Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 11

Magpakita ng Tunay na Pananampalataya Ngayon

Magpakita ng Tunay na Pananampalataya Ngayon

MARAMING tao sa ngayon ang nag-aangking may pananampalataya sila. Pero itinuro ni Jesus na iilan lang ang magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Sinabi niya: “Malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”​—Mateo 7:13, 14.

Paano ipinakikita ng mga tao sa ngayon na may tunay silang pananampalataya? “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila,” ang sabi ni Jesus. “Bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga.” (Mateo 7:16, 17) Kaya ang tunay na pananampalataya ay nagluluwal ng “mainam na bunga.” Inuudyukan nito ang mga tao na magpakita ng mga katangian ng Diyos. Paano?

Gamitin Nang Wasto ang Kapangyarihan

Ginagamit ng mga taong may tunay na pananampalataya ang kanilang kapangyarihan at awtoridad upang parangalan ang Diyos at makatulong sa iba. Itinuro ni Jesus: “Ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo.” (Marcos 10:43) Kaya ang mga may tunay na pananampalataya ay hindi naghahari-harian sa loob o labas ng tahanan. Minamahal nila at pinararangalan ang kanilang asawa at tinutugunan ang pangangailangan ng mga ito. Sinasabi ng Kasulatan: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” (Colosas 3:19) “Mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay, upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.”​—1 Pedro 3:7.

Sa kabilang banda, ang asawang babae na may tunay na pananampalataya ay “dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Ang mga asawang babae ay dapat na ‘umibig sa kanilang asawa’ at ‘umibig sa kanilang mga anak.’ (Tito 2:4) Ang mga magulang na may pananampalataya ay gumugugol ng panahon sa kanilang mga anak para ituro sa mga ito ang mga kautusan at prinsipyo ng Diyos. Sa tahanan, trabaho, at sa iba pang lugar, pinakikitunguhan nila ang iba nang may dignidad at paggalang. Sinusunod nila ang payo ng Kasulatan: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”​—Roma 12:10.

Sinusunod ng mga lingkod ng Diyos ang utos ng Kasulatan: “Huwag kang tatanggap ng suhol.” (Exodo 23:8) Hindi nila kailanman inaabuso ang kanilang posisyon para sa pansariling interes. Sa halip, humahanap sila ng mga pagkakataon para tulungan ang iba, lalo na ang mga nangangailangan. Sinusunod nila ang payo: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:16) Kaya napatutunayan nilang totoo ang pananalita ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Itaguyod ang Katarungan ng Diyos

Ang mga may tunay na pananampalataya ay kusang-loob na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, at para sa kanila, “ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Alam nila na “ang kautusan ni Jehova ay sakdal . . . Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.”​—Awit 19:7, 8.

Tunay na pananampalataya ang nag-uudyok sa kanila na iwasan ang lahat ng uri ng diskriminasyon. Hindi nila iniaangat ang isang partikular na lahi, bansa, o katayuan sa lipunan. Sa halip, tinutularan nila ang Diyos. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35.

Ang tunay na pananampalataya ay nag-uudyok sa mga tao na “gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ang isang mayroon nito ay umiiwas sa tsismis at paninira. Ganito ang isinulat ng mang-aawit na si David tungkol sa uri ng taong katanggap-tanggap sa Diyos: “Hindi siya naninirang-puri sa pamamagitan ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay wala siyang ginagawang masama.”​—Awit 15:3.

Ipakita ang Karunungan ng Diyos

Ibinabatay ng mga may tunay na pananampalataya ang kanilang paniniwala tangi lamang sa Banal na Kasulatan. Naniniwala sila na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Sa kanilang kaugnayan sa iba, ipinakikita nila ang “karunungan mula sa itaas,” na “malinis, pagkatapos ay mapayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga.” (Santiago 3:17) Iniiwasan nila ang di-makadiyos na mga tradisyon at espiritismo at ‘binabantayan ang kanilang sarili mula sa mga idolo.’​—1 Juan 5:21.

Magpakita ng Tunay na Pag-ibig

Sinabi ng propetang si Moises: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deuteronomio 6:5) Ganiyan ang ipinakikitang pag-ibig sa Diyos ng mga may tunay na pananampalataya. Iginagalang nila ang pangalan ng Diyos na Jehova. ‘Nagpapasalamat sila kay Jehova at tumatawag sa kaniyang pangalan’ nang may pananampalataya. (Awit 105:1) Sinusunod din ng mga lingkod ng Diyos ang kaniyang utos: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Iniiwasan nila ang karahasan at sinisikap na “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao,” na para bang “[pinupukpok] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” (Roma 12:18; Isaias 2:4) Sila ay “may pag-ibig sa isa’t isa” kaya nagkakaisa ang kanilang kapatiran sa buong daigdig. (Juan 13:35) Kilala mo ba sila?