Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagong Sanlibutan Ayon sa Pangako ng Diyos

Isang Bagong Sanlibutan Ayon sa Pangako ng Diyos

Isang Bagong Sanlibutan Ayon sa Pangako ng Diyos

ANG Bibliya, ang nasusulat na Salita ng Diyos, ay nagbibigay sa atin ng pag-asa nang sabihin nito: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​—2 Pedro 3:13.

Ano ba ang “mga bagong langit”? Iniuugnay ng Bibliya ang langit sa pamamahala. (Gawa 7:49) Ang “mga bagong langit” ay isang bagong gobyerno na mamamahala sa buong lupa. Ito ay bago sapagkat papalitan nito ang kasalukuyang sistema ng pamamahala; isa rin itong bagong hakbang sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ito ang Kaharian na itinuro sa atin ni Jesus na ipanalangin natin. (Mateo 6:10) Yamang ang Diyos ang Pinagmulan nito at siya’y tumatahan sa langit, tinawag itong “kaharian ng langit.”​—Mateo 7:21.

Ano naman ang “bagong lupa”? Hindi ito isang bagong globo, yamang maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang lupa ay tatahanan magpakailanman. Ang “bagong lupa” ay isang bagong lipunan ng mga tao. Ito’y bago sapagkat nalipol na ang mga balakyot. (Kawikaan 2:​21, 22) Ang lahat ng mabubuhay roon ay magpaparangal at tatalima sa Maylalang at mabubuhay kasuwato ng kaniyang mga kahilingan. (Awit 22:27) Ang mga tao sa lahat ng bansa ay inaanyayahang matutuhan ang mga kahilingang ito at iayon ang kanilang buhay sa mga ito sa ngayon. Ginagawa mo ba iyan?

Sa bagong sanlibutan ng Diyos, lahat ay gagalang sa Kaniyang pamamahala. Pinakikilos ka ba ng pag-ibig sa Diyos na sundin siya? (1 Juan 5:3) Nakikita ba iyan sa inyong tahanan? sa pinagtatrabahuhan, o sa paaralan? sa paraan ng iyong pamumuhay?

Sa bagong sanlibutang iyan, ang lipunan ng tao ay magkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos. Sinasamba mo ba ang Maylalang ng langit at lupa? Talaga bang dahil sa iyong pagsamba ay nakikiisa ka sa mga kapananampalataya mula sa lahat ng bansa, lahat ng lahi, lahat ng wika?​—Awit 86:​9, 10; Isaias 2:2-4; Zefanias 3:9.

[Kahon sa pahina 17]

Ang Diyos na Nangako ng mga Bagay na Ito

Siya ang Maylalang ng pisikal na mga langit at ng planetang Lupa. Siya ang ipinakilala ni Jesu-Kristo bilang “ang tanging tunay na Diyos.”​—Juan 17:3.

Ang kalakhang bahagi ng sangkatauhan ay nagpaparangal sa mga diyos na sila mismo ang gumawa. Milyun-milyon ang yumuyukod sa walang-buhay na mga imahen. Ang iba naman ay lumuluwalhati sa mga institusyon ng tao, sa materyalistikong mga pilosopiya, o sa kanilang sariling mga pagnanasa. Hindi lahat, maging sa mga nag-aangking gumagamit ng Bibliya, ay nagpaparangal sa pangalan ng isa na ipinakikilala nito bilang “ang tunay na Diyos.”​—Deuteronomio 4:35.

Tungkol sa kaniyang sarili, ang Maylalang ay nagsasabi: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko.” (Isaias 42:​5, 8) Ang pangalang ito ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa Bibliya sa orihinal na mga wika nito. Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”​—Mateo 6:9.

Anong uri ba ng persona ang tunay na Diyos? Inilalarawan niya ang kaniyang sarili bilang isa na “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan” at bilang isa na hinding-hindi mag-uurong ng parusa sa mga kusang lumalabag sa kaniyang mga utos. (Exodo 34:​6, 7) Pinatutunayan sa kasaysayan ng kaniyang pakikitungo sa sangkatauhan ang katotohanan ng paglalarawang iyan.

Kapuwa ang pangalan at ang personang kinakatawan ng pangalang iyan ay dapat pakabanalin, o ituring na banal. Bilang ang Maylalang at Soberano ng Sansinukob, karapat-dapat siya sa ating pagsunod at sa lahat ng ating pagsamba. Personal mo bang ibinibigay ang mga ito sa kaniya?

[Kahon/Larawan sa pahina 18]

Anong mga Pagbabago ang Idudulot ng “mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”?

Magiging Paraiso ang lupa Lucas 23:43

Isang pangglobong lipunan na Juan 13:35;

doo’y nagkakaisa sa pag-ibig ang Apocalipsis 7:​9, 10

mga tao mula sa lahat ng bansa,

lahat ng lahi, lahat ng wika

Pangglobong kapayapaan, tunay Awit 37:​10, 11;

na katiwasayan para sa lahat Mikas 4:​3, 4

Nakasisiyang trabaho, saganang Isaias 25:6; 65:​17, 21-23

pagkain

Wala nang karamdaman, Isaias 25:8;

kalungkutan, kamatayan Apocalipsis 21:​1, 4

Isang sanlibutang nagkakaisa Apocalipsis 15:​3, 4

sa pagsamba sa tunay na Diyos

[Kahon/Mga larawan sa pahina 19]

Makikinabang Ka Ba?

Ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling!​—Tito 1:2.

Ipinahahayag ni Jehova: ‘Ang aking salita ay hindi babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.’​—Isaias 55:11.

Lumilikha na ngayon si Jehova ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Kumikilos na ngayon ang makalangit na pamahalaan. Nailatag na ang pundasyon para sa “bagong lupa.”

Matapos isiwalat ang ilan sa kahanga-hangang mga bagay na idudulot ng “isang bagong langit at isang bagong lupa” sa sangkatauhan, sinipi sa Apocalipsis ang Diyos mismo, ang Soberano ng Sansinukob, sa pagsasabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Gayundin, sinabi niya: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”​—Apocalipsis 21:​1, 5.

Ang mahalagang tanong ay, Gumagawa ba tayo ng kinakailangang pagbabago upang mapabilang sa karapat-dapat na maging bahagi ng “bagong lupa[ng]” iyan sa ilalim ng “mga bagong langit”?