Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Upang Hindi Kayo Pumasok sa Tukso”

“Upang Hindi Kayo Pumasok sa Tukso”

“Upang Hindi Kayo Pumasok sa Tukso”

“Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”​—MATEO 26:41.

 MATINDI ang panggigipit​—di-gaya ng anumang naranasan na niya. Malapit nang magwakas ang buhay sa lupa ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos. Batid ni Jesus na malapit na siyang arestuhin, hatulan ng kamatayan, at ipako sa pahirapang tulos. Alam niyang apektado ng bawat desisyon at paggawi niya ang pangalan ng kaniyang Ama. Alam din ni Jesus na nakasalalay rito ang kinabukasan ng sangkatauhan. Sa harap ng lahat ng panggigipit na ito, ano ang kaniyang ginawa?

2 Pumunta si Jesus sa hardin ng Getsemani kasama ang kaniyang mga alagad. Iyon ang paboritong lugar ni Jesus. Doon ay lumayo siya nang kaunti sa kaniyang mga alagad. Nang mapag-isa, humiling siya sa kaniyang makalangit na Ama na bigyan siya ng lakas, anupat ibinuhos niya ang nilalaman ng kaniyang puso sa taimtim na pananalangin​—hindi lamang minsan kundi tatlong ulit. Bagaman sakdal, hindi inisip ni Jesus na kakayanin niyang mag-isa ang panggigipit.​—Mateo 26:36-44.

3 Tayo sa ngayon ay nasa ilalim din ng panggigipit. Sa bandang unahan ng brosyur na ito, tinalakay natin ang katibayan na nabubuhay tayo sa mga huling araw ng balakyot na sistemang ito. Patindi nang patindi ang mga tukso at panggigipit ng sanlibutan ni Satanas. Ang mga desisyon at paggawi ng sinuman sa atin na nagsasabing naglilingkod sa tunay na Diyos ay nakaaapekto sa Kaniyang pangalan at may napakalaking bahagi sa ating indibiduwal na pag-asang mabuhay sa kaniyang bagong sanlibutan. Iniibig natin si Jehova. Nais nating ‘magbata hanggang sa wakas’​—wakas ng ating buhay o wakas ng sistemang ito, alinman ang mauna. (Mateo 24:13) Subalit paano kaya natin mapananatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan at patuloy na makapagbantay?

4 Palibhasa’y alam niyang ang kaniyang mga alagad​—noon at ngayon—​ay daranas din ng panggigipit, hinimok sila ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mateo 26:41) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito sa atin sa ngayon? Anong tukso ang napapaharap sa iyo? At paano ka ‘patuloy na makapagbabantay’?

Tukso na Gumawa ng Ano?

5 Tayong lahat ay napapaharap araw-araw sa tukso na matangay sa “silo ng Diyablo.” (2 Timoteo 2:26) Nagbabala ang Bibliya na ang mga mananamba ni Jehova ang pantanging pinupuntirya ni Satanas. (1 Pedro 5:8; Apocalipsis 12:​12, 17) Sa anong layunin? Hindi upang patayin tayo. Hindi isang tagumpay para kay Satanas kung mamamatay tayong tapat sa Diyos. Alam ni Satanas na sa Kaniyang takdang panahon, aalisin ni Jehova ang kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.​—Lucas 20:​37, 38.

6 Nais ni Satanas na sirain ang isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa ating kasalukuyang buhay​—ang ating katapatan sa Diyos. Desperado si Satanas na patunayang maitatalikod niya tayo kay Jehova. Kaya kung tayo’y mahihikayat na magtaksil​—huminto na sa pangangaral ng mabuting balita o tumalikod na sa mga pamantayang Kristiyano​—isa ngang tagumpay iyan para kay Satanas! (Efeso 6:11-13) Kaya inilalagay ng “Manunukso” sa harap natin ang mga tukso.​—Mateo 4:3.

7 Iba’t iba ang “mapanlinlang na mga taktika” ni Satanas. (Efeso 6:​11, Jewish New Testament) Maaari niya tayong tuksuhin sa pamamagitan ng materyalismo, takot, pag-aalinlangan, o paghahangad ng kaluguran. Subalit ang isa sa kaniyang pinakamabibisang paraan ay nagsasangkot ng pagkasira ng loob. Bilang isang tusong oportunista, alam niya na ang kawalan ng pag-asa ay makapagpapahina sa atin, anupat magpaparupok sa atin. (Kawikaan 24:10) Lalo na nga kapag ‘nasisiil’ ang ating damdamin, tinutukso niya tayong sumuko na.​—Awit 38:8.

8 Habang papalapit tayo sa mga huling araw, parang lalong dumarami ang mga dahilan ng pagkasira ng loob, at hindi tayo ligtas sa mga ito. (Tingnan ang kahong “Ilang Dahilan ng Pagkasira ng Loob.”) Anuman ang dahilan, ang pagkasira ng loob ay umuubos ng ating lakas. Ang ‘pagbili sa naaangkop na panahon’​—lakip na ang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong Kristiyano, at pakikibahagi sa ministeryo​—ay maaaring maging hamon kung ikaw ay lupaypay na sa pisikal, mental, at emosyonal. (Efeso 5:​15, 16) Alalahanin mong gusto ng Manunukso na sumuko ka. Subalit hindi ito ang panahon upang manamlay o mawala ang iyong pagkadama ng pagkaapurahan may kinalaman sa mga panahong kinabubuhayan natin! (Lucas 21:34-36) Paano mo mapaglalabanan ang tukso at patuloy na makapagbantay? Pag-isipan ang apat na mungkahi na makatutulong.

“Manalangin Nang Patuluyan”

9 Magtiwala kay Jehova sa panalangin. Alalahanin ang halimbawa ni Jesus sa hardin ng Getsemani. Ano ang ginawa niya sa ilalim ng matinding kaigtingang nadama niya? Humingi siya ng tulong kay Jehova at buong-kataimtimang nanalangin anupat “ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Pag-isipan mo ito. Kilalang-kilala ni Jesus si Satanas. Napagmasdan ni Jesus mula sa langit ang lahat ng panunuksong ginagamit ni Satanas sa kaniyang pagsisikap na siluin ang mga lingkod ng Diyos. Gayunman, hindi inisip ni Jesus na madali niyang madaraig ang anumang tuksong ihaharap sa kaniya ng Manunukso. Kung ang sakdal na Anak ng Diyos ay nangailangang manalangin para humingi ng tulong at lakas mula sa Diyos, lalo na tayo!​—1 Pedro 2:21.

10 Alalahanin din na matapos himukin ang kaniyang mga alagad na “manalangin nang patuluyan,” sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Mateo 26:41) Kanino kayang laman ang tinutukoy ni Jesus? Tiyak na hindi yaong sa kaniya; walang anumang mahina sa kaniyang sakdal na laman bilang tao. (1 Pedro 2:22) Subalit iba naman yaong sa kaniyang mga alagad. Dahil sa minanang di-kasakdalan at makasalanang hilig, kailangang-kailangan nila ang tulong upang mapaglabanan ang tukso. (Roma 7:21-24) Kaya nga hinimok niya sila​—at ang lahat ng tunay na mga Kristiyano pagkatapos nila​—na humingi ng tulong sa panalangin upang makayanan ang tukso. (Mateo 6:13) Sinasagot ni Jehova ang gayong mga panalangin. (Awit 65:2) Paano? Sa dalawang paraan.

11 Una, tinutulungan tayo ng Diyos na makilala ang mga tukso. Ang mga tukso ni Satanas ay parang mga patibong na nakakalat sa isang madilim na daanan. Kapag hindi mo nakita ang mga ito, maaari kang masilo. Sa pamamagitan ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon, inilalantad ni Jehova ang mga patibong ni Satanas, kaya naman naiiwasan nating mahulog sa tukso. Sa paglipas ng mga taon, paulit-ulit tayong binababalaan ng nakalimbag na literatura at mga programa sa kombensiyon at asamblea laban sa mga panganib na ito gaya ng pagkatakot sa tao, seksuwal na imoralidad, materyalismo, at iba pang mga tukso mula kay Satanas. (Kawikaan 29:25; 1 Corinto 10:8-11; 1 Timoteo 6:​9, 10) Hindi ka ba nagpapasalamat kay Jehova sa pagbababala sa atin sa mga pakana ni Satanas? (2 Corinto 2:11) Lahat ng mga babalang ito ay sagot sa iyong mga panalangin na tulungan kang mapaglabanan ang tukso.

12 Ikalawa, sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng lakas upang mabata ang tukso. Ang kaniyang Salita ay nagsasabi: ‘Hindi hahayaan ng Diyos na tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan.’ (1 Corinto 10:13) Hindi kailanman pahihintulutan ng Diyos na maging napakalakas ng tukso anupat magkukulang ang ating espirituwal na lakas upang malabanan ito​—kung patuloy tayong magtitiwala sa kaniya. Paano siya ‘gagawa ng daang malalabasan’ para sa atin? Siya ay “magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Makatutulong sa atin ang espiritung iyan na maalaala ang mga simulain sa Bibliya na makapagpapalakas sa ating paninindigang gawin ang tama at makatutulong sa atin na gumawa ng matatalinong pasiya. (Juan 14:26; Santiago 1:​5, 6) Makatutulong ito sa atin na magpakita ng mismong mga katangiang kailangan natin upang madaig ang maling mga hilig. (Galacia 5:​22, 23) Maaari pa ngang maudyukan ng espiritu ng Diyos ang ating mga kapananampalataya na ‘maging tulong na nagpapalakas sa atin.’ (Colosas 4:11) Hindi ka ba nagpapasalamat na tinutugon ni Jehova sa gayong maibiging paraan ang iyong mga panalangin na tulungan ka?

Maging Makatotohanan sa Iyong mga Inaasahan

13 Upang patuloy na makapagbantay, kailangan nating maging makatotohanan sa ating mga inaasahan. Dahil sa mga panggigipit sa buhay, tayo’y napapagod din paminsan-minsan. Subalit tandaan natin na hindi kailanman ipinangako ng Diyos na magiging ligtas sa problema ang ating buhay sa matandang sistemang ito. Kahit noong panahon ng Bibliya, ang mga lingkod ng Diyos ay napaharap din sa mga kapighatian, lakip na ang pag-uusig, kahirapan, depresyon, at karamdaman.​—Gawa 8:1; 2 Corinto 8:​1, 2; 1 Tesalonica 5:14; 1 Timoteo 5:23.

14 May mga problema rin tayo sa ngayon. Maaari tayong mapaharap sa mga pag-uusig, makaranas ng mga kabalisahan sa pinansiyal, makipaglaban sa depresyon, magkasakit, at magdusa sa iba pang paraan. Kung iingatan tayo ni Jehova sa makahimalang paraan mula sa lahat ng kapinsalaan, hindi kaya maging dahilan iyan upang tuyain ni Satanas si Jehova? (Kawikaan 27:11) Talagang pinahihintulutan ni Jehova na tuksuhin at subukin ang kaniyang mga lingkod, anupat may mga pagkakataon pa nga na namamatay sila sa kamay ng mga mananalansang.​—Juan 16:2.

15 Kung gayon, ano ang ipinangako ni Jehova? Gaya ng nabanggit na natin, ipinangako niya na tutulungan niya tayong mapaglabanan ang anumang tuksong mapaharap sa atin, hangga’t lubos tayong nagtitiwala sa kaniya. (Kawikaan 3:​5, 6) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon, ipinagsasanggalang niya tayo sa espirituwal na paraan, anupat tinutulungan tayong ingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Kung mananatili ang kaugnayang iyan, mamatay man tayo, panalo pa rin tayo. Walang anumang bagay​—ni kamatayan man​—ang makapipigil sa Diyos na gantimpalaan ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Hebreo 11:6) At sa bagong sanlibutan na malapit nang dumating, tiyak na tutuparin ni Jehova ang lahat ng iba pa niyang kamangha-manghang mga pangako ng pagpapala para sa mga umiibig sa kaniya.​—Awit 145:16.

Isaisip ang mga Isyu

16 Upang makapagbata hanggang sa wakas, dapat nating isaisip ang mahahalagang isyung sangkot sa pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan. Kung nadaraig tayo paminsan-minsan ng ating sariling mga problema at natutukso tayong huminto na, makabubuting paalalahanan natin ang ating sarili na hinamon ni Satanas ang karapatan ng pagkasoberano ni Jehova. Pinag-alinlanganan din ng Manlilinlang ang debosyon at katapatan ng mga mananamba ng Diyos. (Job 1:8-11; 2:​3, 4) Ang mga isyung iyan at ang paraang pinili ni Jehova upang malutas ang mga ito ay mas mahalaga kaysa sa sinuman sa atin bilang indibiduwal. Paano?

17 Ang pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa paghihirap ay nagbigay ng pagkakataon sa iba pa na yumakap sa katotohanan. Pag-isipan mo ito: Nagdusa si Jesus upang tayo’y magkamit ng buhay. (Juan 3:16) Hindi ba’t dapat nating ipagpasalamat iyan? Subalit handa ba tayong magbata nang kaunti pang panahon upang may iba pang magkamit ng buhay? Upang makapagbata hanggang sa wakas, dapat nating kilalanin na lubhang nakahihigit ang karunungan ni Jehova sa karunungan natin. (Isaias 55:9) Wawakasan niya ang kabalakyutan sa panahong pinakamabuti para sa walang-hanggang kalutasan ng mga isyu at para sa ating walang-hanggang kapakanan. May mas magaling pa kaya rito? Walang masusumpungang kawalang-katarungan sa Diyos!​—Roma 9:14-24.

“Lumapit Kayo sa Diyos”

18 Upang mapanatili ang ating pagkadama ng pagkaapurahan, kailangan nating manatiling malapít kay Jehova. Huwag nating kalilimutan kailanman na ginagawa ni Satanas ang lahat ng kaniyang makakaya upang sirain ang ating mabuting kaugnayan kay Jehova. Pinapapaniwala tayo ni Satanas na hindi kailanman darating ang wakas at na walang kahihinatnan ang pangangaral ng mabuting balita o pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Subalit siya ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Dapat na determinado tayong ‘salansangin ang Diyablo.’ Ang ating kaugnayan kay Jehova ay isang bagay na hindi dapat ipagwalang-bahala kailanman. Maibigin tayong hinihimok ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:​7, 8) Paano ka magiging malapít kay Jehova?

19 Napakahalagang magbulay-bulay kasabay ng panalangin. Kapag waring sobra na ang mga panggigipit sa buhay, ibuhos mo ang iyong puso kay Jehova. Habang lalo kang nagiging espesipiko, lalong nagiging madaling makita ang sagot sa iyong mga kahilingan. Maaaring hindi laging eksakto sa iniisip mo ang sagot, subalit kung ang hangarin mo ay ang maparangalan siya at makapanatiling tapat, ilalaan niya ang tulong na kailangan mo upang matagumpay kang makapagbata. (1 Juan 5:14) Habang nakikita mo ang kaniyang patnubay sa iyong buhay, lalo kang mápapalapít sa kaniya. Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga katangian at pamamaraan ni Jehova, gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ay mahalaga rin. Makatutulong sa iyo ang gayong pagbubulay-bulay upang lalo mo siyang makilala; ito’y magpapasigla sa iyong puso at magpapasidhi sa iyong pag-ibig sa kaniya. (Awit 19:14) At ang pag-ibig na iyan, higit sa lahat, ang tutulong sa iyo na mapaglabanan ang tukso at patuloy na makapagbantay.​—1 Juan 5:3.

20 Upang manatiling malapít kay Jehova, mahalaga rin na patuloy na maging malapít sa ating mga kapananampalataya. Tatalakayin ito sa huling seksiyon ng brosyur na ito.

MGA TANONG SA PAG-AARAL

• Ano ang ginawa ni Jesus sa ilalim ng matinding panggigipit nang malapit nang magwakas ang kaniyang buhay, at ano ang hinimok niyang gawin ng kaniyang mga alagad? (Par. 1-4)

• Bakit ang mga mananamba ni Jehova ang pinupuntirya ni Satanas, at sa anu-anong paraan niya tayo tinutukso? (Par. 5-8)

• Upang mapaglabanan ang tukso, bakit dapat na patuloy tayong manalangin (Par. 9-12), maging makatotohanan sa ating mga inaasahan (Par. 13-15), maging palaisip sa mga isyu (Par. 16-17), at maging ‘malapít sa Diyos’ (Par. 18-20)?

[Kahon sa pahina 25]

Ilang Dahilan ng Pagkasira ng Loob

Kalusugan/edad. Kung pinahihirapan tayo ng matagal nang karamdaman o nahahadlangan dahil sa pagtanda, maaari tayong manlumo sapagkat hindi na natin kayang gumawa nang higit pa sa paglilingkod sa Diyos.​—Hebreo 6:10.

Pagkabigo. Maaari tayong masiraan ng loob kung kakaunti lamang ang tumutugon sa ating pagsisikap na ipangaral ang Salita ng Diyos.​—Kawikaan 13:12.

Pagkadama ng kawalang-halaga. Dahil sa maraming taon ng pagmamaltrato, baka makumbinsi ang isang tao na wala nang nagmamahal sa kaniya, maging si Jehova.​—1 Juan 3:​19, 20.

Sama ng loob. Kung ang damdamin ng isang tao ay malubhang nasaktan ng isang kapananampalataya, maaari siyang maguluhan anupat parang ayaw na tuloy niyang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong o makibahagi sa ministeryo sa larangan.​—Lucas 17:1.

Pag-uusig. Ang iba na hindi mo kapananampalataya ay maaaring sumalansang, umusig, o tumuya sa iyo.​—2 Timoteo 3:12; 2 Pedro 3:​3, 4.

[Larawan sa pahina 26]

Hinihimok tayo ni Jesus na “manalangin nang patuluyan” upang tulungan tayong mapaglabanan ang tukso