Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Isa na Tungkol sa Kaniya ay Nagpatotoo ang Lahat ng mga Propeta

Ang Isa na Tungkol sa Kaniya ay Nagpatotoo ang Lahat ng mga Propeta

Ikaapat na Kabanata

Ang Isa na Tungkol sa Kaniya ay Nagpatotoo ang Lahat ng mga Propeta

1. Ano ang ipinakikita ng mga katibayan ng pag-iral ni Jesus bago naging tao kung tungkol sa kaniyang kaugnayan kay Jehova?

 “MINAMAHAL ng Ama ang Anak at ipinakikita sa kaniya ang lahat ng bagay na kaniya mismong ginagawa.” (Juan 5:20) Napakagiliw nga ng kaugnayan na tinamasa ng Anak sa kaniyang Ama, si Jehova! Ang pagiging matalik ng ugnayang iyon ay nagsimula nang siya ay lalangin, di-mabilang na mga milenyo bago siya isilang bilang tao. Siya ang bugtong na Anak ng Diyos, ang tanging tuwirang nilalang ni Jehova mismo. Ang lahat ng iba pa sa langit at sa lupa ay nilalang sa pamamagitan ng pinakamamahal na panganay na Anak na iyon. (Colosas 1:​15, 16) Nagsilbi rin siyang Salita ng Diyos, o Tagapagsalita, ang Isa na sa pamamagitan niya ay ipinaalam sa iba ang kalooban ng Diyos. Ang isang ito, ang Anak na lubhang kinagigiliwan ng Diyos, ay naging ang taong si Jesu-Kristo.​—Kawikaan 8:22-30; Juan 1:​14, 18; 12:​49, 50.

2. Gaano kalawak ang pagtukoy ng mga hula ng Bibliya kay Jesus?

2 Bago makahimalang ipaglihi bilang isang tao ang panganay na Anak ng Diyos, maraming kinasihang hula ang iniulat tungkol sa kaniya. Pinatotohanan ni apostol Pedro si Cornelio: “Tungkol sa kaniya ay nagpapatotoo ang lahat ng mga propeta.” (Gawa 10:43) Ang papel ni Jesus ay itinampok sa Bibliya nang gayon na lamang kalawak anupat isang anghel ang nagsabi kay apostol Juan: “Ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apocalipsis 19:10) Ang mga hulang iyon ay maliwanag na nagpakilala sa kaniya bilang ang Mesiyas. Inaakay ng mga ito ang pansin sa iba’t ibang papel na gagampanan niya sa pagtupad sa mga layunin ng Diyos. Dapat na maging lubhang interesado tayo ngayon sa lahat ng ito.

Kung Ano ang Isiniwalat ng mga Hula

3. (a) Sa hula sa Genesis 3:​15, sino ang kinakatawan ng serpiyente, ng “babae,” at ng ‘binhi ng serpiyente’? (b) Bakit dapat na maging lubhang interesado ang mga lingkod ni Jehova sa ‘pagsugat sa ulo ng serpiyente’?

3 Ang una sa mga hulang iyon ay binigkas pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden. Sinabi ni Jehova sa serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ang hulang iyon ay patungkol talaga kay Satanas, ang isa na kinakatawan ng serpiyente. Ang “babae” ay ang sariling matapat na organisasyon ni Jehova sa langit, na katulad ng isang tapat na asawang babae sa kaniya. Kabilang sa ‘binhi ng serpiyente’ ang lahat ng mga anghel at mga tao na nagpapamalas ng espiritu ni Satanas, yaong mga sumasalansang kay Jehova at sa Kaniyang bayan. Ang ‘pagsugat sa ulo ng serpiyente’ ay nangangahulugan ng pagpuksa sa dakong huli sa rebeldeng si Satanas, na nanirang-puri kay Jehova at nagdulot ng malaking kapighatian sa sangkatauhan. Ngunit ano ang pagkakakilanlan ng pangunahing bahagi ng “binhi” na siyang gagawa ng pagsugat? Sa loob ng maraming siglo, iyan ay nanatiling isang “sagradong lihim.”​—Roma 16:​20, 25, 26.

4. Paano tumulong ang talaangkanan ni Jesus upang makilala siya bilang ang ipinangakong Binhi?

4 Pagkaraan ng mga 2,000 taon ng kasaysayan ng tao, naglaan si Jehova ng karagdagang mga detalye. Ipinahiwatig niya na ang Binhi ay lilitaw sa angkan ni Abraham. (Genesis 22:15-18) Gayunman, ang angkan na pagmumulan ng Binhi ay magiging depende, hindi sa ninuno, kundi sa pagpili ng Diyos. Sa kabila ng pagmamahal ni Abraham sa kaniyang anak na si Ismael, na isinilang kay Hagar, sinabi ni Jehova: “Ang aking tipan ay itatatag ko kay Isaac, na siyang ipanganganak ni Sara sa iyo.” (Genesis 17:18-21) Nang maglaon ay pinagtibay ang tipang iyon, hindi sa panganay na anak ni Isaac, si Esau, kundi kay Jacob, na siyang pinagmulan ng 12 tribo ng Israel. (Genesis 28:10-14) Pagsapit ng panahon, ipinahiwatig na ang Binhi ay isisilang sa tribo ni Juda, sa angkan ni David.​—Genesis 49:10; 1 Cronica 17:3, 4, 11-14.

5. Nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa lupa, ano ang nagbigay-linaw na siya ang Mesiyas?

5 Ano pang ibang palatandaan ang ibinigay tungkol sa pagkakakilanlan ng Binhi? Mahigit na 700 taon patiuna, tinukoy ng Bibliya na ang Betlehem ang dakong pagsisilangan sa ipinangakong Binhi bilang tao. Isiniwalat din nito na umiral na ang Binhi “mula nang mga araw ng panahong walang takda,” sapol ng panahong siya ay lalangin sa langit. (Mikas 5:2) Ang eksaktong panahon ng kaniyang paglitaw sa lupa bilang ang Mesiyas ay inihula rin, sa pamamagitan ng propetang si Daniel. (Daniel 9:24-26) At nang pahiran si Jesus ng banal na espiritu, anupat aktuwal na naging Pinahiran ni Jehova, ang mismong tinig ng Diyos mula sa langit ay maliwanag na nagpakilala sa kaniya bilang ang Kaniyang Anak. (Mateo 3:​16, 17) Isiniwalat na ang Binhi! Kaya naman, may-pananalig na masasabi ni Felipe: “Nasumpungan na namin ang isa na isinulat ni Moises, sa Kautusan, at ng mga Propeta, si Jesus.”​—Juan 1:45.

6. (a) Ayon sa Lucas 24:​27, ano ang natanto ng mga tagasunod ni Jesus? (b) Sino ang pangunahing bahagi ng ‘binhi ng babae,’ at ano ang kahulugan ng pagsugat niya sa ulo ng serpiyente?

6 Magmula noon, natanto ng mga tagasunod ni Jesus na literal na napakaraming hula tungkol sa kaniya ang naging bahagi ng kinasihang Kasulatan. (Lucas 24:27) Lalo pa ngang naging malinaw na si Jesus ang pangunahing bahagi ng ‘binhi ng babae,’ ang isa na susugat sa ulo ng serpiyente, anupat dudurog kay Satanas upang hindi na ito umiral. Sa pamamagitan ni Jesus, ang lahat ng pangako ng Diyos sa sangkatauhan, ang lahat ng mga bagay na pinakamimithi natin, ay maisasakatuparan.​—2 Corinto 1:20.

7. Bukod sa pagkakakilanlan ng Isa na tinukoy sa mga hula, ano pa ang kapaki-pakinabang na matanto?

7 Paano dapat makaapekto sa atin ang pagkaalam nito? Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang bating na Etiope na nakabasa sa ilan sa mga hula tungkol sa dumarating na Manunubos at Mesiyas. Palibhasa’y naguguluhan, tinanong niya ang ebanghelisador na si Felipe: “Tungkol kanino ito sinasabi ng propeta?” Ngunit hindi itinuring ng bating na tapos na ang tungkol dito nang matanggap niya ang sagot. Matapos makinig nang mabuti sa paliwanag ni Felipe, natanto ng lalaki na kailangang kumilos siya bilang pagpapahalaga sa natupad na hulang ito. Naunawaan niya na siya ay kailangang magpabautismo. (Gawa 8:32-38; Isaias 53:3-9) Gayundin ba ang pagtugon natin?

8. (a) Ano ang inilarawan ng pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac? (b) Bakit sinabi ni Jehova kay Abraham na pagpapalain ng lahat ng mga bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng Binhi, at paano ito kumakapit sa atin sa ngayon?

8 Isaalang-alang din ang nakaaantig na ulat tungkol sa pagtatangka ni Abraham na ihandog si Isaac, ang kaniyang kaisa-isang anak kay Sara. (Genesis 22:1-18) Inilarawan niyaon ang gagawin ni Jehova​—ihahandog ang kaniyang bugtong na Anak: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Nagbibigay sa atin ito ng katiyakan na kung paanong ibinigay ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak upang isakatuparan ang Kaniyang layunin, “may-kabaitang ibibigay [rin Niya] sa atin ang lahat ng iba pang bagay.” (Roma 8:32) Ano ang hinihiling sa ating bahagi? Gaya ng nakaulat sa Genesis 22:​18, sinabi ni Jehova kay Abraham na pagpapalain ng lahat ng mga bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng Binhi, “dahil pinakinggan [ni Abraham] ang tinig [ng Diyos].” Tayo rin ay kailangang makinig kay Jehova at sa kaniyang Anak: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kaniya.”​—Juan 3:36.

9. Kung pinahahalagahan natin ang pag-asang buhay na walang hanggan na naging posible dahil sa hain ni Jesus, ano ang gagawin natin?

9 Kung pinahahalagahan natin ang pag-asang buhay na walang hanggan na naging posible dahil sa hain ni Jesus, nanaisin nating gawin ang mga bagay na sinabi ni Jehova sa atin sa pamamagitan ni Jesus. Ang mga ito ay may malapit na kaugnayan sa ating pag-ibig sa Diyos at sa ating mga kapuwa. (Mateo 22:37-39) Ipinakita ni Jesus na ang ating pag-ibig kay Jehova ang mag-uudyok sa atin na turuan ang iba “na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos [ni Jesus sa atin].” (Mateo 28:​19, 20) At nais nating ibahagi ang pag-ibig na iyan sa ating mga kapuwa lingkod ni Jehova sa pamamagitan ng “ating [regular na] pagtitipon” kasama nila. (Hebreo 10:25; Galacia 6:10) Gayundin, sa pakikinig sa Diyos at sa kaniyang Anak, hindi natin dapat isipin na hinihiling nila na tayo’y maging sakdal. Sinasabi ng Hebreo 4:15 na si Jesus, bilang ang ating Mataas na Saserdote, ay maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.” Tunay ngang nakaaaliw iyan, lalo na kapag lumalapit tayo sa Diyos sa panalangin sa pamamagitan ni Kristo upang tulungan tayong madaig ang ating mga kahinaan!​—Mateo 6:12.

Magpakita ng Pananampalataya kay Kristo

10. Bakit walang kaligtasan maliban lamang sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?

10 Pagkatapos ipaliwanag sa mataas na hukuman ng mga Judio sa Jerusalem na natupad kay Jesus ang hula ng Bibliya, si apostol Pedro ay nagtapos sa mapuwersang pananalita: “Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” (Gawa 4:12) Yamang lahat ng supling ni Adan ay makasalanan, ang kanilang kamatayan ay walang halaga na maipantutubos para sa sinuman. Ngunit si Jesus ay sakdal, at ang kaniyang buhay ay may halaga ukol sa paghahain. (Awit 49:6-9; Hebreo 2:9) Ibinigay niya sa Diyos ang isang pantubos na eksaktong katumbas ng sakdal na buhay na naiwala ni Adan. (1 Timoteo 2:​5, 6) Nagbukas ito ng daan upang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos.

11. Ipaliwanag kung paano tayo maaaring makinabang nang malaki sa hain ni Jesus.

11 Binuksan din ng pantubos ang daan upang matanggap natin ang ibang mga kapakinabangan, maging sa ngayon. Halimbawa, bagaman tayo ay makasalanan, pinangyari ng hain ni Jesus na magkaroon tayo ng isang malinis na budhi dahil sa kapatawaran ng kasalanan. Ito ay lubhang nakahihigit kaysa sa nagawa kailanman para sa mga Israelita ng mga haing hayop na hinihiling ng Kautusang Mosaiko. (Gawa 13:​38, 39; Hebreo 9:​13, 14; 10:22) Gayunman, ang pagtatamo ng gayong kapatawaran ay humihiling na buong-katapatan nating aminin na talagang kailangan natin ang hain ni Kristo: “Kung sasabihin natin: ‘Wala tayong kasalanan,’ inililigaw natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.”​—1 Juan 1:​8, 9.

12. Bakit ang pagpapalubog sa tubig ay isang mahalagang salik sa pagtatamo ng isang mabuting budhi sa harap ng Diyos?

12 Paanong ang mga makasalanan ay makapagpapahayag ng pananampalataya kay Kristo at sa kaniyang hain? Nang ang mga tao noong unang siglo ay naging mananampalataya, hayagan nilang ipinamalas iyon. Paano? Nagpabautismo sila. Bakit? Sapagkat iniutos ni Jesus na lahat ng kaniyang mga alagad ay bautismuhan. (Mateo 28:​19, 20; Gawa 8:12; 18:8) Ang isang tao ay hindi mapipigilan kapag ang kaniyang puso ay talagang naantig ng maibiging paglalaan na ginawa ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Gagawa siya ng anumang kinakailangang mga pagbabago sa kaniyang buhay, iaalay ang kaniyang sarili sa Diyos sa panalangin, at sasagisagan ang kaniyang pag-aalay sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig. Sa pagpapamalas ng pananampalataya sa ganitong paraan ay ‘humihiling [siya] sa Diyos ng isang mabuting budhi.’​—1 Pedro 3:21.

13. Kung natanto natin na nakagawa tayo ng kasalanan, ano ang dapat nating gawin tungkol dito, at bakit?

13 Sabihin pa, maging pagkatapos nito, lilitaw pa rin ang makasalanang mga hilig. Ano kung gayon? Sinabi ni apostol Juan: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. At gayunman, kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” (1 Juan 2:​1, 2) Nangangahulugan ba ito na anuman ang ating gawin, kung mananalangin tayo sa Diyos para sa kapatawaran, maaayos na ang lahat? Hindi naman. Ang susi sa kapatawaran ay ang tunay na pagsisisi. Maaaring kailanganin din ang tulong ng mga mas nakatatanda at mas makaranasan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Dapat na aminin natin ang kamalian ng nagawa at taimtim na pagsisihan ito upang makagawa tayo ng marubdob na pagsisikap na iwasang maulit pa ito. (Gawa 3:19; Santiago 5:13-16) Kung gagawin natin ito, makatitiyak tayo na tutulungan tayo ni Jesus at manunumbalik sa atin ang pagsang-ayon ni Jehova.

14. (a) Ipaliwanag ang isang mahalagang paraan kung paano tayo nakinabang sa hain ni Jesus. (b) Kung talagang may pananampalataya tayo, ano ang gagawin natin?

14 Ang hain ni Jesus ang nagbukas ng daan para sa walang-hanggang buhay sa langit para sa “munting kawan,” ang pangalawahing bahagi ng binhi na binanggit sa Genesis 3:15. (Lucas 12:32; Galacia 3:26-29) Ito rin ang nagbukas ng daan para sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa para sa bilyun-bilyong iba pa sa sangkatauhan. (Awit 37:29; Apocalipsis 20:​11, 12; 21:​3, 4) Ang walang-hanggang buhay ay “ang kaloob na ibinibigay ng Diyos . . . sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23; Efeso 2:8-10) Kung tayo ay may pananampalataya sa kaloob na iyon at nagpapahalaga sa paraan kung paano ito ginawang posible, ipamamalas natin ito. Palibhasa’y naunawaan kung gaano kamangha-mangha ang pagkakagamit ni Jehova kay Jesus sa pagsasakatuparan ng Kaniyang kalooban at kung gaano kahalaga na tayong lahat ay maingat na sumunod sa mga yapak ni Jesus, gagawin nating isa sa pinakamahalagang gawain sa ating buhay ang ministeryong Kristiyano. Ang ating pananampalataya ay makikita sa pananalig na taglay natin kapag sinasabi natin sa iba ang tungkol sa kamangha-manghang kaloob na ito mula sa Diyos.​—Gawa 20:24.

15. Paanong ang pananampalataya kay Jesu-Kristo ay may nagbubuklod na epekto?

15 Isa ngang mainam at nagbubuklod na epekto ang taglay ng gayong pananampalataya! Sa pamamagitan nito, tayo ay lalong nápapalapít kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa bawat isa sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (1 Juan 3:​23, 24) Nakapagpapasaya sa atin ang bagay na may-kabaitang ibinigay ni Jehova sa kaniyang Anak “ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan [maliban sa pangalan ng Diyos], upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”​—Filipos 2:9-11.

Talakayin Bilang Repaso

• Nang lumitaw ang Mesiyas, bakit malinaw ang kaniyang pagkakakilanlan sa mga tunay na naniniwala sa Salita ng Diyos?

• Ano ang ilang bagay na dapat nating gawin upang ipakita ang ating pagpapahalaga sa hain ni Jesus?

• Sa anong mga paraan tayo nakinabang na sa hain ni Jesus? Paano ito tumutulong sa atin kapag nananalangin tayo kay Jehova ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 36]

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na dapat nilang turuan ang iba na tuparin ang mga utos ng Diyos