Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan

Patuloy na Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan

Ikalabinsiyam na Kabanata

Patuloy na Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan

1. (a) Anong mabuting balita ang ipinahayag ng mga alagad ni Jesus, ngunit paano tumugon ang ilan sa mga Judio? (b) Anong mga tanong ang maaari nating ibangon?

 HALOS 2,000 taon na ang nakalilipas, ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay pinahiran bilang ang panghinaharap na Hari sa buong lupa. Pinatay si Jesus dahil sa sulsol ng mga relihiyosong kaaway, ngunit ibinangon siya ni Jehova mula sa mga patay. Sa pamamagitan ni Jesus, posible na ngayon ang buhay na walang hanggan. Gayunman, nang ipahayag ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balitang ito sa madla, sumiklab ang pag-uusig. Ang ilan sa kanila ay itinapon sa bilangguan, pinagpapalo at inutusan pa nga na huminto sa pagsasalita tungkol kay Jesus. (Gawa 4:1-3, 17; 5:​17, 18, 40) Ano ang gagawin nila? Ano kaya ang gagawin mo? Patuloy ka kayang magpapatotoo nang may katapangan?

2. (a) Anong kamangha-manghang balita ang kailangang ipahayag sa ating panahon? (b) Sino ang may pananagutang mangaral ng mabuting balita?

2 Noong 1914, ang Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay iniluklok sa langit upang mamahala ‘sa gitna ng kaniyang mga kaaway.’ (Awit 110:2) Pagkatapos, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis sa lupa. (Apocalipsis 12:1-5, 7-12) Nagsimula na ang mga huling araw ng kasalukuyang balakyot na sistema. Kapag nagwakas na ang yugtong ito ng panahon, dudurugin ng Diyos ang buong sistema ng mga bagay ni Satanas. (Daniel 2:44; Mateo 24:21) Ang mga makaliligtas ay magkakaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang lupa na magiging isang paraiso. Kung tinanggap mo na ang mabuting balitang ito, nanaisin mong ibahagi ito sa iba. (Mateo 24:14) Ngunit anong pagtugon ang maaasahan mo?

3. (a) Paano tumutugon ang mga tao sa mensahe ng Kaharian? (b) Anong tanong ang dapat nating harapin?

3 Kapag inihahayag mo ang mabuting balita ng Kaharian, maaaring tanggapin ito ng ilang tao, ngunit ipagwawalang-bahala ito ng karamihan. (Mateo 24:37-39) Maaaring tuyain ka o salansangin ng ilan. Nagbabala si Jesus na baka bumangon ang pagsalansang mula mismo sa mga kamag-anak mo. (Lucas 21:16-19) Maaari rin itong bumangon sa iyong pinagtatrabahuhan o sa paaralan. Sa ilang bahagi ng lupa, ipinagbabawal pa nga ng pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova. Kapag napaharap sa gayong mga kalagayan, patuloy ka pa bang magpapahayag ng salita ng Diyos nang may katapangan at ‘tatayong matatag sa pananampalataya’?​—1 Corinto 16:13.

Hindi Nananalig sa Ating Sariling Lakas

4. (a) Upang mapatunayan natin na tayo’y tapat na mga lingkod ng Diyos, ano ang isang mahalagang kahilingan? (b) Bakit napakahalaga ng mga Kristiyanong pagpupulong?

4 Mahalaga sa pagiging isang tapat na lingkod ni Jehova ang pananalig sa kaniyang mga paglalaan. Isa sa mga ito ay ang mga pulong ng kongregasyon. Hinihimok tayo ng Kasulatan na huwag pabayaan ang mga ito. (Hebreo 10:23-25) Yaong mga nananatiling tapat na Saksi ni Jehova ay puspusang nagsisikap na maging regular sa pagdalo sa mga pulong kasama ng mga kapuwa mananamba. Lumalago ang ating kaalaman sa Kasulatan sa mga pulong na ito. Gayundin, sumusulong ang ating unawa sa kilaláng mga katotohanan, at lumilinaw ang ating kabatiran sa mga paraan kung paano gagamitin ang mga ito. Lalo tayong nápapalapít sa ating mga kapatid na Kristiyano sa nagkakaisang pagsamba at napatitibay na gawin ang kalooban ng Diyos. Naglalaan ng patnubay ang espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyon, at sa pamamagitan ng espiritung iyan, nasa gitna natin si Jesus.​—Mateo 18:20; Apocalipsis 3:6.

5. Kapag ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova, ano ang ginagawa tungkol sa mga pulong?

5 Regular ka bang dumadalo sa lahat ng mga pulong, at personal mo bang ikinakapit ang iyong napakikinggan doon? Kung minsan, kapag ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova, kailangang idaos ang mga pulong sa maliliit na grupo sa mga pribadong tahanan. Maaaring pabagu-bago ang mga lugar at oras at baka hindi laging kombinyente, anupat ang ilang pulong ay idinaraos sa kalaliman ng gabi. Ngunit sa kabila ng personal na hirap o panganib, puspusang nagsisikap ang tapat na mga kapatid na madaluhan ang bawat pulong.

6. Paano natin ipinakikita ang ating pananalig kay Jehova, at paano ito tutulong sa atin na magpatuloy sa pagsasalita nang may katapa-ngan?

6 Nalilinang ang pananalig kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pagbaling sa kaniya sa taos-pusong panalangin, anupat natatanto na kailangan natin ang tulong ng Diyos. Ginagawa mo ba iyan? Paulit-ulit na nanalangin si Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. (Lucas 3:21; 6:​12, 13; 22:39-44) At noong gabi bago siya ibayubay, hinimok niya ang kaniyang mga alagad: “Patuloy kayong magbantay at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Marcos 14:38) Kung mapaharap tayo sa pagwawalang-bahala sa mensahe ng Kaharian, maaaring matukso tayong magmabagal sa ating ministeryo. Kung tayo ay tinutuya o pinag-uusig ng mga tao, baka matukso tayong manahimik na lamang upang maiwasan ang mga problema. Ngunit kung taimtim tayong mananalangin ukol sa espiritu ng Diyos upang tulungan tayong magpatuloy sa pagsasalita nang may katapangan, maiingatan tayo na hindi madaig ng gayong mga tukso.​—Lucas 11:13; Efeso 6:18-20.

Isang Ulat ng Matapang na Pagpapatotoo

7. (a) Bakit dapat nating pag-ukulan ng pantanging pansin ang ulat na nasa Mga Gawa? (b) Sagutin ang mga tanong na inilaan sa dulo ng parapong ito, na idiniriin kung paano tayo maaaring makinabang sa impormasyon.

7 Tayong lahat ay dapat mag-ukol ng pantanging interes sa ulat na nasa aklat ng Mga Gawa. Inilalahad nito kung paano napagtagumpayan ng mga apostol at ng iba pang unang mga alagad​—mga taong may damdaming tulad natin—​ang mga balakid at naging matatapang at tapat na mga saksi ni Jehova. Suriin natin ang isang bahagi ng ulat na iyan sa tulong ng sumusunod na mga tanong at ng mga binanggit na kasulatan. Habang ginagawa natin ito, isaalang-alang kung paano ka personal na makikinabang mula sa iyong binabasa.

 Ang mga apostol ba ay mga lalaking may matataas na pinag-aralan? Sila ba ay mga indibiduwal na likas na walang takot, anuman ang mangyari? (Juan 18:​17, 25-27; 20:19; Gawa 4:13)

 Ano ang nagpangyari kay Pedro na makapagsalita nang may katapangan sa harap ng hukuman ng mga Judio na humatol sa sariling Anak ng Diyos? (Mateo 10:​19, 20; Gawa 4:8)

 Ano ang ginagawa ng mga apostol noong ilang sanlinggo bago sila dinala sa harap ng Sanedrin? (Gawa 1:14; 2:1, 42)

 Nang utusan ng mga tagapamahala ang mga apostol na huminto sa pangangaral salig sa pangalan ni Jesus, paano tumugon sina Pedro at Juan? (Gawa 4:​19, 20)

 Matapos silang palayain, kanino muling umasa ng tulong ang mga apostol? Idinalangin ba nilang huminto na sana ang pag-uusig, o ano? (Gawa 4:24-31)

 Sa pamamagitan ng anong mga paraan naglaan ng tulong si Jehova nang sikapin ng mga mananalansang na pahintuin ang gawaing pangangaral? (Gawa 5:17-20)

 Paano ipinakita ng mga apostol na naunawaan nila ang dahilan kung bakit sila iniligtas? (Gawa 5:​21, 41, 42)

 Kahit na nangalat ang marami sa mga alagad dahil sa pag-uusig, ano ang patuloy nilang ginawa? (Gawa 8:​3, 4; 11:19-21)

8. Anong kapana-panabik na mga resulta ang ibinunga ng ministeryo ng unang mga alagad, at paano tayo nagkaroon ng bahagi rito?

8 Hindi nawalan ng saysay ang gawaing pangangaral ng mabuting balita. Mga 3,000 alagad ang nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E. “Ang mga mananampalataya sa Panginoon ay patuloy na napaparagdag, mga karamihan na kapuwa mga lalaki at mga babae.” (Gawa 2:41; 4:4; 5:14) Nang maglaon, maging ang isang malupit na mang-uusig ng bayan ng Diyos, si Saul ng Tarso, ay naging isang Kristiyano at nagsimulang magpatotoo sa katotohanan nang may katapangan. Nakilala siya bilang si apostol Pablo. (Galacia 1:22-24) Hindi napahinto ang gawain na nagsimula noong unang siglo. Lalo itong lumago sa mga huling araw na ito at nakarating sa lahat ng bahagi ng lupa. May pribilehiyo tayo na makibahagi rito, at habang ginagawa natin ito, maaari tayong matuto mula sa halimbawang ipinakita ng matapat na mga saksi na unang naglingkod kaysa sa atin.

9. (a) Anong mga pagkakataon ang ginamit ni Pablo upang makapagpatotoo? (b) Sa anong mga paraan mo pinaaabot sa iba ang mensahe ng Kaharian?

9 Nang malaman ni Pablo ang katotohanan tungkol kay Jesu-Kristo, ano ang ginawa niya? “Kaagad niyang pinasimulang ipangaral si Jesus, na ang Isang ito ang Anak ng Diyos.” (Gawa 9:20) Pinahalagahan niya ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa kaniya, at natanto niya na kailangan ng lahat ang mabuting balitang natanggap niya. Si Pablo ay isang Judio, at ayon sa kaugalian noong panahong iyon, nagtungo siya sa mga sinagoga upang magpatotoo. Nangaral din siya sa bahay-bahay at nakipagkatuwiranan sa mga tao sa pamilihan. At handa siyang lumipat sa bagong mga teritoryo upang mangaral ng mabuting balita.​—Gawa 17:17; 20:20; Roma 15:​23, 24.

10. (a) Paano ipinakita ni Pablo na bagaman siya’y matapang, matalino rin siya sa paraan ng kaniyang pagpapatotoo? (b) Paano natin maipamamalas ang mga katangian ni Pablo kapag nagpapatotoo sa mga kamag-anak, katrabaho, o mga kaeskuwela?

10 Matapang si Pablo subalit matalino rin, gaya ng nararapat sa atin. Inakit niya ang mga Judio salig sa mga pangako ng Diyos sa kanilang mga ninuno. Nakipag-usap siya sa mga Griego salig sa mga bagay na pamilyar sa kanila. May mga pagkakataon na ginamit niya bilang paraan ng pagpapatotoo ang kaniyang sariling karanasan kung paano niya natutuhan ang katotohanan. Sinabi niya: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.”​—1 Corinto 9:20-23; Gawa 22:3-21.

11. (a) Ano ang ginawa ni Pablo upang maiwasan ang paulit-ulit na pakikipagharap sa mga mananalansang? (b) Kailan natin maaaring tularan nang may katalinuhan ang halimbawa ni Pablo, at paano? (c) Saan nagmumula ang kapangyarihan upang makapagpatuloy sa pagsasalita nang may katapangan?

11 Nang waring mas makabubuti para kay Pablo na mangaral muna sa ibang lugar dahil sa pagsalansang, ginawa niya iyon sa halip na piliting harapin nang paulit-ulit ang mga mananalansang. (Gawa 14:5-7; 18:5-7; Roma 12:18) Ngunit hindi niya ikinahiya kailanman ang mabuting balita. (Roma 1:16) Bagaman naging di-kasiya-siya kay Pablo ang walang-pakundangan​—marahas pa nga—​na pakikitungo ng mga mananalansang, “nag-ipon [siya] ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos” upang makapagpatuloy sa pangangaral. Sinabi niya: “Ang Panginoon ay tumayong malapit sa akin at nagbigay ng kapangyarihan sa akin, upang sa pamamagitan ko ay magampanan nang lubusan ang pangangaral.” (1 Tesalonica 2:2; 2 Timoteo 4:17) Ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesus, ay patuloy na nagbibigay ng kapangyarihan na kailangan natin upang maisakatuparan ang gawain na inihula niya para sa ating panahon.​—Marcos 13:10.

12. Ano ang katibayan ng katapangang Kristiyano, at ano ang saligan nito?

12 Taglay natin ang lahat ng dahilan upang patuloy na salitain ang salita ng Diyos nang may katapangan, gaya ng ginawa ni Jesus at ng iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos noong unang siglo. Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo magiging makonsiderasyon o sisikapin nating ipilit ang mensahe sa mga ayaw nito. Subalit hindi tayo susuko dahil sa pagwawalang-bahala ng mga tao; ni mapatatahimik man tayo ng pagsalansang. Gaya ni Jesus, itinuturo natin ang Kaharian ng Diyos bilang ang nararapat na pamahalaan sa buong lupa. Nagsasalita tayo nang may pagtitiwala dahil kumakatawan tayo kay Jehova, ang Pansansinukob na Soberano, at dahil ang mensaheng ipinapahayag natin ay hindi mula sa atin kundi mula sa kaniya. At ang pag-ibig natin kay Jehova ang dapat na maging pinakamalakas na pangganyak sa atin para purihin siya.​—Filipos 1:​27, 28; 1 Tesalonica 2:13.

Talakayin Bilang Repaso

• Bakit mahalagang ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa lahat hangga’t maaari, ngunit anong reaksiyon ang maaasahan natin?

• Paano natin maipakikita na hindi tayo nananalig sa ating sariling lakas upang mapaglingkuran si Jehova?

• Anong mahahalagang aral ang natututuhan natin mula sa aklat ng Mga Gawa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 173]

Gaya noong nakalipas, sinasalita ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang salita ng Diyos nang may katapangan