Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Patungo ang Iyong Buhay?

Saan Patungo ang Iyong Buhay?

Saan Patungo ang Iyong Buhay?

• Maraming tao ang abalang-abala sa mga gawain sa pang-araw-araw na buhay anupat ni hindi na nila gaanong napag-iisipan kung saan nga ba sila patungo.

• Ipinababatid sa atin ng Bibliya ang magagandang pangyayari sa hinaharap. Nagbababala rin ito sa dumarating na isang malaking pagbabago sa mga institusyon ng tao. Upang makinabang tayo at makaiwas sa kalamidad, kailangan ang positibong pagkilos.

• May ilang tao na nakaaalam sa sinasabi ng Bibliya at nagsisikap na ikapit ito subalit hinahayaan naman nilang mailihis sila ng mga kabalisahan sa buhay.

• Maligaya ka ba sa landasing tinatahak ng iyong buhay? Kapag may mga pinaplano kang gawin, pinag-iisipan mo ba kung paano ito makaaapekto sa iyong pangmatagalang tunguhin sa buhay?

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9]

Ano ang Pinakamahalaga sa Iyo?

Paano mo ituturing ang sumusunod? Lagyan mo ng numero.

Marami sa mga ito ang may angkop na dako sa buhay, ngunit kung papipiliin ka, ano ang una? ikalawa? at mga susunod.

․․․ Libangan/dibersiyon

․․․ Ang aking trabaho o ang aking propesyon

․․․ Ang aking kalusugan

․․․ Personal na kaligayahan

․․․ Ang aking asawa

․․․ Ang aking mga magulang

․․․ Ang aking mga anak

․․․ Magandang bahay, magagarang damit

․․․ Pagiging pinakamagaling sa anumang gawin ko

․․․ Pagsamba sa Diyos

[Kahon sa pahina 10, 11]

Inaakay Ka ba ng mga Pinipili Mo sa Talagang Gusto Mong Puntahan?

ISAALANG-ALANG ANG MGA TANONG NA ITO

LIBANGAN/DIBERSIYON: Napasisigla ba ako ng pinipili kong libangan? Mayroon ba itong pakikipagsapalaran na magsasapanganib ng aking kalusugan o makapagpapalumpo sa akin habambuhay? Isa ba itong “katuwaan” na marahil ay tumatagal nang ilang oras na kasayahan subalit magdudulot naman ng pangmatagalang sugat sa damdamin? Kung maganda man ang pinipili kong libangan, napakaraming panahon ba ang ginugugol ko rito anupat naisasaisantabi tuloy ang mas mahahalagang bagay?

ANG AKING TRABAHO O ANG AKING PROPESYON: Nagsisilbi ba itong panustos, o ang totoo’y nagpapaalipin ako rito? Napakabigat ba nito anupat napipinsala tuloy ang aking kalusugan? Mas gusto ko bang mag-obertaym sa aking trabaho o makasama ang aking asawa o ang aking mga anak? Kung may iniuutos na trabaho ang aking amo na hindi maatim ng aking konsiyensiya o na madalas na umaagaw sa espirituwal na mga kapakanan, gagawin ko ba ang trabahong iyon upang hindi ako masisante?

ANG AKING KALUSUGAN: Ipinagwawalang-bahala ko ba ito, o palagi ko itong iniingatan? Ito na lamang ba ang lagi kong bukambibig? Nakikita ba sa paraan ng pangangalaga ko rito na nagmamalasakit ako sa aking pamilya?

PERSONAL NA KALIGAYAHAN: Ito ba ang pangunahin sa akin? Inuuna ko ba ito bago ang kaligayahan ng aking asawa o ng aking pamilya? Ang paraan ko ba ng paghanap nito ay kasuwato ng pagiging isang mananamba ng tunay na Diyos?

ANG AKING ASAWA: Itinuturing ko bang katuwang ang aking asawa kung kailan ko lamang gustuhin? Pinakikitunguhan ko ba nang may karangalan ang aking asawa, isa na karapat-dapat pag-ukulan ng dignidad bilang indibiduwal? Naiimpluwensiyahan ba ng paniniwala sa Diyos ang pangmalas ko sa aking asawa?

ANG AKING MGA MAGULANG: Kung menor-de-edad pa, masunurin ba ako sa aking mga magulang​—magalang sumagot, sumusunod sa iniuutos na mga gawaing-bahay, umuuwi sa anumang oras na itakda nila, umiiwas sa pakikisama at mga gawain na ipinagbabawal nila? Kung isang adulto, magalang ba akong nakikinig sa aking mga magulang, na nagbibigay sa kanila ng angkop na tulong kapag ito’y kailangan? Ang pakikitungo ko ba sa kanila ay depende sa aking pansariling bentaha o sa payo ng Salita ng Diyos?

ANG AKING MGA ANAK: Nakadarama ba ako ng pananagutang turuan ang aking mga anak ng wastong mga pamantayan sa moral, o iniaasa ko sa mga paaralan ang paggawa nito? Gumugugol ba ako ng panahon sa aking mga anak, o umaasa ako sa mga laruan, TV, o computer para maging abala sila? Palagi ko bang dinidisiplina ang aking mga anak sa tuwing ipinagwawalang-bahala nila ang mga paalaala ng Diyos, o ginagawa ko lamang ito kung naiinis ako?

MAGANDANG BAHAY, MAGAGARANG DAMIT: Ano ang nagdidikta sa atensiyong ibinibigay ko sa aking hitsura at mga pag-aari​—ang impresyong nais kong ipakita sa aking mga kapitbahay? ang kapakanan ng aking pamilya? ang katotohanang ako’y isang mananamba ng Diyos?

PAGIGING PINAKAMAGALING SA ANUMANG GAWIN KO: Nadarama ko ba na mahalagang gawin ang mga bagay-bagay sa mahusay na paraan? Sinisikap ko bang maging pinakamagaling? Nababalisa ba ako kapag may ibang nakagawa ng isang bagay na mas magaling?

PAGSAMBA SA DIYOS: Mas mahalaga ba sa akin ang pagsang-ayon ng Diyos kaysa sa pagsang-ayon ng aking asawa, mga anak, mga magulang, o amo? Upang mapanatili ang isang maginhawang istilo ng pamumuhay, handa ko bang ilagay sa pangalawahing dako ang paglilingkod sa Diyos?

MAINGAT NA ISAALANG-ALANG ANG PAYO NG BIBLIYA

Nasaan ang Diyos sa iyong buhay?

Eclesiastes 12:13: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”

TANUNGIN ANG SARILI: Nakikita ba sa aking buhay na minamalas ko ang mga bagay-bagay ayon sa paraang iyan? Nakikita ba sa paraan ng pagbalikat ko sa mga responsibilidad sa tahanan, sa trabaho, o sa paaralan ang aking pagkamasunurin sa utos ng Diyos? O nakikita ba sa iba pang mga pinagkakaabalahan o mga kagipitan sa buhay kung naglalaan ako ng panahon sa Diyos?

Anong uri ng kaugnayan sa Diyos ang taglay mo?

Kawikaan 3:​5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Mateo 4:10: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.”

TANUNGIN ANG SARILI: Ganiyan ba ang nadarama ko sa Diyos? Nakikita ba sa aking ginagawa sa araw-araw at sa paraan ng pagharap ko sa mga problema ang gayong pagtitiwala at debosyon?

Gaano kahalaga sa iyo ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya?

Juan 17:3: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”

TANUNGIN ANG SARILI: Nakikita ba sa pagpapahalagang ibinibigay ko sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay nito na talagang pinaniniwalaan ko iyan?

Gaano kahalaga sa iyo ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyong Kristiyano?

Hebreo 10:​24, 25: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, . . . at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”

Awit 122:1: “Ako ay nagsaya nang sabihin nila sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’”

TANUNGIN ANG SARILI: Nakikita ba sa aking paraan ng pamumuhay ang pagpapahalaga sa utos na ito na masusumpungan sa Salita ng Diyos? Noong nakalipas na buwan, lumiban ba ako sa anumang Kristiyanong pagpupulong dahil may inuna akong ibang bagay?

Masigasig ka bang nakikibahagi sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin?

Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo . . . , at kung magkagayon ay darating ang wakas.”

Mateo 28:​19, 20: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”

Awit 96:2: “Umawit kayo kay Jehova, pagpalain ninyo ang kaniyang pangalan. Sa araw-araw ay ihayag ninyo ang mabuting balita ng kaniyang pagliligtas.”

TANUNGIN ANG SARILI: Talaga bang may dako ang gawaing ito sa aking buhay na siya namang nararapat? Nasasalamin ba sa pakikibahagi ko rito ang aking pananalig may kinalaman sa kaselangan ng panahon na kinabubuhayan natin?