Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dumating Na ang “Oras ng Paghatol”

Dumating Na ang “Oras ng Paghatol”

Dumating Na ang “Oras ng Paghatol”

ITINATAWAG-PANSIN sa atin ng Apocalipsis, huling aklat ng Bibliya, ang hinggil sa isang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit na may “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita.” Sinasabi niya sa isang malakas na tinig: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya.” (Apocalipsis 14:​6, 7) Kalakip sa “oras ng paghatol” na iyan kapuwa ang paghahayag at paglalapat ng hatol ng Diyos. Ang “oras” ay masasabing isang maikling yugto ng panahon. Dumarating ang paglalapat ng hatol bilang ang kasukdulan ng “mga huling araw,” na kinabubuhayan natin sa ngayon.​—2 Timoteo 3:1.

Ang “oras ng paghatol” ay isang mabuting balita sa mga umiibig sa katuwiran. Ito ang panahon na pagiginhawahin ng Diyos ang kaniyang mga lingkod, na nagdurusa sa mga kamay ng mararahas at walang-pag-ibig na sistemang ito ng mga bagay.

Sa kasalukuyan, bago magwakas ang “oras ng paghatol” kasabay ng pagkawasak ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, tayo’y hinihimok: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” Ginagawa mo ba iyan? Nangangahulugan ito ng higit pa sa pagsasabing, “Naniniwala ako sa Diyos.” (Mateo 7:21-23; Santiago 2:​19, 20) Ang wastong pagkatakot sa Diyos ang dapat magtulak sa atin upang magpakita ng pagpipitagan sa kaniya. Ito ang dapat mag-udyok sa atin na talikuran ang kasamaan. (Kawikaan 8:13) Dapat itong makatulong sa atin na ibigin ang kabutihan at kapootan ang kasamaan. (Amos 5:​14, 15) Kung pinararangalan natin ang Diyos, makikinig tayo sa kaniya nang may matinding paggalang. Hindi tayo magiging lubhang abala sa ibang mga bagay anupat wala nang panahon upang regular na basahin ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Magtitiwala tayo sa kaniya sa lahat ng panahon at nang buong puso. (Awit 62:8; Kawikaan 3:​5, 6) Kinikilala ng mga nagpaparangal sa kaniya na bilang Maylalang ng langit at lupa, siya ang Soberano ng Sansinukob, at maibigin silang nagpapasakop sa kaniya bilang ang Soberano ng kanilang buhay. Kung mapag-isip-isip natin na talaga ngang dapat nating pag-ukulan ng higit na pansin ang mga bagay na ito, gawin natin ito agad.

Ang oras ng paglalapat ng hatol na binabanggit ng anghel ay kilala rin bilang “ang araw ni Jehova.” Ang gayong “araw” ay sumapit sa sinaunang Jerusalem noong 607 B.C.E. sapagkat ang mga naninirahan dito ay hindi nakinig sa mga babala ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta. Sa pag-íísip na malayo pa ang araw ni Jehova, lalo nilang isinapanganib ang kanilang buhay. Nagbabala si Jehova sa kanila: “Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zefanias 1:14) Isa pang “araw ni Jehova” ang sumapit sa sinaunang Babilonya noong 539 B.C.E. (Isaias 13:​1, 6) Palibhasa’y nanangan sa kanilang mga kuta at sa kanilang mga diyos, hindi pinansin ng mga taga-Babilonya ang mga babalang ibinigay ng mga propeta ni Jehova. Subalit sa loob ng magdamag, bumagsak ang makapangyarihang Babilonya sa mga kamay ng Medo at Persiano.

Ano ang kinakaharap natin sa ngayon? Ang isa pa at mas malawakang “araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:11-14) Inihayag na ang hatol ng Diyos sa “Babilonyang Dakila.” Ayon sa Apocalipsis 14:​8, isang anghel ang nagpahayag: “Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na.” Iyan ay naganap na. Hindi na niya kayang pigilan ang mga mananamba ni Jehova. Lantad na lantad na ang kaniyang sariling katiwalian at pagkakasangkot sa digmaan. Malapit na ngayon ang kaniyang ganap na pagkapuksa. Dahil diyan, hinihimok ng Bibliya ang mga tao saanman sila naroroon: “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila] . . . kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot. Sapagkat ang kaniyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong hanggang sa langit, at inalaala ng Diyos ang kaniyang walang-katarungang mga gawa.”​—Apocalipsis 18:​4, 5.

Ano ba ang Babilonyang Dakila? Ito ang pangglobong sistema ng relihiyon na may mga pagkakakilanlang katulad ng sa sinaunang Babilonya. (Apocalipsis, kabanata 17, 18) Isaalang-alang ang ilang pagkakatulad:

• Ang mga saserdote ng sinaunang Babilonya ay lubusang nakikisangkot sa makapulitikang mga gawain ng bansa. Ganiyan din ang karamihan sa mga relihiyon sa ngayon.

• Karaniwan nang itinataguyod ng mga saserdote ng Babilonya ang pakikipagdigma ng kanilang bansa. Ang modernong relihiyon ay karaniwan nang nangunguna sa pagbasbas sa mga sundalo kapag nakikipagdigma ang bansa.

• Ang mga turo at gawain ng sinaunang Babilonya ang dahilan ng pagkakasadlak ng bansa sa talamak na imoralidad. Kapag ipinagwawalang-bahala ng mga lider ng relihiyon sa ngayon ang pamantayan ng Bibliya hinggil sa moralidad, lumalaganap ang imoralidad sa gitna ng klero at lego. Kapansin-pansin din ang katotohanan na dahil sa pagpapatutot mismo ng Babilonyang Dakila sa sanlibutan at sa makapulitikang sistema nito, inilalarawan siya ng Apocalipsis bilang isang patutot.

• Sinasabi rin ng Bibliya na ang Babilonyang Dakila ay namumuhay “sa walang-kahihiyang karangyaan.” Sa sinaunang Babilonya, ang nagmamay-ari ng malalaking lupain ay ang organisasyon ng templo, at naging prominente ang mga saserdote sa larangan ng komersiyo. Sa ngayon, bukod pa sa mga dako ng pagsamba, ang Babilonyang Dakila ay may napakaraming pag-aari at mga negosyo. Ang mga turo at mga kapistahan nito ay labis na nakapagpapayaman kapuwa sa kaniya at sa ibang mga negosyante.

• Ang paggamit ng mga imahen, mahika, at pangkukulam ay karaniwan na sa sinaunang Babilonya, gaya ng ginagawa sa maraming lugar sa ngayon. Ang kamatayan ay itinuturing na isang landas tungo sa panibagong uri ng buhay. Ang Babilonya ay punô ng mga templo at mga kapilya bilang pagpaparangal sa mga diyos nito, subalit sinasalansang ng mga taga-Babilonya ang mga mananamba ni Jehova. Nakikita rin ang ganitong paniniwala at mga gawain sa Babilonyang Dakila.

Noong sinaunang panahon, minaniobra ni Jehova ang makapangyarihang mga bansang pulitikal at militar upang parusahan ang patuloy na nagwawalang-bahala sa kaniya at sa kaniyang kalooban. Kaya nilipol ng mga Asiryano ang Samaria noong 740 B.C.E. Winasak ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at ng mga Romano noong 70 C.E. Ang Babilonya naman ay nilupig ng mga Medo at Persiano noong 539 B.C.E. Sa ating panahon, inihula ng Bibliya na babalingan ng makapulitikang mga pamahalaan, gaya ng isang mabangis na hayop, “ang patutot” at huhubaran siya, anupat inilalantad ang kaniyang tunay na pagkatao. Siya ay lubusan nilang pupuksain.​—Apocalipsis 17:16.

Gagawin nga kaya ng mga pamahalaan sa daigdig ang bagay na ito? Binabanggit ng Bibliya na ‘ilalagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso.’ (Apocalipsis 17:17) Ito’y darating nang bigla, nakagugulat, nakasisindak, hindi mahuhulaan o hindi paunti-unti.

Ano ang kailangan mong gawin? Tanungin ang sarili: ‘Nangungunyapit pa rin ba ako sa isang relihiyosong organisasyon na may bahid ng mga turo at mga gawaing nagpapakitang ito’y bahagi ng Babilonyang Dakila?’ Kung hindi ka man miyembro, maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Hinahayaan ko bang maimpluwensiyahan ako ng espiritu nito?’ Anong uri ng espiritu? Isang espiritu ng pangungunsinti sa kahalayan sa moral, pag-ibig sa materyal na mga ari-arian at kaluguran sa halip na pag-ibig sa Diyos, o kusang-loob na pagwawalang-bahala (kahit na sa waring maliliit na bagay lamang) sa Salita ni Jehova. Pag-isipang mabuti ang iyong sagot.

Upang mapasaatin ang pabor ni Jehova, napakahalaga na sa ating mga kilos at hangarin ng puso, pinatutunayan natin na talagang hindi tayo bahagi ng Babilonyang Dakila. Wala nang panahon para magpaliban pa. Bilang babala na biglang sasapit ang wakas, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ibubulid sa isang mabilis na paghahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.”​—Apocalipsis 18:21.

Subalit hindi lamang iyan. Sa isa pang aspekto ng “oras ng paghatol” na iyan, pagsusulitin ng Diyos na Jehova ang pangglobong sistema ng pulitika, ang mga pinuno nito, at ang lahat ng nagwawalang-bahala sa kaniyang karapat-dapat na pamamahala sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 13:​1, 2; 19:19-21) Inilalarawan ng makahulang pangitaing nakaulat sa Daniel 2:20-45 ang makapulitikang pamamahala mula noong sinaunang Babilonya hanggang sa kasalukuyan bilang isang higanteng imahen na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, at putik. Hinggil sa ating panahon, sinabi ng hula: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.” At may kinalaman sa gagawin pa ng Kahariang iyan sa “oras ng paghatol” ni Jehova, ang Bibliya ay nagsasabi: “Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga [gawang-taong] kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”​—Daniel 2:44.

Binabalaan ng Bibliya ang tunay na mga mananamba na huwag ibigin ‘ang mga bagay na nasa sanlibutan’​—ang paraan ng pamumuhay na itinataguyod ng sanlibutang ito na hiwalay sa tunay na Diyos. (1 Juan 2:15-17) Ipinakikita ba ng iyong mga desisyon at mga paggawi na ikaw ay lubusang panig sa Kaharian ng Diyos? Talaga nga bang inuuna mo ito sa iyong buhay?​—Mateo 6:33; Juan 17:​16, 17.

[Kahon sa pahina 14]

Kailan Darating ang Wakas?

“Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.”​—Mateo 24:44.

“Patuloy kayong magbantay . . . sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”​—Mateo 25:13.

“Hindi iyon maaantala.”​—Habakuk 2:3.

[Kahon sa pahina 14]

May Pagkakaiba ba Kung Alam Mo?

Kung natitiyak mong mga ilang taon pa bago dumating ang napipintong pagsasakatuparan ng hatol ng Diyos, mababago ba niyan ang paraan ng iyong pamumuhay? Kung ang wakas ng matandang sistemang ito ay hindi pa dumarating ayon sa inaasahan mo, naging dahilan ba ito upang manamlay ka sa paglilingkod kay Jehova?​—Hebreo 10:36-38.

Dahil sa hindi natin alam ang eksaktong panahon, nabibigyan tayo nito ng pagkakataong ipakita na malinis ang ating hangarin sa paglilingkod sa Diyos. Batid ng mga nakakakilala kay Jehova na ang huling-minutong pagpapamalas ng sigasig ay hindi makapagpapahanga sa Diyos, na nakakakita sa nilalaman ng puso.​—Jeremias 17:10; Hebreo 4:13.

Para sa mga tunay na umiibig kay Jehova, siya ang palaging nauuna. Gaya ng ibang mga tao, ang tunay na mga Kristiyano ay maaaring nagsasagawa ng sekular na mga trabaho. Subalit ang kanilang tunguhin ay, hindi upang yumaman, kundi upang magkaroon ng sapat na materyal na pangangailangan at kaunting maibabahagi sa iba. (Efeso 4:28; 1 Timoteo 6:7-12) Nasisiyahan din sila sa kapaki-pakinabang na paglilibang at pagbabago ng rutin, subalit ang hangarin nila ay upang guminhawa at hindi lamang dahil sa iyon ang ginagawa ng iba. (Marcos 6:31; Roma 12:2) Gaya ni Jesu-Kristo, nalulugod silang gawin ang kalooban ng Diyos.​—Awit 37:4; 40:8.

Nais ng tunay na mga Kristiyano na mabuhay at maglingkod kay Jehova magpakailanman. Ang pag-asang iyan ay hindi nababawasan ng halaga kahit na kailangan pa nilang hintayin ang ilang pagpapala nang medyo mas matagal kaysa sa inaasahan ng ilan sa kanila.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Ang Isyu ng Pagkasoberano

Upang maunawaan kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang labis-labis na pagdurusa, kailangan muna nating maunawaan ang isyu ng pagkasoberano. Ano ba ang pagkasoberano? Ito ang pinakasukdulang awtoridad.

Dahil si Jehova ang Maylalang, may karapatan siyang mamahala sa lupa at sa lahat ng tumatahan dito. Subalit ipinaliliwanag ng Bibliya na noong sinaunang kasaysayan ng tao, ang pagkasoberano ni Jehova ay hinamon. Sinabi ni Satanas na Diyablo na si Jehova raw ay napakahigpit, anupat nagsinungaling Siya sa ating unang mga magulang tungkol sa mangyayari kung ipagwawalang-bahala nila ang kautusan ng Diyos at gagawin ang mga bagay-bagay ayon sa gusto nila, at na talagang mas makabubuting pamunuan nila ang kanilang sarili nang hiwalay sa Diyos.​—Genesis, kabanata 2, 3.

Kung pupuksain agad ng Diyos ang mga rebelde, maipakikita nga nito ang kaniyang kapangyarihan, subalit hindi naman nito malulutas ang mga isyung ibinangon. Sa halip na puksain agad ang mga rebelde, hinayaan ni Jehova na makita ng lahat ng matatalinong nilalang ang resulta ng rebelyon. Bagaman nangahulugan ito ng pagdurusa, nagbigay naman ito ng pagkakataong maisilang tayo.

Bukod diyan, bagaman isang malaking sakripisyo ito para sa kaniya, maibiging isinaayos ni Jehova na ang mga taong susunod sa kaniya at mananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang Anak ay mapalaya mula sa kasalanan at sa mga bunga nito at mabuhay sa Paraiso. Kung kinakailangan, ito’y mangyayari sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay.

Ang paglalaan ng panahon para malutas ang isyu ay nagbigay rin ng pagkakataong ipakita ng mga lingkod ng Diyos na kaya nilang suklian ang pag-ibig ng Diyos at patunayan ang kanilang katapatan kay Jehova anuman ang mangyari. Ang paglutas sa isyu ng pagkasoberano ng Diyos, kasabay ng kaugnay na isyu ng katapatan ng tao, ay mahalaga upang matiyak ang wastong paggalang sa kautusan sa buong sansinukob. Kung wala ito, hindi kailanman magiging posible ang tunay na kapayapaan. a

[Talababa]

a Ang mga isyung ito at ang mga nasasangkot dito ay tinatalakay nang mas detalyado sa aklat na Maging Malapít kay Jehova, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan]

Ang pangglobong sistema ng makapulitikang pamamahala ay magwawakas