Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 10

Kaaway ng Pananampalataya—Ibinunyag

Kaaway ng Pananampalataya—Ibinunyag

BAGO pa lalangin ng Diyos na Jehova ang lupa, nilalang na niya ang mga anghel sa langit. Pero nang maglaon, hinangad ng isang anghel ang pagsambang nararapat lamang sa Diyos. Dahil dito, ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas, na ang ibig sabihin ay “Mananalansang,” samakatuwid nga, kaaway ng Diyos. Paano nilabanan ni Satanas ang Diyos?

Gumamit si Satanas ng isang ahas para linlangin si Eva

Sa pamamagitan ng isang ahas, nilinlang ni Satanas si Eva para sumuway sa Diyos. Pinalitaw niyang pinagkakaitan ng Diyos na Jehova si Eva ng isang bagay na mabuti nang pagbawalan ng Diyos si Eva na kainin ang bunga ng isang puno. Inakusahan niya ang Diyos na isang sinungaling at ipinahiwatig kay Eva na dapat nitong tanggihan ang patnubay ng Diyos. Sinabi ni Satanas: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata at kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 3:5) Naniwala naman si Eva sa kasinungalingan ni Satanas, kaya sinuway niya ang utos ng Diyos at inimpluwensiyahan si Adan na sumuway rin. Mula noon, naging kaaway na si Satanas ng lahat ng may tunay na pananampalataya. At patuloy niyang nililinlang ang mga tao hanggang ngayon. Paano?

Lumaganap ang Maling Pananampalataya

Ginagamit ni Satanas ang idolatriya at tradisyon ng mga tao para iligaw ang marami

Ginamit ni Satanas ang idolatriya at tradisyon ng mga tao para impluwensiyahan ang mga anak ni Israel. Sinabi ni Jesus, ang Mesiyas, sa mga lider ng kanilang relihiyon na walang kabuluhan ang kanilang pagsamba dahil itinuro nila ang “mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.” (Mateo 15:9) Nang itakwil ng bansang iyon ang Mesiyas, itinakwil din sila ng Diyos. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:43) Mula noon, ang mga tagasunod na ni Jesus ang naging piniling bayan ng Diyos.

Ang sumunod na inimpluwensiyahan ni Satanas ay ang mga tagasunod ni Jesus. Nagtagumpay ba siya? Inihula ni Jesus ang mangyayari gamit ang isang ilustrasyon. May isang lalaki na naghasik sa bukid ng mainam na trigo. Pagkatapos, isang kaaway naman ang naghasik ng panirang-damo sa gitna ng mainam na trigo. Pareho itong hinayaang lumaki hanggang sa pag-aani saka inihiwalay ang panirang-damo para sunugin. Tinipon naman ng may-ari ang trigo sa kaniyang imbakan.

Pagkatapos, ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang ibig sabihin ng ilustrasyon. Siya mismo ang Manghahasik. “Kung tungkol sa mainam na binhi,” ang sabi niya, “ito ay ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga panirang-damo ay ang mga anak ng isa na balakyot, at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay katapusan ng isang sistema ng mga bagay, at ang mga manggagapas ay mga anghel.” (Mateo 13:38, 39) Inihalintulad ni Jesus sa trigo ang kaniyang tunay na mga alagad. Pero naghasik si Satanas ng di-tunay na mga alagad, tulad ng panirang-damo, sa gitna nila. Kaya gaya ng inihula ni Jesus, sa paglipas ng mga siglo pagkamatay niya, lumitaw ang di-tunay na mga alagad. Nagturo sila ng maling mga doktrina, gaya ng Trinidad​—tatlong persona sa iisang diyos. Nagsimula rin silang sumamba sa idolo at makialam sa pulitika. Iilan lang ang nanghawakan sa turo ni Jesus.

Naingatan ang Tunay na Pananampalataya

Gayunman, gaya ng paliwanag ni Jesus, isang pagbabago ang magaganap. Ihihiwalay ng mga anghel ng Diyos ang mga walang tunay na pananampalataya para puksain. Pagkatapos, mas madali nang matutukoy kung sino ang mga may tunay na pananampalataya. Saka pupuksain si Satanas na Diyablo, ang talagang kaaway ng pananampalataya. Oo, mananaig ang tunay na pananampalataya!

Pero paano mo makikilala ang mga may tunay na pananampalataya? Tatalakayin ang sagot sa tanong na ito sa susunod na seksiyon.

Hinahanap ng mga anghel ng Diyos ang mga taong gustong magkaroon ng tunay na pananampalataya