Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang Paghihirap

Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang Paghihirap

Bahagi 6

Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang Paghihirap

1, 2. Papaano sinira ng ating unang mga magulang ang mainam na pasimula na ibinigay sa kanila ng Diyos?

 ANO ang nangyari? Ano ang naganap na sumira sa mainam na pasimula na ibinigay ng Diyos sa ating unang mga magulang sa Paraiso ng Eden? Bakit, sa halip na ang umiral ay kapayapaan at pagkakasundo sa Paraiso, ang kabalakyutan at paghihirap ang nanaig sa loob ng libu-libong taon?

2 Ang dahilan ay sapagkat ang kanilang malayang kalooban ay ginamit ni Adan at ni Eva sa maling paraan. Hindi nila isinaalang-alang na sila’y hindi magtatagumpay kung hiwalay sa Diyos at sa kaniyang mga batas. Sila’y nagpasiyang humiwalay sa Diyos, sa pag-aakala na ito’y magpapasulong ng kanilang buhay. Kaya sila’y humakbang palabas sa itinalaga ng Diyos na mga hangganan ng malayang kalooban.​—Genesis, kabanata 3.

Ang Isyu ng Pansansinukob na Soberanya

3-5. Bakit hindi basta nilipol ng Diyos sina Adan at Eva at nagsimula ng panibago?

3 Bakit hindi basta nilipol ng Diyos sina Adan at Eva at nagsimula ng panibagong mag-asawa? Sapagkat ang kaniyang pansansinukob na soberanya, samakatuwid nga, ang kaniyang di-maikakait na karapatang mamahala, ay hinamon.

4 Ang tanong ay: Sino ang may karapatang mamahala, at kaninong pamamahala ang matuwid? Ang kaniyang pagiging makapangyarihan-sa-lahat at pagka-Maylikha ng lahat ng nilalang ay nagbibigay sa Diyos ng karapatan na mamahala sa kanila. Yamang siya’y sakdal-dunong, ang kaniyang pamamahala ang pinakamagaling para sa lahat ng nilalang. Ngunit ang pamamahala ng Diyos ay hinamon na ngayon. Gayundin, mayroon bang tiwali kung tungkol sa kaniyang nilalang​—ang tao? Sa bandang huli ay susuriin natin kung papaano nasasangkot ang tungkol sa katapatan ng tao.

5 Sa paghiwalay ng tao sa Diyos, isa pang tanong ang ipinahihiwatig: Ang mga tao ba’y makagagawa nang lalong mabuti kung hindi pinamamahalaan ng Diyos? Tunay na alam ng Maylikha ang kasagutan, ngunit ang tiyak na paraan upang maalaman ito ng mga tao ay ang payagan sila na magkaroon ng lubos na kalayaan na ibig nila. Pinili nila ang ganiyang hakbangin udyok ng kanilang sariling malayang kalooban, kaya pinayagan iyon ng Diyos.

6, 7. Bakit pinayagan ng Diyos ang mga tao na magkaroon ng lubos na kalayaan sa loob ng napakahabang panahon?

6 Sa pagbibigay sa mga tao ng sapat na panahon upang gumawa ng pagsubok na taglay ang lubos na kalayaan, maitatatag ng Diyos sa lahat ng panahon kung mas magaling sa mga tao ang nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos o ng kanilang sarili. At ang panahong ipahihintulot ay kailangang may sapat na haba upang marating ng mga tao ang itinuturing na tugatog ng kanilang tagumpay sa pulitika, industriya, siyensiya, at panggagamot.

7 Samakatuwid, ang tao ay binigyan ng Diyos ng lubusang pagkakataon hanggang sa ating kaarawan upang ipakita nang walang bahagya mang pag-aalinlangan kung ang sariling pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya ay magtatagumpay. Sa gayo’y nakapamilì ang tao ng alinman sa kabaitan at kalupitan, sa pag-ibig at pagkapoot, sa katuwiran at kalikuan. Ngunit sa kaniya’y napaharap din ang bunga ng kaniyang pagpili: kabutihan at kapayapaan o kabalakyutan at paghihirap.

Paghihimagsik ng Espiritung mga Nilalang

8, 9. (a) Papaano nagsimula ang paghihimagsik sa dako ng mga espiritung nilalang? (b) Sino bukod kina Adan at Eva ang hinikayat ni Satanas na maghimagsik?

8 May isa pang bagay na dapat isaalang-alang. Ang ating unang-unang mga magulang ay hindi siyang tanging naghimagsik laban sa pamamahala ng Diyos. Ngunit sino pa ba ang umiiral noong panahong iyon? Mga espiritung nilalang. Bago lumalang ang Diyos ng mga tao, siya’y lumalang ng isang nakatataas na anyo ng buhay, ang napakaraming anghel, upang mamuhay sa langit. Sila ay nilalang din na may malayang kalooban at pangangailangan na pasakop sa pamamahala ng Diyos.​—Job 38:​7; Awit 104:​4; Apocalipsis 5:11.

9 Ipinakikita ng Bibliya na ang paghihimagsik ay nagsimula sa dako ng mga espiritu. Isang espiritung nilalang ang naghangad ng lubos na kalayaan. Naghangad pa man din siya na sambahin siya ng mga tao. (Mateo 4:​8, 9) Sa rebeldeng espiritung ito nagsimula ang paghikayat kina Adan at Eva upang maghimagsik, may kasinungalingang sinabi niya na sila’y pinagkakaitan ng Diyos ng isang bagay na mabuti. (Genesis 3:​1-5) Kaya siya ay tinawag na Diyablo (Maninirang-puri) at Satanas (Kalaban). Nang magtagal, kaniyang inakit ang ibang mga espiritung nilalang na maghimagsik. Sila’y nakilala bilang mga demonyo.​—Deuteronomio 32:​17; Apocalipsis 12:​9; 16:14.

10. Ano ang resulta ng paghihimagsik ng mga tao at mga espiritung nilalang?

10 Sa paghihimagsik laban sa Diyos, ang mga tao ay napadala sa panghihikayat ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Kaya naman ang tawag ng Bibliya kay Satanas ay “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na “bumulag sa isip ng mga di-sumasampalataya.” Kaya naman, sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.” Tinawag mismo ni Jesus si Satanas na “ang pinunò ng sanlibutang ito.”​—2 Corinto 4:​4; 1 Juan 5:​19; Juan 12:31.

Dalawang Isyu

11. Tungkol sa anong iba pang isyu hinamon ni Satanas ang Diyos?

11 Si Satanas ay nagbangon ng isa pang isyu na nagharap ng hamon sa Diyos. Sa katunayan, siya’y nagparatang na ang Diyos ay nagkamali sa paraan ng Kaniyang pagkalalang sa mga tao at wala isa man ang magnanais na gumawa nang matuwid pagka nasa ilalim ng kagipitan. Sa katunayan, kaniyang sinabi na sa ilalim ng pagsubok kanilang susumpain ang Diyos. (Job 2:​1-5) Sa ganitong paraan inilagay ni Satanas sa alanganin ang katapatan ng taong nilalang.

12-14. Papaano isisiwalat ng panahon ang katotohanan tungkol sa dalawang isyu na ibinangon ni Satanas?

12 Samakatuwid, pumayag ang Diyos na magkaroon ng sapat na panahon para makita ng lahat ng matalinong mga nilalang kung papaanong ang isyung ito at pati ang isyu ng soberanya ng Diyos ay lulutasin. (Ihambing ang Exodo 9:16.) Ang mga pangyayari sa kasaysayan ng tao ang magsisiwalat ng katotohanan tungkol sa dalawang isyung ito.

13 Unang-una, ano ang isisiwalat ng panahon tungkol sa isyu ng pansansinukob na soberanya, ang pagkamatuwid ng pamamahala ng Diyos? Ang mga tao ba’y makapamamahala sa kanilang sarili nang mas magaling kaysa Diyos? Ang anumang sistema ng pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos ay makapagpapairal kaya ng isang maligayang sanlibutan na walang digmaan, krimen, at pang-aapi? Kanila bang maaalis ang karalitaan at magdadala ng kaunlaran para sa lahat? Kanila bang mapagtatagumpayan ang sakit, pagtanda, at kamatayan? Ang pamamahala ng Diyos ay nilayon upang gawin ang lahat ng iyan.​—Genesis 1:​26-31.

14 Tungkol sa ikalawang isyu, ano ang isisiwalat ng panahon tungkol sa halaga ng nilalang na tao? Nagkamali ba ang Diyos sa paraan ng kaniyang pagkalalang sa mga tao? Mayroon bang sinuman sa kanila na gagawa nang matuwid kung nasa ilalim ng pagsubok? Mayroon bang bayan na magpapakitang ang ibig nila ay ang pamamahala ng Diyos sa halip na ang makasariling pamamahala ng tao?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Pinayagan ng Diyos na magkaroon ng panahon ang mga tao para marating nila ang tugatog ng kanilang tagumpay

[Credit Line]

Shuttle: Batay sa larawan ng NASA