SEKSIYON 3
Mga Payo na Bumabago ng Buhay
GUNIGUNIHING may lumipat na doktor sa inyong lugar. Sa simula, baka hindi ka pa masyadong tiwala sa kaniya. Pero paano kung ang ilang kaibigan mo ay kumonsulta sa kaniya at bumuti ang kanilang kalusugan? Hindi ba’t susubukan mo ring kumonsulta sa kaniya?
Ang Banal na Kasulatan ay parang doktor na iyan. Ang ilan ay nag-aalangang kumonsulta rito. Pero nang sundin naman nila ang mga payo nito, nagbago ang kanilang buhay. Tingnan ang ilang halimbawa.
Paglutas sa mga Problema ng Mag-asawa
“Sa simula ng aming pagsasama, pakiramdam ko’y binabale-wala ako ng mister kong si Dumas,” ang sabi ni Sumiatun. “Sa galit ko, madalas ko siyang sinisigawan, binabato ng kung anu-ano, at sinasaktan pa nga. Kung minsan, nahihimatay pa ako sa sobrang galit.
“Nang mag-aral ng Banal na Kasulatan si Dumas, tinuya ko siya. Pero habang nasa kabilang silid, palihim akong nakikinig sa pag-aaral niya. Minsan, narinig ko ang pagbasa sa Kasulatan: ‘Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon . . . Ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.’ (Efeso 5:22, 33) Nakonsensiya ako. Humingi ako ng tawad sa Diyos dahil sa mali kong pakikitungo sa aking asawa, at hiniling ko sa Kaniya na tulungan akong maging mabuting asawa. Di-nagtagal, magkasama na kaming nag-aaral ng Kasulatan ni Dumas.”
Sinasabi rin ng Banal na Kasulatan: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” (Efeso 5:28) Idinagdag ni Sumiatun: “Malaki ang naitulong sa amin ng mga natututuhan namin. Tinitimplahan ko na ng tsa si Dumas kapag umuuwi siya galing sa trabaho at lagi na akong mabait makipag-usap sa kaniya. Mas naging malambing naman si Dumas at tinutulungan na niya ako sa mga gawaing-bahay. Pareho naming sinikap na ‘maging mabait sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.’ (Efeso 4:32) Kaya naman lalong lumalim ang pag-ibig at paggalang namin sa isa’t isa. Ngayon, mahigit 40 taon na kaming nagsasama nang maligaya. Naisalba ng payo ng Salita ng Diyos ang aming pagsasama!”
Pagkontrol sa Galit
“Mainitin ang ulo ko,” ang sabi ni Tayib. “Lagi akong napapaaway at nanunutok ng baril. Ginugulpi ko rin ang asawa kong si Kustriyah hanggang sa bumulagta siya. Marami ang takót sa akin.
“Minsan, nabasa ko ang pananalitang ito ni Jesus: ‘Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo.’ (Juan 13:34) Natauhan ako at determinado nang magbago. Sa tuwing may namumuong galit sa dibdib ko, nananalangin ako sa Diyos para manatiling kalmado. Humuhupa naman ang galit ko. Sinunod din naming mag-asawa ang payo sa Efeso 4:26, 27: ‘Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo.’ Gabi-gabi kaming nagbabasa ng Kasulatan at nananalangin. Dahil dito, nawawala ang tensiyon sa bawat araw at nagiging mas malapít kami sa isa’t isa.
“Ngayon, kilala na ako bilang mapayapang tao. Minamahal ako at iginagalang ng aking asawa at mga anak. Marami rin akong kaibigan, at malapít ako sa Diyos. Talagang maligaya ako.”
Pag-iwan sa Bisyo
“Kabilang ako sa isang gang ng mga kabataan, sugapa sa sigarilyo, at madalas na sa kalsada nakakatulog dahil sa kalasingan,” ang kuwento ni Goin. “Gumagamit at nagbebenta rin ako ng droga—marijuana at ecstasy—na itinatago ko sa aking bulletproof vest. Sisiga-siga ako, pero ang totoo, lagi akong takót.
“Minsan, may nagpabasa sa akin ng tekstong ito: ‘Anak ko, ang aking kautusan ay huwag mong limutin . . . sapagkat ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag sa iyo.’ (Kawikaan 3:1, 2) Pangarap ko talagang mabuhay nang mahaba at payapa! Nabasa ko rin: ‘Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.’ (2 Corinto 7:1) Kaya itinigil ko ang pagdodroga at pakikisama sa gang, at nagsimulang maglingkod sa Diyos.
“Mahigit 17 taon na akong huminto sa paggamit ng droga. Mayroon akong magandang kalusugan, maligayang pamilya, mabubuting kaibigan, at malinis na budhi. At sa halip na sa kalsada makatulog dahil sa kalasingan, gabi-gabi akong natutulog nang mahimbing sa higaan.”
Pag-aalis ng Diskriminasyon sa Puso
“Noong tin-edyer ako, lagi akong sangkot sa krimen,” ang naalaala ni Bambang, “at karamihan sa mga biktima ko ay kabilang sa maliit na grupong etniko na kinasusuklaman ko.
“Pero nang maglaon, sinimulan kong hanapin ang Diyos. Sa aking paghahanap, natagpuan ko ang isang grupong nag-aaral ng Banal na Kasulatan. Doon, mainit ang pagtanggap sa akin ng mga taong kabilang sa mismong grupong etniko na kinasusuklaman ko! Nakita ko sa grupo nila ang mga taong magkakaiba ang lahi pero masayang magkakasama. Hangang-hanga ako! Saka ko naalaala ang sinasabi ng Kasulatan: ‘Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.’—Gawa 10:34, 35.
“Sa ngayon, wala nang diskriminasyon sa puso ko. Sa katunayan, ang ilang kaibigan ko ay mula sa grupong etniko na kinasusuklaman ko noon. Sa tulong ng Diyos at ng kaniyang Banal na Kasulatan, natuto akong magmahal ng kapuwa.”
Pagtalikod sa Karahasan
“Noong tin-edyer pa lang ako, tatlong beses akong nakulong—dalawang beses sa pagnanakaw at isang beses sa pananaksak ng isang lalaki,” ang sabi ni Garoga. “Sumama rin ako sa isang grupo ng mga rebelde. Marami akong napatay. Nang matapos ang labanan, naging lider ako ng isang grupo ng mga kriminal na nangingikil.
Lagi akong may kasamang mga bodyguard. Marahas ako at mapanganib.“Isang araw, nakonsensiya ako nang mabasa ko ang kasulatang ito: ‘Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala.’ (1 Corinto 13:4, 5) Lumipat ako sa ibang lugar, nag-aral ng Kasulatan, at sinunod ko ang mga payo nito.
“Ngayon, hindi na ako marahas. Sa halip, isa na akong iginagalang na guro ng Salita ng Diyos. May direksiyon na at layunin ang buhay ko.”
Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
Ipinakikita ng mga karanasang ito at ng maraming iba pa na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Ang mga payo nito ay simple, praktikal, at positibo.
Matutulungan ka rin kaya ng Banal na Kasulatan? Oo, kahit ano pa ang problema mo. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17.
Kaya tingnan natin ang ilang pangunahing turo na makikita sa Banal na Kasulatan.