“Magkaroon Kayo ng Masidhing Pag-ibig sa Isa’t Isa”
Ikalabing-anim na Kabanata
“Magkaroon Kayo ng Masidhing Pag-ibig sa Isa’t Isa”
1. Ano ang kadalasang hinahangaan ng mga baguhan sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
KAPAG ang mga tao ay dumalo sa kauna-unahang pagkakataon sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, kadalasan ay humahanga sila sa pag-ibig na ipinakikita roon. Nakikita nila ito sa malugod na pagtanggap sa kanila at sa mainit na pagsasamahan. Napapansin din ng mga bisita sa ating mga kombensiyon ang pag-ibig na ito. Isang tagapagbalita ang sumulat may kinalaman sa isang kombensiyon: ‘Walang sinuman ang nasa ilalim ng impluwensiya ng droga o alkohol. Walang hiyawan at sigawan. Walang tulakan. Walang gitgitan. Walang nagmumura o nanunungayaw. Walang masasagwang biruan o malaswang pananalita. Walang usok ng sigarilyo. Walang nakawan. Walang nagtatapon ng mga lata sa damuhan. Talagang pambihira ito.’ Lahat ng ito ay katibayan ng pag-ibig, ang uri na “hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4-8.
2. (a) Sa kalaunan, ano ang dapat na makita sa ating pagpapamalas ng pag-ibig? (b) Bilang pagtulad kay Kristo, anong uri ng pag-ibig ang kailangan nating linangin?
2 Ang pag-ibig na pangkapatid ang siyang pagkakakilanlang tanda ng tunay na mga Kristiyano. (Juan 13:35) Habang sumusulong tayo sa espirituwal, natututo tayong magpahayag ng pag-ibig nang lubus-lubusan. Nanalangin si apostol Pablo na ‘managana nang higit at higit pa’ ang pag-ibig ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano. (Filipos 1:9) Ipinakita ni apostol Juan na ang ating pag-ibig ay dapat na mapagsakripisyo-sa-sarili. Sumulat siya: “Sa ganito natin nakilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay [ng Anak ng Diyos] ang kaniyang kaluluwa para sa atin; at tayo ay may pananagutan na ibigay ang ating mga kaluluwa para sa ating mga kapatid.” (1 Juan 3:16; Juan 15:12, 13) Talaga bang maibibigay natin ang ating buhay alang-alang sa ating mga kapatid? Bagaman karamihan sa mga situwasyon ay hindi naman humihiling ng gayon, hanggang saan ang ginagawa nating pagsisikap upang tulungan sila ngayon, kahit na hindi ito kombinyente sa atin?
3. (a) Sa anong paraan natin maaaring ipahayag nang lubus-lubusan ang ating pag-ibig? (b) Bakit mahalaga na magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa sa ngayon?
3 Kalakip ng ating mga gawa na doo’y masasalamin ang isang mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu, kailangan tayong magkaroon ng tunay na pagkagiliw sa ating mga kapatid. Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.” (Roma 12:10) Tayong lahat ay nakadarama ng gayon sa ilang tao. Ngunit matututuhan kaya nating kagiliwan din ang iba pa? Habang papalapit ang katapusan ng matandang sistemang ito, mahalaga para sa atin na maging lalong malapit sa ating mga kapuwa Kristiyano. Sinasabi ng Bibliya: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. . . . Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:7, 8.
Kapag Bumangon ang mga Problema
4. (a) Bakit maaaring bumangon ang mga problema sa pagitan niyaong mga kabilang sa isang kongregasyon? (b) Bagaman maaaring hindi tayo laging nakahilig na gawin ito, ano ang mabuting ibubunga kung ikakapit natin ang payo ng Bibliya?
4 Sabihin pa, hangga’t tayo ay di-sakdal, may mga pagkakataon na nakagagawa pa rin tayo ng mga bagay na nakasasakit sa iba. Maaaring magkasala rin sa atin ang ating mga kapatid sa iba’t ibang paraan. (1 Juan 1:8) Kung masumpungan mo ang iyong sarili sa gayong situwasyon, ano ang dapat mong gawin? Naglalaan ang Kasulatan ng kinakailangang patnubay. Ngunit maaaring hindi tugma ang sinasabi nito sa kinahihiligan nating gawin bilang di-sakdal na mga tao. (Roma 7:21-23) Gayunman, ang ating masikap na pagkakapit sa payo na nilalaman ng Bibliya ay magpapatunay sa ating taimtim na hangaring palugdan si Jehova. Ang paggawa nito ay magpapaunlad din sa kalidad ng ating pag-ibig sa iba.
5. Kung may makasakit sa atin, bakit hindi tayo dapat gumanti?
5 Kapag nasaktan ang mga tao, kung minsan ay humahanap sila ng mga paraan upang makaganti sa nanakit sa kanila. Ngunit pinalulubha lamang nito ang situwasyon. Kung kailangan ang paghihiganti, dapat natin itong ipaubaya sa Diyos. (Kawikaan 24:29; Roma 12:17-21) Ang iba naman ay baka umiwas na makipag-usap sa nakasakit sa kanila. Ngunit hindi natin dapat gawin ang gayon sa mga kapuwa natin mananamba, sapagkat ang pagiging kaayaaya ng ating sariling pagsamba ay nakasalalay, sa isang bahagi, sa pag-ibig natin sa ating mga kapatid. (1 Juan 4:20) Kaya naman, sumulat si Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Magagawa mo ba iyan?
6. (a) Gaano kadalas natin dapat patawarin ang ating kapatid? (b) Ang pagkaunawa sa ano ang tutulong sa atin na maharap ang pagkakasala laban sa atin?
6 Paano kung ang isa ay paulit-ulit na nagkakasala sa atin ngunit hindi naman nakagagawa ng malulubhang kasalanan na maaaring maging dahilan upang siya ay matiwalag sa kongregasyon? Para sa gayong di-malulubhang kasalanan, iminungkahi ni apostol Pedro na magpatawad “hanggang sa pitong ulit.” Ngunit sinabi ni Jesus: “Hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” Idiniin niya ang laki ng ating pagkakautang sa Diyos kung ihahambing sa anumang maaaring maging pagkakautang sa atin ng sinumang tao. (Mateo 18:21-35) Sa maraming paraan, nagkakasala tayo sa Diyos araw-araw—kung minsan ay sa pamamagitan ng mapag-imbot na mga gawa, sa ating sinasabi o iniisip, o sa mga hindi natin nagagawa—anupat ni hindi natin nababatid na nagkakasala na tayo. (Roma 3:23) Gayunman, patuloy pa rin tayong kinaaawaan ng Diyos. (Awit 103:10-14; 130:3, 4) Hinihiling niya sa atin na pakitunguhan ang isa’t isa sa gayunding paraan. (Mateo 6:14, 15; Efeso 4:1-3) Kung magkagayon ay isinasagawa natin ang uri ng pag-ibig na ‘hindi nagbibilang ng pinsala.’—1 Corinto 13:4, 5; 1 Pedro 3:8, 9.
7. Ano ang dapat nating gawin kapag ang isang kapatid ay may isang bagay na laban sa atin?
7 May mga panahon na nababatid natin na bagaman wala tayong sama ng loob sa ating kapatid, siya naman ay may isang bagay na laban sa atin. Maaari nating ipasiya na ‘takpan ito ng pag-ibig,’ gaya ng iminumungkahi ng 1 Pedro 4:8. O maaari tayong magkusa na kausapin siya at sikaping ibalik ang mapayapang ugnayan.—Mateo 5:23, 24.
8. Kung ang isang kapananampalataya ay nakagagawa ng isang bagay na nakapagpapagalit sa atin, ano ang maaaring gawin hinggil dito?
8 Posible rin na ang isang kapananampalataya ay gumagawa ng isang bagay na nakagagalit hindi lamang sa iyo kundi maging sa iba rin. Hindi ba makabubuti na kausapin siya? Marahil nga. Kung personal mong ipaliliwanag ang problema sa kaniya sa mabait na paraan, maaari itong magbunga ng mabuti. Ngunit kailangang tanungin mo muna ang iyong sarili: ‘Talaga nga bang gumagawa siya ng isang bagay na di-makakasulatan? O ang problema ay pangunahin nang dahilan sa magkaiba ang aming pinagmulan at kinalakhan?’ Mag-ingat na huwag magtakda ng iyong mga pamantayan at pagkatapos ay humatol ayon sa mga ito. (Santiago 4:11, 12) Walang-pagtatanging tinatanggap ni Jehova ang mga tao mula sa lahat ng uri ng pinagmulan at matiisin siya sa kanila habang sila ay sumusulong sa espirituwal.
9. (a) Sino ang nagbibigay-pansin sa mga kaso ng malubhang pagkakasala sa kongregasyon? (b) Kailan nagiging pananagutan ng isang pinagkasalahan na maunang kumilos, at taglay ang anong tunguhin?
9 Kung ang isa sa kongregasyon ay nasangkot sa malubhang pagkakasala, gaya ng imoralidad, dapat na agad itong pag-ukulan ng pansin. Nino? Ng matatanda. (Santiago 5:14, 15) Subalit kung ang isang kasalanan ay nagawa laban sa isang indibiduwal, marahil ay tungkol sa negosyo o sa nakapipinsalang maling paggamit ng dila, kung gayon ang isa na pinagkasalahan ay dapat munang magsikap na lumapit nang mag-isa sa nagkasala. (Mateo 18:15) Kung hindi nito malutas ang usapin, kailangang gawin ang karagdagang mga hakbang, gaya ng nakabalangkas sa Mateo 18:16, 17. Ang pag-ibig sa ating nagkasalang kapatid at ang hangaring ‘matamo’ siya ay tutulong sa atin na gawin ito sa paraang sinisikap abutin ang kaniyang puso.—Kawikaan 16:23.
10. Kapag bumangon ang problema, ano ang tutulong sa atin upang malasin ang mga bagay-bagay sa tamang paraan?
10 Kapag bumangon ang isang problema, malaki man ito o maliit, matutulungan tayo kung sisikapin nating unawain kung paano ito minamalas ni Jehova. Hindi niya sinasang-ayunan ang anumang uri ng kasalanan, at sa kaniyang takdang panahon, ang mga di-nagsisising gumagawa ng malubhang kasalanan ay aalisin sa kaniyang organisasyon. Gayunman, huwag nating kalilimutan na tayong lahat ay nagkakasala sa mas maliliit na paraan at nangangailangan ng kaniyang mahabang pagtitiis at awa. Kaya naman si Jehova ay nagpapakita ng parisan na dapat nating tularan kapag tayo ay napapaharap sa mga pagkakasala ng iba. Kapag tayo ay maawain, nasasalamin sa atin ang kaniyang pag-ibig.—Efeso 5:1, 2.
Humanap ng mga Paraan Upang “Magpalawak”
11. Bakit pinasigla ni Pablo ang mga taga-Corinto na “magpalawak”?
11 Maraming buwan ang ginugol ni Pablo sa pagpapatibay sa kongregasyon sa Corinto, Gresya. Nagpagal siya upang tulungan ang mga kapatid doon, at inibig niya sila. Ngunit ang ilan sa kanila ay hindi magiliw sa kaniya. Sila ay labis na mapamuna. Hinimok niya sila na “magpalawak” sa pagpapahayag ng pagmamahal. (2 Corinto 6:11-13; 12:15) Makabubuti sa ating lahat na isaalang-alang kung hanggang saan natin naipamamalas ang pag-ibig sa iba at humanap ng mga paraan upang magpalawak.—1 Juan 3:14.
12. Paano natin mapalalago ang ating pag-ibig para sa lahat ng kabilang sa kongregasyon?
12 Mayroon bang ilan sa kongregasyon na mahirap makalapitang-loob? Kung pagsisikapan nating huwag nang pansinin ang anumang pagkakaiba ng personalidad—gaya ng gusto nating gawin nila sa atin—makatutulong ito upang maging magiliw ang ugnayan sa pagitan natin. Gagaan din ang loob natin sa kanila kung hahanapin natin ang kanilang mabubuting katangian at magtutuon ng pansin sa mga ito. Tiyak na palalaguin nito ang ating pag-ibig sa kanila.—Lucas 6:32, 33, 36.
13. Paano tayo makapagpapalawak sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga nasa kongregasyon natin?
13 Sabihin pa, may mga hangganan ang magagawa natin para sa iba. Maaaring hindi natin mababati ang lahat sa bawat pagpupulong. Maaaring imposible na isama silang lahat kapag nag-aanyaya ng mga kaibigan para kumain. Ngunit maaari ba tayong magpalawak sa pamamagitan ng paggugol ng kahit ilang minuto lamang upang higit pang makilala ang isa na nasa ating kongregasyon? Maaari ba nating anyayahan paminsan-minsan na makasama sa paggawa sa ministeryo sa larangan ang isa na hindi natin gaanong kakilala?
14. Kapag kasama ng mga Kristiyano na hindi pa natin kilala, paano tayo makapagpapakita ng masidhing pag-ibig para sa isa’t isa?
14 Ang mga kombensiyong Kristiyano ay nagbibigay ng maiinam na pagkakataon upang mapalawak ang ating pag-ibig. Libu-libo ang maaaring naroroon. Hindi natin sila makikilalang lahat, ngunit makagagawi tayo sa paraan na magpapakitang mas inuuna natin ang kanilang kapakanan kaysa sa ating kaalwanan. Sa pagitan ng mga sesyon, makapagpapakita tayo ng personal na interes sa pamamagitan ng pagkukusang makilala ang ilan na nasa paligid natin. Balang araw, ang lahat ng nabubuhay sa lupa ay magiging magkakapatid, na nagkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos at Ama ng lahat. Kaylaking kagalakan nga na makilala ang isa’t isa! Ang masidhing pag-ibig ay magpapakilos sa atin na magnais na gawin iyon. Bakit hindi ito simulan ngayon?
Talakayin Bilang Repaso
• Kapag bumangon ang mga problema sa pagitan ng mga Kristiyano, paano dapat lutasin ang mga ito, at bakit?
• Habang sumusulong tayo sa espirituwal, sa anong paraan dapat na lumago rin ang ating pag-ibig?
• Paano maaaring ipakita ang masidhing pag-ibig hindi lamang sa malalapít na grupo ng mga kaibigan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 148]
Ang Kristiyanong pag-ibig ay ipinakikita sa maraming paraan, gaya sa mga pulong ng kongregasyon