Dakilain si Jehova Bilang ang Tanging Tunay na Diyos
Ikalawang Kabanata
Dakilain si Jehova Bilang ang Tanging Tunay na Diyos
1. Sino ang tanging tunay na Diyos?
SINASABI ng Bibliya na bagaman marami ang itinuturing na mga diyos, “sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama.” (1 Corinto 8:5, 6) Ang “iisang Diyos” na iyon ay si Jehova, ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Deuteronomio 6:4; Apocalipsis 4:11) Tinukoy siya ni Jesus bilang “aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Sumang-ayon siya kay Moises, na noong una ay nagsabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos; wala nang iba pa bukod sa kaniya.” (Deuteronomio 4:35) Si Jehova ay higit na nakatataas sa kaninumang sinasamba, tulad ng mga idolo, dinidiyos na mga tao, o sa kaniyang kaaway na si Satanas na Diyablo, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:3, 4) Kabaligtaran ng lahat ng ito, si Jehova “ang tanging tunay na Diyos,” gaya ng itinawag sa kaniya ni Jesus.—Juan 17:3.
2. Habang natututo tayo tungkol sa Diyos, paano dapat maapektuhan ang ating buhay?
2 Ang mapagpahalagang mga tao na natututo tungkol sa kalugud-lugod na mga katangian ng Diyos, at sa kaniyang ginawa at gagawin pa para sa atin, ay napápalapít sa kaniya. Habang sumisidhi ang kanilang pag-ibig kay Jehova, nauudyukan silang dakilain siya. Paano? Ang isang paraan ay ang pagsasabi sa iba ng tungkol sa kaniya. “Sa pamamagitan ng bibig ang isa ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan,” ang sabi ng Roma 10:10. Ang isa pang paraan ay sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniya sa salita at sa gawa. “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal,” ang sabi ng Efeso 5:1. Upang ito ay lubus-lubusang magawa, kailangang makilala natin si Jehova kung sino siya talaga.
3. Ano ang mga pangunahing katangian ng Diyos?
3 Sa buong Bibliya, maraming pangungusap ang nagpapakilala sa namumukod-tanging mga katangian ng Diyos. Ang kaniyang apat na pangunahing katangian ay ang karunungan, katarungan, kapangyarihan, at pag-ibig. “Sa kaniya ay may karunungan.” (Job 12:13) “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) ‘Malakas ang kaniyang kapangyarihan.’ (Isaias 40:26) “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Gayunman, sa apat na pangunahing katangian ng Diyos, alin ang pinakanamumukod-tangi, ang isa na higit sa iba ay nagpapakilala kung anong uri siya ng Diyos?
“Ang Diyos ay Pag-ibig”
4. Alin sa mga katangian ng Diyos ang nag-udyok sa kaniya upang lalangin ang uniberso at ang lahat ng nabubuhay na bagay?
4 Isaalang-alang kung ano ang nag-udyok kay Jehova upang lalangin ang uniberso at ang matatalinong nilalang na mga espiritu at mga tao. Ang kaniya bang karunungan o kapangyarihan? Hindi, dahil bagaman ginamit ng Diyos ang mga ito, hindi ito ang mga nag-uudyok na puwersa. At hindi hinihiling ng kaniyang katarungan na ibahagi niya ang kaloob na buhay. Sa halip, ang dakilang pag-ibig ng Diyos ang nagtulak sa kaniya upang ibahagi ang mga kagalakan ng matalinong pag-iral kasama ng iba. Pag-ibig ang nagpakilos sa kaniya na gawing layunin na mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso ang masunuring sangkatauhan. (Genesis 1:28; 2:15) Pag-ibig ang nagpangyari sa kaniya na isaayos ang pag-aalis sa hatol na idinulot ng pagkakasala ni Adan sa sangkatauhan.
5. Ayon sa Bibliya, si Jehova ang personipikasyon ng aling katangian, at bakit?
5 Samakatuwid, sa lahat ng mga katangian ng Diyos, ang pinakanamumukod-tangi ay ang kaniyang pag-ibig. Ito ang kaniyang kakanyahan, o kalikasan. Bagaman mahalaga ang kaniyang karunungan, katarungan, at kapangyarihan, hindi kailanman sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay isa sa alinman sa mga iyon. Ngunit sinasabi nga nito na siya ay pag-ibig. Oo, si Jehova ang personipikasyon ng pag-ibig. Ito ay pag-ibig na ginagabayan ng simulain, hindi ng emosyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay inuugitan ng mga simulain ng katotohanan at katuwiran. Ito ang pinakamataas na anyo ng pag-ibig, gaya ng ipinamamalas mismo ng Diyos na Jehova. Ang gayong pag-ibig ay isang kapahayagan ng ganap na kawalang-kasakiman at lagi itong may kalakip na gawa bilang nakikitang katibayan nito.
6. Ano ang nagpapangyari na maging posible para sa atin na tularan ang Diyos, bagaman siya ay nakatataas sa atin?
6 Ang kamangha-manghang katangiang ito ng pag-ibig ang nagpapangyari sa atin na matularan ang gayong Diyos. Bilang hamak, di-sakdal at madalas-magkamaling mga tao, baka isipin natin na hindi natin kailanman matagumpay na matutularan ang Diyos. Ngunit narito ang isa pang halimbawa ng dakilang pag-ibig ni Jehova: Batid at nauunawaan niya ang ating mga limitasyon at hindi niya hinihiling ang kasakdalan sa atin. Batid niya na tayo ay hindi sakdal sa ngayon. (Awit 51:5) Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng Awit 130:3, 4: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo.” Oo, si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6) “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Tunay ngang nakaaaliw! Nakagiginhawa ngang paglingkuran ang kamangha-manghang Diyos na ito at maranasan ang kaniyang maibigin at maawaing pangangalaga!
7. Paano makikita ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga gawang paglalang?
7 Ang pag-ibig ni Jehova ay makikita rin sa kaniyang mga gawang paglalang. Isip-isipin ang maraming mabubuting bagay na inilaan ni Jehova para sa ating kasiyahan, gaya ng magagandang bundok, gubat, lawa, at mga dagat. Binigyan niya tayo ng pagkain na may kamangha-manghang pagkakasari-sari upang masarapan ang ating panlasa at matustusan tayo. Gayundin, naglalaan si Jehova ng pagkarami-raming magaganda at mababangong bulaklak pati na rin ng kaakit-akit na mga nilalang na hayop. Gumawa siya ng mga bagay na magbibigay ng kaluguran sa mga tao, bagaman hindi niya kailangang gawin ito. Totoo, sa pamumuhay sa balakyot na sanlibutang ito na taglay ang ating kasalukuyang di-sakdal na kalagayan, hindi tayo lubusang masisiyahan sa kaniyang nilalang. (Roma 8:22) Ngunit gunigunihin na lamang kung ano ang gagawin ni Jehova para atin sa Paraiso! Tinitiyak sa atin ng salmista: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang [tamang] nasa ng bawat bagay na may buhay.”—Awit 145:16.
8. Ano ang pinakanamumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig ni Jehova sa atin?
8 Ano ang pinakanamumukod-tanging halimbawa ng pag-ibig ni Jehova para sa sangkatauhan? Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil ba sa kabutihan ng tao kung kaya ginawa ito ni Jehova? Sumasagot ang Roma 5:8: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” Oo, isinugo ng Diyos ang kaniyang sakdal na Anak sa lupa upang ibigay ang buhay nito bilang haing pantubos para tubusin tayo mula sa hatol ng kasalanan at kamatayan. (Mateo 20:28) Ito ay nagbukas ng daan upang magtamo ng buhay na walang hanggan ang mga tao na umiibig sa Diyos. Mabuti na lamang at ang pag-ibig ng Diyos ay ipinaaabot sa lahat ng nais gumawa ng kaniyang kalooban, sapagkat sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
9. Paano tayo dapat maimpluwensiyahan ng katotohanan na ibinigay ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pantubos sa atin?
9 Paano dapat makaimpluwensiya sa paggamit natin sa ating buhay ngayon ang katotohanan na ibinigay ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pantubos sa atin, anupat nagbukas ng daan tungo sa buhay na walang hanggan? Dapat na pasidhiin nito ang ating pag-ibig sa tunay na Diyos, si Jehova. Kasabay nito, dapat na maging dahilan ito upang naisin nating makinig kay Jesus, na siyang kumakatawan sa Diyos. “Namatay [si Jesus] para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila.” (2 Corinto 5:15) Kalugud-lugod ngang sumunod sa mga yapak ni Jesus, sapagkat siya ay huwaran sa pagtulad sa pag-ibig at pagkamahabagin ni Jehova! Ipinakikita ito ng sinabi ni Jesus sa mga mapagpakumbaba: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Pagpapakita ng Pag-ibig sa Iba
10. Ano ang ilang paraan na maipakikita natin ang pag-ibig sa mga kapuwa Kristiyano?
10 Paano natin maipakikita na taglay natin ang uri ng pag-ibig para sa mga kapuwa Kristiyano na taglay ni Jehova at ni Jesus para sa atin? Pansinin ang maraming paraan kung paano natin magagawa ito: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.”—1 Corinto 13:4-8; 1 Juan 3:14-18; 4:7-12.
11. Kanino pa tayo dapat magpakita ng pag-ibig, at paano?
11 Kanino pa tayo dapat magpakita ng pag-ibig, at paano? Sinabi ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Nasasangkot dito ang pamamahagi ng mabuting balita tungkol sa dumarating na malaparaisong bagong sanlibutan ng Diyos sa mga hindi pa natin kapuwa Kristiyano. Maliwanag na ipinakita ni Jesus na ang ating pag-ibig ay hindi dapat na para lamang sa mga kapananampalataya natin, sapagkat sinabi niya: “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig [lamang] sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba ginagawa rin ng mga maniningil ng buwis ang gayunding bagay? At kung ang inyong mga kapatid lamang ang binabati ninyo, anong pambihirang bagay ang inyong ginagawa? Hindi ba ginagawa rin ng mga tao ng mga bansa ang gayunding bagay?”—Mateo 5:46, 47; 24:14; Galacia 6:10.
‘Lumakad sa Pangalan ni Jehova’
12. Bakit tanging sa Diyos lamang maikakapit ang kaniyang pangalan?
12 Ang isa pang mahalagang aspekto ng pagdakila sa tunay na Diyos ay ang pag-alam, paggamit, at pagtuturo sa iba hinggil sa kaniyang namumukod-tanging pangalan na Jehova. Ipinahayag ng salmista ang taos-pusong hangaring ito: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Ang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Siya ang Dakilang Tagapaglayon, na laging matagumpay na tinatapos ang kaniyang mga layunin. At tanging ang tunay na Diyos lamang ang may karapatang magtaglay ng pangalang iyan, sapagkat hindi kailanman matitiyak ng mga tao na magtatagumpay ang kanilang mga pagsisikap. (Santiago 4:13, 14) Si Jehova lamang ang makapagsasabi na ang kaniyang salita ay “tiyak na magtatagumpay” sa bagay na pinagsuguan niya nito. (Isaias 55:11) Marami ang natutuwa kapag nakita nila sa kauna-unahang pagkakataon ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga Bibliya at nalaman ang kahulugan nito. (Exodo 6:3) Ngunit sila ay makikinabang sa kaalamang ito tangi lamang kung sila ay “lalakad sa pangalan ni Jehova . . . magpakailan-kailanman.”—Mikas 4:5.
13. Ano ang nasasangkot sa pagkaalam sa pangalan ni Jehova at sa paglakad sa kaniyang pangalan?
13 Hinggil sa pangalan ng Diyos, sinasabi ng Awit 9:10: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.” Nasasangkot dito hindi lamang ang basta pagkaalam ng tungkol sa pangalang Jehova, na hindi naman agad na nangangahulugan ng pagtitiwala sa kaniya. Ang pagkaalam sa pangalan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa kung anong uri ng Diyos si Jehova, paggalang sa kaniyang awtoridad, pagsunod sa kaniyang mga utos, pagtitiwala sa kaniya sa lahat ng bagay. (Kawikaan 3:5, 6) Sa katulad na paraan, ang paglakad sa pangalan ni Jehova ay nagpapahiwatig ng pagiging nakaalay sa kaniya at pagkatawan sa kaniya bilang isa sa kaniyang mga mananamba, anupat tunay na ginagamit ang ating buhay kasuwato ng kalooban ng Diyos. (Lucas 10:27) Ginagawa mo ba iyan?
14. Kung gusto nating paglingkuran si Jehova magpakailanman, ano pa ang kailangan bukod sa pagkadama ng pananagutan?
14 Kung gusto nating paglingkuran si Jehova magpakailanman, hindi lamang pagkadama ng pananagutan ang dapat na mag-udyok sa atin. Hinimok ni apostol Pablo si Timoteo, na maraming taon nang naglilingkod kay Jehova: “Sanayin mo ang iyong sarili na ang tunguhin mo ay makadiyos na debosyon.” (1 Timoteo 4:7) Ang debosyon ay nagmumula sa isang pusong lipos ng pagpapahalaga sa personang pinag-uukulan ng debosyon. Ang “makadiyos na debosyon” ay nagpapahiwatig ng personal na matinding pagpipitagan kay Jehova. Ipinamamalas nito ang maibiging kaugnayan sa kaniya dahil sa labis-labis na pagpapahalaga sa kaniya at sa kaniyang mga daan. Pinangyayari nitong naisin natin na ang bawat isa’y mag-ukol ng masidhing pagpapahalaga sa kaniyang pangalan. Dapat nating linangin ang makadiyos na debosyon sa ating buhay kung gusto nating lumakad sa pangalan ni Jehova, ang tanging tunay na Diyos, magpakailanman.—Awit 37:4; 2 Pedro 3:11.
15. Paano natin maiuukol sa Diyos ang ating bukod-tanging debosyon?
15 Upang mapaglingkuran ang Diyos sa kaayaayang paraan, dapat natin siyang pag-ukulan ng di-nababahaging pagsamba, yamang siya ay “Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:5) Hindi natin maaaring ibigin ang Diyos at kasabay nito ay ibigin din ang balakyot na sanlibutan, na doo’y si Satanas ang diyos. (Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17) Alam ni Jehova kung ano talagang uri ng pagkatao ang sinisikap na malinang ng bawat isa sa atin. (Jeremias 17:10) Kung talagang iniibig natin ang katuwiran, nakikita niya iyon at tutulungan niya tayong mabata ang araw-araw na mga pagsubok sa atin. Yamang sinusuportahan niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, pagtatagumpayin niya tayo laban sa kabalakyutan na lubhang palasak sa sanlibutang ito. (2 Corinto 4:7) Tutulungan din niya tayo na mapanatili ang ating matibay na pag-asa na buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Tunay ngang maluwalhating pag-asa iyan! Dapat na masidhi nating pahalagahan ito at kusang-loob na paglingkuran ang tunay na Diyos, si Jehova, na nagpapangyaring maging posible ito.
16. Ano ang dapat mong naising gawin, kasama ng milyun-milyong iba pa?
16 Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang buong-kagalakang tumanggap sa paanyaya ng salmista na sumulat: “O dakilain ninyong kasama ko si Jehova, at itanyag nating sama-sama ang kaniyang pangalan.” (Awit 34:3) Inaanyayahan ka ni Jehova na mapabilang sa lumalaking pulutong sa lahat ng bansa na gumagawa nito.
Talakayin Bilang Repaso
• Anong uri ng persona si Jehova? Paano tayo nakikinabang sa pagkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kaniyang mga katangian?
• Paano natin matutulungan ang ibang mga tao upang matutuhan ang katotohanan tungkol sa Diyos?
• Ano ang nasasangkot sa pagkaalam sa pangalan ni Jehova at sa paglakad sa kaniyang pangalan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga Larawan sa pahina 14]
Dahil sa dakilang pag-ibig ni Jehova, ‘bubuksan [niya] ang kaniyang kamay at sasapatan ang nasa ng bawat bagay na may buhay’