Paano Pinangangasiwaan ni Jehova ang Kaniyang Organisasyon?
Ikalabing-apat na Kabanata
Paano Pinangangasiwaan ni Jehova ang Kaniyang Organisasyon?
1. Anong impormasyon tungkol sa organisasyon ni Jehova ang isinisiwalat ng Bibliya, at bakit ito mahalaga sa atin?
MAY organisasyon ba ang Diyos? Sinasabi sa atin ng kinasihang Kasulatan na mayroon nga. Sa kaniyang Salita, pahapyaw na ipinakikita niya sa atin ang kagila-gilalas na makalangit na bahagi ng organisasyong iyan. (Ezekiel 1:1, 4-14; Daniel 7:9, 10, 13, 14) Bagaman hindi natin namamasdan ang di-nakikitang bahaging ito, malaki ang epekto nito sa tunay na mga mananamba sa ngayon. (2 Hari 6:15-17) Ang organisasyon ni Jehova ay mayroon ding nakikitang bahagi rito sa lupa. Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung ano ito at kung paano ito pinangangasiwaan ni Jehova.
Pagkilala sa Nakikitang Bahagi
2. Anong bagong kongregasyon ang binuo ng Diyos?
2 Ang bansang Israel ay naging kongregasyon ng Diyos sa loob ng 1,545 taon. (Gawa 7:38) Ngunit ang Israel ay hindi nakasunod sa mga kautusan ng Diyos at itinakwil nito ang kaniyang sariling Anak. Bunga nito, itinakwil ni Jehova ang kongregasyong iyon at pinabayaan ito. Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38) Pagkatapos ay bumuo ang Diyos ng isang bagong kongregasyon, na doo’y gumawa siya ng isang bagong tipan. Ang kongregasyong ito ay bubuuin ng 144,000 indibiduwal na pinili ng Diyos upang makasama ng kaniyang Anak sa langit.—Apocalipsis 14:1-4.
3. Ano ang naganap noong Pentecostes 33 C.E. bilang maliwanag na katibayan na ginagamit na ng Diyos ang isang bagong kongregasyon?
3 Ang mga unang miyembro ng bagong kongregasyong iyon ay pinahiran ng banal na espiritu ni Jehova noong Pentecostes 33 C.E. May kinalaman sa kamangha-manghang pangyayaring iyon, mababasa natin: “At samantalang nagpapatuloy ang araw ng kapistahan ng Pentecostes silang lahat ay magkakasama sa iisang dako, at bigla na lang dumating mula sa langit ang isang ingay na gaya ng sa malakas na hanging humahagibis, at pinunô nito ang buong bahay na kinauupuan nila. At nakakita sila ng mga dila na parang apoy at ang mga ito ay nabaha-bahagi, at may isang dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:1-4) Sa gayon ay nagbigay ang espiritu ng Diyos ng maliwanag na katibayan na ito na ang lupon ng mga tao na gagamitin ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang layunin sa ilalim ng pangangasiwa ni Jesu-Kristo sa langit.
4. Sino sa ngayon ang bumubuo sa nakikitang organisasyon ni Jehova?
4 Sa ngayon, ang mga nalabi na lamang ng 144,000 ang nasa lupa. Ngunit bilang katuparan ng hula sa Bibliya, “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa,” na may bilang na milyun-milyon, ang inakay upang maging kasamahan ng mga pinahirang nalabi. Pinagsama ni Jesus, ang Mabuting Pastol, ang ibang mga tupang ito at ang mga nalabi upang maging isang kawan na lamang sila sa ilalim niya bilang kanilang iisang Pastol. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:11, 16) Ang mga ito ang bumubuo sa isang nagkakaisang kongregasyon, ang nakikitang organisasyon ni Jehova.
Teokratiko ang Kayarian
5. Sino ang nangangasiwa sa organisasyon ng Diyos, at paano?
5 Nililiwanag ng maka-Kasulatan na pananalitang “kongregasyon ng Diyos na buháy” kung sino ang nangangasiwa rito. Ang organisasyon ay teokratiko, o pinamamahalaan ng Diyos. Pinangangasiwaan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jesus, ang isa na hinirang Niya upang maging di-nakikitang Ulo ng kongregasyon, at sa pamamagitan ng Kaniyang sariling kinasihang Salita, ang Bibliya.—1 Timoteo 3:14, 15; Efeso 1:22, 23; 2 Timoteo 3:16, 17.
6. (a) Paano nahayag ang makalangit na pangangasiwa sa kongregasyon noong unang siglo? (b) Ano ang nagpapakita na si Jesus pa rin ang Ulo ng kongregasyon?
6 Ang gayong pangangasiwa ay kitang-kita noong Pentecostes. (Gawa 2:14-18, 32, 33) Nahayag ito nang pangasiwaan ng anghel ni Jehova ang pagpapalaganap ng mabuting balita sa Aprika, nang magbigay ng mga tagubilin ang tinig ni Jesus noong makumberte si Saul ng Tarso, at nang simulan ni Pedro ang gawaing pangangaral sa mga Gentil. (Gawa 8:26, 27; 9:3-7; 10:9-16, 19-22) Subalit nang maglaon, wala nang narinig na mga tinig mula sa langit, wala nang nakitang mga anghel, at wala nang ibinigay na mga makahimalang kaloob ng espiritu. Gayunman, nangako si Jesus: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20; 1 Corinto 13:8) Sa ngayon, kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang pangangasiwa ni Jesus. Kung wala iyan, magiging imposible ang paghahayag ng mensahe ng Kaharian sa harap ng matinding pagkapoot.
7. (a) Sino ang bumubuo ng “tapat at maingat na alipin,” at bakit? (b) Anong atas ang ibinigay sa “alipin”?
7 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa “tapat at maingat na alipin” na bilang Panginoon nito ay pagkakatiwalaan niya ng pantanging pananagutan. Ang “alipin” na iyon ay kailangang naroroon kapag umalis ang Panginoon patungo sa langit at kailangang nagpapagal pa rin hanggang sa di-nakikitang pagbabalik ni Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Ang gayong paglalarawan ay mahirap tumugma sa iisang indibiduwal, ngunit tumutugma ito sa pinahirang kongregasyon ni Kristo. Palibhasa’y binili ito sa pamamagitan ng kaniyang dugo, tinukoy ito ni Jesus bilang kaniyang “alipin.” Inatasan niya ang mga miyembro nito na gumawa ng mga alagad at pasulong na pakainin ang mga ito, anupat binibigyan sila ng “kanilang [espirituwal na] pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45-47; 28:19; Isaias 43:10; Lucas 12:42; 1 Pedro 4:10.
8. (a) Ano ang mga pananagutan ngayon ng uring alipin? (b) Bakit mahalaga ang pagtugon natin sa tagubilin sa pamamagitan ng alulod ng Diyos?
8 Yamang ang uring alipin ay matapat na gumaganap ng gawain ng Panginoon sa kaniyang di-nakikitang pagbabalik noong 1914, may katibayan na pinagkatiwalaan ito ng higit pang mga pananagutan noong 1919. Ang mga taóng lumipas mula noon ay naging panahon para sa pangglobong pagpapatotoo sa Kaharian, at isang malaking pulutong ng mga mananamba ni Jehova ang tinitipon upang mailigtas sila sa malaking kapighatian. (Mateo 24:14, 21, 22; Apocalipsis 7:9, 10) Ang mga ito rin naman ay nangangailangan ng espirituwal na pagkain, at ito ay isinisilbi sa kanila ng uring alipin. Upang mapalugdan si Jehova, kailangan kung gayon na tanggapin natin ang tagubilin na kaniyang ibinibigay sa pamamagitan ng alulod na ito at kumilos kasuwato nito.
9, 10. (a) Noong unang siglo, anong kaayusan ang umiral upang masagot ang mga tanong tungkol sa doktrina at magbigay ng patnubay sa pangangaral ng mabuting balita? (b) Anong kaayusan na nag-oorganisa sa mga gawain ng bayan ni Jehova ang umiiral ngayon?
9 Kung minsan, bumabangon ang mga tanong tungkol sa doktrina at pamamaraan. Paano na kung gayon? Sinasabi sa atin ng Gawa kabanata 15 kung paano nilutas ang isang usapin may kaugnayan sa mga nakumberteng Gentil. Ang usapin ay isinangguni sa mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, na nagsilbi bilang isang sentrong lupong tagapamahala. Ang mga lalaking iyon ay nagkakamali rin, ngunit ginamit sila ng Diyos. Isinaalang-alang nila ang mga kasulatan na may kaugnayan sa usapin at gayundin ang katibayan ng pagkilos ng espiritu ng Diyos sa pagbubukas ng larangang kinabibilangan ng mga Gentil. Pagkatapos ay nagpasiya sila. Pinagpala ng Diyos ang kaayusang iyon. (Gawa 15:1-29; 16:4, 5) Mula sa sentrong lupon na iyon, isinugo ang mga indibiduwal upang pasulungin pa ang pangangaral ng Kaharian.
10 Sa panahon natin, ang Lupong Tagapamahala ng nakikitang organisasyon ni Jehova ay binubuo ng pinahiran-ng-espiritung mga kapatid mula sa iba’t ibang lupain at matatagpuan ito sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo, pinasusulong ng Lupong Tagapamahala ang dalisay na pagsamba sa bawat lupain, anupat inoorganisa ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang sampu-sampung libong kongregasyon. Taglay niyaong mga kabilang sa Lupong Tagapamahala ang pangmalas ng apostol na si Pablo, na sumulat sa mga kapuwa Kristiyano: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat dahil sa inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.”—2 Corinto 1:24.
11. (a) Paano hinihirang ang matatanda at mga ministeryal na lingkod? (b) Bakit dapat tayong makipagtulungan nang lubusan sa mga hinirang?
11 Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay umaasa sa Lupong Tagapamahala sa pagpili ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na binibigyan naman ng awtoridad na humirang ng matatanda at mga ministeryal na lingkod na mangangalaga sa mga kongregasyon. Ang mga kahilingan para sa mga nahirang ay nakasaad sa Bibliya at isinasaalang-alang nito na ang mga lalaking iyon ay di-sakdal at nagkakamali. Ang matatanda na nagrerekomenda at yaong mga humihirang ay may mabigat na pananagutan sa harap ng Diyos. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Kaya naman, nananalangin sila ukol sa tulong ng espiritu ng Diyos at humahanap ng patnubay mula sa kaniyang kinasihang Salita. (Gawa 6:2-4, 6; 14:23) Ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa “mga kaloob na mga tao” na ito, na tumutulong sa ating lahat na makamtan “ang pagkakaisa sa pananampalataya.”—Efeso 4:8, 11-16.
12. Paano ginagamit ni Jehova ang mga babae sa teokratikong kaayusan?
12 Iniuutos ng Kasulatan na ang pangangasiwa sa kongregasyon ay dapat na asikasuhin ng mga kalalakihan. Hindi naman ito paghamak sa mga babae, sapagkat ang ilan sa kanila ay mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian, at malaki ang nagagawa nila sa gawaing pangangaral. (Awit 68:11) Gayundin naman, sa pamamagitan ng tapat na pag-aasikaso sa kanilang mga pananagutan sa pamilya, ang mga kababaihan ay nakatutulong na magkaroon ng mainam na reputasyon ang kongregasyon. (Tito 2:3-5) Ngunit ang pagtuturo sa loob ng kongregasyon ay pinangangasiwaan ng mga kalalakihan na hinirang upang gawin iyon.—1 Timoteo 2:12, 13.
13. (a) Hinihimok ng Bibliya ang matatanda na magtaglay ng anong pangmalas may kaugnayan sa kanilang posisyon? (b) Tayong lahat ay maaaring makibahagi sa anong pribilehiyo?
13 Sa sanlibutan, ang indibiduwal na humahawak ng isang prominenteng posisyon ay itinuturing na mahalaga, ngunit sa loob ng organisasyon ng Diyos, ang alituntunin ay: “Siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.” (Lucas 9:46-48; 22:24-26) Pinapayuhan ng Kasulatan ang matatanda na mag-ingat na huwag mamanginoon sa mga mana ng Diyos kundi, sa halip, maging mga halimbawa sa kawan. (1 Pedro 5:2, 3) Hindi lamang ang ilan na pinili, kundi ang lahat ng mga Saksi ni Jehova, lalaki at babae, ay may pribilehiyong kumatawan sa Soberano ng sansinukob, anupat mapagpakumbabang nagsasalita sa kaniyang pangalan at nagsasabi sa mga tao saanman tungkol sa kaniyang Kaharian.
14. Sa paggamit ng binanggit na mga kasulatan, talakayin ang mga tanong na nakatala sa huling bahagi ng parapo.
14 Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Talaga bang nauunawaan ko at pinahahalagahan kung paano pinangangasiwaan ni Jehova ang kaniyang nakikitang organisasyon? Ipinakikita ba iyon ng aking mga saloobin, pananalita, at mga kilos?’ Ang pangangatuwiran salig sa sumusunod na mga punto ay makatutulong sa bawat isa sa atin na gumawa ng gayong pagsusuri.
Kung talagang nagpapasakop ako kay Kristo bilang Ulo ng kongregasyon, kung gayon, gaya ng ipinahiwatig sa sumusunod na mga kasulatan, ano ang gagawin ko? (Mateo 24:14; 28:19, 20; Juan 13:34, 35)
Kapag may-pagpapahalaga kong tinatanggap ang espirituwal na mga paglalaan na nanggagaling sa uring alipin at sa Lucas 10:16)
Lupong Tagapamahala nito, kanino ako nagpapakita ng paggalang? (Paano dapat makitungo sa isa’t isa ang bawat miyembro ng kongregasyon, lalo na ang matatanda? (Roma 12:10)
15. (a) Sa pamamagitan ng ating saloobin sa nakikitang organisasyon ni Jehova, ano ang ipinakikita natin? (b) Anong mga pagkakataon ang bukás para sa atin upang patunayan na sinungaling ang Diyablo at upang magdulot ng kagalakan sa puso ni Jehova?
15 Pinapatnubayan tayo ni Jehova ngayon sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon sa ilalim ni Kristo. Ipinakikita ng ating saloobin sa kaayusang ito kung ano ang nadarama natin tungkol sa isyu hinggil sa pagkasoberano. (Hebreo 13:17) Ikinakatuwiran ni Satanas na ang pangunahing interes natin ay ang ating sarili. Ngunit kung naglilingkod tayo sa anumang paraang kinakailangan at umiiwas sa mga bagay na tumatawag ng di-nararapat na pansin sa ating sarili, pinatutunayan natin na sinungaling ang Diyablo. Kung iniibig at iginagalang natin ang mga nangunguna sa gitna natin ngunit tumatangging ‘humanga sa mga personalidad alang-alang sa ating sariling kapakinabangan,’ nagdudulot tayo ng kagalakan kay Jehova. (Judas 16; Hebreo 13:7) Sa pagiging matapat sa organisasyon ni Jehova, ipinakikita natin na si Jehova ang ating Diyos at nagkakaisa tayo sa pagsamba sa kaniya.—1 Corinto 15:58.
Talakayin Bilang Repaso
• Ano ang nakikitang organisasyon ni Jehova sa ngayon? Ano ang layunin nito?
• Sino ang hinirang na Ulo ng kongregasyon, at naglalaan siya ng maibiging patnubay sa atin sa pamamagitan ng anong nakikitang mga kaayusan?
• Anong mabubuting saloobin ang dapat nating linangin para sa mga nasa loob ng organisasyon ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 133]
Pinapatnubayan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon sa ilalim ni Kristo