Makinig sa Payo, Tumanggap ng Disiplina
Ikalabinlimang Kabanata
Makinig sa Payo, Tumanggap ng Disiplina
1. (a) Bakit tayong lahat ay nangangailangan ng payo at disiplina? (b) Anong tanong ang kailangan nating isaalang-alang?
“TAYONG lahat ay natitisod nang maraming ulit,” ang sabi ng Bibliya sa Santiago 3:2. Makaiisip tayo ng maraming pagkakataon kung saan hindi natin naipamalas ang uri ng pagkatao na siyang hinihimok sa atin ng Salita ng Diyos na taglayin. Kaya kinikilala natin na tama ang Bibliya nang sabihin nito: “Makinig ka sa payo at tumanggap ka ng disiplina, upang maging marunong ka sa iyong kinabukasan.” (Kawikaan 19:20) Walang alinlangan na nakagawa na tayo ng mga pagbabago sa ating buhay upang maiayon ito sa mga turo ng Bibliya. Ngunit paano tayo tumutugon kapag pinapayuhan tayo ng isang kapuwa Kristiyano hinggil sa isang espesipikong bagay?
2. Ano ang dapat nating gawin kapag nakatanggap tayo ng personal na payo?
2 Ang ilan ay tumutugon sa pamamagitan ng pagsisikap na bigyang-matuwid ang sarili, pagaanin ang kalubhaan ng situwasyon, o ibaling ang sisi sa iba. Ngunit mas mabuti na makinig sa payo at ikapit ito. (Hebreo 12:11) Sabihin pa, sinuman ay hindi dapat umasa ng kasakdalan sa iba, ni dapat na lagi siyang magpayo tungkol sa di-mahahalagang bagay o sa mga bagay na ipinauubaya ng Bibliya sa personal na pagpapasiya. Bukod dito, marahil ay hindi naisaalang-alang ng isa na nagpapayo ang lahat ng tunay na pangyayari, at ang mga ito ay maaaring itawag-pansin sa kaniya sa magalang na paraan. Ngunit sa sumusunod na pagtalakay, ipagpalagay natin na angkop at salig sa Bibliya ang ibinigay na payo o disiplina. Paano dapat tumugon ang isa?
Mga Halimbawa na Dapat Nating Isaalang-alang
3, 4. (a) Ano ang nilalaman ng Bibliya na makatutulong sa atin upang magkaroon ng tamang pangmalas sa payo at disiplina? (b) Paano tumugon si Haring Saul sa payo, at ano ang resulta?
3 Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng tunay na mga karanasan ng mga indibiduwal na tumanggap ng kinakailangang payo. Kung minsan, ang payo ay may kalakip na disiplina. Ang isa sa gayong indibiduwal ay si Haring Saul ng Israel. Hindi niya sinunod si Jehova may kinalaman sa bansang Amalek. Sinalansang ng mga Amalekita ang mga lingkod ng Diyos, at ang banal na hatol ni Jehova ay na walang ititirang buháy sa mga Amalekita o sa kanilang mga hayupan. Ngunit pinanatiling buháy ni Haring Saul ang kanilang hari at ang pinakamaiinam sa kanilang mga hayop.—1 Samuel 15:1-11.
4 Isinugo ni Jehova ang propetang si Samuel upang sawayin si Saul. Ano ang naging reaksiyon ni Saul? Nangatuwiran siya na nilupig naman niya ang mga Amalekita ngunit ipinasiya lamang niya na panatilihing buháy ang kanilang hari. Gayunman, iyon ay salungat sa utos ni Jehova. (1 Samuel 15:20) Tinangka ni Saul na isisi sa bayan ang pagpapanatiling buháy sa mga hayupan, sa pagsasabing: “Natakot ako sa bayan kung kaya sinunod ko ang kanilang tinig.” (1 Samuel 15:24) Waring mas nabahala siya sa kaniyang sariling kapurihan, anupat hiniling pa nga kay Samuel na parangalan siya sa harap ng bayan. (1 Samuel 15:30) Nang dakong huli, itinakwil ni Jehova si Saul bilang hari.—1 Samuel 16:1.
5. Ano ang nangyari kay Haring Uzias nang tanggihan niya ang payo?
5 Si Haring Uzias ng Juda ay ‘gumawi nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso.’ (2 Cronica 26:16) Ngunit tanging mga saserdote lamang ang may karapatang maghandog ng insenso. Nang sikapin ng punong saserdote na pigilin si Uzias, nagalit ang hari. Ano ang nangyari? Sinasabi ng Bibliya: “Ang ketong ay biglang lumitaw sa kaniyang noo . . . sapagkat sinaktan siya ni Jehova. At si Uzias na hari ay nanatiling isang ketongin hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.”—2 Cronica 26:19-21.
6. (a) Bakit sina Saul at Uzias ay kapuwa tumanggi sa payo? (b) Bakit ang pagtanggi sa payo ay isang malubhang problema sa ngayon?
6 Bakit sina Saul at Uzias ay kapuwa nahirapang tumanggap ng payo? Ang pangunahing problema ay ang pagmamapuri, anupat masyadong mataas ang tingin ng bawat isa sa kanilang sarili. Marami ang nagdudulot ng kapighatian sa kanilang sarili dahil sa kapintasang ito. Waring nadarama nila na ang pagtanggap ng payo ay nagpapahiwatig na may kakulangan sila o nakasisira sa kanilang reputasyon. Ngunit ang pagmamapuri ay isang kahinaan. Pinalalabo ng pagmamapuri ang pag-iisip ng isang tao anupat malamang na tanggihan niya ang tulong na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. Kaya naman, nagbababala si Jehova: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”—Kawikaan 16:18; Roma 12:3.
Pagtanggap sa Payo
7. Anong nakapagpapatibay na mga aral ang matututuhan mula sa paraan ng pagtugon ni Moises sa payo?
7 Ang Kasulatan ay naglalaman din ng maiinam na halimbawa ng mga tumanggap ng payo, at maaari tayong matuto mula sa mga ito. Isaalang-alang si Moises, na pinayuhan ng kaniyang biyenang lalaki kung paano pangangasiwaan ang kaniyang mabigat na pananagutan. Nakinig sa kaniya si Moises at agad na ikinapit ito. (Exodo 18:13-24) Bagaman may malawak na awtoridad si Moises, bakit handa siyang tumanggap ng payo? Sapagkat siya ay mapagpakumbaba. “Si Moises ay totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bilang 12:3) Gaano kahalaga ang kaamuan? Ipinakikita ng Zefanias 2:3 na ito ay nangangahulugan ng ating buhay.
8. (a) Anong mga kasalanan ang nagawa ni David? (b) Ano ang reaksiyon ni David sa pagsaway ni Natan? (c) Ano ang mga bunga ng mga kasalanan ni David?
8 Si Haring David ay nangalunya kay Bat-sheba at sinikap niyang pagtakpan ito sa pamamagitan ng pagpapangyari na mapatay ang asawa ni Bat-sheba, si Uria. Isinugo ni Jehova ang propetang si Natan upang sawayin si David. Nagsisi siya at agad na umamin: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” (2 Samuel 12:13) Bagaman tinanggap ng Diyos ang pagsisisi ni David, pagdurusahan niya ang mga bunga ng kaniyang masamang ginawa. Sinabi sa kaniya ni Jehova na “hindi lilisanin ng tabak ang [kaniyang] sariling sambahayan,” na ibibigay ang mga asawa niya “sa [kaniyang] kapuwa,” at na ang anak na isisilang bunga ng kaniyang pangangalunya ay “tiyak na mamamatay.”—2 Samuel 12:10, 11, 14.
9. Ano ang hindi natin dapat kalimutan kapag pinapayuhan tayo o dinidisiplina?
9 Alam ni Haring David ang kapakinabangan ng pakikinig sa mabuting payo. Sa isang pagkakataon, pinasalamatan niya ang Diyos dahil sa isa na nagpayo. (1 Samuel 25:32-35) Ganoon ba tayo? Kung oo, maiingatan tayo sa pagsasalita at paggawa ng maraming bagay na maaaring pagsisihan natin. Ngunit paano kung mapalagay tayo sa mga situwasyon na umaakay upang tayo ay payuhan o disiplinahin pa nga? Huwag nawa nating kalilimutan na ito ay katibayan ng pag-ibig ni Jehova, alang-alang sa ating walang-hanggang kapakanan.—Kawikaan 3:11, 12; 4:13.
Napakahalagang mga Katangian na Dapat Linangin
10. Anong katangian ang ipinakita ni Jesus na kinakailangan para sa mga makapapasok sa Kaharian?
10 Upang magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova at sa ating mga kapatid na Kristiyano, kailangang linangin natin ang ilang katangian. Binanggit ni Jesus ang isa sa mga ito nang iharap niya ang isang bata sa kaniyang mga alagad at sinabi: “Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng mga bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit. Samakatuwid, ang sinumang magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:3, 4) Kinailangang linangin ng mga alagad ni Jesus ang kapakumbabaan, yamang pinagtalunan nila kung sino sa kanila ang pinakadakila.—Lucas 22:24-27.
11. (a) Kanino tayo kailangang magpakumbaba, at bakit? (b) Kung mapagpakumbaba tayo, paano tayo tutugon sa payo?
11 Sumulat ang apostol na si Pablo: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Alam natin na kailangan tayong magpakumbaba sa harap ng Diyos, ngunit ipinakikita ng kasulatang ito na kailangan din tayong magpakumbaba sa ating mga kapananampalataya. Kung mapagpakumbaba tayo, hindi natin ikasasama ng loob ang angkop na mga mungkahi na ibinibigay sa atin ng iba kundi matututo tayo mula sa kanila.—Kawikaan 12:15.
12. (a) Anong mahalagang katangian ang may malapit na kaugnayan sa kapakumbabaan? (b) Bakit dapat tayong mabahala sa epekto ng ating paggawi sa iba?
12 May malapit na kaugnayan sa kapakumbabaan ang pagmamalasakit sa kapakanan ng iba. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao. . . . Kaya nga, kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod sa mga Judio at gayundin sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos.” (1 Corinto 10:24-33) Hindi sinabi ni Pablo na dapat nating iwaksi ang lahat ng personal na mga kagustuhan, ngunit hinimok niya tayo na huwag gumawa ng anumang bagay na makapagpapalakas ng loob sa sinuman na gawin ang isang bagay na mali ayon sa kaniyang budhi.
13. Anong halimbawa ang maaaring magpahiwatig kung kinaugalian nga nating ikapit ang maka-Kasulatang payo?
13 Mas inuuna mo ba ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa iyong sariling personal na kagustuhan? Tayong lahat ay dapat na matutong gawin iyan. Maraming paraan upang magawa ito. Kuning halimbawa ang pananamit at pag-aayos. Ang mga ito ay mga bagay na nagsasangkot ng personal na kagustuhan alinsunod sa maka-Kasulatang mga tuntunin ng pagiging mahinhin, masinop, at malinis. Ngunit kung mapag-alaman mo na dahil sa kinamulatan ng mga tao sa inyong komunidad, ang iyong paraan ng pananamit o pag-aayos ay nakahahadlang sa iba na makinig sa mensahe ng Kaharian, gagawa ka ba ng mga pagbabago? Walang alinlangan, ang pagtulong sa ibang tao na matamo ang walang-hanggang buhay ay mas mahalaga kaysa sa pagpapalugod sa sarili.
14. Bakit mahalaga na linangin ang kapakumbabaan at pagmamalasakit sa iba?
14 Sa pagiging mapagpakumbaba at mapagmalasakit sa iba, nagpakita ng halimbawa si Jesus, anupat hinugasan pa nga ang mga paa ng kaniyang mga alagad. (Juan 13:12-15) Tungkol sa kaniya, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din, na siya, bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan.”—Filipos 2:5-8; Roma 15:2, 3.
Huwag Tanggihan ang Disiplina ni Jehova
15. (a) Anong mga pagbabago ang kailangan nating gawin upang magkaroon ng isang personalidad na kalugud-lugod sa Diyos? (b) Sa pamamagitan ng anong mga paraan naglalaan si Jehova ng payo at disiplina para sa ating lahat?
15 Dahilan sa tayong lahat ay makasalanan, kinakailangan ang mga pagbabago sa ating saloobin at paggawi upang maipamalas natin ang personalidad ng ating Diyos. Kailangan nating isuot ang “bagong personalidad.” (Colosas 3:5-14) Tinutulungan tayo ng payo at disiplina na makita ang mga larangan na doo’y kinakailangan ang mga pagbabago at pagkatapos ay mapag-unawa kung paano gagawin ang mga ito. Ang pangunahing pinagmumulan ng tagubilin na kailangan natin ay ang Bibliya mismo. (2 Timoteo 3:16, 17) Ang literatura sa Bibliya at mga pulong na inilalaan ng organisasyon ni Jehova ay tumutulong sa atin upang maikapit ang Salita ng Diyos. Kahit na narinig na natin noon ang payo, kikilalanin ba natin na kailangan natin ito at sisikaping sumulong?
16. Anong tulong ang inilalaan ni Jehova sa atin bilang mga indibiduwal?
16 Taglay ang maibiging pagmamalasakit, tinutulungan tayo ni Jehova sa ating mga problema. Milyun-milyon na ang natulungan sa pamamagitan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pinapayuhan at dinidisiplina ng mga magulang ang kanilang mga anak upang ingatan sila mula sa paggawi na magdudulot ng pagdurusa. (Kawikaan 6:20-23) Sa loob ng kongregasyon, kadalasan nang humihingi ng payo at mga mungkahi ang ilan mula sa makaranasang mga ministro upang mapasulong ang kanilang sariling mga pagsisikap sa gawain sa larangan. Kung minsan, ang matatanda ay maaaring humingi ng payo sa isa’t isa o sa iba na makaranasan sa ministeryo. Yaong mga may espirituwal na mga kuwalipikasyon ay gumagamit ng Bibliya upang tulungan yaong mga nangangailangan nito, anupat ginagawa ito sa espiritu ng kahinahunan. Kung nagpapayo ka, tandaan na ‘mataan ang iyong sarili, dahil baka matukso ka rin.’ (Galacia 6:1, 2) Oo, tayong lahat ay nangangailangan ng payo at disiplina upang masamba nang nagkakaisa ang tanging tunay na Diyos.
Talakayin Bilang Repaso
• Paano tayo maibiging tinutulungan ni Jehova upang makita kung saan tayo personal na nangangailangang gumawa ng mga pagbabago?
• Bakit marami ang nahihirapang tumanggap ng kinakailangang payo, at gaano ito kaseryoso?
• Anong napakahalagang mga katangian ang tutulong sa atin na maging handang tumanggap ng payo, at paano nagpakita ng halimbawa si Jesus hinggil sa mga ito?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 142]
Si Uzias ay tumanggi sa payo at kinapitan ng ketong
[Larawan sa pahina 142]
Nakinabang si Moises sa pamamagitan ng pagtanggap sa payo ni Jetro