Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Manghawakang Mahigpit sa Salita ng Diyos

Manghawakang Mahigpit sa Salita ng Diyos

Ikatlong Kabanata

Manghawakang Mahigpit sa Salita ng Diyos

1. (a) Paano naranasan ng sinaunang Israel ang pagiging totoo ng salita ng Diyos? (b) Bakit tayo interesado rito?

 “NALALAMAN ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo.” (Josue 23:14-16) Ito ang sinabi ni Josue sa matatandang lalaki ng Israel nang sila’y naninirahan na sa Lupang Pangako. Oo, ang mga pangako ni Jehova ay napatunayang mapagkakatiwalaan. Ang ulat na iyan​—at ang iba pang bahagi ng Bibliya​—ay iningatan para sa atin upang “magkaroon tayo ng pag-asa.”​—Roma 15:4.

2. (a) Sa anong diwa “kinasihan ng Diyos” ang Bibliya? (b) Sa pagkaalam na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, ano ang pananagutan natin?

2 Bagaman mga 40 manunulat na tao ang ginamit upang isulat ang Bibliya, si Jehova mismo ang May-akda nito. Nangangahulugan ba ito na siya ang aktibong nangasiwa sa pagsulat sa lahat ng nilalaman nito? Oo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, ang kaniyang aktibong puwersa. May-katotohanang sinabi ni apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos . . . upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.” Ang mga tao sa lahat ng dako na kumbinsido rito ay nagbibigay-pansin sa Bibliya at namumuhay kasuwato ng nilalaman nito.​—2 Timoteo 3:​16, 17; 1 Tesalonica 2:13.

Tulungan ang Iba na Pahalagahan Ito

3. Ano ang pinakamagaling na paraan upang matulungan ang marami na hindi kumbinsido na ang Bibliya ay Salita ng Diyos?

3 Marami sa ating nakakausap ay hindi natin kagaya na nananalig na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Paano natin sila matutulungan? Kadalasan, ang pinakamagaling na paraan ay ang buksan ang Bibliya at ipakita sa kanila ang nilalaman nito. “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) “Ang salita ng Diyos” ay hindi patay na kasaysayan; ito ay buháy! Hindi mapipigilan ang pagsulong ng mga pangako ng Bibliya tungo sa katuparan ng mga ito. Ang impluwensiya ng mensahe ng Bibliya sa tunay na motibo ng puso ng isang tao ay mas mapuwersa kaysa sa anumang bagay na maaari nating sabihin nang personal.

4. Anu-anong paliwanag tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya ang nakapagpabago sa saloobin ng ilang tao hinggil sa Bibliya, at bakit?

4 Ang pagkakita sa pangalan ng Diyos doon ay nagpapangyari sa marami na higit pang suriin ang Bibliya. Ang iba ay nagpapasiyang mag-aral ng Bibliya kapag ipinakita sa kanila kung ano ang sinasabi nito tungkol sa layunin ng buhay, kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan, ang kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari, o ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Sa mga lupain kung saan ang relihiyosong mga kaugalian ay naglantad sa mga tao sa panliligalig ng masasamang espiritu, ang paliwanag ng Bibliya hinggil sa kung ano ang nagiging sanhi nito at kung paano makalalaya rito ay nakapukaw ng interes. Bakit nakapupukaw ng damdamin sa taimtim na mga tao ang mga puntong ito? Dahil ang Bibliya ang tanging pinagmumulan ng maaasahang impormasyon sa lahat ng gayong mahahalagang bagay.​—Awit 119:130.

5. (a) Kapag sinasabi ng mga tao na hindi sila naniniwala sa Bibliya, ano ang maaaring mga dahilan nito? (b) Paano natin matutulungan ang gayong mga tao?

5 Gayunman, paano kung sabihin sa atin ng mga tao na hindi sila naniniwala sa Bibliya? Dapat bang matapos ang pag-uusap dahil doon? Hindi nga kung handa silang makipagkatuwiranan. Maaaring minamalas nila ang Bibliya bilang aklat ng Sangkakristiyanuhan. Ang rekord ng pagpapaimbabaw at pakikialam nito sa pulitika, gayundin ang palaging pangingilak nito ng salapi, ay maaaring siyang dahilan ng kanilang negatibong reaksiyon sa Bibliya. Bakit hindi itanong kung gayon nga? Ang paghatol ng Bibliya sa makasanlibutang mga landasin ng Sangkakristiyanuhan, pati na ang mga pagkakaiba ng Sangkakristiyanuhan at ng tunay na Kristiyanismo, ay maaaring makapukaw ng kanilang interes.​—Mikas 3:​11, 12; Mateo 15:7-9; Santiago 4:4.

6. (a) Ano ang personal na nakakakumbinsi sa iyo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos? (b) Ano pang ibang mga hanay ng pangangatuwiran ang maaaring gamitin upang tulungan ang mga tao na maunawaang ang Bibliya ay talagang galing sa Diyos?

6 Para sa iba, maaaring makatulong ang tuwirang pagtalakay sa mga katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Ano ang malinaw na nagpapatunay sa iyo na ang Bibliya ay galing sa Diyos na Jehova? Ang sinasabi ba mismo ng Bibliya hinggil sa pinagmulan nito? O ang katotohanan na ang Bibliya ay naglalaman ng napakaraming hula na nagpapaaninag ng detalyadong kaalaman hinggil sa hinaharap, mga hula na tiyak na nanggaling sa isang nakahihigit-sa-taong pinagmulan? (2 Pedro 1:​20, 21) Dahil kaya sa ipinamamalas ng Bibliya ang kamangha-manghang panloob na pagkakasuwato nito, bagaman isinulat ito ng 40 lalaki sa loob ng isang yugto na mga 1,600 taon? O dahil sa makasiyensiyang katumpakan nito kung ihahambing sa ibang mga kasulatan noong mga panahong iyon? O kaya ay sa pagiging prangka ng mga manunulat nito? O dahil sa naingatan ito sa kabila ng matitinding pagsisikap na sirain ito? Anuman ang personal na nasumpungan mong kahanga-hanga ay maaari ring gamitin upang tulungan ang ibang tao. a

Ang Ating Pagbabasa ng Bibliya

7, 8. (a) Ano ang dapat na ginagawa natin sa Bibliya? (b) Ano pa ang kailangan natin bukod sa personal na pagbabasa ng Bibliya? (c) Paano ka personal na nagtamo ng kaunawaan sa mga layunin ni Jehova?

7 Bukod sa pagtulong sa iba na maniwala sa Bibliya, tayo mismo ay kinakailangang gumugol ng panahon upang mabasa ito nang regular. Ginagawa mo ba ito? Sa lahat ng aklat na ginawa, ito ang pinakamahalaga. Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na kung babasahin natin ito sa ganang sarili, wala na tayong kailangan pa. Ang Kasulatan ay nagbababala sa pagbubukod ng ating sarili. Hindi natin dapat isipin na makikita natin ang sagot sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng sarilinang pagsasaliksik. Kailangan kapuwa ang personal na pag-aaral at regular na pagdalo sa mga pulong ng bayan ng Diyos upang tayo ay maging timbang na mga Kristiyano.​—Kawikaan 18:1; Hebreo 10:​24, 25.

8 Hinggil dito, inilalahad ng Bibliya ang tungkol sa isang Etiopeng opisyal na nagbabasa ng hula ni Isaias. Inakay ng isang anghel ang Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe upang magtanong sa lalaki: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Mapagpakumbabang sumagot ang Etiope: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Hinimok niya si Felipe na ipaliwanag ang talata sa Kasulatan. Ngayon, si Felipe ay hindi lamang basta isang nagsasariling mambabasa ng Bibliya na nagbigay ng kaniyang opinyon tungkol sa Kasulatan. Nanatili siyang may malapit na kaugnayan sa nakikitang organisasyon ng Diyos. Kaya naman matutulungan niya ang Etiope na makinabang mula sa pagtuturo na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng organisasyong iyon. (Gawa 6:​5, 6; 8:​5, 26-35) Gayundin naman sa ngayon, sinuman ay hindi magkakaroon ng wastong pagkaunawa sa mga layunin ni Jehova sa kaniyang ganang sarili. Kailangan nating lahat ang tulong na maibiging ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon.

9. Anong programa ng pagbabasa sa Bibliya ang maaaring maging kapaki-pakinabang sa ating lahat?

9 Upang tulungan tayong maunawaan ang Bibliya, ang organisasyon ni Jehova ay nagbibigay ng napakahusay na maka-Kasulatang materyal sa iba’t ibang publikasyon. Bukod dito, isang regular na iskedyul ng pagbabasa sa Bibliya ang itinakda para sa atin may kaugnayan sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na idinaraos sa lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Malaking kapakinabangan ang makukuha mula sa personal na pagsusuri sa Banal na Kasulatan. (Awit 1:1-3; 19:​7, 8) Gumawa ng pantanging pagsisikap na mabasa nang regular ang Bibliya. Bagaman hindi mo lubos na naiintindihan ang lahat, ang pagkakaroon mo ng kabuuang unawa sa Kasulatan ay magdudulot ng malaking kapakinabangan. Halimbawa, kung magbabasa ka ng apat o limang pahina lamang sa bawat araw, matatapos mo ang Bibliya sa loob ng mga isang taon.

10. (a) Kailan mo ginagawa ang iyong pagbabasa ng Bibliya? (b) Sino pa ang dapat na kasali kapag nagbabasa ng Bibliya, at bakit mahalaga ang pagiging regular?

10 Kailan mo magagawa ang iyong pagbabasa ng Bibliya? Kung mag-iiskedyul ka ng kahit 10 o 15 minuto araw-araw para rito, makikinabang ka nang malaki. Kung hindi puwede, mag-iskedyul ng regular na mga panahon para rito kahit man lamang sa bawat linggo, at pagkatapos ay manatili sa gayong iskedyul. Kung may asawa ka na, kayong mag-asawa ay maaaring masiyahan sa malakas na pagbabasa ng Bibliya sa isa’t isa. Kung may mga anak na sapat na ang gulang para magbasa, maaari silang maghalinhinan sa pagbabasa nang malakas. Ang pagbabasa ng Bibliya ay dapat na maging panghabambuhay na kaugalian, tulad ng pagkain. Gaya ng alam mo, kung hindi maganda ang mga kaugalian sa pagkain ng isang tao, hihina ang kaniyang katawan. Gayundin naman, ang ating espirituwal na buhay, at samakatuwid ang ating walang-hanggang buhay, ay nakasalalay sa ating regular na pagkain ng “bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—Mateo 4:4.

Ang Ating Layunin

11. Ano ang dapat na maging layunin natin sa pagbabasa ng Bibliya?

11 Ano ang dapat na maging layunin natin sa pagbabasa ng Bibliya? Ang tunguhin natin ay dapat na hindi lamang ang makabasa ng ilang pahina. Ang dapat na maging motibo natin ay ang higit na makilala ang Diyos upang mapasidhi natin ang ating pag-ibig sa kaniya at maging kaayaaya ang ating pagsamba sa kaniya. (Juan 5:39-42) Ang ating saloobin ay dapat na maging kagaya niyaong sa manunulat ng Bibliya na nagsabi: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.”​—Awit 25:4.

12. (a) Bakit kailangan ang pagtatamo ng “tumpak na kaalaman,” at anong pagsisikap ang maaaring kailanganin kapag nagbabasa upang makuha ang kaalamang iyon? (b) Maaari nating suriin sa kapaki-pakinabang na paraan ang ating binabasa sa Bibliya sa pamamagitan ng paggamit sa anong apat na punto de vista? (Tingnan ang kahon sa pahina 30.) (c) Ilarawan ang mga puntong ito sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na nasa parapong ito. Tingnan ang binanggit ngunit hindi siniping mga kasulatan.

12 Habang tumatanggap tayo ng mga turo mula kay Jehova, dapat na maging hangarin natin na matamo ang “tumpak na kaalaman.” Kung wala ito, paano natin wastong maikakapit ang Salita ng Diyos sa ating sariling buhay o maipaliliwanag ito nang tama sa iba? (Colosas 3:10; 2 Timoteo 2:15) Ang pagtatamo ng tumpak na kaalaman ay humihiling na magbasa tayo nang maingat, at kung ang isang bahagi ay mahirap unawain, baka kailangang basahin natin ito nang di-lamang minsan upang maunawaan ang diwa nito. Makikinabang din tayo kung gugugol tayo ng panahon upang bulay-bulayin ang materyal, anupat pinag-iisipan ito mula sa iba’t ibang punto de vista. Ang apat na mahahalagang paraan ng pangangatuwiran na maaaring suriin ay itinatampok sa pahina 30. Ang maraming bahagi ng Kasulatan ay maaaring suriin sa kapaki-pakinabang na paraan sa pamamagitan ng paggamit sa isa o higit pa sa mga punto de vistang ito. Habang sinasagot mo ang mga tanong sa sumusunod na mga pahina, makikita mo kung paanong ito ay totoo.

 (1) Kadalasan, ang bahagi ng Kasulatan na binabasa mo ay makapagsasabi sa iyo ng isang bagay tungkol sa kung anong uri ng persona si Jehova. Halimbawa, sa Awit 139:​13, 14, natututuhan natin ang matinding pagmamalasakit ng Diyos sa mga di-pa-naisisilang: “Iningatan mo akong natatabingan sa tiyan ng aking ina. Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” Tunay ngang kamangha-mangha ang mga gawang paglalang ni Jehova! Ang paraan ng pagkakagawa sa mga tao ay nagpapatunay sa kaniyang dakilang pag-ibig sa atin.

 Sa pagsasaalang-alang sa sinasabi sa Juan 14:​9, 10, kapag nababasa natin kung paano nakitungo si Jesus sa iba, nakikita nga natin kung paano kikilos mismo si Jehova. Taglay iyan sa isipan, ano ang masasabi natin tungkol kay Jehova mula sa mga pangyayari na nakaulat sa Lucas 5:​12, 13 at Lucas 7:11-15?

 (2) Isaalang-alang kung paanong ang mga ulat ay nauugnay sa tema ng Bibliya: ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at ang pagpapabanal sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo, ang ipinangakong Binhi.

 Paano idiniin nina Ezekiel at Daniel ang tema ng Bibliya? (Ezekiel 38:21-23; Daniel 2:44; 4:17; 7:9-14)

 Paano maliwanag na ipinakikilala ng Bibliya si Jesus bilang ang ipinangakong Binhi? (Galacia 3:16)

 Paano inilalarawan ng Apocalipsis ang dakilang kasukdulan ng tema ng Kaharian? (Apocalipsis 11:15; 12:7-10; 17:16-18; 19:11-16; 20:1-3; 21:1-5)

 (3) Tanungin ang iyong sarili kung paano mo personal na maikakapit ang iyong binabasa. Halimbawa, mababasa natin sa Exodo hanggang Deuteronomio ang tungkol sa imoralidad at paghihimagsik ng Israel. Natutuhan natin na ang gayong mga saloobin at kilos ay nagbunga ng masama. Kung gayon, dapat na mapakilos tayo na palugdan si Jehova sa pamamagitan ng hindi pagtulad sa masamang halimbawa ng Israel. “Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”​—1 Corinto 10:11.

 Ano ang aral para sa atin ng ulat tungkol sa pagpatay ni Cain kay Abel? (Genesis 4:3-12; Hebreo 11:4; 1 Juan 3:10-15; 4:​20, 21)

 Ang payo ba ng Bibliya sa mga Kristiyano na may makalangit na pag-asa ay kumakapit din doon sa mga may pag-asa ng walang-hanggang buhay sa lupa? (Bilang 15:16; Juan 10:16)

 Bagaman tayo ay may mabuting katayuan sa kongregasyong Kristiyano, bakit kailangan pa rin nating isaalang-alang kung paano maikakapit nang lubusan ang payo ng Bibliya na dati na nating alam? (2 Corinto 13:5; 1 Tesalonica 4:1)

 (4) Pag-isipan kung paano mo maaaring gamitin ang binabasa mo upang tulungan ang iba. Lahat ng tao ay nababahala sa mga suliranin sa kalusugan, kaya maaari nating basahin sa kanila ang ginawa ni Jesus upang ilarawan kung ano ang kaniyang gagawin sa mas malawak na paraan kapag namahala na siya taglay ang kapangyarihan ng Kaharian: “Lumapit sa kaniya ang malalaking pulutong, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at marami pang iba, . . . at pinagaling niya sila.”​—Mateo 15:30.

 Sino ang maaaring matulungan ng ulat tungkol sa pagkabuhay-muli ng anak na babae ni Jairo? (Lucas 8:​41, 42, 49-56)

13. Anong mga resulta ang maaasahan natin mula sa isang patuloy na programa ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya kasama ng organisasyon ni Jehova?

13 Tunay ngang nagiging lubos na kapaki-pakinabang ang pagbabasa ng Bibliya kapag isinasaalang-alang natin ang apat na punto na binanggit sa itaas! Walang alinlangan, ang pagbabasa ng Bibliya ay isang hamon. Ngunit maaari tayong makinabang dito habambuhay, sapagkat habang binabasa natin ang Kasulatan, lalo tayong lalakas sa espirituwal. Dahil sa regular na pagbabasa ng Bibliya, tayo ay lalong napapalapit sa ating maibiging Ama, si Jehova, at sa ating mga kapatid na Kristiyano. Tutulong ito sa atin na bigyang-pansin ang payo na manatiling “mahigpit na nakakapit sa salita ng buhay.”​—Filipos 2:16.

[Mga talababa]

a Para sa pagtalakay sa kung bakit ang Bibliya ay karapat-dapat isaalang-alang, tingnan ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Talakayin Bilang Repaso

• Bakit isinulat ang Bibliya at iningatan hanggang sa panahon natin?

• Paano natin matutulungan ang iba na pahalagahan ang Bibliya?

• Bakit kapaki-pakinabang ang regular na personal na pagbabasa ng Bibliya? Maaari nating suriin sa kapaki-pakinabang na paraan ang ating binabasa sa pamamagitan ng paggamit sa anong apat na punto de vista?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 30]

KAPAG BINABASA MO ANG ISANG BAHAGI NG BIBLIYA, ISAALANG-ALANG

Kung ano ang sinasabi nito sa iyo tungkol kay Jehova bilang isang persona

Kung paano ito nauugnay sa pangkalahatang tema ng Bibliya

Kung paano ito dapat makaapekto sa iyong sariling buhay

Kung paano mo ito magagamit upang tulungan ang iba