Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sumasapit sa Maluwalhating Tagumpay ang Layunin ni Jehova

Sumasapit sa Maluwalhating Tagumpay ang Layunin ni Jehova

Ikadalawampu’t Isang Kabanata

Sumasapit sa Maluwalhating Tagumpay ang Layunin ni Jehova

1, 2. (a) Ano ang layunin ni Jehova may kaugnayan sa kaniyang matatalinong nilalang? (b) Sinu-sino ang kabilang sa nagkakaisang pamilya ng mga mananamba ng Diyos?

 ANG lahat ng matatalinong nilalang ay nagkakaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos at sila ay pawang nagtatamasa ng maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos​—iyan ang maibiging layunin ni Jehova. Iyan din ang marubdob na hangarin ng mga umiibig sa katuwiran.

2 Sinimulang isakatuparan ni Jehova ang dakilang layuning ito nang umpisahan niya ang kaniyang mga gawang paglalang. Ang kaniyang unang nilalang ay isang Anak na mula nang buhaying muli ay naging ‘ang sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’ (Hebreo 1:1-3) Namumukod-tangi ang Anak na ito, yamang nag-iisa lamang ang Diyos nang lalangin siya. Pagkaraan, ang lahat ng iba pa ay umiral sa pamamagitan ng Anak na ito: una ay ang mga anghel sa langit, pagkatapos ay ang mga tao sa lupa. (Job 38:7; Lucas 3:38) Ang lahat ng ito ang bumubuo ng isang pansansinukob na pamilya. Para sa kanilang lahat, si Jehova ang Diyos, ang Pansansinukob na Soberano, at ang kanilang maibiging Ama.

3. (a) Ano ang namana nating lahat mula sa ating unang mga magulang? (b) Anong maibiging paglalaan ang ginawa ni Jehova para sa mga supling ni Adan?

3 Nang mahatulang mamatay ang ating unang mga magulang na tao bilang mga kusang nagkasala, sila ay pinalayas mula sa Eden at itinakwil ng Diyos. Hindi na sila naging bahagi ng kaniyang pansansinukob na pamilya. (Genesis 3:22-24; Deuteronomio 32:​4, 5) Tayong lahat ay kanilang mga inapo, kaya naisilang tayo na may mga makasalanang hilig. Ngunit batid ni Jehova na ang ilan sa mga inapo nina Adan at Eva ay iibig sa katuwiran. Kaya Siya ay maibiging gumawa ng paglalaan na sa pamamagitan nito ay matatamo nila ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:​20, 21.

Naiwala ang Sinang-ayunang Katayuan ng Israel

4. Anong pribilehiyo ang ipinaabot ni Jehova sa sinaunang Israel?

4 Mga 2,500 taon pagkatapos lalangin si Adan, ipinaabot ni Jehova sa ilang tao ang pribilehiyo na magkaroon ng isang pantanging kaugnayan sa Kaniya. Pinili niya ang sinaunang Israel upang maging kaniyang bayan at ibinigay sa kanila ang kaniyang Kautusan. (Genesis 12:​1, 2) Ginawa niya silang isang bansa at ginamit sila may kaugnayan sa kaniyang layunin. (Deuteronomio 14:​1, 2; Isaias 43:1) Gayunman, sila ay alipin pa rin ng kasalanan at kamatayan, kaya hindi nila tinamasa ang maluwalhating kalayaan na dating taglay nina Adan at Eva.

5. Paano naiwala ng mga Israelita ang kanilang pantanging katayuan sa Diyos?

5 Gayunpaman, ang mga Israelita ay may sinang-ayunang katayuan sa Diyos. Pananagutan din nila na igalang si Jehova bilang kanilang Ama at kumilos kasuwato ng kaniyang layunin. Idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagtupad nila sa obligasyong iyon. (Mateo 5:43-48) Subalit hindi ito natupad ng bansang Israel. Bagaman inangkin ng mga Judiong iyon na “may isa kaming Ama, ang Diyos,” ipinahayag ni Jesus na pinabulaanan ng kanilang mga kilos at ng espiritung kanilang ipinakita ang gayong pag-aangkin. (Juan 8:​41, 44, 47) Noong 33 C.E., winakasan ng Diyos ang Kautusan, at naparam ang pantanging kaugnayan sa kaniya ng Israel. Ngunit nangangahulugan ba ito na hindi na magtatamasa kailanman ang mga tao ng isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos?

Tinitipon “ang mga Bagay na Nasa Langit”

6. Ano ang layunin ng “pangangasiwa” na binanggit ni Pablo sa Efeso 1:​9, 10?

6 Ipinakita ni apostol Pablo na maaaring tamasahin ng ilan sa sangkatauhan ang isang pantanging kaugnayan sa Diyos. Halimbawa, tungkol sa kaayusan ni Jehova na sa pamamagitan nito ay maaaring maging miyembro ng Kaniyang sambahayan ang mga nananampalataya, sumulat si Pablo: “Ipinaalam [ng Diyos] sa atin ang sagradong lihim ng kaniyang kalooban. Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:​9, 10) Ang “pangangasiwa[ng]” ito ay nakasentro kay Jesu-Kristo. Sa pamamagitan niya, ang mga tao ay inaakay tungo sa isang sinang-ayunang kalagayan sa harap ng Diyos. Isang limitadong bilang mula sa kanila ang may pag-asang mabuhay sa langit. Ang lubhang nakararami ay mabubuhay naman magpakailanman sa lupa.

7. Sinu-sino “ang mga bagay na nasa langit”?

7 Una, pasimula noong Pentecostes 33 C.E., binigyang-pansin “ang mga bagay na nasa langit,” samakatuwid nga, yaong mga magiging kasamang tagapagmana ni Kristo sa makalangit na Kaharian. Salig sa kanilang pananampalataya sa bisa ng hain ni Jesus, sila ay ipinahayag na matuwid ng Diyos. (Roma 5:​1, 2) Nang maglaon, isinali ang mga Judio at mga Gentil, at “ang mga bagay na nasa langit” ay aabot sa bilang na 144,000. (Galacia 3:26-29; Apocalipsis 14:1) Isang nalabi na lamang sa kanila ang naririto pa sa lupa.

Tinitipon “ang mga Bagay na Nasa Lupa”

8. Sinu-sino “ang mga bagay na nasa lupa,” at ano ang kanilang kaugnayan kay Jehova?

8 Tinitipon din ng pangangasiwang iyon “ang mga bagay na nasa lupa.” Milyun-milyong tao ang tinitipon ngayon na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kaisa ng mga nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian, dinadakila nila ang pangalan ni Jehova at itinatanyag ang kaniyang pagsamba. (Isaias 2:​2, 3; Zefanias 3:9) Tinatawag din nilang “Ama” si Jehova dahil kinikilala nila siya bilang ang bukal ng buhay. At nagtatamasa sila ng sinang-ayunang katayuan sa harap niya salig sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Jesus. (Apocalipsis 7:​9, 14) Subalit yamang sila ay hindi pa sakdal, ang lubusang pagkilala sa kanila bilang mga anak ng Diyos ay sa hinaharap pa mangyayari.

9. Anong pangako ang ibinibigay ng Roma 8:21 para sa sangkatauhan?

9 Ang mga ito na may makalupang pag-asa ay sabik na naghihintay sa panahon na ang mga nilalang na tao ay “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan.” (Roma 8:21) Ang pagpapalayang iyan ay magsisimula pagkatapos wakasan ni Kristo at ng kaniyang makalangit na hukbo ang malaking kapighatian sa pamamagitan ng Armagedon na siyang kasukdulan nito. Mangangahulugan ito ng pagkapuksa ng buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, na susundan ng mga pagpapala ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.​—Apocalipsis 19:17-21; 20:6.

10. Ang mga lingkod ni Jehova ay aawit ng anong awit ng papuri?

10 Tunay ngang napakasaya kapag nagkaisa ang mga lingkod ni Jehova sa lupa upang ibulalas din ang damdamin ng kaniyang mga lingkod sa langit, na may-kagalakang nagpapahayag: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong mga matuwid na batas ay nahayag na.” (Apocalipsis 15:​3, 4) Oo, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay magkakaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos. Maging ang mga patay ay bubuhayin at bibigyan ng pagkakataong makasama sa paglalakas ng kanilang mga tinig sa pagpuri kay Jehova.​—Gawa 24:15.

Kamangha-manghang Kalayaan sa Hinaharap

11. Anong kamangha-manghang kalayaan ang tatamasahin ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian?

11 Pagkaraang mapawi ng malaking kapighatian, at ng Armagedon na siyang kasukdulan nito, ang kabalakyutan sa lupa, si Satanas na Diyablo ay hindi na magiging “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” Hindi na kailangan pang makipagpunyagi ang mga mananamba ni Jehova sa buktot na impluwensiya ni Satanas. (2 Corinto 4:4; Apocalipsis 20:​1, 2) Hindi na magagawa ng huwad na relihiyon na may-kamaliang ipakilala si Jehova at hindi na ito magsisilbing isang impluwensiyang nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa lipunan ng tao. Hindi na daranasin ng mga lingkod ng tunay na Diyos ang kawalang-katarungan at pagsasamantala ng mga awtoridad na tao. Talaga ngang kamangha-mangha ang kalayaang tatamasahin!

12. Paano mapalalaya ang lahat mula sa kasalanan at sa mga epekto nito?

12 Bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan,” gagamitin ni Jesus ang bisa ng kaniyang hain upang pawiin ang kasalanan ng sangkatauhan. (Juan 1:29) Noong si Jesus ay nasa lupa at pinatawad ang mga kasalanan ng isang tao, pinagaling niya ang isang iyon na pinatawad bilang patotoo nito. (Mateo 9:1-7; 15:​30, 31) Sa katulad na paraan, si Kristo Jesus, bilang makalangit na Hari ng Kaharian ng Diyos, ay makahimalang magpapagaling sa mga bulag, pipi, bingi, baldado, may sakit sa isip, at sa mga may iba pang karamdaman. (Apocalipsis 21:​3, 4) Mawawalan ng bisa ang “kautusan ng kasalanan” sa lahat ng mga masunurin upang ang kanilang mga pag-iisip at kilos ay maging kalugud-lugod, kapuwa sa kanilang sarili at sa Diyos. (Roma 7:21-23) Pagsapit ng katapusan ng Milenyo, naakay na sila sa kasakdalan bilang tao, ayon sa ‘larawan at wangis’ ng tanging tunay na Diyos.​—Genesis 1:26.

13. Sa katapusan ng Milenyong Pamamahala, ano ang gagawin ni Kristo, at ano ang magiging resulta?

13 Kapag naakay na ni Kristo ang sangkatauhan sa kasakdalan, kung gayon ay ibabalik na niya sa Ama ang awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya para sa gawaing ito: “Ibinigay niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag pinawi na niya ang lahat ng pamahalaan at ang lahat ng awtoridad at kapangyarihan. Sapagkat kailangan siyang mamahala bilang hari hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa.” (1 Corinto 15:​24, 25) Lubusan nang naisakatuparan sa panahong iyon ng Milenyong Pamamahala ng Kaharian ang layunin nito; kaya hindi na kailangan pang manatili sa pagitan ni Jehova at ng sangkatauhan ang katulong na pamahalaang ito. At yamang sa panahong iyon ay lubusan nang napawi ang kasalanan at kamatayan at natubos na ang sangkatauhan, matatapos na ang pangangailangan kay Jesus bilang isang Tagatubos. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”​—1 Corinto 15:28.

14. Sa ano ipasasailalim ang lahat ng pinasakdal na tao, at bakit?

14 Pagkatapos nito, ang pinasakdal na sangkatauhan ay bibigyan ng pagkakataon na ipakitang ang pasiya nila ay ang paglingkuran ang tanging tunay na Diyos magpakailanman. Kaya naman, bago sila lubusang tanggapin bilang kaniyang mga anak, ipasasailalim muna ni Jehova sa isang pangwakas na pagsubok ang lahat ng pinasakdal na tao. Pakakawalan si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa kalaliman. Hindi ito magdudulot ng walang-hanggang pinsala sa mga tunay na umiibig kay Jehova. Ngunit sinumang walang-katapatang magpapaakay tungo sa pagsuway kay Jehova ay pupuksain magpakailanman, kasama ng orihinal na rebelde at ng kaniyang mga demonyo.​—Apocalipsis 20:7-10.

15. Anong kalagayan ang muli na namang iiral sa gitna ng lahat ng matatalinong nilalang ni Jehova?

15 Pagkatapos noon ay tatanggapin na ni Jehova bilang kaniyang mga anak ang lahat ng pinasakdal na tao na nagtaguyod ng pagkasoberano ng Diyos sa panahong iyon ng pangwakas na pagsubok. Magmula sa panahong iyon, lubusan na nilang tatamasahin ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos bilang bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos. Lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa ay muli na namang magkakaisa sa pagsamba sa kaniya bilang ang tanging tunay na Diyos. Sumapit na sa panahong iyon ang layunin ni Jehova sa maluwalhating tagumpay! Nais mo bang maging bahagi ng maligaya, walang hanggan, at pansansinukob na pamilyang iyon? Kung oo, pinasisigla ka namin na bigyang-pansin ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Juan 2:17: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”

Talakayin Bilang Repaso

• Bago ang paghihimagsik sa Eden, ano ang kaugnayan kay Jehova ng lahat ng mga sumasamba sa kaniya?

• Anong pananagutan ang nakaatang sa mga lingkod ng Diyos?

• Sino pa ang magiging mga anak ng Diyos, at paano ito nauugnay sa layunin ni Jehova may kinalaman sa nagkakaisang pagsamba?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 190]

Tatamasahin ng masunuring mga tao ang buhay sa isang pangglobong paraiso