Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Papaano Natin Malalaman na May Diyos

Kung Papaano Natin Malalaman na May Diyos

Bahagi 3

Kung Papaano Natin Malalaman na May Diyos

1, 2. Anong simulain ang tumutulong sa atin na tiyakin kung mayroon ngang Diyos?

 ANG isang paraan upang matiyak kung may Diyos ay ang ikapit ang matatag na simulaing ito: Ang isang bagay ay nangangailangan ng isang gumawa. Mientras masalimuot ang bagay na ginawa, tiyak na lalong malaki ang kakayahan ng gumawa.

2 Halimbawa, magmasid kayo sa palibot ng inyong tahanan. Ang mga mesa, silya, desk, kama, palayok, kawali, plato, at iba pang mga gamit sa pagkain ay pawang nangangailangan ng isang gumawa, gaya rin ng mga dingding, sahig, at kisame. Subalit, ang gayong mga bagay ay simpleng gawin kung ihahambing sa iba. Kung ang simpleng mga bagay ay nangangailangan ng isang gumawa, hindi ba makatuwiran na ang masalimuot na mga bagay ay nangangailangan ng isang lalong matalinong manggagawa?

Ang Ating Kagila-gilalas na Sansinukob

3, 4. Papaano ang kaalaman tungkol sa sansinukob ay tumutulong upang makilala natin na umiiral ang Diyos?

3 Ang isang relo ay nangangailangan ng isang manggagawa ng relo. Kumusta naman ang ating walang hangganang lalong masalimuot na sistema solar, na ang Araw at mga planeta nito ay umiikot dito na eksaktung-eksakto sa lumipas na di-mabilang na mga siglo? Kumusta naman ang kagila-gilalas na galaksing kinatitirhan natin, tinatawag na Milky Way, na may mahigit na 100 bilyon na mga bituin? Naranasan mo na bang huminto sa gabi upang pagmasdan ang Milky Way? Ikaw ba ay humanga? Pagkatapos ay pag-isipan ang di-kapani-paniwalang napakalawak na sansinukob na may napakaraming bilyun-bilyong mga galaksi na tulad ng ating Milky Way! Isa pa, ang mga paglalang sa kalawakan ay totoong mapanghahawakan sa kanilang paggalaw sa lumipas na mga siglo kung kaya sila’y inihambing sa mga orasan na may eksaktong oras.

4 Kung ang isang relo, na simpleng-simple kung ihahambing, ay nagpapakitang may gumawa, tunay na ang walang-hanggang lalong masalimuot at kagila-gilalas na sansinukob ay nagpapakitang may nagdisenyo at gumawa. Kaya inaanyayahan tayo ng Bibliya na ‘tumingala at malasin,’ at saka nagtatanong: “Sino ang lumalang ng mga bagay na ito?” Ang sagot: “Yaong Isa [ang Diyos] na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong kalakasan, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.” (Isaias 40:26) Samakatuwid, ang pag-iral ng sansinukob ay dahilan sa may isang di-nakikita, namamahala, na matalinong kapangyarihan​—ang Diyos.

Pambihira ang Pagkadisenyo sa Lupa

5-7. Anong mga ebidensiya tungkol sa lupa ang nagpapakitang may Nagdisenyo rito?

5 Habang pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang lupa, lalo naman nilang nakikita na pambihira ang pagkadisenyo nito para maging tirahan ng tao. Tamang-tama ang layo nito sa araw upang magkaroon ng hustong liwanag at init. Minsan sa isang taon ito’y umiikot sa araw, at tamang-tama ang anggulo ng pagkahilig, kaya posible ang iba’t ibang lagay ng panahon sa maraming panig ng mundo. Ang mundo ay umiikot din sa kaniyang sariling palaikutan tuwing 24 na oras, kaya may regular na mga pana-panahon ng liwanag at dilim. Ito’y may atmospera na tamang-tama ang pagkahalu-halo ng mga gas upang tayo’y makahinga at mabigyan ng proteksiyon buhat sa pumipinsalang radyasyon buhat sa kalawakan. Mayroon din ito ng kinakailangang tubig at lupa na mapagtatamnan ng makukunan ng pagkain.

6 Kung wala ang lahat na ito, at ang iba pa, na gumagawang sama-sama, ay hindi maaaring mabuhay. Lahat ba ng iyan ay nagkataon lamang? Ang Science News ay nagsasabi: “Waring ang ganiyang pantangi at tiyak na mga kalagayan ay mahirap na bumangon nang di-sinasadya.” Hindi, hindi maaaring magkagayon. Ang mga iyan ay bunga ng isang may-layuning pagkadisenyo ng isang sakdal-galing na Nagdisenyo.

7 Sakaling ikaw ay napapunta sa isang magandang bahay at nakita mo na iyon ay may saganang pagkain, anupat iyon ay may mahusay na sistema ng pagpapainit at air-condition, at mayroon iyon ng mahusay na mga gripo na mapagkukunan ng tubig, ano ang iyong masasabi? Na iyon ba ay sumipot lamang nang gayon? Hindi, tiyak na sasabihin mong isang taong intelihente ang nagdisenyo at gumawa niyaon nang buong ingat. Ang lupa ay dinisenyo rin at ginawa nang buong ingat upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga maninirahan dito, at ito’y higit na masalimuot at may saganang panustos kaysa alinmang bahay.

8. Ano pang mga ebidensiya tungkol sa lupa ang nagpapakita na tayo’y mahal ng Diyos?

8 At, isaalang-alang ang napakaraming bagay na nagdaragdag ng kaluguran sa buhay. Pagmasdan ang napakaraming magagandang sari-saring kulay na mga bulaklak na nasisiyahan ang mga tao sa kaaya-ayang halimuyak. At nariyan din ang sari-saring pagkain na pagkasasarap sa ating panlasa. Nariyan ang mga gubat, bundok, lawa, at iba pang mga paglalang na kaiga-igayang pagmasdan. Isa pa, ano ang dulot ng magagandang paglubog ng araw na nagdaragdag ng ating kasiyahan sa buhay? At sa daigdig ng mga hayop, hindi ba tayo natutuwa na makita ang paglalaro at kaibig-ibig na kalikasan ng mga tuta, kuting, at iba pang mga batang hayop? Samakatuwid ang lupa ay nagbibigay ng maraming nakatutuwang sorpresa na hindi naman lubhang kailangan upang tumustos sa buhay. Ipinakikita nito na dinisenyo ang lupa na taglay ang mapagmahal na pangangalaga, mga tao ang sumasaisip, upang tayo’y hindi lamang mabuhay kundi maligayahan sa buhay.

9. Sino ang gumawa sa lupa, at bakit niya ginawa ito?

9 Samakatuwid, ang makatuwirang pasiya ay ang kilalanin ang Tagapagbigay ng lahat ng mga bagay na ito, gaya ng iginawi ng manunulat ng Bibliya na nagsabi tungkol sa Diyos na Jehova: “Ikaw mismo ang gumawa ng langit at ng lupa.” Para sa anong layunin? Siya’y sumasagot sa pamamagitan ng pagtukoy sa Diyos bilang “ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanán.”​—Isaias 37:​16; 45:18.

Ang Nakapanggigilalas na Selulang Buháy

10, 11. Bakit ang isang selulang buháy ay lubhang nakapanggigilalas?

10 Kumusta naman ang mga bagay na may buhay? Hindi ba nangangailangan ito ng isang gumawa? Halimbawa, isaalang-alang ang ilan sa nakapanggigilalas na katangian ng isang selulang buháy. Sa kaniyang aklat na Evolution: A Theory in Crisis, ang molecular biologist na si Michael Denton ay nagsasabi: “Maging ang pinakasimple sa lahat ng nabubuhay na mga sistema sa lupa ngayon, ang mga selula ng baktirya ay labis na masalimuot. Bagaman ang kaliit-liitang mga selula ng baktirya ay di-kapani-paniwala sa kaliitan, . . . bawat isa sa katunayan ay isang mistulang pagkaliit-liit na pabrikang may libu-libong napakahusay ang pagkadisenyong mga piraso ng masalimuot na molekular na mga makina . . . na lalong masalimuot kaysa anumang makinang gawa ng tao at lubusang walang katulad sa daigdig ng mga bagay na walang buhay.”

11 Tungkol sa kodigo henetiko sa bawat selula, kaniyang sinasabi: “Ang kapasidad ng DNA na mag-imbak ng impormasyon ay lubhang nakahihigit sa anumang ibang kilalang sistema; ito ay totoong mahusay kung kaya lahat ng impormasyon na kailangan upang tiyakang ipakita ang lahat ng detalye ng isang organismo na kasinsalimuot ng tao ay tumitimbang nang wala pang ikailang libong milyon ng isang gramo. . . . Kung ihahambing sa antas ng kahusayan at kasalimuutan na makikita sa molekular na makina ng buhay, kahit na ang ating pinakamasulong na [mga produkto] ay lumilitaw na pangit. Para bang tayo’y minamaliit.”

12. Ano ang sinabi ng isang siyentipiko tungkol sa pinagmulan ng selula?

12 Isinusog pa ni Denton: “Ang pagkamasalimuot ng pinakasimpleng kilalang uri ng selula ay lubhang napakalaki kung kaya imposibleng tanggapin na ang gayong bagay ay nagkasama-samang bigla dahil sa isang uri ng kakatuwa, malayong matupad, na pangyayari.” Ito ay kailangang may nagdisenyo at gumawa.

Ang Ating Di-kapani-paniwalang Utak

13, 14. Bakit ang utak ay lalo nang kagila-gilalas kaysa isang selulang buháy?

13 Pagkatapos ay sinabi ng siyentipikong ito: “Kung tungkol sa pagkamasalimuot, ang isang indibiduwal na selula ay bale wala kung ihahambing sa isang sistema na katulad ng sa utak ng mga mamal. Ang utak ng tao ay binubuo ng mga sampung libong milyong selula ng nerbiyos. Bawat selula ng nerbiyos ay naglalabas ng nasa pagitan ng sampung libo at isandaang libong nagkukunektang mga himaymay na ginagamit upang makipag-ugnayan sa mga ibang selula ng nerbiyos sa utak. Lahat-lahat ang kabuuang bilang ng mga koneksiyon sa utak ng tao ay umaabot sa halos . . . isang libong milyong milyon.”

14 Nagpapatuloy pa si Denton: “Kahit na kung isang kasandaan lamang na bahagi ng mga koneksiyon sa utak ang espesipikong inorganisa, ito ay kumakatawan pa rin sa isang sistema na may lalong maraming bilang ng espesipikong mga koneksiyon kaysa buong network ng komunikasyon sa Lupa.” Pagkatapos ay nagtanong siya: “Magagawa kaya ng anumang uri ng walang planong biglaang paraan lamang ang makabuo ng gayong mga sistema?” Maliwanag, ang sagot ay hindi. Ang utak ay talagang may isang mapagmahal na Nagdisenyo at Gumawa.

15. Ano pa ang mga komento ng iba tungkol sa utak?

15 Dahil sa utak ng tao kahit na ang pinakamodernong mga computer ay nagtitinging lipas na. Ang manunulat sa siyensiya na si Morton Hunt ay nagsabi: “Ang ating aktibong memorya ay may maraming bilyong beses na impormasyon kaysa isang malaking kontemporaryong computer sa pananaliksik.” Sa gayon, ang siruhano sa utak na si Dr. Robert J. White ay nagsabi: “Ako’y wala nang magagawa kundi ang kilalanin ang pag-iral ng isang Nakatataas na Katalinuhan, na nagdisenyo at nagpaunlad sa di-kapani-paniwalang ugnayang utak-at-isip​—na di-abot ng unawa ng tao. . . . Ako’y naniniwala na lahat ng ito ay may matalinong pasimula, na may Isa na nagpapangyari nito.” Iyon ay kailangan ding Isa na nagmamahal.

Ang Walang-Katulad na Sistema ng Dugo

16-18. (a) Sa anong mga paraan walang-katulad ang sistema ng dugo? (b) Ano ang dapat maging konklusyon natin?

16 Isaalang-alang din ang walang katulad na sistema ng dugo na naghahatid ng mga sustansiya at oksiheno at proteksiyon laban sa impeksiyon. Tungkol sa mga pulang selula ng dugo, isang pangunahing bahagi ng sistemang ito, ang aklat na ABC’s of the Human Body ay nagsasabi: “Ang isang patak ng dugo ay may mahigit na 250 milyong bukod na mga selula ng dugo . . . Marahil ang katawan ay may 25 trilyon nito, na kung ikakalat, malalaganapan niyaon ang apat na láruan ng tenis. . . . Nagkakaroon ng mga paghahalili, sa bilis na 3 milyong mga bagong selula bawat segundo.”

17 Tungkol sa mapuputing selula ng dugo, na isa pang bahagi ng walang-katulad na sistema ng dugo, ang aklat ding iyon ay nagsasabi sa atin: “Bagaman may iisa lamang uri ng pulang selula, may maraming uri ng mapuputing selula ng dugo, bawat uri ay may kakayahang ipaglaban ang katawan sa isang naiibang paraan. Ang isang uri, halimbawa, ay lumilipol ng mga selulang patay. Ang ibang uri naman ay gumagawa ng mga antibodies laban sa mga virus, nag-aalis ng lason ng nakapapasok na mga materyang banyaga, o literal na kumakain at tumutunaw ng mga baktirya.”

18 Anong kagila-gilalas at lubhang organisadong sistema! Tiyak na ang anumang napakahusay na pinagsama-sama at lubusang nagbibigay ng proteksiyon ay may napakatalino at mapagmahal na tagapag-organisa​—ang Diyos.

Iba Pang mga Himala

19. Papaano maihahambing ang mata sa gawang-taong mga instrumento?

19 May marami pang ibang himala sa katawan ng tao. Isa na rito ang mata, na napakahusay ang pagkadisenyo kung kaya walang kamera na makapaparis dito. Ang astronomong si Robert Jastrow ay nagsabi: “Lumilitaw na ang mata ay dinisenyo; walang nagdisenyo ng mga teleskopyo ang makagagawa nang higit na magaling.” At ang publikasyong Popular Photography ay naglalahad: “Mas maraming detalye ang nakikita ng mga mata ng tao kaysa nagagawa ng film. Sila’y nakakakita sa tatlong dimensiyon, sa isang mas malawak na anggulo, di-nagbabago, patuloy na gumagalaw . . . Ang paghahambing ng kamera sa mata ng tao ay hindi isang makatuwirang paghahambing. Ang mata ng tao ay higit na katulad ng isang di-kapani-paniwalang modernong supercomputer na may artipisyal na talino, mga abilidad na magsaayos ng mga impormasyon, bilis, at mga paraan ng operasyon na nakahihigit kaysa anumang gawang-taong aparato, computer o kamera.”

20. Ano ang ilan sa iba pang kagila-gilalas na mga katangian ng katawan ng tao?

20 Pag-isipan din, kung papaano gumagana ang lahat ng masalimuot na sangkap ng katawan nang hindi natin namamalayan. Halimbawa, maraming iba’t ibang klase ng pagkain at inumin ang isinisilid natin sa ating mga tiyan, ngunit ang mga ito ay inihahanda ng katawan upang maging enerhiya. Subukin na ang gayong sari-saring mga bagay ay ilagay sa tangke ng gasolina ng isang auto at tingnan kung hanggang saan makararating iyon! At nariyan din ang himala ng pag-aanak, ang pagbuo ng isang kaibig-ibig na sanggol​—isang kopya ng mga magulang niya—​sa loob lamang ng siyam na buwan. At kumusta naman ang kakayahan ng isang bata na umiidad ng ilang taon lamang na matuto kung papaano magsalita sa wikang mahirap matutuhan?

21. Sa pagsasaalang-alang sa kamangha-manghang mga katangian ng katawan, ano ang sinasabi ng makatuwirang mga tao?

21 Oo, sa maraming kamangha-mangha, masalimuot na mga sangkap ng katawan ng tao ay nanggigilalas tayo. Ang mga bagay na iyon ay hindi magagaya ng sinumang inhinyero. Ito kaya ay gawa-gawa lamang na nagkataon lang? Tiyak namang hindi. Sa halip, pagka isinasaalang-alang ang lahat ng kamangha-manghang mga katangian ng katawan ng tao, ang makatuwirang mga tao ay nagsasabi nang gaya ng sinabi ng salmista: “Pupurihin kita [Diyos] sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan. Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.”​—Awit 139:14.

Ang Pinakadakilang Tagapagtayo

22, 23. (a) Bakit dapat nating kilalanin na umiiral ang Maylikha? (b) Ano ang may katuwiran ang Bibliya na sabihin tungkol sa Diyos?

22 Sinasabi ng Bibliya: “Bawat bahay ay may nagtayo, mangyari pa; subalit ang Diyos ang nagtayo ng lahat ng bagay na umiiral.” (Hebreo 3:​4, The Jerusalem Bible) Yamang bawat bahay, gaano mang kasimple iyon, ay tiyak na may nagtayo, ang lalong masalimuot na uniberso, lakip na ang napakaraming uri ng buhay sa lupa, ay tiyak din na may nagtayo. At yamang ating kinikilala na umiiral ang mga tao na umimbento ng mga kagamitan na gaya ng mga eroplano, telebisyon, at computer, hindi ba dapat din nating kilalanin na umiiral ang Isa na nagbigay sa mga tao ng utak upang magawa ang gayong mga bagay?

23 Ginagawa iyan ng Bibliya, tinatawag siya na “ang tunay na Diyos, si Jehova, . . . na Maylikha ng langit at ang Isang Dakila na nagladlad nito; na Siyang nagpanukala ng lupa at ng ani rito, na Siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao rito.” (Isaias 42:5) May katuwiran ang Bibliya na sabihin: “Karapat-​dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahilan sa iyong kalooban kung kaya sila’y umiral at nangalalang.”​—Apocalipsis 4:11.

24. Papaano natin malalaman na may Diyos?

24 Oo, malalaman natin na may Diyos sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya. “Sapagkat ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita magmula pa ng paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa [ng Diyos].”​—Roma 1:20.

25, 26. Bakit ang maling paggamit ng isang bagay ay hindi laban sa katuwiran na may gumawa niyaon?

25 Hindi dahil sa ginagamit sa maling paraan ang isang bagay na ginawa ay nangangahulugang walang gumawa niyaon. Ang eroplano ay magagamit para sa mapayapang mga layunin, bilang isang sasakyang panghimpapawid. Ngunit maaari ring gamitin ito para sa pagpuksa, bilang isang eroplanong tagapaghulog ng bomba. Ang paggamit nito bilang pamatay ay hindi nangangahulugang walang gumawa nito.

26 Sa katulad na paraan, hindi dahil sa ang mga tao ay malimit na lumalabas na masama ay nangangahulugan ito na sila’y walang Manlilikha, na walang Diyos. Kaya, tama ang puna ng Bibliya: “Nagpakasama kayong mga tao! Maibibilang bang putik ang magpapalayok? Sapagkat dapat bang sabihin ng bagay na ginawa sa maygawa sa kaniya: ‘Hindi niya ako ginawa’? At tungkol sa gumawa ay sasabihin ba ng mismong bagay na kaniyang ginawa: ‘Siya’y walang unawa’?”​—Isaias 29:16.

27. Bakit natin maaasahan na sasagutin ng Diyos ang ating mga tanong tungkol sa paghihirap?

27 Ang Maylikha ay nagpakita ng kaniyang karunungan sa pamamagitan ng kagila-gilalas na pagkamasalimuot ng mga bagay na kaniyang ginawa. Kaniyang ipinakita na talagang mahal niya tayo sapagkat ginawa niya ang lupa na tamang-tama upang mapamuhayan, ginawa niya ang ating mga katawan at mga isip sa gayong kahanga-hangang paraan, at ginawa niya ang napakaraming mabubuting bagay upang magbigay sa atin ng kasiyahan. Tiyak na siya’y magpapakita ng katulad na karunungan at pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasagutan sa mga katanungan na gaya ng: Bakit pinayagan ng Diyos ang paghihirap? Ano ang kaniyang gagawin tungkol dito?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 5]

Ang lupa, na may nagsasanggalang na atmospera, ay isang walang-katulad na tahanang dinisenyo para sa atin ng isang mapagmahal na Diyos

[Larawan sa pahina 6]

Ang lupa ay ginawa na taglay ang mapagmahal na pangangalaga upang lubusang tamasahin natin ang buhay

[Larawan sa pahina 7]

‘Ang isang utak ay may higit na koneksiyon kaysa buong network ng komunikasyon sa Lupa.’​—Molecular biologist

[Larawan sa pahina 8]

“Ang mata ay lumilitaw na dinisenyo; walang nagdisenyo ng mga teleskopyo na makagagawa nang lalong higit.”​—Astronomo