Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Ibinunga ng Paghihimagsik?

Ano ang Ibinunga ng Paghihimagsik?

Bahagi 7

Ano ang Ibinunga ng Paghihimagsik?

1-3. Papaano pinatunayan ng panahon na tama ang sinabi ni Jehova?

 TUNGKOL sa isyu ng karapatan ng Diyos na mamahala, ano ba ang naging bunga ng lahat ng mga siglong ito ng pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos? Napatunayan ba ng mga tao na sila’y mas mabubuting tagapamahala kaysa Diyos? Kung tayo’y hahatol batay sa ulat ng kalupitan ng tao sa kapuwa tao, tiyak na hindi.

2 Nang tanggihan ng ating unang mga magulang ang pamamahala ng Diyos, kapahamakan ang sumunod. Sila’y nagdala ng paghihirap sa kanilang sarili at sa lahat ng tao na kanilang supling. At wala naman silang dapat sisihin kundi ang kanila ring sarili. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sila’y nagpakasama sa ganang kanilang sarili; sila’y hindi niya mga anak, sila ang may gawa ng kanilang kapansanan.”​—Deuteronomio 32:5.

3 Ipinakita ng kasaysayan na tama ang babala ng Diyos kina Adan at Eva na kung sila’y aalis sa ilalim ng mga paglalaan ng Diyos, sila’y patuloy na manghihina at sa wakas ay mamamatay. (Genesis 2:​17; 3:19) Sila’y umalis nga sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at nang sumapit ang panahon sila’y nanghina at namatay.

4. Bakit lahat tayo ay inianak na di-sakdal, nagkakasakit at namamatay?

4 Ang nangyari pagkatapos sa lahat ng kanilang supling ay gaya ng ipinaliliwanag ng Roma 5:​12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan, ulo ng pamilya ng sangkatauhan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao.” Samakatuwid nang ang ating unang mga magulang ay maghimagsik laban sa pangangasiwa ng Diyos, sila’y naging mga makasalanan na may kapansanan. Kasuwato ng mga batas ng pagmamana, ang ibinungang di-kasakdalan ang tanging maipamamana nila sa kanilang mga supling. Kaya naman lahat tayo ay inianak na may kapansanan, nagkakasakit at namamatay.

5, 6. Ano ang pinatunayan ng kasaysayan tungkol sa pagsisikap ng tao na magtatag ng tunay na kapayapaan at kaunlaran?

5 Maraming daan-daang taon ang lumipas. Bumangon at lumubog ang mga imperyo. Bawat maisip na uri ng pamahalaan ay sinubok. Datapuwat, ulit at ulit na kakila-kilabot na mga bagay ang nangyari sa sangkatauhan. Pagkalipas ng anim na libong taon, iisipin ng isa na ang tao’y nakaunlad na hanggang sa punto na pagtatatag ng kapayapaan, katarungan, at kaunlaran sa buong lupa at na ngayon ay alam na alam na nila ang positibong kapakinabangan buhat sa kabaitan, pagkahabag, at pagtutulungan.

6 Subalit, ang kabaligtaran ang totoo. Walang uri ng gawang-taong pamahalaan ang nagdala ng tunay na kapayapaan at kaunlaran para sa lahat. Sa ika-20 siglo lamang na ito, nasaksihan natin ang sistematikong pamamaslang sa milyun-milyon noong panahon ng Pagkatupok (Holocaust) at ang pagkamatay ng mahigit na 100 milyon sa mga digmaan. Sa panahon natin di-mabilang na mga tao ang pinahirapan, pinaslang, at ibinilanggo bunga ng pagkapanatiko ng iba at ng mga di-pagkakaisa sa pulitika.

Ang Kalagayan sa Ngayon

7. Papaano mailalarawan ang kalagayan ng sangkatauhan sa ngayon?

7 Isa pa, isaalang-alang ang panlahatang kalagayan ng sangkatauhan sa ngayon. Laganap ang krimen at karahasan. Ang pag-aabuso sa droga ay isang salot. Malaganap ang mga sakit na likha ng seksuwal na pagtatalik. Ang kinatatakutang sakit na AIDS ay may epekto sa milyun-milyong mga tao. Sampu-​sampung milyong mga tao ang namamatay sa gutom o sa sakit taun-taon, samantalang iilan lamang ang nagtatamasa ng malaking kayamanan. Dinurumhan at nilalapastangan ng tao ang lupa. Ang buhay pampamilya at ang mga pamantayang moral ay gumuho na sa lahat ng dako. Tunay, ang buhay sa ngayon ay kasasalaminan ng pangit na pamamahala ng ‘diyos ng sanlibutang ito,’ si Satanas. Ang sanlibutan na siya ang panginoon ay malamig, malupit, at ubod ng sama.​—2 Corinto 4:4.

8. Bakit hindi natin masasabing ang mga tagumpay ng sangkatauhan ay tunay na kaunlaran?

8 Pinayagan ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng sapat na panahon upang makarating sa tugatog ng kanilang siyentipiko at materyal na kaunlaran. Ngunit tunay bang kaunlaran kung ang busog at pana ay hinalinhan ng mga machine gun, tangke, mga jet bomber, at nuclear missiles? Kaunlaran ba kung ang mga tao ay nakapaglalakbay sa kalawakan ngunit hindi makapamuhay na sama-sama sa kapayapaan sa lupa? Kaunlaran ba kung ang mga tao ay natatakot na lumakad sa mga lansangan kung gabi, o maging kung araw man sa ilang mga lugar?

Ang Pinatunayan ng Panahon

9, 10. (a) Ano ang malinaw na pinatunayan ng lumipas na daan-daang taon? (b) Bakit hindi aalisin ng Diyos ang malayang kalooban?

9 Pinatunayan ng lumipas na daan-daang taon na ang mga tao’y hindi nagtagumpay sa pagtutuwid ng kanilang sariling mga hakbang nang hiwalay sa pamamahala ng Diyos. Hindi nila magagawa iyan gaya rin nang kung papaano hindi sila mabubuhay nang hindi sila kumakain, umiinom, at humihinga. Malinaw ang ebidensiya: Tayo’y dinisenyo na dumipende sa patnubay ng ating Maylikha gaya ng kung papaano tayo nilalang na dumidepende sa pagkain, tubig, at hangin.

10 Sa pagpapahintulot sa kabalakyutan, minsan at magpakailanman na ipinakilala ng Diyos ang malungkot na bunga ng maling paggamit sa malayang kalooban. At ang malayang kalooban ay isang kayhala-halagang kaloob na imbes alisin sa mga tao, ang ginawa ng Diyos ay pinayagan silang makita kung ano ang idudulot ng maling paggamit niyaon. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi ng katotohanan nang sabihin nito: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Katotohanan din ang sinasabi nito: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Jeremias 10:​23; Eclesiastes 8:9.

11. Mayroon bang uri ng pamamahala ng tao ang nakapag-alis ng paghihirap?

11 Ang pagpapahintulot ng Diyos sa pamamahala ng tao sa loob ng anim na libong taon ay mariing nagpapakita na hindi mapahihinto ng tao ang paghihirap. Kailanman ay hindi niya nagawa iyan. Halimbawa, noong kaniyang kaarawan si Haring Solomon ng Israel, taglay ang lahat ng kaniyang karunungan, kayamanan, at kapangyarihan, ay hindi nalunasan ang kahirapan na bunga ng pamamahala ng tao. (Eclesiastes 4:​1-3) Sa ating kaarawan din naman ang mga lider ng daigdig, kahit na taglay ang pinakamodernong mga pagsulong sa teknolohiya, ay walang kakayahan na alisin ang paghihirap. Ang lalong masama, ipinakita ng kasaysayan na ang mga taong hindi umaasa sa pamamahala ng Diyos ang lalo pang nagpalubha ng kahirapan sa halip na alisin iyon.

Ang Pangmatagalang-Pananaw ng Diyos

12-14. Anong pangmatagalang mga pakinabang ang dumarating bilang resulta ng pagpapahintulot ng Diyos sa paghihirap?

12 Ang pagpapahintulot ng Diyos sa paghihirap ay naging masakit para sa atin. Ngunit siya’y may pangmatagalang-pananaw, yamang alam niya ang kabutihang ibubunga sa bandang huli. Ang pananaw ng Diyos ay pakikinabangan ng mga nilalang, hindi lamang ng mga ilang taon o mga ilang libong taon, kundi nang milyun-milyong mga taon, oo, ng walang-hanggan.

13 Sakaling may bumangon na namang kalagayan sa hinaharap na may maling gagamit sa malayang kalooban upang pag-alinlanganan ang paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi kakailanganing bigyan siya ng panahon na subuking patunayan ang kaniyang mga pananaw. Yamang libu-libong taon na ang naibigay sa mga rebelde, ang Diyos ay nakapagtatag na ng isang legal na pamarisan na maaaring sundin sa panahong walang-hanggan saanman sa sansinukob.

14 Yamang pinahintulutan ni Jehova ang kabalakyutan at paghihirap sa panahong ito, sapat nang napatunayan na walang anumang hindi niya kasuwato ang uunlad. Napatunayan na nang di-mapag-aalinlanganan na walang makasariling pakana ng mga tao o espiritung mga nilalang ang makapagdudulot ng walang-hanggang kapakinabangan. Sa gayon, ang Diyos ay lubos na may katuwirang mabilisang durugin ang sinumang rebelde. “Ang mga balakyot ay lilipulin niya.”​—Awit 145:​20; Roma 3:4.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Pagkatapos na piliin ng ating unang mga magulang ang paghiwalay sa Diyos, sa wakas sila ay tumanda at namatay

[Mga larawan sa pahina 16]

Ang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos ay napatunayan na nagbubunga ng kapahamakan

[Credit Line]

Larawang kuha ng Coast Guard sa E.U.