Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkakaisa sa Pagsamba sa Ating Panahon—Ano ang Kahulugan Nito?

Pagkakaisa sa Pagsamba sa Ating Panahon—Ano ang Kahulugan Nito?

Unang Kabanata

Pagkakaisa sa Pagsamba sa Ating Panahon​—Ano ang Kahulugan Nito?

1, 2. (a) Anong kapana-panabik na kilusan ang nagaganap sa ating panahon? (b) Anong kamangha-manghang pag-asa ang taglay ng mga tapat-pusong tao?

 SA PALIBOT ng daigdig, may kapana-panabik na kilusan tungo sa pagkakaisa sa pagsamba. Pinagkakaisa nito ang milyun-milyong tao sa lahat ng mga bansa, tribo, at wika. Dumarami ang natitipon taun-taon. Ang mga ito ay ipinakikilala sa Bibliya bilang “mga saksi” ni Jehova at tinatawag na “isang malaking pulutong.” Nag-uukol sila sa Diyos ng “sagradong paglilingkod araw at gabi.” (Isaias 43:10-12; Apocalipsis 7:9-15) Bakit nila ginagawa ito? Sapagkat nakilala nila si Jehova bilang ang tanging tunay na Diyos. Ito ang gumaganyak sa kanila na iayon ang kanilang buhay sa kaniyang matutuwid na daan. Gayundin, napag-alaman nila na nabubuhay tayo sa “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito, na malapit na itong puksain ng Diyos, at na papalitan niya ito ng kaniyang malaparaisong bagong sanlibutan.​—2 Timoteo 3:1-5, 13; 2 Pedro 3:10-13.

2 Nangangako ang Salita ng Diyos: “Kaunting panahon na lamang at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:​10, 11) “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:4.

3. Paano nakakamit ang tunay na pagkakaisa sa pagsamba?

3 Yaong mga pinagkakaisa ngayon sa tunay na pagsamba ang bumubuo sa unang mga maninirahan sa bagong sanlibutang iyon. Natutuhan nila ang kalooban ng Diyos at ginagawa ito sa abot ng kanilang makakaya. Upang ipakita ang kahalagahan nito, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” ( Juan 17:3) Sumulat si apostol Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

Kung Ano ang Talagang Kahulugan Nito

4. (a) Ano ba ang talagang kahulugan ng pagtitipon sa napakaraming tao tungo sa nagkakaisang pagsamba sa ating panahon? (b) Paano inilalarawan ng Bibliya ang pagtitipong ito?

4 Ano ba ang talagang kahulugan ng pagtitipon sa napakaraming tao tungo sa nagkakaisang pagsamba sa ating panahon? Ito ay maliwanag na katibayan na napakalapit na natin sa wakas ng balakyot na sanlibutang ito, anupat karaka-raka pagkatapos nito ay magsisimula na ang bagong sanlibutan ng Diyos. Tayo ay mga saksing nakakita sa katuparan ng mga hula sa Bibliya na patiunang bumanggit sa napakahalagang pagtitipong ito. Isa sa gayong hula ang nagsasabi: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw [ang mga huling araw na ito] na ang bundok ng bahay ni Jehova [ang kaniyang itinaas na tunay na pagsamba] ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok [mataas pa sa anumang iba pang uri ng pagsamba], . . . at doon ay huhugos ang mga bayan. At maraming bansa ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ ”​—Mikas 4:​1, 2; Awit 37:34.

5, 6. (a) Gaano katotoo na ang mga bansa ay bumabaling kay Jehova? (b) Anong mga tanong ang dapat nating iharap sa ating sarili?

5 Bagaman hindi buong mga bansa ang naghaharap ng kanilang sarili sa espirituwal na bahay ni Jehova ukol sa pagsamba, milyun-milyong indibiduwal naman mula sa lahat ng mga bansa ang gumagawa nito. Habang kanilang natututuhan ang maibiging layunin at ang kaakit-akit na personalidad ng Diyos na Jehova, ang kanilang puso ay lubhang naaantig. May-kapakumbabaan nilang inaalam kung ano ang hinihiling ng Diyos sa kanila. Ang kanilang panalangin ay katulad niyaong sa salmista na nagsabi: “Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ikaw ang aking Diyos.”​—Awit 143:10.

6 Nakikini-kinita mo ba ang iyong sarili na kabilang sa malaking pulutong ng mga tao na tinitipon ngayon ni Jehova sa nagkakaisang pagsamba? Ipinakikita ba ng iyong pagtugon sa instruksiyon na tinanggap mo mula sa kaniyang Salita na talagang nauunawaan mo na si Jehova ang Pinagmumulan nito? Hanggang saan ka “lalakad sa kaniyang landas”?

Kung Paano Ito Nakakamit

7. (a) Hanggang saan aabot sa dakong huli ang pagkakaisa sa pagsamba? (b) Bakit apurahan na maging isang mananamba ni Jehova ngayon, at paano natin matutulungan ang iba na gawin iyon?

7 Layunin ni Jehova na lahat ng matatalinong nilalang ay magkaisa sa tunay na pagsamba. Tunay na inaasam-asam natin ang araw na lahat ng nabubuhay ay sasamba sa tanging tunay na Diyos! (Awit 103:19-22) Ngunit bago mangyari iyon, kailangang alisin muna ng Diyos ang lahat ng tumatangging gawin ang kaniyang matuwid na kalooban. Dahil sa awa, patiuna niyang ipinababatid ang kaniyang gagawin, upang ang mga tao sa lahat ng dako ay magkaroon ng pagkakataong baguhin ang kanilang landasin. (Isaias 55:​6, 7) Kaya naman sa panahon natin, ipinahahayag “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan” ang apurahang panawagang ito: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apocalipsis 14:​6, 7) Tinanggap mo na ba ang paanyayang iyan? Kung oo, pribilehiyo mo na anyayahan pa ang iba na kilalanin at sambahin ang tunay na Diyos.

8. Pagkatapos matutuhan ang mga saligang turo ng Bibliya, anong karagdagang pagsulong ang dapat na pagsikapan nating gawin nang may kataimtiman?

8 Hindi layunin ni Jehova na siya ay sambahin ng mga tao na nagsasabing naniniwala sila sa kaniya subalit pagkatapos ay patuloy namang itinataguyod ang kanilang sariling mga kapakanan. Nais ng Diyos na magkaroon ang mga tao ng “tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban” at maipamalas nila ito sa kanilang buhay. (Colosas 1:​9, 10) Kaya naman, nais ng mapagpahalagang mga tao na natututo ng saligang mga turo ng Bibliya na sumulong tungo sa Kristiyanong pagkamaygulang. Hangad nila na lalo pang makilala si Jehova, mapalawak at mapalalim ang kanilang unawa sa kaniyang Salita, at higit pa itong maikapit nang lubusan sa kanilang buhay. Sinisikap nilang ipamalas ang mga katangian ng ating makalangit na Ama at malasin ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw niya. Pinakikilos sila nito na humanap ng mga paraan upang makibahagi sa nagliligtas-buhay na gawain na ipinatutupad niya rito sa lupa sa panahon natin. Iyon din ba ang hangarin mo?​—Marcos 13:10; Hebreo 5:12–​6:3.

9. Sa anu-anong paraan posible ngayon ang tunay na pagkakaisa?

9 Ipinakikita ng Bibliya na yaong mga naglilingkod kay Jehova ay dapat na maging isang nagkakaisang bayan. (Efeso 4:1-3) Ang pagkakaisang ito ay dapat na umiral ngayon, bagaman nabubuhay tayo sa isang nababahaging daigdig at nakikipagpunyagi pa rin sa ating sariling mga di-kasakdalan. Taimtim na idinalangin ni Jesus na mabuklod ang lahat ng kaniyang mga alagad, anupat nagtatamasa ng tunay na pagkakaisa. Mangangahulugan ito ng ano? Una, na sila ay magkakaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak. Ikalawa, na silang lahat ay magkakaisa. ( Juan 17:​20, 21) Upang makamit iyon, ang kongregasyong Kristiyano ay nagsisilbing organisasyon na sa pamamagitan nito ay tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan.

Anong mga Salik ang Nagdudulot ng Pagkakaisa?

10. (a) Ano ang ating pinasusulong kapag personal nating ginagamit ang Bibliya upang ipangatuwiran ang mga sagot sa mga tanong na nakaaapekto sa atin? (b) Suriin ang mga salik na nagdudulot ng pagkakaisang Kristiyano sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na nakatala sa parapong ito.

10 Isinulat sa ibaba ang pitong pangunahing salik na nagdudulot ng pagkakaisa sa pagsamba. Habang sinasagot mo ang kalakip na mga tanong, pag-isipan kung paano nakaaapekto ang bawat punto sa iyong kaugnayan kay Jehova at sa mga kapuwa Kristiyano. Ang pangangatuwiran salig sa mga puntong ito at pagsangguni sa binanggit ngunit hindi siniping mga kasulatan ay tutulong upang sumulong ang iyong makadiyos na karunungan, kakayahang mag-isip, at kaunawaan​—mga katangian na kailangan nating lahat. (Kawikaan 5:​1, 2; Filipos 1:9-11) Isaalang-alang ang bawat isa sa mga salik na ito.

(1) Kinikilala natin ang karapatan ni Jehova na magtakda ng pamantayan kung ano ang mabuti at masama. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:​5, 6.

Bakit dapat nating hanapin ang payo at patnubay ni Jehova kapag nagpapasiya? (Awit 146:3-5; Isaias 48:17)

(2) Taglay natin ang Salita ng Diyos upang patnubayan tayo. “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos, na siyang gumagana rin sa inyo na mga mananampalataya.”​—1 Tesalonica 2:13.

Ano ang panganib sa basta paggawa lamang ng sa “palagay” natin ay tama? (Kawikaan 14:12; Jeremias 10:​23, 24; 17:9)

Kung hindi natin alam ang payong ibinibigay ng Bibliya tungkol sa isang bagay, ano ang dapat nating gawin? (Kawikaan 2:3-5; 2 Timoteo 3:​16, 17)

(3Tayong lahat ay nakikinabang mula sa iisang programa ng espirituwal na pagpapakain. “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13) “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw [ng pagkapuksa].”​—Hebreo 10:​24, 25.

Anong mga kapakinabangan ang natatamo niyaong mga nagsisikap na samantalahin nang lubusan ang mga kaayusan ni Jehova sa espirituwal na pagpapakain? (Isaias 65:​13, 14)

(4Si Jesu-Kristo, at hindi ang sinumang tao, ang ating Lider. “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”​—Mateo 23:8-10.

Dapat bang ipalagay ng sinuman sa atin na tayo ay nakahihigit sa iba? (Roma 3:​23, 24; 12:3)

(5Umaasa tayo sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan. “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.”​—Mateo 6:​9, 10, 33.

Paanong ang ‘paghanap muna sa kaharian’ ay tumutulong upang maingatan ang ating pagkakaisa? (Mikas 4:3; 1 Juan 3:10-12)

(6Ang banal na espiritu ay nagluluwal sa mga mananamba ni Jehova ng mga katangian na mahalaga sa pagkakaisang Kristiyano. “Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:​22, 23.

Ano ang dapat nating gawin upang ang espiritu ng Diyos ay makapagluwal ng bunga sa atin? (Gawa 5:32)

Paanong ang pagtataglay ng espiritu ng Diyos ay nakaiimpluwensiya sa ating kaugnayan sa mga kapuwa Kristiyano? ( Juan 13:35; 1 Juan 4:​8, 20, 21)

(7Lahat ng tunay na mananamba ng Diyos ay nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Ano ang dapat gumanyak sa atin upang magnais na lubusang makibahagi sa gawaing pangangaral na ito? (Mateo 22:37-39; Roma 10:10)

11. Kapag ikinakapit natin sa ating buhay ang mga katotohanan sa Bibliya, ano ang resulta?

11 Ang nagkakaisang pagsamba kay Jehova ay lalong naglalapit sa atin sa kaniya at nagpapangyari sa atin na matamasa ang nakagiginhawang pakikipagsamahan sa mga kapananampalataya. Sinasabi ng Awit 133:1: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” Tunay ngang nakagiginhawa na mapalayo sa sanlibutan pati na sa lahat ng kasakiman, imoralidad, at karahasan nito at makisama sa mga tunay na umiibig kay Jehova at sumusunod sa kaniyang mga kautusan!

Iwasan ang mga Impluwensiyang Nagdudulot ng Pagkakabaha-bahagi

12. Bakit dapat nating iwasan ang espiritu ng pagsasarili?

12 Upang hindi masira ang ating mahalagang pagkakaisa sa buong daigdig, dapat nating iwasan ang mga impluwensiyang nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi. Isa sa mga ito ay ang espiritu ng pagsasarili na hiwalay sa Diyos at sa kaniyang mga kautusan. Tinutulungan tayo ni Jehova na maiwasan ito sa pamamagitan ng pagbubunyag sa pinagmumulan nito, si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9) Si Satanas ang nag-impluwensiya kina Adan at Eva upang ipagwalang-bahala ang sinabi ng Diyos at magpasiya nang salungat sa kalooban ng Diyos. Nagbunga ito ng kapahamakan sa kanila at sa atin. (Genesis 3:1-6, 17-19) Ang daigdig na ito ay lipos ng espiritu ng pagsasarili na hiwalay sa Diyos at sa kaniyang mga kautusan. Kaya kailangan nating supilin ang gayong espiritu sa ating sarili.

13. Ano ang magpapakita kung taimtim na naghahanda tayo ukol sa buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos?

13 Halimbawa, isaalang-alang ang kapana-panabik na pangako ni Jehova na halinhan ang kasalukuyang balakyot na sanlibutan ng mga bagong langit at isang bagong lupa na doon ay “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Hindi ba dapat lamang na mapakilos tayo nito na magsimula nang maghanda upang mabuhay sa panahong iyon na ang mananaig ay katuwiran? Nangangahulugan ito ng pagbibigay-pansin sa maliwanag na payo ng Bibliya: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya.” (1 Juan 2:15) Kaya naman, iniiwasan natin ang espiritu ng sanlibutang ito​—ang mapagsariling saloobin nito, ang labis na pagkabahala nito sa sarili, ang imoralidad at karahasan nito. Ginagawa nating kaugalian na makinig kay Jehova at sumunod sa kaniya mula sa ating puso, sa kabila ng anumang salungat na mga hilig ng di-sakdal na laman. Ang buong landasin ng ating buhay ay nagpapatunay na ang ating pag-iisip at ang ating mga motibo ay nakahilig sa paggawa ng kalooban ng Diyos.​—Awit 40:8.

14. (a) Bakit mahalaga na samantalahin ang pagkakataon ngayon upang matutuhan ang mga daan ni Jehova at masunod ang mga ito sa ating buhay? (b) Ano ang kahulugan para sa bawat isa sa atin ng mga kasulatang binanggit sa parapo?

14 Kapag sumapit na ang itinakdang panahon upang puksain ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at ang lahat ng pumipili sa mga daan nito, hindi siya magluluwat. Hindi niya ipagpapaliban ang panahong iyon o babaguhin ang kaniyang mga pamantayan upang bigyan ng konsiderasyon ang mga nagsisikap pa ring mangunyapit sa sanlibutan samantalang bantulot sa pag-aaral ng kalooban ng Diyos at sa paggawa nito. Panahon na ngayon para kumilos! (Lucas 13:​23, 24; 17:32; 21:34-36) Nakapagpapasigla nga, kung gayon, na makitang sinasamantala ng malaking pulutong ang mahalagang pagkakataong ito, anupat may-kasabikang hinahanap ang mga instruksiyon na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon at may-pagkakaisang lumalakad sa kaniyang mga landas patungo sa bagong sanlibutan! At habang lalo tayong natututo tungkol kay Jehova, lalo rin natin siyang iibigin at nanaisin na mapaglingkuran siya.

Talakayin Bilang Repaso

• Ano ang layunin ni Jehova hinggil sa pagsamba?

• Pagkatapos nating matutuhan ang mga saligang turo sa Bibliya, anong karagdagang pagsulong ang dapat nating pagsikapang gawin nang may kataimtiman?

• Ano ang magagawa natin bilang indibiduwal upang maging kaisa ng iba pang mananamba ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 4]

‘Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa at makasusumpong sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan’