Isang Lupa na Wala Nang Paghihirap
Bahagi 2
Isang Lupa na Wala Nang Paghihirap
1, 2. Ano ang naiibang paniniwala ng marami?
GAYUNMAN, angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang may isang lubusang naiibang pangmalas. Kanilang nakikini-kinita ang isang kahanga-hangang kinabukasan para sa sangkatauhan. Kanilang sinasabi na dito mismo sa lupa malapit nang magkaroon ng isang sanlibutan na walang anumang kabalakyutan at paghihirap. Sila’y nagtitiwala na ang masama ay malapit nang alisin at isang lubusang bagong sanlibutan ang itatatag. Sinasabi pa nila na ang saligan ng bagong sanlibutang ito ay itinatatag na sa sandaling ito!
2 Ang mga taong ito ay naniniwala na ang bagong sanlibutan ay walang digmaan, kalupitan, krimen, pang-aapi, at karalitaan. Iyon ay magiging isang sanlibutan na walang sakit, kalungkutan, luha, at kamatayan. Sa panahong iyon ang mga tao ay susulong sa kasakdalan at mabubuhay magpakailanman sa kaligayahan sa isang makalupang paraiso. Aba, yaong nangamatay ay bubuhayin pa nga at magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman!
3, 4. Bakit ang gayong mga tao ay may pagtitiwala tungkol sa kanilang pangmalas?
3 Ang ganito bang pangmalas sa hinaharap ay isang panaginip lamang, isa lamang pag-asa sa isang bagay na mahirap mangyari? Hindi, talagang hindi. Ito ay nakasalig sa isang matatag na pananampalataya na ang dumarating na Paraisong ito ay tiyak na tiyak. (Hebreo 11:1) Bakit nga sila totoong sigurado? Sapagkat ang nangako nito ay ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha ng sansinukob.
4 Tungkol sa mga pangako ng Diyos, ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova ninyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang salita na hindi natupad.” “Ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling . . . Sinabi ba niya at hindi niya gagawin, o sinalita ba niya at hindi niya isasagawa?” “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinanukala, gayon matutupad.’ ”—Josue 23:14; Bilang 23:19; Isaias 14:24.
5. Anong mga tanong ang kailangang masagot?
5 Gayunman, kung ang layunin ng Diyos ay magtatag ng isang makalupang paraiso na walang paghihirap, bakit nga niya pinayagan ang masasamang bagay ay mangyari pa? Bakit siya naghintay ng anim na libong taon hanggang ngayon upang maituwid ang pagkakamali? Hindi kaya nagpapakita ang lahat ng mga daan-daang taóng ito ng paghihirap na ang Diyos ay wala talagang pagmamahal sa atin, o kaya’y hindi siya talagang umiiral?
[Mga Tanong sa Aralin]