Kung Papaano Natin Nalalaman na Tayo’y Nasa “mga Huling Araw”
Bahagi 9
Kung Papaano Natin Nalalaman na Tayo’y Nasa “mga Huling Araw”
1, 2. Papaano natin masasabing tayo ay nasa mga huling araw na?
PAPAANO natin matitiyak na tayo’y nabubuhay sa panahon na ang Kaharian ng Diyos ay kikilos laban sa kasalukuyang sistema ng pamamahala ng tao? Papaano natin nalalaman na tayo’y pagkalapit-lapit na sa panahon na wawakasan ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan at paghihirap?
2 Ibig ng mga alagad ni Jesu-Kristo na maalaman ang mga bagay na iyan. Kanilang tinanong siya kung ano “ang tanda” ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian at “ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Si Jesus ay sumagot sa pamamagitan ng pagbibigay ng detalyadong yumayanig-sa-daigdig na mga pangyayari at mga kalagayan na sama-samang magpapakita na “ang panahon ng kawakasan,” “ang mga huling araw” ng sistemang ito ang mga bagay ay sumapit na sa sangkatauhan. (Daniel 11:40; 2 Timoteo 3:1) Tayo ba sa siglong ito ay nakasaksi na sa kabuuang tanda? Oo, nasaksihan na natin, nang lubusan!
Mga Digmaang Pandaigdig
3, 4. Papaanong ang mga digmaan ng siglong ito ay katugma ng hula ni Jesus?
3 Inihula ni Jesus na ‘titindig ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.’ (Mateo 24:7) Noong 1914 ang daigdig ay napasangkot sa isang digmaan na nakasaksi sa pagpapakilos sa mga bansa at mga kaharian sa isang paraan na naiiba sa anumang digmaan bago nito. Sa pagkilala sa bagay na iyan, tinawag ito ng mga historyador noon na ang Dakilang Digmaan. Ito ang unang digmaan na ganoon ang uri sa kasaysayan, ang unang digmaang pandaigdig. Mga 20,000,000 sundalo at mga sibilyan ang nasawi, makapupung higit kaysa nasawi sa alinmang naunang digmaan.
4 Ang Digmaang Pandaigdig I ang palatandaan ng pasimula ng mga huling araw. Sinabi ni Jesus na ito at ang iba pang mga pangyayari ay “pasimula ng kahirapan.” (Mateo 24:8) Napatunayang totoo iyan, sapagkat ang Digmaang Pandaigdig II ay napatunayang lalong mabagsik, mga 50,000,000 sundalo at sibilyan ang nasawi. Sa ika-20 siglong ito, mahigit na 100,000,000 katao ang nasawi sa mga digmaan, mahigit na makaapat ang dami kaysa noong nakaraang 400 taon pagsama-samahin man! Tunay na kasumpa-sumpa nga ang pamamahala ng tao!
Iba Pang mga Katibayan
5-7. Ano ang iba pang mga katibayan na tayo’y nasa mga huling araw na?
5 Isinali ni Jesus ang iba pang mga bahagi ng tanda na magaganap sa mga huling araw: “Magkakaroon ng malalakas na lindol at sa iba’t ibang dako ay mga salot [mga epidemiya ng sakit] at mga kakapusan sa pagkain.” (Lucas 21:11) Iyan ay lubhang katugma ng mga pangyayari buhat noong 1914, yamang nagkaroon ng lubhang pagdami ng mga kahirapan buhat sa gayong mga kalamidad.
6 Ang malalakas na lindol ay palagiang mga kaganapan, na marami ang nasasawi. Ang trangkaso Espanyola lamang ay pumatay ng mga 20,000,000 katao pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I—tinataya ng iba na ang nasawi ay 30,000,000 o higit pa. Sa AIDS ay daan-daang libo ang nangasawi at maaaring milyun-milyon pa sa malapit na hinaharap ang mangasasawi. Bawat taon milyun-milyong katao ang namamatay sa sakit sa puso, kanser, at iba pang mga karamdaman. Milyun-milyon pa ang unti-unting pinapatay ng gutom. Tiyak na ang ‘mga mángangabayó ng Apocalipsis’ at ang kanilang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, at epidemiya ng sakit ay pumapatay nang napakarami sa sangkatauhan buhat noong 1914.—Apocalipsis 6:3-8.
7 Inihula ni Jesus ang pagdami ng krimen na nararanasan sa lahat ng bansa. Sinabi niya: “Dahilan sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig.”—Mateo 24:12.
8. Papaanong ang hula sa 2 Timoteo kabanata 3 ay katugma ng panahon natin?
8 Gayundin, inihula sa Bibliya ang pagguho ng moral na kitang-kita sa buong daigdig ngayon: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon . . . Ang mga taong balakyot at mga magdaraya ay lalong sasamâ.” (2 Timoteo 3:1-13) Lahat ng iyan ay natupad sa harap mismo ng ating mga mata.
Isa Pang Dahilan
9. Ano ang nangyari sa langit na kasabay ng pasimula ng mga huling araw sa lupa?
9 May isa pang dahilan ang pagdami ng kahirapan sa siglong ito. Kasabay ng pasimula ng mga huling araw noong 1914, mayroon pang isang pangyayari na nagsapanganib na lalo sa sangkatauhan. Noon, gaya ng sinasabi ng isang hula sa huling aklat ng Bibliya: “Sumiklab ang digmaan sa langit: si Miguel [si Kristo na nasa kapangyarihan na sa langit] at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon [si Satanas], at ang dragon at ang kaniyang mga anghel [ang mga demonyo] ay nakipagbaka ngunit hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12:7-9.
10, 11. Papaano naapektuhan ang sangkatauhan nang si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ibulid sa lupa?
10 Ano ba ang mga ibinunga nito sa sangkatauhan? Ang hula ay nagpapatuloy: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Oo, alam ni Satanas na ang kaniyang sistema ay malapit nang magwakas, kaya ginagawa niya ang lahat na magagawa niya upang italikod ang mga tao sa Diyos bago siya at ang kaniyang sanlibutan ay mailigpit. (Apocalipsis 12:12; 20:1-3) Napakaimbi nga ang espiritung mga nilalang na iyon sapagkat kanilang ginagamit sa masama ang kanilang malayang kalooban! Anong samâ ng mga kalagayan dito sa lupa sa ilalim ng kanilang impluwensiya, lalo na sapol noong 1914!
11 Hindi nga kataka-taka na inihula ni Jesus tungkol sa panahon natin: “Sa lupa ay manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon . . . Nanlulupay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:25, 26.
Malapit na ang Wakas ng Pamamahala ng mga Tao at ng mga Demonyo
12. Ano ang isa sa huling natitira pang mga hula na matutupad bago matapos ang sistemang ito?
12 Ilan pa bang mga hula sa Bibliya ang natitira na matutupad bago puksain ng Diyos ang kasalukuyang sistema? Kaunting-kaunti! Isa sa huli ay ang nasa 1 Tesalonica 5:3, na nagsasabi: “Samantalang sila ay nag-uusap-usap tungkol sa kapayapaan at katiwasayan, biglang-biglang sasapit sa kanila ang kapahamakan.” (The New English Bible) Ipinakikita nito na ang wakas ng sistemang ito ay magsisimula “samantalang sila ay nag-uusap-usap.” Dahil sa hindi patiunang nakikita ng sanlibutan, ang pagkapuksa ay darating sa mga sandaling hindi inaasahan, na ang pansin ng mga tao ay nakapako sa kanilang inaasahang kapayapaan at katiwasayan.
13, 14. Anong panahon ng kabagabagan ang inihula ni Jesus, at sa papaano ito magwawakas?
13 Paubos na ang panahon para sa sanlibutang ito na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi na magtatagal at ito ay sasapit sa kaniyang wakas sa isang panahon ng kabagabagan na tinukoy ni Jesus: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.”—Mateo 24:21.
14 Ang kasukdulan ng “malaking kapighatian” ay ang digmaan ng Armagedon ng Diyos. Ito ang panahon na tinukoy ni propeta Daniel pagka “dudurugin [ng Diyos] at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito.” Ito’y mangangahulugan ng wakas ng lahat ng kasalukuyang mga pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos. Ang kaniyang pamamahala sa Kaharian mula sa langit ay saka magkakaroon ng lubusang kapangyarihan sa lahat ng bahagi ng pamumuhay ng tao. Hindi na mangyayari kailanman, ayon sa hula ni Daniel, na ang kapangyarihang mamahala ay ipauubaya “sa ibang bayan.”—Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14-16.
15. Ano ang mangyayari sa impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo?
15 Sa panahong iyon lahat din ng impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo ay mapaparam. Ang mapaghimagsik na mga espiritung nilalang na iyan ay ililigpit upang sila’y hindi na “makapandaya pa sa mga bansa.” (Apocalipsis 12:9; 20:1-3) Sila’y nahatulan ng kamatayan at naghihintay ng pagkapuksa. Anong laking kaginhawahan para sa sangkatauhan na makalaya sa kanilang imbing impluwensiya!
Sino ang Makaliligtas? Sino ang Hindi Makaliligtas?
16-18. Sino ang makaliligtas sa wakas ng sistemang ito, at sino ang hindi makaliligtas?
16 Pagka ang mga kahatulan ng Diyos ay isinakatuparan na laban sa sanlibutang ito, sino ang makaliligtas? Sino ang hindi makaliligtas? Ipinakikita ng Bibliya na yaong mga nagnanais ng pamamahala ng Diyos ay bibigyan ng proteksiyon at makaliligtas. Yaong mga hindi nagnanais ng pamamahala ng Diyos ay hindi bibigyan ng proteksiyon kundi pupuksain kasama ng sanlibutan ni Satanas.
17 Ang Kawikaan 2:21, 22 ay nagsasabi: “Ang mga matuwid [yaong mga napasasakop sa pamamahala ng Diyos] ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot [yaong hindi napasasakop sa pamamahala ng Diyos], sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”
18 Ang Awit 37:10, 11 ay nagsasabi rin: “Sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Isinususog pa ng Aw 37 talatang 29: “Mamanahin ng mga matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailanman.”
19. Anong payo ang dapat nating isapuso?
19 Kailangang isapuso natin ang payo na nasa Awit 37:34, na nagsasabi: “Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain. Pagka nilipol na ang masasama, iyong makikita.” Ang mgaAw 37 talatang 37 at 38 ay nagsasabi: “Tandaan mo ang taong walang kapintasan at masdan mo ang matuwid, sapagkat ang kinabukasan ng taong iyon ay magiging mapayapa. Ngunit tungkol sa mga mananalansang sila ay malilipol nang sama-sama; ang wakas ng mga taong balakyot ay pagkalipol.”
20. Bakit natin masasabing ito’y pagkaliga-ligayang mga panahon na kabuhayan?
20 Anong laking kaginhawahan, oo, anong laking inspirasyon ang maalaman natin na talagang minamahal tayo ng Diyos at hindi na magtatagal ay wawakasan niya ang lahat ng kabalakyutan at mga kahirapan! Anong pagkaliga-ligayang maalaman na ang katuparan ng maniningning na mga hulang iyon ay kalapit-lapit na!
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 20]
Inihula ng Bibliya ang mga pangyayaring bubuo ng “tanda” ng mga huling araw
[Larawan sa pahina 22]
Di na magtatagal, sa Armagedon, yaong mga hindi pasasakop sa pamamahala ng Diyos ay lilipulin. Yaong mga pasasakop ay makaliligtas tungo sa isang matuwid na bagong sanlibutan