Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kalayaan na Tinatamasa ng mga Mananamba ni Jehova

Kalayaan na Tinatamasa ng mga Mananamba ni Jehova

Ikalimang Kabanata

Kalayaan na Tinatamasa ng mga Mananamba ni Jehova

1, 2. (a) Anong uri ng kalayaan ang ibinigay ng Diyos sa unang mag-asawang tao? (b) Bumanggit ng ilan sa mga batas na umugit sa gawain nina Adan at Eva.

 NANG lalangin ni Jehova ang unang lalaki at babae, nagtamasa sila ng kalayaan na makapupong higit sa anumang kalayaan na taglay ng mga tao sa ngayon. Ang tahanan nila ay Paraiso, ang magandang Hardin ng Eden. Walang sakit na nakasira sa kanilang kasiyahan sa buhay, yamang mayroon silang sakdal na isip at katawan. Ang kamatayan ay hindi naghihintay sa kanila di-tulad sa lahat ng tao magmula noon. Isa pa, hindi sila mga robot kundi taglay nila ang kahanga-hangang regalo na malayang kalooban, ang kakayahang gumawa ng sariling mga pasiya. Gayunman, upang patuloy na matamasa ang gayong kamangha-manghang kalayaan, kailangang igalang nila ang mga batas ng Diyos.

2 Halimbawa, isaalang-alang ang pisikal na mga batas na itinakda ng Diyos. Sabihin pa, ang mga batas na ito ay maaaring hindi binigkas sa pamamagitan ng napakaraming salita, ngunit sina Adan at Eva ay nilalang sa paraang magiging likas lamang na sumunod sa mga ito. Ang kanilang gana ay naghudyat ng pangangailangang kumain; ang kanilang uhaw, ng pangangailangang uminom; ang paglubog ng araw, ng pangangailangang matulog. Binigyan din sila ni Jehova ng isang atas na gawain. Ang atas na iyon, sa katunayan, ay isang batas sapagkat uugitan nito ang kanilang landasin ng pagkilos. Sila ay magluluwal ng mga anak, mamamahala sa maraming uri ng buhay sa lupa, at magpapalawak sa mga hangganan ng Paraiso hanggang sa masaklaw nito ang buong globo. (Genesis 1:28; 2:15) Tunay ngang kalugud-lugod at kapaki-pakinabang na batas iyon! Binigyan sila nito ng lubos na kasiya-siyang trabaho, anupat pinangyayari na magamit nila nang lubusan ang kanilang mga kakayahan sa kapaki-pakinabang na mga paraan. Gayundin, malaki ang kanilang kalayaang magpasiya sa kung paano nila isasagawa ang kanilang atas. Ano pa nga ba ang mahihiling ng isa?

3. Paano matututuhan nina Adan at Eva na gamitin nang may katalinuhan ang kanilang kalayaang magpasiya?

3 Sabihin pa, nang ipagkaloob kina Adan at Eva ang pribilehiyo na magpasiya, hindi ito nangahulugan na anumang ipasiya nila ay magbubunga ng mabubuting resulta. Ang kanilang kalayaang magpasiya ay dapat na gamitin nang hindi lalampas sa mga hangganang itinakda ng mga batas at simulain ng Diyos. Paano nila matututuhan ang mga ito? Sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang Maylikha at sa pamamagitan ng pagmamasid sa kaniyang mga gawa. Binigyan ng Diyos sina Adan at Eva ng katalinuhan na kailangan upang maikapit ang kanilang natutuhan. Yamang sila ay nilalang na sakdal, ang kanilang likas na hilig ay ang ipamalas ang mga katangian ng Diyos kapag gumagawa ng mga pasiya. Sa katunayan, maingat na gagawin nila iyon kung talagang pinahahalagahan nila ang ginawa ng Diyos para sa kanila at kung nais nilang palugdan siya.​—Genesis 1:​26, 27; Juan 8:29.

4. (a) Ang utos ba na ibinigay kina Adan at Eva na huwag kumain sa bunga ng isang punungkahoy ay nagkait sa kanila ng kalayaan? (b) Bakit ito ay isang angkop na kahilingan?

4 Kung gayon, makatuwiran lamang na ipasiya ng Diyos na subukin ang kanilang debosyon sa kaniya bilang kanilang Tagapagbigay-Buhay at ang kanilang pagnanais na manatili sa loob ng hangganan na itinakda niya. Ibinigay ni Jehova kay Adan ang utos na ito: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:​16, 17) Pagkatapos na lalangin si Eva, ipinabatid din sa kaniya ang kautusang ito. (Genesis 3:​2, 3) Nagkait ba ng kalayaan sa kanila ang pagbabawal na ito? Hinding-hindi. Sagana sila sa lahat ng uri ng masasarap na pagkain bagaman hindi sila kakain sa bunga ng isang punungkahoy na iyon. (Genesis 2:​8, 9) Angkop lamang na dapat nilang kilalanin na ang lupa ay pag-aari ng Diyos, yamang siya ang lumalang nito. Kaya may karapatan siyang gumawa ng mga batas na kasuwato ng kaniyang layunin at na kapaki-pakinabang sa sangkatauhan.​—Awit 24:​1, 10.

5. (a) Paano naiwala nina Adan at Eva ang maluwalhating kalayaan na tinaglay nila? (b) Ano ang humalili sa kalayaan na tinamasa nina Adan at Eva, at paano tayo naapektuhan?

5 Ngunit ano ang nangyari? Palibhasa’y naudyukan ng mapag-imbot na ambisyon, ginamit ng isang anghel sa maling paraan ang kaniyang malayang kalooban at naging Satanas, na nangangahulugang “Mananalansang.” Nilinlang niya si Eva sa pamamagitan ng pagtiyak sa kaniya ng isang bagay na salungat sa kalooban ng Diyos. (Genesis 3:​4, 5) Nakiisa si Adan kay Eva sa paglabag sa kautusan ng Diyos. Dahil sa pagkuha ng hindi kanila, naiwala nila ang kanilang maluwalhating kalayaan. Naging panginoon nila ang kasalanan, at gaya ng babala ng Diyos, nang dakong huli ay sumunod ang kamatayan. Ang ipinamana nila sa kanilang mga supling ay kasalanan​—na masasalamin sa likas na hilig na gumawa ng kamalian. Ang kasalanan ay nagdulot din ng mga kahinaan na nagbubunga ng sakit, pagtanda, at kamatayan. Ang hilig sa paggawa ng kamalian, na pinalalalâ pa ng Satanikong impluwensiya, ay nagluwal ng isang lipunan ng tao na may kasaysayan ng pagkakapootan, krimen, paniniil, at mga digmaan na kumitil ng milyun-milyong buhay. Kaylaking pagkakaiba nga sa kalayaan na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan sa pasimula!​—Deuteronomio 32:​4, 5; Job 14:​1, 2; Roma 5:12; Apocalipsis 12:9.

Kung Saan Matatagpuan ang Kalayaan

6. (a) Saan matatagpuan ang tunay na kalayaan? (b) Anong uri ng kalayaan ang binanggit ni Jesus?

6 Dahil sa masasamang kalagayan na umiiral saanman ngayon, hindi nga kataka-taka na panabikan ng mga tao ang higit na kalayaan. Ngunit saan kaya matatagpuan ang tunay na kalayaan? Sinabi ni Jesus: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:​31, 32) Ang kalayaang ito ay hindi ang uri na inaasahan ng mga tao kapag tinatanggihan nila ang isang tagapamahala o isang uri ng pamamahala alang-alang sa iba. Sa halip, naaabot ng kalayaang ito ang pinakaugat ng mga suliranin ng tao. Ang tinatalakay ni Jesus ay ang kalayaan mula sa pagiging alipin ng kasalanan. (Juan 8:​24, 34-36) Kaya, kapag ang isang tao ay naging tunay na alagad ni Jesu-Kristo, nararanasan niya ang isang kapansin-pansing pagbabago sa kaniyang buhay, isang paglaya!

7. (a) Sa anong diwa tayo mapalalaya ngayon mula sa kasalanan? (b) Upang makamit ang kalayaang iyan, ano ang dapat nating gawin?

7 Hindi ito nangangahulugan na sa kasalukuyan, hindi na nadarama ng mga tunay na Kristiyano ang mga epekto ng likas na hilig sa makasalanang paggawi. Yamang nagmana sila ng kasalanan, nakikipagpunyagi pa rin sila dahil dito. (Roma 7:21-25) Gayunman, kung ang isang tao ay talagang namumuhay kasuwato ng mga turo ni Jesus, hindi na siya magiging alipin ng kasalanan. Ang kasalanan ay hindi na magiging tulad ng isang diktador na nagbibigay ng mga utos sa kaniya na dapat niyang sundin nang walang-pasubali. Hindi na siya masasadlak sa isang paraan ng pamumuhay na walang layunin at nag-iiwan sa kaniya ng isang masamang budhi. Magtatamasa siya ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos dahil sa napatawad na ang nakaraang mga kasalanan salig sa kaniyang pananampalataya sa hain ni Kristo. Maaari pa ring makipagtagisan ang makasalanang mga hilig, ngunit kapag tumatanggi siyang kumilos ayon sa mga ito dahil naaalaala niya ang malilinis na turo ni Kristo, ipinakikita niya na hindi na niya panginoon ang kasalanan.​—Roma 6:12-17.

8. (a) Anong mga kalayaan ang ibinibigay sa atin ng tunay na Kristiyanismo? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga sekular na tagapamahala?

8 Isaalang-alang ang mga kalayaan na tinatamasa natin bilang mga Kristiyano. Tayo ay pinalaya na mula sa mga epekto ng huwad na mga turo, mula sa pagkaalipin sa pamahiin at sa kasalanan. Ang napakagagandang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay at ang pagkabuhay-muli ay nagpalaya sa atin mula sa di-makatuwirang pagkatakot sa kamatayan. Ang pagkaalam na malapit nang humalili ang matuwid na Kaharian ng Diyos sa di-sakdal na mga pamahalaan ng tao ay nagpapalaya sa atin mula sa kawalan ng pag-asa. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Gayunman, hindi binibigyang-matuwid ng gayong kalayaan ang di-paggalang sa mga awtoridad at mga batas ng pamahalaan.​—Tito 3:​1, 2; 1 Pedro 2:​16, 17.

9. (a) Paano tayo maibiging tinutulungan ni Jehova upang matamasa ang pinakamalaking antas ng kalayaan na posible ngayon para sa mga tao? (b) Paano tayo makagagawa ng matatalinong pasiya?

9 Hindi ipinatutuklas sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng pagbabakasakali kung ano ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. Alam niya kung paano tayo nilikha, kung ano ang nagdudulot sa atin ng tunay na kasiyahan, at kung ano ang magbibigay ng walang-hanggang kapakinabangan sa atin. Batid niya ang mga kaisipan at paggawi na maaaring sumira sa pakikipag-ugnayan ng isang tao sa Kaniya at sa mga kapuwa tao, anupat marahil ay hinahadlangan pa nga ang taong iyon na makapasok sa bagong sanlibutan. Sa maibiging paraan, ipinababatid ni Jehova sa atin ang lahat ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng Bibliya at ng kaniyang nakikitang organisasyon. (Marcos 13:10; Galacia 5:19-23; 1 Timoteo 1:​12, 13) Pagkatapos ay nasa sa atin na kung paano natin gagamitin ang ating bigay-Diyos na malayang kalooban upang magpasiya kung paano tayo tutugon. Di-gaya ni Adan, kung diribdibin natin ang sinasabi sa atin ng Bibliya, makagagawa tayo ng matatalinong pasiya. Ipakikita natin na ang mabuting kaugnayan kay Jehova ang siyang pinakamahalaga sa ating buhay.

Paghahangad ng Ibang Uri ng Kalayaan

10. Anong uri ng kalayaan ang sinisikap na makamit ng ilang Saksi ni Jehova?

10 Kung minsan, ang ilang kabataang Saksi ni Jehova​—gayundin ang ibang adulto—​ay maaaring makadama na nais nila ng ibang uri ng kalayaan. Ang sanlibutan ay maaaring magmistulang kaakit-akit, at habang lalo nilang pinag-iisipan ito, lalo namang sumisidhi ang kanilang pagnanasang gawin ang di-makakristiyanong mga bagay na popular sa sanlibutan. Ang gayong mga indibiduwal ay baka naman walang planong mag-abuso sa droga, uminom nang labis-labis, o makiapid. Ngunit nagsisimula na silang makisama sa ilan na hindi tunay na mga Kristiyano, anupat naghahangad na maging katanggap-tanggap sa mga ito. Baka nagsisimula pa nga silang tumulad sa kanilang mga pananalita at paggawi.​—3 Juan 11.

11. Saan nanggagaling kung minsan ang panghihikayat na gumawa ng mali?

11 Kung minsan, ang panghihikayat na makibahagi sa di-makakristiyanong paggawi ay nanggagaling sa isa na nag-aangking naglilingkod kay Jehova. Nangyari iyan sa ilang sinaunang Kristiyano, at maaari ring mangyari sa ating panahon. Kadalasan ay gustong gawin ng gayong mga tao ang mga bagay na sa palagay nila’y magdudulot sa kanila ng kasiyahan, ngunit ang mga bagay na ito ay labag sa kautusan ng Diyos. Hinihimok nila ang iba na “magkatuwaan.” Sila’y ‘nangangako ng kalayaan, samantalang sila mismo ay mga alipin ng kasiraan.’​—2 Pedro 2:19.

12. Ano ang malulungkot na resulta ng paggawi na salungat sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos?

12 Ang bunga ng gayong tinatawag na kalayaan ay laging nakapipinsala, yamang nangangahulugan ito ng pagsuway sa mga kautusan ng Diyos. Halimbawa, ang bawal na pakikipagtalik ay maaaring magbunga ng pagkaligalig ng damdamin, sakit, kamatayan, di-ninanais na pagdadalang-tao, at ng posibleng pagkasira ng pag-aasawa. (1 Corinto 6:18; 1 Tesalonica 4:3-8) Ang pag-abuso sa droga ay maaaring magbunga ng pagiging mayayamutin, pagkautal, malabong paningin, pagkahilo, mahirap na paghinga, halusinasyon, at kamatayan. Maaari itong maging resulta ng pagkasugapa, na maaaring humantong sa krimen upang matustusan ang bisyo. Gayung-gayon ang ibinubunga ng pag-abuso sa alkohol. (Kawikaan 23:29-35) Yaong mga nasasangkot sa gayong paggawi ay maaaring mag-akalang sila’y malaya, ngunit kapag huli na ang lahat ay saka nila nasusumpungan na sila pala’y mga alipin na ng kasalanan. At napakalupit ngang panginoon ang kasalanan! Ang pangangatuwiran sa mga bagay ngayon ay makatutulong upang maingatan tayo mula sa gayong karanasan.​—Galacia 6:​7, 8.

Ang Pinagmumulan ng Problema

13. (a) Paano madalas na napupukaw ang mga pagnanasa na humahantong sa mga problema? (b) Upang maunawaan kung ano ang “masasamang kasama,” kaninong pangmalas ang kailangan natin? (c) Habang sinasagot mo ang mga tanong na nakatala sa parapo 13, idiin ang pangmalas ni Jehova.

13 Pag-isipan ang kadalasang pinagmumulan ng mga problema. Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Santiago 1:​14, 15) Paano napupukaw ang pagnanasa? Sa pamamagitan ng mga bagay na pumapasok sa isip. Kadalasan ay bunga ito ng pakikisama sa mga taong hindi nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Sabihin pa, alam nating lahat na dapat tayong umiwas sa “masasamang kasama.” (1 Corinto 15:33) Ngunit aling pakikisama ang masama? Paano ito minamalas ni Jehova? Ang pangangatuwiran sa sumusunod na mga tanong at paghanap sa mga binanggit na kasulatan ay dapat tumulong sa atin na marating ang tamang mga konklusyon.

 Dahil ba sa waring marangal ang ilang tao ay nangangahulugan nang sila ay mabubuting kasama? (Genesis 34:​1, 2, 18, 19)

 Ang kanila bang pag-uusap, marahil ang kanilang pagbibiro, ay nagpapahiwatig kung dapat tayong makipagkaibigan nang matalik sa kanila? (Efeso 5:​3, 4)

 Ano kaya ang madarama ni Jehova kung pipiliin natin ang matalik na pakikipagsamahan sa mga taong hindi umiibig sa kaniya? (2 Cronica 19:​1, 2)

 Bagaman maaaring katrabaho o kaeskuwela natin ang mga taong hindi natin kapananampalataya, bakit kailangan tayong maging maingat? (1 Pedro 4:​3, 4)

 Ang panonood ng telebisyon at mga pelikula, paggamit ng Internet, at pagbabasa ng mga aklat, magasin, at mga pahayagan ay mga paraan ng pakikisama sa iba. Sa anong uri ng materyal mula sa gayong mga pinagmumulan kailangan tayong maging mapagbantay? (Kawikaan 3:31; Isaias 8:19; Efeso 4:17-19)

 Ano ang ipinahihiwatig kay Jehova ng pagpili natin ng mga kasama may kinalaman sa kung anong uri tayo ng mga tao? (Awit 26:​1, 4, 5; 97:10)

14. Anong dakilang kalayaan ang naghihintay sa mga may-katapatang nagkakapit sa payo ng Salita ng Diyos ngayon?

14 Naghihintay sa atin sa napakalapit na hinaharap ang bagong sanlibutan ng Diyos. Sa pamamagitan ng makalangit na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ang sangkatauhan ay palalayain mula sa impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang buong balakyot na sistema ng mga bagay. Unti-unti, ang lahat ng epekto ng kasalanan ay aalisin mula sa masunuring sangkatauhan, na magbubunga ng kasakdalan ng isip at katawan, upang matamasa natin ang buhay na walang hanggan sa Paraiso. Sa wakas, ang kalayaan na lubusang kasuwato ng “espiritu ni Jehova” ay matatamasa na rin ng lahat ng nilalang. (2 Corinto 3:17) Makatuwiran bang isapanganib na mawala ang lahat ng ito dahil sa pagwawalang-bahala sa payo ng Salita ng Diyos ngayon? Sa pamamagitan ng may-katalinuhang paggamit sa ating kalayaang Kristiyano sa ngayon, maipakita nawa natin nang maliwanag na ang talagang nais natin ay ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

Talakayin Bilang Repaso

• Anong uri ng kalayaan ang tinamasa ng unang mag-asawang tao? Paano iyon maihahambing sa nararanasan ngayon ng sangkatauhan?

• Anong kalayaan ang taglay ng mga tunay na Kristiyano? Paano ito naiiba sa itinuturing ng sanlibutan na kalayaan?

• Bakit napakahalaga na iwasan ang masasamang kasama? Di-tulad ni Adan, kaninong mga pasiya ang tinatanggap natin hinggil sa kung ano ang masama?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 46]

Nagbababala ang Salita ng Diyos: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali”