Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahulugan ng Iyong Bautismo

Ang Kahulugan ng Iyong Bautismo

Ikalabindalawang Kabanata

Ang Kahulugan ng Iyong Bautismo

1. Bakit dapat na maging personal na interesado ang bawat isa sa atin sa bautismo sa tubig?

 NOONG taóng 29 C.E., si Jesus ay binautismuhan, inilubog ni Juan na Tagapagbautismo sa Ilog Jordan. Si Jehova mismo ay nagmamasid at nagpahayag ng pagsang-ayon. (Mateo 3:​16, 17) Sa gayon ay nagbigay si Jesus ng isang parisan na susundin ng lahat ng kaniyang alagad. Pagkalipas ng tatlo at kalahating taon, ibinigay ni Jesus ang mga tagubiling ito sa kaniyang mga alagad: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:​18, 19) Binautismuhan ka na ba kasuwato ng iniutos doon ni Jesus? Kung hindi, naghahanda ka bang gawin iyon?

2. May kaugnayan sa bautismo, anong mga tanong ang kailangang masagot?

2 Alinman dito ang kalagayan mo, ang maliwanag na pagkaunawa sa bautismo ay mahalaga para sa lahat ng nais maglingkod kay Jehova at mabuhay sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Kabilang sa mga tanong na nararapat masagot ay ang mga ito: Ang bautismong Kristiyano ba ngayon ay kasingkahulugan niyaong bautismo ni Jesus? Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”? Ano ang nasasangkot sa pamumuhay kaayon ng kahulugan ng Kristiyanong bautismo sa tubig?

Mga Bautismo na Isinagawa ni Juan

3. Para kanino lamang ang bautismo ni Juan?

3 Mga anim na buwan bago mabautismuhan si Jesus, si Juan na Tagapagbautismo ay nangaral sa iláng ng Judea, na nagsasabi: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 3:​1, 2) Narinig ng mga tao ang sinabi ni Juan at dinibdib nila iyon. Hayagan nilang ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan, pinagsisihan ito, at pagkatapos ay nagtungo kay Juan upang magpabautismo sa kaniya sa Ilog Jordan. Ang bautismong iyon ay para sa mga Judio.​—Lucas 1:13-16; Gawa 13:​23, 24.

4. Bakit kailangang-kailangan na magsisi ang mga Judio noong unang siglo?

4 Ang mga Judiong iyon ay kailangang-kailangan na magsisi. Sa Bundok Sinai noong taóng 1513 B.C.E., pinagtibay ng kanilang mga ninuno ang isang pambansang tipan​—isang pormal at taimtim na kasunduan—​sa Diyos na Jehova. Ngunit dahil sa kanilang malulubhang kasalanan, hindi nila natupad ang kanilang mga pananagutan sa ilalim ng tipang iyon, kaya sila ay hinatulan nito. Nang sumapit ang panahon ni Jesus, malubha na ang kanilang situwasyon. “Ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova” na inihula ni Malakias ay malapit na. Noong 70 C.E., ang “araw” na iyon ay dumating nang wasakin ng mga sundalong Romano ang Jerusalem, ang templo nito, at puksain ang mahigit sa isang milyong Judio. Si Juan na Tagapagbautismo, na may sigasig para sa tunay na pagsamba, ay isinugo bago ang pagpuksang iyon, “upang ihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.” Kinailangang pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan laban sa tipang Kautusang Mosaiko at maging handang tanggapin ang Anak ng Diyos, si Jesus, na isusugo noon ni Jehova sa kanila.​—Malakias 4:4-6; Lucas 1:17; Gawa 19:4.

5. (a) Nang dumating si Jesus upang magpabautismo, bakit tinutulan ito ni Juan? (b) Ano ang isinagisag ng bautismo ni Jesus?

5 Kabilang sa mga nagtungo kay Juan upang magpabautismo ay si Jesus mismo. Ngunit bakit? Palibhasa’y batid na walang kasalanang ipagtatapat si Jesus, sinabi ni Juan: “Ako ang nangangailangang mabautismuhan mo, at ikaw pa ba ang pumaparito sa akin?” Ngunit ang bautismo ni Jesus ay sasagisag sa isang bagay na naiiba. Kaya sumagot si Jesus: “Hayaan mo na, sa pagkakataong ito, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang maisakatuparan ang lahat ng matuwid.” (Mateo 3:13-15) Dahil si Jesus ay walang kasalanan, ang kaniyang bautismo ay hindi sumagisag sa pagsisisi sa kasalanan; ni kailangan man niyang ialay ang kaniyang sarili sa Diyos, yamang siya ay isang miyembro ng isang bansa na nakaalay na kay Jehova. Bagkus, ang kaniyang bautismo sa edad na 30 taon ay pantangi lamang sa kaniya, at sumagisag ito sa paghaharap ng kaniyang sarili sa kaniyang makalangit na Ama upang gawin ang Kaniyang karagdagang kalooban.

6. Gaano kataimtim si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos?

6 Ang kalooban ng Diyos para kay Kristo Jesus ay nagsasangkot ng gawain may kaugnayan sa Kaharian. (Lucas 8:1) Nagsasangkot din ito ng paghahain ng kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang pantubos at bilang saligan para sa isang bagong tipan. (Mateo 20:28; 26:26-28; Hebreo 10:5-10) Labis na dinibdib ni Jesus ang isinagisag ng kaniyang bautismo sa tubig. Hindi niya hinayaang mailihis ang kaniyang pansin sa ibang mga bagay. Hanggang sa katapusan ng kaniyang buhay sa lupa, buong-katapatan niyang tinupad ang kalooban ng Diyos, anupat naging pangunahing gawain niya ang pangangaral ng Kaharian ng Diyos.​—Juan 4:34.

Bautismo sa Tubig ng mga Kristiyanong Alagad

7. Sapol noong Pentecostes 33 C.E., ano ang ipinagawa sa mga Kristiyano may kaugnayan sa bautismo?

7 Ang unang mga alagad ni Jesus ay binautismuhan ni Juan sa tubig at pagkatapos ay inakay kay Jesus bilang inaasahang magiging miyembro ng Kaharian ng langit. (Juan 3:25-30) Sa ilalim ng patnubay ni Jesus, ang mga alagad na ito ay gumawa rin ng ilang pagbabautismo, na may kahulugan na gaya niyaong bautismo ni Juan. (Juan 4:​1, 2) Gayunman, sapol noong Pentecostes 33 C.E., sinimulan nilang tuparin ang utos na magbautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Masusumpungan mong lubhang kapaki-pakinabang na repasuhin kung ano ang kahulugan niyaon.

8. Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama”?

8 Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama”? Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa kaniyang pangalan, posisyon, awtoridad, layunin, at mga kautusan. Isaalang-alang kung ano ang nasasangkot dito. (1) Tungkol sa kaniyang pangalan, sinasabi ng Awit 83:18: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (2) May kinalaman naman sa kaniyang posisyon, ganito ang isinasaad ng 2 Hari 19:15: “O Jehova . . . , ikaw lamang ang tunay na Diyos.” (3) Hinggil sa kaniyang awtoridad, sinasabi sa atin ng Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (4) Dapat din nating kilalanin na si Jehova ang Tagapagbigay-Buhay, na naglalayong iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan: “Ang kaligtasan ay kay Jehova.” (Awit 3:8; 36:9) (5) Kailangan nating tanggapin na si Jehova ang Kataas-taasang Tagapagbigay-Kautusan: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.” (Isaias 33:22) Dahil sa hawak niya ang lahat ng posisyong iyon, hinihimok tayo: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.”​—Mateo 22:37.

9. Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan . . . ng Anak”?

9 Ano ang kahulugan ng bautismo “sa pangalan . . . ng Anak”? Nangangahulugan ito ng pagkilala sa pangalan, posisyon, at awtoridad ni Jesu-Kristo. Ang kaniyang pangalang Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova Ay Kaligtasan.” Natamo niya ang kaniyang posisyon dahil sa siya ang bugtong na Anak ng Diyos, ang unang nilalang ng Diyos. (Mateo 16:16; Colosas 1:​15, 16) Tungkol sa Anak na ito, sinasabi sa atin ng Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng matutubos na sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Dahil sa namatay nang tapat si Jesus, siya ay binuhay-muli ng Diyos mula sa mga patay at pinagkalooban siya ng bagong awtoridad. Ayon kay apostol Pablo, “dinakila . . . ng Diyos [si Jesus] sa isang nakatataas na posisyon” sa sansinukob, pangalawa lamang kay Jehova. Kaya naman “sa pangalan ni Jesus ay [dapat na] lumuhod ang bawat tuhod . . . at ang bawat dila ay [dapat na] hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Filipos 2:9-11) Nangangahulugan ito ng pagsunod sa mga utos ni Jesus, na nanggagaling kay Jehova mismo.​—Juan 15:10.

10. Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan . . . ng banal na espiritu”?

10 Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan . . . ng banal na espiritu”? Nangangahulugan ito ng pagkilala sa papel at gawain ng banal na espiritu. At ano ang banal na espiritu? Ito ang aktibong puwersa ni Jehova, na sa pamamagitan nito ay isinasakatuparan niya ang kaniyang mga layunin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” (Juan 14:​16, 17) Pangyayarihin nito na magawa nila ang ano? Sinabi pa ni Jesus sa kanila: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, kinasihan din ni Jehova ang pagsulat sa Bibliya: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Kaya kinikilala natin ang papel ng banal na espiritu kapag pinag-aaralan natin ang Bibliya. Ang isa pang paraan na kinikilala natin ang banal na espiritu ay sa pamamagitan ng paghiling kay Jehova na tulungan tayong magluwal ng “mga bunga ng espiritu,” samakatuwid nga ay ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:​22, 23.

11. (a) Ano ang tunay na kahulugan ng bautismo sa panahon natin? (b) Paanong ang bautismo ay katulad ng pagkamatay at pagkabuhay-muli?

11 Ang mga unang nabautismuhan kasuwato ng mga tagubilin ni Jesus ay mga Judio at mga proselitang Judio, pasimula noong 33 C.E. Di-nagtagal pagkaraan noon, ang pribilehiyo ng pagiging Kristiyanong alagad ay ipinaabot sa mga Samaritano. Pagkatapos, noong 36 C.E., pinalawak ang panawagan upang makasali ang di-tuling mga Gentil. Bago mabautismuhan, ang mga Samaritano at mga Gentil ay kinailangang gumawa ng personal na pag-aalay kay Jehova upang paglingkuran siya bilang mga alagad ng kaniyang Anak. Ganito pa rin ang kahulugan ng Kristiyanong bautismo sa tubig hanggang sa panahon natin. Ang lubusang paglubog sa tubig ay isang angkop na sagisag ng personal na pag-aalay na ito, yamang ang bautismo ay isang makasagisag na paglilibing. Ang iyong paglubog sa tubig na pinagbautismuhan ay sumasagisag sa pagkamatay mo sa iyong dating landasin ng buhay. Ang pag-ahon mo mula sa tubig ay sumasagisag sa iyong pagkabuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Ang “isang bautismo[ng]” ito ay kumakapit sa lahat ng nagiging tunay na mga Kristiyano. Pagkatapos mabautismuhan, sila ay nagiging mga Kristiyanong Saksi ni Jehova, mga ordenadong ministro ng Diyos.​—Efeso 4:5; 2 Corinto 6:​3, 4.

12. Ano ang katumbas ng Kristiyanong bautismo sa tubig, at paano?

12 Ang gayong bautismo ay may lubhang nagliligtas na halaga sa paningin ng Diyos. Halimbawa, pagkatapos banggitin ang paggawa ni Noe ng daong, na sa pamamagitan nito ay nailigtas siya at ang kaniyang pamilya sa Baha, sumulat si apostol Pedro: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din ngayon sa inyo, samakatuwid nga, ang bautismo, (hindi ang pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi ang paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 3:21) Ang daong ay matibay na ebidensiya na may-katapatang tinupad ni Noe ang gawain na iniatas ng Diyos. Pagkaraang matapos ang gawain sa daong, “ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2 Pedro 3:6) Ngunit si Noe at ang kaniyang pamilya, “walong kaluluwa, [ay] dinalang ligtas sa tubig.”​—1 Pedro 3:20.

13. Mula sa ano naililigtas ang isang Kristiyano sa pamamagitan ng bautismo sa tubig?

13 Sa ngayon, yaong mga nag-alay ng kanilang sarili kay Jehova salig sa pananampalataya sa binuhay-muling si Kristo ay nagpapabautismo bilang sagisag ng pag-aalay na iyan. Patuloy nilang ginagawa ang kalooban ng Diyos sa ating panahon at naililigtas sila mula sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan. (Galacia 1:​3, 4) Hindi na sila patungo sa pagkapuksa kasama ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Sila ay naililigtas mula rito at pinagkakalooban ng Diyos ng mabuting budhi. Tinitiyak ni apostol Juan sa mga lingkod ng Diyos: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

Pagtupad sa Ating mga Pananagutan

14. Bakit ang bautismo sa ganang sarili ay hindi isang garantiya ng kaligtasan?

14 Magiging mali na ipalagay na ang bautismo sa ganang sarili ay isang garantiya ng kaligtasan. Ito ay may halaga lamang kung talagang inialay ng isang tao ang kaniyang sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at pagkatapos noon ay isinasagawa ang kalooban ng Diyos, anupat nananatiling tapat hanggang sa wakas. “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”​—Mateo 24:13.

15. (a) Ano ang kalooban ng Diyos ngayon para sa mga bautisadong Kristiyano? (b) Gaano kahalaga dapat sa ating buhay ang pagiging Kristiyanong alagad?

15 Kasali sa kalooban ng Diyos para kay Jesus ang paraan niya ng paggamit sa kaniyang buhay bilang isang tao. Ito ay kailangang italaga sa kamatayan bilang isang hain. Hinggil sa ating kalagayan, ang ating katawan ay dapat na iharap sa Diyos, at dapat tayong magtaguyod ng isang mapagsakripisyo-sa-sariling buhay sa pamamagitan ng paggawa sa kalooban ng Diyos. (Roma 12:​1, 2) Tiyak na hindi natin ginagawa ang kalooban ng Diyos kung kahit manaka-naka ay sinasadya nating gumawi na gaya ng sanlibutang nakapalibot sa atin o kung nakasentro ang ating buhay sa sakim na mga gawain, anupat nag-uukol lamang sa Diyos ng bahagyang paglilingkod. (1 Pedro 4:1-3; 1 Juan 2:​15, 16) Nang itanong ng isang Judio kung ano ang dapat niyang gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan, kinilala ni Jesus ang kahalagahan ng pamumuhay nang may malinis na moral. Subalit pagkatapos ay idiniin niya ang isang bagay na mas mahalaga: ang pangangailangang maging isang Kristiyanong alagad, isang tagasunod ni Jesus. Iyan ang dapat na maging pangunahing bagay sa buhay. Hindi ito maaaring maging pangalawa lamang sa pang-materyal na mga gawain.​—Mateo 19:16-21.

16. (a) Anong pananagutan ang taglay ng lahat ng mga Kristiyano may kaugnayan sa Kaharian? (b) Gaya ng nakalarawan sa pahina 116 at 117, ano ang ilang epektibong paraan ng pagsasakatuparan sa gawaing pang-Kaharian? (c) Ang ating buong-pusong pakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo ay katibayan ng ano?

16 Dapat na muling idiin na kasali sa kalooban ng Diyos para kay Jesus ang mahalagang gawain may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos. Si Jesus mismo ay hinirang bilang Hari. Ngunit habang nasa lupa, nagbigay rin siya ng isang masigasig na patotoo tungkol sa Kaharian. Tayo ay may katulad na gawaing pagpapatotoo na dapat isakatuparan, at taglay natin ang lahat ng dahilan upang makibahagi rito nang buong-puso. Sa paggawa nito, ipinakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pagkasoberano ni Jehova at ang ating pag-ibig sa mga kapuwa tao. (Mateo 22:36-40) Ipinakikita rin natin na tayo ay kaisa ng mga kapuwa mananamba sa buong daigdig, na pawang mga tagapaghayag ng Kaharian. Sa pambuong-globong pagkakaisa, sama-sama tayong sumusulong tungo sa tunguhing buhay na walang hanggan sa makalupang sakop ng Kahariang iyan.

Talakayin Bilang Repaso

• Anu-anong pagkakatulad at anu-anong pagkakaiba mayroon sa pagitan ng bautismo ni Jesus at ng bautismo sa tubig ngayon?

• Ano ang kahulugan ng mabautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu”?

• Ano ang nasasangkot sa pagtupad sa mga pananagutan ng Kristiyanong bautismo sa tubig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 116, 117]

ILANG PARAAN UPANG IPAHAYAG ANG KAHARIAN

Sa bahay-bahay

Sa mga kamag-anak

Sa mga kamanggagawa

Sa mga kamag-aral

Sa mga lansangan

Sa pagdalaw-muli sa mga interesado

Sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya