay agad nating nalilimutan na ang operasyon ay isang kakayahan na nasasalig sa personal na pamamaraan ng mga indibiduwal. Maaari pang mapasulong ang pamamaraan.”
Napansin ni Propesor Bolooki18 ang nakababahalang balita na isa sa pinaka-abalang ospital sa Dade County, Florida, ay may “mahigpit na patakaran ng hindi paggamot” sa mga Saksi. Ipinakita niya na “karamihan ng mga pamamaraan ng operasyon sa mga pasyenteng ito ay hindi mas mapanganib kaysa karaniwan.” Idinagdag pa niya: “Bagaman nadarama ng mga siruhano na pinagkakaitan sila ng isang kasangkapan ng makabagong medisina . . . kumbinsido ako na malaki ang matututuhan nila kung ooperahan nila ang mga pasyenteng ito.”
Sa halip na ituring na problema ang pasyenteng Saksi, parami nang paraming doktor ang nagtuturing sa kanila bilang isang medikal na hamon. Sa pagharap sa hamon nakabuo sila ng isang pamantayan para sa grupong ito ng mga pasyente na tinatanggap ng maraming ospital sa buong bansa. Kasabay nito nailalaan ang pinakamahusay na pangangalaga na nababagay sa ganap na ikabubuti ng pasyente. Gaya ng naobserbahan ni Gardner at ng kaniyang mga kasama19: “Sino ang makikinabang kung mapagagaling ang katawan ng pasyente ngunit, sa pangmalas ng pasyente, ang espirituwal na buhay sa harap ng Diyos ay naikokompromiso, na hahantong sa isang buhay na walang-kabuluhan at marahil ay mas masahol pa sa kamatayan mismo.”
Kinikilala ng mga Saksi na, sa medisina, ang matatag nilang paninindigan ay waring nagdudulot ng panganib at maaaring maging sagabal sa pangangalaga sa kanila. Kaya, lubos silang nagpapasalamat sa pag-aasikaso sa kanila. Bukod sa pagtataglay ng masidhing pananampalataya at ng matinding pagnanasang mabuhay, sila ay malugod na nakikipagtulungan sa mga doktor at mga tauhan sa ospital. Kaya, kapuwa ang pasyente at doktor ay nagkakaisa sa pagharap sa pambihirang hamon na ito.
[MGA REPERENSIYA]
1. Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood. Brooklyn, NY, Watchtower Bible and Tract Society, 1977, pp. 1-64.
2. The Watchtower 1978;99 (June 15):29-31.
3. Hypotensive anesthesia facilitates hip surgery, MEDICAL NEWS. JAMA 1978;239:181.
4. Hetastarch (Hespan)—a new plasma expander. Med Lett Drugs Ther 1981;23:16.
5. Hamstra RD, Block MH, Schocket AL:Intravenous iron dextran in clinical medicine. JAMA 1980;243:1726-1731.
6. Lapin R: Major surgery in Jehovah’s Witnesses. Contemp Orthop 1980;2:647-654.
7. Fuerst ML: ‘Sonic scalpel’ spares vessels. Med Trib 1981;22:1,30.
8. Gonzáles ER: The saga of ‘artificial blood’: Fluosol a special boon to Jehovah’s Witnesses. JAMA 1980;243:719-724.
9. Ott DA, Cooley DA: Cardiovascular surgery in Jehovah’s Witnesses. JAMA 1977;238:1256-1258.
10. Roen PR, Velcek F: Extensive urologic surgery without blood transfusion. NY State J Med 1972;72:2524-2527.
11. Nelson CL, Martin K, Lawson N, et al: Total hip replacement without transfusion. Contemp Orthop 1980;2:655-658.
12. Herbsman H: Treating the Jehovah’s Witness. Emerg Med 1980;12:73-76.
13. Medicolegal Forms With Legal Analysis. Chicago, American Medical Association, 1976, p. 83.
14. Paris JJ: Compulsory medical treatment and religious freedom: Whose law shall prevail? Univ San Francisco Law Rev 1975;10:1-35.
15. Kelly AD: Aequanimitas Can Med Assoc J 1967;96:432.
16. Kolins J: Fatalities from blood transfusion. JAMA 1981;245:1120.
17. Harvey JP: A question of craftsmanship. Contemp Orthop 1980;2:629.
18. Bolooki H: Treatment of Jehovah’s Witnesses: Example of good care. Miami Med 1981;51:25-26.
19. Gardner B, Bivona J, Alfonso A, et al: Major surgery in Jehovah’s Witnesses. NY State J Med 1976;76:765-766.