Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Patungo ang Sanlibutang Ito?

Saan Patungo ang Sanlibutang Ito?

Saan Patungo ang Sanlibutang Ito?

Malulubhang problema at nakagigimbal na mga pangyayari ang laman ng balita araw-araw sa buong daigdig! Ano kaya ang kahulugan nito?

SARILING KALIGTASAN: Nagpapasabog ng mga bomba sa mga pamilihan. Namamaril ng mga guro at mga estudyante sa paaralan. Kumikidnap ng mga sanggol kapag nakalingat ang mga magulang. Nanghoholdap ng mga babae at matatandang lalaki sa kasikatan ng araw.

KALAGAYAN SA RELIHIYON: Sumusuporta ang mga simbahan sa magkakalabang partido sa panahon ng digmaan. Inaakusahan ang klero sa salang paglipol ng lahi. Seksuwal na pinagsasamantalahan ng mga pari ang mga kabataan; pinagtatakpan ng simbahan. Umuunti ang mga nagsisimba; Ibinebenta ang mga gusali ng simbahan.

KAPALIGIRAN: Kinakalbo ang mga gubat dahil sa komersiyo. Nangangahoy ang mahihirap mula sa mga kakahuyan para gawing panggatong. Dumurumi ang tubig sa ilalim ng lupa, di-ligtas inumin. Napipinsala ang pangingisda dahil sa mga basura mula sa industriya at dahil sa ilang modernong paraan ng paghuli ng isda. Nakasasakal na polusyon sa hangin.

HANAPBUHAY: Iniulat na mga $480 (U.S.) ang kita taun-taon ng bawat tao sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika. Dahil sa kasakiman ng mga opisyal ng mga korporasyon, bumagsak ang mga negosyo anupat libu-libo ang nawalan ng trabaho. Dahil sa pandaraya, naubos ang buong-buhay na pinag-ipunan ng mga namumuhunan.

KAKAPUSAN SA PAGKAIN: Mga 800,000,000 katao sa buong daigdig ang nagugutom.

DIGMAAN: Mahigit na 100,000,000 katao ang namatay dahil sa digmaan noong ika-20 siglo. May sapat na sandatang nuklear na kayang pumuksa sa buong sangkatauhan nang maraming ulit. Mga digmaang sibil. Paglaganap ng terorismo na gumigimbal sa buong daigdig.

SALOT AT IBA PANG KARAMDAMAN: Simula noong 1918, kumitil ng 21,000,000 katao ang trangkaso Espanyola. Ang AIDS sa ngayon “ang pinakamapangwasak na salot sa kasaysayan ng tao.” Kanser at sakit sa puso ang nagdudulot ng kapighatian sa buong daigdig.

Huwag magtuon ng pansin sa paisa-isang balita. Pailan-ilang pangyayari ba lamang ang mga ito? O bahagi ang mga ito ng isang pangglobong kalagayan na may tunay na kahulugan?

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Talaga Bang Nagmamalasakit ang Diyos?

Dahil sa pighating dulot ng nakagigimbal na mga pangyayari o matinding pangungulila, maraming tao ang nagtatanong kung bakit walang ginagawa ang Diyos upang mahadlangan ang mga bagay na ito.

Talagang nagmamalasakit ang Diyos. Naglalaan siya ng maaasahang patnubay at tunay na kaginhawahan sa ngayon. (Mateo 11:28-30; 2 Timoteo 3:​16, 17) Nakagawa na siya ng mga kaayusan upang wakasan ang karahasan, karamdaman, at kamatayan. Makikita sa kaniyang mga kaayusan na siya’y nagmamalasakit hindi lamang sa mga tao sa isang bansa kundi sa mga tao sa lahat ng bansa, tribo, at wika.​—Gawa 10:​34, 35.

Gaano kalaki ang ating pagpapahalaga sa Diyos? Kilala mo ba kung sino ang Maylalang ng langit at lupa? Ano ang pangalan niya? Ano ang layunin niya? Sinasagot niya ang mga tanong na ito sa Bibliya. Sinasabi niya sa atin doon kung anong mga hakbang ang kaniyang ginagawa upang wakasan ang karahasan gayundin ang karamdaman at kamatayan. Upang makinabang, ano ang hinihiling sa atin? Kailangan nating malaman ang tungkol sa kaniya at sa kaniyang layunin. Paano tayo makaaasa ng pakinabang sa kaniyang mga kaayusan kung hindi tayo magpapakita ng pananampalataya sa kaniya? (Juan 3:16; Hebreo 11:6) Kailangan din nating sundin ang kaniyang mga kahilingan. (1 Juan 5:3) Sapat ba ang iyong pagpapahalaga sa Diyos para gawin iyan?

Upang maintindihan kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang kasalukuyang mga kalagayan, dapat muna nating maunawaan ang isang napakahalagang isyu. Ipinaliliwanag ito ng Bibliya. Sa pahina 15 ng publikasyong ito, mababasa mo ang isyung iyon.