Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natutupad ang Layunin ng Diyos

Natutupad ang Layunin ng Diyos

Bahagi 8

Natutupad ang Layunin ng Diyos

1, 2. Papaano gumagawa ng paglalaan ang Diyos upang maalis ang pagdurusa?

 ANG pamamahala ng mapaghimagsik na mga tao at mga demonyo ay kumakaladkad sa sangkatauhan paatras sa loob ng maraming daan-daang taon. Subalit, hindi ipinagwawalang-bahala ng Diyos ang ating mga pagdurusa. Bagkus, sa lahat ng nalakarang mga dantaon, siya’y gumagawa ng paglalaan upang makalaya ang mga tao buhat sa pagkagapos sa kabalakyutan at pagdurusa.

2 Sa panahon ng paghihimagsik sa Eden, ang Diyos ay nagsimula na isiwalat ang kaniyang layunin na bumuo ng isang pamahalaan na gagawin ang lupang ito na isang tahanang paraiso para sa mga tao. (Genesis 3:15) Nang malaunan, bilang ang pangunahing tagapagsalita ng Diyos, ang dumarating na pamahalaang ito ng Diyos ay ginawa ni Jesus na tema ng kaniyang turo. Sinabi niya na ito ang magiging tanging pag-asa ng sangkatauhan.​—Daniel 2:​44; Mateo 6:​9, 10; 12:21.

3. Ano ang itinawag ni Jesus sa darating na pamahalaan para sa lupa, at bakit?

3 Ang itinawag ni Jesus sa darating na pamahalaan na iyon ng Diyos ay “ang kaharian ng mga langit,” yamang iyon ay magpupuno buhat sa langit. (Mateo 4:17) Kaniya ring tinawag iyon na “ang kaharian ng Diyos,” yamang ang Diyos ang Autor niyaon. (Lucas 17:20) Sa loob ng lumipas na mga daan-daan taon kinasihan ng Diyos ang kaniyang mga manunulat na isulat ang mga hula tungkol sa mga bubuo ng pamahalaang iyon at kung ano ang gagawin niyaon.

Ang Bagong Hari ng Lupa

4, 5. Papaano ipinakita ng Diyos na si Jesus ang kaniyang sinang-ayunang Hari?

4 Si Jesus, halos dalawang libong taon na ngayon, ang tumupad ng maraming hula tungkol sa isa na magiging Hari ng Kaharian ng Diyos. Siya’y napatunayang ang pinili ng Diyos para maging Tagapamahala ng makalangit na pamahalaang iyon sa sangkatauhan. At pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli ng Diyos sa langit bilang isang makapangyarihan, walang-kamatayang nilalang na espiritu. May maraming saksi sa kaniyang pagkabuhay-muli.​—Gawa 4:​10; 9:​1-9; Roma 1:​1-4; 1 Corinto 15:3-8.

5 Pagkatapos si Jesus ay “umupo sa kanan ng Diyos.” (Hebreo 10:12) Doon ay naghintay siya sa panahon na bibigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan upang kumilos bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Tinupad nito ang hula sa Awit 110:​1, na kung saan sinabi sa kaniya ng Diyos: “Umupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.”

6. Papaano ipinakita ni Jesus na siya’y karapat-dapat na maging Hari ng Kaharian ng Diyos?

6 Samantalang narito sa lupa, ipinakita ni Jesus na siya’y karapat-dapat para sa gayong tungkulin. Sa kabila ng pag-uusig, siya’y nanatiling tapat sa Diyos. Sa paggawa ng gayon, ipinakita niyang nagsinungaling si Satanas nang sabihin nito na walang taong magiging tapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok. Si Jesus, isang sakdal na tao, ang ‘ikalawang Adan,’ ay nagpatunay na hindi nagkamali ang Diyos sa paglikha ng sakdal na mga tao.​—1 Corinto 15:​22, 45; Mateo 4:1-11.

7, 8. Anong mabubuting bagay ang ginawa ni Jesus samantalang narito sa lupa, at ano ang kaniyang itinanghal?

7 Sino bang tagapamahala ang nakagawa ng kasimbuti ng ginawa ni Jesus sa loob ng mga ilang taon ng kaniyang ministeryo? Sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, pinagaling ni Jesus ang mga maysakit, ang lumpo, ang bulag, ang bingi, ang pipi. Binuhay pa man din niya ang mga patay! Kaniyang itinanghal sa maliit na paraan ang kaniyang gagawin para sa sangkatauhan sa buong lupa pagka siya’y naghawak na ng kapangyarihan sa Kaharian.​—Mateo 15:​30, 31; Lucas 7:11-16.

8 Napakaraming kabutihan ang ginawa ni Jesus nang naririto sa lupa kung kaya sinabi ng kaniyang alagad na si Juan: “Sa katunayan, marami pang ibang mga bagay na ginawa ni Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasya ang mga balumbon ng mga aklat na susulatin.”​—Juan 21:25. a

9. Bakit ang tapat-pusong mga tao ay nagkulumpunan kay Jesus?

9 Si Jesus ay mabait at mahabagin, may napakalaking pag-ibig sa mga tao. Kaniyang tinulungan ang mga dukha at ang mga api, ngunit hindi naman niya pinagkaitan yaong mayayaman o nasa tungkulin. Ang tapat-pusong mga tao ay tumugon sa maibiging paanyaya ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:​28-30) Ang mga taong may takot sa Diyos ay nagkulumpunan sa kaniya at inasam-asam ang kaniyang pamamahala.​—Juan 12:19.

Mga Kasamang Tagapamahala

10, 11. Sino ang makakasama ni Jesus pagka pinagharian na niya ang lupa?

10 Kung papaano sa mga pamahalaan ng tao ay may magkakasamang tagapamahala, ganoon din sa makalangit na Kaharian ng Diyos. May mga iba pa bukod kay Jesus na makakasama niya sapagkat ipinangako ni Jesus sa kaniyang matalik na mga kasama na sila’y magpupunong kasama niya bilang mga hari sa sangkatauhan.​—Juan 14:​2, 3; Apocalipsis 5:​10; 20:6.

11 Samakatuwid, kasama ni Jesus, ang isang limitadong bilang ng mga tao ay binubuhay rin tungo sa makalangit na buhay. Sila ang bumubuo ng Kaharian ng Diyos na magdadala ng walang-hanggang mga pagpapala sa sangkatauhan. (2 Corinto 4:​14; Apocalipsis 14:​1-3) Kaya naman sa nalakarang mga panahon, inilatag ni Jehova ang mga saligan para sa isang pamamahala na magdadala ng walang-hanggang mga pagpapala sa sangkatauhan.

Matatapos na ang Makasariling Pamamahala

12, 13. Ano ang handang gawin na ngayon ng Kaharian ng Diyos?

12 Sa siglong ito ang Diyos ay tuwiran nang kasangkot sa mga pangyayari sa lupa. Gaya ng tatalakayin sa Bahagi 9 ng brosyur na ito, ipinakikita ng hula sa Bibliya na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay itinatag noong 1914 at ngayon ay handa nang durugin nito ang buong sistema ni Satanas. Ang Kahariang iyan ay handa nang “humayo’t manupil sa gitna ng mga kaaway [ni Kristo].”​—Awit 110:2.

13 Tungkol dito ang hula sa Daniel 2:​44 ay nagsasabi: “Sa mga kaarawan ng mga haring iyon [na umiiral ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman, ni ang soberanya man niyaon ay ipauubaya sa ibang bayan [ang pamamahala ng tao ay hindi na muling papayagan]. Dudurugin niyaon [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat ng mga kahariang ito at wawakasan ang mga ito, at iyon ay tatayo magpakailanman.”​—Revised Standard Version.

14. Ano ang ilang mga pakinabang na darating dahil sa pagkaalis ng pamamahala ng tao?

14 Pagka ang lahat ng pamamahala na hiwalay sa Diyos ay naalis na, ang lupa ay lubusang pamamahalaan na ng Kaharian ng Diyos. At yamang ang Kaharian ay nagpupuno buhat sa langit, ito’y hindi kailanman mapapasukan ng mga tao ng anumang masama. Ang kapangyarihang mamahala ay gagampanan buhat sa dako na talagang kinaroroonan niyaon sa mula’t sapol, sa langit, ang dako ng Diyos. At yamang ang pamamahala ng Diyos ang magkakaroon ng kapangyarihan sa buong lupa, wala nang sinuman na ililigaw ng huwad na relihiyon o ng di-kasiya-siyang mga pilosopiya ng tao at mga bungang-isip ng mga pulitiko. Hindi papayagang umiral ang alin man sa mga bagay na iyan.​—Mateo 7:​15-23; Apocalipsis, kabanata 17 hanggang 19.

[Talababa]

a Para sa buong talambuhay ni Jesus, tingnan ang aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, lathala noong 1991 ng Watchtower Society.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 18]

Samantalang narito sa lupa pinagaling ni Jesus ang mga maysakit at binuhay ang mga patay upang ipakita kung ano ang kaniyang gagawin sa bagong sanlibutan

[Larawan sa pahina 19]

Lilipulin ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang lahat ng anyo ng pamamahala na hiwalay sa kaniya