Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 1

Nagmamalasakit ba sa Atin ang Diyos?

Nagmamalasakit ba sa Atin ang Diyos?

ANG daigdig sa ngayon ay punô ng problema. Milyun-milyon ang nagdurusa dahil sa digmaan, kalamidad, sakit, kahirapan, katiwalian, at iba pang masasamang bagay. At baka isa ka sa kanila. Sino kaya ang magmamalasakit at tutulong sa atin?

Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay mas dakila kaysa sa pagmamahal ng ina sa kaniyang sanggol

Makatitiyak tayo na talagang nagmamalasakit ang Diyos. Sa kaniyang Banal na Salita, sinabi niya: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” a

Hindi ba’t nakaaaliw iyan? Ang pag-ibig ng Diyos ay mas dakila kaysa sa pagmamahal ng ina sa kaniyang sanggol​—isa sa pinakamasidhing damdamin ng tao. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Diyos! Sa katunayan, malaki na ang naitulong niya sa atin. Paano? Ipinakita niya sa atin ang susi sa maligayang buhay​—tunay na pananampalataya.

Sa pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, magiging maligaya ka. Tutulong din ito sa iyo na maiwasan ang maraming problema at mapagtagumpayan naman ang mga di-maiiwasang problema. Mapapalapít ka rin sa Diyos at magkakaroon ng kapayapaan ng isip at puso. Isa pa, ang tunay na pananampalataya ay umaakay sa isang napakagandang kinabukasan​—buhay na walang hanggan sa Paraiso!

Pero ano nga ba ang tunay na pananampalataya? Paano ka magkakaroon nito?

a Tingnan ang Isaias 49:15 sa Banal na Kasulatan.